· 

Ang Hirap ng Kulungan

Karanasan sa buhay

 

Ni Xiao Fan, Tsina

 

Isang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20 pulis. Galing daw sila sa Municipal National Security Brigade at sa nagdaang apat na buwan ay sinusubaybayan nila ang cellphone ko. Bahagi raw sila ng pagsugpo sa buong lalawigan at marami nang mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos ang naaresto. Dinala nila ako sa isang Communist Party School sa siyudad para sa interogasyon. Sa sandaling makapasok ako, inutusan nila akong tanggalin ang sapatos ko at tumalungko. Hindi nagtagal, namanhid ang mga binti ko, pero sa tuwing gugustuhin kong mag-iba ng puwesto, sinisigawan ako ng pulis, sinasabing hindi ako puwedeng gumalaw kahit kaunti. Mahigit dalawang oras nila akong pinatalungko roon bago nila ako sinimulang kuwestiyunin. “Sino ang lider mo? Saan nakatago ang pera ng iglesia?” Wala akong sinabi. Tapos ay dumating ang hepe ng National Security Brigade na may dalang isang pares ng posas at mabagsik na sinabing, “Huwag na kayong magsayang ng oras sa kanya. Ipatikim niyo ito sa kanya!” Tapos ay sinabi niya sa akin, “Naririnig mo ba iyong nasa kabilang kuwarto?” May naririnig akong sumisigaw na sister sa kabilang kuwarto at agad akong kinabahan at natakot, naisip ko, “Pahihirapan ako nang ganoon ng mga pulis na ito. Paano ko ito makakayanan?” Pagkatapos ay tahimik akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanyang bigyan ako ng lakas at sinasabing handa akong sumandal sa Kanya at magpatotoo. Bigla akong sinipa ng hepe papunta sa sahig, pinosasan ang mga kamay ko sa likod ko at hinatak iyon pataas at pababa. Matapos akong hatakin at hilahin nang ganito nang ilang beses, labis ang sakit na nararamdaman ko na tumatagaktak ang pawis ko. Ipinagpatuloy nilang gawin ito nang mahigit sampung minuto bago ako pinakawalan sa wakas. Nang makitang hindi ito gumana, nagpasya silang sumubok ng ibang bagay. Nagpapasok sila ng ilang pulis mula sa ibang lugar at ilang pulis na rumeresponde sa kaguluhan galing sa siyudad, na nagsimulang kumuwestiyon sa akin nang paisa-isang grupo. Apat sila sa isang grupo at naghalinhinan sila sa pagbabantay sa akin araw at gabi, pinahihirapan ako sa pamamagitan ng pagpigil sa aking makatulog. Kapag napapapikit na ako at nakakatulog, wiwisikan ako ng malamig na tubig sa mukha ng mga pulis at hihilahin ang buhok ko sa pagtatangkang sirain ang determinasyon ko at ikanta ko ang mga kapatid ko at ipagkanulo ang Diyos. Araw-araw, labis-labis ang nerbiyos ko, natatakot ako na kapag sandali akong mawalan ng konsentrasyon, makapagbunyag ako ng impormasyon tungkol sa iglesia. Nagpatuloy akong manalangin sa puso ko, hinihiling sa Kanyang patnubayan ako sa masasamang araw na iyon. Sadya rin akong hinihiya ng mga pulis. Hindi nila ako pinapayagang isara ang pinto kapag kailangan kong gumamit ng banyo habang palakad-lakad ang mga lalaking pulis sa labas. Sinasadya pa ng ibang tumingin sa loob, at sa maraming beses ay tatayo lang sila sa pintuan, pinapanood akong gumamit ng banyo. Kinuwestiyon at pinahirapan ako nang ganito sa loob ng 12 araw. Dahil mahigit 10 araw na akong hindi nakakatulog, at takot na takot ako, nahirapan akong makadumi. Dahil sa mga pahirap nila, bumaba ang timbang ko mula sa 58 hanggang sa 52kg. Nabawasan ako ng 6 kg sa loob lang ng 12 araw.

