Ang bawat yugto ng gawaing ginawa ng Diyos ay may sariling praktikal na kabuluhan. Noong una, nang pumarito si Jesus, Siya ay lalaki, nguni’t nang dumating ang Diyos sa pagkakataong ito, Siya ay babae. Mula rito, makikita mo na nilikha ng Diyos ang kapwa lalaki at babae para sa kapakanan ng Kanyang gawain, at sa Kanya ay walang pagkakaiba ang kasarian. Kapag dumarating ang Kanyang Espiritu, maaari Niyang kunin ang anumang uri ng katawang-tao na gusto Niya at maaari Siyang katawanin ng katawang-taong yaon. Maging lalaki man o babae, maaari nitong katawanin ang Diyos hangga’t ito ay ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Kung si Jesus ay nagpakita bilang isang babae nang Siya ay dumating, sa madaling salita, kung isang sanggol na babae, at hindi isang lalaki, ang ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang yugtong yaon ng gawain ay kapareho ding matatapos. Kung gayon ang naging sitwasyon, ang kasalukuyang yugto ng gawain ay kailangan sanang kumpletuhin ng isang lalaki, nguni’t pareho pa ring makukumpleto ang gawain. Ang gawaing ginawa sa alinmang yugto ay parehong makabuluhan; hindi naulit ang alinmang yugto ng gawain ni sumasalungat sa isa. Noon, nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, Siya ay tinawag na ang bugtong na Anak na lalaki, at tinutukoy ng “Anak na lalaki” ang kasariang lalaki. Kung gayon, bakit hindi nababanggit sa yugtong ito ang bugtong na Anak na lalaki? Ito ay dahil ang mga kinakailangan ng gawain ay nangailangan na ng pagbabago sa kasarian na iba mula roon kay Jesus. Para sa Diyos walang pagkakaiba ang kasarian. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain ayon sa kagustuhan Niya at sa paggawa ng Kanyang gawain wala Siya sa ilalim ng anumang mga pagbabawal, kundi natatanging malaya. Gayunpaman, ang bawat yugto ng gawain ay may sariling praktikal na kabuluhan. Dalawang beses na naging katawang-tao ang Diyos, at hindi na kailangang sabihin pa na ang pagkakatawang-tao Niya sa mga huling araw ang huling pagkakataon. Naparito na Siya upang ibunyag ang lahat ng Kanyang mga gawa. Kung hindi Siya naging katawang-tao sa yugtong ito upang personal na gumawa para masaksihan ng tao, panghahawakan ng tao magpakailanman ang pagkaunawang lalaki lamang ang Diyos, hindi babae. Bago nito, naniwala ang buong sangkatauhan na maaari lamang maging lalaki ang Diyos at hindi maaaring matawag ang isang babae na Diyos, sapagka’t itinuring ng buong sangkatauhan ang lalaki na may awtoridad sa itaas ng babae. Naniwala silang walang babae ang maaaring magkaroon ng awtoridad, kundi lalaki lamang. Higit pa rito, sinabi pa nila na lalaki ang ulo ng babae at dapat sumunod ang babae sa lalaki at hindi niya maaaring higitan ito. Sa nakaraan, nang sinabi na ang lalaki ang ulo ng babae, ito ay nakatuon kina Adan at Eva na nalinlang ng ahas, at hindi sa lalaki at babae na nilikha ni Jehova noong pasimula. Sabihin pa, dapat na sundin at mahalin ng isang babae ang kanyang asawa, at kailangang matutuhan ng asawang lalaki na pakainin at suportahan ang kanyang pamilya. Mga batas at utos ito na itinatag ni Jehova na kailangang sundin ng sangkatauhan sa kanilang pamumuhay sa lupa. Sinabi ni Jehova sa babae, “At sa iyong asawa ay magnanais ang iyong kalooban, at siya’y mamumuno sa iyo.” Sinabi Niya lamang iyon upang ang sangkatauhan (iyon ay, parehong lalaki at babae) ay maaaring mamuhay nang normal na mga buhay sa ilalim ng kapamahalaan ni Jehova, at tanging upang ang mga buhay ng sangkatauhan ay maaaring magkaroon ng isang kayarian at hindi mawala sa kanilang wastong pagkakaayos. Samakatuwid, gumawa si Jehova ng angkop na mga alituntunin sa kung paano dapat kumilos ang lalaki at babae, nguni’t ito ay kaugnay lamang sa lahat ng nilalang na nabubuhay sa lupa at walang kaugnayan sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Paano magiging kapareho ng Diyos ang Kanyang sangnilikha? Ang mga salita Niya ay nakatuon lamang sa sangkatauhan ng Kanyang sangnilikha; itinatag Niya lamang ang mga alituntunin para sa lalaki at babae upang makapamuhay nang normal na mga buhay ang sangkatauhan. Sa simula, nang likhain ni Jehova ang sangkatauhan, gumawa Siya ng dalawang klaseng tao, kapwa lalaki at babae; kaya nga hiwalay ang lalaki at babae sa Kanyang mga pagkakatawang-tao. Hindi Siya nagpasya sa Kanyang gawain batay sa mga salitang sinabi Niya kina Adan at Eva. Ang dalawang beses Niyang pagiging katawang-tao ay ganap na ipinasya ayon sa Kanyang kaisipan noong una Niyang likhain ang sangkatauhan, iyon ay, kinumpleto Niya ang gawain ng Kanyang dalawang pagkakatawang-tao batay sa lalaki at babae bago sila naging tiwali. Kung kinuha ng sangkatauhan ang mga salitang sinabi ni Jehova kina Adan at Eva na nalinlang ng ahas at inilapat ito sa gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi ba dapat din na mahalin ni Jesus ang Kanyang asawa gaya ng nararapat Niyang gawin? Sa ganitong paraan, magiging Diyos pa rin ba ang Diyos? At dahil ganito, makakaya pa rin ba Niyang kumpletuhin ang Kanyang gawain? Kung mali para sa nagkatawang-taong laman ng Diyos ang maging babae, hindi ba magiging mali na rin sa pinakamalaking sukat na nalikha ng Diyos ang babae? Kung iniisip pa rin ng tao na mali para sa Diyos ang magkatawang-tao bilang babae, kung gayon hindi ba si Jesus, na hindi nag-asawa at samakatuwid ay hindi maaaring magmahal sa Kanyang asawa, ay nasa kamalian din tulad ng kasalukuyang pagkakatawang-tao? Yamang ginagamit mo ang mga salitang binigkas ni Jehova kay Eva upang sukatin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa kasalukuyan, dapat mong gamitin kung gayon ang mga salita ni Jehova kay Adan upang hatulan ang Panginoong Jesus na naging katawang-tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi ba pareho ang dalawang ito? Yamang sinusukat mo ang Panginoong Jesus batay sa lalaki na hindi nalinlang ng ahas, hindi mo maaaring hatulan kung gayon ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ngayon batay sa babae na nalinlang ng ahas. Magiging hindi patas ito! Kung ginawa mo ang gayong paghatol, patunay ito na wala ka sa katinuan. Nang dalawang beses na naging katawang-tao si Jehova, ang kasarian ng Kanyang katawang-tao ay naugnay sa lalaki at babae na hindi nalinlang ng ahas; alinsunod ito sa lalaki at babae na hindi nalinlang ng ahas na dalawang beses Siyang nagkatawang-tao. Huwag isipin na ang pagkalalaki ni Jesus ay pareho sa Adan na nalinlang ng ahas. Ganap na wala silang kaugnayan, at ang dalawa ay mga lalaki na may magkaibang kalikasan. Tiyak na ang pagkalalaki ni Jesus ay hindi maaaring magpatunay na ulo lamang Siya ng lahat ng babae nguni’t hindi ng lahat ng lalaki? Hindi ba Siya ang Hari ng lahat ng Judio (kasama ang parehong mga lalaki at babae)? Siya ay Diyos Mismo, hindi lamang ang ulo ng babae kundi ulo rin ng lalaki. Siya ang Panginoon ng lahat ng nilalang at ulo ng lahat ng nilalang. Paano mo magagawang tukuyin ang pagkalalaki ni Jesus bilang ang sagisag ng ulo ng babae? Hindi ba ito kalapastanganan? Si Jesus ay isang lalaki na hindi nadungisan nang kasamaan. Siya ay Diyos; Siya ang Cristo; Siya ang Panginoon. Paano Siya magiging isang lalaki na tulad ni Adan na ginawang tiwali? Si Jesus ang katawang-tao na isinuot ng pinakabanal na Espiritu ng Diyos. Paano mo magagawang sabihin na Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng pagkalalaki ni Adan? Sa ganyang sitwasyon, hindi ba magiging mali ang lahat ng gawain ng Diyos? Magagawa ba ni Jehova na isama sa loob ni Jesus ang pagkalalaki ni Adan na nalinlang ng ahas? Hindi ba ang pagkakatawang-tao sa kasalukuyan ay isa pang pagkakataon ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao na naiiba sa kasarian mula kay Jesus nguni’t katulad Niya sa kalikasan? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi maaaring maging babae ang Diyos na nagkatawang-tao, dahil babae ang unang nalinlang ng ahas? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na, dahil ang babae ang pinakamarumi at ang pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan, ang Diyos ay hindi maaaring maging katawang-tao bilang isang babae? Nangangahas ka bang magpumilit sa pagsasabi na “ang babae ay dapat laging sumunod sa lalaki at hindi kailanman maaaring maghayag o direktang kumatawan sa Diyos”? Hindi mo naunawaan sa nakaraan, nguni’t makapagpapatuloy ka ba ngayon sa paglapastangan sa gawain ng Diyos, lalo na sa nagkatawang-taong laman ng Diyos? Kung hindi mo kayang makita ito nang may ganap na kalinawan, pinakamahusay na isaalang-alang mo ang iyong pananalita, upang hindi mabunyag ang iyong kahangalan at kamangmangan at malantad ang iyong kapangitan. Huwag mong isipin na nauunawaan mo ang lahat. Sinasabi Ko sa iyo na ang lahat ng nakita at naranasan mo na ay hindi sapat para maunawaan mo kahit ang ika-sanlibong bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Kaya bakit kung kumilos ka ay labis na mapagmataas? Ang kakapiranggot na talento at ang kakaunting kaalaman mo ay hindi sapat para gamitin ni Jesus sa kahit isang segundo lamang ng Kanyang gawain! Gaano ba talaga karami ang karanasan mo? Ang nakita mo na at lahat ng narinig mo na sa buong buhay mo at ang naguni-guni mo na ay mas maliit kaysa sa gawain na ginagawa Ko sa isang saglit! Pinakamahusay na huwag kang mamintas at maghanap ng kamalian. Gaano ka man kamapagmataas, isa ka lamang nilalang na mas maliit pa sa langgam! Ang nakakarga mo sa iyong tiyan ay mas kaunti kaysa sa binubuhat ng langgam sa kanyang tiyan! Huwag isipin na, dahil nagkamit ka lamang ng ilang karanasan at pagiging nauna sa tungkulin, ay may karapatan ka nang kumumpas nang magaspang at magmayabang. Hindi ba bunga ng mga salitang nabigkas Ko ang iyong karanasan at iyong pagiging nauna sa tungkulin? Naniniwala ka ba na kapalit ang mga iyon ng sarili mong pagsisikap at pagpapagod? Ngayon, nakikita mong Ako ay naging katawang-tao, at dahil lamang dito ikaw ay napupuno ng gayon kayamang mga konsepto, at nakahirang nang hindi mabilang na mga pagkaunawa mula sa mga iyon. Kung hindi dahil sa Aking pagkakatawang-tao, kahit pa may angkin kang hindi pangkaraniwang mga talento, hindi ka magkakaroon ng napakaraming konsepto; at hindi ba nagmumula sa mga ito ang mga pagkaunawa mo? Kung hindi naging katawang-tao si Jesus sa unang pagkakataong iyan, malalaman mo ba ang tungkol sa pagkakatawang-tao? Hindi ba dahil binigyan ka ng unang pagkakatawang-tao ng kaalaman kaya walang-pakundangan mong sinubukang hatulan ang ikalawang pagkakatawang-tao? Bakit, sa halip na maging masunuring tagasunod, ay isinasailalim mo ito sa pag-aaral? Kapag nakapasok ka na tungo sa daloy na ito at lumapit sa harapan ng nagkatawang-taong Diyos, papayagan ka ba Niyang gumawa ng isang pag-aaral tungkol dito? Ayos lamang para sa iyo na pag-aralan ang kasaysayan ng sarili mong pamilya, nguni’t kung susubukan mong pag-aralan ang “kasaysayan ng pamilya” ng Diyos, papayagan ka ba ng Diyos ng kasalukuyan na isagawa ang naturang pag-aaral? Hindi ka ba bulag? Hindi mo ba hinahamak ang iyong sarili?
Kung ang gawain ni Jesus ay nagawa lamang nang hindi pinupunan ng gawain sa yugtong ito ng mga huling araw, kung gayon magpakailanmang panghahawakan ng tao ang pagkaunawa na si Jesus lamang ang tanging Anak ng Diyos, iyon ay, na may iisang anak lamang ang Diyos, at ang sinumang sumusunod sa isa pang pangalan ay hindi magiging ang tanging Anak ng Diyos, mas lalong hindi ang Diyos Mismo. May pagkaunawa ang tao na sinumang nagsisilbi bilang handog para sa kasalanan o humahawak ng kapangyarihan sa ngalan ng Diyos at tumutubos sa lahat ng sangkatauhan, ay ang tanging Anak ng Diyos. May ilang naniniwala na hangga’t lalaki ang Siyang dumarating, maaari Siyang ituring na ang tanging Anak at kinatawan ng Diyos, at mayroon pa yaong mga nagsasabi na si Jesus ay ang Anak ni Jehova, ang nag-iisa Niyang Anak. Hindi ba ito isang seryosong kalabisan na pagkaunawa ng tao? Kung ang yugtong ito ng gawain ay hindi ginawa sa huling kapanahunan, kung gayon ang buong sangkatauhan ay matatalukbungan ng madilim na anino pagdating sa Diyos. Kung ganito ang sitwasyon, iisipin ng lalaki na mas mataas siya kaysa babae, at hindi kailanman tataas ang tingin ng mga babae sa kanilang sarili, at wala ni isang babae ang maaaring maligtas. Palaging naniniwala ang mga tao na lalaki ang Diyos, at higit pa riyan ay lagi Niyang hinahamak ang babae at hindi Niya ipagkakaloob sa babae ang kaligtasan. Kung ganito ang sitwasyon, hindi ba magiging totoo na lahat ng babae, na nilikha ni Jehova at naging tiwali na rin, ay hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon na maligtas? Kung gayon hindi ba magiging walang punto para kay Jehova na nalikha ang babae, iyan ay, na nalikha si Eva? At hindi ba mapapahamak ang babae magpakailanman? Sa kadahilanang ito, ang yugto ng gawain sa mga huling araw ay kailangang isakatuparan upang mailigtas ang buong sangkatauhan, hindi lamang ang babae. Kung sinuman ang mag-iisip na, kung magkakatawang-tao ang Diyos bilang babae, ito’y magiging tangi para sa kapakanan ng pagliligtas sa babae, kung gayon ang taong iyan ay talagang magiging hangal!
Naisulong na ng gawaing ginagawa sa kasalukuyan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; iyan ay, ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nakasulong na. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit paulit-ulit Kong sinasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nagtatayo sa ibabaw ng Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kautusan? Nangangahulugan ito na ang gawain sa kasalukuyan ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya at isang pagsulong doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay at ang bawat kawing sa kadena ay nakadugtong sa isa. Bakit sinasabi Ko rin na ang yugtong ito ng gawain ay nakatayo roon sa ginawa ni Jesus? Kung sakaling hindi nakatayo ang yugtong ito sa gawaing ginawa ni Jesus, isa pang pagpapapako sa krus ang kailangang maganap sa yugtong ito, at ang gawaing pagtubos ng nakaraang yugto ay kailangang ulitin muli. Magiging walang saysay ito. Kaya’t hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas nang mas mataas pa kaysa rati. Maaaring sabihin na ang yugtong ito ng gawain ay itinatayo sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ay itinatayo nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong pasimula. Tanging ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, kung gayon bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi tuwiran Kong hinahatulan at kinakastigo ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao at ang pagparito Ko ngayon hindi sa pamamagitan ng paglilihi ng Banal na Espiritu ay hindi sumunod sa pagpapapako sa krus, hindi sana Ako naging marapat na hatulan at kastiguhin ang tao. Talagang dahil kaisa Ako ni Jesus kaya pumarito Ako upang direktang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay buong itinatayo sa gawain ng sinusundang yugto. Iyan ang dahilan kung bakit tanging ang ganitong uri ng gawain ang makapagdadala sa tao, isa-isang hakbang, sa kaligtasan. Ako at si Jesus ay mula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming mga katawang-tao, iisa ang Aming mga Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng ginagawa Namin at ang gawain na ginagampanan Namin ay magkaiba, magkapareho Kami sa diwa; magkaiba ang porma ng Aming mga katawang-tao, nguni’t ito ay dahil sa pagbabago sa kapanahunan at ang magkaibang mga kinakailangan sa Aming gawain; magkaiba ang mga ministeryo Namin, kaya ang gawain na dala Namin at ang disposisyon na ibinubunyag Namin sa tao ay magkaiba rin. Iyan ang dahilan kung bakit ang nakikita at nauunawaan ng tao ngayon ay hindi katulad roon sa nakaraan; ito ay dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan, Sila ay magkaiba sa kasarian at porma ng Kanilang mga katawang-tao, at hindi Sila ipinanganak sa parehong pamilya, at lalo nang hindi sa parehong panahon, gayunman iisa ang Kanilang mga Espiritu. Sa lahat ng iyan, ang Kanilang mga katawang-tao ay walang kaugnayan sa dugo ni anumang uri ng pisikal na pagkakamag-anak, hindi maitatangging Sila ay pagkakatawang-tao ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapasisinungalingang katotohanan na Sila ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos, bagama’t hindi sila magkadugo at magkaiba ang kanilang pantaong wika (ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Judio at ang isa ay babae na eksklusibong nagsasalita ng Tsino). Para sa mga kadahilanang ito kaya nabuhay sila sa magkaibang bansa upang gawin ang gawain na kinakailangang gawin ng bawat isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayang iisa Silang Espiritu at nagtataglay ng parehong kakanyahan, ganap na walang mga pagkakatulad sa panlabas Nilang mga katawang-tao. Ang pagkakatulad lamang Nila ay ang parehong pagkatao, nguni’t pagdating sa panlabas na kaanyuan ng Kanilang mga katawang-tao at ang mga pangyayari sa Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkapareho. Ang mga bagay na ito ay walang epekto sa Kani-kanilang gawain o sa pagkakilala ng tao tungkol sa Kanila, dahil, sa huling pagsusuri, iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang buong persona Nila ay nasa patnubay ng Kanilang mga Espiritu, na naglalaan sa Kanila ng magkaibang gawain sa magkaibang mga panahon, at ang Kanilang mga katawang-tao sa magkakaibang linya ng dugo. Ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Iisa Sila at parehong Espiritu. Tulad ng nagkatawang-taong Diyos ngayon at si Jesus. Bagama’t hindi Sila magkadugo, Sila ay iisa; ito ay dahil iisa ang Kanilang mga Espiritu. Kayang gawin ng Diyos ang gawain ng habag at mapagmahal na kabaitan, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at yaong pagtawag ng mga sumpa sa tao; at sa katapusan, kaya Niyang gawin ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masama. Hindi ba Niya ginagawa Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba ito ang kapangyarihang walang hanggan ng Diyos? Nakaya Niya ang parehong pagpapatupad ng mga batas para sa tao at pagbibigay sa kanya ng mga kautusan, at nakaya rin Niyang pamunuan ang mga sinaunang Israelita upang makapamuhay sa lupa at patnubayan sila sa pagtatayo ng templo at mga altar, hinahawakan ang lahat ng Israelita sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Sa pagsalalay sa Kanyang awtoridad, namuhay Siya sa lupa kasama ang mga mamamayan ng Israel sa loob ng dalawang libong taon. Hindi nangahas ang mga Israelita na magrebelde laban sa Kanya; iginalang ng lahat si Jehova at sinunod ang mga kautusan Niya. Ito ang gawain na ginawa sa pagsalalay sa Kanyang awtoridad at sa Kanyang pagka-makapangyarihan sa lahat. Pagkatapos nito, noong Kapanahunan ng Biyaya, dumating si Jesus upang tubusin ang buong natisod na sangkatauhan (at hindi lamang ang mga Israelita). Nagpakita Siya ng awa at mapagmahal na kabaitan sa tao. Ang Jesus na nakita ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay puno ng mapagmahal na kabaitan at laging mapagmahal sa tao, sapagka’t naparito Siya upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Nakaya Niyang patawarin ang mga tao sa kanilang mga kasalanan hanggang sa ganap na tinubos ng pagkakapako Niya sa krus ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa panahong ito, nagpakita ang Diyos sa tao na may awa at mapagmahal na kabaitan; iyon ay, naging handog Siya para sa kasalanan ng tao at naipako sa krus para sa mga kasalanan ng tao upang maaari silang mapatawad magpakailanman. Siya ay maawain, mahabagin, matiisin, at mapagmahal. At hinangad rin ng lahat ng sumunod kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ang maging matiisin at mapagmahal sa lahat ng bagay. Matiisin sila, at hindi kailanman lumaban kahit na sinaktan, isinumpa, o binato. Nguni’t sa panahon ng huling yugto hindi na maaaring maging ganito. Katulad nito, kahit na iisa ang Kanilang mga Espiritu, ang gawain nina Jesus at Jehova ay hindi ganap na magkapareho. Ang gawain ni Jehova ay hindi upang tapusin ang kapanahunan kundi upang gabayan ito, at inihahatid ang buhay ng sangkatauhan sa lupa. Gayunpaman, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang lupigin yaong mga nasa bansang Gentil na lubos na tiwali, at pamunuan hindi lamang ang pamilya ng Tsina, kundi ang buong sansinukob. Maaaring sa tingin mo ay sa Tsina lamang ginagawa ang gawaing ito, nguni’t sa katunayan nag-umpisa na itong lumaganap sa ibang bansa. Bakit muli’t muli ay hinahanap ng mga banyaga ang tunay na daan? Iyan ay dahil nag-umpisa na ang Espiritu na gumawa, at ang mga salita na binibigkas ngayon ay nakatuon sa mga tao sa buong sansinukob. Dahil dito, kalahati ng gawain ay nagaganap na. Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyan, napakilos na ng Espiritu ng Diyos ang dakilang gawaing ito, at bukod dito ay nagawa na ang iba’t ibang gawain sa iba’t ibang kapanahunan at sa iba’t ibang bansa. Nakikita ng mga tao ng bawat kapanahunan ang ibang disposisyon Niya, na likas na nabubunyag sa pamamagitan ng ibang gawain na ginagawa Niya. Siya ay Diyos, puno ng awa at mapagmahal na kabaitan; Siya ang handog para sa kasalanan ng tao at ang pastol ng tao; nguni’t Siya rin ang paghatol, pagkastigo, at sumpa ng tao. Nakaya Niyang pamunuan ang tao upang mabuhay sa lupa sa loob ng dalawang libong taon, at nakaya rin Niyang tubusin ang tiwaling sangkatauhan mula sa kasalanan. Ngayon, kaya rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, na hindi nakakakilala sa Kanya, at pasukuin sila sa Kanyang kapamahalaan, upang ang lahat ay lubusang magpasakop sa Kanya. Sa katapusan, susunugin Niya ang lahat ng marumi at di-matuwid sa kalooban ng mga tao sa buong sansinukob, upang ipakita sa kanila na hindi lamang Siya isang maawain at mapagmahal na Diyos, hindi lamang Diyos ng karunungan at mga kababalaghan, hindi lamang isang banal na Diyos, kundi higit pa rito, isang Diyos na humahatol sa tao. Sa masasama sa gitna ng sangkatauhan, Siya ay pagsunog, paghatol, at kaparusahan; sa mga gagawing perpekto, Siya ay kapighatian, pagpipino, at pagsubok, pati na rin kaaliwan, pagpapanatili, pagkakaloob ng mga salita, pakikitungo, at pagtatabas. At sa mga natanggal, Siya ay kaparusahan at maging kagantihan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Kaya Niya ang anuman at lahat ng gawain, hindi lamang ang pagpapapako sa krus na tulad ng nasa isip mo. Masyadong mababa ang tingin mo sa Diyos! Naniniwala ka ba na ang tanging kaya Niya ay tubusin ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang pagpapapako sa krus at wala nang iba? At pagkatapos niyan ay susundan mo Siya sa langit upang makakain ng bunga mula sa puno ng buhay at makainom mula sa ilog ng buhay? ... Ganyan kaya kasimple ito? Sabihin mo sa Akin, ano na ang nagawa mo? Nasa iyo ba ang buhay ni Jesus? Natubos ka nga sa pamamagitan Niya, nguni’t ang pagpapapako sa krus ay gawain ni Jesus Mismo. Anong tungkulin ang nagawa mo na bilang isang tao? May panlabas ka lamang na kabanalan nguni’t hindi mo nauunawaan ang Kanyang daan. Ganyan ba ang paghahayag mo sa Kanya? Kung hindi mo pa nakamit ang buhay ng Diyos o nakita na ang kabuuan ng Kanyang matuwid na disposisyon, kung gayon hindi mo maaaring sabihin na taglay mo ang buhay, at hindi ka karapat-dapat na pumasok sa pasukan ng kaharian ng langit.
Hindi lamang isang Espiritu ang Diyos, kaya rin Niya ang maging katawang-tao; higit pa rito, Siya ay isang katawan ng kaluwalhatian. Si Jesus, bagama’t hindi na ninyo Siya nakita, ay nasaksihan ng mga Israelita, iyan ay, ng mga Judio noon. Noong una Siya ay isang katawang-tao ng laman, nguni’t pagkatapos Niyang naipako sa krus, Siya ay naging ang katawan ng kaluwalhatian. Siya ang sumasaklaw-sa-lahat na Espiritu at kayang gumawa sa bawat dako. Maaari Siyang maging si Jehova, o si Jesus, o ang Mesiyas; sa katapusan, kaya rin Niyang maging Makapangyarihang Diyos. Siya ay katuwiran, paghatol, at pagkastigo; Siya ay sumpa at poot; nguni’t Siya rin ay awa at mapagmahal na kabaitan. Lahat ng gawain na Kanyang nagawa ay kayang kumatawan sa Kanya. Anong uri ng Diyos ang masasabi mo tungkol sa Kanya? Hindi mo basta makakayang ipaliwanag. Ang tanging masasabi mo ay: “Anong uri ng Diyos Siya, hindi ko kayang ipaliwanag.” Huwag kang gumawa ng konklusyon na ang Diyos ay magpakailanmang isang Diyos ng awa at mapagmahal na kabaitan, dahil lamang sa ginawa Niya ang gawain ng pagtubos sa isang yugto. Masisigurado mo ba na Siya ay maawain at mapagmahal na Diyos lamang? Kung maawain at mapagmahal Siyang Diyos, bakit Niya dadalhin sa katapusan ang kapanahunan sa mga huling araw? Bakit Siya magpapadala ng napakaraming sakuna? Kung ito ay tulad ng iniisip mo, na Siya ay maawain at mapagmahal sa tao hanggang sa katapus-tapusan, kahit sa huling kapanahunan, bakit Siya magpapadala ng mga sakuna mula sa kalangitan? Kung minamahal Niya ang tao na tulad ng Kanyang Sarili at tulad ng Kanyang nag-iisang Anak, bakit Siya magpapadala ng mga salot at ulan na yelo mula sa kalangitan? Bakit Niya hinahayaan ang tao na magdusa ng taggutom at mga salot? Bakit Niya hinahayaan ang tao na magdusa ng mga sakunang ito? Kung anong uri ng Diyos Siya, wala ni isa sa inyo ang nangangahas na magsabi, at walang may kakayahang magpaliwanag. Masisigurado mo ba na Siya ang Espiritu? Nangangahas ka bang sabihin na Siya ang katawang-tao ni Jesus at wala nang iba? At nangangahas ka bang sabihin na Siya ay isang Diyos na magpakailanmang mapapako sa krus para sa kapakanan ng tao?
Write a comment