Binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita at ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa iba’t-ibang mga kapanahunan, at sa iba’t-ibang kapanahunan, bumibigkas Siya ng iba’t-ibang mga salita. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga alituntunin, o nag-uulit ng parehong gawain, o nangungulila para sa mga bagay ng nakaraan; Siya ay isang Diyos na palaging bago at kailanma’y hindi naluluma, at bawa’t araw ay bumibigkas Siya ng bagong mga salita. Ikaw ay dapat sumunod doon sa dapat sundin ngayon; ito ay ang pananagutan at tungkulin ng tao. Napakahalaga na ang pagsasagawa ay maisentro sa liwanag at mga salita ng Diyos sa kasalukuyan. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga alintuntunin, at nakakapagsalita mula sa maraming iba’t-ibang mga perspektibo upang gawing kitang-kita ang Kanyang karunungan at walang-hanggang kapangyarihan. Hindi mahalaga kung Siya man ay nangungusap mula sa perspektibo ng Espiritu, o ng tao, o ng ikatlong persona—ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi mo nasasabi na Siya ay hindi Diyos dahil sa perspektibo ng tao mula kung saan Siya ay nangungusap. Sa gitna ng ilang mga tao may lumilitaw na mga pagkaintindi bilang bunga ng iba’t-ibang mga perspektibo mula kung saan ang Diyos ay nangungusap. Ang mga ganoong tao ay walang pagkakilala sa Diyos, at walang kaalaman sa Kanyang gawain. Kung ang Diyos ay palaging nangungusap mula sa isang perspektibo, hindi ba maglalatag ang tao ng mga patakaran tungkol sa Diyos? Mapapayagan kaya ng Diyos ang tao na kumilos sa ganoong paraan? Hindi alintana kung mula sa ano mang perspektibo nangungusap ang Diyos, ang Diyos ay may mga mithiin para sa bawa’t isa. Kung ang Diyos ay palaging mangungusap mula sa perspektibo ng Espiritu, ikaw kaya ay maaaring makipag-ugnayan sa Kanya? Kaya, nangungusap Siya sa ikatlong persona upang pagkalooban ka ng Kanyang mga salita at gabayan ka tungo sa realidad. Lahat-lahat ng ginagawa ng Diyos ay angkop. Sa maikling salita, ito ay ginagawang lahat ng Diyos, at ikaw ay hindi dapat magduda tungkol dito. Ipagpalagay na Siya ay Diyos, kung gayon kahit anuman ang perspektibo na pinagmumulan ng mga pangungusap Niya, Siya pa rin ay Diyos. Ito ay ang hindi nababagong katotohanan. Paano man Siya gumagawa, Siya ay Diyos pa rin, at ang Kanyang substansya ay hindi magbabago! Sobrang minamahal ni Pedro ang Diyos at siya ay isang tao na naaayon sa sariling puso ng Diyos, subali’t hindi siya sinaksihan ng Diyos bilang Panginoon o Cristo, pagka’t ang substansya ng isang kabuuan ay kung ano nga iyon, at hindi kailanman nagbabago. Sa Kanyang gawain, ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga alituntunin, nguni’t gumagamit ng iba’t-ibang mga pamamaraan upang gawing mabisa ang Kanyang gawain at dagdagan ang pagkakilala ng tao sa Kanya. Ang Kanyang bawa’t paraan ng paggawa ay nakakatulong sa tao na makilala Siya, at ito ay upang gawing perpekto ang tao. Kahit na aling paraan ng paggawa ang ginagamit Niya, ang bawa’t isa ay upang buuin ang tao at gawing perpekto ang tao. Bagaman ang isa sa Kanyang paraan ng paggawa ay maaaring tumagal sa napakahabang panahon, ito ay upang ayusin ang pananampalataya ng tao sa Kanya. Kaya hindi kayo dapat mag-alinlangan. Ang lahat ng mga ito ay ang mga hakbang sa gawain ng Diyos, at dapat ninyong masunod.
