· 

Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Ngayon, yamang hinahangad ninyong mahalin at makilala ang Diyos, sa isang banda dapat ninyong tiisin ang hirap at pagpipino, at sa kabilang banda, kailangan ninyong magbayad ng halaga. Walang aral ang mas malalim pa kaysa sa aral na ibigin ang Diyos, at masasabing ang aral na natututuhan ng mga tao sa habambuhay na paniniwala ay kung paano mahalin ang Diyos. Na ang ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Diyos, dapat mong mahalin ang Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos ngunit hindi mo Siya minamahal at hindi mo pa nakamtan ang pagkilala sa Diyos, at hindi mo pa kailanman minahal ang Diyos nang tunay na pagmamahal na mula sa puso mo, ang paniniwala mo sa Diyos ay walang saysay; kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, ay hindi mo mahal ang Diyos, nabubuhay ka nang walang kabuluhan, at ang buong buhay mo ang pinakamababa sa lahat ng buhay. Kung, sa buong buhay mo, hindi mo pa kailanman inibig o binigyang-kasiyahan ang Diyos, ano ang saysay ng iyong pamumuhay? At ano ang saysay ng iyong paniniwala sa Diyos? Hindi ba iyon pag-aaksaya lang ng pagsisikap? Na ang ibig sabihin, kung maniniwala at iibigin ng mga tao ang Diyos, dapat silang magbayad ng halaga. Sa halip na subukang kumilos sa isang paraan sa panlabas, dapat silang maghanap ng tunay na kabatiran sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kung masigasig ka sa pag-awit at pagsayaw, ngunit hindi kayang isagawa ang katotohanan, masasabi bang iniibig mo ang Diyos? Ang pag-ibig sa Diyos ay nangangailangan ng paghahanap sa kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, at na malalim kang magsiyasat kapag may anumang nangyayari sa iyo, sinusubukang maunawaan ang kalooban ng Diyos, at sinusubukang makita kung ano ang kalooban ng Diyos sa bagay na ito, kung ano ang nais Niyang makamit mo, at kung paano mo dapat isaisip ang Kanyang kalooban. Halimbawa: May nangyari na kinakailangan kang magtiis ng hirap, kung kailan dapat mong maunawaan kung ano ang kalooban ng Diyos at kung paano mo dapat isaisip ang Kanyang kalooban. Hindi mo dapat bigyang-kasiyahan ang iyong sarili: Isantabi mo muna ang iyong sarili. Wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa laman. Kailangan mong sikapin na mabigyan-kasiyahan ang Diyos, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Dahil sa gayong mga kaisipan, dadalhan ka ng Diyos ng natatanging kaliwanagan sa bagay na ito, at makakahanap din ng kaginhawahan ang puso mo. Maliit man o malaki, kapag may nangyayari sa iyo, dapat mo munang isantabi ang iyong sarili at ituring ang laman bilang ang pinakamababa sa lahat ng bagay. Habang mas binibigyang-kasiyahan mo ang laman, mas kumikilos ito nang walang permiso; kung bibigyang-kasiyahan mo ito ngayon, higit pa ang hihingin nito sa susunod. Habang nagpapatuloy ito, lalo pang napapamahal sa mga tao ang laman. Ang laman ay laging mayroong maluluhong pagnanasa, palagi nitong hinihingi sa iyo na bigyan ito ng kasiyahan at palugurin ito sa kalooban mo, maging ito man ay sa mga bagay na iyong kinakain, iyong sinusuot, o sa pag-init ng ulo mo, o pagpapabuyo sa mga sarili mong kahinaan at katamaran…. Habang lalo mong binibigyang-kasiyahan ang laman, mas tumitindi ang mga