Ano ang ibig sabihin ng maging perpekto? Ano ang ibig sabihin ng malupig? Ano ang pamantayan na kailangang matugunan ng isang tao upang malupig? At ano ang pamantayan na kailangang matugunan ng isang tao upang maging perpekto? Ang panlulupig at pagpeperpekto ay parehong para sa layuning paghubog sa tao upang maaaring makabalik siya sa kanyang orihinal na wangis at makalaya sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposiyon at sa impluwensya ni Satanas. Ang panlulupig na ito ay maagang dumarating sa paraan ng paghubog sa tao, ibig sabihin ay ito ang unang hakbang ng gawain. Ang pagpeperpekto ay ang pangalawang hakbang, o ang pangwakas na gawain. Ang bawat tao ay kailangang dumaan sa paglulupig; kung hindi ay hindi niya makikilala ang Diyos at hindi niya malalaman na mayroong Diyos, iyon ay, hindi niya makakayang kilalanin ang Diyos. At kung hindi kinikilala ng isang tao ang Diyos, imposibleng magagawa siyang ganap ng Diyos dahil hindi niya makakamit ang mga pamantayan sa pagiging ganap na ito. Kung hindi mo man lamang kikilalanin ang Diyos, paano mo Siya makikilala? At paano mo Siya hahanapin? Hindi rin kayo makakapagpatotoo sa Kanya, lalong hindi magkaroon ng pananampalatayang magpapasiya sa Kanya. Sa gayon, sa sinumang nais magawang ganap, ang unang hakbang ay dapat ang pagdaan sa gawaing panlulupig. Ito ang unang kondisyon. Ngunit ito man ay panlulupig o pagpeperpekto, ang bawat isa ay para sa layuning paghubog sa tao at pagbago sa kanya, at ang bawat isa ay isang bagay sa gawain ng pamamahala sa tao. Ang dalawang hakbang na ito ang mga kinakailangan sa paggawang ganap sa isang tao; hindi maaaring lampasan ang kahit alin sa mga hakbang. Tunay nga na ang “pagkalupig” ay hindi masyadong magandang pakinggan, ngunit sa katunayan ang paraan ng panlulupig sa isang tao ay ang paraan ng pagbago sa kanya. Matapos siyang malupig, maaaring hindi mo pa naalis nang lubusan ang iyong tiwaling disposisyon, ngunit malalaman mo ito. Sa pamamagitan ng gawaing panlulupig malalaman mo ang iyong mababang pagkatao at malalaman mo rin ang iyong pagkasuwail. Kahit hindi mo kayang alisin o baguhin ang mga ito sa loob ng maiksing panahon ng gawaing panlulupig, makikilala mo ang mga ito. Ito ang magsisilbing saligan ng iyong pagka-perpekto. Sa gayon ang panlulupig at pagpeperpekto ay parehong ginagawa upang baguhin ang tao, parehong ginagawa upang alisin sa tao ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang maihahandog niya ang kanyang sarili nang lubusan sa Diyos. Ang pagiging nalupig ang unang hakbang nga lang sa pagbabago ng disposisyon ng tao at ito rin ang unang hakbang sa lubusang pag-aalay ng tao ng kanyang sarili sa Diyos, isang hakbang na mas mababa sa pagiging perpekto. Ang disposisyon ng buhay ng isang nilupig ay nababagong mas kaunti kumpara sa isang taong naging perpekto. Ang pagiging nalupig at pagiging perpekto ay magkaiba sa pangmalas mula sa isa’t isa dahil ito ay magkakaibang yugto ng gawain at dahil binibigyan nito ang mga tao ng iba't ibang mga pamantayan, ang paglupig ay pinananatili sila sa mas mabababang pamantayan at ang pagka-perpekto ay pinananatili sila sa mas mataas. Ang mga ginawang perpekto ay ang mga matuwid na tao, mga taong ginawang banal at dalisay; sila ang mga pagkakabuo-buo