· 

Tanging ang mga Nakakakilala sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

 

Batas ito ng langit at panuntunan ng lupa na maniwala sa Diyos at kilalanin ang Diyos, at ngayon—sa isang kapanahunan kung kailan personal na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—ay isang tiyak na magandang pagkakataon upang makilala ang Diyos. Nakakamit ang pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pundasyon ng pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at upang maunawaan ang kalooban ng Diyos, kinakailangang makilala ang Diyos. Ang pagkakilalang ito sa Diyos ay ang pananaw na dapat mataglay ng isang mananampalataya; ito ang batayan ng paniniwala ng tao sa Diyos. Kung walang ganitong pagkakilala ang tao, kung gayon malabo ang kanyang paniniwala sa Diyos, at nasa teoryang walang laman. Kahit na ito ay kapasyahan ng mga taong tulad nito na sundin ang Diyos, wala silang nakakamit. Ang mga aalisin ay ang lahat ng mga walang nakakamit sa daloy na ito, at sila ang mga tao na gumagawa lamang ng pinakamababa. Alinmang hakbang ng gawain ng Diyos ang iyong maranasan, dapat kang samahan ng isang makapangyarihang pananaw. Kung walang gayong pananaw, magiging mahirap para sa iyo na tanggapin ang bawa’t hakbang ng bagong gawain, dahil hindi kaya ng tao na guni-gunihin ang bagong gawain ng Diyos, lampas ito sa pagkaintindi ng tao. Kaya’t kung walang pastol na gagabay sa tao, kung walang pastol na nagbabahagi ng tungkol sa mga pananaw, hindi kaya ng taong tanggapin ang bagong gawaing ito. Kung hindi kayang tanggapin ng tao ang mga pananaw, sa gayon hindi niya matatanggap ang bagong gawain ng Diyos, at kung hindi kayang sundin ng tao ang bagong gawain ng Diyos, sa gayon hindi kayang intindihin ng tao ang kalooban ng Diyos, kaya’t ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay nawawalan ng halaga. Bago tuparin ng tao ang mga salita ng Diyos, dapat niyang malaman ang mga salita ng Diyos, iyon ay, ang maunawaan ang kalooban ng Diyos; sa ganitong paraan lamang maaaring maisakatuparan nang tiyak ang mga salita ng Diyos at ayon sa puso ng Diyos. Dapat itong taglayin ng lahat ng mga taong naghahanap ng katotohanan, at ang proseso na dapat maranasan ng lahat ng mga taong sinusubukang kilalanin ang Diyos. Ang proseso ng pag-alam sa mga salita ng Diyos ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos, at ang proseso rin ng pag-alam sa gawain ng Diyos. At sa gayon, hindi lamang tumutukoy sa pagkilala sa pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao ang pag-alam sa mga pananaw, nguni’t kabilang din ang pag-alam sa mga salita at gawa ng Diyos. Mula sa mga salita ng Diyos ang mga tao ay dumarating sa pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, at mula sa gawain ng Diyos dumarating sila sa pagkakilala sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay ang unang hakbang sa pagkilala sa Diyos. Ang proseso ng pagsulong mula sa paunang paniniwala sa Diyos tungo sa pinakamalalim na paniniwala sa Diyos ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos, at ang proseso ng pagdaranas sa gawa ng Diyos. Kung ikaw ay naniniwala lamang sa Diyos alang-alang sa paniniwala sa Diyos, at hindi naniniwala sa Diyos upang makilala ang Diyos, sa gayon ay walang katotohanan sa iyong paniniwala, at hindi ito maaaring maging dalisay—dito ay walang duda. Kung, sa oras ng proseso na kung saan nararanasan niya ang Diyos, unti-unting nakikilala ng tao ang Diyos, kung gayon