· 

Mga Pagbigkas ni Cristo|Dapat Mong Hanapin ang Paraan para Makaayon kay Cristo

Marami na Akong natapos na gawain kasama ng mga tao, at ang mga salitang Aking naipahayag na sa mga oras na ito ay marami na rin. Ang mga salitang ito ay para sa kaligtasan ng tao, at ipinahayag nang sa gayon ang tao ay maaaring maging kaayon sa Akin. Ngunit kaunti lamang ang nakamit Kong tao sa lupa na kaayon sa Akin, at kaya Aking sinasabi na hindi pinahahalagahan ng tao ang Aking mga salita, dahil ang tao ay hindi kaayon sa Akin. Sa paraang ito, ang gawaing Aking ginagawa ay hindi lamang upang Ako ay maaaring sambahin ng tao; ang mas mahalaga, ito ay upang magiging kaayon sa Akin ang tao. Ang mga taong nagawang tiwali na, ay namumuhay lahat sa bitag ni Satanas, nabubuhay sila sa laman, nabubuhay sa pansariling hangarin, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon sa Akin. Mayroong ilan na nagsasabing sila ay kaayon sa Akin, ngunit lahat sila ay sumasamba sa mga malabong diyos-diyosan. Bagaman kinikilala nila ang Aking pangalan bilang banal, sila ay tumatahak sa landas na taliwas sa Akin, at ang kanilang mga salita ay puno ng pagmamataas at pagtitiwala sa sarili, dahil, sa pinag-ugatan, silang lahat ay laban sa Akin, at lahat ay hindi kaayon sa Akin. Araw-araw silang naghahanap ng Aking mga bakas sa Biblia, at walang layong nakatatagpo ng kahit na anong mga “angkop” na sipi na binabasa nila nang walang katapusan, at kanilang binibigkas bilang mga kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon sa Akin, hindi nila alam ang ibig sabihin ng pakikipag-alitan sa Akin, at basta lamang nagbabasa ng mga kasulatan nang walang taros. Pinipilit nila sa Biblia ang malabong Diyos na hindi nila kailanman nakita, at walang kakayahang makita, at saka lamang nila tinitingnan kapag sila ay may libreng oras. Naniniwala sila sa Aking pag-iral ngunit sa loob lamang ng saklaw ng Biblia. Para sa kanila, Ako ay kapareho ng Biblia; kung wala ang Biblia wala rin Ako, at kung wala Ako, walang Biblia. Hindi nila pinapansin ang Aking pag-iral o mga pagkilos, kundi sa halip ay pinag-uukulan ng sobra at espesyal na pansin ang bawat isang salita ng Kasulatan, at marami pa nga sa kanila ang naniniwala na hindi Ko dapat gawin ang anumang bagay na nais Kong gawin maliban kung ito ay hinulaan sa Kasulatan. Sobra ang pagpapahalaga nila sa Kasulatan. Masasabi na itinuturing nilang napakahalaga ang mga salita at pahayag, hanggang sa gumamit sila ng mga talata mula sa Biblia upang sukatin ang bawat salitang Aking sinasabi, at upang tuligsain Ako. Ang kanilang hinahanap ay hindi ang paraan para makaayon sila sa Akin, o ang paraan para makaayon sila sa katotohanan, kundi ang paraan para makaayon sila sa mga salita ng Biblia, at naniniwala sila na anumang hindi umaayon sa Biblia, nang walang itinatangi, ay hindi Ko gawain. Hindi ba ang gayong mga tao ang masunuring mga inapo ng mga Fariseo? Ginamit ng mga Fariseong Judio ang batas ni Moises upang tuligsain si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ni Jesus noong panahong iyon, kundi masigasig nilang sinunod nang perpekto ang batas, hanggang sa ipinako nila ang walang-salang si Jesus sa krus, pinagbintangan Siyang hindi sumusunod sa batas ng Lumang Tipan at na hindi Siya ang Mesiyas. Ano ang kanilang diwa? Hindi kaya na hindi nila hinanap ang paraan para makaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat isang salita ng Kasulatan, habang hindi nila pinapansin ang Aking kalooban at ang mga hakbang at pamamaraan ng Aking gawain. Hindi sila mga taong naghangad sa katotohanan, kundi mga taong mahigpit na sumunod sa mga salita ng Kasulatan; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong naniwala sa Biblia. Ang totoo, mga tagapagbantay sila ng Biblia. Upang pangalagaan ang mga interes ng Biblia, at pagtibayin ang dangal nito, at protektahan ang reputasyon nito, ipinako pa nila ang maawaing si Jesus sa krus. Ginawa nila ito para lamang ipagtanggol ang Biblia, at mapanatili ang katayuan ng bawat isang salita ng Biblia sa puso ng mga tao. Kaya mas pinili nilang pabayaan ang kanilang kinabukasan at ang handog para sa kasalanan upang tuligsain si Jesus, na hindi tumalima sa doktrina ng Kasulatan, hanggang kamatayan. Hindi ba sila mga alipin sa bawat isang salita ng Kasulatan?