ng gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, o ang mga resulta. Kahit na hindi sila mga perpektong tao, sila ay mga taong nagsisikap mamuhay ng makabuluhang buhay. Ngunit sa salita lamang ang pagkakilala ng mga nalupig sa pag-iral ng Diyos; kinikilala nila na ang Diyos ay ang Siyang nagkatawang tao Mismo, na ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao, at ang Diyos ay nagpunta sa lupa upang gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Kinikilala rin nila na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang Kanyang pananakit at kapinuhan ay lubos na kapaki-pakinabang sa tao. Iyon ay, nag-uumpisa pa lamang silang magkaroon ng wangis ng tao, at mayroon silang kaunting pagkakaunawa sa buhay ngunit may kalabuan pa rin. Sa ibang salita, nag-uumpisa pa lang silang magtaglay ng pagkatao. Ito ang mga bunga ng pagkakalupig. Kapag umapak ang mga tao sa daan ng pagka-perpekto, ang kanilang lumang disposisyon ay maaaring mabago. Bukod dito, ang kanilang mga buhay ay magpapatuloy sa paglago at unti-unti silang pumapasok nang mas malalim sa katotohanan. Kakayanin nilang kamuhian ang mundo at kamuhian ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan. Lalo nilang kinamumuhian ang kanilang mga sarili, ngunit higit pa riyan, malinaw na kilala nila ang kanilang mga sarili. Pumapayag silang mabuhay sa katotohanan at ginagawa nila itong kanilang layunin na hangarin ang katotohanan. Hindi sila pumapayag na mamuhay sa loob ng mga isipan na nabuo ng kanilang mga utak, at nararamdam nila ang pagkamuhi sa pagkamatuwid-sa-sarili , kahambugan, at kapalaluan-sa-sarili ng tao. Sila ay nagsasalita nang may matinding pagpapahalaga sa kagandahang-asal, pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay nang may pagkawari at karunungan, at matapat na masunurin sa Diyos. Kung nakararanas sila ng pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, hindi lamang sila nagiging walang kibo o mahina, kundi sila pa ay nagpapasalamat para sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Naniniwala sila na hindi maaaring wala silang pagkastigo at paghatol ng Diyos; sila ay makatatanggap ng Kanyang proteksiyon sa pamamagitan nito. Hindi nila itinataguyod ang pananampalatayang may kapayapaan at kaligayahan at ang paghanap ng tinapay upang mapawi ang gutom. Ni hindi rin nila sinusundan ang panandaliang kaaliwan ng laman. Ito ang mayroon ang mga naging perpekto. Pagkatapos lupigin ang mga tao, kinikilala nila na mayroong isang Diyos. Ngunit anumang mga pagkilos ang dulot ng pagkilala sa pag-iral ng Diyos, ang mga pagkilos na ito ay limitado sa mga ito. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao? Ano ang kahulugan ng pagkakatawang-tao? Ano ang nagawa na ng Diyos na nagkatawang-tao? Ano ang layunin at kabuluhan ng Kanyang gawain? Pagkatapos maranasan ang napakarami sa Kanyang gawain, maranasan ang Kanyang mga gawa sa katawang-tao, ano ang iyong nakamit na? Pagkatapos maunawaan ang lahat ng bagay na ito ay saka ka lamang magiging isang taong nalupig. Kung sinasabi mo lang na kinikilala mo na mayroong isang Diyos, ngunit hindi iniiwan ang mga bagay na dapat mong iwanan at mabigong isuko ang makalamang mga kasiyahan na dapat mong isuko, at sa halip ay nananatili kang mag-imbot sa makalaman na mga kaaliwan kagaya ng palagi mong ginagawa, hindi mo nagagawang pakawalan ang anumang diskriminasyon laban sa mga kapatid, at para sa maraming simpleng mga pagsasagawa ay hindi mo nagagawang magbayad ng kaukulan upang tuparin ang mga pagkilos, kung gayon pinatutunayan niyon na hindi ka pa nalupig. Kung magkagayon, kahit na napakarami ng iyong nauunawaan, ito ay magiging walang kabuluhan. Ang mga nalupig ay mga taong nagtamo ng ilang paunang mga pagbabago at paunang pagpasok. Ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagdudulot sa kanila na magkaroon ng paunang kaalaman ukol sa Diyos at isang paunang pagkaunawa ng katotohanan. Bagamat para sa mas malalim, mas maraming butil ng katotohanan ay hindi mo nagagawang ganap na makapasok sa realidad ng mga ito, nagagawa mong isagawa ang maraming pangunahing mga katotohanan sa iyong totoong buhay, kagaya niyaong may kinalaman sa iyong makalaman na mga kaaliwan o ang iyong personal na katayuan. Ang lahat nito, mangyari pa, ay ang natatamo sa mga niyaong pagsasailalim sa panlulupig. Ang ilang mga pagbabago sa disposisyon ay maaari ding makita sa nalupig. Halimbawa, ang kanilang kasuotan at pag-aayos at ang kanilang buhay—ang mga ito ay maaaring magbago. Ang kanilang pananaw sa paniniwala sa Diyos ay nagbabago, nagkakamit sila ng kaliwanagan sa pakay ng kanilang paghahangad, at ang kanilang mga hangarin ay umaangat. Sa landas tungo sa kanilang pagkalupig, ang kanilang disposisyon sa buhay ay maaari ding magbago sa katulad na paraan. Hindi sa hindi sila nagbabago sa anumang paraan. Ang kanilang pagbabago ay mababaw nga lamang, pauna, at mas maliit kaysa sa pagbabago sa disposisyon at sa pakay ng paghahangad na makikita pagkatapos na maging perpekto ang isang tao. Kung sa landas tungo sa pagkalupig, ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago sa anumang paraan at hindi siya nagkakamit ng kahit isang piraso ng katotohanan, kung gayon ang ganitong uri ng tao ay nagiging isang piraso lamang ng basura at ganap na walang silbi! Ang mga tao na hindi nalupig ay hindi maaaring gawing perpekto! At kung hinahangad lamang ng isang tao ang malupig, hindi siya maaaring lubos na gawing ganap, kahit na ang kanyang disposisyon ay nagpakita ng ilang kaukulang mga pagbabago sa panahon ng gawaing panlulupig. Sa huli, mawawala din niya ang paunang mga katotohanan na kanyang nakamit. Mayroong malaking pagkakaiba sa pagitan ng dami ng pagbabago sa disposisyon sa nalupig at sa ginawang perpekto. Ngunit ang pagkalupig ay ang unang hakbang sa pagbabago; ito ang saligan. Ang kakulangan sa paunang pagbabagong ito ay katunayan na hindi totoong nakikilala ng isang tao ang Diyos sa anumang paraan sapagkat ang kaalamang ito ay nagmumula sa paghatol, at ang paghatol na ito ay isang pangunahing bagay ng gawaing panlulupig. Kaya, ang bawat taong ginawang perpekto ay napasailalaim na sa pagkalupig. Kung hindi, hindi sila maaaring gawing perpekto.
