Pagsasagawa (4)
Ang kapayapaan at kagalakan na Aking sinasalita sa kasalukuyan ay hindi kagaya ng mga pinaniniwalaan mo at nauunawaan. Iniisip mo dati na ang kapayapaan at kagalakan ay nangangahulugan ng pagiging masaya buong araw, kawalan ng sakit at kasawian sa iyong sambahayan, palaging nagagalak sa iyong puso, nang walang mga pakiramdam ng kalungkutan, at isang hindi mailarawan na kagalakan sa loob mo maging anuman ang lawak ng iyong sariling buhay. Iyon ay karagdagan sa umento sa iyong sahod at ang iyong anak na lalaki na papasok na sa pamantasan. Habang nasa isip ang mga bagay na ito, nanalangin ka sa Diyos at nakita mo na ang biyaya ng Diyos ay napakadakila na ikaw ay naging napakasaya at umabot ang iyong ngiti sa magkabilang tainga, at hindi mo mapigilan ang pagpapasalamat sa Diyos. Ang gayong kapayapaan at kagalakan ay hindi tunay na kapayapaan at kagalakan sa pagkakaroon ng presensiya ng Banal na Espiritu. Sa halip, ito ang kapayapaan at kagalakan ng kasiyahan ng iyong laman. Dapat mong maunawaan kung ano na ang kapanahunan sa kasalukuyan; ngayon ay hindi ang Kapanahunan ng Biyaya, at hindi na ang panahon nang ang hinahanap mo ay punuin ang iyong tiyan ng tinapay. Maaaring umaapaw ang iyong galak sapagka’t maayos ang lahat sa iyong sambahayan, nguni’t ang iyong buhay ay naghihingalo—at kung gayon, hindi alintana kung gaano man katindi ang iyong kagalakan, ang Banal na Espiritu ay hindi sumasaiyo. Para magkaroon ng presensiya ng Banal na Espiritu ay simple: gawin mo ang dapat mong gawin nang maayos, gampanan ang tungkulin at ginagawa ng tao nang mabuti, magawang sangkapan ang iyong sarili ng mga bagay na iyong kailangan at punan ang iyong mga pagkukulang. Kung ikaw ay palaging nagdadala ng kabigatan para sa iyong sariling buhay, at masaya sapagka’t nakakita ka ng isang katotohanan o naintindihan ang gawain ng Diyos sa kasalukuyan, ito ay totoong pagkakaroon ng presensiya ng Banal na Espiritu. O, kung ikaw ay minsan nababalisa dahil ikaw ay nakasasagupa ng isang bagay na hindi mo nalalaman kung paano mararanasan, o dahil hindi mo magawang makita ang isang katotohanan na ibinahagi, pinatutunayan nito na ang Banal na Espiritu ay kasama mo; ito ay karaniwang kalagayan sa karanasan sa buhay. Kailangan mong maintindihan ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkakaroon ng presensiya ng Banal na Espiritu at ang hindi pagkakaroon ng presensiya ng Banal na Espiritu, at hindi dapat maging masyadong karaniwan ang iyong pananaw ukol dito.
Noong una, sinabi na ang pagkakaroon ng presensiya ng Banal na Espiritu at ang pagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu ay magkaiba. Ang karaniwang kalagayan ng pagkakaroon ng presensiya ng Banal na Espiritu ay ipinamamalas sa pagkakaroon ng normal na mga saloobin, normal na pagkamaykatwiran, at normal na pagkatao. Ang pag-uugali ng isang tao ay mananatili gaya nang nakagawian, nguni’t sa loob nila ay magkakaroon ng kapayapaan, at sa panlabas tataglayin nila ang kagandahang-asal ng isang banal. Ito ay kapag ang banal na Espiritu ay kasama nila. Kapag ang Banal na Espiritu ay kasama nila, ang mga tao ay mayroong normal na mga saloobin. Kapag sila ay nagugutom gusto nilang kumain, kapag sila ay nauuhaw gusto nilang uminom ng tubig...ang gayong mga pagpapahayag ng karaniwang sangkatauhan ay hindi ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu, ang mga ito ay normal na mga saloobin ng mga tao at ang normal na kalagayan ng pagkakaroon ng presensiya ng Banal na Espiritu. Pinaniniwalaan ng ilang mga tao nang may kamalian na yaong mga mayroong presensiya ng Banal na Espiritu ay hindi nagugutom, na hindi sila nakakadama ng kapaguran, at tila hindi inaalala ang sambahayan, halos inihiwalay na nang lubusan ang kanilang mga sarili mula sa laman. Sa katunayan, habang ang Banal na Espiritu ay lalong nakakasama ang mga tao, lalo silang nagiging mas normal. Nalalaman nila kung paano magdusa at isuko ang mga bagay para sa Diyos, ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, at nagiging tapat sa Diyos; higit sa rito, alam nilang kumain at magsuot ng mga damit. Sa ibang pananalita, walang nawala sa kanilang normal na pagkatao na dapat mayroon ang tao at, sa halip, lalong inangkin ang pagkamaykatwiran. Paminsan-minsan, nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos at pinagbubulay-bulayan ang gawain ng Diyos, at mayroong pananampalataya sa kanilang mga puso at sila ay nakahandang hangarin ang katotohanan. Mangyari pa, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakabatay sa saligang ito. Kung ang mga tao ay walang normal na mga saloobin, kung gayon wala silang pagkamaykatwiran, na hindi isang normal na kalagayan. Kapag ang mga tao ay mayroong normal na mga saloobin at ang Banal na Espiritu ay kasama nila, walang pagsala nilang tinataglay ang pagkamaykatwiran ng isang normal na tao, na nangangahulugan na mayroon silang isang normal na kalagayan. Sa pagdanas sa gawain ng Diyos, may ilang tiyak na mga pagkakataon para sa gawain ng Banal na Espiritu, samantalang ang presensiya ng Banal na Espiritu ay madalas sa lahat ng mga pagkakataon. Hangga’t ang pagkamaykatwiran at mga iniisip ng mga tao ay normal, at hangga’t ang kanilang mga estado ay normal, kung gayon ang Banal na Espiritu ay tiyak na kasama nila. Kapag ang pagkamaykatwiran at mga saloobin ng mga tao ay hindi normal, kung gayon ang kanilang pagkatao ay hindi normal. Kung, sa sandaling ito, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nasa iyo, kung gayon ang Banal na Espiritu ay tiyak na sasaiyo rin. Nguni’t kung ang Banal na Espiritu ay kasama mo, hindi na kinakailangan na magkaroon ng gawain ng Banal na Espiritu sa loob mo, sapagka’t ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa natatanging mga pagkakataon. Mapananatili lamang ang pagkakaroon ng presensiya ng Banal na Espiritu ang normal na pag-iral ng mga tao, subali’t ang Banal na Espiritu ay gumagawa lamang sa mga tiyak na panahon. Halimbawa, kung ikaw ay isang pinuno o manggagawa, kapag dinidiligan at tinutustusan mo ang iglesia, liliwanagan ka ng Banal na Espiritu sa ilang mga salita na nagpapatatag sa iba at kayang lutasin ang ilan sa mga praktikal na mga problema ng iyong mga kapatid na lalaki at babae—ito ay kung kailan gumagawa ang Banal na Espiritu. Minsan ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng ilang mga salita, at matatagpuan mo ang iyong sarili na lalong nagawang