Pagpapahayag ng Bumalik na Panginoong Jesus | Paano Makikilala ang Diyos na Nasa Lupa
Lahat kayo ay nagagalak na tumanggap ng mga gantimpala sa harap ng Diyos at maging layon ng Kanyang pabor sa Kanyang mga mata. Ito ang inaasam ng bawa’t isa pagkatapos niyang magsimulang manampalataya sa Diyos, sapagka’t ang tao ay buong-pusong nagsisikap para sa mas mataas na mga bagay at walang sinuman ang handang mapag-iwanan ng iba. Ito ang pamamaraan ng tao. Dahil dito mismo, marami sa inyo ang palaging sinusubukan na makamit ang pabor ng Diyos na nasa langit, nguni’t sa katotohanan, ang inyong katapatan at pagiging-lantad sa Diyos ay malayung-malayo sa inyong katapatan at pagiging-lantad sa sarili. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagka’t hindi Ko kinikilala ang inyong katapatan sa Diyos sa ano mang paraan, at itinatanggi Ko rin ang pag-iral ng Diyos na umiiral sa inyong mga puso. Ibig sabihin, ang Diyos na inyong sinasamba, ang malabong Diyos na inyong hinahangaan, ay talagang hindi umiiral. Ang dahilan kung bakit nasasabi Ko ito nang ganoong katiyak ay sapagka’t napakalayo ninyo sa tunay na Diyos. Ang dahilan kung bakit may katapatan kayo ay dahil sa pag-iral ng isang diyus-diyosan sa inyong mga puso, at para sa Akin, ang Diyos na tila hindi malaki ni maliit sa inyong mga mata, ang tanging ginagawa ninyo ay kinikilala Ako sa mga salita. Kapag sinasabi Ko ang tungkol sa inyong malaking agwat mula sa Diyos, ang tinutukoy Ko ay kung gaano kayo kalayo sa tunay na Diyos, samantalang ang malabong Diyos ay parang abot-kamay lamang. Kapag sinasabi Kong “hindi dakila,” ang tinutukoy nito ay kung paanong ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo sa panahong ito ay mukhang tao lamang na walang malaking kakayanan; isang tao na hindi masyadong mataas. At kapag sinasabi Kong “hindi maliit,” ibig sabihin nito, bagama’t hindi kayang tawagin ng taong ito ang hangin at utusan ang ulan, gayunman kaya Niyang tumawag sa Espiritu ng Diyos para gumawa ng gawaing yumayanig sa mga kalangitan at lupa, iniiwang lubos na nalito ang tao. Sa panlabas, kayong lahat ay tila napakamasunurin sa Cristong ito sa lupa, ngunit sa diwa, wala kayong pananampalataya sa Kanya, ni iniibig Siya. Ang ibig Kong sabihin ay na ang totoong pinananampalatayanan ninyo ay ang malabong Diyos sa inyong mga damdamin, at ang totoong minamahal ninyo ay ang Diyos na pinananabikan ninyo sa gabi at sa araw, nguni’t hindi nakikita nang personal kailanman. At para sa Cristong ito, ang pananampalataya ninyo ay maliit na bahagdan lamang, at ang inyong pag-ibig sa Kanya ay balewala. Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay paniniwala at pagtitiwala; ang ibig sabihin ng pag-ibig ay pagsamba at paghanga sa puso, na kailanma’y hindi nawawala. Gayunman ang inyong pananampalataya at pag-ibig kay Cristo sa panahong ito ay malayung-malayo rito. Pagdating sa pananampalataya, paano kayo nagkakaroon ng pananampalataya sa Kanya? Pagdating sa pag-ibig, sa anong paraan ninyo Siya minamahal? Wala talaga kayong pagkaunawa sa Kanyang disposisyon, lalong hindi ninyo alam ang Kanyang substansya, kaya paano kayo nagkakaroon ng pananampalataya sa Kanya? Nasaan ang realidad ng inyong pananampalataya sa Kanya? Paano ninyo Siya minamahal? Nasaan ang realidad ng inyong pag-ibig sa Kanya?
