· 

Mga pagbigkas ng Makapangyarihang Diyos|Yaon Lamang mga Nakakakilala sa Diyos at Nakakaalam sa Kanyang Gawain ang Makakapagbigay-kasiyahan sa Diyos

 Mga pagbigkas ng Makapangyarihang Diyos|Yaon Lamang mga Nakakakilala sa Diyos at Nakakaalam sa Kanyang Gawain ang Makakapagbigay-kasiyahan sa Diyos

 

Ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay may dalawang bahagi. Nang una Siyang naging tao, hindi Siya pinaniwalaan ni kinilala ng mga tao, anupa’t ipinako si Jesus sa krus. Sa pangalawang pagkakataon, gayon din, hindi naniwala sa Kanya ang mga tao, lalo pa ang kilalanin Siya, at minsan pang ipinako si Cristo sa krus. Hindi ba’t ang tao ay kaaway ng Diyos? Kung hindi Siya kilala ng tao, paano ang tao magiging malapit sa Diyos? At paano siya nagkaroon ng kakayahang magpatotoo sa Diyos? Hindi ba’t ang mga pagsasabi ng pagmamahal sa Diyos, paglilingkod sa Diyos, pagluwalhati sa Diyos ay lahat mapanlinlang na kasinungalingan? Kung itutuon mo ang iyong buhay sa mga di-makatotohanan at di-praktikal na mga bagay na ito, hindi ba gumagawa ka nang walang kabuluhan? Paano ka magiging malapit sa Diyos kung hindi mo man lamang nakikilala kung sino ang Diyos? Hindi ba ang gayong layunin ay malabo at mahirap maunawaan? Hindi ba ito mapanlinlang? Paano ba maaaring maging malapit sa Diyos ang isang tao? Ano ba ang praktikal na kabuluhan ng pagiging malapit sa Diyos? Maaari ka bang maging malapit sa Espiritu ng Diyos? Makikita mo ba kung gaano kadakila at kabunyi ang Espiritu? Ang maging malapit sa di-nakikita at di-nahahawakang Diyos—hindi ba iyon malabo at mahirap maunawaan? Ano ang praktikal na kabuluhan ng gayong layunin? Hindi ba ang lahat ng ito ay mga mapanlinlang na kasinungalingan? Ang layunin mo ay maging malapit sa Diyos, gayong sa totoo lamang ikaw ay masunuring aso ni Satanas, dahil hindi mo kilala ang Diyos, at hinahangad ang di-umiiral na “Diyos ng lahat ng bagay,” na di-nakikita, di-nahahawakan, at mula sa iyong sariling mga pagkaintindi. Sa malabong pananalita, ang gayong “Diyos” ay si Satanas, at sa praktikal na pananalita, ito ay ikaw mismo. Hinahangad mo ang maging malapit sa iyong sarili nguni’t sinasabi pa rin na nilalayon mo ang maging malapit sa Diyos—hindi ba iyon isang paglapastangan? Ano ang halaga ng gayong paghahabol? Kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi nagiging tao, ang diwa ng Diyos ay isa lamang di-nakikita at di-nahahawakang Espiritu ng buhay, walang anyo at walang hugis, mula sa uring di-materyal, di-nalalapitan at di-naaabot ng tao. Paano magiging malapit sa tao ang isang walang-katawan, kamangha-mangha, at di-maarok na Espiritu na gaya nito? Hindi ba ito isang biro? Ang gayong katawa-tawang pangangatuwiran ay hindi-tama at hindi-praktikal. Ang nilikhang tao ay mula sa isang likas na uri na iba sa Espiritu ng Diyos, kaya paano magiging magkalapit ang dalawa? Kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi naging tunay sa katawang-tao, kung ang Diyos ay hindi naging tao at hindi ibinaba ang sarili sa pamamagitan ng pagiging isang nilalang, kung gayon ang taong nilalang ay kapwa walang kakayahan at hindi magiging malapit sa Kanya, at maliban sa mga mananampalatayang makadiyos na maaaring magkaroon ng pagkakataong maging mga malapit sa Diyos matapos nakapasok na ang kanilang mga kaluluwa sa langit, hindi makakaya ng karamihan sa mga tao ang maging malapit sa Espiritu ng Diyos. At