itaas ang mga ito laban sa iyong sariling mga karanasan, nagbibigay sa iyo ng isang lalong dakilang kaalaman ng iyong sariling kalagayan; ito ay gawain din ng Banal na Espiritu. Paminsan-minsan, habang Ako ay nagsasalita kayo ay nakikinig at nagagawang sukatin ang inyong sariling mga kalagayan laban sa Aking mga salita, at minsan kayo ay naaantig o nabibigyang-inspirasyon; lahat ito ay gawain ng Banal na Espiritu. Sinasabi ng ilang tao na ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa kanila sa lahat ng pagkakataon. Ito ay imposible. Kung sasabihin nila na ang Banal na Espiritu ay palagi nilang kasama, iyon ay makatotohanan. Kung sasabihin nila na ang kanilang pag-iisip at diwa ay normal sa lahat ng pagkakataon, iyon ay makatotohanan din, at ipakikita na ang Banal na Espiritu ay kasama nila. Kung sinasabi nila na ang Banal na Espiritu ay palaging gumagawa sa loob nila, na sila ay nililiwanagan ng Diyos at inaantig ng Banal na Espiritu sa bawat sandali, at nagkakamit ng bagong kaalaman sa lahat ng pagkakataon, kung gayon ito ay hindi normal. Ito ay lubos na higit sa karaniwan! Nang wala ni kakatiting na pag-aalinlangan, ang gayong mga tao ay masasamang espiritu! Kahit kapag ang Espiritu ng Diyos ay dumarating sa katawang-tao, may mga pagkakataon na kailangan Niyang kumain at kailangang magpahinga—nang walang sinasabi tungkol sa tao. Yaong mga inalihan ng masasamang espiritu ay parang walang damdamin at kahinaan ng laman. Nagagawa nilang pabayaan at isuko ang lahat ng bagay, sila ay may kakayahang matiis ang pagdurusa at hindi nakadadama ni kakatiting na pagod, na parang napangibabawan nila ang laman. Hindi ba ito lubos na hindi karaniwan? Ang gawain ng masamang espiritu ay hindi karaniwan, at ang mga bagay na ito ay hindi maaaring makamit ng tao. Yaong mga walang pagkilala ay naiinggit kapag nakikita nila ang gayong mga tao, at sinasabi na mayroon silang ganoong lakas sa kanilang paniniwala sa Diyos at mayroon silang dakilang pananampalataya, na hindi sila kailanman mahina. Sa katunayan, ito ang pagpapamalas ng gawa ng masamang espiritu. Iyon ay dahil sa ang mga normal na tao ay walang pagsalang nagtataglay ng mga kahinaan ng tao; ito ang normal na kalagayan ng mga yaong mayroong presensiya ng Banal na Espiritu.
Ano ang ibig sabihin ng manindigan sa patotoo ang isa? Sinasabi ng ilang mga tao na sumusunod lamang sila sa kagaya nito at hindi binabalisa ang kanilang mga sarili sa kung sila ay may kakayahang matamo ang buhay; hindi nila hinahangad ang buhay, nguni’t hindi rin naman tumatalikod. Kinikilala lamang nila na ang yugto ng gawaing ito ay ipinapatupad ng Diyos. Sa lahat ng ito, hindi ba sila nabigo sa kanilang patotoo? Ang ganoong mga tao ay ni hindi nagpapatotoo sa pagkalupig. Yaong mga nilupig ay sumusunod sa kabila ng lahat at nagagawang hangarin ang buhay. Hindi lamang sila naniniwala sa praktikal na Diyos, nguni’t nalalaman din kung paano sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Ang mga gayon ay yaong mga nagpapatotoo. Yaong mga hindi nagpapatotoo ay hindi kailanman hinangad ang buhay at patuloy pa ring sumusunod sa pamamagitan ng pangangapa. Maaari kang sumunod, nguni’t hindi ito nangangahulugan na ikaw ay nilupig, sapagka’t wala kang alam sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang pagkalupig ay may pasubali. Hindi lahat ng mga sumusunod ay nilupig, sapagka’t sa iyong puso wala kang nalalaman kung bakit kailangan mong sundin ang Diyos sa kasalukuyan, ni nalalaman mo kung paano ka nakaraos hanggang sa kasalukuyan, sino ang tumulong sa iyo hanggang sa kasalukuyan. Sa kanilang paniniwala sa Diyos, ginugugol ng ilang mga tao ang buong maghapon sa kalituhan; kaya, ang pagsunod ay hindi kailangang mangahulugang ikaw ay nagpapatotoo. Ano ba talaga ang tunay na patotoo? Ang patotoo na sinasabi rito ay mayroong dalawang bahagi: Ang isa ay patotoo sa pagkakalupig, at ang isa pa ay patotoo sa pagiging ginawang