ang kanyang disposisyon ay unti-unting magbabago, at ang kanyang paniniwala ay unti-unting magiging totoo. Sa ganitong paraan, kapag nakakamit ng tao ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, ganap niyang makakamit ang Diyos. Malayo ang pinagdaanan ng Diyos upang magkatawang-tao sa ikalawang pagkakataon at personal na gawin ang Kanyang gawain upang makilala Siya ng tao, at makita Siya. Ang pagkilala sa Diyos[a] ay ang huling epekto na makakamit sa katapusan ng gawain ng Diyos; ito ang huling kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan. Ginagawa Niya ito para sa kapakanan ng Kanyang huling patotoo, at upang sa wakas ay ganap nang makabalik ang tao sa Kanya. Magagawa lamang ng tao na mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos, at para ibigin ang Diyos dapat niyang makilala ang Diyos. Hindi mahalaga kung paano siya naghahanap, o kung ano ang kanyang hinahangad na makamit, dapat niyang makamit ang pagkilala sa Diyos. Tanging sa paraang ito lamang makakapagbigay ang tao ng kasiyahan sa puso ng Diyos. Tanging sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos tunay na makakapaniwala ang tao sa Diyos, at tanging sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos tunay niyang maigagalang at masusunod ang Diyos. Hindi kailanman tunay na masusunod at maigagalang ang Diyos ng mga hindi nakakakilala sa Diyos. Kabilang sa pagkilala sa Diyos ang pagkilala sa disposisyon ng Diyos, pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at pagkilala sa kung ano ang Diyos. Nguni’t kung ano mang aspeto ito ng pagkilala sa Diyos, bawa’t isa ay nangangailangan sa tao na magbayad ng halaga, at nangangailangan sa kalooban na sumunod, kung saan kung wala ito ay walang makasusunod hanggang sa katapusan. Sadyang hindi akma sa mga pagkaintindi ng tao ang gawa ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos ay sadyang mahirap para sa tao na makilala, at lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay sadyang hindi maunawaan ng tao; kung ninanais ng tao na sumunod sa Diyos, nguni’t hindi handang sumunod sa Diyos, sa gayon walang makakamit ang tao. Simula nang lalangin ang sanglibutan hanggang ngayon, marami nang tinupad na mga gawain ang Diyos na hindi kayang unawain ng tao at kung saan nahihirapan ang tao na tanggapin, at maraming nasabi ang Diyos na nagpapahirap sa paglunas sa mga pagkaintindi ng tao. Nguni’t hindi Siya kailanman tumigil sa Kanyang gawain dahil ang tao ay napakaraming kahirapan; ipinagpatuloy Niya ang paggawa at pagsasalita, at kahit na maraming bilang ng mga “mandirigma” ang bumagsak sa gilid ng daan, ginagawa pa rin Niya ang Kanyang gawain, at nagpapatuloy sa pagpili ng grupo ng mga tao na nais sumunod sa Kanyang bagong gawain. Hindi Siya nahahabag sa mga bumagsak na mga “bayani,” nguni’t sa halip ay pinahahalagahan yaong mga tumatanggap sa Kanyang bagong gawain at mga salita. Nguni’t para sa anong layunin Siya gumagawa sa ganitong paraan, na baitang-baitang? Bakit palagi Siyang nagtatanggal at pumipili ng mga tao? Bakit palagi Siyang gumagawa sa ganitong kaparaanan? Ang makilala Siya ng mga tao ang layunin ng Kanyang gawain, at sa gayon makamit Niya. Ang prinsipyo ng Kanyang gawain ay upang gumawa sa mga kayang sumunod sa gawaing ginagawa Niya ngayon, at hindi gumawa sa mga sumusunod sa Kanyang nakaraang gawain, nguni’t sumasalungat sa Kanyang gawain ngayon. Ito ang tunay na dahilan kung bakit Niya naális ang napakaraming tao.

