Sa mga huling araw, ang Diyos ay naging tao upang gawin ang gawain na kailangan Niyang gawin at upang gampanan ang Kanyang ministeryo ng mga salita. Personal Siyang pumarito upang gumawa sa gitna ng mga tao na may mithiing gawing perpekto ang mga taong kapareho Niya ang saloobin. Mula noong panahon ng paglikha hanggang ngayon, sa mga huling araw lamang Niya naisagawa ang ganitong klaseng gawain. Sa mga huling araw lamang nagkatawang-tao ang Diyos upang gawin ang gayong kalaking gawain. Bagama’t nagtititiis Siya ng mga paghihirap na mahihirapang tiisin ng mga tao, at bagama’t Siya ay isang dakilang Diyos na may kababaang-loob na maging isang karaniwang tao, walang aspeto ng Kanyang gawain ang naantala, at ang Kanyang plano ay hindi nagulo kahit kaunti. Ginagawa Niya ang gawain alinsunod sa Kanyang orihinal na plano. Ang isa sa mga layunin ng pagkakatawang-taong ito ay para lupigin ang mga tao, ang isa pa ay para gawing perpekto ang mga taong Kanyang iniibig. Hinahangad Niyang makita ng Kanyang sariling mga mata ang mga taong Kanyang pineperpekto, at nais Niyang makita Niya Mismo kung paano nagpapatotoo para sa Kanya ang mga taong Kanyang pineperpekto. Hindi isa o dalawang tao ang pineperpekto. Sa halip, isa itong grupo, na binubuo lamang ng iilang tao. Ang mga tao sa grupong ito ay nagmumula sa iba’t ibang bansa sa mundo, at nagmumula sa iba’t ibang nasyonalidad sa mundo. Ang layunin ng paggawa ng napakaraming gawain ay para matamo ang grupong ito ng mga tao, upang matamo ang patotoo ng grupong ito ng mga tao para sa Kanya, at para makamit ang kaluwalhatiang makukuha Niya mula sa kanila. Hindi Siya gumagawa ng gawain nang walang kabuluhan, ni hindi Siya gumagawa ng gawaing walang halaga. Masasabi na, sa paggawa ng napakaraming gawain, ang layon ng Diyos ay ang gawing perpekto ang lahat ng nais Niyang gawing perpekto. Sa anumang bakanteng oras Niya sa labas nito, aalisin Niya yaong masasama. Dapat ninyong malaman na hindi Niya ginagawa ang dakilang gawaing ito dahil sa yaong masasama; bagkus, ibinibigay Niya ang lahat Niya dahil sa kakaunting tao na Kanyang gagawing perpekto. Ang gawaing Kanyang ginagawa, ang mga salitang Kanyang sinasabi, ang mga hiwagang Kanyang ibinubunyag, at ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay pawang para sa kapakanan ng kakaunting tao na iyon. Hindi Siya naging tao dahil sa yaong masasama, at lalong hindi nila Siya inuudyukang magalit nang husto. Sinasabi Niya ang katotohanan, at nagsasalita tungkol sa pagpasok, dahil sa mga gagawing perpekto; Siya ay naging tao dahil sa kanila, at dahil sa kanila kaya Niya ipinagkakaloob ang Kanyang mga pangako at pagpapala. Ang katotohanan, pagpasok, at buhay sa pagiging tao na Kanyang sinasabi ay hindi pinagsisikapan para sa kapakanan niyaong masasama. Nais Niyang iwasang kausapin yaong masasama, sa halip ay nais Niyang ipagkaloob ang lahat ng katotohanan sa mga yaon na gagawing perpekto. Subalit kinakailangan ng Kanyang gawain na, pansamantala, tulutan yaong masasama na magtamasa ng ilan sa Kanyang mga kayamanan. Yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan, hindi binibigyang-kasiyahan ang Diyos, at ginagambala ang Kanyang gawain ay pawang masasama. Hindi sila magagawang perpekto, at kinasusuklaman at itinatakwil sila ng Diyos. Sa kabilang dako, ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan at nabibigyang-kasiyahan ang Diyos at ginugugol ang kanilang buong sarili sa gawain ng Diyos ang mga taong gagawing perpekto ng Diyos. Yaong mga nais gawing ganap ng Diyos ay walang iba kundi ang grupong ito ng mga tao, at ang gawaing ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng mga taong ito. Ang katotohanang Kanyang sinasabi ay para sa mga taong handang isagawa ito. Hindi Siya nakikipag-usap sa mga taong hindi isinasagawa ang katotohanan. Ang pag-iibayo ng kabatiran at paglago ng pagkahiwatig na Kanyang sinasabi ay nakatuon sa mga taong maisasagawa ang katotohanan. Kapag nagsasalita Siya tungkol sa mga yaong gagawing perpekto, ang mga taong ito ang sinasabi Niya. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakatuon sa mga taong kayang magsagawa ng katotohanan. Ang mga bagay na kagaya ng pagkakaroon ng karunungan at pagiging tao ay nakatuon sa mga taong handang isagawa ang katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay maaaring makarinig ng maraming salita ng katotohanan, ngunit dahil likas na napakasama nila at hindi sila interesado sa katotohanan, ang nauunawaan lamang nila ay mga doktrina at salita at hungkag na mga teorya, na wala ni katiting na halaga para sa kanilang pagpasok sa buhay. Walang isa man sa kanila ang tapat sa Diyos; silang lahat ay mga taong nakikita ang Diyos ngunit hindi Siya makamit; lahat sila ay isinumpa ng Diyos.
Ang Banal na Espiritu ay may isang landas na tatahakin sa bawat tao, at binibigyan ang bawat tao ng pagkakataon na maperpekto. Sa iyong pagiging negatibo naipapaalam sa iyo ang sarili mong katiwalian, at sa pag-aalis ng pagiging negatibo ay makasusumpong ka ng landas ng pagsasagawa; lahat ito ay paraan kung saan ginagawa kang perpekto. Bukod diyan, sa patuloy na paggabay at pagpapalinaw ng ilang positibong bagay sa iyong kalooban, aktibo mong gagampanan ang iyong tungkulin, lalago sa kabatiran at makakahiwatig. Kapag maganda ang iyong mga kalagayan, mas handa kang basahin ang salita ng Diyos, at mas handa kang manalangin sa Diyos, at maiuugnay mo ang mga sermon na iyong naririnig sa iyong sariling sitwasyon. Sa gayong mga pagkakataon nililiwanagan at pinaliliwanagan ng Diyos ang iyong kalooban, kaya natatanto mo ang ilang positibong aspeto. Ganito ka pineperpekto sa positibong aspeto. Sa mga negatibong kalagayan, ikaw ay mahina at walang kibo; pakiramdam mo ay wala ang Diyos sa puso mo, subalit pinaliliwanagan ka ng Diyos, tinutulungan kang makahanap ng isang landas ng pagsasagawa. Lalabas dito ang pagtatamo ng pagkaperpekto sa negatibong aspeto. Mapeperpekto ng Diyos ang tao kapwa sa positibo at negatibong mga aspeto. Nakasalalay ito sa kung nagagawa mong makaranas, at kung hinahangad mong maperpekto ng Diyos. Kung tunay mong hinahangad na maperpekto ng Diyos, ang negatibo ay hindi ka magagawang dumanas ng kawalan, kundi maaaring maghatid sa iyo ng mga bagay na mas totoo, at magawa kang mas alam yaong wala sa iyong kalooban, mas nakauunawa sa iyong tunay na kalagayan, at nakikita na walang kahit ano ang tao, at balewala siya; kung hindi ka dumaranas ng mga pagsubok, hindi mo alam, at palagi mong madarama na nakahihigit ka sa iba at mas mahusay ka kaysa sa lahat ng iba pa. Sa lahat ng ito makikita mo na lahat ng dumating noon ay ginawa ng Diyos at protektado ng Diyos. Ang pagpasok sa mga pagsubok ay iniiwan kang walang pagmamahal o pananampalataya, kulang ka sa panalangin at hindi mo nagagawang umawit ng mga himno, at hindi mo namamalayan, sa gitna nito ay nakikilala mo ang iyong sarili. Maraming paraan ang Diyos para maperpekto ang tao. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng sitwasyon para pakitunguhan ang tiwaling disposisyon ng tao, at gumagamit ng iba’t ibang bagay upang ilantad ang tao; sa isang bagay, pinakikitunguhan Niya ang tao, sa isa pa ay inilalantad Niya ang tao, at sa isa pa ay ibinubunyag Niya ang tao, hinuhukay at ibinubunyag ang “mga hiwaga” sa kaibuturan ng puso ng tao, at ipinakikita sa tao ang kanyang kalikasan sa pamamagitan ng paghahayag sa marami sa kanyang mga kalagayan. Pineperpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng maraming pamamaraan—sa pamamagitan ng paghahayag, pakikitungo, pagpipino, at pagkastigo sa tao—para malaman ng tao na ang Diyos ay praktikal.
Ano ang hinahangad ninyo ngayon? Para maperpekto ng Diyos, makilala ang Diyos, makamit ang Diyos—o marahil ay hangad ninyong dalhin ang inyong sarili sa paraan ng isang Pedro ng dekada 90, o magkaroon ng pananampalatayang higit pa kaysa kay Job, o siguro’y hangad ninyong matawag ng Diyos na matuwid at makarating sa harap ng luklukan ng Diyos, o maipakita ang Diyos sa lupa at malakas at matunog na magpatotoo para sa Diyos. Anuman ang inyong hinahangad, sa lahat ng ito, naghahangad kayo para mailigtas ng Diyos. Naghahangad ka man na maging isang taong matuwid, o hinahangad ang pamamaraan ni Pedro, o ang pananampalataya ni Job, o na maperpekto ng Diyos, lahat ay gawaing ginagawa ng Diyos sa tao. Sa madaling salita, anuman ang iyong hinahangad, ito ay lahat para maperpekto ng Diyos, lahat para maranasan ang salita ng Diyos, para bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos; anuman ang iyong hinahangad, ito ay lahat para matuklasan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, para mahanap ang isang landas ng pagsasagawa sa tunay na karanasan na may layon na maiwaksi ang iyong sariling mapanghimagsik na disposisyon, matamo ang isang wastong kalagayan sa iyong kalooban, lubos na makaayon sa kalooban ng Diyos, maging isang tamang tao, at magkaroon ng tamang motibo sa lahat ng iyong ginagawa. Kaya mo dinaranas ang lahat ng ito ay upang makilala mo ang Diyos at lumago ang iyong buhay. Bagama’t ang nararanasan mo ay salita ng Diyos at totoong mga pangyayari, gayundin ang mga tao, mga usapin, at mga bagay sa iyong mga kapaligiran, sa huli ay nakikilala mo ang Diyos at napeperpekto ka ng Diyos. Upang hangaring tahakin ang landas ng isang taong matuwid o hangaring isagawa ang salita ng Diyos: ang mga ito ang daanan, samantalang ang makilala ang Diyos at maperpekto ng Diyos ang hantungan. Hinahangad mo man ngayong maperpekto ng Diyos, o magpatotoo para sa Diyos, lahat ng ito sa bandang huli ay para makilala ang Diyos; ito ay para hindi mawalan ng kabuluhan ang gawaing Kanyang ginagawa sa’yo, upang sa huli ay malaman mo ang realidad ng Diyos, malaman ang Kanyang kadakilaan, at higit pa roon ay malaman ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, at malaman ang malaking gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo. Nagpakumbaba na ang Diyos Mismo sa antas na ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa marurumi at tiwaling mga taong ito, at pineperpekto ang grupong ito ng mga tao. Hindi lamang naging tao ang Diyos upang mamuhay at kumain sa gitna ng mga tao, gabayan ang mga tao, at tustusan ang pangangailangan ng mga tao. Ang higit na mahalaga ay ginagawa Niya ang Kanyang dakilang gawaing iligtas at lupigin ang mga taong ito na lubhang tiwali. Dumating Siya sa puso ng malaking pulang dragon upang iligtas ang pinakatiwaling mga taong ito, para lahat ng tao ay mabago at magawang bago. Ang napakalaking hirap na tinitiis ng Diyos ay hindi lamang ang hirap na tinitiis ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi higit sa lahat ay dumaranas ng malaking kahihiyan ang Espiritu ng Diyos—Siya ay nagpapakumbaba at itinatago nang husto ang Kanyang Sarili kaya Siya nagiging isang karaniwang tao. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at nag-anyong tao upang makita ng mga tao na mayroon Siyang isang normal na buhay ng tao at normal na mga pangangailangan ng tao. Sapat na ito upang patunayan na nagpakumbaba ang Diyos Mismo nang labis. Ang Espiritu ng Diyos ay natatanto sa katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ay napakataas at dakila, subalit nag-aanyo Siyang isang karaniwang tao, isang balewalang tao, upang gawin ang gawain ng Kanyang Espiritu. Ang kakayahan, kabatiran, diwa, pagiging tao, at buhay ng bawat isa sa inyo ay nagpapakita na hindi talaga kayo karapat-dapat na tumanggap ng ganitong uri ng gawain ng Diyos. Hindi talaga kayo karapat-dapat na hayaang magtiis ang Diyos ng gayong hirap para sa inyong kapakanan. Ang Diyos ay napakadakila. Siya ay lubhang kataas-taasan, at ang mga tao ay napakaaba, ngunit gumagawa pa rin Siya sa kanila. Hindi lamang Siya nagkatawang-tao upang magtustos para sa mga tao, upang magsalita sa mga tao, kundi namumuhay pa Siyang kasama ng mga tao. Masyadong mapagkumbaba ang Diyos, masyadong kaibig-ibig. Kung ikaw, sa sandaling mabanggit ang pag-ibig ng Diyos, sa sandaling mabanggit ang biyaya ng Diyos, ay lumuluha habang bumibigkas ng malaking papuri, kung makarating ka sa kalagayang ito, mayroon kang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.
May paglihis sa paghahangad ng mga tao sa ngayon; hinahangad lamang nilang mahalin at bigyang-kasiyahan ang Diyos, ngunit wala silang anumang kaalaman tungkol sa Diyos, at napabayaan na ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu sa kanilang kalooban. Wala sa kanila ang pundasyon ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa ganitong paraan, nawawalan sila ng gana habang nagpapatuloy ang kanilang karanasan. Lahat ng naghahangad na magkaroon ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, bagama’t hindi maganda ang kalagayan nila noong nakaraan, at nahilig silang maging negatibo at mahina, at madalas lumuha, nanghina ang loob, at nawalan ng pag-asa—ngayon, habang nagtatamo ng iba pang karanasan, gumaganda ang kanilang mga kalagayan. Pagkatapos maranasang pakitunguhan at basagin, at matapos dumaan sa isang kabanata ng pagsubok at pagpipino, malaki ang naging pag-unlad nila. Nabawasan ang pagiging negatibo, at nagkaroon ng kaunting pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Habang sumasailalim sa iba pang mga pagsubok, unti-unting napapamahal sa puso nila ang Diyos. Mayroong isang patakaran sa pagpeperpekto ng Diyos sa mga tao, na kung saan nililiwanagan ka Niya sa pamamagitan ng paggamit ng isang kaibig-ibig na bahagi mo upang magkaroon ka ng landas ng pagsasagawa at maihiwalay mo ang sarili mo mula sa lahat ng negatibong kalagayan, na tumutulong mapalaya ang iyong espiritu, at ginagawa kang mas kayang mahalin Siya. Sa ganitong paraan, nagagawa mong iwaksi ang tiwaling disposisyon ni Satanas. Hindi ka maarte at bukas ka, handang kilalanin ang sarili mo at isagawa ang katotohanan. Tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, kaya kapag ikaw ay mahina at negatibo, nililiwanagan ka Niya nang doble, tinutulungan kang mas makilala ang sarili mo, maging mas handang magsisi para sa sarili mo, at mas maisagawa ang mga bagay na dapat mong isagawa. Sa ganitong paraan lamang magiging payapa at maginhawa ang iyong puso. Ang isang taong karaniwang nakatuon sa pagkilala sa Diyos, na nakatuon sa pagkilala sa kanyang sarili, na nakatuon sa kanyang sariling pagsasagawa, ay madalas na makatatanggap ng gawain ng Diyos, maging ng Kanyang patnubay at kaliwanagan. Kahit negatibo ang kalagayan ng taong iyon, nagagawa niyang baguhin kaagad ang mga bagay-bagay, tulak man iyon ng budhi o ng kaliwanagan mula sa salita ng Diyos. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay palaging natatamo kapag nalalaman niya ang kanyang sariling tunay na kalagayan at ang disposisyon at gawain ng Diyos. Ang isang taong handang kilalanin ang kanyang sarili at maging bukas ay makakayang isagawa ang katotohanan. Ang ganitong klaseng tao ay isang taong matapat sa Diyos, at ang isang taong matapat sa Diyos ay may pagkaunawa tungkol sa Diyos, malalim man o mababaw ang pagkaunawang ito, kakaunti o sagana. Ito ang katuwiran ng Diyos, at isang bagay ito na natatamo ng mga tao; sarili nilang pakinabang ito. Ang isang taong may kaalaman tungkol sa Diyos ay isa na may batayan, may pananaw. Ang ganitong klaseng tao ay nakatitiyak tungkol sa katawang-tao ng Diyos, at nakatitiyak tungkol sa salita at gawain ng Diyos. Paano man gumagawa o nagsasalita ang Diyos, o paano man nagsasanhi ng kaguluhan ang ibang mga tao, kaya niyang manindigan, at tumayong saksi para sa Diyos. Kapag lalong ganito ang isang tao, lalo niyang maisasagawa ang katotohanang kanyang nauunawaan. Dahil lagi niyang isinasagawa ang salita ng Diyos, lalo niyang nauunawaan ang Diyos, at matatag ang kanyang pasya na tumayong saksi para sa Diyos magpakailanman.
Ang makahiwatig, makapagpasakop, at magkaroon ng kakayahang maunawaan ang mga bagay-bagay upang ikaw ay maging masigasig sa espiritu ay nangangahulugan na nililiwanagan at pinaliliwanagan ng mga salita ng Diyos ang iyong kalooban sa sandaling may maranasan kang isang bagay. Ito ay pagiging masigasig sa espirituwal. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay para makatulong na muling buhayin ang espiritu ng mga tao. Bakit laging sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay manhid at mapurol ang utak? Dahil ang espiritu ng mga tao ay namatay na, at naging napakamanhid na nila kaya ganap silang walang malay sa mga bagay na espirituwal. Ang gawain ng Diyos ay para paunlarin ang buhay ng mga tao at tumulong na buhayin ang espiritu ng mga tao, para maunawaan nila ang mga bagay na espirituwal, at lagi nilang magawang mahalin ang Diyos sa kanilang puso at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang pagdating sa yugtong ito ay nagpapakita na ang espiritu ng isang tao ay binuhay nang muli, at sa susunod na may maranasan siyang isang bagay, makakaya niyang tumugon kaagad. Tumutugon siya sa mga sermon, at mabilis na tumutugon sa mga sitwasyon. Ito ang kahulugan ng pagtatamo ng masigasig na espiritu. Maraming taong mabilis tumugon sa nangyayari sa labas, ngunit kapag nabanggit na ang pagpasok sa realidad o mga detalyadong bagay na espirituwal, sila ay nagiging manhid at mapurol ang utak. Nauuunawaan lamang nila ang isang bagay kung nakatitig sila rito nang deretsahan. Lahat ng ito ay mga tanda ng pagiging espirituwal na manhid at mapurol ang utak, ng pagkakaroon ng kakaunting karanasan sa mga bagay na espirituwal. Ang ilang tao ay masigasig sa espirituwal at nakakahiwatig. Sa sandaling marinig nila ang mga salitang tumutukoy sa kanilang mga kalagayan, hindi sila nag-aaksaya ng oras sa pagtatala ng mga ito. Kapag narinig nila ang mga salita tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa, nagagawa nilang tanggapin at iangkop ang mga iyon sa susunod nilang karanasan, sa gayo’y binabago nila ang kanilang sarili. Ito ay isang taong masigasig sa espirituwal. Bakit nagagawa nilang tumugon nang napakabilis? Dahil nakatuon sila sa mga bagay na ito sa pang-araw-araw na buhay. Kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, nagagawa nilang tingnan ang sarili nilang kalagayan kumpara sa mga ito at magmuni-muni sa kanilang sarili. Kapag naririnig nila ang pagbabahagi at mga sermon at ang mga salitang naghahatid sa kanila ng kaliwanagan at paglilinaw, nagagawa nilang tanggapin kaagad ang mga ito. Katulad ito ng pagbibigay ng pagkain sa isang taong gutom; nagagawa nilang kumain kaagad. Kung magbibigay ka ng pagkain sa isang taong hindi gutom, hindi sila ganoon kabilis tumugon. Madalas kang nagdarasal sa Diyos, at pagkatapos ay nagagawa mong tumugon kaagad kapag nakaranas ka ng isang bagay: kung ano ang ipinagagawa ng Diyos sa bagay na ito, at kung paano ka dapat kumilos. Ginabayan ka ng Diyos sa bagay na ito noong huli; kapag naranasan mo ulit ang ganitong klaseng bagay ngayon, natural lang na malalaman mo kung paano magsagawa sa paraang nakasisiya sa puso ng Diyos. Kung lagi kang magsasagawa sa ganitong paraan at lagi kang makakaranas sa ganitong paraan, darating ang oras na magiging madali na ito sa iyo. Kapag nagbabasa ka ng salita ng Diyos, alam mo kung anong uri ng tao ang tinutukoy ng Diyos, alam mo kung anong uri ng mga kundisyon ng espiritu ang Kanyang sinasabi, at nagagawa mong maunawaan ang mahalagang punto at isagawa ito; ipinakikita nito na nagagawa mong makaranas. Bakit nagkukulang ang ilang tao sa bagay na ito? Dahil hindi sila gaanong nagsisikap sa aspeto ng pagsasagawa. Bagama’t handa silang isagawa ang katotohanan, wala silang tunay na kabatiran sa mga detalye ng paglilingkod, sa mga detalye ng katotohanan sa kanilang buhay. Nalilito sila kapag may nangyayari. Sa ganitong paraan, maaari kang mailigaw kapag dumating ang isang bulaang propeta o isang bulaang apostol. Kailangan mong dalasan ang pagbabahagi tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos—sa ganitong paraan mo lamang magagawang unawain ang katotohanan at makahiwatig. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi ka makakahiwatig. Halimbawa, kung ano ang sinasabi ng Diyos, kung paano gumagawa ang Diyos, kung ano ang Kanyang mga hinihiling sa mga tao, kung anong uri ng mga tao ang dapat mong makasalamuha, at kung anong uri ng mga tao ang dapat mong layuan—kailangan mong dalasan ang pagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito. Kung lagi mong nararanasan ang salita ng Diyos sa ganitong paraan, mauunawaan mo ang katotohanan at lubos mong mauunawaan ang maraming bagay, at magkakaroon ka rin ng pagkahiwatig. Ano ang pagdidisiplina ng Banal na Espiritu, ano ang paninising nagmumula sa kalooban ng tao, ano ang patnubay mula sa Banal na Espiritu, ano ang pagsasaayos ng isang kapaligiran, ano ang nililiwanagan ng mga salita ng Diyos sa kalooban? Kung hindi malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, hindi ka makakahiwatig. Dapat mong malaman kung ano ang nagmumula sa Banal na Espiritu, ano ang mapanghimagsik na disposisyon, paano sundin ang salita ng Diyos, at paano iwaksi ang sarili mong pagkasuwail; kung may pagkaunawa kang bunga ng pagdanas ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng pundasyon; kapag may nangyari, magkakaroon ka ng angkop na katotohanan na maikukumpara dito at ng angkop na mga pananaw bilang pundasyon. Magkakaroon ka ng mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa mo, at magagawa mong kumilos ayon sa katotohanan. Sa gayon ay mapupuspos ng kaliwanagan ng Diyos, ng mga pagpapala ng Diyos, ang iyong buhay. Magiging makatarungan ang pagtrato ng Diyos sa sinumang tao na tapat na naghahanap sa Kanya, o isinasabuhay Siya at nagpapatotoo para sa Kanya, at hindi Niya isusumpa ang sinumang tao na tapat na nauuhaw sa katotohanan. Kung, habang ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nakakatuon ka sa pag-alam sa iyong sariling tunay na kalagayan, sa iyong sariling pagsasagawa, at sa iyong sariling pagkaunawa, kapag nagkaroon ka ng problema, tatanggap ka ng kaliwanagan at magtatamo ng praktikal na pagkaunawa. Sa gayon ay magkakaroon ka ng isang landas ng pagsasagawa at pagkahiwatig sa lahat ng bagay. Ang isang taong nagtataglay ng katotohanan ay malamang na hindi malinlang, malamang na hindi manggulo o magmalabis. Dahil sa katotohanan, siya ay protektado, at dahil din sa katotohanan, nagtatamo siya ng mas maraming pagkaunawa. Dahil sa katotohanan, mas marami siyang landas ng pagsasagawa, mas maraming pagkakataong gawaan ng Banal na Espiritu, at mas maraming pagkakataong maperpekto.