Kidlat ng Silanganan—Pagbigkas ng Diyos|Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos
Ang unang nagkatawang-taong Diyos ay nanirahan sa mundo sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon, datapwa’t ginampanan Niya ang Kanyang ministeryo sa loob lamang ng tatlo at kalahati sa mga taong iyon. Kapwa sa panahon ng Kanyang paggawa, at bago Niya sinimulan ang Kanyang gawain, Siya ay nagtaglay ng karaniwang katauhan. Nanahan Siya sa Kanyang karaniwang katauhan sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon. Sa buong huling tatlo at kalahating taon ibinunyag Niya ang Kanyang sarili bilang ang nagkatawang-taong Diyos. Bago Niya sinimulang gampanan ang Kanyang ministeryo, nagpakita Siya sa payak, at normal na pagkatao, hindi nagpapakita ng tanda ng Kanyang pagka-Diyos, at ito’y pagkatapos lamang nang sinimulan Niyang pormal na gampanan ang Kanyang ministeryo na ang Kanyang pagka-Diyos ay nahayag. Ang Kanyang buhay at gawain noong panahon ng mga unang dalawampu’t siyam na taon ay nagpakita lahat na Siya ay isang tunay na tao, isang anak ng tao, isang katawang-tao; sapagka’t ang Kanyang ministeryo ay nagsimula lamang umalab matapos ang edad na dalawampu’t siyam. Ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ay na ang Diyos ay nagpapakita sa katawang-tao, at Siya’y napaparito upang gumawa sa gitna ng mga tao na Kanyang nilikha sa larawan ng isang katawang-tao. Kaya, para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawan, katawang-tao na may normal na pagkatao; ito ang pinakaunang dapat munang mangyari. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, ang Diyos sa Kanyang tunay na diwa ay nagkakaroon ng katawan, nagiging isang tao. Ang Kanyang nagkatawang-taong buhay at gawain ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Ang una ay ang buhay na Kanyang isinasabuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Namumuhay Siya sa isang ordinaryong pantaong pamilya, sa lubos na karaniwang katauhan, sumusunod sa karaniwang mga asal at batas ng buhay ng tao, na may karaniwang mga pangangailangan ng tao (pagkain, damit, tirahan, tulugan), karaniwang mga kahinaan ng tao, at karaniwang mga damdamin ng tao. Sa ibang salita, noong unang yugto Siya ay namumuhay nang walang pagka-Diyos, nang may ganap na karaniwang katauhan, gumagawa ng lahat ng karaniwang gawain ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang isinasabuhay matapos simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Siya ay nananahan pa rin sa karaniwang katauhan na may isang karaniwang anyo ng tao, hindi nagpapakita ng panlabas na palatandaan nang higit sa karaniwan. Nguni’t Siya ay namumuhay nang dalisay para sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ang Kanyang karaniwang katauhan ay umiiral nang ganap sa paglilingkod sa normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos; sapagka’t sa panahong iyon ang Kanyang karaniwang katauhan ay gumulang na hanggang sa puntong kaya na Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo. Kaya ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay upang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang karaniwang katauhan, ay isang buhay na parehong karaniwang katauhan at ganap na pagka-Diyos. Sa kadahilanang, sa panahon ng unang yugto ng Kanyang buhay, Siya ay nabubuhay sa ganap na karaniwang pagkatao at ang Kanyang katauhan ay hindi pa katumbas ng kabuuan ng maka-Diyos na gawain, ay hindi pa magulang; matapos lamang na ang Kanyang pagiging tao ay gumugulang, nagkakaroon ng kakayahang pasanin ang Kanyang ministeryo, maaari Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Dahil Siya, bilang katawang-tao, ay kailangang lumago at gumulang, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay karaniwang pagkatao, samantalang sa pangalawang yugto, dahil ang Kanyang pagkatao ay may kakayahang isabalikat ang Kanyang gawain at gampanan ang Kanyang ministeryo, ang buhay na ipinamumuhay ng nagkatawang-taong Diyos sa panahon ng Kanyang ministeryo ay isa na parehong pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Kung mula sa sandali ng Kanyang pagsilang ay masigasig na sinimulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, na nagsasagawa ng kahima-himalang mga tanda at kababalaghan, hindi sana Siya nagkaroon ng pisikal na kakanyahan. Samakatuwid, umiiral ang Kanyang katauhan para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na kakanyahan; hindi maaaring magkaroon ng katawan kung walang katauhan, at ang isang taong walang katauhan ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang katauhan ng katawan ng Diyos ay tunay na pagmamay-ari ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos Siya ay ganap na banal, hindi talaga tao,” ay isang kalapastanganan, dahil imposible itong panindigan, na lumalabag sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit pagkatapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, ang Kanyang pagka-Diyos ay nananahan pa rin sa panlabas na balat ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; ito ay dahil nang panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay para lamang pahintulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang kumakatawan ng gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang katauhan. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang nasa gawain, datapwa’t ito ay isang pagka-Diyos na nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; ang Kanyang gawain sa katunayan ay tinutupad sa pamamagitan ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao. Nguni’t ang tagaganap ng gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Maaaring sabihin ng isa na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagka’t ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao, may balat ng tao at diwa ng tao nguni’t mayroon ding diwa ng Diyos. Sapagkat Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, nakakataas Siya sa sinuman sa mga taong nilikha, nakakataas sa sinumang taong makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may balat ng taong kagaya Niya, sa lahat ng nagtataglay ng katauhan, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Kahit lahat sila ay may katauhan, katauhan lamang ang mayroon ang mga taong nilikha, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may katauhan kundi ang mas mahalaga ay mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang katauhan ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, nguni’t ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap matalos. Dahil ang Kanyang pagka-Diyos ay naipapahayag lamang kapag Siya ay may katauhan, at hindi kahima-himalang tulad ng palagay ng mga tao, lubhang mahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon lubos na mahirap para sa mga tao na arukin ang totoong diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Sa katunayan, kahit pagkatapos Kong magsalita tungkol dito nang ganoon kahaba, inaasahan Ko na ito ay isa pa ring misteryo sa karamihan sa inyo. Ang isyung ito ay napakasimple: Yamang ang Diyos ay nagiging tao, ang Kanyang diwa ay kumbinasyon ng pagkatao at pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, ang Diyos Mismo sa lupa.