kung nais ng tao na maging malapit sa Diyos sa langit sa ilalim ng gabay ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba siya isang kagila-gilalas na hangal na di-tao? Ang tao ay naghahabol lamang ng “katapatan” sa isang di-nakikitang Diyos, at hindi nagtutuon ni katiting na pansin sa makikitang Diyos, sapagka’t napakadaling maghangad sa isang di-nakikitang Diyos—maaari itong gawin ng tao ayon sa gusto niya. Nguni’t ang paghahangad sa nakikitang Diyos ay hindi napakadali. Ang tao na naghahanap sa isang malabong Diyos ay walang-pasubaling hindi kayang matamo ang Diyos, sapagka’t ang mga bagay na malabo at walang-anyô ay naguguni-guni lamang ng lahat ng tao, at hindi kayang matamo ng tao. Kung ang Diyos na pumarito sa gitna ninyo ay isang mataas at mabunying Diyos na hindi ninyo maabot, paano ninyo hahanapin ang Kanyang kalooban? At paano ninyo Siya makikilala at mauunawaan? Kung ginawa lamang Niya ang Kanyang gawain, at hindi nagkaroon ng karaniwang ugnayan sa tao, o walang taglay na normal na pagkatao at hindi malapitan ng mga mortal lamang, kung gayon, kahit na marami Siyang ginawa para sa inyo nguni’t wala kayong pakikipag-ugnayan sa Kanya, at hindi Siya nakita, paano kaya ninyo Siya makikilala? Kung hindi dahil sa katawang-taong ito na taglay ang normal na pagkatao, walang magiging paraan ang tao para makilala ang Diyos; dahil lamang sa pagkakatawang-tao ng Diyos kaya ang tao ay karapat-dapat maging malapit sa Diyos na ito sa katawang-tao. Ang tao ay nagiging malapit sa Diyos dahil nakikipag-ugnayan ang tao sa Kanya, sapagka’t ang tao ay nabubuhay kasama Siya at nananatiling Siya ay kasama, kaya’t unti-unting nakikilala Siya. Kung hindi ito ganoon, hindi ba ang paghahangad ng tao ay mawawalan ng kabuluhan? Ibig sabihin, hindi lamang dahil sa gawain ng Diyos na nakakaya ng tao na maging malapit sa Diyos, kundi dahil sa pagkatotoo at pagka-karaniwan ng Diyos na nagkatawang-tao. Dahil lamang sa ang Diyos ay nagiging tao kaya ang tao ay mayroong pagkakataon upang gampanan ang kanyang tungkulin, at pagkakataon upang sambahin ang tunay na Diyos. Hindi ba ito ang pinakatunay at praktikal na katotohanan? Ngayon, nais mo pa rin bang maging malapit sa Diyos sa langit? Tanging kapag nagpakababa ang Diyos Mismo hanggang sa isang punto, na ibig sabihin, tanging kapag ang Diyos ay nagiging tao, na ang tao ay maaaring maging malapit sa Kanya at pinagkakatiwalaan Niya. Ang Diyos ay Espiritu: Paano magiging karapat-dapat ang tao na maging malapit sa Espiritung ito, na napakataas at di-maarok? Tanging kapag bumaba ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, at nagiging isang nilalang na may parehong panlabas na anyo ng tao, na maaaring maunawaan ng tao ang Kanyang kalooban at talagang matamo Niya. Siya ay nagsasalita at kumikilos sa katawang-tao, nakikibahagi sa mga kaligayahan, kalungkutan at kapighatian ng tao, naninirahan sa parehong mundo ng tao, iniingatan ang tao, ginagabayan siya, at sa pamamagitan nito nililinis Niya ang tao, at hinahayaang matamo ng tao ang Kanyang pagliligtas at Kanyang pagpapala. Matapos matamo ang mga bagay na ito, tunay na nauunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos, at saka lamang maaari siyang maging malapit sa Diyos. Ito lamang ang praktikal. Kung ang Diyos ay di-nakikita at di-nahahawakan ng tao, paano magiging malapit ang tao sa Kanya? Hindi ba ito isang doktrinang walang doktrina?

 

Sa kanilang paniniwala sa Diyos ngayon, maraming tao pa rin ang naghahangad doon sa malabo at walang-anyô. Wala silang pagkaunawa sa pagkatotoo ng gawain ng Diyos sa ngayon, at patuloy pang namumuhay sa gitna ng mga am titik at doktrina. Bukod dito, karamihan ay hindi pa nakakapasok tungo sa pagkatotoo ng mga bagong pariralang tulad ng ang “bagong henerasyon ng mga nagmamahal sa Diyos”, ang “malapit sa Diyos”, ang “halimbawa at huwaran sa pag-ibig ng Diyos”, ang “pamamaraan ni Pedro”; sa halip, ang kanilang layunin ay nananatiling malabo at mahirap maunawaan, anupa’t sila ay nangangapa sa doktrina, at wala silang pagkaunawa sa pagkatotoo ng mga salitang ito. Kapag ang Espiritu ng Diyos ay nagiging tao, maaari mong makita at mahawakan ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Nguni’t kung hindi mo pa rin kayang maging malapit sa Kanya, kung hindi mo pa rin kayang maging Kanyang pinagkakatiwalaan, paano ka pagkakatiwalaan ng Espiritu ng Diyos? Kung hindi mo kilala ang Diyos ng ngayon, paano ka magiging isa sa bagong henerasyon ng mga nagmamahal sa Diyos? Hindi ba walang-katuturang mga titik at doktrina ang mga ito? Kaya mo bang makita ang Espiritu at maunawaan ang Kanyang kalooban? Hindi ba mga salitang walang-katuturan ang mga ito? Hindi sapat na basta mo lamang sabihin ang ganitong mga parirala at mga salita, ni hindi mo maaaring makamit ang pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa iyong sariling kapasyahan lamang. Nasisiyahan ka sa pagsasalita lamang ng mga salitang ito, at ginagawa mo ito para bigyang-kasiyahan ang iyong sariling mga pagnanasa, bigyang-kasiyahan ang iyong sariling di-makatotohanang mga iniisip, at bigyang-kasiyahan ang iyong sariling mga pagkaintindi at pag-iisip. Kung hindi mo kilala ang Diyos ng ngayon, kahit ano ang gawin mo, hindi mo makakayang bigyang-kasiyahan ang ninanasa ng puso ng Diyos. Ano ba ang kahulugan ng pinagkakatiwalaan ng Diyos? Hindi mo pa rin ba ito nauunawaan? Dahil ang malapit ang Diyos sa tao, kaya ang Diyos ay tao rin, ibig sabihin, ang Diyos ay nagkatawang-tao, ay naging tao. Tanging yaong mga magkatulad na uri ang maaaring magtawagang pinagkakatiwalaan ang isa’t-isa, sa gayon lamang sila maituturing na magkalapit. Kung ang Diyos ay Espiritu, paano Siya magiging malapit sa nilikhang tao?

 

Ang iyong paniniwala sa Diyos, ang iyong paghahangad sa katotohanan, at maging ang pagdadala mo sa iyong sarili ay dapat na nakabatay lahat sa katotohanan: Lahat ng iyong mga ginagawa ay dapat na maging praktikal, at hindi ka dapat maghangad sa gayong mga bagay na hindi-makatotohanan, kathang-isip lamang. Walang halaga ang pag-aasal nang ganito, at higit pa rito, walang kabuluhan sa gayong buhay. Dahil ang iyong paghahangad at buhay ay ginugugol sa gitna ng kasinungalingan at panlilinlang lamang, at hindi ka naghahangad sa mga bagay na may halaga at kabuluhan, ang tanging nakakamit mo ay nakakatawang pangangatuwiran at doktrinang walang katotohanan. Ang gayong mga bagay ay walang kaugnayan sa kabuluhan at halaga ng iyong pag-iral, at maaari lamang magdala sa iyo sa hungkag na kinasasaklawan. Sa ganitong paraan, ang iyong buong buhay ay mawawalan ng anumang halaga o kabuluhan—at kung hindi ka naghahangad sa isang buhay na may kabuluhan, maaari kang mabuhay nang isang daang taon at lahat ng ito ay kawalan. Paano iyon matatawag na buhay ng tao? Hindi ba iyon buhay ng isang hayop? Sa katulad na paraan, kung sinusubukan ninyong sundan ang landas ng paniniwala sa Diyos, nguni’t hindi nagtatangkang hangarin ang Diyos na makikita, sa halip ay sumasamba sa isang di-nakikita at di-nahahawakang Diyos, kung gayon hindi ba ang gayong paghahangad ay lalo pang walang-saysay? Sa katapusan, ang iyong paghahangad ay magiging bunton ng mga guhò. Anong pakinabang ng gayong paghahangad para sa iyo? Ang pinakamalaking suliranin ng tao ay minamahal lamang niya ang mga bagay na hindi niya makikita o mahahawakan, mga bagay na labis na mahiwaga at kamangha-mangha at hindi lubos na mawari ng tao at hindi kayang maabot ng mga mortal lamang. Mas hindi makatotohanan ang mga bagay na ito, mas pinag-aaralan pa ito ng mga tao, anupa’t hinahangad pa ang mga iyon kaysa sa anupaman, at tinatangkang makamit ang mga iyon. Habang mas hindi makatotohanan ang mga iyon, mas malapitang sinisiyasat at pinag-aaralan ng tao ang mga iyon, gumagawa pa nga ng mga sarili niyang mga malawakang ideya tungkol dito. Sa kabilang banda, habang mas makatotohanan ang mga bagay-bagay, mas ipinagwawalang-bahala ang mga iyon ng tao, minamaliit lang niya ang mga ito at higit pa ay nilalait ang mga ito. Hindi ba ito mismo ang pag-uugali ninyo sa makatotohanang gawaing ginagawa Ko ngayon? Habang mas makatotohanan ang gayong mga bagay, mas kumikiling kayo laban sa mga iyon. Hindi kayo nagbibigay ng panahon para suriin ang mga iyon, sa halip hindi ninyo pinapansin iyon; minamaliit ninyo ang ganitong makatotohanan at tahasang mga kinakailangan, at nagkukupkop pa ng napakaraming pagkaintindi tungkol sa Diyos na ito na totoong-totoo, at wala lamang kakayahang tanggapin ang Kanyang pagkatotoo at pagka-karaniwan. Sa ganitong paraan, hindi ba kayo naniniwala sa gitna ng kalabuan? Mayroon kayong di-natitinag na paniniwala sa malabong Diyos ng nakalipas na panahon, at walang paghahangad sa tunay na Diyos ng ngayon. Hindi ba ito dahil sa ang Diyos ng kahapon at ang Diyos ng ngayon ay mula sa dalawang magkaibang panahon? Hindi ba ito dahil din sa ang Diyos ng kahapon ay ang mabunying Diyos ng kalangitan, samantalang ang Diyos ng ngayon ay isa lamang maliit na tao sa lupa? Karagdagan pa, hindi ba ito dahil sa ang Diyos na sinamba ng tao ay isang kinatha ng kanyang mga pagkaintindi, samantalang ang Diyos ng ngayon ay totoong katawang-tao na iniluwal sa lupa? Pagkatapos na masabi at magawa ang lahat, hindi ba ito dahil sa ang Diyos ng ngayon ay totoong-totoo kaya’t hindi Siya sinusunod ng mga tao? Sapagka’t kung ano ang hinihingi ng Diyos ng ngayon sa tao ay yaong talagang pinakaaayaw niyang gawin, at yaong nakakapagparamdam sa kanya ng kahihiyan. Hindi ba ginagawa lamang nitong mahirap ang mga bagay-bagay para sa tao? Hindi ba nito inilalantad ang kanyang mga peklat? Sa ganitong paraan, marami sa mga hindi naghahangad sa realidad ay nagiging mga kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao, nagiging mga anticristo. Hindi ba ito isang maliwanag na katunayan? Sa nakalipas, noong hindi pa nagiging tao ang Diyos, maaaring ikaw ay naging isang relihiyosong personalidad o isang debotong mananampalataya. Pagkatapos na ang Diyos ay naging tao, marami sa gayong mga debotong mananampalataya ay hindi namamalayang naging anticristo. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi ka nagtutuon ng pansin sa realidad o naghahangad sa katotohanan, bagkus ay nahuhumaling sa mga kabulaanan—hindi ba ito ang pinakamalinaw na pinagmumulan ng iyong alitan sa Diyos na nagkatawang-tao? Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, kaya hindi ba ang lahat ng hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay anticristo? At talaga bang ang pinaniniwalaan at minamahal mo nang tunay ay ang Diyos na nagkatawang-tao? Ito ba ay ang talagang buhay, humihingang Diyos, na pinaka-totoo at bukod-tanging karaniwan? Ano ba talaga ang layunin ng iyong paghahangad? Ito ba ay nasa langit o nasa lupa? Ito ba ay isang pagkaintindi o ito ang katotohanan? Ito ba ay ang Diyos o isang higit-sa-natural na nilalang? Sa katunayan, ang katotohanan ay ang pinaka-tunay na talinghaga ng buhay, at ang pinakamataas sa gayong mga talinghaga sa buong sangkatauhan. Dahil hinihiling ito ng Diyos sa tao, at ito ang gawaing personal na ginawa ng Diyos, tinatawag itong talinghaga ng buhay. Hindi ito isang talinghagang binuo mula sa isang bagay, ni isang bantog na kasabihan mula sa isang dakilang personalidad; sa halip, ito ang pagbigkas sa sangkatauhan mula sa Panginoon ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay, at hindi ito ilang salita na binuo lamang ng tao, kundi ang likas na buhay ng Diyos. Kaya nga ito ang tinatawag na pinakamataas sa lahat ng talinghaga ng buhay. Ang paghahangad ng tao na isagawa ang katotohanan ay ang pagganap ng kanyang tungkulin, ibig sabihin, ang paghahangad na tugunan ang kinakailangan ng Diyos. Ang diwa ng kinakailangang ito ay ang pinakatunay sa lahat ng katotohanan, sa halip na doktrinang walang-katuturan na walang sinuman ang kayang magkamit. Kung ang iyong paghahangad ay walang iba kundi doktrina at walang nilalamang realidad, hindi ka ba naghihimagsik laban sa katotohanan? Hindi ka ba isang tao na kumakalaban sa katotohanan? Paanong ang gayong tao ay makapaghahangad na ibigin ang Diyos? Ang mga taong walang realidad ay yaong mga nagkakanulo sa katotohanan, at likas lahat na mapanghimagsik!

 

Kung paano ka man naghahangad, higit sa lahat, dapat mong maunawaan ang gawain na ginagawa ng Diyos ngayon, at dapat malaman ang kahalagahan ng gawaing ito. Dapat mong maunawaan at malaman kung anong gawain ang hatid ng Diyos kapag Siya ay dumarating sa mga huling araw, kung ano ang disposisyon na inihahatid Niya, at kung ano ang gagawing ganap sa tao. Kung hindi mo alam o nauunawaan ang gawain na Kanyang gagawin bilang katawang-tao, kung gayon paano mo mahahanap ang Kanyang kalooban, at paano ka magiging malapit sa Kanya? Sa katunayan, ang pagigingmalapit sa Diyos ay hindi naman kumplikado, at hindi rin naman payak. Kung kayang makaramdam ng tao, kaya niyang magsakatuparan, kaya’t hindi ito kumplikado; kung hindi kayang makaramdam ng tao, ito ay higit na mas mahirap, at higit pa rito, ang mga tao ay mas madaling masubsob sa paghahangad sa kalagitnaan ng kalabuan. Kung, sa paghahangad sa Diyos, ang tao ay walang sariling paninindigan, at hindi alam kung anong katotohanan ang dapat niyang panghawakan, nangangahulugan ito na wala siyang saligan, kaya’t hindi madali para sa kanya ang matatag na manindigan. Sa ngayon, napakarami ang hindi nakakaunawa sa katotohanan, ang hindi makakakilala sa pagitan ng mabuti at masámâ o makapagsabi kung ano ang iibigin o kamumuhian. Ang gayong mga tao ay bahagya ng makakapanindigan . Ang susi sa paniniwala sa Diyos ay ang nakakayang isagawa ang katotohanan, pangalagaan ang kalooban ng Diyos, alamin ang gawain ng Diyos sa tao kapag Siya ay dumarating sa katawang-tao at ang mga prinsipyo kung saan Siya nagsasalita; hindi sumusunod sa karamihan, anupa’t dapat magkaroon ka ng mga sariling prinsipyo sa kung ano ang dapat mong pasukin, at dapat panghawakan ang mga iyon. Ang paghawak nang mahigpit sa mga bagay na yaon sa loob mo na niliwanagan ng Diyos ay nakatutulong sa iyo. Kung hindi, ngayon ay babaling ka sa isang daan, bukas babaling ka sa iba, at wala kang makakamit kailanman na anumang totoo. Ang pagiging ganito ay walang pakinabang sa iyong sariling buhay. Yaong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay palaging sumusunod sa iba: Kung sinasabi ng mga tao na ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, sasabihin mo na rin na ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu; kung sinasabi ng mga tao na ito ay ang gawain ng masamang espiritu, mag-aalinlangan ka na rin o sasabihin mo rin na ito ay ang gawain ng masamang espiritu. Lagi mong ginagaya ang mga sinasabi ng iba, at hindi mo kayang kumilala ng kahit ano sa iyong sarili, ni hindi mo kayang mag-isip para sa iyong sarili. Ito ay isang tao na walang pinaninindigan, na hindi kayang kilalanin ang pagkakaiba—ang gayong tao ay walang-saysay na sawing-palad! Palagi mong inuulit ang mga sinasabi ng iba: Ngayon ay sinasabi na ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, nguni’t maaaring balang-araw ay may magsasabi na hindi ito gawain ng Banal na Espiritu, at walang-iba kundi mga gawa ng tao—nguni’t hindi mo ito makikita, at kapag nasaksihan mong sinabi ito ng iba, sinasabi mo ang kaparehong bagay. Ito ay talagang gawain ng Banal na Espiritu, nguni’t sinasabi mo na gawain ito ng tao; hindi ka ba naging isa sa mga lumalapastangan sa gawain ng Banal na Espiritu? Dito, hindi ka ba sumalungat na sa Diyos dahil hindi mo kayang alamin ang pagkakaiba? Hindi natin alam, baka isang araw may isang hangal ang lilitaw na magsasabing “ito ay gawain ng masamang espiritu”, at kapag narinig mo ang mga salitang ito maguguluhan ka, at muli ay natali sa mga sinasabi ng iba. Sa tuwing may nanggagambala hindi mo kayang manindigan, at lahat ng ito ay dahil hindi mo taglay ang katotohanan. Ang paniniwala sa Diyos at paghahangad na makilala ang Diyos ay hindi isang madaling bagay. Hindi ito makakamit sa basta pagsasama-sama at pakikinig sa pangangaral, at hindi ka maaaring magawang perpekto sa pamamagitan ng damdamin lamang. Dapat mong maranasan, at malaman, at magkaroon ng prinsipyo sa iyong mga pagkilos, at makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag napasailalim ka na sa mga karanasan, makakaya mong kilalanin ang maraming bagay—malalaman mo ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masámâ, sa pagitan ng pagkamatuwid at kasamaan, sa pagitan ng kung ano ang sa laman at dugo at kung ano ang sa katotohanan. Dapat makilala mo ang pagkakaiba sa pagitan ng lahat ng bagay na ito, at sa paggawa nito, anuman ang mangyari, hindi ka kailanman malilito. Ito lamang ang iyong totoong katayuan.

 

Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ay hindi isang simpleng bagay. Dapat mayroon kang mga pamantayan at layunin sa iyong paghahangad, dapat mong malaman kung paano hanapin ang tunay na daan, at kung paano sukatin kung ito ba ay ang tunay na daan o hindi, at kung ito ba ay gawain ng Diyos o hindi. Ano ang pinaka-pangunahing prinsipyo sa paghahanap sa tunay na daan? Kailangan mong tingnan kung naroon ang gawain ng Banal na Espiritu o wala, sa ganitong paraan, kung ang mga salitang ito ay pagpapahayag ng katotohanan o hindi, sino ang pinatototohanan, at kung ano ang maidudulot nito sa iyo. Ang pag-alam ng pagkakaiba sa pagitan ng tunay na daan at maling daan ay nangangailangan ng maraming aspeto ng pangunahing kaalaman, kung saan ang pinakasaligan ay ang pagsasabi kung naroon ang gawain ng Banal na Espiritu o wala. Sapagka’t ang sangkap ng paniniwala ng tao sa Diyos ay ang paniniwala sa Espiritu ng Diyos, at kahit ang paniniwala niya sa Diyos na nagkatawang-tao ay dahil sa ang katawang-tao na ito ay ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos, na nangangahulugan na ang gayong paniniwala ay paniniwala pa rin sa Espiritu. May mga pagkakaiba sa pagitan ng Espiritu at ng katawang-tao, nguni’t dahil ang katawang-tao na ito ay nagmumula sa Espiritu, at ang Salita na naging tao, sa gayon ang pinaniniwalaan ng tao ay ang likas na diwa pa rin ng Diyos. Kaya’t, sa pagkilala kung ito ay tunay na daan o hindi, higit sa lahat dapat mong tingnan kung naroon ang gawain ng Banal na Espiritu o wala, kung saan pagkatapos nito ay dapat mong tingnan kung naroon ang katotohanan sa daang ito o wala. Ang katotohanang ito ay ang disposisyon sa buhay ng normal na pagkatao, na ang ibig sabihin, yaong hiniling sa tao nang lalangin siya ng Diyos sa pasimula, ang sumusunod, ang buong normal na pagkatao (kasama ang katinuan ng tao, panloob-na-pananaw, karunungan, at ang pangunahing kaalaman ng pagiging tao). Ibig sabihin, kailangan mong tingnan kung madadala ba ng daang ito ang tao sa buhay ng normal na pagkatao o hindi, kung ang katotohanan na sinasalita ay kailangan ayon sa realidad ng normal na pagkatao o hindi, kung ang katotohanang ito ay praktikal at tunay o hindi, at kung ito ay talagang pinaka-napapanahon o hindi. Kung mayroong katotohanan, makakaya nitong dalhin ang tao sa normal at tunay na mga karanasan; higit pa rito, ang tao ay nagiging lalong higit na normal, ang katinuan ng tao ay lubos na nagiging ganap, ang buhay ng tao sa laman at ang espirituwal na buhay ay nagiging lalong higit na maayos, at ang emosyon ng tao ay nagiging lalong higit na normal. Ito ang ikalawang prinsipyo. Mayroong isa pang prinsipyo, na kung nadaragdagan ba ang pagkakilala ng tao sa Diyos o hindi, kung ang pagdanas ng ganoong gawain at katotohanan ay may kakayahang pumukaw ng pag-ibig sa loob niya para sa Diyos, at madala siya upang maging mas malápít sa Diyos o hindi. Sa ganito masusukat kung ito ang tunay na daan o hindi. Ang pinakasaligan ay kung ang daang ito ay makatotohanan sa halip na higit-sa-karaniwan, at kung ito ay nakapagkakaloob ng buhay ng tao o hindi. Kung ito ay kaayon sa mga prinsipyong ito, maaaring mabuo ang konklusyon na ang daang ito ang tunay na daan. Sinasabi Ko ang mga salitang ito hindi upang tanggapin ninyo ang ibang daan sa inyong mga karanasan sa hinaharap, ni bilang isang paghula na magkakaroon ng gawain ng isa pang bagong kapanahunan sa hinaharap. Sinasabi Ko ang mga iyon upang matiyak ninyo na ang daan ng ngayon ay ang tunay na daan, upang hindi kayo mag-aalinlangan sa inyong paniniwala tungo sa gawain ng ngayon at hindi makayang makamit ang panloob-na-pananaw tungo rito. Maraming iba pa, na sa kabila ng pagiging tiyak, ay sumusunod pa rin nang may kalituhan; ang gayong katiyakan ay walang kaakibat na prinsipyo, at dapat silang maalis malaon man o madali. Kahit na ang mga talagang masigasig sa kanilang pagsunod ay tatlong bahaging sigurado at limang bahaging di-sigurado, na nagpapakitang wala silang saligan. Dahil ang inyong kakayahan ay napakahina at ang inyong saligan ay napakababaw, wala kayong pagkaunawa sa pagkakaiba. Hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi Siya gumagawa ng gawaing hindi-makatotohanan, hindi Siya nag-aatas ng labis-labis sa tao, at hindi Siya gumagawa ng higit sa katinuan ng tao. Ang lahat ng Kanyang ginagawa ay napapaloob lamang sa hangganan ng normal na katinuan ng tao, at hindi lumalampas sa katinuan ng normal na pagkatao, at ang Kanyang gawain ay naaayon sa mga karaniwang iniatas sa tao. Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ang tao ay nagiging lalong higit na normal, at ang kanyang pagkatao ay nagiging lalong higit na normal. Ang tao ay may dumaraming kaalaman sa kanyang satanikong tiwaling disposisyon, at ng kakanyahan ng tao, at mayroon siyang higit na pananabik sa katotohanan. Na ang ibig sabihin, ang buhay ng tao ay lumalago nang lumalago, at ang tiwaling disposisyon ng tao ay nakakayanan ang parami nang paraming mga pagbabago—kung saan ang lahat ng ito ay ang kahulugan ng ang Diyos ay nagiging ang buhay ng tao. Kung ang isang daan ay walang kakayahang ibunyag ang gayong mga bagay na siyang kakanyahan ng tao, walang kakayahang baguhin ang disposisyon ng tao, at higit pa rito, walang kakayahang dalhin siya sa harap ng Diyos o bigyan siya ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at nagsasanhi pa sa kanyang pagkatao na maging lalo pang mas mababa at ang kanyang katinuan ay mas nagiging hindi normal, kung gayon ang daang ito ay hindi ang tunay na daan, at maaaring ito ay gawain ng masamang espiritu, o ang lumang daan. Sa madaling sabi, hindi ito ang maaaring gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan. Naniwala na kayo sa Diyos sa kabuuan ng mga taóng ito, nguni’t wala kayong nahihiwatigan sa mga prinsipyo para sa pagkilala sa pagkakaiba ng tunay na daan at maling daan o sa paghahanap sa tunay na daan. Ang karamihan sa mga tao ay hindi man lamang interesado sa ganitong mga bagay; sila lamang ay sumusunod kung saan pumupunta ang karamihan, at inuulit ang sinasabi ng nakararami. Paanong ito ay isang tao na humahanap sa tunay na daan? At paanong ang gayong mga tao ay makakasumpong sa tunay na daan? Kung panghahawakan mo ang maraming pangunahing prinsipyong ito, anuman ang mangyari ay hindi ka madadaya. Sa ngayon, lubhang mahalaga na makaya ng taong malaman ang mga pagkakaiba; ito ang dapat na maangkin ng normal na pagkatao, at kung ano ang dapat maangkin ng tao sa kanyang karanasan. Kung, kahit ngayon, ay wala pa ring napapagkaiba ang tao sa kanyang pagsunod, at ang kanyang pantaong katinuan ay hindi pa rin nakálágô, kung gayon ang tao ay napakahangal, at ang kanyang paghahangad ay mali at nakalihis. Walang kahit katiting na pagkakaiba sa iyong paghahangad ngayon, at samantalang ito ay totoo, gaya ng iyong sinasabi, natagpuan mo na ang tunay na daan, nakamit mo na ba iyon? May nasábi ka na bang pagkakaiba ng anuman? Ano ang sangkap ng tunay na daan? Sa tunay na daan, hindi mo nakamit ang tunay na daan, wala kang nakamit na anuman ng katotohanan, na ang ibig sabihin, hindi mo nakamit yaong kinakailangan sa iyo ng Diyos, kaya’t wala pa ring pagbabago sa iyong katiwalian. Kung ipagpapatuloy mo ang paghahangad sa ganitong paraan, ikaw ay tiyak na maaalis. Dahil nakásúnód ka na magpahanggang ngayon, dapat mong matiyak na ang natahak mo nang daan ay ang tamang daan, at wala nang higit pang mga pag-aalinlangan. Maraming tao ang laging nag-aalinlangan at humihinto sa paghahangad sa katotohanan dahil sa ilang maliliit na bagay. Ang gayong mga tao ay yaong walang kaalaman sa gawain ng Diyos, sila ay yaong mga sumusunod sa Diyos nang walang katiyakan. Ang mga tao na hindi nakakaalam ng gawain ng Diyos ay walang kakayahang maging mga malapit sa Kanya, o magbigay-patotoo sa Kanya. Pinapayuhan Ko ang mga naghahanap lamang ng pagpapala at naghahangad lamang sa kung ano ang malabo at mahirap maunawaan na hangarin ang katotohanan sa lalong madaling panahon, upang ang kanilang buhay ay magkaroon ng kabuluhan. Huwag mo nang lokohin ang iyong sarili!