pagnanasa nito, at mas nagiging mapagpasasa ang laman, hanggang umabot sa puntong ang laman ng mga tao ay nagkikimkim na ng mas malalalim pang mga kuro-kuro, at sumusuway sa Diyos, at dinadakila ang sarili nito, at nagiging mapagduda sa gawain ng Diyos. Habang lalo mong binibigyang-kasiyahan ang laman, mas tumitindi ang mga kahinaan ng laman; palagi mong mararamdaman na walang sinumang nakikisimpatiya sa iyong mga kahinaan, lagi kang maniniwalang sumusobra na ang Diyos, at sasabihin mong: “Paano ba naging sobrang malupit ang Diyos? Bakit hindi Niya lubayan ang mga tao?” Kapag binibigyang-kasiyahan ng mga tao ang laman at labis itong minamahal, sinisira nila ang kanilang sarili. Kung tunay mong iniibig ang Diyos at hindi mo binibigyang-kasiyahan ang laman, makikita mo na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay napakawasto at napakabuti, at na ang Kanyang sumpa sa iyong paghihimagsik at hatol sa iyong di-pagkamatuwid ay naaangkop. Magkakaroon ng mga panahon na ikaw ay itinutuwid at dinidisiplina ng Diyos, at bumubuo ng kapaligiran para magtimpi ka, pipilit sa iyo na lumapit sa harap Niya—at lagi mong mararamdamang ang ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga. Kaya mararamdaman mong parang hindi masyadong masakit, at na ang Diyos ay talagang kaibig-ibig. Kung magpapabuyo ka sa mga kahinaan ng laman at sasabihing sumusobra na ang Diyos, lagi kang makararamdam na nasasaktan ka, at palagi kang malulumbay, at magiging malabo sa iyo ang lahat ng gawain ng Diyos, at magmumukhang hindi man lang nakikiramay ang Diyos sa mga kahinaan ng tao at hindi batid ang mga paghihirap ng tao. At sa gayon, palagi kang makakaramdam ng kalungkutan at pag-iisa, na para bang nagdusa ka ng malaking kawalan ng katarungan, at sa oras na ito ay magsisimula kang magreklamo. Habang lalo kang nagpapabuyo sa mga kahinaan ng laman sa ganitong paraan, lalo mong mararamdaman na sumusobra na ang Diyos, hanggang sa lumala ito at iyo nang itanggi ang gawain ng Diyos, at magsimulang sumalungat sa Diyos, at maging puno ng pagsuway. Kaya, dapat kang maghimagsik laban sa laman, at hindi magpabuyo rito: “Ang aking asawang lalaki (asawang babae), mga anak, mga inaasam, pag-aasawa, pamilya—walang mahalaga sa kanila! Ang Diyos lamang ang nasa puso ko, at dapat kong subukan sa abot ng aking makakaya na pasiyahin ang Diyos at hindi ang laman.” Dapat kang magkaroon ng ganitong kapasyahan. Kung palagi mong taglay ang ganitong kapasyahan, kapag isinagawa mo ang katotohanan, at isinantabi ang iyong sarili, magagawa mo ito nang walang gaanong hirap. Sinasabi na may isang magsasaka noon na nakakita ng ahas na naninigas sa lamig sa kalsada. Pinulot ito ng magsasaka at inilagay ito sa kanyang dibdib, at matapos na makabawi ng lakas ang ahas ay tinuklaw nito ang magsasaka hanggang sa mamatay ito. Ang laman ng tao ay tulad ng ahas: Ang diwa nito ay ang mapinsala ang kanilang buhay—at kapag ganap itong nasunod, mawawala ang iyong buhay. Ang laman ay pagmamay-ari ni Satanas. Sa loob nito ay mayroong maluluhong pagnanasa, iniisip lamang nito ang sarili nito, nais nitong magtamasa ng kaginhawahan at magsaya sa paglilibang, magumon sa kakuparan at katamaran, at matapos itong bigyang-kasiyahan nang bahagya ay kakainin kayo nito sa bandang huli. Na ang ibig sabihin, kung bibigyang-kasiyahan ninyo ito ngayon, mas marami itong hihingin sa susunod. Lagi itong may maluluhong pagnanasa at mga bagong kahilingan, at sinasamantala ang iyong pagkabuyo sa laman upang gawin kang mas pahalagahan ito at mamuhay kasama ng mga ginhawa nito—at kung hindi mo ito madaraig, sisirain mo ang iyong sarili sa huli. Kung makakapagkamit ka ng buhay sa harap ng Diyos, at kung ano ang iyong magiging katapusan sa huli, ay nakasalalay sa kung paano mo isinasagawa ang iyong paghihimagsik laban sa laman. Iniligtas ka ng Diyos, at ikaw ay pinili at itinalaga, ngunit kung ngayon ay ayaw mo Siyang bigyang-kasiyahan, ayaw mong isagawa ang katotohanan, ayaw mong maghimagsik laban sa iyong sariling laman nang may pusong tunay na nagmamahal sa Diyos, sa bandang huli ay ipapahamak mo ang iyong sarili, at sa gayon ay magtitiis ng matinding sakit. Kung lagi kang nagpapabuyo sa laman, dahan-dahan kang lulunukin ni Satanas, at iiwan kang walang buhay, o haplos ng Espiritu, hanggang dumating ang araw na ganap nang madilim ang kalooban mo. Kapag nabubuhay ka sa kadiliman, nabihag ka na ni Satanas, hindi mo na taglay ang Diyos sa puso mo, at sa panahong iyon ay pabubulaanan mo ang pag-iral ng Diyos at iiwanan Siya. Kaya, kung nais ng mga taong ibigin ang Diyos, dapat silang magbayad ng sakit at magtiis ng paghihirap. Hindi na kailangan ang panlabas na pagkataimtim at paghihirap, higit na pagbabasa at dagdag na pagiging abala; sa halip, dapat nilang isantabi ang mga bagay na nasa kanilang kalooban: ang maluluhong kaisipan, mga personal na interes, at ang sarili nilang mga konsiderasyon, mga kuro-kuro at mga layunin. Iyon ang kalooban ng Diyos.

 

Ang pakikitungo ng Diyos sa panlabas na disposisyon ng mga tao ay isa ring bahagi ng Kanyang gawain; ang pakikitungo sa panlabas at di-normal na pagkatao ng mga tao, halimbawa, o sa kanilang uri ng pamumuhay at mga gawi, kanilang mga paraan at kaugalian, pati na rin kanilang mga panlabas na pagsasagawa, at kanilang sigasig. Ngunit kapag Kanyang hinihiling sa mga tao na isagawa ang katotohanan at baguhin ang kanilang mga disposisyon, ang pangunahing pinakikitunguhan ay ang mga intensyon at kuro-kuro sa kalooban nila. Hindi mahirap na pakitunguhan lamang ang iyong panlabas na disposisyon; ito ay tulad ng paghingi sa iyo na huwag kainin ang mga bagay na gusto mo, na madali lang. Subalit, ang may kinalaman sa mga kuro-kuro na nasa iyong kalooban ay hindi madaling pakawalanan: Kailangan nito para sa tao na labanan ang laman, at mabayad ng halaga, at magdusa sa harap ng Diyos. Lalo nang ganito pagdating sa mga intensyon ng mga tao. Magmula nang maniwala ang mga tao sa Diyos, nagkimkim na sila ng maraming maling intensyon. Kapag hindi mo isinasagawa ang katotohanan, nararamdaman mong lahat ng iyong layunin ay tama, ngunit kapag may nangyari sa iyo, makikita mong maraming maling intensyon sa kalooban mo. Kaya, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, sinasanhi Niya na matanto nila na maraming kuro-kuro sa kanilang kalooban na humahadlang sa kanilang pagkakilala sa Diyos. Kapag natatanto mong mali ang iyong mga intensyon, kung nagagawa mong itigil ang pagsasagawa ayon sa iyong mga kuro-kuro at intensyon, at nagagawa mong magpatotoo sa Diyos at panindigan ang iyong posisyon