Ngayon, ang pinag-uusapan ay ang pagpasok tungo sa realidad. Walang sinasabi tungkol sa pag-akyat sa langit, o pamamahala bilang mga hari; ang lahat ng sinasabi ay tungkol sa paghahabol sa pagpasok sa realidad. Wala nang hihigit pang praktikal na paghahabol kaysa rito, at ang pag-usapan ang tungkol sa pamamahala bilang mga hari ay hindi praktikal. Ang tao ay may matinding pagka-mausisa, at sinusukat pa rin niya ang gawain ng Diyos ngayon sa pamamagitan ng kanyang relihiyosong mga pagkaintindi. Matapos maranasan ang napakaraming mga paraan ng Diyos sa paggawa, hindi pa rin alam ng tao ang gawain ng Diyos, naghahanap pa rin ng mga tanda at mga kababalaghan, at tinitingnan pa rin kung ang mga salita ng Diyos ay natutupad. Hindi ba ito napakalaking pagkabulag? Kung wala ang katuparan ng mga salita ng Diyos, maniniwala ka pa kaya na Siya ay Diyos? Ngayon, maraming ganoong mga tao sa iglesia ang naghihintay na makakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Sinasabi nila, kung ang mga salita ng Diyos ay natutupad, kung gayon Siya ay Diyos; kung ang mga salita ng Diyos ay hindi natutupad, kung gayon Siya ay hindi Diyos. Ikaw ba, kung gayon, ay naniniwala sa Diyos dahil sa katuparan ng mga salita Niya, o dahil sa Siya ay Diyos Mismo? Ang pagtingin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay dapat maiwasto! Kapag nakita mo na ang mga salita ng Diyos ay hindi natutupad, tumatakbo ka—ito ba ay paniniwala sa Diyos? Kapag naniniwala ka sa Diyos, dapat mong iwan ang lahat-lahat sa awa ng Diyos at sundin ang lahat ng gawain ng Diyos. Ang Diyos ay nangusap ng napakaraming mga salita sa Lumang Tipan—alin sa mga yaon ang nakita ng sarili mong mga mata na natupad? Nasasabi mo ba na si Jehova ay hindi Diyos sapagka’t hindi mo nakikita yaon? Nakikita na ang mga salita ng Diyos ay hindi natutupad, ang ilan ay nagnanais tumakbo. Ang sinumang gustong umalis ay dapat umalis, walang pumipigil sa kanila! Subukan ito, tingnan mo kung nakakatakbo ka. Pagkatapos mong nakatakbo, ikaw ay babalik pa rin. Kinokontrol ka ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang salita, at kung iniiwan mo ang iglesia at ang salita ng Diyos, mawawalan ka ng paraan ng pamumuhay. Kung hindi ka naniniwala rito, subukan mo sa sarili mo—iniisip mo ba na maaari kang basta makaalis? Kinokontrol ka ng Espiritu ng Diyos, at hindi ka nakakaalis. Ito ay isang atas ng pamamahala ng Diyos! Kung nais ng ilang tao na subukan, mabuti nga, subukan nila! Sinasabi mong ang personang ito ay hindi Diyos, kaya magkasala ka laban sa Kanya at tingnan mo kung ano ang gagawin Niya. Maaari na ang iyong laman ay hindi mamamatay at magagawa mo pa ring pakainin at damitan ang iyong sarili, subali’t sa isip hindi mo mababata; madarama mo ang bigat at ang hirap, walang magiging higit na masakit. Hindi natitiis ng tao na mapahirapan at mapinsala ang pag-iisip—marahil natitiis mo ang paghihirap ng laman, nguni’t lubusang hindi mo mababata ang mabigatan sa pag-iisip at ang pangmatagalang pagpapahirap. Ngayon hindi mo nakikita ang mga tanda at mga kababalaghan, datapwa’t walang sinuman ang nakakatakbo, sapagka’t ginagamit ng Diyos ang Kanyang salita upang kontrolin ang tao. Hindi nahihipo, hindi nakikita, walang pagdating ng mga katunayan, datapwa’t hindi pa rin nakakatakas ang tao. Hindi ba ang mga ito ang mga kilos ng Diyos? Ngayon, ang Diyos ay naparito sa lupa upang pagkalooban ang tao ng buhay. Hindi Niya, gaya ng naguguniguni ng tao, sinusuyo ka sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang tiyakin ang isang mapayapang ugnayan sa pag-itan ng Diyos at ng tao. Ang lahat niyaong hindi nagtutuon ng pansin sa buhay, at sa halip ay nililiming mabuti na magpakita ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, ay mga Fariseo! Nang panahong iyon, ang mga Fariseo ang nagpapako kay Jesus sa krus; kung susukatin mo ang Diyos ayon sa iyong sariling pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos, naniniwala sa Diyos kung ang Kanyang mga salita ay natutupad, at nag-aalinlangan at lumalapastangan pa nga sa Diyos kung ang mga ito ay hindi, kung gayon hindi mo ba Siya ipinapako sa krus? Ang mga taong gaya nito ay pabaya sa kanilang mga tungkulin, at buong kasakimang nagkakatuwaan sa kaginhawahan!
Sa isang dako, ang pinakamalaking suliranin sa tao ay yaong hindi niya alam ang gawain ng Diyos. Bagaman ang saloobin ng tao ay hindi isang pagtatatwa, ito ay isang pag-aalinlangan; hindi niya itinatatwa, subali’t hindi rin niya lubusang kinikilala. Kung ang mga tao ay may lubusang kaalaman sa gawain ng Diyos, hindi naman sila tatakbo. Sa kabilang dako, ito’y dahil sa hindi alam ng tao ang realidad. Ngayon, sa salita ng Diyos nakikipag-ugnayan ang bawa’t tao; tunay nga, sa hinaharap hindi mo dapat isipin na makakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Sinasabi ko sa iyo nang malinaw: Sa panahon ng kasalukuyang yugto, ang lahat lamang ng nakikita mo ay ang mga salita ng Diyos, at bagaman walang mga katunayan, ang buhay ng Diyos ay naisasangkap pa rin sa tao. Ang gawaing ito ang siyang pangunahing gawain ng Milenyong Kaharian, at kung hindi mo nadarama ang gawaing ito, ikaw naman ay magiging mahina at babagsak, bababa sa gitna ng mga pagsubok at, datapwa’t mas malálâ pa, ay mabibihag ni Satanas. Naparito ang Diyos sa lupa pangunahing upang wikain ang Kanyang mga salita; ang kinakaugnay mo ay ang salita ng Diyos, ang nakikita mo ay ang salita ng Diyos, ang naririnig mo ay ang salita ng Diyos, ang sinusunod mo ay ang salita ng Diyos, ang nararanasan mo ay ang salita ng Diyos, at itong pagkakatawang-tao ng Diyos ay pangunahing gumagamit ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, at lalo nang hindi ginagawa ang mga ginawa ni Jesus noong nakaraan. Bagaman Sila ay Diyos, at kapwa katawang-tao, ang Kanilang mga ministeryo ay hindi pareho. Nang naparito si Jesus, ginawa rin Niya ang bahagi ng gawain ng Diyos, at nangusap ng ilang mga salita—subali’t ano ang pangunahing gawain na tinupad Niya? Ang pangunahing tinupad Niya ay ang gawain ng pagpapapako sa krus. Naging kalarawan Siya ng makasalanang laman upang kumpletuhin ang gawain ng pagpapapako sa krus at tubusin ang buong sangkatauhan, at para sa kasalanan ng buong sangkatauhan Siya ay nagsilbi bilang pinakahandog para sa kasalanan. Ito ang pangunahing gawain na tinupad Niya. Sa kahuli-hulihan, inilatag Niya ang daan ng krus upang gabayan yaong mga sumunod. Nang dumating si Jesus, ito ay pangunahing para kumpletuhin ang gawain ng pagtubos. Tinubos Niya ang buong sangkatauhan at dinala ang ebanghelyo ng kaharian ng langit sa tao, at, karagdagan pa, dinala Niya ang kaharian ng langit. Bilang bunga, yaong mga sumunod ay nagsabing lahat, “Dapat tayong lumakad sa daan ng krus, at isakripisyo ang ating mga sarili para sa krus.” Mangyari pa, sa pasimula si Jesus ay gumawa rin ng ilang iba pang gawain at nangusap ng ilang mga salita upang papagsisihin ang tao at papagkumpisalin ng kanyang mga kasalanan. Subali’t ang Kanyang ministeryo ay ang pagpapapako pa rin sa krus, at ang tatlo’t kalahating taon na ginugol Niya sa pangangaral ng daan ay bilang paghahanda para sa pagpapapako sa krus na sumunod. Ang maraming ulit na pananalangin ni Jesus ay para din sa kapakanan ng pagpapapako. Ang buhay ng isang normal na tao na ipinamuhay Niya at ang tatlumpu’t-tatlong taon na nabuhay Siya sa lupa ay pangunahing para sa kapakanan ng pagkukumpleto ng gawain ng pagpapapako sa krus, ang mga iyon ay magbibigay sa Kanya ng lakas, nagbibigay-kakayahan sa Kanya na maisagawa ang gawaing ito, kung saan ang bunga ay ang pagkakatiwala ng Diyos sa Kanya ng gawaing pagpapapako sa krus. Ngayon, anong gawain ang tutuparin ng Diyos na nagkatawang-tao? Ngayon, ang Diyos ay pangunahing nagkatawang-tao upang kumpletuhin ang gawain ng “ang Salita ay nagpapakita na nasa katawang-tao,” upang gamitin ang salita para gawing perpekto ang tao, at ipatanggap sa tao ang pakikitungo ng salita at ang pagpipino ng salita. Sa Kanyang mga salita Siya ang nagsasanhi upang iyong matamo ang tustos at matamo ang buhay; sa Kanyang mga salita, nakikita mo ang Kanyang gawain at mga gawa. Ginagamit ng Diyos ang salita upang kastiguhin at pinuhin ka, at kung naghihirap ka naman, ito ay dahil din sa salita ng Diyos. Ngayon, ang Diyos ay hindi gumagawa gamit ang mga katunayan, kundi