Sinasabi mong kinikilala mo ang Diyos na nagkatawang tao at kinikilala mo na ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao, ngunit gumagawa ka ng ilang bagay sa Kanyang likuran, at hindi ka kumikilos nang ayon sa mga hinihingi Niya, at hindi ka natatakot sa Kanya. Ito ba ay pagkilala sa Diyos? Kinikilala mo ang mga sinasabi Niya, ngunit hindi mo isinasagawa kahit na iyong mga bagay na kaya mong gawin at hindi ka nananatili sa Kanyang paraan. Ito ba ang pagkilala? Kinikilala mo Siya, ngunit ang tangi mong pag-iisip ay magbantay laban sa Kanya, hindi kailanman ang igalang Siya. Kung nakita mo na at kinilala ang Kanyang mga gawain at alam mo na Siya ang Diyos, ngunit nananatili kang maligamgam at lubusang walang pagbabago, sa gayon ikaw ay isang taong hindi pa rin nalupig. Ang isang nalupig na tao ay kinakailangang gawin ang lahat ng makakaya niya; gusto niyang pasukin at abutin ang mas matataas na katotohanan kahit na hindi pa niya kaya. Ito ay dahil lamang may hangganan ang kaya niyang tanggapin sapagkat ang kanyang mga pagsasagawa ay may takda at hangganan. Ngunit kahit paano ay kinakailangan niyang gawin ang lahat sa kanyang kakayahan. Kung kaya mong gawin ang mga bagay na ito, ito ay dahil sa gawaing panlulupig. Ipagpalagay mong sabihin, “Yamang kaya Niyang gumawa ng napakaraming salita na hindi kaya ng tao, kung Siya ay hindi Diyos, sino na?” Ang pagkakaroon ng ganitong pag-iisip ay hindi nangangahulugang kinikilala mo ang Diyos. Kung kinikilala mo ang Diyos, dapat ipakita mo sa pamamagitan ng iyong mga aktwal na pagkilos. Namumuno sa isang iglesia ngunit hindi nakagagawa ng pagkamakatuwiran , nagnanasa sa pera at laging patagong inililipat ang pera ng iglesia sa sarili mong mga bulsa-ito ba ang pagkilala na mayroong Diyos? Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at dapat na katakutan. Paano kang hindi matatakot kung tunay na kinikilala mo na mayroong Diyos? Kung kaya mong gawin ang gayong kasuklam-suklam na bagay, talaga bang pagkilala iyon sa Kanya? Ang Diyos ba ang iyong pinaniniwalaan? Ang iyong pinaniniwalaan ay isang malabong Diyos; iyan ang dahilan kaya hindi ka natatakot! Silang totoong kumikilala at nakakakilala sa Diyos ay lahat takot sa Kanya at takot na gumawa ng kahit na anong bagay na sumasalungat sa Kanya o lumalaban sa kanilang mga konsyensya; sila ay lalong takot na gumawa ng kahit anong bagay na alam nilang labag sa kalooban ng Diyos. Ito lamang ang maituturing na pagkilala sa pag-iral ng Diyos. Ano ang dapat mong gawin kapag pinipigilan ka ng iyong mga magulang na maniwala sa Diyos? Paano mo iibigin ang Diyos kung ang asawa mong hindi nananampalataya ay mabuti ang pagtrato sa iyo? At paano mo iibigin ang Diyos kung ang mga kapatiran ay kinamumuhian ka? Kung kinikilala mo ang Diyos, sa gayon ikaw ay kikilos nang naaangkop at isasabuhay ang realidad sa lahat ng situwasyong ito. Kung ikaw ay mabigong gumanap nang tunay ngunit sinasabi lang na kinikilala mo ang pag-iral ng Diyos, sa gayon ikaw ay mabunganga lang! Sinasabi mo na naniniwala ka sa Kanya at kinikilala Siya. Ngunit sa paanong paraan mo Siya kinikilala? Sa paanong paraan mo Siya pinaniniwalaan? Siya ba'y iyong kinatatakutan? Siya ba'y iyong iginagalang? Siya ba'y iyong iniibig hanggang sa kaibuturan? Kapag ikaw ay balisa at walang masandalan, nararamdaman mo na ang Diyos ay dapat ibigin, at matapos iyon nakakalimutan mo ang lahat tungkol dito. Iyan ay hindi pag-ibig sa Diyos o paniniwala sa Diyos! Ano ang kahuli-hulihang nais ng Diyos na makamtan ng tao? Lahat ng kalagayan g Aking binanggit, kagaya ng pag-iisip na ikaw ay isang maimpluwensyang tao, pakikiramdam na kaya mong matutuhan agad ang mga bagay, pagkontrol sa iba, panghahamak sa iba, paghusga sa mga tao batay sa kanilang itsura, pang-aapi sa matatapat na tao, pagnanasa sa pera ng iglesia, at iba pa-ang maalisan ng isang bahagi ng ganitong tiwaling maka-satanas na disposisyon ay ang dapat makita sa iyo matapos kang malupig.
Ang gawaing panlulupig na natapos sa inyong mga tao ang may pinakamalalim na kabuluhan: Sa isang banda, ang layunin ng gawaing ito ay upang gawing perpekto ang pangkat ng mga tao, iyon ay, upang sila'y maging perpekto para maging pangkat ng mga mananagumpay, bilang ang unang pangkat ng mga tao na naging ganap, nangangahulugang ang mga unang bunga. Sa kabilang banda, ito ay upang hayaan ang mga nilalang na masiyahan sa pag-ibig ng Diyos, tumanggap ng pinakadakilang pagliligtas ng Diyos, at tumanggap ng buong pagliligtas ng Diyos. Ang hinahayaan ng Diyos na matamasa ng tao ay hindi lamang awa at kagandahang-loob, kundi mas mahalaga ang pagkastigo at paghatol. Magmula nang nilikha ang mundo hanggang ngayon, ang lahat ng ginawa ng Diyos sa Kanyang gawain ay pag-ibig, na walang kahit anong poot sa tao. Kahit ang pagkastigo at paghatol na iyong nakita na ay pag-ibig din, isang mas totoo at mas tunay na pag-ibig; umaakay ang pag-ibig na ito sa mga tao sa tamang landas ng buhay ng tao. Sa pangatlong banda, ito ay magpapatotoo sa harap ni Satanas. At sa pang-apat na banda, ito ay upang magtatag ng saligan sa pagpalaganap ng gawaing ebanghelyo sa hinaharap. Ang lahat ng gawain na Kanyang nagawa na ay para sa layunin ng pag-akay sa mga tao sa tamang landas ng buhay ng tao, upang maaari silang magkaroon ng normal na buhay ng sangkatauhan, sapagkat hindi alam ng tao kung paano ang mamuhay. Kung wala ang ganitong pag-akay, ikaw ay makakapamuhay lang ng isang buhay na walang saysay, makakapamuhay lang ng isang walang halaga at walang kabuluhang buhay, at hindi mo malalaman kung ano talaga ang pagiging normal na tao. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng paglupig sa tao. Lahat kayo ay nagmula kay Moab. Ang paggawa ng gawaing panlulupig sa inyo ang siya ninyong dakilang kaligtasan. Kayong lahat ay tumira sa isang lugar ng kasalanan at kahalayan; kayong lahat ay mahalay at makasalanang mga tao. Ngayon hindi ninyo lang makikita ang Diyos, ngunit ang mas mahalaga, natanggap na ninyo ang pagkastigo at paghatol, tumanggap ng gayong pinakamalalim na kaligtasan, ito ay, tumanggap ng pinakadakilang pag-ibig ng Diyos. Ang lahat ng Kanyang ginagawa ay ang totoong pag-ibig sa inyo; wala Siyang masamang intensiyon. Nang dahil sa inyong mga kasalanan, kayo ay hinahatulan Niya, upang suriin ninyo ang inyong mga sarili at tanggapin itong napakalaking kaligtasan. Lahat ng ito ay ginagawa upang hubugin ang tao. Mula simula hanggang katapusan, ang Diyos ay ginagawa ang Kanyang buong makakaya upang mailigtas ang tao, at tiyak na Siya ay hindi makapapayag na tuluyang mawasak ang tao na nilikha Niya ng Kanyang sariling mga kamay. Ngayon Siya ay lumapit sa inyo upang gumawa; hindi ba ito ay higit pang kaligtasan? Kung kinamuhian Niya kayo, gagawin pa ba Niya ang gawain na ganoon kalawak upang personal na akayin kayo? Bakit Niya kailangang magdusa? Hindi kayo kinamumuhian ng Diyos o mayroong anumang masamang intensiyon ang Diyos sa inyo. Dapat ninyong alamin na ang pag-ibig ng Diyos ay ang pinakatotoong pag-ibig. Dahil lamang sa pagiging suwail ng tao kaya sila ay kailangang iligtas Niya sa pamamagitan ng paghatol; kung hindi, sila ay hindi maliligtas. Dahil hindi ninyo alam kung paano mamuhay o kung paano mabuhay, at kayo ay nabubuhay sa mahalay at makasalanang lugar na ito at kayo ay mga mahalay at maruming mga diyablo, hindi Niya maatim na pabayaan kayong maging mas napakasama; hindi rin Niya maatim na makita kayong nabubuhay sa maruming lugar kagaya nito, tinatapakan ni Satanas kung kailan nito gusto, o maatim na hayaan kayong mahulog sa Hades. Nais lang Niya na makuha itong inyong pangkat at lubusang iligtas kayo. Ito ang pangunahing layunin ng paggawa ng gawaing panlulupig sa inyo—ito ay para lamang sa kaligtasan. Kung hindi mo makikita na ang lahat ng ginawa sa iyo ay pag-ibig at kaligtasan, kung iniisip mo na ito ay isa lang paraan, isang paraan upang pahirapan ang tao at isang bagay na di-mapagkakatiwalaan, sa gayon mas mabuti pang bumalik ka sa iyong mundo upang magdusa ng sakit at paghihirap! Kung nais mo na mapasama sa agos na ito at masiyahan sa paghatol na ito at itong napakalaking kaligtasan, masiyahan sa lahat ng pagpapala na hindi matatagpuan kahit saanman sa mundo ng mga tao, at masiyahan sa pag-ibig na ito, kung gayon manatili nang mapagpasakop sa agos na ito upang tanggapin ang gawaing panlulupig upang ikaw ay magiging perpekto. Kahit na ikaw ay nagdurusa ng ilang pasakit at kapinuhan ngayon dahil sa paghatol, ang pasakit na ito ay mahalaga at makabuluhan. Kahit na ang pagkastigo at paghatol ay mga kapinuhan at walang-awang pagsisiwalat sa tao, na layong parusahan ang kanyang mga kasalanan at parusahan ang kanyang laman, wala sa mga gawain na ito ay nilalayong isumpa at puksain ang kanyang laman. Ang mga matinding pagsisiwalat na ito ng salita ay lahat para sa layuning akayin ka sa tamang landas. Personal ninyong naranasan na ang napakarami sa mga gawaing ito at, malinaw na, hindi kayo naakay sa isang masamang daan! Ang lahat ng ito ay upang makaya mong isabuhay ng isang normal na pagkatao; ang lahat ng ito ay isang bagay na kayang matamo ng iyong normal na pagkatao. Ang bawat hakbang ng gawain ay ginagawa ayon sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktwal na tayog , at walang hindi kakayaning pasanin ang inilalagay sa inyo. Kahit na hindi mo kayang makita ito nang malinaw ngayon at nararamdaman mo na tila ikaw ay pinahihirapan Ko, kahit na patuloy mong iniisip na ang dahilan kaya ikaw ay kinakastigo at hinahatulan Ko araw-araw at dinudusta ka araw-araw ay dahil namumuhi Ako sa iyo, at kahit na ang iyong tinatanggap ay pagkastigo at paghatol, sa katunayan itong lahat ay pag-ibig sa iyo, ito rin ay malaking proteksiyon para sa iyo. Kung hindi mo kayang maunawaan ang mas malalim na kahulugan ng gawaing ito, sa gayon hindi ka na dapat magpatuloy pa sa iyong karanasan. Ikaw ay dapat maaaliw ng ganyang kaligtasan. Huwag mong tanggihang bumalik ka sa matinong pag-iisip. Dahil malayo na ang iyong narating, dapat mong makita nang malinaw ang kahalagahan nitong gawaing panlulupig. Hindi mo na dapat panghawakan ang gayo’t gayong pananaw!
Write a comment