sa lahat ng nangyayari sa iyo, nagpapatunay ito na nalabanan mo na ang laman. Kapag nilalabanan mo ang laman, tiyak na magkakaroon ng isang labanan sa iyong kalooban. Susubukang himukin ni Satanas ang mga tao na sundin ito, susubukan sila nitong utusan na sundin ang mga kuro-kuro ng laman at panindigan ang mga interes ng laman—ngunit liliwanagan at paliliwanagin ng mga salita ng Diyos ang kalooban ng mga tao, at sa oras na ito ay nasa iyo na kung susundin mo ang Diyos o susundin si Satanas. Pangunahing hinihingi ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan upang pakitunguhan ang mga bagay na nasa kalooban nila, upang pakitunguhan ang kanilang mga kaisipan at mga kuro-kuro na hindi kaayon ng puso ng Diyos. Pinupukaw ng Banal na Espiritu ang mga tao sa kanilang puso, at nililiwanagan at pinaliliwanag sila. Kaya sa likod ng lahat ng bagay na nangyayari ay isang labanan: Tuwing isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, o isinasagawa ang pag-ibig sa Diyos, mayroong isang malaking labanan, at bagama’t maaaring mukhang maayos ang lahat sa kanilang laman, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, sa katunayan ay nagpapatuloy ang isang labanan sa pagitan ng buhay at kamatayan—at matapos lamang ng matinding labanang ito, matapos ang napakaraming pagmumuni-muni, saka mapagpapasyahan ang tagumpay o pagkatalo. Hindi alam ng isang tao kung tatawa o hihikbi. Dahil marami sa mga intensyon na nasa kalooban ng mga tao ang mali, o kaya’y dahil marami sa gawain ng Diyos ang taliwas sa kanilang mga kuro-kuro, kapag isinagawa ng mga tao ang katotohanan, isang malaking labanan ang nagaganap sa likod ng mga eksena. Matapos maisagawa ang katotohanang ito, sa likod ng mga eksena, hindi na mabilang ang mga patak ng luhang ibinuhos ng mga tao dahil sa kalungkutan bago nila tuluyang napagpasyahan na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Dahil sa labanang ito kung kaya’t dumaranas ang mga tao ng paghihirap at pagdadalisay; ito ay totoong pagdurusa. Kapag nangyari sa iyo ang labanan, kung magagawa mong tunay na pumanig sa Diyos, magagawa mong bigyan ng kasiyahan ang Diyos. Habang isinasagawa ang katotohanan, tiyak na magdurusa ang kalooban ng isang tao; kung, kapag isinagawa nila ang katotohanan, ang lahat ng nasa kalooban ng mga tao ay tama, hindi na sila kailangan pang gawing perpekto ng Diyos, at hindi magkakaroon ng labanan, at hindi sila magdurusa. Dahil maraming bagay sa kalooban ng tao ang hindi akmang gamitin ng Diyos, at dahil maraming mapanghimagsik na disposisyon ng laman, kung kaya’t kailangang mas malalim na matutuhan ng tao ang aral ng paglaban sa laman. Ito ang tinatawag ng Diyos na paghihirap na Kanyang hiningi sa tao na pagdaanan kasama Niya. Kapag nakakaranas ka ng mga paghihirap, magmadali kang manalangin sa Diyos: “O Diyos! Nais kong magbigay-kasiyahan sa Iyo, nais kong tiisin ang sukdulang paghihirap upang makapagbigay-kasiyahan sa Iyong puso, at gaano man kalaki ang mga dagok na aking makatagpo, kailangan ko pa ring magbigay-kasiyahan sa Iyo. Kahit na kailanganin ko pang ibigay ang aking buong buhay, kailangan ko pa ring magbigay-kasiyahan sa Iyo!” Kapag may ganito kang kapasyahan, kapag nananalangin ka nang ganito, magagawa mong panindigan ang iyong patotoo. Tuwing isinasagawa nila ang katotohanan, tuwing sumasailalim sila sa pagpipino, tuwing sinusubok sila, at tuwing dumarating sa kanila ang gawain ng Diyos, kailangang magtiis ang mga tao ng matinding sakit. Ang lahat ng ito ay isang pagsubok para sa mga tao, at kaya sa loob nilang lahat ay may isang digmaan. Ito ang aktwal na halagang kanilang binabayaran. Ang higit pang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at higit pang pag-aabala ay bahagi ng kabayarang iyon. Ito ang nararapat gawin ng mga tao, tungkulin nila ito, at ang pananagutan na dapat nilang tuparin, ngunit dapat na isantabi ng mga tao yaong nasa loob nila na kailangang maisantabi. Kung hindi, gaano man katindi ang iyong panlabas na pagdurusa, gaano ka man magpakaabala, ang lahat ay mawawalan ng kabuluhan! Na ang ibig sabihin, tanging ang mga pagbabago sa iyong kalooban ang makapagsasabi kung may halaga ang iyong panlabas na paghihirap. Kapag nagbago na ang iyong panloob na disposisyon at naisagawa mo na ang katotohanan, magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos ang lahat ng iyong panlabas na paghihirap; kung walang naging pagbabago sa iyong panloob na disposisyon, kahit gaano karaming paghihirap ang iyong tiisin o gaano ka man magpakaabala sa panlabas, walang magiging pagsang-ayon mula sa Diyos—at ang paghihirap na hindi pinagtibay ng Diyos ay walang kabuluhan. Kaya, kung sinasang-ayunan ng Diyos ang halaga na iyong ibinayad ay malalaman sa pamamagitan ng kung nagkaroon na ba ng pagbabago sa iyo o hindi, at kung isinasagawa mo ba ang katotohanan o hindi at kung lumalaban ka ba sa sarili mong mga intensyon at mga kuro-kuro upang makamit ang pagsasakatuparan kalooban ng Diyos, ang pagkakilala sa Diyos, at ang katapatan sa Diyos. Gaano man ang iyong pag-aabala, kung hindi mo pa kailanman nagawang labanan ang sarili mong mga intensyon, kundi naghahanap ka lamang ng panlabas na mga aksyon at sigasig, at hindi kailanman nagbibigay-pansin sa iyong buhay, ang iyong paghihirap ay walang kabuluhan. Kung, sa isang tiyak na kapaligiran, mayroon kang nais sabihin, ngunit sa iyong kalooban ay nararamdaman mong hindi tamang sabihin ito, na ang pagsasabi nito ay hindi makabubuti sa iyong mga kapatid, at maaaring makasakit sa kanila, hindi mo ito sasabihin, at pipiliin mong tahimik na masaktan ang kalooban mo, sapagka’t hindi matutugunan ng mga salitang ito ang kalooban ng Diyos. Sa oras na ito, magkakaroon ng paglalaban sa iyong kalooban, ngunit ikaw ay magiging handang magdusa ng sakit at isuko ang iyong iniibig. Magiging handa kang tiisin ang pagdurusang ito upang bigyang-kasiyahan ang Diyos, at bagama’t magdurusa ng sakit ang kalooban mo, hindi ka magpapadala sa laman, at ang puso ng Diyos ay masisiyahan, at kaya mapagiginhawa rin ang kalooban mo. Ito ang tunay na pagbabayad ng halaga, at ang halagang ninanais ng Diyos. Kung nagsasagawa ka sa ganitong paraan, siguradong pagpapalain ka ng Diyos; kung hindi mo makakamit ito, gaano karami man ang nauunawaan mo, o gaano ka man kahusay sa pananalita, itong lahat ay para sa wala! Kung, sa landas tungo sa pagmamahal sa Diyos, nagagawa mong tumayo sa panig ng Diyos kapag nakikipaglaban Siya kay Satanas, at hindi ka bumabalik kay Satanas, nakamit mo na ang pag-ibig sa Diyos, at nakapanindigan ka na sa iyong patotoo.

 

Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa gitna ng mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panghihimasok ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at nangangailangan sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at panghihimasok ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan. Halimbawa, kung ikaw ay may pagkiling tungo sa iyong mga kapatid, magkakaroon ka ng mga salita na nais mong sabihin—mga salita na sa pakiramdam mo ay maaaring hindi ikatuwa ng Diyos—ngunit kung hindi mo sasabihin ang mga ito, makararamdam ka ng paghihirap sa kalooban mo, at sa sandaling ito, magsisimula ang isang paglalaban sa kalooban mo: “Magsasalita ba ako o hindi?” Ito ang paglalaban. Kaya, sa lahat ng bagay na makatagpo mo ay may labanan, at kapag may labanan sa iyong kalooban, dahil sa iyong aktwal na kooperasyon at aktwal na pagdurusa, gumagawa ang Diyos sa iyong kalooban. Sa huli, nagagawa mong isantabi sa kalooban mo ang pangyayari at ang galit ay likas na nawawala. Ganito ang epekto ng iyong pakikipagtulungan sa Diyos. Kailangan ng mga taong magbayad ng isang tiyak na halaga sa kanilang mga pagsisikap sa lahat ng kanilang ginagawa. Kung walang aktwal na paghihirap, hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, hindi man lamang sila kalapitan sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, at nagbubuga lamang sila ng mga hungkag na kasabihan! Mabibigyang-kasiyahan ba ng mga hungkag na kasabihang ito ang Diyos? Kapag naglalaban sa espirituwal na dako ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring hindi mukhang mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pag-ibig sa Kanya, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Ang lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao ay nangyayari kapag kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama‘t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang bawat detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay isang patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga hindi mananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaisip ang Kanyang kalooban, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang matapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may lakas kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo. Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng dakilang gawain, kaya mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi maisantabi ng iba ang kanilang mga kuro-kuro, ngunit kaya mo; hindi kaya ng iba na magpatotoo sa Diyos sa panahon ng kanilang aktwal na mga karanasan, ngunit nagagamit mo ang iyong aktwal na katayuan at mga pagkilos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at magbigay ng maugong na patotoo sa Kanya. Ito lamang ang mabibilang na aktwal na pagmamahal sa Diyos. Kung hindi mo ito kayang gawin, hindi ka nagpapatotoo sa mga miyembro ng iyong pamilya, sa iyong mga kapatid, o sa harap ng mga tao sa mundo. Kung hindi mo kayang magpatotoo sa harap ni Satanas, tatawanan ka ni Satanas, ituturing ka nito bilang isang katatawanan, bilang isang laruan, madalas ka nitong lilinlangin, at gagawin kang baliw. Sa hinaharap, maaaring dumating sa iyo ang malalaking pagsubok—pero ngayon, kung mahal mo ang Diyos nang may tapat na puso, at gaano man kalaki ang mga pagsubok na darating, anuman ang mangyari sa iyo, nagagawa mong panindigan ang iyong pagpapatotoo, at nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, pagiginhawahin ang iyong puso, at hindi ka matatakot gaano man kalaki ang mga pagsubok na iyong makakatagpo sa hinaharap. Hindi ninyo makikita kung ano ang mangyayari sa hinaharap; maaari lamang ninyong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga kalagayan sa ngayon. Wala kayong kakayahang gumawa ng anumang dakilang gawain at dapat kayong tumuon sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang mga salita sa tunay na buhay, at magpahayag ng matibay at maugong na pagpapatotoo na nagdadala ng kahihiyan kay Satanas. Bagama’t mananatili ang iyong laman na hindi ganap na nasisiyahan at nagdusa, naghatid ka ng kasiyahan sa Diyos at nagdala ng kahihiyan kay Satanas. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magbubukas ang Diyos ng isang landas sa harap mo. Kapag, isang araw, dumating ang isang malaking pagsubok, babagsak ang iba, ngunit makatatayo ka nang matatag: Dahil sa halaga na iyong binayaran, iingatan ka ng Diyos upang matatag kang makatayo at hindi bumagsak. Kung sa karaniwan ay naisasagawa mo ang katotohanan at nabibigyang-kasiyahan ang Diyos nang may pusong tunay na nagmamahal sa Kanya, tiyak na iingatan ka ng Diyos sa mga pagsubok sa hinaharap. Bagama’t hangal ka at mababa ang katayuan at mahina ang kakayahan, hindi kikiling ang Diyos laban sa iyo. Batay ito sa kung ang iyong mga layunin ay tama. Ngayon, nabibigyang-kasiyahan mo ang Diyos, kung saan maasikaso ka sa pinakamaliliit na detalye, pinalulugod mo ang Diyos sa lahat ng bagay, mayroon kang pusong tunay na nagmamahal sa Diyos, ibinibigay mo ang tunay mong puso sa Diyos, at bagama’t may ilang bagay na hindi mo maunawaan, kaya mong humarap sa Diyos upang maitama ang iyong mga intensyon, at hanapin ang kalooban ng Diyos, at ginagawa mo ang lahat na kailangan upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Marahil ay iiwan ka ng lahat ng iyong kapatid, ngunit palulugurin ng puso mo ang Diyos, at hindi mo pagnanasaan ang mga kasiyahan ng laman. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, iingatan ka pagdating sa iyo ng malalaking pagsubok.

 

Sa anong panloob na kalagayan ng mga tao nakatutok ang mga pagsubok? Nakatutok ang mga ito sa mapanghimagsik na disposisyon ng mga tao na walang kakayahang magbigay-kasiyahan sa Diyos. Maraming hindi malinis sa kalooban ng mga tao, at maraming mapag-imbabaw, kaya isinasailalim ng Diyos ang mga tao sa mga pagsubok upang linisin sila. Ngunit kung ngayon ay nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay magiging pagpeperpekto sa iyo. Kung ngayon ay hindi mo nagagawang bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay tutukso sa iyo, at matutumba ka nang hindi mo namamalayan, at sa oras na iyon hindi mo matutulungan ang iyong sarili, sapagka’t hindi mo kayang sumabay sa gawain ng Diyos, at wala kang tunay na katayuan. At kaya, kung nais mong makapanindigan sa hinaharap, mas bigyang-kasiyahan ang Diyos, at sumunod sa Kanya hanggang sa pinakawakas, kailangan mong bumuo ngayon ng isang matatag na pundasyon. Dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay, at isaisip ang Kanyang kalooban. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magkakaroon ng pundasyon sa kalooban mo, at pupukawin sa iyo ng Diyos ang isang pusong nagmamahal sa Kanya, at bibigyan ka Niya ng pananampalataya. Isang araw, kapag tunay na dumating sa iyo ang isang pagsubok, maaari kang magdusa ng kaunting sakit at medyo malungkot, at magdusa ng matinding dalamhati, na para bang ikaw ay namatay—ngunit ang iyong pag-ibig sa Diyos ay hindi magbabago, at magiging mas malalim pa nga. Ganyan ang mga pagpapala ng Diyos. Kung nagagawa mong tanggapin ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ngayon nang may isang pusong masunurin, tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, at sa gayon magiging isa kang taong pinagpala ng Diyos at tumatanggap ng Kanyang pangako. Kung ngayon ay hindi ka nagsasagawa, kapag dumating sa iyo ang mga pagsubok balang araw, mawawalan ka ng