perpekto (kung saan, likas lamang, ay patotoo kasunod ng malalaking pagsubok at ang mga kapighatian ng kinabukasan). Sa ibang pananalita, kung ikaw ay makapaninindigan sa panahon ng mga kapighatian at mga pagsubok, kung gayon napagtiisan mo ang ikalawang hakbang ng patotoo. Ang pinakamahalaga sa kasalukuyan ay ang unang hakbang ng patotoo: nagagawang makapanindigan sa bawat pagkakataon ng mga pagsubok ng pagkastigo at paghatol. Ito ang patotoo sa pagkalupig. Iyon ay dahil ang kasalukuyan ay ang panahon ng panlulupig. (Dapat mong malaman na ang kasalukuyan ay ang panahon ng gawain ng Diyos sa lupa; ang pangunahing gawain sa lupa ng nagkatawang-taong Diyos ay ang paggamit ng paghatol at pagkastigo upang lupigin ang grupo ng mga taong ito sa lupa na sumusunod sa Kanya.) May kakayahan ka man o wala sa patotoo sa pagkalupig ay hindi nakasalalay sa kung nakakasunod ka hanggang sa katapusan, nguni’t, higit na mahalaga, nakasalalay sa kung, habang nararanasan mo ang ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos, may kakayahan ka sa tunay na kaalaman ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, at nakasalalay sa kung tunay mong nakikita ang lahat ng gawaing ito. Hindi ang pangyayari na magagawa mong mangapa kung susunod ka hanggang sa pinakadulo. Dapat kang sumuko nang kusa sa panahon ng bawat pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, dapat may kakayahan ng tunay na kaalaman ng bawat hakbang ng gawain na iyong nararanasan, at dapat matamo ang kaalaman, at pagkamasunurin sa disposisyon ng Diyos. Ito ang huling pagpapatotoo sa pagkalupig na kinakailangan sa iyo. Ang patotoo sa pagkalupig ay tumutukoy pangunahin sa iyong kaalaman ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang mahalaga, ang hakbang na ito ng patotoo ay sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang iyong gagawin o sasabihin sa harap ng mga tao sa mundo o yaong mga may hawak ng kapangyarihan; ang pinakamahalaga sa lahat ay kung nagagawa mong sundin ang lahat ng salita mula sa bibig ng Diyos at lahat ng Kanyang gawain. Kung gayon, ang hakbang na ito ng patotoo ay patungkol kay Satanas at lahat ng kaaway ng Diyos—ang mga demonyo at mga palaaway na hindi naniniwala na ang Diyos ay magiging tao sa ikalawang pagkakataon at darating upang gumawa ng lalong dakilang gawain, at bukod pa roon, hindi naniniwala sa katotohanan ng pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Sa ibang pananalita, ito ay patungkol sa lahat ng anticristo—lahat ng kaaway na hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos.
Hindi pinatutunayan ng pagkasabik sa Diyos at ng paghahangad sa Diyos na ikaw ay nilupig ng Diyos; nakasalalay iyon kung naniniwala ka na Siya ang Salita na nagkatawang-tao, kung naniniwala ka na ang Salita ay nagkatawang-tao, at kung naniniwala ka na ang Espiritu ay naging Salita, at ang Salita ay nagpakita sa laman. Ito ang pangunahing patotoo. Hindi mahalaga kung paano ka man sumunod, ni kung paano mo ginugugol ang iyong sarili; ang pinakamahalaga ay kung magagawa mong matuklasan mula sa normal na pagkatao na ito na ang Salita ay nagkatawang-tao at ang Espiritu ng katotohanan ay naisakatuparan na sa katawang-tao—na ang lahat ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, at ang daan ay nagkatawang-tao, at ang Espiritu ng Diyos ay talagang dumating na sa lupa at ang Espiritu ay dumating na sa katawang-tao. Bagama’t, kung titingnan nang pahapyaw, ito ay lumilitaw na kakaiba mula sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa gawaing ito magagawa mong makita nang malinaw na ang Espiritu ay naisakatuparan na sa katawang-tao, at, higit pa rito, ang Salita ay naging katawang-tao, at ang Salita ay nagpakita sa katawang-tao, at nagagawa mong maintindihan ang tunay na kahulugan ng mga salitang: Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Higit pa rito, kailangan mong maintindihan na ang mga salita sa kasalukuyan ay