· 

Ang tunay na Diyos ba na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay ay isa o tatlo

 

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

 

“Dinggin mo, Oh Israel: Si Jehova na nating Dios ay isang Panginoon” (Deuteronomio 6:4).

 

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya’y inyong mangakikilala, at siya’y inyong Nakita. Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa akin na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya’y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin” (Juan 14:6–11).

 

Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).

 

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

 

Ang Diyos ang Siyang namamahala sa lahat ng bagay, at ang nangangasiwa sa lahat ng bagay. Nilikha Niya ang lahat ng mayroon, pinangangasiwaan Niya ang lahat ng mayroon, at pinamamahalaan din Niya ang lahat ng mayroon at nagkakaloob sa lahat ng mayroon. Ito ang katayuan ng Diyos, at ang pagkakakilanlan ng Diyos. Para sa lahat ng bagay at sa lahat ng mayroon, ang tunay na pagkakakilanlan sa Diyos ay ang Lumikha, at ang Namumuno sa lahat ng bagay. Ang gayon ay ang pagkakakilanlan ng kung anong mayroon ang Diyos, at Siya ay natatangi sa gitna ng lahat ng bagay. Wala sa mga nilikha ng Diyos—maging sila man ay sa gitna ng sangkatauhan, o sa espirituwal na daigdig—ang maaaring gumamit ng anumang mga pamamaraan o dahilan upang magpanggap o palitan ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, sapagkat mayroon lamang isa sa gitna ng lahat ng bagay na taglay ang pagkakilanlang ito, kapangyarihan, awtoridad, at ang kakayahang mamahala sa lahat ng bagay: ang ating natatanging Diyos Mismo. Siya ay nabubuhay at gumagalaw sa lahat ng bagay; maaari Siyang tumayo sa pinakamataas na lugar, sa ibabaw ng lahat ng bagay; kaya Niya Mismong magpakumbaba sa pamamagitan ng pagiging isang tao, sa pagiging isa sa gitna niyaong may laman at dugo, harap-harapang dumating sa mga tao at nakikibahagi sa kanila sa hirap at ginhawa; kasabay nito, pinamamahalaan Niya ang lahat ng mayroon, at nagpapasya sa kapalaran ng lahat ng mayroon, at anong direksyon ang tatahakin nito; higit pa rito, ginagabayan Niya ang kapalaran ng buong sangkatauhan, at ang patutunguhan ng sangkatauhan. Ang isang Diyos na gaya nito ay dapat sambahin, sundin, at kilalanin ng bawat buhay na mga nilalang. At kaya, sa alinmang grupo at uri sa gitna ng sangkatauhan ka kabilang, ang paniniwala sa Diyos, pagsunod sa Diyos, paggalang sa Diyos, pagtanggap sa pamamahala ng Diyos, at pagtanggap sa pagsasaayos ng Diyos para sa iyong kapalaran ang tangi mong pagpipilian, at mahalagang pagpipilian, para sa bawat tao, para sa bawat buhay na nilalang. Sa pagiging natatangi ng Diyos, nakikita ng mga tao na ang Kanyang awtoridad, ang Kanyang matuwid na disposisyon, ang Kanyang diwa, at ang mga pamamaraan kung paano Siya naglalaan para sa lahat ng bagay ay lahat natatangi; ang Kanyang pagiging natatangi ang nagpapasiya sa tunay na pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, at ito ang nagpapasiya sa Kanyang katayuan. At kaya, sa gitna ng lahat ng nilikha, kung ang alinmang buhay na nilalang sa espirituwal na daigdig o sa gitna ng sangkatauhan ang magnais na tumayo sa lugar ng Diyos, magiging imposible ito, na animo’y pagtatangka na magpanggap na Diyos. Ito ang katotohanan.

 

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Iisa lamang ang Diyos, iisa lamang ang persona sa Diyos na ito, at iisa lamang ang Espiritu ng Diyos, gaya ng nasusulat sa Biblia na “Iisa lamang ang Banal na Espiritu at iisa lamang ang Diyos.” Mayroon mang Ama at Anak na binabanggit mo, iisa lamang naman ang Diyos, at ang diwa ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu na iyong pinaniniwalaan ay ang diwa ng Banal na Espiritu. Sa madaling salita, ang Diyos ay isang Espiritu, ngunit kaya Niyang magkatawang-tao at mabuhay sa piling ng mga tao, at mangibabaw rin sa lahat ng bagay. Sakop ng Kanyang Espiritu ang lahat at Siya ay nasa lahat ng dako. Kaya Niyang sabay na nasa katawang-tao at nasa sansinukob at nasa ibabaw ng sansinukob. Dahil sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos lamang ang nag-iisang tunay na Diyos, iisa ang Diyos, na hindi kayang hatiin ninuman kung kailan niya gusto! Ang Diyos ay iisang Espiritu lamang, at iisang persona lamang; at iyon ang Espiritu ng Diyos.

 

Hinango mula sa “Umiiral ba ang Trinidad?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Maaaring maalala ng karamihan ang mga salita ng Diyos mula sa Genesis: “Lalangin Natin ang tao sa Ating larawan, ayon sa Ating wangis.” Ipagpalagay nang sinasabi ng Diyos na lalangin “Natin” ang tao sa “Ating” larawan, kung gayon ang “Natin” ay nagpapahiwatig ng dalawa o mahigit pa; yamang sinabi Niyang “Natin,” hindi lang pala iisa ang Diyos. Sa ganitong paraan, nagsimulang mag-isip ang tao sa pangkalahatan na may magkakaibang persona, at mula sa mga salitang ito lumitaw ang ideya tungkol sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Ano kung gayon ang hitsura ng Ama? Ano ang hitsura ng Anak? At ano ang hitsura ng Banal na Espiritu? Maaari kaya na ang sangkatauhan ng kasalukuyan ay ginawa sa larawan ng isa na pinagsama-sama mula sa tatlo? Kung gayon ang larawan ba ng tao ay kagaya ng sa Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu? Alin sa mga persona ng Diyos ang kamukha ng tao? Ang ideyang ito ng tao ay totoong mali at walang kabuluhan! Nahahati lamang nito ang isang Diyos sa maraming Diyos. Nang isulat ni Moises ang Genesis, tapos nang likhain ang sangkatauhan kasunod ng paglikha sa mundo. Sa simula pa lang, nang magsimula ang mundo, wala pa si Moises. At napakatagal pa bago isinulat ni Moises ang Biblia, kaya paano niya nalaman kung ano ang sinabi ng Diyos sa langit? Wala siyang kamalay-malay kung paano nilikha ng Diyos ang mundo. Sa Lumang Tipan ng Biblia, hindi binanggit ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu, kundi ang iisang tunay na Diyos lamang na si Jehova, na nagsasakatuparan ng Kanyang gawain sa Israel. Tinatawag Siya sa iba’t ibang pangalan sa pagbabago ng mga kapanahunan, ngunit hindi nito napapatunayan na bawat pangalan ay tumutukoy sa ibang persona. Kung gayon nga, hindi ba magkakaroon ng napakaraming persona ng Diyos? Ang nakasulat sa Lumang Tipan ay ang gawain ni Jehova, isang yugto ng gawain ng Diyos Mismo para sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Kautusan. Ito ay gawain ng Diyos, kung saan ayon sa Kanyang sinalita, ito’y nangyari, at ayon sa Kanyang iniutos, ito’y nanatili. Hindi sinabi ni Jehova kailanman na Siya ang Ama na pumaparito upang isakatuparan ang gawain, o hindi Niya ipinropesiya kailanman ang pagparito ng Anak upang tubusin ang sangkatauhan. Pagdating sa panahon ni Jesus, sinabi lamang na ang Diyos ay naging tao upang tubusin ang buong sangkatauhan, hindi sa ang Anak ang nakarating. Sapagkat ang mga kapanahunan ay hindi magkakatulad at ang gawain na ginagawa ng Diyos Mismo ay naiiba rin, kailangan Niyang isakatuparan ang Kanyang gawain sa loob ng iba’t ibang dako. Sa ganitong paraan, ang pagkakakilanlan na Kanyang kinakatawan ay naiiba rin. Naniniwala ang tao na si Jehova ang Ama ni Jesus, ngunit ito ay hindi totoong kinilala ni Jesus, na nagsabing: “Hindi kami kailanman kinilala bilang Ama at Anak; Ako at ang Ama sa langit ay iisa. Ang Ama ay nasa Akin at Ako ay nasa Ama; kapag nakikita ng tao ang Anak, nakikita nila ang Ama na nasa langit.” Kapag nasabi na ang lahat, maging ito man ang Ama o ang Anak, Sila ay isang Espiritu, hindi nahahati sa magkahiwalay na mga persona. Sa sandaling nagtatangka ang tao na magpaliwanag, ang mga usapin ay pinagugulo ng ideya tungkol sa magkakaibang mga persona, gayundin ang relasyon sa pagitan ng Ama, Anak, at Espiritu. Kapag ang tao ay nagsasalita tungkol sa magkakahiwalay na mga persona, hindi ba nito ginagawang totoo ang Diyos? Binibigyan pa ng ranggo ng tao ang mga persona bilang una, ikalawa, at ikatlo; lahat ng ito ay mga pagkaintindi lamang ng tao, hindi karapat-dapat na sangguniin, at lubos na hindi makatotohanan! Kung tatanungin mo siya: “Ilan ba ang Diyos?” sasabihin niya na ang Diyos ay ang Trinidad ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu: ang isang tunay na Diyos. Kung itinanong mo uli: “Sino ang Ama?” sasabihin niya: “Ang Ama ay ang Espiritu ng Diyos sa langit; Siya ang namumuno sa lahat, at Siya ang Panginoon ng langit.” “Kung gayon si Jehova ba ang Espiritu?” Sasabihin niya: “Oo!” Kung tinanong mo pa siya pagkatapos, “Sino ang Anak?” sasabihin niyang si Jesus ang Anak, siyempre pa. “Kung gayon ano ang kuwento ni Jesus? Mula kanino Siya nanggaling?” Sasabihin niya: “Si Jesus ay ipinanganak ni Maria sa pamamagitan ng paglilihi ng Banal na Espiritu.” Kung gayon hindi ba ang Espiritu rin ang Kanyang katawan? Hindi ba ang Kanyang gawain ay kumakatawan din sa Banal na Espiritu? Si Jehova ay ang Espiritu, at gayundin naman ang sangkap ni Jesus. Ngayon sa mga huling araw, hindi na kailangang sabihin na ang Espiritu pa rin ang gumagawa; paano nangyaring magkaiba Silang mga persona? Hindi ba ito ay ang Espiritu ng Diyos na nagsasakatuparan lamang ng gawain ng Espiritu mula sa magkakaibang mga pananaw? Sa gayon, walang pagkakaiba sa pagitan ng mga persona. Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at walang alinlangan, ang Kanyang gawain ay tiyak na yaong sa Banal na Espiritu. Sa unang yugto ng gawain na isinakatuparan ni Jehova, hindi Siya naging tao ni nagpakita sa tao. Kaya hindi kailanman nakita ng tao ang Kanyang kaanyuan. Gaano man Siya kadakila at kataas noon, Siya pa rin ang Espiritu, ang Diyos Mismo na unang lumikha sa tao. Ibig sabihin, Siya ang Espiritu ng Diyos. Nang Siya ay nangusap sa tao mula sa gitna ng mga ulap, Siya ay isang Espiritu lamang. Walang nakasaksi sa Kanyang kaanyuan; sa Kapanahunan ng Biyaya nang ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa katawang-tao at nagkatawang-tao sa Judea saka lamang nakita ng tao sa unang pagkakataon ang larawan ng pagkakatawang-tao bilang isang Judio. Ang damdamin ni Jehova ay hindi nadarama. Gayunpaman, Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ibig sabihin, ipinaglihi sa pamamagitan ng Espiritu ni Jehova Mismo, at si Jesus ay ipinanganak pa rin na langkap ng Espiritu ng Diyos. Ang unang nakita ng tao ay ang Banal na Espiritu na bumababa gaya ng isang kalapati kay Jesus; hindi ito ang Espiritung tanging kay Cristo, bagkus ang Banal na Espiritu. Kung gayon naihihiwalay ba ang Espiritu ni Jesus mula sa Banal na Espiritu? Kung si Jesus ay si Jesus, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay ang Banal na Espiritu, paano Sila naging isa? Ang gawain ay hindi maisasakatuparan kung ganoon. Ang Espiritu sa loob ni Jesus, ang Espiritu sa langit, at ang Espiritu ni Jehova ay iisa lahat. Matatawag itong Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritu na pinatindi nang makapitong beses, at ang Espiritung sumasalahat. Maisasakatuparan ng Espiritu ng Diyos ang maraming gawain. Nagagawa Niyang likhain ang mundo at wasakin ito sa pagpapabaha sa lupa; kaya Niyang tubusin ang buong sangkatauhan, at bukod pa riyan, lupigin at lipulin ang buong sangkatauhan. Ang gawaing ito ay isinasakatuparang lahat ng Diyos Mismo at hindi maaaring nagawa ng iba pa sa mga persona ng Diyos sa Kanyang lugar. Ang Kanyang Espiritu ay maaaring tawagin sa pangalang Jehova at Jesus, at maaari ding tawaging Makapangyarihan. Siya ang Panginoon, at Cristo. Maaari din Siyang maging Anak ng tao. Siya ay nasa kalangitan at nasa lupa rin; Siya ay nasa kaitaasan sa ibabaw ng mga sansinukob at nasa piling ng maraming tao. Siya ang tanging Panginoon ng langit at ng lupa! Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, ang gawaing ito ay naisagawa na ng Espiritu ng Diyos Mismo. Gawain man ito sa kalangitan o sa katawang-tao, lahat ay isinasakatuparan ng Kanyang sariling Espiritu. Lahat ng nilalang, sa langit man o sa lupa, ay nasa palad ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay gawain ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng sinuman para sa Kanya. Sa kalangitan, Siya ang Espiritu subalit ang Diyos din Mismo; sa piling ng mga tao, Siya ay katawang-tao ngunit nananatiling Diyos Mismo. Bagama’t maaari Siyang tawagin sa daan-daang libong pangalan, Siya pa rin iyon Mismo, at lahat ng gawain ay tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus ay tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at maging ang pagpapahayag sa lahat ng bansa at lahat ng lupain sa mga huling araw. Sa lahat ng oras, matatawag lamang ang Diyos na ang makapangyarihan at nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos Mismo na sumasalahat. Walang magkakaibang persona, lalong wala itong ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Iisa lamang ang Diyos sa langit at sa lupa!

 

Hinango mula sa “Umiiral ba ang Trinidad?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

________________________________

 

Magrekomenda nang higit pa: Umiiral ba ang Trinidad?

Kung gusto mong matuto nang higit pa, maaari kang makipag-ugnay sa amin sa pamamagitan ng Messenger anumang oras!

Write a comment

Comments: 0