 

Sa ika-labintatlong araw, dinala ako ng mga pulis sa isang kulungan sa siyudad. Walang isang buwan pagkatapos noon, dinala nila ako sa isang mamahaling hotel para bantayan. Pinapunta nila ang asawa ko at iniwan kaming dalawa sa isang kuwarto para makumbinsi niya akong magsabi ng impormasyon tungkol sa iglesia. Nagsimula akong manghina noong una, at gustong-gusto ko nang makaalis sa impiyernong iyon kasama ang asawa ko sa lalong madaling panahon. Pero para makaalis, kailangan kong ipagkanulo ang Diyos at traydurin ang aking mga kapatid. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat gising kayo at naghihintay sa lahat ng oras, at dapat kayong mas manalangin sa harapan Ko. Dapat ninyong makilala ang iba’t ibang balak at mga tusong pakana ni Satanas, makilala ang mga espiritu, makilala ang mga tao, at makayang makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay” (“Kabanata 17” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Pinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na pinapunta ng mga pulis ang asawa ko para kumbinsihin ako na ipagkanulo ang Diyos. Ito ang tusong pakana ni Satanas at nanganganib akong mahulog sa kanyang bitag. Naisip ko kung paanong, noong kinukuwestiyon ako ng mga pulis, binigyan nila ako ng listahan ng pangalan ng mga kapatid at ilang mga larawan at inutusan nila akong ituro ang mga kakilala ko, pero tumanggi ako. Naalala ko rin kung paano ako sinusuportahan ng asawa ko sa aking pananampalataya, at naisip kong puwede kong gamitin ang pagkakataong ito para hilingin sa asawa ko na balaan ang mga kapatid na iyon upang makapagtago sila at makaiwas sa pagkaaresto. Kaya’t nagpanggap akong umiiyak sa balikat ng asawa ko at ibinulong ang plano ko sa tenga niya. Pumayag siyang gawin iyon. Nagulat ako nang isang babaeng pulis ang agad na pumasok sa kuwarto at sinabi sa asawa ko, “Dinala ka namin dito para tulungan kami. Anong pinag-uusapan niyo? Lumabas ka na!” Gusto ng mga pulis na kumbinsihin ako ng asawa ko na magsuko ng impormasyon tungkol sa iglesia at ipagkanulo ang Diyos, pero nang makita ng babaeng pulis na hindi gumana ang plano nila, nainis siya at pinagmadaling lumabas ang asawa ko. Napakasama ng mga pulis na ito! Salamat sa patnubay ng Diyos na pumigil sa aking mahulog sa tusong pakana ni Satanas.

 