pananampalataya o mapagmahal na puso, at sa oras na iyon ang pagsubok ay magiging tukso; malulublob ka sa gitna ng panunukso ni Satanas at hindi magkakaroon ng paraan upang makatakas. Ngayon, maaaring kaya mong manindigan kapag dumarating sa iyo ang isang maliit na pagsubok, ngunit hindi nangangahulugang magagawa mong manindigan kapag dumating sa iyo ang isang malaking pagsubok balang araw. Ang ilang tao ay palalo at iniisip na malapit na silang maging perpekto. Kung hindi ka sisisid nang mas malalim sa nasabing mga pagkakataon, at mananatiling kampante, malalagay ka sa panganib. Ngayon, hindi ginagawa ng Diyos ang gawain ng mas matitinding pagsubok at tila maayos ang lahat, ngunit kapag sinubukan ka ng Diyos, matutuklasan mong masyado kang kulang, dahil masyadong mababa ang katayuan mo at wala kang kakayahang magtiis ng matitinding pagsubok. Kung mananatili ka kung paano ka ngayon at hindi ka kumikilos, babagsak ka pagdating ng mga pagsubok. Dapat ninyong tingnan nang madalas kung gaano kababa ang inyong katayuan; sa ganitong paraan lamang kayo uunlad. Kung sa mga panahon lamang ng pagsubok mo makikita na napakababa ng iyong katayuan, na ang iyong tibay ng loob ay napakahina, na napakakaunti lamang sa loob mo ang tunay, at hindi ka sapat para sa kalooban ng Diyos—kung saka mo lamang mapagtatanto ang mga bagay na ito, magiging huli na ang lahat.

 

Kung hindi mo alam ang disposisyon ng Diyos, tiyak na mahuhulog ka kapag may mga pagsubok, dahil hindi mo alam kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; at sa anong paraan Niya ginagawa silang perpekto, at kapag dumating ang mga pagsubok ng Diyos sa iyo at hindi sila tumutugma sa iyong mga kuro-kuro, hindi mo magagawang manindigan. Ang totoong pagmamahal ng Diyos ay ang Kanyang buong disposisyon, at kapag ipinapakita sa mga tao ang buong disposisyon ng Diyos, ano ang dala nito sa iyong laman? Kapag ipinapakita sa mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos, tiyak na daranas ng matinding sakit ang kanilang laman. Kung hindi mo pagdurusahan ang sakit na ito, hindi ka magagawang perpekto ng Diyos, at hindi ka rin makapag-uukol ng totoong pagmamahal sa Diyos. Kung ginagawa kang perpekto ng Diyos, tiyak na ipakikita Niya sa iyo ang Kanyang buong disposisyon. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, hindi pa kailanman ipinakita ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa tao—ngunit sa mga huling araw, Kanyang ibinubunyag ito sa grupong ito ng mga tao na Kanya nang itinalaga at pinili, at sa pagpeperpekto sa mga tao, Kanyang inilalantad ang Kanyang mga disposisyon, kung saan sa pamamagitan nito ay Kanyang ginagawang ganap ang isang grupo ng mga tao. Ganyan ang tunay na pag-ibig ng Diyos sa mga tao. Ang pagdanas ng tunay na pag-ibig ng Diyos ay nangangailangan sa mga tao na magtiis ng matinding sakit, at magbayad ng isang malaking halaga. Pagkatapos lamang nito na sila ay makakamit ng Diyos at magagawang magsukli ng kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, at saka lamang masisiyahan ang puso ng Diyos. Kung nais ng mga tao na gawin silang perpekto ng Diyos, at kung nais nilang gawin ang Kanyang kalooban, at ganap na ipagkaloob ang kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, dapat nilang maranasan ang matinding pagdurusa at maraming pasakit mula sa mga pagkakataon, at magdusa ng sakit na mas masahol pa kaysa kamatayan. Sa huli, mapipilitan silang ibigay ang kanilang totoong puso pabalik sa Diyos. Kung tunay na mahal o hindi ng isang tao ang Diyos ay nabubunyag sa panahon ng paghihirap at pagdadalisay. Nililinis ng Diyos ang pag-ibig ng mga tao, at ito rin ay nakakamit lamang sa gitna ng paghihirap at pagdadalisay.

 

——————————

 

Karagdagang informasiyon: