· 

Bakit Gustong Iligtas ng Diyos ang Sangkatauhan?

kaligtasanBakit Gustong Iligtas ng Diyos ang Sangkatauhan?

 

 

Mga Klasikong Salita Mula sa Diyos:

 

Sa simula, ang Diyos ay nagpapahinga. Walang mga tao o anumang bagay sa lupa nang panahon na iyon, at wala pang nagagawa ang Diyos kahit anong gawain pa man. Sinimulan lang ng Diyos ang Kanyang gawaing pamamahala noong umiral ang sangkatauhan at noong ang sangkatauhan ay nagawang masama. Mula sa puntong ito, ang Diyos ay hindi na nagpahinga ngunit sa halip ay nagsimulang gawing abala ang Kanyang sarili sa gitna ng sangkatauhan. Ang Diyos ay naalis mula sa Kanyang kapahingahan dahil sa kasamaan ng sangkatauhan, at dahil din sa paghihimagsik ng arkanghel kaya naalis ang Diyos mula sa Kanyang kapahingahan. Kung hindi tatalunin ng Diyos si Satanas at ililigtas ang sangkatauhan, na naging masama, ang Diyos ay hindi na muling makapapasok sa kapahingahan. Tulad na ang tao ay kulang sa pahinga, ganoon din ang Diyos. Kapag ang Diyos ay muling pumasok sa kapahingahan, ang tao ay papasok din sa kapahingahan. Ang buhay na nasa kapahingahan ay isa na walang digmaan, walang karumihan, walang namamalagi na di-pagkamatuwid. Ibig sabihin nito ay walang panliligalig ni Satanas (dito ang “Satanas” ay tumutukoy sa kalabang mga puwersa), kasamaan ni Satanas, pati na rin ang pagsalakay ng anumang puwersang tutol sa Diyos. Lahat ng bagay ay sumusunod sa sarili nitong uri at sumasamba sa Panginoon ng sangnilikha. Ang langit at lupa ay ganap na payapa. Ito ang matiwasay na buhay ng sangkatauhan. Kapag pumasok ang Diyos sa kapahingahan, wala ng di-pagkamatuwid ang magpapatuloy sa ibabaw ng lupa, at wala ng pagsalakay ng anumang kalabang mga puwersa. Ang sangkatauhan ay papasok din sa isang bagong saklaw; sila ay hindi na magiging isang sangkatauhan na ginawang masama ni Satanas, bagkus ay isang sangkatauhan na nailigtas pagkatapos na magáwáng masama ni Satanas. Ang araw ng kapahingahan ng sangkatauhan ay araw din ng kapahingahan ng Diyos. Nawala ng Diyos ang Kanyang kapahingahan dahil sa kawalang-kakayahan ng sangkatauhan na pumasok sa kapahingahan; hindi iyon dahil sa Siya ay dati-rating hindi makapagpahinga.

 

mula sa “Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Kapahingahan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Ito ang mga katotohanan: Nang ang mundo ay hindi pa umiiral, ang arkanghel ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Mayroon itong kapangyarihan na higit sa mga ibang anghel sa langit; ito ang awtoridad na ibinigay sa kanya ng Diyos. Maliban sa Diyos, ito ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Nang nilikha ng Diyos kinalaunan ang sangkatauhan, nagsagawa ng mas malaking kataksilan ang arkanghel sa Diyos sa lupa. Sinasabi Ko na ipinagkanulo nito ang Diyos dahil nais nitong pamahalaan ang sangkatauhan at malampasan ang awtoridad ng Diyos. Ang arkanghel ang nanukso kay Eba tungo sa kasalanan; ginawa ito dahil nais nitong itatag ang kaharian nito sa lupa at tuksuhin ang sangkatauhan na pagtaksilan ang Diyos at sa halip ay sundin ito. Nakita nito na maraming bagay ang sumunod dito; ang mga anghel ay sumunod dito, gayundin ang mga tao sa lupa. Ang mga ibon at hayop, mga puno, mga kagubatan, mga bundok, mga ilog, ang lahat ng mga bagay sa lupa ay nasa pangangalaga ng tao—iyon ay, sina Adan at Eba—habang sina Adan at Eba ay sumusunod dito. Hinangad nga ng arkanghel na malampasan ang awtoridad ng Diyos at pagtaksilan ang Diyos. Kinalaunan ay pinamunuan Niya ang maraming anghel upang ipagkanulo ang Diyos, anupa’t naging iba’t-ibang maruruming espiritu ang mga ito. … Ang sangkatauhan at ang lahat ng mga bagay sa lupa ay nasa ilalim ng sakop ni Satanas at nasa ilalim ng sakop ng masama. Nais ng Diyos na ibunyag ang Kanyang mga pagkilos sa lahat ng mga bagay nang sa gayon ay makilala Siya ng mga tao, at matalo si Satanas at lubos-lubos na lipulin ang Kanyang mga kaaway. Ang kabuuan ng Kanyang gawain ay matutupad sa pamamagitan ng pagbubunyag ng Kanyang mga pagkilos. Ang lahat ng mga nilikha Niya ay nasa ilalim ng sakop ni Satanas, at dahil doon nais Niyang ibunyag ang Kanyang pagka-makapangyarihan sa kanila, at matalo si Satanas. Kung walang Satanas, hindi Niya sana kakailanganing ibunyag ang Kanyang mga pagkilos. Kung hindi dahil sa panliligalig ni Satanas, nilikha Niya sana ang sangkatauhan at pinamunuan sila upang manirahan sa Hardin ng Eden. Bakit hindi Niya ibinunyag ang Kanyang mga pagkilos para sa mga anghel o sa arkanghel bago ang pagtataksil ni Satanas? Kung nakilala lamang Siya ng mga anghel at arkanghel, at sinunod din Siya noong simula, sa gayon hindi Niya sana isinagawa ang mga walang kabuluhang mga pagkilos ng gawain. Dahil sa pag-iral ni Satanas at ng mga demonyo, nilabanan Siya ng mga tao at sila ay napuno ng suwail na disposisyon, dahil doon ninais na ibunyag ng Diyos ang Kanyang mga pagklilos. Dahil nais Niyang makipag-digma kay Satanas, dapat Niyang gamitin ang Kanyang sariling awtoridad upang matalo si Satanas at gamitin ang lahat ng Kanyang mga pagkilos upang talunin si Satanas; sa paraang ito, ang Kanyang gawain ng pagliligtas na ginagawa sa sangkatauhan ay magiging daan upang makita ng mga tao ang Kanyang karunungan at pagka-makapangyarihan.

 