Pagkatapos, ibinalik ako ng mga pulis sa Communist Party School para sa interogasyon. Kinadena nila ako sa isang tiger chair at biglang pumasok sa kuwarto ang isang babaeng pulis at nagsimulang hampasin ako sa mukha ng isang plastik na tsinelas. Nagdilim ang paligid at napasubsob ako sa upuan. Sabi niya ay nagpapanggap lang ako, kaya, nagmumura, hinatak niya ako sa buhok at ipinagpatuloy ang paghampas sa akin. Namaga ang mukha ko na parang lilang talong at tumulo ang dugo mula sa mga mata ko. Isang lalaking pulis ang lumapit at kinalagan ako mula sa tiger chair, tapos ay marahas akong hinatak sa buhok at sinubukan akong isuksok sa ilalim ng tiger chair. Hindi ako magkasya sa ilalim, kaya sinipa niya ako at minura, sinasabing wala akong pinag-iba sa isang aso. Tinulak nila ako sa ilalim ng upuan at sinabihang huwag gumalaw bago ako muling inilagay sa upuan at kinadena. Dahil sa ganitong brutal na pambubugbog at panghihiya sa akin, napuno ako ng panlulumo at nagsimula akong manghina Naisip ko: “Ayaw nilang tumigil sa pagpapahirap sa akin. Kailan ba ito matatapos?” Sa labis na sakit, nagsimula kong naising mamatay, pero nakakadena ako sa tiger chair, kaya walang posibilidad noon. Kaya’t nagpatuloy akong magdasal sa Diyos sa aking puso at naisip ko ang lahat ng santo sa buong kasaysayan na inusig sa pangangaral ng ebanghelyo ng Panginoon. Ang ilan ay pinagputol-putol ng mga kabayo, ang ilan ay binato hanggang sa mamatay, at ang iba ay pinagpira-piraso ng lagari. Lahat sila’y nagdaan sa mga pagpapahirap na hindi makakayanan ng mga normal na tao at lahat sila ay nagpatotoo sa Diyos gamit ang kanilang mga buhay. Ako, sa kabilang banda, ay hindi makayanan kahit ang kaunting sakit na ito, at hinihiling ko pang mamatay para makatakas. Napakahina ko at hindi talaga ako nagpapatotoo. Iniisip ang mga bagay na ito, napuno ako ng pagsisisi at pagdadalamhati, kaya’t nagmadali akong lumapit sa Diyos para manalangin at magsisi. Noon din, napansin ko ang isang ibon na nakaupo sa labas ng malapit na bintana. Kulay abo ang balahibo noon at naalala kong umulan nang mahina noong araw na iyon. Patuloy iyon sa pagsiyap at para sa akin, parang sinasabi ng ibon, “Magpatotoo ka, magpatotoo ka….” Bumilis nang bumilis ang pagsiyap ng ibon, hanggang sa halos paos na ang tunog noon. Napagtanto kong ginagamit ng Diyos ang ibong ito upang magsilbing paalala sa akin, at labis akong naantig. Lumuha ako habang nagdarasal sa Diyos, sinasabing, “Mahal kong Diyos, ayaw kong maging duwag o mahina ang loob. Ayaw kong mamatay nang mahina o natatakot. Bigyan Mo po ako ng pananampalataya at lakas. Gusto kong magpatotoo at hiyain si Satanas.” Bigla kong naalala ang mga salita ng Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito” (“Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (“Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Napanatag at napalakas ang loob ko ng mga salita ng Diyos. Ipinakita ng mga ito na hindi maiiwasan ang usigin at masaktan ng Komunistang Partido ng China sa landas ng paniniwala sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin dahil ang CCP ay ang demonyong si Satanas, ang kalaban ng Diyos. Pero nagagamit ang karunungan ng Diyos batay sa mga tusong pakana ni Satanas at ginagamit ng Diyos ang pag-uusig at malulupit na pagpapahirap na ginagawa ni Satanas upang gawing perpekto ang ating pananampalataya at pagsunod, at sa paggawa noon, gumagawa Siya ng grupo ng mga mananagumpay. Nagdurusa ako alang-alang sa pagtatamo ng katotohanan, at ang pagdurusang ito ay parehong makabuluhan at kapaki-pakinabang. Bigla kong naalala kung paanong ang Diyos Mismo ay naging tao para iligtas tayo at tiniis ang pagtanggi at paninirang-puri, at tinugis at inusig ng CCP, hindi makahap ng masisilungan. Nagdusa ang Diyos ng matinding kahihiyan at hirap, kaya, bilang isang tiwaling tao, anong katumbas ng kaunti kong paghihirap? Isang karangalan ang magdusa sa tabi ni Cristo. Hindi ko puwedeng harapin ang kamatayan na puno ng takot; paano man ako pahirapan ni Satanas, nagpasya akong magpapatotoo para mapalugod ang Diyos hanggang sa aking huling hininga! Kalaunan, sinabi ng hepe ng National Security Brigade nang may nakakatakot na ngiti, “Mukhang nakakayanan mong lumaban. Hindi namin pinlanong tratuhin ka nang ganito. Basta’t sabihin mo sa amin ang lahat at makipagtulungan, sinisiguro ko sa iyong mapapauwi ka agad para makasama mo nang muli ang pamilya mo.” Bumili sila ng mga hita ng manok at tinapay para kainin ko, pero alam kong isa na naman itong pakana para himukin akong ipagkanulo ang Diyos. Tiningnan ko sila at diretsahang sinabi, “Hindi ko gusto iyang ginawa ninyo, kaya huwag na kayong mag-abala. Wala akong laban sa inyo, magagawa ninyo kung anong gusto ninyong gawin sa akin. Alam kong hindi ako makakaalis dito nang buhay at tanggap ko na ang katotohanang iyon, kaya gawin na lang ninyo ang gusto ninyo. Sinabi ko na sa inyong hindi ko alam ang sagot sa mga tanong ninyo!” Tapos ay sinabi niya nang may malamig na ngiti, “Huwag kang masyadong seryoso. Kumalma ka nang kaunti. Sabihin mo lang sa amin ang gusto naming malaman at makakauwi ka na.” Tapos ay tumalikod siya at pasimpleng umalis. Pinanatili akong nakaupo ng mga pulis sa tiger chair pagkatapos noon. Makalipas ang dalawang linggo, dinala nila ako sa kulungan. Nang makita ng mga tauhan doon na malala ang mga tama ko, tumanggi silang tanggapin ako. Pinuwersa ako ng National Security Brigade na sabihing nasaktan ko ang sarili ko dahil nadapa ako, kaya walang nagawa ang mga pulis sa kulungan kundi tanggapin ako.

 

Isang buwan akong nasa kulungan bago ako ibinalik ng mga pulis sa Communist Party School para na naman sa interogasyon. Pinauupo nila ako sa tiger chair ng 24 oras kada araw, tuwid na tuwid na nakaupo at nakatupi nang 90 digri ang mga binti. Nagtagal ito nang isang buwan. Labis na sumakit ang leeg ko at namaga nang husto ang mga binti ko. Laging nanunuya at nang-iinsulto ang mga pulis, binubugbog nila ako, at sa loob ko ay galit na galit ako. Lalo pa, narinig kong pinag-uusapan nila kung paano nila inaresto ang napakaraming mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos, sinasabing lalaki man o babae ang naaresto nila, matanda o bata, pahihirapan muna nila sila para takutin, at sa huli ay gagawin na nila ang gusto ng mga pulis. Sabi nila ay isa itong paraan ng paghadlang. Ang marinig ang mga halimaw na ito na masayang ipinagyayabang kung paano nila sinasaktan ang aking mga kapatid at ang makita ang hambog at mabagsik nilang paghalakhak, tiim-bagang ako sa matinding poot. Ang CCP ay isa talagang samahan ng mga demonyo na nananakit ng tao para lang sa katuwaan. Tahimik akong nagdasal, sinusumpa ang mga halimaw na ito. Paglaon, napagtanto ng mga pulis na hindi nila makukuha ang impormasyong gusto nila mula sa akin, kaya inilipat nila ako sa isang kulungan, sa isang kulungan ng mga kriminal, at pagkatapos sa isang lugar para i-brainwash ako. Sa huli, ibinalik ako sa kulungan sa siyudad kung saan ako nakulong nang isang taon at tatlong buwan. Ginawa ng mga pulis ang lahat ng ito para sirain ang determinasyon ko at para ipagkanulo ko ang Diyos pero hindi sila nagtagumpay. Kalaunan, kinasuhan nila ako ng “paggamit ng mga makalumang pamahiin para makialam sa pagpapatupad ng batas” at sinentensiyahan ako ng apat na taon.

 

Sa kulungan, muli kong nalaman ang pakiramdam na mapunta sa impiyerno. Inilagay ako sa paggawa ng mga damit sa isang linya ng gawaan kung saan ang lahat ay may sariling trabahong gagampanan. Sinumang hindi makasusunod sa proseso o hindi makatatapos ng kanilang gawain ay patatayuin ng 30 minuto hanggang sa isang oras pagkatapos ng trabaho ng 11pm. Sa panahong iyon, maliban sa pagkain, ginugugol ko ang buong oras ko sa kuwarto ng gawaang iyon. Hindi ako puwedeng uminom kapag nauuhaw ako at kailangan ko pa ngang tumakbo papunta at pabalik ng banyo. Labis akong nahirapang dumumi. Dahil buong araw akong nakaupo at nagtatrabaho bawat araw at dahil palaging maraming trabahong dapat gawin, idagdag pa ang pagpapahirap na dinanas ko sa kamay ng mga pulis, ang pagpapaupo sa akin sa tiger chair nang mahigit dalawang buwan, nagkaroon na naman ako ng matinding pananakit ng leeg at madalas na sumasakit ang ulo ko at nahihilo. Isang beses, nadulas ako at nadapa sa paliguan at nabagok ang ulo ko sa sahig. Tumama ang likod ko sa hagdan at natuliro ako at hindi ako makagalaw kahit kaunti. Pakiramdam ko ay nabali ang likod ko, at sobrang sakit noon. Kahit iyong ibang mga preso, sinabi nilang mamamatay na ako, o malulumpo na. Lahat sila ay sumigaw ng tulong at pinatunog ang kalembang, pero walang taong dumating. Sa huli, binuhat ako ng ilang preso papunta sa kama ko. Pakiramdam ko ay bali ang katawan ko at hindi ko mapigilan ang pag-iyak sa sakit. Kinagabihan, hindi talaga ako makatulog sa sobrang sakit. Sa wakas ay may guwardiyang pumunta sa selda ko ng 8 a.m kinabukasan. Nayayamot, tinanong niya kung gaano kalala ang tama ko. Sabi ko, “Palagay ko’y bali ang likod ko. Hindi talaga ako makagalaw at ang sakit-sakit ng ulo ko.” Pero umismid lang siya at sinabing, “Maliit na problema lang iyan. Kailangan mong makaakyat para magtrabaho, marami kang dapat gawin. Kung hindi ka makagalaw, kailangan mong maghanap ng bubuhat sa iyo paakyat. Kung walang tutulong sa iyo, gumapang ka na lang papunta roon nang mag-isa!” Tapos ay tumalikod siya at naglakad palayo. Kaya’t kinailangan kong tiisin ang matinding sakit na iyon at pinakiusapan ang ilan sa mga preso na tulungan akong dahan-dahang bumangon. Inabot ng 30 o 40 minuto para lang maiupo ako at dahan-dahan akong naglakad papunta sa hagdanan, at paakyat ng hagdan. Napakahirap pumunta sa puwesto ko ng trabaho, at sinusubukan kong maupo, pero pagkatapos ng ilang dosenang pagsubok, hindi ko talaga magawa iyon. Sa huli, kinailangan kong humawak sa makina ko at, nagtatagis ang bagang laban sa sakit, gamitin ang buong lakas ko para maiupo ang sarili ko. May naramdaman akong nabali sa likod ko at napakatindi ng sakit. Napakahirap talagang magpatuloy hanggang sa dumating ang doktor sa trabaho, pero ang ginawa niya lang ay pahiran ako ng yodo at bigyan ako ng tatlong tableta ng notoginseng. Sinabihan niya akong lunukin ang mga iyon at bumalik na sa trabaho. Kung kaya, pakiramdam ko ay hindi ko na kayang magpatuloy dahil sa sakit ng katawan at puso ko. Namuhi ako sa mga pulis na ito sa hindi makataong pagtrato sa akin. Sa mga mata nila, walang pinag-iba ang mga preso sa mga aso—mga makina lang kami na kikita ng pera para sa kanila. Naisip ko kung paanong wala pa akong isang taon sa kulungan, habang ang sentensiya ko ay apat na taon. Paano ko naman kaya makakayanan ang ganoon kahabang panahon? Hindi ko talaga alam kung makakayanan ko iyon. Pakiramdam ko ay nag-iisa lang ako at napakalungkot ko habang iniisip ito. Hindi ko namamalayan, nagsimula akong humuni ng paborito kong himno ng mga salita ng Diyos: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa anumang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kahandaang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananampalataya, at kailangan ka ring magkaroon ng kahandaang talikdan ang laman. Dapat ay handa kang magtiis ng personal na mga paghihirap at magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang mapalugod ang kalooban ng Diyos. Kailangan mo ring magkaroon ng kakayahang taos na magsisi tungkol sa iyong sarili: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga bagay na ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga pangangailangang ito, hindi ka magagawang perpekto” (“Paano Magawang Perpekto” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Kinanta ko nang mahina ang himno na ito, at habang kumakanta ako, lalo akong naaantig. Nagsimula akong makaramdam ng kaunting lakas sa loob ko at nadama ko na, kahit na nagdurusa ako ngayon sa lungga ng mga demonyo, sa mahina kong kalagayan, pinapatnubayan pa rin ako ng mga salita ng Diyos, binibigyan ako ng pananampalataya at lakas. Hindi ako iniwan ng Diyos at sa mga salita ng Diyos, hindi ako mag-iisa. Labis akong napanatag sa isiping ito at pinagsisihan ko ang kawalan ko ng determinasyong tiisin ang pagdurusa. Sa harap ng mga paghihirap at pagsubok na ito, nalugmok ako sa pagiging negatibo at nasaktan ko ang puso ng Diyos. Inisip ko ang mga pinagdaanan ko simula nang maaresto ako. Matagal akong sinaktan at pinahirapan ng mga pulis, at kung hindi dahil sa patnubay ng mga salita ng Diyos at pagbabantay ng Diyos sa akin, ilang beses na siguro akong namatay ngayon. Ngayon, sa muling pagdanas ng hindi makataong pagpapahirap na ito, may pananalig ako na basta’t umasa ako sa Diyos, makakayanan ko rin ito. Ginagamit ng Diyos ang sitwasyong ito para gawing perpekto ang aking pananampalataya. Alam kong hindi ko na Siya puwedeng saktan pa; kailangan kong umasa sa Kanya at magpakatatag, magpatuloy na mabuhay, at magpatotoo sa Kanya. Sa pag-iisip ng mga bagay na ito, unti-unting nagsimulang mawala ang hapis na nararamdaman ko. Ang mga salita ng Diyos ang pumatnubay sa akin sa pinsala at pasakit na idinulot sa akin ni Satanas noong panahong iyon. Kalaunan, natapos ang sentensiya ko at sapat akong nakatagal hanggang sa makalabas ako sa impiyerno sa lupa na iyon.

 

Nang makauwi ako, nabalitaan kong naging abala ang mga pulis sa pagkakalat ng mga usap-usapan na isa raw akong manggagantso. Kinailangan ng asawa kong maghanap ng trabaho sa ibang lugar para maiwasan ang lahat ng usap-usapan at akusasyon ng mga kapitbahay at sinabi niyang gusto na niya ng diborsyo. Hiyang-hiya ang nanay niya sa pagkakakulong ko na ni hindi niya ako magawang tingnan. Walang-tigil din ang pangungutya ng mga guro at mga kaklase ng anak kong babae kaya’t wala na ni isang bata sa bayan namin ang gustong makipaglaro sa kanya. Hindi ko mapigilang umiyak nang makita ko ang nangyari. Masaya ang pamilya namin noon, ngayon ay nagkaganito dahil sa pag-uusig ng CCP. Sagad-buto ang poot ko sa CCP! Bigla kong naisip ang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinutulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Nasaan ang init sa gitna ng mga tao? Nasaan ang pagsalubong sa gitna ng mga tao? Bakit nagdudulot ng gayon katinding pananabik sa Diyos? Bakit patatawagin ang Diyos nang paulit-ulit? Bakit pinipilit ang Diyos na mag-alala para sa Kanyang minamahal na Anak? Sa madilim na lipunang ito, bakit hindi hinahayaan ng nakakaawang mga asong-bantay nito na malayang dumating at umalis ang Diyos sa gitna ng mundong nilikha Niya?” (“Gawain at Pagpasok (8)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Habang binubulay ko ang mga salita ng Diyos, lubos kong naunawaan ang kapangitan ng CCP. Sa panlabas ay nagpapanggap iyong matuwid, nangungusap tungkol sa “kalayaan ng relihiyosong paniniwala,” “pagpapanatili ng batas at kaayusan para sa mga tao,” at “pagmamalasakit sa tao.” Sinasabi niyon lahat ng tamang bagay tungkol sa integridad at moralidad pero palihim itong gumagamit ng anumang paraang maaari para umaresto at mang-usig ng mga mananampalataya at magpakalat ng mga usap-usapan, na nagbubunga ng di-mabilang na mga Kristiyanong nakukulong, hindi makauwi, at nawawasak ang mga pamilya. Hindi ko nakita kung ano talaga ang CCP noon, at iniidolo ko ito noon. Pero matapos kong pagdaanan ang pag-uusig nito, sa wakas ay nakita ko na ang CCP ang pinakamataas na demonyong namiminsala ng mga tao. Sa diwa, ito ang kalaban ng Diyos at ng katotohanan, at ito ang pinakamasama, pinaka-paurong na grupo ng mga demonyo.

 

Pagkalaya ko, hindi tumigil ang mga pulis sa pagmamanman sa akin. Laging tinatanong ng mga pulis ng lokal naming istasyon kung sumasampalataya pa rin ako sa Diyos at kapag nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos sa bahay, kailangan kong isara nang mabuti ang harap na pinto ko. Kinailangan kong itago ang aking libro ng mga salita ng Diyos sa pinakatagong lugar at kinailangan kong maging maingat na maingat kapag pumupunta sa pagtitipon o nangangaral ng ebanghelyo. Isang araw noong Marso 2013, naaresto ang isang lider at dalawang diakono sa isang iglesia na pinamamahalaan ko at agad kong kinailangang isaayos na mailipat ang ilang gamit ng iglesia at ipaalam sa ilang kapatid na maging maingat. Habang isinasaayos ko ang lahat ng ito, narinig kong sinabi ng isang sister, “May dalang listahan ng mga kapatid ang lider na naaresto kaya nasa pulis na ang listahan ngayon.” Sabi niya ay hinugot ng mga pulis ang lahat ng video sa pagmamatyag, naghahanap ng mga estranghero, at naghahanda silang magbahay-bahay sa paghahanap ng mga mananampalataya. Nagbanta rin sila: “Mabuti pang maling mag-aresto ng isang libo kaysa makatakas ang kahit isa!” Labis akong kinabahan at natakot nang marinig ito. Dahil naaresto na ako noon dahil sa pananampalataya ko, nasa talaan na nila ako. Kapag gumamit ang mga pulis ng face-recognition na pagmamatyag, siguradong maaaresto ako. Kapag naaresto ako ulit, hinding-hindi na ako mabubuhay—sisiguraduhin nila iyon. Sa pag-iisip nito, napagtanto kong kailangan kong makatakas sa lalong madaling panahon. Pero nang makarating ako sa isa pang iglesia, hindi ko mapakalma ang isip ko at inusig ako ng aking konsiyensiya. Napakaraming gawain sa iglesia na iyon na kailangang isaayos nang mabilisan, pero binitawan ko ang atas sa akin para pag-ingatan ang sarili kong buhay. Kapag umalis ako ngayon, hindi ko mapoprotektahan ang mga interes ng Sambahayan ng Diyos! Nasaan na ang konsiyensiya at pagkatao ko? Hindi ba’t umaakto ako na parang isang duwag at mahina ang loob? Wala akong tunay na pananampalataya sa Diyos—nasaan na ang patotoo ko? Habang iniisip ang mga bagay na ito, nagmadali akong lumapit sa Diyos para magdasal, hinihiling sa Kanyang pagkalooban ako ng pananampalataya at lakas at protektahan ako upang makapagpatotoo ako.

 

Tapos ay nabasa ko ang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao. Bagaman sa pakahulugan ng ‘laman’ ay sinasabi na ginawang tiwali ni Satanas ang laman, kung tunay na ibinibigay ng mga tao ang kanilang mga sarili, at hindi nahihimok ni Satanas, kung gayon walang sinuman ang makagagapi sa kanila” (“Kabanata 36” ng Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Sa pagbubulay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang sitwasyong ito ay pagsubok ng Diyos, at na isang digmaan ang nagaganap sa espirituwal na mundo. Alam kong kailangan kong makipagkaisa sa Diyos at ialay ang buhay ko para hiyain si Satanas at magpatotoo sa Diyos; hinding-hindi ako puwedeng tumalikod at tumakbo sa ganito kahalagang sitwasyon! Kailangan kong protektahan ang gawain ng Sambahayan ng Diyos—iyon mismo ang bagay na dapat gawin ng isang taong may konsiyensiya at pagkatao. Nagdurusa ako ng pag-uusig alang-alang sa pagiging matuwid, at kahit mamatay pa ako, magiging makabuluhan pa rin iyon. Kung mabubuhay ako nang walang dangal at susuko kay Satanas, kahit na mabuhay ang katawan ko, magiging tulad ako ng isa sa mga naglalakad na patay. Napalaya ako ng saloobing ito, kaya nagmadali akong bumalik sa iglesia na iyon at inorganisa ang mga kapatid na ilipat ang lahat ng libro ng mga salita ng Diyos at sinabihan silang magtago muna. Mabilis na naisaayos ang lahat ng gawain ng iglesia at nagpasalamat ako sa Diyos sa Kanyang patnubay!

 

Sa mahigit na 20 taon ng pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos at sa walang tigil na pagdanas ng pag-uusig at paniniil ng CCP, kahit na nagdusa ako ng kaunting hirap, sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang ilang katotohanan at natutunang kilalanin ang tama sa mali, pagiging matuwid sa kasamaan. Natutuhan ko ring umasa sa Diyos sa gitna ng mga hindi pangkaraniwang sitwasyon. Tunay kong nararamdaman ang awtoridad sa mga salita ng Diyos at lumago ang aking pananampalataya sa Diyos. Ang lahat ng ito ay dahil sa biyaya ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

 

________________________________

 

Sa pagharap sa lahat ng uri ng kahirapan at pagdurusa sa ating buhay, paano natin ang mga ito malalampasan? Mangyaring i-click at basahin ang mga salitang ito upang matulungan ka sa paghubog ng pananampalataya!

 

Magrekomenda nang higit pa: Ang Kahulugan ng Pagdurusa at Kung Anong Uri ng Pagdurusa ang Kailangang Danasin ng mga Mananampalataya sa Diyos

Kung gusto mong matuto nang higit pa, maaari kang makipag-ugnay sa amin sa pamamagitan ng Messenger anumang oras!

Write a comment

Comments: 0