Ang buhay na isinabuhay ni Jesus sa lupa ay isang karaniwang buhay ng katawang-tao. Siya ay namuhay sa karaniwang pagkatao ng Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang awtoridad—na gawin ang gawain Niya at sambitin ang salita Niya, o pagalingin ang maysakit at magpalayas ng mga demonyo, para gawin ang ganoong di-pangkaraniwang mga bagay—ay hindi nakita, sa pinakamalaking bahagi, hanggang sa Siya ay nagsimula ng Kanyang ministeryo. Ang Kanyang buhay bago ang edad na dalawampu’t siyam, bago Niya ginampanan ang Kanyang ministeryo, ay sapat na patunay na Siya ay isa lamang karaniwang tao. Dahil dito, at dahil hindi pa Siya nakapagsimula ng Kanyang ministeryo, ang mga tao ay walang nakitang pagka-Diyos sa Kanya, walang nakitang higit sa isang normal na tao, isang karaniwang tao—tulad lang noong panahong pinaniwalaan Siya ng ilang tao bilang anak ni Jose. Ang akala ng mga tao ay anak Siya ng ordinaryong tao, walang ibang paraan para maihayag na Siya ang nagkatawang-taong Diyos; kahit na noong, sa pagdaan ng pagganap ng Kanyang ministeryo, Siya ay gumawa ng maraming milagro, karamihan sa mga tao ay nagsabi pa rin na anak Siya ni Jose, sapagka’t Siya ay ang Cristo na may panlabas na anyo ng normal na pagkatao. Ang Kanyang karaniwang pagkatao at Kanyang gawain ay parehong umiral upang tuparin ang kahalagahan ng unang pagkakatawang-tao, na nagpapatunay na ang Diyos ay ganap na naging tao, naging isang lubos na ordinaryong tao. Na Siya ay nagkaroon ng karaniwang pagkatao bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain ay patunay na Siya ay isang ordinaryong katawang-tao; at ang Kanyang paggawa pagkatapos nito ay pagpapatunay na Siya ay isang payak na katawang-tao, sapagka’t Siya ay gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan, nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo sa katawang-tao ng karaniwang tao. Ang dahilan na kaya Niyang gumawa ng mga milagro ay dahil ang Kanyang katawang-tao ay mayroong awtoridad ng Diyos, na ang katawang-tao kung saan ang Espiritu ng Diyos ay binihisan. Siya ay nagtaglay nitong awtoridad dahil sa Espiritu ng Diyos, at hindi ibig sabihin nito na Siya ay hindi isang katawang-tao. Ang pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ay ang gawain na kailangan Niyang gampanan sa Kanyang ministeryo, isang pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos na nakatago sa Kanyang pagkatao, at kahit anong mga palatandaan ang Kanyang ipinakita o paano Niya pinatunayan ang Kanyang awtoridad, Siya pa rin ay namuhay sa karaniwang pagkatao at isa pa ring normal na katawang-tao. Hanggang dumating sa puntong Siya ay muling nabuhay pagkatapos mamatay sa krus, Siya ay nanahan sa isang normal na katawang-tao. Ang pagkakaloob ng biyaya, pagpapagaling ng maysakit, at pagpapalayas ng mga demonyo ay bahaging lahat ng Kanyang ministeryo, lahat ay gawaing ginampanan Niya sa Kanyang karaniwang katawang-tao. Bago Siya pumunta sa krus, hindi Siya kailanman umalis sa Kanyang karaniwang katawang-tao, anuman ang Kanyang ginawa. Siya ay ang Diyos Mismo, ginagawa ang sariling gawain ng Diyos, datapwa’t dahil Siya ay nagkatawang-taong Diyos, kumain Siya ng pagkain at nagsuot ng damit, nagkaroon ng karaniwang pangangailangan ng tao, nagkaroon ng karaniwang katwiran ng tao at karaniwang pag-iisip ng tao. Ang lahat ng ito ay patunay na Siya ay isang normal na tao, kung saan pinatunayan na ang nagkatawang-taong Diyos ay isang katawang-tao na may karaniwang pagkatao, hindi isang higit sa karaniwan. Ang Kanyang tungkulin ay upang kumpletuhin ang gawain ng unang pagkakatawang-tao ng Diyos, upang tuparin ang ministeryo ng unang pagkakatawang-tao. Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na ang isang payak at normal na tao ay ginagawa ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, ginagawa ng Diyos na iyon ang Kanyang banal na gawain sa pagkatao at sa gayo’y nagagapi si Satanas. Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang katawang-tao, iyon ay, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawain na ginagawa Niya sa katawang-tao ay ang gawain ng Espiritu, na naging tunay sa katawang-tao, ipinahayag sa pamamagitan ng katawang-tao. Walang sinuman maliban sa katawang-tao ng Diyos ang maaaring tumupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos; iyon ay, ang nagkatawang-taong Diyos lamang, itong karaniwang katauhan—at walang sinumang iba pa—ang makakapagpahayag ng maka-Diyos na gawain. Kung, noong una Siyang pumarito, ang Diyos ay hindi nagkaroon ng normal na katauhan bago Siya nag-dalawampu’t siyam na taong gulang—kung noong ipanganak Siya ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong matuto Siyang magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay naunawaan na Niya kaagad ang lahat ng makamundong mga bagay, na nahihiwatigan ang iniisip at mga intensyon ng bawat tao—hindi maaaring tawagin ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring tawagin ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung ganito ang nangyari kay Cristo, nawalan sana ng kahulugan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na katauhan ay nagpapatunay na Siya ang totoong Diyos na nagkatawang-tao; ang katotohanan na Siya ay sumailalim sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapakita na Siya ay may normal na katawan; at bukod doon, ang Kanyang gawain ay sapat na patunay na Siya ang Salita ng Diyos, Espiritu ng Diyos, na naging tao. Ang Diyos ay nagkakatawang-tao dahil sa mga pangangailangan ng gawain; sa madaling salita, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang isagawa sa katawang-tao, isagawa sa normal na katauhan. Ito ang unang kailangan para sa “ang Salita na naging tao,” para sa “ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at ito ang tunay na kuwento sa likod ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Maaaring maniwala ang mga tao na ang buong buhay ni Jesus ay may kasamang mga himala, na mula sa simula hanggang sa katapusan ng Kanyang gawain sa lupa hindi Siya nagpakita ng karaniwang pagkatao, na hindi Siya nagkaroon ng normal na pangangailangan ng tao o mga kahinaan o mga emosyon ng tao, hindi nangailangan ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay o maglibang sa karaniwang pag-iisip ng tao. Iniisip lamang nila na mayroon Siyang higit-sa-karaniwang pag-iisip, isang nangingibabaw na katauhan. Naniniwala sila na dahil Siya ay Diyos, hindi Siya dapat mag-isip at mamuhay tulad ng ginagawa ng karaniwang tao, na isang normal na tao lamang, isang tunay na nilalang, ang kayang mag-isip ng pangkaraniwang mga kaisipan ng tao at mamuhay ng isang normal na pantaong buhay. Ang lahat ng ito ay mga ideya ng tao, at mga pagkaunawa ng tao, na salungat sa orihinal na mga hangarin ng gawain ng Diyos. Ang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa normal na pantaong katuwiran at normal na pagkatao; ang normal na pagkatao ay sumusuporta sa normal na tungkulin ng katawang-tao; at ang normal na tungkulin ng katawang-tao ay nagpapagana sa normal na buhay ng katawang-tao sa kabuuan nito. Tanging sa pamamagitan lamang ng paggawa sa ganoong katawang-tao maaaring matupad ng Diyos ang layunin ng Kanyang pagkakatawang-tao. Kung ang nagkatawang-taong Diyos ay nagtaglay lamang ng panlabas na balat ng laman, nguni’t hindi nag-isip ng normal na mga kaisipan ng tao, kung gayon ang katawang-taong ito ay hindi magtataglay ng katuwiran ng tao, lalo pa ang tunay na pagkatao. Paanong ang isang katawang-tao na tulad nito, na walang pagkatao, ay tutupad sa ministeryo na dapat gampanan ng nagkatawang-taong Diyos? Ang normal na isipan ay nagpapanatili ng lahat ng aspeto ng buhay ng tao; kung walang normal na isipan, ang isa ay hindi magiging tao. Sa madaling salita, ang taong hindi nag-iisip ng normal na mga kaisipan ay may sakit sa pag-iisip. At ang Cristo na walang pagkatao kundi tanging pagka-Diyos lamang ay hindi masasabing laman ng nagkatawang-taong Diyos. Kaya, paanong ang laman ng nagkatawang-taong Diyos ay mawawalan ng normal na pagkatao? Hindi ba kalapastanganan ang sabihing si Cristo ay walang pagkatao? Lahat ng gawain na sinasangkapan ng normal na mga tao ay umaasa sa pagtakbo ng isang normal na isipan ng tao. Kung wala ito, ang mga tao ay kikilos nang hindi karaniwan; hindi man lamang nila masasabi ang pagkakaiba sa pagitan ng itim at puti, mabuti at masama; at hindi sila magkakaroon ng mga mabuting asal na pantao at mabuting mga prinsipyo. Katulad nito, kung ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi nag-isip gaya ng normal na tao, kung gayon ay hindi Siya magiging tunay na katawang-tao, isang normal na katawang-tao. Ang ganitong di-nag-iisip na laman ay hindi makakayang gumanap ng banal na gawain. Hindi Niya makakayang sumangkap sa mga karaniwang gawain ng katawang-tao, lalo pa ang mamuhay kasama ang mga tao sa lupa. At kaya ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang tunay na diwa ng pag-aanyo ng Diyos sa katawang-tao, ay mawawala. Umiiral ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao para mapanatili ang normal na banal na gawain sa katawan; ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa Kanyang normal na katauhan at sa lahat ng Kanyang normal na pisikal na gawain. Maaaring sabihin ng isang tao na umiiral ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao upang suportahan ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawan. Kung ang katawang ito ay hindi nagtaglay ng isang normal na isipan ng tao, hindi maaaring gumawa ang Diyos sa katawan, at hindi maisasakatuparan kailanman ang kailangan Niyang gawin sa katawan. Kahit ang nagkatawang-taong Diyos ay nagtataglay ng normal na isipan ng tao, ang Kanyang gawain ay hindi nahahaluan ng pantaong kaisipan; isinasabalikat Niya ang gawain sa katauhan na may normal na isipan, sa ilalim ng patiunang-kundisyon na nagtataglay Siya ng pagkatao na may isipan, hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng normal na pag-iisip ng tao. Gaano man katayog ang mga kaisipan ng Kanyang katawang-tao, ang Kanyang gawain ay hindi nagdadala ng tatak ng pangangatwiran o pag-iisip. Sa madaling salita, ang Kanyang gawain ay hindi binubuo ng isipan ng Kanyang katawang-tao, kundi direktang pagpapahayag ng maka-Diyos na gawain sa Kanyang pagkatao. Ang lahat ng Kanyang gawain ay ang ministeryo na kailangan Niyang tuparin, at wala rito ang anumang inisip ng Kanyang utak. Halimbawa, ang pagpapagaling sa maysakit, ang pagpapalayas ng mga demonyo, at pagpapako sa krus ay hindi mga produkto ng Kanyang pantaong isipan, hindi matatamo ng kahit sinong tao na may pantaong isipan. Gayundin, ang mapanlupig na gawain ngayon ay ang ministeryo na dapat magawa ng nagkatawang-taong Diyos, nguni’t hindi ito ang gawain ng kagustuhan ng tao, ito ang gawain na dapat gawin ng Kanyang pagka-Diyos, gawain na walang kahit sinong tao ang may kaya. Kaya ang Diyos na nagkatawang-tao ay dapat magtaglay ng isang normal na isipan ng tao, dapat magtaglay ng karaniwang pagkatao, dahil dapat Niyang gampanan ang Kanyang gawain sa katauhan na may normal na isipan. Ito ang diwa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pinakadiwa ng Diyos na nagkatawang-tao.
Bago ginampanan ni Jesus ang gawain, Siya’y namuhay lamang sa Kanyang karaniwang pagkatao. Walang sinuman ang makakapagsabi na Siya ay Diyos, walang sinuman ang nakaalam na Siya ay nagkatawang-taong Diyos; kilala lamang Siya ng mga tao bilang isang ganap na ordinaryong tao. Ang Kanyang lubos na payak, normal na pagkatao ay patunay na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa laman, at na ang Kapanahunan ng Biyaya ay ang kapanahunan ng paggawa ng nagkatawang-taong Diyos, hindi ang kapanahunan ng paggawa ng Espiritu. Ito ay patunay na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na naging totoo sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang Kanyang katawang-tao ay gagawa ng lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristo na may normal na katauhan ay isang katawan kung saan ang Espiritu ay naging totoo, nagtataglay ng normal na katauhan, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang ibig sabihin ng “maging totoo” ay nagiging tao ang Diyos, ang Espiritu ay nagiging katawang-tao; upang palinawin ito, ito’y kapag ang Diyos Mismo ay nananahan sa isang katawang may normal na katauhan, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao. Noong Kanyang unang pagkakatawang-tao, kinailangan ng Diyos na magpagaling ng maysakit at palayasin ang mga demonyo dahil ang Kanyang gawain ay ang tumubos. Upang tubusin ang buong lahi ng tao, Siya’y kinailangang maging maawain at mapagpatawad. Ang gawain na Kanyang ginawa bago Siya napako sa krus ay ang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, na nagbadya ng Kanyang pagliligtas sa tao mula sa kasalanan at kadungisan. Dahil ito ay Kapanahunan ng Biyaya, kinailangan Niyang magpagaling ng maysakit, at dahil doon nagpapakita ng mga palatandaan at mga kababalaghan, na kumatawan sa biyaya noong panahong iyon; dahil ang Kapanahunan ng Biyaya ay sumentro sa pagkakaloob ng biyaya, sinagisag ng kapayapaan, kasiyahan, at materyal na mga biyaya, lahat ng palatandaan ng pananampalataya ng mga tao kay Jesus. Ibig sabihin, ang pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagkakaloob ng biyaya ay likas na abilidad ng katawang-tao ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga ito’y gawain ng Espiritung naging totoo sa katawang-tao. Nguni’t habang ginampanan Niya ang ganoong gawain, Siya ay namuhay sa katawang-tao, hindi Siya lumampas sa katawang-tao. Hindi mahalaga kung anumang uri ng pagpapagaling ang Kanyang ginawa, Siya’y nagtaglay pa rin ng karaniwang pagkatao, namuhay pa rin ng karaniwang buhay ng tao. Ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang katawang-tao ay gumanap ng lahat ng gawain ng Espiritu, ay dahil sa kahit anong gawain ang Kanyang ginawa, ginawa Niya ito sa katawang-tao. Nguni’t dahil sa Kanyang gawain, hindi ipinalagay ng mga tao na ang Kanyang katawang-tao ay ganap na nagtataglay ng mala-pisikal na kakanyahan, sapagka’t ang katawang-taong ito ay kayang gumawa ng mga kababalaghan, at sa tiyak na natatanging mga sandali ay kayang gumawa ng mga bagay na higit sa kaya ng laman. Siyempre, ang lahat ng pangyayaring ito ay nangyari pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, gaya ng pagsubok sa Kanya sa loob ng apatnapung araw o pagbabagong-anyo sa bundok. Kaya kay Jesus, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi pa ganap, kundi bahagi pa lamang ang natupad. Ang buhay na Kanyang isinabuhay sa katawang-tao bago nagsimula sa Kanyang gawain ay lubos na normal sa lahat ng aspeto. Pagkatapos Niyang simulan ang gawain pinanatili Niya lamang ang panlabas na balat ng Kanyang katawang-tao. Dahil ang Kanyang gawain ay isang pagpapahayag ng pagka-Diyos, nahigitan nito ang karaniwang mga tungkulin ng laman. Palibhasa, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay naiiba mula sa laman at dugo ng mga tao. Siyempre, sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, kailangan Niya ng pagkain, damit, tulog, at tirahan gaya ng iba, Kinailangan ang lahat nang normal na pangangailangan, nangatwiran at nag-isip gaya ng karaniwang tao. Ang mga tao ay itinuring pa rin Siyang isang pangkaraniwang tao, maliban sa ang gawaing Kanyang ginawa ay higit-sa-karaniwan. Sa totoo lang, anuman ang Kanyang ginawa, Siya’y nanahan sa ordinaryo at normal na pagkatao, at hanggang sa Kanyang pagganap ng gawain ang Kanyang pangangatwiran ay lubusang normal, ang Kanyang pag-iisip ay natatanging malinaw, mas higit kaysa roon ng sinumang normal na tao. Ito ay kinailangan para sa nagkatawang-taong Diyos na mag-isip at mangatwiran sa ganitong paraan, dahil ang banal na gawain ay kailangang maihayag ng katawang-tao na ang pangangatwiran ay napaka-pangkaraniwan at na ang pag-iisip ay napakaliwanag—tanging sa ganitong paraan lamang ang Kanyang katawang-tao ay makapaghahayag ng banal na gawain. Sa buong tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na namuhay si Jesus sa lupa, pinanatili Niya ang Kanyang karaniwang pagkatao, ngunit dahil sa Kanyang gawain noong Kanyang ikatlo at kalahating taon ng ministeryo, inakala ng mga tao na Siya ay lubhang nangingibabaw, na Siya ay lalo pang higit-sa-karaniwan kaysa rati. Sa katunayan, ang karaniwang pagkatao ni Jesus ay nanatiling di-nagbabago mula noon at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo; ang Kanyang katauhan ay pareho hanggang sa katapusan, nguni’t dahil sa pagkakaiba ng dati at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, dalawang magkaibang pananaw ang lumitaw hinggil sa Kanyang katawang-tao. Anuman ang isipin ng mga tao, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nanatili sa Kanyang orihinal, karaniwang pagkatao sa buong panahon, sapagka’t mula nang ang Diyos ay nagkatawang-tao, Siya ay nanahan sa katawang-tao, ang katawang-tao na nagkaroon ng karaniwang pagkatao. Hindi alintana kung Siya man ay gumanap ng Kanyang ministeryo o hindi, ang karaniwang pagkatao ng Kanyang katawang-tao ay hindi mabubura, sapagka’t ang pagkatao ay pangunahing kakanyahan ng laman. Bago ginampanan ni Jesus ang Kanyang ministeryo, ang Kanyang katawang-tao ay nanatiling ganap na normal, sumasangkap sa lahat ng ordinaryong gawaing pantao; hindi Siya lumitaw kahit bahagya mang higit-sa-karaniwan, hindi nagpakita ng anumang mga mahimalang tanda. Noong mga panahong iyon Siya’y isa lamang lubusang pangkaraniwang tao na sumamba sa Diyos, bagaman ang Kanyang paggawa ay mas matapat, mas taos-puso kaysa kaninuman. Ito ay kung paano ang Kanyang lubos na karaniwang pagkatao ay nahayag. Dahil Siya'y walang ginawa na kahit ano bago gampanan ang Kanyang ministeryo, walang sinuman ang may kamalayan sa Kanyang pagkakakilanlan, walang sinuman ang makapagsasabi na ang Kanyang katawang-tao ay naiiba sa lahat, sapagka't hindi Siya gumawa ng kahit isang milagro, hindi gumanap ng kahit katiting na sariling gawain ng Diyos. Gayunpaman, pagkatapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, pinanatili Niya ang panlabas na balat ng karaniwang pagkatao at namuhay pa rin nang may karaniwang katuwiran ng tao, nguni’t dahil sa sinimulan Niyang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, ginampanan ang ministeryo ni Cristo at gumawa ng gawain na hindi kaya ng mga mortal na nilalang, laman-at-dugong mga tao, ang mga tao ay nagpalagay na wala Siyang karaniwang pagkatao at hindi isang ganap na normal na laman kundi isang hindi-ganap na laman. Dahil sa gawaing ginampanan Niya, sinabi ng mga tao na Siya’y Diyos sa laman na walang karaniwang pagkatao. Ito ay isang maling pagka-unawa, dahil hindi matarok ng mga tao ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Itong maling-pagkaunawa ay umusbong mula sa katotohanan na ang gawaing ipinahayag ng Diyos sa katawang-tao ay ang banal na gawain, ipinahayag sa isang katawang-tao na nagkaroon ng karaniwang pagkatao. Ang Diyos ay nakabihis ng katawang-tao, Siya’y nanahan sa katawang-tao, at ang Kanyang gawain sa Kanyang pagkatao ay nagpalabo sa pagiging-karaniwan ng Kanyang pagkatao. Sa kadahilanang ito ang mga tao ay naniwala na ang Diyos ay walang katauhan.
Ang unang nagkatawang-taong Diyos ay hindi tinapos ang pagkakatawang-tao; tinupad lamang Niya ang unang hakbang ng gawain na kinailangan para sa Diyos na gawin sa katawang-tao. Kaya, upang tapusin ang gawain ng pagkakatawang-tao, ang Diyos ay bumalik sa katawang-tao sa isa pang pagkakataon, isinasabuhay ang lahat ng pagiging-karaniwan at realidad ng katawang-tao, ibig sabihin, ginagawa ang Salita ng Diyos na hayag sa lubusang normal at ordinaryong katawang-tao, sa gayon ay tinatapos ang gawain na Kanyang iniwan na hindi natapos sa katawang-tao. Ang ikalawang nagkatawang-taong laman ay katulad ng una sa kakanyahan, nguni’t ito ay mas makatotohanan, mas normal kaysa una. Bilang isang kinahinatnan, ang paghihirap na tiniis ng ikalawang nagkatawang-taong laman ay mas higit kaysa roon sa una, nguni’t ang pagdurusang ito ay resulta ng Kanyang ministeryo sa katawang-tao, na iba sa mga paghihirap ng tiniwaling tao. Ito rin ay nagmula sa pagiging-karaniwan at realidad ng Kanyang katawang-tao. Dahil ginagampanan Niya ang Kanyang ministeryo sa lubos na normal at totoong katawang-tao, ang katawang-tao ay dapat magtiis ng higit na matinding paghihirap. Habang mas normal at totoo ang katawang-yao, mas higit Siyang magdurusa sa pagganap ng Kanyang ministeryo. Ang gawain ng Diyos ay ipinahahayag sa napaka-pangkaraniwang laman, isa na kailanma’y hindi higit-sa-karaniwan. Dahil ang Kanyang katawang-tao ay normal at dapat ding pasanin ang gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ay nagdurusa nang mas matindi pa sa higit-sa-karaniwang katawang-tao—ang lahat ng pagdurusang ito ay nagmula sa realidad at normalidad ng Kanyang katawang-tao. Mula sa napagdaanan nang paghihirap ng dalawang nagkatawang-taong laman na habang gumaganap sa Kanilang mga ministeryo, makikita ng isa ang kakanyahan ng nagkatawang-taong laman. Habang mas normal ang laman, mas higit na kahirapan ang Kanyang dapat tiisin habang gumaganap ng gawain; habang mas totoo ang laman na gumaganap ng gawain, mas masaklap ang mga nagiging pagkaunawa ng tao, at mas maraming panganib ang maaaring mangyari sa Kanya. At gayon pa man, habang mas tunay ang laman, at habang ang laman ay mas higit na nagtataglay ng mga pangangailangan at ganap na pakiramdam ng isang karaniwang tao, ay mas may kakayahan Siya na gampanan ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang katawang-tao ni Jesus ang siyang ipinako sa krus, ang Kanyang katawang-tao na isinuko Niya bilang handog para sa kasalanan; ito’y sa pamamagitan ng laman na may karaniwang pagkatao na tinalo Niya si Satanas at ganap na nailigtas ang tao mula sa krus. At ito ay bilang isang ganap na laman na ang pangalawang nagkatawang-taong Diyos ay gumaganap ng panlulupig na gawain at tinatalo si Satanas. Tanging ang katawang-tao na ganap na karaniwan at totoo ang makagaganap ng panlulupig na gawain sa kabuuan nito at makagagawa ng malakas na patotoo. Iyon ay upang sabihin, ang gawain ng[a] panlulupig sa tao ay ginagawang epektibo sa pamamagitan ng realidad at pagiging-karaniwan ng Diyos sa katawang-tao, hindi sa pamamagitan ng higit-sa-karaniwang mga himala at mga pagbubunyag. Ang ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos na ito ay upang magsalita, at sa gayong paraan ay lupigin at gawing perpekto ang tao; sa madaling salita, ang gawain ng Espiritu na naging totoo sa katawang-tao, ang tungkulin ng katawang-tao, ay magsalita at sa gayong paraan ay lupigin, ibunyag, gawing perpekto, at alisin nang ganap ang tao. At sa gayon, nasa panlulupig na gawain kung saan matatapos nang buo ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang unang pantubos na gawain ay simula lamang ng gawain ng pagkakatawang-tao; ang katawang-tao na siyang gumagawa ng panlulupig na gawain ay tatapusin ang buong gawain ng pagkakatawang-tao. Sa kasarian, ang isa ay lalaki at ang isa’y babae; sa ganito ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay natapos na. Inaalis nito ang maling mga pagkaintindi ng tao sa Diyos: ang Diyos ay maaaring maging lalaki at babae, at ang nagkatawang-taong Diyos sa kakanyahan ay walang kasarian. Ginawa Niya ang parehong lalaki at babae, at hindi Niya pinag-iiba ang mga kasarian. Sa yugtong ito ng gawain ang Diyos ay hindi nagpapakita ng mga palatandaan at mga kababalaghan, upang makamit ng gawain ang mga resulta nito sa pamamagitan ng mga salita. Ang dahilan nito, bukod dito, ay sapagka’t ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos sa pagkakataong ito ay hindi upang pagalingin ang maysakit at palayasin ang mga demonyo, kundi upang lupigin ang tao sa pamamagitan ng pagsasalita, na ibig sabihin ay na ang likas na abilidad na taglay nitong nagkatawang-taong laman ng Diyos ay sambitin ang mga salita at lupigin ang tao, hindi para pagalingin ang maysakit at palayasin ang mga demonyo. Ang Kanyang gawain sa karaniwang pagkatao ay hindi upang gumawa ng mga milagro, hindi magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi ang magsalita, at sa gayon ang ikalawang nagkatawang-taong laman ay mas mukhang karaniwan sa mga tao kaysa roon sa una. Nakikita ng mga tao na ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi kasinungalingan; subali’t itong nagkatawang-taong Diyos ay iba sa nagkatawang-taong si Jesus, at kahit Sila’y parehong nagkatawang-taong Diyos, Sila’y hindi ganap na magkatulad. Si Jesus ay nagtaglay ng karaniwang pagkatao, ordinaryong pagkatao, nguni’t Siya’y sinamahan ng mga palatandaan at mga kababalaghan. Sa ganitong Diyos na nagkatawang-tao, ang mga mata ng tao ay walang makikitang mga palatandaan o mga kababalaghan, kahit ang magpagaling ng maysakit o ang magpalayas ng mga demonyo, o ang paglalakad sa dagat, o ang pag-aayuno sa loob ng apatnapung araw…. Hindi Niya ginagawa ang kaparehong gawain na ginawa ni Jesus, hindi dahil ang Kanyang katawang-tao ay naiiba kay Jesus sa kakanyahan, kundi dahil sa hindi Niya ministeryo ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Hindi Niya sinisira ang Kanyang sariling gawa, hindi Niya ginagambala ang Kanyang sariling gawain. At dahil nilulupig Niya ang tao gamit ang Kanyang tunay na mga salita, hindi kinakailangan na supilin siya ng mga milagro, at kaya ang yugtong ito ay upang tapusin ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang nagkatawang-taong Diyos na nakikita mo ngayon ay ganap na isang laman, at walang anumang higit-sa-karaniwan tungkol sa Kanya. Siya ay nagkakasakit gaya ng iba, nangangailangan ng pagkain at damit tulad ng iba, bilang ganap na isang laman. Kung sa oras na ito, ang nagkatawang-taong Diyos ay gumawa ng higit-sa-karaniwang mga palatandaan at mga kababalaghan, kung nagpagaling Siya ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, o makapapatay sa pamamagitan ng isang salita, paanong matutupad ang panlulupig na gawain? Paano mapapalaganap ang gawain sa gitna ng Gentil na mga bansa? Ang pagpapagaling sa mga maysakit at ang pagpapalayas ng mga demonyo ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, ang unang hakbang sa mapantubos na gawain, at ngayong nailigtas na ng Diyos ang tao mula sa krus, hindi na Niya ginagampanan ang gawaing iyon. Kung sa mga huling araw isang “Diyos” na kapareho ni Jesus ang nagpakita, isa na nagpagaling sa maysakit, na nagpalayas sa mga demonyo, at ipinako sa krus para sa tao, ang “Diyos” na iyon, kahit parehas ng paglalarawan sa Diyos sa Biblia at madali para sa tao na tanggapin, ay hindi, sa kakanyahan nito, magiging laman na suot ng Espiritu ng Diyos, kundi ng masamang espiritu. Sapagkat ito ay prinsipyo ng gawain ng Diyos na hindi kailanman uulitin ang Kanyang natapos na. At kaya ang gawa ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay iba sa gawain noong una. Sa mga huling araw, ginaganap ng Diyos ang panlulupig na gawain sa isang payak at normal na laman; hindi Niya pinagagaling ang maysakit, hindi mapapako sa krus para sa tao, kundi nagsasalita lamang ng mga salita sa laman, nilulupig ang tao sa laman. Ang ganoong laman lamang ang nagkatawang-taong laman ng Diyos; tanging ganoong laman lamang ang makakakumpleto ng gawain ng Diyos sa laman.
Kung sa yugtong ito ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtitiis ng paghihirap o gumaganap ng Kanyang ministeryo, ginagawa Niya ito para makumpleto ang kahulugan ng pagkakatawang-tao, dahil ito ang huling pagkakatawang-tao ng Diyos. Dalawang beses lamang maaaring magkatawang-tao ang Diyos. Hindi maaaring magkaroon ng pangatlong beses. Ang unang pagkakatawang-tao ay lalaki, ang pangalawa ay babae, kaya’t ang larawan ng katawang-tao ng Diyos ay ganap na sa isipan ng tao; bukod doon, ang dalawang pagkakatawang-tao ay ganap na tinapos na ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Sa unang beses ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtaglay ng karaniwang pagkatao, para maging ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Sa panahong ito Siya ay nagtataglay rin ng karaniwang pagkatao, nguni’t ang kahulugan nitong pagkakatawang-tao ay iba: ito ay mas malalim, at ang Kanyang gawain ay may mas malalim na kahulugan. Ang dahilan kung bakit ang Diyos ay naging tao na muli ay upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Kapag ganap nang natapos ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, ang buong kahulugan ng pagkakatawang-tao, samakatwid nga, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, ay magiging ganap, at wala nang gawain na dapat magawa sa katawang-tao. Iyon ay, mula ngayon ang Diyos ay hindi na kailanman muling magkakatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain. Tanging para iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan kaya ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagkakatawang-tao. Sa madaling salita, hindi kaugalian ng Diyos ang pagkakatawang-tao, maliban kung para sa kapakanan ng gawain. Sa pamamagitan ng pagiging katawang-tao para gumawa, ipinakikita Niya kay Satanas na ang Diyos ay isang laman, isang normal na tao, isang ordinaryong tao—datapwa’t Siya’y maaaring maghari nang matagumpay sa buong mundo, matalo si Satanas, matubos ang sangkatauhan, malupig ang sangkatauhan! Ang layunin ng gawain ni Satanas ay gawing tiwali ang sangkatauhan, habang ang layunin ng Diyos ay iligtas ang sangkatauhan. Binibitag ni Satanas ang tao sa walang-hanggang kalaliman, habang ang Diyos ay sumasagip sa kanya mula rito. Ginagawa ni Satanas na sambahin ito ng lahat ng tao, habang ang Diyos ay nagsasailalim sa kanila sa Kanyang kapamahalaan, pagka’t Siya ang Diyos ng sangnilikha. Lahat ng gawaing ito ay nakakamit sa pamamagitan ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang Kanyang katawang-tao, sa kakanyahan, ay ang pag-iisa ng pagkatao at pagka-Diyos at nagtataglay ng karaniwang pagkatao. Kaya kung wala ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, hindi makakamit ng Diyos ang mga resulta sa pagliligtas ng sangkatauhan, at kung walang karaniwang pagkatao ng Kanyang katawang-tao, hindi pa rin makakamit ang mga resulta ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Ang kakanyahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na Siya ay dapat na nagtataglay ng karaniwang pagkatao; sapagka’t kung hindi ito ay sasalungat sa tunay na pakay ng Diyos sa pagiging katawang-tao.
Bakit sinasabi Ko na ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ay hindi natapos sa gawain ni Jesus? Sapagka’t ang Salita ay hindi ganap na nagkatawang-tao. Ang ginawa ni Jesus ay isang parte lamang ng gawain ng Diyos sa katawang-tao; ginawa lamang Niya ang mapantubos na gawain at hindi ginawa ang ganap na pagkakamit sa tao. Sa kadahilanang ito ang Diyos ay nagkatawang-taong muli sa mga huling araw. Ang yugtong ito ng gawain ay tinutupad din sa isang ordinaryong laman, ginagawa ng isang lubos na karaniwang tao, isa na ang pagkatao nito ay hindi man lamang nakahihigit. Sa madaling salita, ang Diyos ay naging isang ganap na tao, at ito ay isang tao na ang pagkakakilanlan ay doon sa Diyos, isang ganap na tao, isang ganap na katawang-tao, na gumaganap ng gawain. Sa mata ng tao, Siya lamang ay isang laman na hindi nakahihigit sa lahat, isang napaka-ordinaryong tao na makakapagsalita sa wika ng langit, na hindi nagpapakita ng mga mahimalang tanda, hindi gumagawa ng milagro, lalo nang hindi naglalantad ng panloob na katotohanan tungkol sa relihiyon sa malalaking bulwagang pinagtitipunan. Ang gawain ng ikalawang nagkatawang-taong laman para sa tao’y lubos na hindi gaya noong una, kaya ang dalawa ay tila lubusang walang anumang pagkakapareho, at wala noong unang gawain ang makikita ngayon. Kahit na ang gawain ng ikalawang nagkatawang-taong laman ay naiiba mula roon sa nauna, hindi nito pinatutunayan na ang Kanilang pinagmulan ay hindi iisa at pareho. Kung pareho ang Kanilang pinagmulan ay depende sa kalikasan ng gawain na ginawa sa pamamagitan ng mga laman at hindi sa Kanilang panlabas na mga balat. Sa panahon ng tatlong yugto ng Kanyang gawain, ang Diyos ay dalawang beses na nagkatawang-tao, at sa parehong panahon ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagpapasinaya sa isang bagong kapanahunan, naghahatid ng bagong gawain; pinupunan ng mga pagkakatawang-tao ang isa’t isa. Imposible para sa mga mata ng tao na sabihin na ang dalawang laman ay talagang nagmula sa parehong pinanggalingan. Kaya nga, ito ay higit sa kakayahan ng mata ng tao o ng isip ng tao. Nguni’t sa Kanilang kakanyahan Sila’y pareho, pagka’t ang Kanilang gawain ay nagmumula sa parehong Espiritu. Kung nagmumula ang dalawang nagkatawang-taong laman sa parehong pinanggalingan ay hindi mahahatulan ng kapanahunan at lugar kung saan Sila ipinanganak, o iba pang dahilan, kundi sa pamamagitan ng banal na gawain na inihayag Nila. Ang ikalawang nagkatawang-taong laman ay hindi gumaganap ng kahit anong gawaing ginawa ni Jesus, dahil ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa kinasanayan, nguni’t sa bawat panahon ito’y nagbubukas ng bagong daan. Ang pangalawang pagkakatawang-tao ay hindi layuning palalimin o patatagin ang impresyon ng unang katawang-tao sa isipan ng mga tao, kundi upang punuan ito at upang gawin itong perpekto, para palalimin ang pagkakilala ng tao sa Diyos, para suwayin ang lahat ng patakaran na umiiral sa puso ng mga tao, at para lipulin ang mga maling larawan ng Diyos sa kanilang mga puso. Ito ay maaaring sabihin na walang indibidwal na yugto ng sariling gawain ng Diyos ang makapagbibigay ng ganap na pagkakilala tungkol sa Kanya; bawat isa’y nagbibigay lamang ng parte, hindi ng kabuuan. Kahit ang Diyos ay nagpahayag na ng Kanyang buong disposisyon, dahil sa limitadong kakayahan ng tao sa pag-unawa, ang kanyang pagkakilala tungkol sa Diyos ay hindi pa rin kumpleto. Ito’y imposible, gamit ang wika ng tao, na ipabatid ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos; gaano ba kakaunti maaaring lubos na maihayag ng isang yugto ng Kanyang gawain ang Diyos? Siya ay gumagawa sa katawang-tao sa ilalim ng takip ng Kanyang normal na pagkatao, at makikilala lamang Siya ng isa sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, at hindi sa pamamagitan ng Kanyang katawang panlabas. Ang Diyos ay nagiging katawang-tao para payagan ang tao na makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga iba’t ibang gawain, at wala kahit dalawang yugto sa Kanyang gawain ang pareho. Tanging sa paraang ito magagawa ng tao na magkaroon ng lubos na kaalaman sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, hindi nakakulong sa isang aspeto. Kahit na ang gawain ng dalawang nagkatawang-taong laman ay magkaiba, ang kakanyahan ng mga katawang-tao, at ang pinagmulan ng Kanilang gawain, ay magkapareho; Sila lamang ay umiiral para gampanan ang dalawang magkaibang yugto ng gawain, at lumitaw sa dalawang magkaibang kapanahunan. Kahit ano pa man, ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos ay magkabahagi sa parehong kakanyahan at sa parehong pinanggalingan—ito ay isang katotohanan na walang sinuman ang makakapagtanggi.
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “ang gawain ng.”