Diyos, at dapat mong mamasdan na ang mga salita ay naging katawang-tao. Ito ang pinakamahusay na patotoo na maaari mong pagtiisan. Pinatutunayan nito na taglay mo ang tunay na kaalaman ng Diyos na naging katawang-tao—hindi mo lamang nagagawang kilalanin Siya, nguni’t nababatid din na ang landas na iyong nilalakaran sa kasalukuyan ay ang landas ng buhay, at ang landas ng katotohanan. Si Jesus ay gumawa ng isang yugto ng gawain na tinupad lamang ang diwa ng “ang Salita ay kasama ng Diyos”: Ang katotohanan ukol sa Diyos ay kasama ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay kasama ng katawang-tao at hindi maihihiwalay sa Kanya, iyon ay, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay kasama ng Espiritu ng Diyos, na siyang lalong malaking katunayan na ang Jesus na nagkatawang-tao ay ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Tinupad ng yugtong ito ng gawain ang panloob na kahulugan ng “ang Salita ay nagkakatawang-tao,” nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos,” at tinutulutan ka na paniwalaan nang matibay na “Sa simula ay ang Salita.” Na ang ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ang Diyos ay nagtataglay ng mga salita, ang Kanyang mga salita ay kasama Niya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at lalo pang ginawang mas malinaw ng panghuling kapanahunan ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang mga salita—na marinig ang lahat ng Kanyang mga salita. Ang gayon ay ang gawain ng panghuling kapanahunan. Dapat kang makarating sa pagkaalam sa mga bagay na ito nang lubusan. Hindi ito isang pagtatanong sa pagkilala sa laman, nguni’t pagkilala sa laman at sa Salita. Ito ang kung saan dapat kang sumaksi, yaong dapat malaman ng bawat isa. Sapagka’t ito ang gawain ng ikalawang pagkakatawang-tao—at ang huling pagkakataon na ang Diyos ay naging katawang-tao—lubos nitong kinukumpleto ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao, ganap na ipinatutupad at pinabubukal ang lahat ng gawain ng Diyos sa laman, at tinutuldukan ang panahon ng pagiging katawang-tao ng Diyos. Kaya, dapat mong malaman ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Hindi alintana kung gaano na ang iyong nilakbay, o gaano kahusay mong pinatupad ang ibang panlabas na mga bagay; ang mahalaga ay kung nagagawa mong tunay na magpasakop sa harapan ng Diyos na nagkatawang-tao at ilaan ang iyong buong pagkatao sa Diyos, at sundin ang lahat ng mga salita na nagmumula sa Kanyang bibig. Ito ang dapat mong gawin, at dapat mong sundin.
Ang patotoo sa mga huling araw ay patotoo sa kung ikaw ay maaaring gawing perpekto o hindi—na ang ibig sabihin, ang huling patotoo ay na, pagkaunawa sa lahat ng mga salitang winiwika mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao, nakarating ka sa pag-angkin ng kaalaman ng Diyos at pagiging tiyak tungkol sa Kanya, isinasabuhay mo ang lahat ng salita mula sa bibig ng Diyos, at nakakamit ang mga kalagayang hinihingi sa iyo ng Diyos—ang paraan ni Pedro at pananampalataya ni Job—anupa’t maaari kang sumunod hanggang kamatayan, ibigay nang lubos ang iyong sarili sa Kanya, at sa huli’y makamtan ang larawan ng tao na nakaayon sa pamantayan, na nangangahulugang ang larawan ng isa na nalupig at ginawang perpekto pagkatapos makaranas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ito ang patotoo na dapat pagtiisan ng isa na sa huli ay ginawang perpekto. Ito ang dalawang hakbang ng patotoo na dapat mong pagtiisan, at sila ay magkakaugnay, ang bawat isa ay kailangang-kailangan. Nguni’t mayroong isang bagay na dapat mong malaman: Ang patotoo na Aking kinakailangan sa iyo sa kasalukuyan ay hindi patungkol sa mga tao sa mundo, ni sa sinumang nag-iisang tao, nguni’t sa kung ano ang Aking hinihingi sa iyo. Ito ay sinusukat sa kung napalulugod mo Ako, at kung nagagawa mong lubos na makaabot sa pamantayan ng Aking mga hinihingi sa bawat isa sa inyo. Ito ang dapat ninyong maintindihan.