 

At paano naman ang mga tao ngayon? Pumarito si Cristo upang ilabas ang katotohanan, ngunit mas gusto pa nilang paalisin Siya sa gitna ng mga tao upang makapasok sa langit at tumanggap ng biyaya. Mas gusto pa nilang lubusang itanggi ang pagdating ng katotohanan para pangalagaan ang mga interes ng Biblia, at mas ginusto pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Biblia. Paano matatanggap ng tao ang Aking pagliligtas, kung napakasama ng kanyang puso, at nilalabanan Ako ng kanyang likas na pagkatao? Ako ay namumuhay kasama ng mga tao, ngunit hindi pa rin nalalaman ng tao ang Aking pag-iral. Nang pinagniningning Ko ang Aking liwanag sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa Aking pag-iral. Nang pinakakawalan Ko ang Aking galit sa tao, itinatanggi niya ang Aking pag-iral nang may mas higit pang lakas. Naghahangad ang tao ng pagiging kaayon sa mga salita, sa Biblia, ngunit wala ni isang tao ang lumalapit sa harap Ko upang hanapin ang paraan ng pagiging kaayon sa katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit, at naglalaan ng partikular na malasakit sa Aking pag-iral sa langit, subalit walang may pakialam sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng mga tao ay sadyang masyadong walang halaga. Ang mga naghahanap lamang ng pagiging kaayon sa mga salita sa Biblia at naghahanap lamang ng pagiging kaayon sa malabong Diyos ay kahabag-habag sa Aking paningin. Iyon ay dahil ang kanilang sinasamba ay mga patay na salita, at isang Diyos na may kakayahang magkaloob sa kanila ng napakalaking kayamanan. Ang kanilang sinasamba ay isang Diyos na inilalagay ang sarili sa pagsasaayos ng tao, at hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang matatamo ng gayong mga tao sa Akin? Ang tao ay sadyang masyadong mababa para sa mga salita. Silang mga laban sa Akin, silang walang katapusang humihingi sa Akin, mga walang pagmamahal sa katotohanan, mga mapanghimagsik laban sa Akin—paano sila magiging kaayon sa Akin?

 

Ang mga laban sa Akin ay mga hindi kaayon sa Akin. Gayundin ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan at mga naghihimagsik laban sa Akin ay higit na lumalaban sa Akin at hindi kaayon sa Akin. Ang lahat na hindi kaayon sa Akin, ay ibinibigay Ko sa mga kamay ng masama. Tinatalikuran Ko sila sa katiwalian ng masama, hinahayaan Ko silang ibunyag ang kanilang paghahangad ng masama, at sa huli ay ibinibigay Ko sila sa masama upang lamunin. Hindi Ko iniintindi kung ilang tao ang sumasamba sa Akin, na ang ibig sabihin, hindi Ko iniintindi kung ilang tao ang naniniwala sa Akin. Ang Akin lamang iniintindi ay kung ilang tao ang kaayon sa Akin. Iyon ay dahil ang lahat ng hindi kaayon sa Akin ay masasamang ipinagkakanulo Ako; sila ang Aking mga kaaway, at hindi ko dapat “idambana” ang Aking mga kaaway sa Aking tahanan. Yaong mga kaayon sa Akin ay maglilingkod magpakailanman sa Akin sa Aking tahanan, at silang mga naglalagay ng kanilang mga sarili sa pakikipag-alitan sa Akin ay walang hanggang magdurusa ng Aking kaparusahan. Ang mga umiintindi lamang sa mga salita ng Biblia, ang mga walang pakialam sa katotohanan o naghahangad sa Aking mga yapak—sila ay laban sa Akin, dahil nililimitahan nila Ako ayon sa Biblia, at Ako’y kanilang pinipilit sa loob ng Biblia, kaya’t lubhang lapastangan tungo sa Akin. Paano makalalapit ang gayong mga tao sa Akin? Sila ay hindi nagbibigay ng pag-intindi sa Aking mga gawa o sa Aking kalooban, o sa katotohanan, sa halip sila ay nahuhumaling sa mga salita, mga salitang nakamamatay. Paano magiging kaayon sa Akin ang mga gayong tao?

 