mula sa “Dapat Mong Malaman Kung Paanong Sumulong ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa oras na ang gawain ng panlulupig sa tao ay makumpleto na, ang tao ay dadalhin sa isang magandang mundo. Ang buhay na ito ay magiging, walang duda, sa mundo pa rin, ngunit ito ay ganap na hindi magiging kagaya ng buhay ng tao sa ngayon. Ito ang buhay na kakamtin ng sangkatauhan matapos na ang sangkatauhan ay ganap nang malupig, ito ay magiging bagong simula ng tao sa mundo, at para sa sangkatauhan na magkaroon ng gayong buhay ay magiging katibayan na ang sangkatauhan ay nakapasok na sa isang bago at magandang kaharian. Ito ang magiging simula ng buhay ng tao at Diyos sa lupa. Ang saligan ng gayong kagandang buhay ay marahil, matapos ang tao ay malinis at malupig, siya ay susuko sa harap ng Lumikha. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling yugto ng gawain ng Diyos bago pumasok ang tao sa kamangha-manghang hantungan. Ang gayong buhay ay ang hinaharap na buhay ng tao sa lupa, ito ang pinakamagandang buhay sa lupa, ang uri ng buhay na inaasam ng tao, ang uri na hindi pa kailanman nakamtan ng tao sa kasaysayan ng mundo. Ito ang huling kalalabasan ng 6,000 taon ng gawain sa pamamahala, ito ang pinaka-kinasasabikan ng sangkatauhan, ito rin ang pangako ng Diyos sa tao. Ngunit ang pangakong ito ay hindi kaagad maisasakatuparan: Ang tao ay papasok sa hinaharap na hantungan sa oras lamang na maging ganap ang gawain sa mga huling araw at siya ay ganap nang nalupig, iyon ay, sa oras na si Satanas ay ganap nang natalo. Ang tao ay hindi na magkakaroon ng makasalanang kalikasan pagkatapos na siya ay madalisay, dahil madadaig na ng Diyos si Satanas, na nangangahulugan na hindi na makapanghihimasok ang mga masamang puwersa, at walang masamang mga puwersa ang maaaring sumalakay sa laman ng tao. At kaya makalalaya ang tao, at magiging banal—siya ay makapapasok sa kawalang-hanggan. Kapag ang masasamang puwersa ng kadiliman ay naigapos na saka pa lamang magiging malaya ang tao saan man siya magpunta, at nang walang paghihimagsik o pagsalungat. Si Satanas ay kailangang maigapos para maging maayos ang tao; sa ngayon, hindi siya maayos sapagkat[a] si Satanas ay naghahasik pa rin ng kaguluhan kahit saan sa lupa, at sapagkat ang kabuuang gawain sa pamamahala ng Diyos ay hindi pa umaabot sa kanyang katapusan. Sa oras na matalo na si Satanas, ang tao ay magiging lubos nang malaya; kapag natamo ng tao ang Diyos at nakalabas sa ilalim ng sakop ni Satanas, kanyang pagmamasdan ang Araw ng pagkamatuwid. … Sa ganitong paraan, sa oras na wala na ang panggugulo ni Satanas, Ang Diyos Mismo ang mamamahala sa sangkatauhan, at Kanyang aatasan at pamamahalaan ang buong buhay ng tao; ito lamang ang maituturing na pagkatalo ni Satanas. Ang buhay ng tao ngayon ay karamihang buhay ng karumihan, ay buhay pa rin ng pagdurusa at dalamhati. Hindi ito matatawag na pagkatalo ni Satanas; ang tao ay hindi pa nakatatakas sa dagat ng pagdurusa, hindi pa nakatatakas sa kahirapan ng buhay ng tao, o ng impluwensya ni Satanas, at siya ay may kakatiting pa ring pagkakilala sa Diyos. Ang lahat ng paghihirap ng tao ay gawa ni Satanas, si Satanas ang nagdala ng mga pagdurusa sa buhay ng tao, at pagkatapos lamang maigapos si Satanas makatatakas nang lubos ang tao mula sa dagat ng pagdurusa. Ngunit ang pagkagapos ni Satanas ay nakakamit sa pamamagitan ng paglupig at pagtamo sa puso ng tao, sa pamamagitan ng pagturing sa tao na samsam sa digmaan kay Satanas. … Sa oras na iyon, matatamo na ng tao ang isang buhay na nililiwanagan ng Diyos, isang buhay na nasa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, at isang buhay na kasama ang Diyos. Magkakaroon ang sangkatauhan ng normal na buhay sa lupa, at ang kabuuan ng sangkatauhan ay papasok sa tamang landas. Lubos nang matatalo ng 6,000-taong plano sa pamamahala ng Diyos si Satanas, ibig sabihin nito’y mababawi na ng Diyos ang orihinal na anyo ng tao sunod sa Kanyang paglikha, at dahil dito, ang orihinal na layunin ng Diyos ay matutupad na.

 

mula sa “Pagpapanumbalik sa Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao