· 

Yaong Mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Yaong Mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

 

Kung naniniwala ka sa Diyos, kailangang sundin mo ang Diyos, isagawa ang katotohanan, at tuparin lahat ng iyong mga tungkulin. Bukod diyan, kailangan mong maintindihan ang mga bagay na dapat mong maranasan. Kung ang nararanasan mo lamang ay pagiging pinakikitunguhan, pagiging dinidisiplina at paghatol, kung kaya mo lamang magpakasaya sa Diyos, nguni’t hindi mo nararamdaman kapag dinidisiplina ka ng Diyos o pinakikitunguhan ka, hindi ito katanggap-tanggap. Marahil sa pagkakataong ito ng pagpipino, makapaninindigan ka. Hindi pa rin ito sapat, kailangan mo pa ring lumakad pasulong. Ang aral tungkol sa pag-ibig sa Diyos ay walang hanggan, at wala itong katapusan kailanman. Tinitingnan ng mga tao ang paniniwala sa Diyos bilang napakasimple, nguni’t sa sandaling makatamo sila ng ilang praktikal na karanasan, napapagtanto nila na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasing-simple ng naguguni-guni ng mga tao. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao, nagiging higit ang kanyang pag-ibig sa Diyos, at higit pang kapangyarihan ng Diyos ang nabubunyag sa loob niya. Mas kaunti ang pagpipino ng tao, mas kaunti ang kanyang pag-ibig sa Diyos, at mas kaunting kapangyarihan ng Diyos ang nabubunyag sa loob niya. Mas higit ang kanyang pagpipino at pagdurusa at mas higit ang paghihirap niya, lalong lalalim ang kanyang tunay na pag-ibig sa Diyos, lalong dadalisay ang kanyang pananampalataya sa Diyos, at lalong lalalim ang kanyang pagkakilala sa Diyos. Makikita mo sa iyong mga karanasan na yaong mga nagtiis ng higit na pagpipino at pagdurusa, maraming pakikitungo at disiplina, ay may malalim na pag-ibig sa Diyos, at isang mas matindi at tumatagos na pagkakilala sa Diyos. Yaong mga hindi pa nakaranas ng anumang pakikitungo ay mayroon lamang mababaw na pagkakilala, at makapagsasabi lamang: “Ang Diyos ay napakabuti, iginagawad Niya ang mga biyaya sa mga tao upang Siya ay kanilang matamasa.” Kung naranasan ng mga tao na mapakitunguhan at madisiplina, masasabi nila kung gayon ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya mas kahanga-hanga ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Mas di-tumatagos ito para sa iyo at mas di-kaayon ito ng iyong mga paniwala, mas kaya kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Ang kabuluhan ng gawain ng Diyos ay napakadakila! Kung hindi Niya pinino ang tao sa paraang ito, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, kung gayon ang gawain ng Diyos ay magiging di-epektibo at walang kabuluhan. Ito ang dahilan sa likod ng di-pangkaraniwang kabuluhan ng Kanyang pagpili sa isang grupo ng mga tao sa panahon ng mga huling araw. Sinabi na dati na pipiliin ng Diyos at kakamtin ang grupong ito. Mas higit ang gawain na Kanyang tinutupad sa loob ninyo, mas malalim at mas dalisay ang inyong pag-ibig. Mas higit ang gawain ng Diyos, mas kayang matikman ng tao ang Kanyang karunungan at mas malalim ang pagkakilala ng tao sa Kanya. Sa mga huling araw, ang 6,000 taong plano sa pamamahala ng Diyos ay magtatapos. Posible bang magtapos ito nang ganoon lamang, napakadali? Sa sandaling nalupig Niya ang sangkatauhan, matatapos na ba ang Kanyang gawain? Napaka-simple ba nito? Iniisip ng mga tao na napaka-simple lamang nito, nguni’t ang ginagawa ng Diyos ay hindi ganoon ka-simple. Anumang bahagi ng gawain ng Diyos ito, lahat ay di-maarok ng tao. Kung nakaya mong arukin ito, sa gayon ang gawain ng Diyos ay magiging walang kabuluhan o halaga. Ang gawain na ginagawa ng Diyos ay di-maarok, masyadong salungat ito sa iyong mga paniwala, at mas hindi-maiaayon ito sa iyong mga paniwala, mas ipinakikita nito na ang gawain ng Diyos ay makahulugan; kung kaayon ito sa iyong mga paniwala, sa gayon magiging walang-kahulugan ito. Ngayon, nararamdaman mo na ang gawain ng Diyos ay lubhang kamangha-mangha, at mas kamangha-mangha ito, lalong nararamdaman mo na ang Diyos ay di-maarok, at nakikita mo kung gaano kadakila ang mga gawa ng Diyos. Kung ginawa lamang Niya ang ilang mababaw, madaliang gawain upang lupigin ang tao, at pagkatapos ay tapos na, sa gayon mawawalan ng kakayahan ang tao na mamasdan ang kabuluhan ng gawain ng Diyos. Bagama’t nakakatanggap ka ng kaunting pagpipino sa araw na ito, may malaking pakinabang ito sa pag-unlad ng iyong buhay—kaya’t ang gayong paghihirap ay inyong sukdulang pangangailangan. Ngayon, nakakatanggap ka ng kaunting pagpipino, nguni’t pagkatapos ay tunay na mamamalas mo ang mga gawa ng Diyos, at sasabihin mo sa kahuli-hulihan: “Ang mga gawa ng Diyos ay talagang kamangha-mangha!” Ang mga ito ang magiging mga salita sa puso mo. Yamang naranasan ang pagpipino ng Diyos sa kaunting panahon (ang pagsubok[a] sa mga taga-serbisyo at ang mga panahon ng pagkastigo), sinabi ng ilang mga tao sa kahuli-hulihan: “Ang paniniwala sa Diyos ay talagang mahirap!” Ipinakikita nitong “mahirap” na ang mga gawa ng Diyos ay di-maarok, na ang gawain ng Diyos ay nagtataglay ng dakilang kabuluhan at kahalagahan, at lubhang karapat-dapat na pahalagahan ng tao. Kung, matapos na makagawa Ako ng napakaraming gawain, wala ka kahit katiting na pagkakilala, sa gayon magkakaroon pa ba ng halaga ang Aking gawain? Masasabi mo na: “Talagang mahirap ang paglilingkod sa Diyos, lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos, totoong matalino ang Diyos! Siya ay kaibig-ibig!” Kung, matapos sumailalim sa isang panahon ng karanasan, nagagawa mong sabihin ang gayong mga salita, sa gayon pinatutunayan nito na iyong nakamtan ang gawain ng Diyos sa loob mo. Isang araw, kapag ikaw ay nasa ibang bansa upang palaganapin ang ebanghelyo at tatanungin ka ng isang tao: “Kumusta ang pananampalataya mo sa Diyos?” masasabi mong: “ Ang mga pagkilos ng Diyos ay lubhang kagila-gilalas!” Sa sandaling makita ka nilang sinasabi ito, mararamdaman nila na may isang bagay sa loob mo at na ang mga pagkilos ng Diyos ay totoong di-maarok. Ito ang totoong pagsaksi. Sasabihin mo na puno ng karunungan ang gawain ng Diyos, at ang Kanyang gawain sa iyo ay totoong nakahimok sa iyo at nilupig ang puso mo. Palagi mo Siyang mamahalin dahil higit Siyang karapat-dapat sa pag-ibig ng sangkatauhan! Kung makapagsasalita ka sa mga bagay na ito, maaantig mo ang puso ng mga tao. Lahat ng ito ay pagsaksi. Kung nakakaya mong maging isang maugong na saksi, naaantig ang mga tao na lumuha, ipinakikita nito na tunay kang isa na nagmamahal sa Diyos. Iyan ay dahil nagagawa mong kumilos bilang isang saksi sa pag-ibig sa Diyos at maihahayag sa pamamagitan mo ang mga pagkilos ng Diyos. At sa pamamagitan ng iyong pagpapahayag, mahahanap ng ibang mga tao ang Kanyang mga pagkilos, mararanasan ang Diyos, at makakapanindigang matatag sa anumang kapaligiran na kinaroroonan nila. Tanging ang pagsaksi sa ganitong paraan ang tunay na pagsaksi, at ito mismo ang kinakailangan sa iyo ngayon. Dapat mong sabihin na lubhang mahalaga ang mga pagkilos ng Diyos at karapat-dapat na pahalagahan ng mga tao, na ang Diyos ay napaka-katangi-tangi at napakasagana. hindi lamang Siya nakapagsasalita, ngunit higit pa rito napipino Niya ang mga puso ng mga tao, nadudulutan sila ng kagalakan, at maaari Niyang makamtan sila, lupigin sila, at gawin silang perpekto. Mula sa iyong karanasan makikita mo na ang Diyos ay napaka-kaibig-ibig. Kaya gaano mo kamahal ang Diyos ngayon? Masasabi mo ba talaga ang mga bagay na ito mula sa iyong puso? Kapag kaya mong ipahayag ang mga salitang ito mula sa kaibuturan ng iyong puso makakaya mong sumaksi. Sa sandaling nakarating sa ganitong antas ang iyong karanasan magagawa mong maging isang saksi para sa Diyos, at may kakayahan para rito. Kung hindi mo mararating ang antas na ito sa iyong karanasan, kung gayon napakalayo mo pa rin. Normal lamang para sa mga tao na magkaroon ng mga kahinaan sa pagpipino, nguni’t pagkatapos ng pagpipino dapat mong masabi na: “Napakatalino ng Diyos sa Kanyang gawain!” Kung tunay mong kayang tanggapin ang praktikal na pagkilala rito, ito ay katangi-tangi, at ang iyong karanasan ay mahalaga.

 

Ano ang hinahabol mo ngayon? Ang dapat mong hinahabol ay kung nakakaya mong ipahayag ang mga gawa ng Diyos, kung maaari kang maging isang pagpapahayag at isang pagpapakita ng Diyos, at kung angkop ka na magamit Niya. Gaano karaming gawain ang talagang nagawa ng Diyos sa iyo? Gaano karami ang iyong nakita, gaano karami ang iyong nahipo? Gaano karami ang iyong naranasan, at natikman? Hindi alintana kung nasubukan ka ng Diyos, nakitungo sa iyo, o dinisiplina ka—maging anuman, ang Kanyang mga pagkilos at ang Kanyang gawain ay naisakatuparan sa iyo, nguni’t bilang isang sumasampalataya sa Diyos, bilang isang tao na nakahandang habulin ang Kanyang pagpeperpekto, kaya mo bang ipahayag ang mga pagkilos ng Diyos sa pamamagitan ng iyong sariling praktikal na karanasan? Maisasabuhay mo ba ang Diyos sa pamamagitan nito? Kaya mo bang maglaan para sa iba sa pamamagitan ng iyong sariling karanasan, at gugulin ang iyong sarili para sa kapakanan ng gawain ng Diyos? Upang sumaksi sa mga pagkilos ng Diyos dapat makaya mong ipahayag kung ano ang Kanyang mga pagkilos, at ito ay ginagawa sa pamamagitan ng iyong karanasan, kaalaman, at ng pagdurusa na iyong napagtiisan. Ikaw ba ay isang tao na sumasaksi sa mga pagkilos ng Diyos? Mayroon ka bang ganitong pangarap? Kung kaya mong sumaksi sa Kanyang pangalan, at higit pa, sa Kanyang mga pagkilos, gayundin ang isabuhay ang imahe na kinakailangan Niya sa Kanyang bayan, sa gayon ikaw ay isang saksi para sa Diyos. Paano ka ba talaga sumasaksi sa Diyos? Ang paghahanap at pananabik na isabuhay ang Diyos, ang pagpapahayag ng mga pagkilos ng Diyos sa pamamagitan ng mga salita mo, pinahihintulutan ang mga tao na malaman at makita ang Kanyang mga pagkilos—kung tunay mong hinahanap ang lahat ng ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung ang tanging hinahanap mo ay magawang perpekto ng Diyos at mapagpala sa pinaka-dulo, sa gayon hindi dalisay ang pananaw ng iyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ay hinahabol mo kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapalulugod kapag ibinubunyag Niya ang Kanyang kalooban sa iyo, hinahanap kung paano sumaksi sa Kanyang pagiging- kamangha-mangha at karunungan, at kung paano ipinakikita ang Kanyang pagdisiplina at pakikitungo sa iyo. Ang lahat ng mga ito ay mga bagay na dapat sinusubukan mong alamin ngayon. Kung para lamang makabahagi ka sa kaluwalhatian ng Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto ang pag-ibig mo sa Diyos, hindi pa rin ito sapat at hindi makaaabot sa mga kinakailangan ng Diyos. Kailangang makaya mong sumaksi sa mga pagkilos ng Diyos, matugunan ang Kanyang mga hinihingi, at maranasan ang gawain na Kanyang nagawa sa mga tao sa praktikal na paraan. Maging ito man ay pasakit, mga luha, o kalungkutan, kailangan mo talagang maranasan itong lahat sa pagsasagawa. Ito lahat ay upang maaari kang maging isang saksi ng Diyos. Sa ilalim ng anong dominyon ka ba talaga ngayon nagdurusa at naghahanap ng pagka-perpekto? Ito ba ay upang sumaksi sa Diyos? Ito ba ay para sa mga pagpapala ng laman o mga pag-asa sa hinaharap? Lahat ng iyong mga layunin, mga pangganyak, at hinahabol na mga personal na tunguhin ay dapat mailagay sa tama at hindi maaaring mapatnubayan ng iyong sariling kalooban. Kung ang isang tao ay naghahanap ng pagka-perpekto upang makatanggap ng mga pagpapala at upang maghari sa kapangyarihan, habang yaong isa ay naghahabol ng pagka-perpekto upang mapalugod ang Diyos, upang tunay na maging isang saksi sa mga gawa ng Diyos, alin sa dalawang paraang ito ng paghahabol ang pipiliin mo? Kung pinili mo ang una, sa gayon napakalayo mo pa rin sa mga pamantayan ng Diyos. Sinabi Ko dati na hayaan ang Aking mga pagkilos na hayagang makilala sa buong sansinukob at na Ako ay mangingibabaw bilang Hari sa buong sansinukob. Sa kabilang dako, ang naipagkatiwala sa inyo ay upang maging saksi para sa mga gawa ng Diyos, hindi para maging mga hari at magpakita sa buong sansinukob. Hayaang mapuno ang buong kosmos ng mga gawa ng Diyos. Hayaang makita ang mga ito ng lahat at kilalanin ang mga ito. Binabanggit ito na may kaugnayan sa Diyos Mismo, at ang dapat gawin ng mga tao ay sumaksi sa Diyos. Gaano na ang pagkakilala mo ngayon sa Diyos? Gaano na kalaki ang maari mong saksihan tungkol sa Diyos? Ano ang layunin ng Diyos sa pagpeperpekto sa tao? Sa sandaling maunawaan mo ang kalooban ng Diyos, paano mo dapat ipakita ang ang pagsasaalang-alang sa Kanyang kalooban? Kung handa kang maging perpekto at handang sumaksi sa mga gawa ng Diyos gamit ang iyong pagsasabuhay, kung mayroon ka ng nag-uudyok na puwersang ito, sa gayon walang napakahirap. Pagtitiwala ang kailangan ng mga tao ngayon. Kung mayroon ka ng nag-uudyok na puwersang ito, sa gayon madaling pakawalan ang anumang pagiging-negatibo, ang pagiging-walang-kibo, katamaran at mga paniwala tungkol sa laman, mga pilosopiya sa buhay, mapaghimagsik na disposisyon, mga emosyon, at iba pa.

 

Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal para sa mga tao ang maging mahina, o magkaroon ng pagiging-negatibo sa loob nila, o magkulang ng linaw sa kalooban ng Diyos o ng landas nila para sa pagsasagawa. Nguni’t sa paanuman, dapat kang magtaglay ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag ikaila ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang pagsilang, hindi niya ikinaila na ipinagkaloob ni Jehova ang lahat ng mga bagay sa buhay ng tao, at na si Jehova rin ang Isa na babawi sa lahat ng ito. Hindi alintana kung paano siya sinubok, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Maging sa anumang uri ng pagpipino ka sumailalim sa mga karanasan mo sa mga salita ng Diyos, hinihingi ng Diyos ang pananampalataya ng sangkatauhan. Sa ganitong paraan, ang ginagawang perpekto ay ang pananampalataya ng mga tao at mga paghahangad. Kapag hindi mo ito mahipo o makita, sa ilalim ng ganitong mga pagkakataon kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag ang isang bagay ay hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga paniwala. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, kinakailangan ang iyong pananampalataya at na manindigan ka nang matibay at tumayong saksi. Nang marating ni Job ang puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Iyon ay, mula lamang sa loob ng iyong pananampalataya makakaya mong makita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung walang pananampalataya, hindi Niya magagawa ito. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasahan mong makamtan. Kung wala kang pananampalataya, hindi ka maaaring magawang perpekto at hindi mo makakayang makita ang mga pagkilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagiging Makapangyarihan-sa-lahat. Kapag mayroon kang pananampalataya at nahihipo mo ang Kanyang mga pagkilos sa iyong praktikal na karanasan, magpapakita ang Diyos sa iyo, at liliwanagan at gagabayan ka Niya mula sa loob. Kung wala ang gayong pananampalataya, hindi makakayang gawin ng Diyos ang gayon. Kung nawala na ang iyong pag-asa sa Diyos, paano mo magagawang maranasan Siya? Kung gayon, kapag mayroon ka lamang pananampalataya at hindi ka nagkikimkim ng anumang mga pagdududa tungo sa Diyos, kung mayroon ka lamang tunay na pananampalataya sa Kanya maging anuman ang Kanyang ginagawa liliwanagan ka Niya at paliliwanagin ang iyong mga karanasan, saka mo pa lamang maaaring makita ang Kanyang mga pagkilos. Ang mga bagay na ito ay nakakamtan lahat sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang pananampalataya ay nakakamtan lamang sa pamamagitan ng pagpipino—hindi malilinang ang pananampalataya kung wala ang pagpipino. Ano ang tinutukoy na pananampalataya? Ang pananampalataya ay ang dalisay na paniniwala at ang tapat na puso na dapat angkin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahihipo ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naayon sa mga paniwala ng mga tao, kapag ito ay lampas sa maaabot ng tao. Ito ang pananampalataya na Aking binabanggit. Ang mga tao ay nangangailangan ng pananampalataya sa mga panahon ng kahirapan at pagpipino, at kalakip ng pananampalataya ang pagpipino. Di-mapaghihiwalay ang mga ito. Hindi alintana kung paano man gumagawa ang Diyos o kung anumang uri ng kapaligiran ka naroroon, magagawa mong habulin ang buhay, habulin ang pag-unlad ng gawain ng Diyos sa loob mo, at habulin ang katotohanan. Magkakaroon ka ng pagkaunawa sa mga pagkilos ng Diyos at makakaya mong kumilos alinsunod sa katotohanan. Ito ang iyong dalisay na pananampalataya, at ipinakikita nito na hindi ka nawalan ng pag-asa sa Diyos. Hahanapin mo pa rin ang katotohanan sa pagpipino, makakaya mong tunay na ibigin ang Diyos at hindi mabubuuan ng mga alinlangan sa Kanya. Maging anuman ang Kanyang ginagawa, isasagawa mo pa rin ang katotohanan upang mapalugod Siya, at magagawa mong hanapin nang taos-puso ang Kanyang kalooban at maging mapagsaalang-alang sa Kanyang kalooban. Tanging ito ang tunay na pananampalataya sa Diyos. Dati, nang sinabi ng Diyos na ikaw ay mamumuno bilang isang hari, inibig mo Siya, at nang hayagan Niyang ipinakita sa iyo ang Kanyang Sarili, hinabol mo Siya. Nguni’t ngayong nakatago ang Diyos, hindi mo Siya nakikita, at dumatal sa iyo ang mga kaguluhan. Sa panahong ito, nawawalan ka ba ng pag-asa sa Diyos? Kaya sa lahat ng panahon dapat mong habulin ang buhay at hanapin na mapalugod ang kalooban ng Diyos. Ito ang tinatawag na dalisay na pananampalataya, at ito ang pinakatotoo at pinakamagandang uri ng pag-ibig.

 

Dati-rati gagawin ng lahat ng mga tao ang mga resolusyon nila sa harap ng Diyos at sasabihing: “Hindi alintana kung sino man ang hindi umiibig sa Diyos, dapat ko Siyang ibigin.” Nguni’t ngayon, ikaw ay nahaharap sa pagpipino. Hindi ito nakaayon sa iyong mga paniwala, kaya nawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos. Ito ba ay dalisay na pag-ibig? Nabasa mo nang maraming beses ang tungkol sa mga gawa ni Job—nalimutan mo na ba ang mga ito? Ang tunay na pag-ibig ay nagkakahugis lamang mula sa loob ng pananampalataya. Nabubuo sa iyo ang tunay na pag-ibig para sa Diyos sa pamamagitan ng iyong mga pagpipino, sa iyong aktwal na mga karanasan mapagsaalang-alang ka sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng iyong pananampalataya, at sa pamamagitan ng pananampalataya tinatalikdan mo ang iyong sariling laman at hinahabol ang buhay—ito ang dapat gawin ng mga tao. Kung ito ay gagawin mo makakaya mong makita ang mga pagkilos ng Diyos, subali’t kung ikaw ay kulang sa pananampalataya hindi mo makakaya, at hindi mo makakayang maranasan ang Kanyang gawain. Kung gusto mong magamit at magawang perpekto ng Diyos, dapat maangkin mo ang lahat: kaloobang magdusa, pananampalataya, pagbabata, pagsunod, maging ang kakayanang maranasan ang gawain ng Diyos, makamtan ang isang pagtarok sa kalooban Niya, maging mapagsaalang-alang sa Kanyang pighati. Hindi madaling gawing perpekto ang isang tao, at ang bawa’t isang pagpipino na nararanasan mo ay kinakailangan ang iyong pananampalataya at pag-ibig. Kung gusto mong magawang perpekto ng Diyos, hindi sapat ang magpalaganap lamang, at hindi rin sapat ang paggugol lamang sa iyong sarili para sa Diyos. Kailangang angkin mo ang maraming mga bagay upang maging isang tao na ginagawang perpekto ng Diyos. Kapag hinaharap mo ang mga pagdurusa, dapat mong makaya na hindi isaalang-alang ang laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Sarili Niya mula sa iyo, dapat magkaroon ng pananampalataya na sumunod sa Kanya, mapanatili ang iyong dating pag-ibig nang hindi hinahayaang maging marúpók o maglaho ito. Maging anuman ang ginagawa ng Diyos, dapat magpasakop ka sa Kanyang dibuho, at higit na nakahandang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag ikaw ay nakaharap sa mga pagsubok dapat mong mapalugod ang Diyos sa kabila ng anumang pagbabantulot na mawalay sa isang bagay na iyong iniibig, o mapait na pagtangis. Ito lamang ang matatawag na tunay na pag-ibig at pananampalataya. Maging anuman ang iyong aktuwal na katayuan, dapat angkin mo muna ang kaloobang magdusa ng kahirapan gayundin ang totoong pananampalataya, at dapat mayroon kang kaloobang talikdan ang laman. Kailangang nakahanda kang personal na tiisin ang mga paghihirap at magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang mapalugod ang kalooban ng Diyos. Dapat ka ring magkaroon ng isang pusong nanghihinayang sa iyong sarili, na hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos noong nakalipas, at magawang magsisi ngayon sa iyong sarili. Walang isa man sa mga ito ang maaaring magkulang at gagawin kang perpekto ng Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na ito. Kung kulang ka ng mga kalagayang ito, hindi ka magagawang perpekto.

 

Ngayon, nakita na ng lahat ng mga tao na ang isang naglilingkod sa Diyos ay hindi lamang dapat alam kung paano ang magdusa para sa Kanyang kapakanan, nguni’t higit pa, dapat maintindihan nila na ang paniniwala sa Diyos ay para sa kapakanan ng paghahanap na ibigin Siya. Ang paggamit sa iyo ng Diyos ay hindi lamang para sa pagpino sa iyo o para magdusa ka, nguni’t ito ay upang maipaalam sa iyo ang Kanyang mga pagkilos, malaman ang tunay na kabuluhan ng buhay ng tao, at lubusang ipabatid sa iyo na hindi madaling tungkulin ang paglilingkod sa Diyos. Hindi tungkol sa pagtatamasa sa biyaya ang pagdanas sa Diyos, nguni’t higit ay tungkol sa pagdurusa dahil sa iyong pag-ibig sa Kanya. Yamang tinatamasa mo ang biyaya ng Diyos, dapat mo ring tinatamasa ang pagkastigo Niya—kailangang maranasan mo ang lahat ng ito. Mararanasan mo ang pagliliwanag ng Diyos sa iyo, at mararanasan mo rin ang Kanyang pakikitungo sa iyo at ang Kanyang paghatol. Sa gayong paraan, nararanasan mo ang lahat ng panig. Nakagawa ang Diyos ng gawain ng paghatol sa iyo, at nakagawa rin Siya ng gawain ng pagkastigo sa iyo. Pinakitunguhan ka ng salita ng Diyos, nguni’t niliwanagan ka rin nito, nilinawan ka. Kapag gusto mong tumakas, hinahatak ka pa rin ng kamay ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay upang ipaalam sa iyo na nasa habag ng Diyos ang lahat ng bagay tungkol sa tao. Maaari mong isipin na tungkol sa pagdurusa ang paniniwala sa Diyos, o ang paggawa ng maraming mga bagay para sa Kanya, o para sa kapayapaan ng iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa iyo, upang maging maginhawa ang lahat—nguni’t wala sa mga ito ang mga layuning dapat mayroon ang mga tao para sa paniniwala sa Diyos. Kung iyan ang iyong paniniwala, kung gayon di-tama ang iyong pananaw at hindi ka basta magagawang perpekto. Ang mga pagkilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, ang Kanyang mga salita, at ang Kanyang pagiging kamangha-mangha at pagiging di-maarok ay ang lahat ng mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Gamitin ang pagkaunawang ito upang tanggalin ang pansariling mga kahilingan gayundin ang mga indibiduwal na mga pag-asa at mga paniwala sa iyong puso. Sa pagtanggal lamang sa mga ito matutugunan mo ang mga kundisyon na hinihingi ng Diyos. Sa pamamagitan lamang nito magkakaroon ka ng buhay at mapalulugod ang Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay para sa pagpapalugod sa Diyos, at upang isabuhay ang disposisyon na Kanyang kinakailangan, upang maipamalas ang Kanyang mga pagkilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng mga taong di-karapat-dapat. Yaon ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at layunin din na dapat mong hanapin. Mayroon ka dapat na tamang pananaw sa paniniwala sa Diyos at hanapin na matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, at magawang isabuhay ang katotohanan, at bukod-tanging nakikita ang Kanyang praktikal na mga gawa, nakikita ang Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawain na Kanyang ginagawa sa laman. Sa pamamagitan ng kanilang aktwal na mga karanasan, mapapahalagahan ng mga tao kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila, at kung ano ang Kanyang kalooban tungo sa kanila. Lahat ng ito ay upang tanggalin ang kanilang tiwaling maka-Satanas na disposisyon. Tanggalin sa sarili mo ang di-malinis at di-matuwid na nasa loob mo, hubarin ang iyong maling mga layunin, at mabubuo sa iyo ang totoong pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng totoong pananampalataya totoo mong maiibig ang Diyos. Maiibig mo lamang nang tunay ang Diyos sa mga saligan ng iyong paniniwala sa Kanya. Matatamo mo ba ang pag-ibig sa Diyos nang hindi naniniwala sa Kanya? Yamang naniniwala ka sa Diyos, hindi ka dapat hangal tungkol dito. Napupuno ng kalakasan ang ilang mga tao sa sandaling makita nila na ang pananampalataya sa Diyos ay magdudulot sa kanila ng mga pagpapala, nguni’t nawawala ang lahat ng sigla sa sandaling makita nilang magdurusa sila ng mga pagpipino. Paniniwala ba sa Diyos iyan? Sa katapusan, ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol sa ganap at lubos na pagsunod sa harap Niya. Naniniwala ka sa Diyos nguni’t mayroon ka pa ring mga hinihingi sa Kanya, mayroon pa ring maraming mga relihiyosong pagkaintindi na hindi mo mabitiwan, pansariling mga kapakanan na hindi mo mapakawalan, at naghahangad pa rin ng mga pagpapala sa laman at nais mong iligtas ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pagpapahayag ng mga tao na may maling pananaw. Bagama’t may pananampalataya sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahanap ng pagbabago sa disposisyon, hindi naghahabol ng pagkakilala sa Diyos, at ang hinahanap lamang nila ay ang mga kapakanan ng kanilang laman. Marami sa gitna ninyo ang mayroong mga pananampalataya na kabilang sa kategorya ng relihiyosong mga paniniwala. Hindi iyan totoong pananampalataya sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos kailangang angkin ng mga tao ang isang puso na magdurusa para sa Kanya at handang isuko ang kanilang mga sarili. Hangga’t hindi nila natutugunan ang dalawang kalagayang ito hindi ito nabibilang na pananampalataya sa Diyos, at hindi nila matatamo ang pagbabago sa disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahanap sa katotohanan, naghahanap ng pagkakilala sa Diyos, at naghahabol sa buhay ay yaong mga totoong naniniwala sa Diyos.

 

Kapag dumating sa iyo ang mga pagsubok, paano mo isasama rito ang gawain ng Diyos upang harapin ang mga ito? Magiging negatibo ka ba o mauunawaan mo ang pagpipino ng Diyos sa sangkatauhan mula sa isang positibong aspeto? Ano ang iyong makakamtan sa iyong mga pagpipino? Lalago ba ang iyong pag-ibig sa Diyos? Kapag ikaw ay sumasailalim sa pagpipino, maisasama mo ba rito ang mga pagsubok ni Job at dibdibang ituturing ang gawain ng Diyos sa iyo? Makakaya mo bang makita kung paano sinusubok ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng mga pagsubok kay Job? Anong uri ng inspirasyon ang hatid sa iyo ng mga pagsubok ni Job? Nakahanda ka bang tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng iyong mga pagpipino, o nanaisin mong mapalugod ang laman sa isang maginhawang kapaligiran? Ano talaga ang iyong pananaw sa pananampalataya sa Diyos? Ito ba ay talagang para sa Kanya, at hindi para sa laman? Mayroon ka ba talagang tinutumbok sa iyong paghahanap? Nakahanda ka bang sumailalim sa mga pagpipino upang magawang perpekto ng Diyos, o sa halip ay gugustuhin mong makastigo at masumpa ng Diyos? Paano mo ba talaga tinitingnan ang tungkol sa pagsaksi sa Diyos? Ano ang dapat na gawin ng mga tao sa ilang mga kapaligiran upang totoong maging saksi para sa Diyos? Yamang ang praktikal na Diyos ay nagpakita ng maraming aktuwal na gawain sa iyo, bakit palagi kang may kaisipang pag-alis? Ang iyo bang paniniwala sa Diyos ay para sa Diyos? Sapagka’t karamihan sa inyo, para ito sa sariling mga plano at paghahabol ng personal na pakinabang. Napaka-kaunti ng mga taong naniniwala sa Diyos para sa Diyos—hindi ba ito pagiging mapanghimagsik?

 

Pangunahing gawain ng pagpipino ang gawing perpekto ang pananampalataya ng mga tao at sa katapusan maabot ang isang kalagayan na kung saan nais mong umalis nguni’t hindi mo magagawa, kung saan napagkaitan ng kapirasong pag-asa ang ilang tao nguni’t may pananampalataya pa rin sila, kung saan wala ng pag-asa sa kanilang hinaharap ang mga tao, at sa panahon lamang na ito magtatapos ang pagpipino ng Diyos. Hindi pa nakakarating ang sangkatauhan sa yugto ng pagkakabitin sa pag-itan ng buhay at ng kamatayan—hindi pa nila natitikman ang kamatayan, kaya ang pagpipino ay hindi katapusan. Maging yaong mga nasa hakbang ng mga taga-serbisyo ay hindi pa lubos na napipino, nguni’t napino si Job, na walang masandigan. Dapat sumailalim sa pagpipino ang mga tao hanggang sa puntong wala na silang pag-asa at walang masandigan—sa gayon lamang ang mga iyon totoong mga pagpipino. Sa panahon ng mga taga-serbisyo, ang iyong puso ay palaging payapa sa harap ng Diyos. Maging anuman ang Kanyang ginawa at maging anuman ang naging kalooban Niya para sa iyo, sinunod mo palagi ang Kanyang mga pagsasaayos at sa dulo ng daan, naintindihan mo ang lahat. Ang pagsasailalim sa mga pagsubok kay Job ay pagsasailalim din sa mga pagsubok kay Pedro. Nang si Job ay sinubok siya ay tumayong saksi, at sa huli naibunyag si Jehova sa kanya. Pagkatapos lamang niyang tumayong saksi saka siya naging karapat-dapat sa pagpapakita ng mukha ng Diyos. Bakit sinabi ito: “Ako ay nagtago mula sa bayan ng karumihan nguni’t ipinapakita ang Aking Sarili sa banal na kaharian”? Ipinapakahulugan niyan na kapag ikaw ay banal at tumatayong saksi saka ka pa lamang magkakaroon ng dignidad na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka maaaring maging saksi para sa Kanya, wala kang dignidad upang makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, nabibigo na tumayong saksi para sa Kanya at nagiging katawa-tawa kay Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung tulad ka ni Job, na sinumpa ang kanyang laman at hindi nagreklamo laban sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang walang pagrereklamo o pagkakasala sa kanyang mga salita, yaon ang pagtayong saksi. Kapag ikaw ay sumasailalim sa mga pagpipino hanggang sa isang tiyak na antas at nagagawa pa ring maging tulad ni Job, lubos na masunurin sa harap ng Diyos at walang ibang mga kinakailangan sa Kanya o iyong sariling mga paniwala, sa gayon magpapakita sa iyo ang Diyos. Hindi nagpapakita sa iyo ang Diyos ngayon sapagka’t mayroon kang maraming sariling mga paniwala, ang iyong personal na mga pagkiling, makasariling mga kaisipan, sariling mga kinakailangan at makalamang mga pakinabang, at hindi ka karapat-dapat na makita ang Kanyang mukha. Kung makikita mo ang Diyos, susukatin mo Siya sa pamamagitan ng iyong sariling mga pagkaintindi—sa gayon ikaw ang nagpapako sa Kanya sa krus. Kung maraming mga bagay ang dumating sa iyo na hindi ayon sa iyong mga paniwala nguni’t nagagawa mong isantabi ang mga iyon at nakikilala ang mga pagkilos ng Diyos mula sa mga bagay na ito, at sa gitna ng mga pagpipino ibinubunyag mo ang iyong puso ng pag-ibig para sa Diyos, ito ay pagtayong saksi. Kung mapayapa ang iyong tahanan, tinatamasa mo ang mga kaginhawahan ng laman, walang sinuman ang umuusig sa iyo, at sumusunod sa iyo ang iyong mga kapatirang lalaki at babae sa iglesia, maipakikita mo ba ang iyong puso ng pag-ibig sa Diyos? Mapipino ka ba nito? Sa pamamagitan lamang ng pagpipino maipakikita ang iyong pag-ibig sa Diyos, at sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nangyayari na hindi naaayon sa iyong mga pagkaintindi maaari kang magawang perpekto. Sa pamamagitan ng maraming mga negatibong bagay, maraming mga kagipitan ginagawa kang perpekto ng Diyos. Sa pamamagitan ng maraming mga pagkilos ni Satanas, mga paratang, at pagpapahayag nito sa maraming mga tao na tinutulutan ka ng Diyos na magtamo ng pagkakilala, sa gayon ay ginagawa kang perpekto.

 

Kung nahihipo mo ang mga pagkilos ng Diyos sa iyong aktuwal na karanasan, magpapakita Siya sa iyo, at liliwanagan at gagabayan ka mula sa loob. Kung hindi mo makakayang sumunod sa Kanyang mga salita, hindi Niya makakayang gawin ito. Kung kulang ka sa pananampalataya, kung nawalan ka ng pag-asa sa Diyos, paano ka makararanas? Kung may totoo kang pananampalataya sa Kanya at walang mga pag-aalinlangan, kung bubuksan mo ang iyong puso sa Kanya, gagawin ka Niyang perpekto. Liliwanagan ka Niya sa iyong praktikal na karanasan at sa iyong buhay. Sa praktikal na mga buhay ng mga tao, mayroon silang maraming personal na mga paghihirap, at higit pa rito, hindi nila malinaw na nakikita ang lawak ng gawain ng Diyos, kaya kinakailangan dito ang pananampalataya. Nanggagaling lamang ang pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagpipino—hindi ito mabubuo nang hindi nagiging pino. Kung mayroon kang mga paniwala na hindi mo mapakawalan at nabubuo sa iyo ang mga pagdududa sa Diyos, lulubog ka sa mga pagpipino, at sa mga panahong ito pananampalataya ang lubos mong kailangan.

 

Ang maraming mga karanasan mo ng kabiguan, ng kahinaan, at mga panahon ng pagiging negatibo ay masasabing mga pagsubok ng Diyos sa iyo. Ito ay dahil sa nagmula ang lahat sa Diyos, nasa Kanyang mga kamay ang lahat ng mga bagay at mga pangyayari. Maski na nabibigo ka, o maski na mahina ka at natitisod nakasalalay ang lahat sa Diyos at abot-kamay Niya. Mula sa panig ng Diyos, isang pagsubok ito sa iyo, at kung hindi mo makikilala iyon, magiging tukso ito. May dalawang uri ng mga katayuan ang dapat makilala ng mga tao: Ang isa ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at ang isa pa ay malamang na nagmumula kay Satanas. Sa isang kalagayan, nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu at tinutulutan kang makilala ang iyong sarili, upang kamuhian at pagsisihan ang iyong sarili at makayang magkaroon ng tunay na pag-ibig para sa Diyos, italaga ang iyong puso sa pagpapalugod sa Kanya. Ang isa pang kalagayan ay kilala mo ang iyong sarili, nguni’t negatibo ka at mahina. Maaaring sabihin na yaon ang pagpipino ng Diyos. Maaari ding sabihin na ito ay panunukso ni Satanas. Kung nakikilala mo na ito ay pagliligtas ng Diyos sa iyo at na sa ngayon di-kapani-paniwala ang iyong pagkakautang sa Kanya, at magmula ngayon susubukan mong makabayad sa Kanya at hindi na mahuhulog sa gayong kabulukan, kung ilalagay mo ang iyong pagsisikap sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, at kung palagi mong itinuturing ang iyong sarili na may kakulangan, at may isang pusong nananabik, sa gayon pagsubok ito ng Diyos. Pagkatapos magwakas ang pagdurusa at muli kumikilos kang pasulong, mangunguna pa rin ang Diyos, liliwanagan, paliliwanagin, at palulusugin ka. Nguni’t kung hindi mo ito nakikilala at negatibo ka, basta na lang hinahayaan ang sarili sa kawalang-pag-asa, kung nag-iisip ka ng ganito, sa gayon nakarating na sa iyo ang panunukso ni Satanas. Nang si Job ay sumailalim sa mga pagsubok, nagpustahan ang Diyos at si Satanas sa isa’t isa, at tinulutan ng Diyos si Satanas na pasakitan si Job, na subukin siya. Bagama’t ang Diyos ang sumusubok kay Job, si Satanas ang talagang dumating sa kanya. Para kay Satanas, ito ay pagtukso kay Job, nguni’t nasa panig ng Diyos si Job at kung hindi nagkagayon, maaaring nahulog siya sa tukso. Sa sandaling mahulog ang mga tao sa tukso nahuhulog sila sa panganib. Ang pagdaan sa pagpipino ay masasabing isang pagsubok mula sa Diyos, nguni’t kung wala ka sa mabuting kalagayan masasabi itong panunukso mula kay Satanas. Kung hindi malinaw sa iyo ang pangitain, pagbibintangan ka at lilituhin ni Satanas. Bago mo malaman ito, mahuhulog ka sa tukso.

 

Kung hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos hindi ka kailanman maaring magawang perpekto. Sa iyong karanasan, kailangan mo ring pasukin ang maliliit na mga detalye—paano mo nililinang ang iyong mga paniwala at napakaraming mga motibo? Anong uri ng angkop na mga pagsasagawa ang mayroon ka para sa mga ito? Kung nararanasan mo ang gawain ng Diyos, nangangahulugan ito na may tayog ka. Kung nagpapakita ka lamang na may kalakasan, hindi ito totoong tayog at tiyak na hindi mo makakayang makapanindigan. Tanging kapag nakakaya ninyong maranasan at magbulay-bulay sa gawain ng Diyos anumang oras, saan mang lugar, makakaya ninyong iwan ang pastol, nakapamumuhay nang nagsasarili sa pamamagitan ng pagsandig sa Diyos, at nakakaya ninyong makita ang aktuwal na mga pagkilos ng Diyos, sa gayon lamang matatamo ang kalooban ng Diyos. Sa ngayon, hindi alam ng karamihan sa mga tao kung paano mararanasan ito. Kapag nakasagupa sila ng isang usapin hindi nila alam kung paano nila ito haharapin, hindi nila nararanasan ang gawain ng Diyos, at hindi sila nakapamumuhay ng isang espirituwal na buhay. Kailangan mong tanggapin ang mga salita at gawain ng Diyos sa iyong praktikal na buhay.

 

May mga pagkakakataon na binibigyan ka Niya ng isang tiyak na uri ng damdamin—naiwawala mo ang iyong panloob na kagalakan, naiwawala mo ang presensiya ng Diyos, at nasa kadiliman ka. Isang uri ito ng pagpipino. Tuwing may ginagawa ka nauuwi ito sa di-maayos o napipigil ka ng isang balakid. Disiplina ito ng Diyos. Maaaring gumagawa ka ng isang bagay at walang nararamdamang anumang damdamin para dito, at hindi rin nalalaman ng iba, nguni’t alam ng Diyos. Hindi ka Niya pakakawalan, at didisiplinahin ka Niya. Napaka-detalyado ng gawain ng Banal na Espiritu. Buong ingat Niyang pinagmamasdan ang bawa’t salita at pagkilos ng mga tao, ang kanilang bawa’t kilos at galaw, at ang kanilang bawa’t kaisipan at ideya upang makamtan ng mga tao ang panloob na kamalayan sa mga bagay na ito. Minsan mong ginagawa ang isang bagay at nauuwi ito sa di-maayos, muli mong ginagawa at nauuwi pa rin sa di-maayos, at unti-unti mong maiintindihan ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa maraming mga beses ng pagdidisiplina, malalaman mo kung ano ang gagawin upang umayon sa kalooban ng Diyos at kung ano ang hindi naaayon sa Kanyang kalooban. Sa katapusan, magkakaroon ka ng wastong mga pagtugon sa paggabay ng Banal na Espiritu sa loob mo. Kung minsan magiging mapanghimagsik ka at sasawayin ka ng Diyos mula sa loob. Lahat ng ito ay nagmumula sa disiplina ng Diyos. Kung hindi mo pinahahalagahan ang Diyos, kung pinapawalang-halaga mo ang Kanyang gawain, hindi ka Niya papansinin. Higit mong sineseryoso ang Diyos, lalo ka Niyang mas liliwanagan. Ngayon mismo, may ilang mga tao sa iglesia na may isang magulo at litong pananampalataya, at gumagawa sila ng maraming mga di-angkop na mga bagay nang walang disiplina, kaya’t ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi malinaw na nakikita sa kanila. Ang ilang mga tao ay lumalaban, kumikita ng salapi, at nagsasagawa ng negosyo nang walang disiplina, at ang gayong uri ng tao ay lalong mas nasa panganib. Hindi lamang sa wala silang gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan, nguni’t sa hinaharap mahirap silang gawing perpekto. Maraming mga tao ang kung saan hindi nakikita ang gawain ng Banal na Espiritu, kung saan hindi nakikita ang disiplina ng Diyos. Sila yaong mga hindi malinaw sa kalooban ng Diyos at hindi nalalaman ang Kanyang gawain. Yaong mga matibay na nakapaninindigan sa gitna ng mga pagpipino, na sumusunod sa Diyos maging anuman ang Kanyang ginagawa, at sa paanuman ay nakakayang huwag umalis, o natamo ang 0.1% ng kung ano ang natamo ni Pedro ay nakagagawa nang mahusay, nguni’t wala silang halaga para magamit. Maraming mga tao ang kaagad nakauunawa sa mga bagay-bagay, may totoong pag-ibig para sa Diyos, at nahihigitan ang antas ni Pedro. Ginagawa ng Diyos ang ganitong uri ng gawain, at nakakamtan ng ganitong uri ng tao ang Kanyang disiplina at pagliliwanag at kaagad itinatapon anuman yaong hindi naaayon sa kalooban ng Diyos. Tulad ng ginto ang ganitong uri ng tao—tanging ang ganitong uri ng tao ang tunay na mahalaga! Kung nakagawa ang Diyos ng maraming uri ng gawain nguni’t tulad ka pa rin ng buhangin, tulad ng isang bato, kung gayon ay wala kang kabuluhan!

 

Kamangha-mangha at di-maarok ang gawain ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Aalisin Niya ang ilang mga tao sapagka’t may lahat ng uri ng mga tao sa iglesia—mayroon yaong mga ginagasta ang salapi ng iglesia, yaong mga dinaraya ang iba, at marami pang iba. Kung hindi mo malinaw na nakikilala ang gawain ng Diyos magiging negatibo ka; sapagka’t nakikita lamang ang gawain ng Diyos sa kakaunting bilang ng mga tao. Sa panahong iyon magiging maliwanag kung sino ang totoong umiibig sa Diyos at sino ang hindi. Yaong mga totoong umiibig sa Diyos ay may gawain ng Banal na Espiritu, yaong mga hindi totoong umiibig sa Kanya ay mabubunyag sa pamamagitan ng Kanyang gawain, unti-unti. Sila ang magiging mga pakay ng pag-aalis. Mabubunyag ang mga taong ito sa pagpapatuloy ng gawaing panlulupig—wala silang halaga para sa pagiging perpekto. At yaong mga nagawang perpekto ay nakamtan ng Diyos sa kanilang kabuuan, at may kakayahang ibigin ang Diyos tulad ni Pedro. Yaong mga nalupig ay walang kusang pag-ibig, kundi walang-kibong pag-ibig lamang, at sila ay napipilitang ibigin ang Diyos. Nalilinang ang kusang pag-ibig sa pamamagitan ng pagkaunawang nakamtan sa praktikal na karanasan. Nasasakop ng pag-ibig na ito ang puso ng tao at ginagawa silang kusang nakalaan sa Diyos; ang mga salita ng Diyos ay nagiging kanilang saligan at nagagawa nilang magdusa para sa Diyos. Mangyari pa ito ang mga bagay na angkin ng isang tao na nagawang perpekto ng Diyos. Kung ang hinahanap mo lamang ay ang malupig, sa gayon hindi ka maaaring sumaksi sa Diyos, kung natatamo lamang ng Diyos ang Kanyang layunin ng pagliligtas sa pamamagitan ng paglupig sa mga tao, sa gayon magiging sapat ang hakbang ng mga taga-serbisyo. Gayunpaman, ang paglupig sa mga tao ay hindi ang huling layunin ng Diyos—ang Kanyang huling layunin ay upang gawing perpekto ang mga tao. Kaya sa halip na sabihin na ang yugtong ito ang gawaing panlulupig, sabihin na ito ang gawain ng pagpeperpekto at pag-aalis. Hindi pa ganap na nalupig ang ilang mga tao, at sa patuloy na panlulupig sa kanila, isang pangkat ng mga tao ang magagawang perpekto. Ang dalawang pirasong ito ng gawain ay isinasakatuparan nang sabay. Hindi nakaalis ang mga tao sa loob ng gayong mahabang panahon ng gawain; ipinakikita ng katunayang ito na ang layunin ng panlulupig ay natamo—isang katunayan ito ng pagiging nalupig. Hindi para sa kapakanan ng pagkalupig ang mga pagpipino, nguni’t ang mga iyon ay para sa kapakanan ng pagiging perpekto. Kung wala ang mga pagpipino, hindi magagawang perpekto ang mga tao. Kaya napakahalaga ng mga pagpipino! Ngayon isang pangkat ng mga tao ang ginagawang perpekto, isang grupo ng mga tao ang nakakamtan. Ang sampung mga pagpapala na binanggit noong una ay inilaan lahat sa kanila na nagawang perpekto. Ang lahat tungkol sa pagbabago ng kanilang imahe sa lupa ay inilalaan sa kanilang mga nagawang perpekto. Hindi ito matatamo nilang mga hindi nagawang perpekto.

 

Mga Talababa:

 

a. Hindi kasama sa orihinal na teksto ang “ ang pagsubok kay.”