mga salita. Pagkatapos na ang Kanyang mga salita ay nakakarating sa iyo saka lamang nakakagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban mo at nagsasanhi sa iyo na magdusa ng sakit o makaramdam ng katamisan. Tanging ang salita ng Diyos ang nakapagdadala sa iyo tungo sa realidad, at tanging ang salita ng Diyos ang may kakayahang gawin kang perpekto. At sa gayon, dapat mo man lamang maunawaan na ang gawaing ginagawa ng Diyos sa panahon ng mga huling araw ay pangunahing ang paggamit ng Kanyang mga salita upang gawing perpekto ang bawa’t tao at gabayan ang tao. Ang lahat ng gawain na ginagawa Niya ay sa pamamagitan ng salita; hindi Siya gumagamit ng mga katunayan upang kastiguhin ka. May mga panahon na ang ilang mga tao ay lumalaban sa Diyos. Hindi nagsasanhi ang Diyos ng matinding paghihirap para sa iyo, ang iyong laman ay hindi kinakastigo ni ikaw ay naghihirap—subali’t sa sandaling dumarating sa iyo ang Kanyang salita, at pinipino ka, hindi mo mababata ito. Hindi ba’t gayon nga? Sa panahon ng mga taga-serbisyo, sinabi ng Diyos na itapon ang tao sa walang-hanggang hukay. Talaga bang umabot ang tao sa walang-hanggang hukay? Sa pamamagitan lamang ng paggamit ng mga salita upang pinuhin ang tao, ang tao ay pumasok sa walang-hanggang hukay. At sa gayon, sa panahon ng mga huling araw, kapag ang Diyos ay nagkakatawang-tao, pangunahin Niyang ginagamit ang salita upang tuparin ang lahat at gawing malinaw ang lahat. Sa Kanyang salita lamang iyong nakikita kung ano Siya; sa mga salita lamang Niya iyong nakikita na Siya ay Diyos Mismo. Nang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naparito sa lupa, wala Siyang ibang ginawa kundi ang mangusap ng mga salita—kaya hindi na kailangan ang mga katunayan; sapat na ang mga salita. Yaon ay sapagka’t pangunahing naparito Siya upang gawin ang gawaing ito, hayaan ang tao na mamasdan ang Kanyang kapangyarihan at kataas-taasang kapangyarihan sa Kanyang mga salita, hayaan ang mga tao na makita sa Kanyang mga salita kung gaano mapagkumbaba Niyang itinatago ang Kanyang Sarili, at hayaan ang tao na malaman ang Kanyang kabuuan sa Kanyang mga salita. Ang lahat ng kung anong mayroon Siya at ano Siya ay nasa Kanyang mga salita, ang Kanyang karunungan at pagiging-kamangha-mangha ay nasa Kanyang mga salita. Sa ganito ipinakikita sa iyo ang maraming mga paraan na kung saan winiwika ng Diyos ang Kanyang mga salita. Karamihan sa gawain ng Diyos sa lahat ng panahong ito ay pagtutustos, pagbubunyag at pakikitungo. Hindi Niya sinusumpa ang isang tao nang babahagya, at kahit na kapag ginagawa Niya, ito ay sa pamamagitan ng salita. At sa gayon, sa kapanahunang ito ng Diyos na naging katawang-tao, huwag mong asahang makita ang Diyos na nagpapagaling ng maysakit at muling nagpapalayas ng mga demonyo, huwag mong palaging asahang makita ang mga tanda—wala itong saysay! Ang mga tandang iyon ay hindi nakakapagperpekto sa tao! Sa malinaw na pagsasalita: Ngayon, ang totoong Diyos Mismo na nagkatawang-tao ay nangungusap lamang, at hindi kumikilos. Ito ang katotohanan! Gumagamit Siya ng mga salita upang gawin kang perpekto, at gumagamit ng mga salita upang pakainin at diligan ka. Ginagamit din Niya ang mga salita upang gumawa, at ginagamit Niya ang mga salita sa halip na mga katunayan upang malaman mo ang Kanyang realidad. Kung may kakayanan kang maramdaman ang aspetong ito ng gawain ng Diyos, mahirap namang magsawalang-kibo. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na negatibo, dapat ninyong pagtuunan ng pansin yaong mga positibo—na ibig sabihin, hindi alintana kung natutupad ang mga salita ng Diyos o hindi, o mayroon o wala ng pagdating ng mga katunayan, ang Diyos ang nagsasanhi upang matamo ng tao ang buhay mula sa Kanyang mga salita, at ito ang pinakamatindi sa lahat ng mga tanda, at lalong higit pa, ito ay isang hindi-mapapasubaliang katunayan. Ito ang pinakamainam na katibayan na sa pamamagitan nito’y magkakaroon ng pagkakilala sa Diyos, at isa pang mas malaking tanda kaysa mga tanda. Tanging ang mga salitang ito ang makakagawang perpekto sa tao.
Sa sandaling ang Kapanahunan ng Kaharian ay nagsimula, sinimulan ng Diyos na pakawalan ang Kanyang mga salita. Sa hinaharap, ang mga salitang ito ay unti-unting matutupad, at sa panahong iyon, ang tao ay lalago sa buhay. Ang paggamit ng Diyos ng salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao ay mas totoo, at mas kailangan, at wala Siyang ginagamit kundi ang salita upang gawin ang Kanyang gawain para maperpekto ang pananampalataya ng tao, pagka’t ngayon ay ang Kapanahunan ng Salita, at ito ay nangangailangan ng pananampalataya, kapasiyahan at pakikipagtulungan ng tao. Ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay ang paggamit ng Kanyang salita upang maglingkod at maglaan. Pagkatapos lamang na ang Diyos na nagkatawang-tao ay nakapangusap ng Kanyang mga salita saka magsisimulang matupad ang mga iyon. Sa panahon na Siya ay nangungusap, ang Kanyang mga salita ay hindi natutupad, sapagka’t kapag Siya ay nasa yugto ng katawang-tao, ang Kanyang mga salita ay hindi natutupad, at ito ay upang makita ng tao na ang Diyos ay katawang-tao at hindi Espiritu, upang sa gayon makita ng tao sa sarili niyang mga mata ang realidad ng Diyos. Sa araw na iyon na tapos na ang Kanyang gawain, kapag ang lahat ng mga salita na dapat mawika Niya sa lupa ay nabigkas na, ang Kanyang mga salita ay magsisimulang matupad. Ngayon ay hindi ang kapanahunan ng katuparan, sapagka’t hindi pa Siya natatapos magwika ng Kanyang mga salita. Sa gayon kapag nakita mo na ang Diyos ay nagwiwika pa rin ng Kanyang mga salita sa lupa, huwag mong hintayin ang katuparan ng Kanyang mga salita; kapag huminto na ang Diyos sa pagwiwika ng Kanyang mga salita, at kapag ang Kanyang gawain sa lupa ay natapos na, yaon ang magiging panahon na ang Kanyang mga salita ay magsisimulang matupad. Sa mga salitang winiwika Niya sa lupa, mayroon, sa isang banda, na pagtutustos ng buhay, at sa kabila, mayroong hula—ang hula ng mga bagay na darating, ng mga bagay na magagawa, at ng mga bagay na hindi pa natutupad. Mayroon ding hula sa mga salita ni Jesus. Sa isang banda, nagtustos Siya ng buhay, at sa kabilang banda, nangusap Siya ng hula. Ngayon, walang sinasabi tungkol sa pagsasakatuparan ng mga salita at mga katunayan nang sabay-sabay sapagka’t ang pagkakaiba sa pag-itan niyaong nakikita ng tao ng sarili niyang mga mata at niyaong ginagawa ng Diyos ay napakalaki. Masasabi lamang na sa sandaling ang gawain ng Diyos ay natatapos na, ang Kanyang mga salita ay matutupad, at ang mga katunayan ay mangyayari pagkatapos ng mga salita. Sa lupa, ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay gumaganap ng ministeryo ng salita, at sa pagganap ng ministeryo ng salita, nangungusap lamang Siya ng mga salita, at hindi pinakikialaman ang ibang mga bagay. Sa sandaling nagbabago ang gawain ng Diyos, ang Kanyang mga salita ay magsisimulang matupad. Ngayon, ang mga salita ay unang ginagamit upang ikaw ay gawing perpekto; kapag natatamo Niya ang kaluwalhatian sa buong sansinukob, yaon ang panahon kung kailan ang Kanyang gawain ay tapos na, kapag ang mga salitang dapat mabigkas ay nasasabi na, at lahat ng mga salita ay naging mga katunayan. Ang Diyos ay naparito sa lupa sa panahon ng mga huling araw upang gampanan ang ministeryo ng salita, upang maaaring makilala Siya ng tao, at sa gayon ay maaaring makita ng tao kung ano Siya, at makita ang Kanyang karunungan at lahat ng Kanyang kamangha-manghang mga gawa mula sa Kanyang salita. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos sa pangunahin ang salita upang lupigin ang lahat ng mga tao. Sa hinaharap, ang Kanyang salita ay darating sa bawa’t relihiyon, grupo, bansa at taguri; ginagamit ng Diyos ang salita upang manlupig, upang ipakita sa lahat ng tao na ang Kanyang salita ay nagtataglay ng awtoridad at kapangyarihan—at kaya ngayon, hinaharap mo lamang ang salita ng Diyos.
Ang mga salita na winika ng Diyos sa kapanahunang ito ay iba sa mga winika noong Kapanahunan ng Kautusan, at kaya, rin, ang mga iyon ay naiiba mula sa mga salita na winika noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng salita, kundi isinalarawan lamang ang pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ang Biblia ay nagsasalarawan lamang kung bakit kailangang ipako si Jesus, at ang mga paghihirap na pinagdaanan Niya sa krus, at kung paano ang tao ay dapat maipako para sa Diyos. Sa kapanahunang iyon, lahat ng gawain na ginawa ng Diyos ay nakasentro sa pagpapapako sa krus. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagwiwika ng mga salita upang lupigin ang lahat ng naniniwala sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; ang Diyos ay naparito sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang ganito, na ibig sabihin, Siya ay naparito upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang mayroong pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinaka-substansya ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagwiwika ng Kanyang mga salita, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na dumarating tungo sa katawang-tao. “Nang pasimula ay ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. At nagkatawang-tao ang Verbo”. Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano sa pamamahala, at sa gayon ang Diyos ay naparito sa lupa at naghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong tutuparin ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—ang gawaing ito na dapat makamit sa katapusan ay maliwanag nang nakasaad, at ang lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang atas ng pamamahala at saligang-batas na dati nang nailathala, yaong mga mawawasak, yaong mga papasok sa kapahingahan—ang lahat ng mga salitang ito ay dapat na matupad. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Ipinauunawa Niya sa mga tao kung saan yaong mga itinadhana ng Diyos ay nabibilang at kung saan yaong mga hindi itinadhana ng Diyos ay nabibilang, kung paanong ang Kanyang mga tao at mga anak-na-lalaki ay mapapag-bukud-bukod, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Egipto—sa hinaharap, bawa’t isa sa mga salitang ito ay matutupad. Ang mga hakbang ng mga gawain ng Diyos ay bumibilis. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang ang paraan upang ibunyag sa tao kung ano ang gagawin sa bawa’t kapanahunan, kung ano ang gagawin ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, at Kanyang ministeryo na dapat maganap, at ang mga salitang ito lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salitang nagpapakita sa katawang-tao.
Nasasabi ko na dati na “Lahat nang naghahanap na makakita ng mga tanda at mga kababalaghan ay tatalikdan; sila ay hindi yaong mga magagawang perpekto.” Nakapagwika Ako ng napakaraming mga salita, datapwa’t ikaw ay wala ni katiting na kaalaman sa gawaing ito, at, pagkatapos na nakarating sa puntong ito, humihingi ka pa rin ang mga tanda at mga kababalaghan. Ang paniniwala mo ba sa Diyos ay ang paghahabol sa pagkakita sa mga tanda at mga kababalaghan, o ito ba’y upang makatamo ng buhay? Si Jesus ay nagwika rin ng maraming mga salita na, ngayon, ay hindi pa natutupad. Nasasabi mo bang si Jesus ay hindi Diyos? Sumaksi ang Diyos na Siya ay si Cristo at ang minamahal na Anak ng Diyos. Naitatatwa mo ba ito? Ngayon, bumibigkas lamang ang Diyos ng mga salita, at kung ikaw ay walang kakayahan na lubos na makaalam, kung gayon ay hindi ka makakapanindigan. Naniniwala ka ba sa Kanya dahil Siya ay Diyos, o naniniwala ka sa Kanya batay sa kung ang Kanyang mga salita ay natutupad o hindi? Naniniwala ka ba sa mga tanda at mga kababalaghan, o naniniwala ka ba sa Diyos? Ngayon hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan—tunay ba Siyang Diyos? Kung ang mga salita na Kanyang winiwika ay hindi natutupad, Siya ba ay tunay na Diyos? Ang substansya ba ng Diyos ay naaalaman sa pamamagitan ng kung ang mga winiwika Niyang mga salita ay natutupad o hindi? Bakit may mga tao na palaging naghihintay para sa katuparan ng mga Salita ng Diyos bago maniwala sa Kanya? Ito ba’y nangangahulugan na hindi nila Siya kilala? Ang lahat ng mga may angking ganoong mga pagkaintindi ay mga taong nagtatatwa sa Diyos; ginagamit nila ang mga pagkaintindi upang sukatin ang Diyos; kung ang mga salita ng Diyos ay natutupad, naniniwala sila sa Diyos, at kung hindi, hindi sila naniniwala sa Diyos; at palagi silang naghahabol ng mga tanda at mga kababalaghan. Hindi ba sila ang mga Fariseo ng makabagong mga panahon? Kung ikaw ay nakakatindig nang matatag o hindi ay nakabatay sa kung nakikilala mo o hindi ang tunay na Diyos—ito ay napakahalaga! Mas malaki ang realidad ng salita ng Diyos sa iyo, mas malaki ang iyong kaalaman sa realidad ng Diyos, at mas nakakaya mong magpakatibay sa panahon ng mga pagsubok. Mas tumitingin ka sa mga tanda at mga kababalaghan, mas hindi mo nakakayang tumindig nang matatag, at babagsak ka sa gitna ng mga pagsubok. Ang mga tanda at mga kababalaghan ay hindi ang pundasyon; tanging ang realidad ng Diyos ang buhay. May mga tao na hindi alam ang mga epekto na nakakamit ng gawain ng Diyos. Gumugol sila ng kanilang mga araw sa pagkalito, hindi hinahabol ang kaalaman sa gawain ng Diyos. Ang kanilang paghahabol ay palaging upang ipatupad sa Diyos ang kanilang mga ninanasà, at matapos lamang iyon sila ay magiging seryoso sa kanilang paniniwala. Sinasabi nila na kanilang hahabulin ang buhay kung ang mga salita ng Diyos ay natutupad, nguni’t kung ang mga salita Niya ay hindi natutupad, kung gayon ay walang posibilidad na kanilang habulin ang buhay. Iniisip ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay ang paghahabol sa pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan at ang paghahabol sa pag-akyat sa langit at sa ikatlong langit. Walang sinumang nagsasabi na ang kanilang paniniwala sa Diyos ay ang paghahabol sa pagpasok sa realidad, ang paghahabol sa buhay, at ang paghahabol sa pagiging natamo ng Diyos. Anong kahalagahan ng ganoong paghahabol? Yaong mga hindi naghahabol ng pagkakilala sa Diyos at sa kasiyahan ng Diyos ay mga taong hindi naniniwala sa Diyos, sila ay mga taong lumalapastangan sa Diyos!
Ngayon nauunawaan ba ninyo kung ano ang paniniwala sa Diyos? Ang paniniwala ba sa Diyos ay ang pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan? Ito ba ay pag-akyat sa langit? Ang paniniwala sa Diyos ay hindi madali. Ngayon, ang ganoong uri ng relihiyosong pagsasagawa ay dapat maalis; ang paghahabol sa kahayagan ng mga himala ng Diyos, ang paghahabol sa pagpapagaling ng Diyos at sa Kanyang pagpapalayas ng mga demonyo, ang paghahabol sa pagkakaloob ng kapayapaan at sapat na mga biyaya ng Diyos, paghahabol sa pagtatamo ng mga pagkakataon at kaginhawahan para sa laman—ang mga ito ay mga relihiyosong kaugalian, at ang mga ganoong relihiyosong kaugalian ay malabo at mahirap na unawaing anyo ng paniniwala. Ngayon, ano ang tunay na paniniwala sa Diyos? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang realidad ng iyong buhay at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Yaon ay ang paniniwala sa Diyos nang sa gayon ay sumunod ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat magampanan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa kariktan ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang pinakamababa na dapat mong taglayin sa iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahin na ang paglipat mula sa isang buhay sa katawang-tao tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos, mula sa isang buhay sa loob ng pagiging-likas tungo sa isang buhay sa loob ng pagka-Diyos ng Diyos, ito ay paglabas mula sa ilalim ng sakop ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagkamasunurin sa Diyos at hindi pagkamasunurin sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing upang ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay maaaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari mong gawin ang kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at makayanang magdala ng patotoo sa Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat upang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, ni hindi dapat para sa kapakanan ng iyong personal na laman. Ito ay dapat na para sa paghahabol sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang sumunod sa Diyos, at tulad ni Pedro, sumunod sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ay kung ano ang pangunahin upang makamit. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo nang higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkatapos lamang nito nakakasunod ka sa Diyos. Kung nakikilala mo lamang ang Diyos naiibig mo Siya, at ang pagkakamit ng mithiing ito ay ang tanging mithiin na dapat magkaroon ang tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala ay mali. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing ang pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang realidad ng buhay. Tanging sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa iyong sariling kalooban ang pagkakamit ng minimithi ng Diyos. Sa paniniwala sa Diyos, dapat habulin ng tao ang magawang perpekto siya ng Diyos, ang makayanang magpasakop sa Diyos, at ang kumpletong pagkamasunurin sa Diyos. Kung nasusunod mo ang Diyos nang hindi nagrereklamo, nililimi ang mga ninanasà ng Diyos, kinakamit ang katayuan ni Pedro, at tinataglay ang estilo ni Pedro na sinabi ng Diyos, doon mo naman nakakamtan ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, at ito ay magiging tanda na ikaw ay nakakamtan ng Diyos.
Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa buong sansinukob. Lahat ng mga naniniwala sa Kanya ay dapat tumanggap sa Kanyang salita, at kainin at inumin ang Kanyang salita; walang sinuman ang nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakita sa mga tanda at mga kababalaghan na ipinamalas ng Diyos. Sa buong mga kapanahunan, palaging nagagamit ng Diyos ang salita upang gawing perpekto ang tao, kaya hindi ninyo dapat ibinubuhos ang lahat ng inyong pansin sa mga tanda at mga kababalaghan, kundi dapat ninyong habulin na magawang perpekto ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang Diyos ay nagwika ng ilang mga salita, at sa Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus, din, ay nagwika ng maraming mga salita. Matapos wikain ni Jesus ang maraming mga salitang ito, ang mga apostoles at mga propeta na dumating nang mas huli ay nagsanhi upang magsagawa ang mga tao ayon sa mga batas at mga kautusang itinakda ni Jesus, at nagsanhi upang makaranas sila ayon sa mga panuntunang winika ni Jesus. Sa mga huling araw, ang Diyos ay pangunahing gumagamit ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya gumagamit ng mga tanda at mga kababalaghan upang apihin ang tao, o kumbinsihin ang tao; hindi nito maaaring gawing malinaw ang kapangyarihan ng Diyos. Kung nagpakita lamang ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon magiging imposible na gawing malinaw ang realidad ng Diyos, kaya imposibleng gawing perpekto ang tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, subali’t gumagamit ng salita upang diligan at akayin ang tao, at pagkatapos nito ay nakakamit ang ganap na pagkamasunurin ng tao at ang pagkakilala ng tao sa Diyos. Ito ang minimithi ng gawaing ginagawa Niya at ng mga salitang winiwika Niya. Hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang gawing perpekto ang tao—gumagamit Siya ng mga salita, at gumagamit ng maraming iba’t-ibang mga paraan ng gawain upang gawing perpekto ang tao. Maging ito man ay ang pagpipino, pakikitungo, pagpupungos, o pagtutustos ng mga salita, ang Diyos ay nagwiwika mula sa maraming iba’t-ibang mga perspektibo upang gawing perpekto ang tao, at upang bigyan ang tao ng mas malaking kaalaman sa gawain, karunungan at pagiging-kamangha-mangha ng Diyos. Kapag ang tao ay nagagawang kumpleto na sa panahon na tinatapos ng Diyos ang kapanahunan sa mga huling araw, magiging kwalipikado siya na tumingin sa mga tanda at mga kababalaghan. Kapag ikaw ay mayroong pagkakilala sa Diyos at nakakayang sumunod sa Diyos kung ano man ang ginagawa Niya, ikaw ay makakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, sapagka’t hindi ka magkakaroon ng mga pagkaintindi tungkol sa realidad ng Diyos. Sa sandaling ito, ikaw ay masamâ at walang kakayanang ganap na sumunod sa Diyos–kwalipikado ka bang makakita ng mga tanda at mga kababalaghan? Ang sandali na nagpapamalas ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan ay kapag pinaparusahan ng Diyos ang tao, at saka kapag ang kapanahunan ay nagbabago, at, dagdag pa, kapag ang kapanahunan ay nagwawakas. Kapag ang gawain ng Diyos ay normal na naisasakatuparan, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan ay masyadong madali, nguni’t hindi iyon ang prinsipyo ng gawain ng Diyos, ni iyon ang mithiin ng pamamahala ng Diyos sa tao. Kung ang tao ay nakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, at kung ang espiritwal na katawan ng Diyos ay magpapakita sa tao, hindi kaya lahat ng tao ay maniniwala sa Diyos? Dati ko nang nasasabi na ang isang grupo ng mga mananagumpay ay natatamo mula sa Silangan, mga mananagumpay na nagmumula sa gitna ng malaking kapighatian. Ano ang ibig sabihin ng ganoong mga salita? Ang ibig sabihin ng mga iyon ay ang mga taong ito na natatamo ay tunay lamang na sumunod matapos dumaan sa paghatol at pagkastigo, at pakikitungo at pagpupungos at lahat ng mga uri ng pagpipino. Ang paniniwala ng mga ganoong tao ay hindi malabo at mahirap unawain, nguni’t tunay. Hindi pa sila nakakakita ng anumang mga tanda at kababalaghan, o anumang mga himala; hindi sila nagsasalita ng mga malalabong mga titik at mga doktrina, o malalalim na mga pagkakita; sa halip mayroon silang realidad, at mga salita ng Diyos, at isang tunay na kaalaman sa realidad ng Diyos. Ang ganoon bang grupo ay walang mas higit na kakayahang gawing malinaw ang kapangyarihan ng Diyos? Ang gawain ng Diyos sa panahon ng mga huling araw ay tunay na gawain. Noong kapanahunan ni Jesus, hindi Siya naparito upang gawing perpekto ang tao, kundi upang tubusin ang tao, at sa gayon nagpakita Siya ng ilang mga himala upang mapasunod sa Kanya ang mga tao. Pagka’t pangunahing naparito Siya upang kumpletuhin ang gawain ng pagpapapako sa krus, at ang pagpapakita ng mga tanda ay hindi bahagi ng gawain ng Kanyang ministeryo. Ang mga ganoong mga tanda at mga kababalaghan ay mga gawain na ginawa upang gawing mabisa ang Kanyang gawain; ang mga iyon ay dagdag gawain, at hindi kumakatawan sa gawain ng buong kapanahunan. Noong panahon ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, nagpakita rin ang Diyos ng ilang mga tanda at mga kababalaghan—subali’t ang gawain ng Diyos ngayon ay tunay na gawain, at talagang hindi Siya magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan ngayon. Kung nagpakita Siya ng mga tanda at mga kababalaghan, ang tunay Niyang gawa ay mapapatapon sa kaguluhan, at hindi na Siya makakagawa pa ng anumang karagdagang gawain. Kung sinabi ng Diyos na ang salita ang gagamitin upang gawing perpekto ang tao, subali’t nagpakita rin ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon magagawa bang malinaw kung ang tao ay tunay na naniniwala o hindi sa Kanya? Kaya, ang Diyos ay hindi gumagawa ng ganoong mga bagay. Sobrang dami ng relihiyon sa loob ng tao; ang Diyos ay naparito sa mga huling araw upang alisin ang lahat ng relihiyosong mga pagkaintindi at mga bagay na higit-sa-karaniwan sa loob ng tao, at ipaalam sa tao ang realidad ng Diyos. Naparito Siya upang alisin ang isang imahe ng Diyos na mahirap unawain at hindi-makatotohanan—isang imahe na, sa ibang salita, ay hindi umiiral sa anumang paraan. At sa gayon, ngayon ang tanging bagay na mahalaga ay ang magkaroon ka ng kaalaman sa realidad! Ang katotohanan ay nananaig sa lahat-lahat. Gaanong katotohanan ang taglay mo ngayon? Ang lahat bang iyon ay nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan ng Diyos? Ang mga masasamang espiritu ay nakakapagpakita rin ng mga tanda at mga kababalaghan; ang lahat ba ng mga iyon ay Diyos? Sa kanyang paniniwala sa Diyos, ang hinahanap ng tao ay ang katotohanan, ang hinahabol niya ay buhay, sa halip na mga tanda at mga kababalaghan. Ang ganoon ang dapat maging mithiin ng lahat niyaong mga naniniwala sa Diyos.
Write a comment