Marami ang nakakasunod sa Akin nang walang pag-aatubili hanggang sa panahong ito, at sa paglipas nitong ilang taon, kayong lahat ay nagdurusa nang labis na pagkapagod. Lubusan Kong natatarok ang likas na katangian at mga pag-uugali ng bawa’t isa sa inyo, at lubhang napakahirap ang makisama sa inyo. Ang nakapanghihinayang ay kahit na nagkaroon Ako ng maraming kabatiran tungkol sa inyo ay wala kayo ni katiting na pagkaunawa tungkol sa Akin. Hindi nakapagtataka na sinasabi ng iba na kayo ay nalinlang ng isang tao sa isang sandali ng kalituhan. Tunay nga, wala kayong naiintindihan sa Aking disposisyon, at lalong hindi ninyo naaarok kung ano ang nasa Aking isipan. Ngayon ang mga maling pagkaunawa ninyo tungo sa Akin ay dagdag insulto sa pinsalang tinamo, at nananatiling isang litong pananampalataya ang pananampalataya ninyo sa Akin. Salungat sa pagsasabing may pananampalataya kayo sa Akin, mas mabuti pang sabihin na lahat kayo ay nanlalangis para sa Aking pabor at nambobola sa Akin. Napaka-simple ng inyong mga motibo—sinupamang nakapagkakaloob ng gantimpala sa akin, susundin ko, at sinupaman ang nakakagawang patakasin ako sa mga matitinding kapahamakan ay paniniwalaan ko, maging siya man ang Diyos o anumang tiyak na Diyos. Wala rito ang nakakabahala sa akin. Maraming mga ganiyang tao na kasama ninyo, at ang kundisyong ito ay napakalubha. Kung, isang araw, isang pagsubok ang ginagawa para malaman kung ilan sa inyo ang may pananampalataya kay Cristo dahil mayroon kayong pananaw sa Kanyang substansya, kung gayon, Ako’y nangangambang wala ni isa sa inyo ang makagagawa ng ayon sa Aking inaasam. Kaya't hindi magiging masakit para sa bawa’t isa sa inyo na isaalang-alang ang tanong na ito: Ang Diyos na inyong pinananampalatayanan ay napakalaki ang pagkakaiba sa Akin, at yamang ganito, ano naman ang kakanyahan ng inyong pananampalataya sa Diyos? Mas higit ninyong pinaniniwalaan ang tinatawag ninyong Diyos, lalo kayong napapalayo sa Akin. Ano, kung gayon, ang buod ng usaping ito? Sigurado Ako na wala ni isa sa inyo ang kailanma’y nagsaalang-alang sa usaping ito, nguni’t naiisip ba ninyo ang kabigatan ng usaping ito? Sumasagi ba sa inyong isipan ang magiging resulta kung ipagpapatuloy ninyo ang ganitong anyo ng paniniwala?
Ngayon, ang mga problemang nasa inyong harapan ay marami, at wala ni isa sa inyo ang sanáy sa pagbuo ng mga solusyon. Kung magpapatuloy ito, ang tanging talunan ay ang inyong mga sarili. Tutulungan Ko kayong makita ang mga problema, nguni’t nasasa inyo ang paghahanap ng mga solusyon.
Lubos Kong kinalulugdan ang mga hindi nagkikimkim ng paghihinala tungkol sa iba at gustung-gusto Ko rin yaong mga tumatanggap kaagad ng katotohanan; ang dalawang uri ng mga taong ito ang lubos Kong kinakalinga, dahil sa Aking paningin sila ay matapat na mga tao. Kung masyado kang mapanlinlang, magkakaroon ka ng mapagsaalang-alang na puso at mga kaisipan ng pagdududa kaugnay sa lahat ng bagay at lahat ng mga tao. Dahil dito, ang iyong pananampalataya sa Akin ay itinatayo sa pundasyon ng paghihinala. Ang ganitong uri ng pananampalataya ang hindi Ko kailanman kikilalanin. Kung wala ang tunay na pananampalataya, ikaw ay mas mapapalayo sa tunay na pag-ibig. At kung kaya mong pagdudahan ang Diyos at sadyang naghahaka-haka tungkol sa Kanya, walang kaduda-dudang ikaw kung gayon ang pinakatusong tao. Ikaw ay naghahaka-haka kung ang Diyos ba ay maaaring katulad ng tao: makasalanang di-mapapatawad, walang kuwenta ang karakter, walang katarungan at katuwiran, kulang ng pagpapahalaga sa hustisya, mahilig sa mga malupit, pailalim, at tusong taktika, gayundin nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang tao ay dahil sa wala ni katiting na kaalaman ang tao tungkol sa Diyos? Ang ganitong uri ng pananampalataya ay kapareho din ng kasalanan! Higit pa rito, mayroong iba pang naniniwala na ang kinalulugdan Ko ay walang iba kundi yaong mga nanlalangis at nambobola, at yaong mga hindi sanáy sa mga bagay na ito ay di magiging katanggap-tanggap at hindi mananatili sa kanilang kalagayan sa tahanan ng Diyos. Ito bang lahat ang kaalaman na inyong natutuhan sa loob nitong maraming taon? Ito ba ang inyong natatamo? At ang kaalaman ninyo tungkol sa Akin ay hindi natatapos sa mga maling pagkaunawang ito; mas masama pa ay ang inyong pamumusong laban sa Espiritu ng Diyos at panlalait sa Langit. Kaya’t sinasabi Ko na ang ganitong uri ng inyong pananampalataya ang magiging sanhi ng inyong lalo pang paglayo sa Akin at mas higit pang pagsalungat laban sa Akin. Sa loob ng maraming taong paggawa, marami nang katotohanan ang inyong nakikita, subali’t alam ba ninyo kung ano ang narinig ng Aking mga tainga? Ilan sa inyo ang handang tanggapin ang katotohanan? Naniniwala kayong lahat na handa ninyong bayaran ang halaga para sa katotohanan, nguni’t ilan na ba ang totoong nagdurusa dahil sa katotohanan? Ang lahat ng umiiral sa inyong mga puso ay kasamaan, kaya pinaniniwalaan ninyo na ang sinuman, sino man siya, ay likô at manloloko. Pinaniniwalaan ninyo pa nga na ang Diyos na nagkatawang-tao ay gaya lamang ng karaniwang tao, na walang mabuting puso o pag-ibig para sa lahat. Higit pa rito, naniniwala kayo na ang isang marangal na katangian, at isang maawain, at mapagkawanggawang kalikasan ay umiiral lamang sa Diyos na nasa langit. At naniniwala kayo na walang umiiral na ganyang banal, at tanging kadiliman at kasamaan lamang ang naghahari sa lupa, habang ang Diyos ay isang bagay kung saan inilalagak ng tao ang kanyang pananabik para sa mabuti at maganda, at isang tauhan sa alamat na gawa-gawa ng tao. Sa inyong mga isipan, ang Diyos na nasa langit ay matapat, matuwid, at dakila, karapat-dapat sa pagsamba at paghanga, ngunit itong Diyos sa lupa ay panghalili at kasangkapan lamang ng Diyos na nasa langit. Pinaniniwalaan ninyo na ang Diyos na ito ay hindi katumbas ng Diyos na nasa langit, at lalo’t higit na hindi maaring banggiting kapantay Niya. Pagdating sa kadakilaan at karangalan ng Diyos, ang mga ito ay nabibilang sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa langit, nguni’t pagdating sa kalikasan at kasamaan ng tao, ang mga ito ay mga katangian kung saan may bahagi ang Diyos na nasa lupa. Ang Diyos na nasa langit ay mataas magpakailanman, samantalang ang Diyos sa lupa ay walang halaga, mahina, at walang kakayahan magpakailanman. Ang Diyos na nasa langit ay hindi nadadala ng emosyon, sa pagkamatuwid lamang, habang ang Diyos sa lupa ay mayroon lamang makasariling motibo at walang kahit anong katarungan at katuwiran. Ang Diyos na nasa langit ay wala ni katiting na kabuktutan at tapat magpakailanman, habang ang Diyos sa lupa ay may mandarayang gawi. Ang Diyos na nasa langit ay may tunay na pag-ibig sa tao, habang ang Diyos sa lupa ay kulang ang pag-aalaala sa tao, at pinabayaan pa siya nang tuluyan. Ang ganitong maling kaalaman ay matagal nang nananatili sa inyong mga puso at maaaring magpatuloy pa sa hinaharap. Ipinapalagay ninyo ang lahat ng mga gawa ni Cristo mula sa pananaw ng di-matuwid at tinitimbang ang lahat ng Kanyang mga gawa, maging ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, mula sa perspektibo ng masama. Nakakagawa kayo ng napakalaking pagkakamali at nagagawa ninyo ang hindi kailanman nagagawa ng mga nauna sa inyo. Iyon ay, pinaglilingkuran lamang ninyo ang matayog na Diyos na nasa langit na may korona sa Kanyang ulo at hindi kailanman pinaglilingkuran ang Diyos na ipinapalagay na napaka-walang-halaga kaya hindi ninyo nakikita. Hindi ba ito ang inyong pagkakasala? Hindi ba ito tipikal na halimbawa ng inyong pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos? Sinasamba ninyo ang Diyos na nasa langit. Sinasamba ninyo ang mga matatayog na imahe at pinahahalagahan yaong mga kinikilala dahil sa kanilang kahusayan sa pagsasalita. Nagagalak kang utusan ng Diyos na nagpupuno sa iyong mga kamay ng mga kayamanan at lubos na nananabik para sa Diyos na nakakatupad sa bawa’t hangarin mo. Ang tanging hindi mo sinasamba ay ang Diyos na ito na hindi mataas; ang nag-iisang bagay na iyong kinamumuhian ay ang pakikisama sa Diyos na ito na wala kahit isang tao ang lubhang gumagalang. Ang bagay lamang na hindi mo gustong gawin ay ang maglingkod sa Diyos na ito na hindi ka man lamang nabibigyan ng kahit isang kusing, at ang tanging Isa na hindi ka kayang papanabikin sa Kanya ay itong di-kaibig-ibig na Diyos. Ang ganitong uri ng Diyos ay hindi kayang palawakin ang iyong mga pananaw, para maramdaman na parang nakasumpong ka ng kayamanan, lalo na ang tuparin ang iyong inaasam. Bakit sinusunod mo Siya kung gayon? Sumagi ba sa isipan mo ang mga katanungang ito?
Ang iyong ginagawa ay hindi lamang pagkakasala sa Cristong ito; nguni’t ang mas mahalaga, pagkakasala ito sa Diyos na nasa langit. Sa tingin Ko ay hindi ito ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos! Napakasidhi ng inyong pagnanasà na kalugdan kayo ng Diyos, nguni’t napakalayo ninyo sa Diyos. Ano ang nangyayari dito? Tinatanggap lamang ninyo ang Kanyang mga salita, nguni’t hindi ang Kanyang pakikitungo at pagpupungos at lalong hindi ninyo natátanggáp ang Kanyang bawa’t pagsasaayos, para magkaroon ng ganap na pananampalataya sa Kanya. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Sa huling pagsusuri, ang inyong pananampalataya ay balat ng itlog na walang laman na kahit kailan ay hindi nakakabuhay ng inakay. Sapagka’t ang inyong pananampalataya ay hindi nakakapagdala sa inyo ng katotohanan o nakakapagtamo para sa inyo ng buhay, at sa halip ay nakapagdala sa inyo ng pakiramdam ng pagtustos at pag-asa na ilusyon lamang. Ang layunin ng inyong paniniwala sa Diyos ay para sa kapakanan ng pag-asang ito at pakiramdam ng pagtustos sa halip na para sa katotohanan at buhay. Samakatuwid, masasabi Ko na ang landasin ng inyong pananampalataya sa Diyos ay walang iba kundi para subukang manlangis upang makuha ang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapaalipin at kawalang-kahihiyan, at hindi maituturing na totoong pananampalataya sa anumang paraan. Paano lilitaw ang inakay sa pananampalatayang tulad nito? Sa ibang salita, anong bunga ang uusbong sa ganitong uri ng pananampalataya? Ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos ay upang gamitin ang Diyos para tuparin ang inyong mga layunin. Hindi ba ito higit pang patunay ng inyong pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos? Naniniwala kayo sa pag-iral ng Diyos na nasa langit nguni’t itinatanggi yaong sa Diyos na nasa lupa. Gayunpaman, hindi Ko sinasang-ayunan ang inyong mga palagay. Ang Aking pinapupurihan ay yaong mga tao lamang na nananatiling nakatungtong sa lupa at naglilingkod sa Diyos na nasa lupa, nguni’t hindi kailanman yaong hindi kumikilala kailanman sa Cristo na nasa lupa. Gaano mang katapat ang gayong mga tao sa Diyos na nasa langit, sa huli, hindi pa rin sila makakaligtas sa Aking kamay na nagpaparusa sa mga masama. Ang mga taong ito ay ang masasama; sila ay siyang masasama na lumalaban sa Diyos at hindi kailanman nagagalak sa pagsunod kay Cristo. Mangyari pa, kasama sa kanilang bilang ang lahat ng hindi nakakakilala, at, lalong higit, hindi kinikilala si Cristo. Naniniwala ka na nakakakilos ka sa paraang gusto mo tungo kay Cristo hangga’t nananatili kang tapat sa Diyos na nasa langit. Mali! Ang kamangmangan mo kay Cristo ay kamangmangan sa Diyos na nasa langit. Gaano ka man katapat sa Diyos na nasa langit, ito ay mga walang-lamang salita at pagkukunwari, dahil ang Diyos na nasa lupa ay hindi lamang naging kasangkapan sa pagtanggap ng mga tao sa katotohanan at mas malalim na karunungan, kundi higit pang naging kasangkapan sa pagkondena sa tao at kasunod nito ang pag-agaw ng mga katibayan upang parusahan ang masasama. Naiintindihan mo ba ang mga pakinabang at mga nakapipinsalang kahihinatnan nito? Nararanasan mo ba ang mga ito? Ang nais Ko ay maintindihan ninyo balang-araw ang katotohanang ito: Para makilala ang Diyos, kailangan ninyong makilala hindi lamang ang Diyos na nasa langit, nguni’t, mas mahalaga pa, ang Diyos na nasa lupa. Huwag malilito kung ano ang dapat unahin o hahayaan na ang hindi gaanong mahalaga ay mangibabaw sa pangunahin. Sa ganitong paraan ka lamang tunay na nakabubuo ng magandang relasyon sa Diyos, nagiging mas malapit sa Diyos, at napapalapit ang iyong puso sa Kanya. Kung nasa pananampalataya ka na sa loob ng maraming taon at matagal nang may kaugnayan sa Akin, ngunit nananatiling malayo sa Akin, kung gayon ay sinasabi Kong madalas kang nagkakasala sa disposisyon ng Diyos, at ang iyong katapusan ay napakahirap tantyahin. Kung ang maraming taon nang pagkakaugnay mo sa Akin ay hindi lamang nabibigong baguhin ka tungo sa isang tao na nagtataglay ng pagkatao at katotohanan, at sa halip ang iyong masamang mga gawi ay lalong nag-ugat sa iyong kalikasan, at hindi lamang dumoble ang iyong kayabangan kaysa rati, kundi ang iyong mga maling pagkaintindi sa Akin ay lalo pang lumala, at dahil dito itinuturing mo Ako ngayon bilang iyong abang alalay, kung gayon sinasabi ko na hindi lamang tagos sa laman ang iyong sakit kundi tumatagos na sa iyong mga buto. At ang maaari mo na lamang gawin ay maghintay at maghanda para sa iyong huling hantungan! Hindi mo kailangang magsumamo sa Akin kung gayon para maging iyong Diyos, sapagka’t nakakagawa ka ng kasalanan na nararapat sa kamatayan, isang walang kapatawarang kasalanan. Kahit maaaring magkaroon Ako ng awa sa iyo, ang Diyos na nasa langit ay igigiit na kunin ang iyong buhay, dahil sa ang iyong pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos ay hindi pangkaraniwang problema, kundi isang napakalalang uri. Kapag dumarating ang panahon, huwag mo Akong sisisihin dahil sa hindi pagbibigay-alam sa iyo sa umpisa. Ang lahat ng ito ay bumabalik dito: Kapag nakipag-ugnayan ka sa Cristo—sa Diyos na nasa lupa—bilang pangkaraniwang tao, iyon ay, kapag naniniwala ka na ang Diyos na ito ay walang iba kundi tao lamang, ikaw kung gayon ay mamamatay. Ito lamang ang Aking paalala sa inyong lahat.
Write a comment