Nakapagpahayag Ako ng napakaraming salita, at nakapagpahayag din ng Aking kalooban at disposisyon, ngunit magkagayunman, ang mga tao ay wala pa ring kakayahang makilala Ako at paniwalaan Ako. O, maaaring sabihin, wala pa rin silang kakayahang sumunod sa Akin. Silang mga nabubuhay sa Biblia, silang mga nabubuhay sa gitna ng batas, silang mga nabubuhay sa krus, silang mga nabubuhay ayon sa doktrina, silang mga nabubuhay sa gitna ng Aking mga gawaing Aking ginagawa ngayon—sino sa kanila ang kaayon sa Akin? Iniisip lamang ninyo ang tumanggap ng mga biyaya at gantimpala, at hindi kailanman nag-isip ng kahit kaunti kung papaano magiging kaayon sa Akin, o kung papaano mapipigilan ang inyong sarili sa pakikipag-alitan sa Akin. Ako ay lubos na nabigo sa inyo, dahil napakarami Kong naibigay sa inyo, ngunit napakaliit ng natamo Ko mula sa inyo. Ang inyong pandaraya, ang inyong kayabangan, ang inyong kasakiman, ang inyong labis na pagnanais, ang inyong pagtataksil, ang inyong hindi pagsunod—alin dito ang makatatakas sa Aking pansin? Akoý inyong pinaglalaruan, Ako’y inyong nililinlang, Ako’y inyong iniinsulto, Ako’y inyong dinaraya, Ako’y inyong kinikikilan para sa mga sakripisyo—paano makatatakas ang ganoong kasamaan sa Aking kaparusahan? Ang inyong masamang gawain ay isang patunay ng inyong pakikipag-alitan sa Akin, at patunay ng inyong hindi pagiging kaayon sa Akin. Bawat isa sa inyo ay naniniwala na kayo ay masyadong kaayon sa Akin, ngunit kung iyon ang kalagayan, kanino nauukol ang mga hindi mapabulaanang patunay na iyon? Naniniwala kayong nagtataglay kayo ng sukdulang katapatan at malasakit para sa Akin. Iniisip ninyong kayo ay napakabait, napakamahabagin at naglaan nang sobra para sa Akin. Sapat na sa tingin ninyo ang inyong mga nagawa na para sa Akin. Ngunit naihambing na ba ninyo ang mga paniniwalang ito laban sa inyong sariling pag-uugali? Sinasabi Kong kayo ay napakayabang, napakasakim, lubhang walang interes; ang mga panlilinlang na ginagamit ninyo sa Akin ay talagang tuso, at marami kayong napakasamang balak at napakasasamang paraan. Ang inyong katapatan ay masyadong kakaunti, ang inyong pagkamasigasig ay walang saysay, at ang inyong konsensya ay higit pang mas kulang. Napakasama ng iniisip ninyo sa lahat, pati sa Akin. Ako ay pinagsarhan ninyo para sa kapakanan ng inyong mga anak, o ng inyong asawa, o ng inyong pangangalaga sa sarili. Sa halip na Ako ay inyong intindihin, iniintindi ninyo ang inyong pamilya, ang inyong mga anak, ang inyong katayuan, ang inyong kinabukasan, at ang inyong sariling kasiyahan. Kailan ninyo Ako inalala man lamang habang kayo’y nagsasalita o kumikilos? Kapag malamig ang panahon, bumabaling ang inyong saloobin sa inyong mga anak, mga asawa, o mga magulang. Kapag mainit ang panahon, ni hindi man lang Ako sumagi sa inyong mga isipan. Kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin, iniisip mo ang iyong mga sariling interes, ang iyong sariling kaligtasan, ang mga miyembro ng iyong pamilya. Ano na ba ang iyong mga nagawa na para naman sa Akin? Kailan mo ba Ako naalala man lamang? Kailan mo ba inialay man lang ang iyong sarili, anuman ang kapalit, para sa Akin at sa Aking gawain? Nasaan ang patunay ng iyong pagiging kaayon sa Akin? Nasaan ang realidad ng iyong katapatan sa Akin? Nasaan ang realidad ng iyong pagsunod sa Akin? Kailan hindi naging tungkol sa pagtanggap ng biyaya mula sa Akin ang iyong mga layunin? Dinadaya at nililinlang ninyo Ako, pinaglalaruan ninyo ang katotohanan at itinatago ang pag-iral ng katotohanan, at ipinagkakanulo ang diwa ng katotohanan. Inilalagay ninyo ang inyong sarili sa gayong pakikipag-alitan sa Akin, kaya ano ang naghihintay sa inyo sa hinaharap? Sinisikap lamang ninyong maging kaayon sa malabong Diyos, at naghahanap lamang ng malabong paniniwala, ngunit hindi pa rin kayo kaayon kay Cristo. Hindi ba’t ang inyong paghahangad ng masama ay makatatanggap din ng kaparehong parusa gaya ng nararapat sa masama? Sa oras na iyon, inyong mapagtatanto na walang sinumang hindi kaayon kay Cristo ang makatatakas sa araw ng matinding galit, at inyong matutuklasan kung anong uri ng parusa ang nararapat sa mga nakikipag-alitan kay Cristo. Kapag dumating ang araw na iyon, ang inyong mga pangarap na pagpapalain dahil sa inyong paniniwala sa Diyos, at ang pagpasok sa langit, ay mangadudurog lahat. Gayunman, ito ay hindi para sa mga kaayon kay Cristo. Bagaman nawalan sila ng napakarami, kahit na nagdusa sila ng maraming paghihirap, matatanggap nila ang lahat ng pamana na Aking iiwan sa sangkatauhan. Sa huli, inyong maiintindihan na Ako lamang ang matuwid na Diyos, at Ako lang ang may kakayahang dalhin ang sangkatauhan sa maganda nitong hantungan.

 

 

Anong uri ng mga tao ang maaaring madala sa kaharian ng langit? Sinabi ng Panginoong Jesus, "Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit."(Mateo 7:21). Mula sa salita ng Panginoon, makikita natin na tanging yaong mga pagsunod sa kalooban ng Diyos ay makakapasok sa kaharian ng langit.