 

Hindi maaaring makamit sa isa o dalawang araw ang mga epekto ng katuruan ng pagkilala sa Diyos: Dapat na ipunin ng mga tao ang mga karanasan, sumailalim sa pagdurusa, at magkaroon ng tunay na pagsunod. Una sa lahat, magsimula sa gawain at mga salita ng Diyos. Dapat mong maunawaan kung ano ang kabilang sa pagkilala sa Diyos, kung paano makakamit ang pagkakilala sa Diyos, at kung paano makikita ang Diyos sa panahon ng iyong mga karanasan. Ito ang dapat gawin ng lahat kapag kikilalanin pa lamang nila ang Diyos. Walang sinuman ang maaaring agad na makatarok sa gawa at mga salita ng Diyos, at walang sinuman ang maaaring magkamit ng pagkakilala sa kabuuan ng Diyos sa maikling panahon. Ang kinakailangan ay ang kailangang proseso ng karanasan, kung saan kung wala ito ay walang sinuman ang magagawang kilalanin ang Diyos o tunay na sumunod sa Diyos. Mas maraming gawain ang ginagawa ng Diyos, mas higit Siyang nakikilala ng tao. Mas higit na salungat ang gawain ng Diyos sa mga pagkaintindi ng tao, mas higit na ang pagkakilala ng tao sa Kanya ay napapabago at napapalalim. Kung mananatiling magpakailanmang hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, sa gayon ang tao ay magkakaroon lamang ng kaunting pagkakilala sa Diyos. Simula nang lalangin ang sanlibutan hanggang ngayon, dapat ninyong malinaw na malaman ang mga pananaw kung ano ang ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan, kung ano ang ginawa Niya sa Kapanahunan ng Biyaya, at kung ano ang ginagawa Niya sa Kapanahunan ng Kaharian. Kailangan ninyong malaman ang gawain ng Diyos. Matapos lamang ng pagsunod kay Jesus unti-unting mas nakilala ni Pedro ang gawain ng Espiritu na ginawa kay Jesus. Sinabi Niya, “Hindi sapat ang umasa sa mga karanasan ng tao upang makamit ang isang ganap na pagkakilala sa Diyos; maaaring maraming mga bagong bagay mula sa gawain ng Diyos na makatutulong sa atin na kilalanin ang Diyos.” Sa simula, naniwala si Pedro na si Jesus ay ipinadala ng Diyos, katulad ng isang apostol, at hindi niya nakita si Jesus bilang si Kristo. Nang tinawag si Pedro upang sumunod[b] kay Jesus, tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Jonah, susunod ka ba sa Akin?” Sinabi ni Pedro, “Ako’y dapat sumunod sa kanya na isinugo ng Ama sa langit. Dapat kong kilalanin siya na pinili ng Banal na Espiritu. Susunod ako sa Iyo.” Mula sa kanyang mga salita, maaaring makita na si Pedro ay tiyak na walang pagkakilala kay Jesus; nakaranas siya ng mga salita ng Diyos, pinakitunguhan ang kanyang sarili, at nagdusa ng paghihirap para sa Diyos, nguni’t hindi niya alam ang gawa ng Diyos. Matapos ang isang panahon ng karanasan, nakita ni Pedro kay Jesus ang maraming mga gawa ng Diyos, nakita ang kagandahan ng Diyos, at nakita ang malaking bahagi ng pagka-Diyos ng Diyos kay Jesus. Kaya nakita rin niya na hindi maaaring masambit ng tao ang mga salita ni Jesus, at hindi magagawa ng tao ang gawaing ginawa ni Jesus. Sa mga salita at kilos ni Jesus, sa karagdagan, nakita ni Pedro ang malaking bahagi ng karunungan ng Diyos, at higit pang banal na gawain. Sa kanyang mga karanasan, hindi lamang niya nakilala ang kanyang sarili, datapwa’t nakatutok din sa pagmamasid sa mga kilos ni Jesus, kung saan mula rito ay nakatuklas siya ng maraming bagong mga bagay; ang mga ito nga, na mayroong maraming pagpapahayag ng praktikal na Diyos sa gawa na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus, at na ang mga salita ni Jesus, mga kilos, ang mga paraan kung paano Niya pinapastol ang mga iglesia at ang gawain na tinupad Niya ay kakaiba mula sa sinumang ordinaryong tao. Kaya, mula kay Jesus natuto siya ng maraming mga aral na dapat niyang matutunan, at sa panahong si Jesus ay malapit nang ipako sa krus, nakatamo siya ng kaunting pagkakilala kay Jesus—isang pagkakilala na siyang batayan ng kanyang habambuhay na katapatan kay Jesus, at ng kanyang pagkapako nang nakatiwarik para sa kapakanan ni Jesus. Mayroon Siyang tinataglay na ilang mga pagkaintindi, at walang malinaw na pagkakilala kay Jesus sa simula, nguni’t ang mga gayong bagay ay ’di-maiiwasang makita sa tiwaling tao. Nang malapit na Siyang umalis, sinabi ni Jesus kay Pedro na ang Kanyang pagkapako sa krus ay ang gawain na Kanyang gagawin kaya Siya dumating; dapat Siyang talikdan ng kapanahunan, ang maruming lumang kapanahunang ito ay dapat magpako sa Kanya sa krus, at dumating Siya upang tapusin ang gawain ng pagtubos, at, matapos makumpleto ang gawaing ito, ang Kanyang ministeryo ay darating sa katapusan. Nang marinig ito, nalugmok si Pedro sa kalungkutan, at nakadama ng mas higit pang katapatan kay Jesus. Nang ipinako sa krus si Jesus, palihim na nanangis nang kapaitpaitan si Pedro. Bago ito, naítánong niya kay Jesus, “Panginoon ko! Sinasabi Mo na Ikaw ay mapapako sa krus. Matapos Kang mawala, kailan Ka namin muling makikita?” Wala bang paghahalo sa mga salitang kanyang sinambit? Wala ba ritong kanyang mga pagkaintindi? Sa kanyang puso, alam niya na dumating si Jesus upang tapusin ang bahagi ng gawain ng Diyos, at na matapos umalis si Jesus, makakasama niya ang Espiritu; bagaman ipapako Siya sa krus at aakyat sa langit, ang Espiritu ng Diyos ay mamamalagi sa kanya. Sa panahong iyon, mayroon siyang kaunting pagkakilala kay Jesus, at alam niyang ipinadala Siya ng Espiritu ng Diyos, na ang Espiritu ng Diyos ay nasa Kanya, at na si Jesus ay ang Diyos Mismo, Siya ay si Kristo. Nguni’t dahil sa kanyang pag-ibig kay Jesus, at dahil sa kahinaan ng tao, sinabi pa rin ni Pedro ang ganoong mga salita. Kung kaya mong magmasid at sumailalim sa mga maseselang karanasan sa bawa’t hakbang ng gawain ng Diyos, kung gayon ay unti-unti mong matutuklasan ang kagandahan ng Diyos. At ano ang pananaw ni Pablo? Nang nagpakita sa kanya si Jesus, sinabi ni Pablo, “Aking Panginoon! Sino Ka?” Sinabi ni Jesus, “Ako’y si Jesus na iyong pinag-uusig.” Ito ang pananaw ni Pablo. Ginamit ni Pedro ang muling-pagkabuhay ni Jesus at ang Kanyang pagpapakita sa loob ng apatnapung araw, at ang mga turo ni Jesus sa panahon ng Kanyang buhay, bilang kanyang pananaw hanggang dumating siya sa katapusan ng kanyang paglalakbay.

 

Nararanasan ng tao ang Diyos, kilala ang kanyang sarili, inaalis sa kanyang sarili ang kanyang tiwaling disposisyon, at naglalayon ng isang paglago sa buhay lahat ay para lamang sa kapakanan ng pagkilala sa Diyos. Kung naglalayon ka lamang na makilala ang iyong sarili at makitungo sa iyong sariling tiwaling disposisyon, at walang kaalaman sa kung ano ang gawain na ginagawa ng Diyos sa tao, kung gaano kadakila ang Kanyang pagliligtas, o kung paano mo nararanasan ang Diyos at nasasaksihan ang mga gawa ng Diyos, kung gayon hindi-makatotohanan ang iyong karanasan. Kung sa tingin mo ang makayang isabuhay ang katotohanan, at makayanan ang pagtitiis ay nangangahulugan na ang buhay ng isa ay lumago na, kung gayon nangangahulugan ito na hindi mo pa rin nauunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay, at hindi pa rin nauunawaan ang layunin ng Diyos sa paggawa sa tao. Isang araw, kapag ikaw ay nasa mga relihiyosong simbahan, sa gitna ng mga kasapi ng Simbahan ng Pagsisisi o ng Simbahan ng Buhay, makakatagpo ka ng maraming debotong tao na ang mga panalangin ay naglalaman ng mga pananaw, at nakakaramdam ng paghaplos at mayroong mga salita na gumagabay sa kanila sa paghahabol nila sa buhay. At ang higit pa, sa maraming mga bagay ay nagawa nilang magtiis, at talikuran ang kanilang mga sarili, hindi pinangunahan ng laman. Sa sandaling iyon, hindi mo makakayang sabihin ang pagkakaiba: Maniniwala ka na lahat ng ginagawa nila ay tama, na iyon ang likas na pagpapahayag ng buhay, at kahabag-habag na ang pangalang kanilang pinaniniwalaan ay mali. Hindi ba ang gayong mga paniniwala ay kahangalan? Bakit sinasabing ang karamihan ng mga tao ay walang buhay? Dahil hindi nila kilala ang Diyos, at sa gayon sinasabi na wala silang Diyos, at walang buhay. Kung umabot sa isang tiyak na punto ang iyong paniniwala sa Diyos kung saan kaya mong lubusang malaman ang mga gawa ng Diyos, ang katotohanan ng Diyos, at bawa’t yugto ng gawain ng Diyos, kung gayon ikaw ay nagtataglay ng katotohanan. Kung hindi mo alam ang gawain at disposisyon ng Diyos, sa gayon kulang pa rin ang iyong karanasan. Paano tinupad ni Jesus ang yugtong iyon ng Kanyang gawain, paano tinutupad ang yugtong ito, paano ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at kung ano ang natapos na gawain, anong gawain ang ginagawa sa yugtong ito—kung hindi ka nagtataglay ng lubos na kaalaman ng mga bagay na ito, sa gayon hindi ka kailanman makakaramdam ng katiyakan at pagkapanatag. Kung, matapos ang isang panahon ng karanasan, iyong nagagawang malaman ang gawaing ginawa ng Diyos at bawa’t hakbang ng gawain ng Diyos, at mayroong lubos na kaalaman sa mga layunin ng mga salita ng Diyos, at kung bakit napakaraming mga salitang Kanyang sinambit ang hindi natupad, sa gayon maaari kang magpahinga nang maginhawa at matapang na magpatuloy sa iyong daan, malaya sa pag-aalala o pagpipino. Dapat ninyong makita kung ano ang ginagamit ng Diyos upang matupad ang napakarami Niyang gawain. Ginagamit Niya ang mga salitang Kanyang sinasambit, pinipino ang tao at binabago ang mga pagkaintindi ng tao gamit ang maraming uri ng mga salita. Ang lahat ng mga pagdurusang inyong tiniis, ang lahat ng pagpipinong inyong naranasan, ang pakikitungo na inyong natánggap sa kalooban ninyo, ang pagliliwanag na inyong naranasan—nakamit ang lahat ng mga iyon gamit ang mga salitang sinambit ng Diyos. Dahil ba saan kaya sinusunod ng tao ang Diyos? Dahil sa mga salita ng Diyos! Labis na mahiwaga ang mga salita ng Diyos, at maaaring mahaplos ang puso ng tao, ibunyag ang mga bagay na nasa kaloob-looban ng puso ng tao, magawang mabatid niya ang mga bagay na nangyari sa nakaraan, at hayaan siyang makakita sa hinaharap. Kaya’t tinitiis ng mga tao ang pagdurusa dahil sa mga salita ng Diyos, at ginagawang perpekto dahil sa mga salita ng Diyos, at saka lamang sinusunod ng tao ang Diyos. Ang dapat na gawin ng tao sa yugtong ito ay tanggapin ang mga salita ng Diyos, at hindi alintana kung siya ay ginagawang perpekto, o pinipino, ang susi ay ang mga salita ng Diyos; ito ay ang gawain ng Diyos, at ito ay ang pananaw na dapat malaman ng tao ngayon.

 

Paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Ano ang disposisyon ng Diyos? At ano ang nakapaloob sa Kanyang disposisyon? Dapat maunawaan ang lahat ng ito; pagpapalaganap ito ng pangalan ng Diyos, pagpapatotoo ito sa Diyos, at pagpupuri sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay magkakamit ang tao ng pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay batay sa pundasyon ng pagkilala sa Diyos. Mas maraming pakikitungo at pagpipinong dinaranas ang tao, higit ang kanyang kalakasan, at mas marami ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, higit na ginagawang perpekto ang tao. Ngayon, sa karanasan ng tao, ang bawa’t hakbang ng gawain ng Diyos ay bumabalik sa mga pagkaintindi ng tao, at bawa’t hakbang ay hindi maguni-guni ng talino ng tao, at lampas sa kanyang mga inaasahan. Itinutustos ng Diyos ang lahat ng kinakailangan ng tao, at sa bawa’t aspeto ito ay kakaiba sa mga pagkaintindi ng tao, at kapag ikaw ay mahina, binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita; sa ganitong paraan lamang maaari Niyang itustos ang iyong buhay. Sa pamamagitan ng pagbalik sa iyong mga pagkaintindi, dumarating ka sa pagtanggap sa pakikitungo ng Diyos, at sa ganitong paraan lamang maaari mong maalis ang iyong katiwalian. Ngayon, sa isang aspeto ang Diyos na nagkatawang-tao ay gumagawa sa pagkaDiyos, at sa isa pang aspeto gumagawa Siya sa normal na pagkatao. Hindi mo dapat tanggihan ang anumang gawain na ginagawa ng Diyos, at dapat mong sundin ang anumang sinasabi ng Diyos o ginagawa sa normal na pagkatao, at kung gaano man Siya kanormal, dapat kang sumunod at umunawa. Matapos ka lamang magkaroon ng aktwal na karanasan maaari mong tiyak na malaman na Siya ay Diyos, at huminto sa pagbuo ng mga pagkaintindi, at sumunod sa Kanya hanggang sa katapusan. May karunungan sa gawain ng Diyos, at alam Niya kung paano maaaring maging patotoo ang tao sa Kanya. Alam Niya kung saan ang malubhang kahinaan ng tao, at ang mga salita na Kanyang sinasambit ay maaari kang tamaan sa iyong malubhang kahinaan, nguni’t ginagamit din Niya ang Kanyang marilag at matalinong mga salita upang ikaw ay maaaring maging patotoo sa Kanya. Ganyan ang mahiwagang mga gawa ng Diyos. Hindi kayang guni-gunihin ng talino ng tao ang gawaing ginawa ng Diyos. Ibinubunyag ng paghatol ng Diyos ang mga uri ng katiwaliang taglay ng tao, bilang mula sa laman, at ano ang mga bagay na kakanyahan ng tao, at iniiwan nito ang tao na walang lugar na mapagtataguan mula sa kanyang kahihiyan.

 

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang makilala Siya ng tao, at para sa kapakanan ng Kanyang patotoo. Kung wala ang Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi malalaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon na hindi nagpapahintulot ng kasalanan, at hindi mapapalitan ang kanyang lumang pagkakilala sa Diyos patungo sa panibago. Para sa kapakanan ng Kanyang patotoo, at para sa kapakanan ng Kanyang pamamahala, isinasa-publiko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao na makamit ang pagkakilala sa Diyos, at baguhin ang kanyang disposisyon, at magtaglay ng umuugong na patotoo sa Diyos sa pamamagitan ng pampublikong pagpapakita ng Diyos. Nakakamit ang pagbabago sa disposisyon ng tao sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong pagbabago sa disposisyon ng tao, hindi makakaya ng taong magtaglay ng patotoo sa Diyos, at hindi magiging naaayon sa puso ng Diyos. Ang pagbabago sa disposisyon ng tao ay tanda na napalaya ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin ni Satanas, napalaya ang kanyang sarili mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay na naging isang modelo at halimbawa ng gawain ng Diyos, tunay na naging isang saksi ng Diyos at isang tao na naaayon sa puso ng Diyos. Ngayon, dumating ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at Kanyang hinihingi sa tao na makamit ang pagkakilala sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya—malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang mga salita at gawa na hindi naaayon sa mga pagkaintindi ng tao, at magpatotoo sa lahat ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao, at lahat ng mga gawang ginagawa Niya na lumulupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay dapat magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tiyak, at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakarating sa pagkakilala sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapailalim sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagpupungos, upang magtaglay ng patotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga ginawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at gayon din ay ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nabago na, at sa gayon ay nagkamit ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi niya kailangan ang tao na purihin Siya sa salita lamang, at hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi pa Niya naililigtas. Tanging yaong mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos, at yaon lamang mga nabago na ang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos, at hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

 

Mga Talababa:

 

a. Ang orihinal na teksto ay nababasang “Ang gawain ng pagkilala sa Diyos.”

 

b. Ang orihinal na teksto ay nababasang “ay sumusunod.”