· 

Pag-bigkas ng Diyos | Tungkol sa Buhay ni Pedro

Si Pedro ay isang huwaran na ipinakilala ng Diyos para sa sangkatauhan, at siya ay isang kilalang personalidad. Bakit ang gayong pangkaraniwang tao ay isinaayos ng Diyos bilang isang huwaran at napuri ng mga salinlahi sa kalaunan? Siyempre, hindi na kailangang banggitin pa na ito ay hindi maihihiwalay sa kanyang pagpapahayag at kanyang kapasyahan ng pag-ibig para sa Diyos. Hinggil sa kung saan ang puso ng pag-ibig ni Pedro para sa Diyos ay ipinahayag at kung ano ang tunay na kahalintulad ng mga karanasan niya sa buong buhay niya, dapat tayong bumalik sa Kapanahunan ng Biyaya upang tingnan minsan pa ang mga kaugalian nang panahong iyon, upang masilayan ang Pedro nang kapanahunang yaon.

 

Si Pedro ay ipinanganak sa isang pangkaraniwang pamilya ng mga magsasakang Judio. Binuhay ng kanyang mga magulang ang buong pamilya sa pamamagitan ng pagsasaka, at siya ang pinakamatanda sa magkakapatid; nagkaroon siya ng apat na kapatid na lalaki at babae. Siyempre, hindi ito ang pangunahing bahagi ng kuwentong isasalaysay—si Pedro ay ang pangunahing tauhan lamang natin. Nang siya ay limang taóng gulang, nagsimula ang kanyang mga magulang na turuan siyang bumasa. Nang panahong iyon ang mga taong Judio ay marurunong—sila ay lubhang maunlad sa mga larangang gaya ng agrikultura, mga pagawaan, at kalakalan. Sa ilalim ng impluwensya ng ganoong kapaligirang panlipunan, ang mga magulang ni Pedro ay kapwa nagkamit ng mataas na pinag-aralan. Kahit na sila ay mula sa kanayunan, sila ay may taglay na mayamang natipong kaalaman, maihahambing sa isang pangkaraniwang mag-aaral sa unibersidad ngayon. Maliwanag na ang pagiging nagmula sa ganoong kahusay na mga kalagayang panlipunan ay mabuting kapalaran para kay Pedro. Siya ay napakatalino at madaling makasagap ng mga bagong bagay. Pagkatapos magsimulang mag-aral, sa kanyang mga aralin nakaya niyang humugot ng mga hinuha mula sa ibang mga bagay na parang walang kahirap-hirap. Ipinagmamalaki ng kanyang mga magulang ang pagkakaroon ng ganoon katalinong anak, kaya lahat ay ginawa nila upang mapapag-aral siya, umaasa na magtatagumpay siya, at makakakuha ng trabaho sa alinmang posisyon bilang opisyal sa lipunan nang panahong iyon. Lingid sa kanilang pansin, si Pedro ay nagkaroon ng interes sa Diyos, kaya’t nang labing-apat na taong gulang siya at nasa mataas na paaralan, nagsawà siya sa hanay ng aralin ng Matandang Kulturang Griyego na kanyang pinag-aaralan, at pinakaaayawan niya ang mga kathang-isip na mga tao at mga bagay sa matandang kasaysayan ng Griyego. Mula nang panahong iyon, si Pedro, na kapapasok lamang sa kasibulan ng kanyang kabataan, ay nagsimulang magsuri tungkol sa pantaong buhay at makipag-ugnayan sa lipunan. Hindi siya nakonsensya na suklian ang mga pagsisikap ng kanyang mga magulang dahil malinaw niyang nakita na lahat ng mga tao ay namumuhay sa loob ng isang kalawakan ng panlilinlang sa kanilang mga sarili, at lahat sila ay namumuhay sa loob ng walang-kabuluhang mga buhay, winawasak ang kanilang sariling mga buhay alang-alang sa pakikipagtunggali para sa kasikatan at kayamanan. Ang kadahilanan na nakita niya ito ay may malaking kaugnayan sa panlipunang kapaligiran na kinaroroonan niya. Mas maraming nalalaman ang mga tao, mas masalimuot ang mga personal na pakikipag-ugnayan, at mas masalimuot ang mga panloob na katayuan ng mga tao, sa gayon ay mas higit ang pagiging hungkag ng kinaroroonan ng mga tao. Sa ilalim ng mga katayuang ito, nagsimula si Pedro na magtanong-tanong kung saan-saan sa lugar sa mga pagkakataong wala siyang ginagawa, at ang mga relihiyosong personalidad ang nakararami sa mga napagtanungan niya. Siya ay tila mayroong nadarama sa kanyang puso na ang lahat ng mga hindi-makitang mga bagay-bagay sa mundo ng mga tao ay maaaring maipaliwanag sa mundo ng relihiyon, kaya malimit siyang pumupunta sa isang kapilyang malapit sa kanyang tahanan upang dumalo sa mga pagsambang gawain. Hindi alam ng kanyang mga magulang ang tungkol dito, at hindi nagtagal si Pedro, na palaging mayroong mahusay na asal at marka sa paaralan, ay nagsimulang mamuhi sa pag-aaral. Sa ilalim ng pagmamasid ng kanyang mga magulang bahagya na siyang nakatapos sa mataas na paaralan. Lumangoy siya patungong tabihan ng karagatan ng karunungan, huminga nang malalim, at mula roon ay wala nang nakapagturo o nakapigil sa kanya.

 

Pagkatapos niyang mag-aral nagsimula siyang magbasa ng lahat ng uri ng mga aklat, subali’t sa gulang na labimpito, kulang pa rin siya sa karanasan sa lipunan. Pagkatapos niyang magtapos at lumabas sa paaralan, binuhay niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsasaka habang ginugugol pa rin ang malaking panahong mailalaan niya sa pagbabasa ng mga aklat at pagdalo sa mga relihiyosong pagsambang gawain. Ang kanyang mga magulang, na dati ay puno ng pag-asa para sa kanya ay malimit na minumura ang Langit dahil sa “suwail na anak” na ito. Nguni’t sa kabila nito, ang kanyang puso na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ay hindi mapigil. Nagdusa siya ng hindi kakaunting mga kabiguan sa kanyang mga karanasan, nguni’t may taglay siyang lubhang sabik na puso, kaya’t muli siyang sumigla gaya ng damo pagkatapos ng ulan. Hindi nagtagal siya ay naging “mapalad” na makatagpo ang matataas na tao sa mundo ng relihiyon, at dahil ang pananabik ng kanyang puso ay napakatindi, nakaugnay niya ang mga taong iyon nang palimit nang palimit at ginugol niya ang halos buong panahon niya na kasama nila. Kung kailan naman nagtatamasa siya ng kaligayahan sa kanyang ikinasisiya, bigla niyang natuklasan na sa gitna ng mga taong iyon, ang karamihan ay may pananampalataya sa salita lamang subali’t walang sinuman sa kanila ang nakaalay sa kanilang mga puso. Taglay ang kanyang matuwid, mapagkumbabang puso, paano makakayanan ni Pedro ang gayong dagok? Natuklasan niya na halos lahat ng mga taong pinakitunguhan niya ay mga hayop na nakadamit-pantao—sila ay mga hayop na may mga mukha ng tao. Nang panahong iyon si Pedro ay napakamangmang, kaya sa maraming mga pagkakataon nakiusap siya sa kanila mula sa puso, subali’t paano maaaring ang tuso at bihasang mga personalidad ng relihiyon ay makikinig sa mga pakiusap ng isang kabataang punô ng sigla at kalakasan? Nang sandaling yaon nadama ni Pedro ang tunay na kahungkagan ng pantaong buhay, at sa unang paghakbang niya tungo sa tanghalan ng buhay, siya ay nabigo…. Pagkalipas ng isang taon, lumabas siya sa kapilya at nagsimula sa kanyang sariling malayang pamumuhay.

 

Pagkatapos na ang labingwalong-taong-gulang na si Pedro ay dumanas ng isang kabiguan, naging higit siyang may-gulang at bihasa. Lahat ng kanyang kawalang-malay ng kabataan ay naglaho na lamang, at lahat ng kamangmangan ng kabataan at pagiging simple na kanyang taglay ay walang-awang tinabunan ng kabiguang iyon. Mula noon nagsimula siyang mabuhay bilang isang mangingisda. Matapos iyon, makikita na may mga tao sa kanyang bangkang pangisda na nakikinig sa kanyang ipinangangaral; nangingisda siya para sa ikabubuhay at nangangaral sa buong lugar. Bawa’t isang napangaralan niya ay namamalikmata sa kanyang mga sermon dahil ang sinasabi niya ay tugmang-tugma sa mga damdamin ng mga pangkaraniwang tao nang panahong iyon. Ang mga tao ay lubhang naantig ng kanyang katapatan, at malimit niyang itinuturo sa mga tao na makitungo sa iba mula sa puso at tumawag sa Panginoon ng mga kalangitan at lupa at lahat ng mga bagay sa bawa’t katayuan, at huwag balewalain ang kanilang mga konsensya at gawin ang di-kaaya-ayang mga bagay na iyon, kundi bigyang-kasiyahan ang Diyos na minamahal nila sa kanilang mga puso sa lahat ng mga bagay-bagay …. Ang mga tao ay malimit na naaantig nang malalim pagkatapos makinig sa kanyang mga sermon. Silang lahat ay nabigyan niya ng inspirasyon at malimit ay mapait na umiiyak. Nang panahong iyon, bawa’t isa na sumusunod sa kanya ay may malalim na paghanga sa kanya. Silang lahat ay maralita, at dahil sa mga impluwensya ng lipunan nang panahong iyon, anupa’t kakaunti ang kanyang mga tagasunod; nasa ilalim din siya ng pang-uusig mula sa mundo ng relihiyon sa lipunan nang panahong iyon. Sa kadahilanang ito siya ay palaging nag-iikot, at siya ay namuhay na mag-isa sa loob ng dalawang taon. Nakatamo siya ng kaunting liwanag sa kanyang kalooban sa dalawang taóng yaon ng di-pangkaraniwang mga karanasan, at malaki ang kanyang natutunan tungkol sa mga bagay-bagay na hindi niya nalaman noong una. Si Pedro noon ay isang ganap na ibang katauhan mula sa kung sino siya sa gulang na labing-apat—tila walang pagkakapareho ang mga iyon. Sa loob ng dalawang taong iyon nakatagpo niya ang lahat ng uri ng mga tao at nakita niya ang lahat ng anyo ng mga katotohanan tungkol sa lipunan; mula noon unti-unti niyang inalis sa kanyang sarili ang bawa’t uri ng ritwal mula sa mundo ng relihiyon. Dahil sa takbo ng gawain ng Banal na Espiritu sa panahong iyon, siya ay malalim na naapektuhan. Sa panahong yaon si Jesus ay gumagawa na rin sa loob ng ilang mga taon, kaya ang kanyang gawain ay naapektuhan din ng gawain ng Banal na Espiritu sa panahong yaon, gayunman, hindi pa niya nakakatagpo si Jesus. Sa kadahilanang iyan, kapag siya ay nangangaral, natamo niya ang maraming bagay na hindi kailanman natamo ng mga henerasyon ng mga banal. Anupa’t sa panahong iyon bahagya siyang nagkakamalay tungkol kay Jesus nguni’t hindi siya kailanman nagkaroon ng pagkakataong makatagpo siya nang harapan. Siya ay umasa lamang at nauhaw sa kanyang puso na makita ang makalangit na anyo na isinilang ng Banal na Espiritu.

 

Siya ay nangingisda na nasa kanyang bangka nang takipsilim isang gabi (malapit sa tabing-dagat ng Dagat ng Galilea na binanggit sa panahong iyon), at bagaman mayroon siyang pamingwit sa kanyang mga kamay, may ibang mga bagay sa kanyang isipan. Iniilawan ng liwanag ng takipsilim ang ibabaw ng tubig gaya ng isang lawa ng dugo sa kaluwangan ng karagatan. Ang liwanag ay suminag sa murà, nguni’t kalmado at matatag na mukha ni Pedro, na para bang malalim ang kanyang iniisip. Sa sandaling iyon may simoy na dumaan, at bigla niyang naramdaman na ang kanyang buhay ay malungkot, at sa gayon ay biglang nakaranas ng isang damdamin ng kapanglawan. Ang tubig sa dagat ay nagliliwanag sa bawa’t pag-alon nito, at halatang wala sa kanyang loob na mangisda. Kung kailan siya ay naglulunoy sa kanyang mga iniisip tungkol sa lahat ng anyo ng mga bagay-bagay, bigla niyang narinig ang isa sa kanyang likuran na nagsasabi: “Simon na Judio, anak ni Jonas, ang mga araw ng iyong buhay ay malungkot. Susunod ka ba sa Akin?” Nang marinig ito ni Pedro siya ay nagulantang, at nabitawan niya ang pamingwit sa kanyang mga kamay, at ito ay agad na lumubog sa ilalim ng tubig. Nagmadaling pumihit si Pedro, at nakita niya ang isang lalaki na nakatayo sa kanyang bangka. Tiningnan niya Siya mula itaas hanggang ibabâ: Ang Kanyang buhok, nakalugay hanggang balikat Niya, ay bahagyang malagintong dilaw sa liwanag ng araw at ang Kanyang damit ay kulay abo. Ang taas Niya ay kainaman at ang Kanyang kagayakan ay ganap na sa isang taong Judio. Sa liwanag ng takipsilim, ang Kanyang kulay abong damit ay mukhang medyo itim, at ang Kanyang mukha ay itsurang parang nagniningning. Ninais ni Pedro na makita si Jesus nang maraming ulit subali’t lagi siyang nabibigo. Sa sandaling iyon siya ay naniwala sa kanyang espiritu na ang taong yaon ay tiyak na ang banal na Isa sa kanyang puso, kaya yumukod siya sa kanyang bangka: “Maaari kaya na Ikaw ang Panginoon na dumating upang ipangaral ang mabuting balita ng kaharian ng langit? Narinig ko na ang Iyong mga karanasan nguni’t hindi pa Kita nakita. Ninais kong sumunod sa Iyo, nguni’t hindi Kita matagpuan.” Nakalakad na si Jesus sa hawákán ng kanyang bangka at tahimik na naupo. Sabi Niya:[a] “Tumayo ka at maupo sa tabi Ko. Naparito Ako upang hanapin yaong tunay na nagmamahal sa Akin, at upang ipalaganap ang mabuting balita ng kaharian ng langit. Nagtutungo Ako sa lahat ng dako upang hanapin yaong may kaisang puso sa Akin. Handa ka ba?” Sumagot si Pedro: “Dapat kong sundan siya na ipinadala ng Ama sa langit. Dapat kong kilalanin Siya na hinirang ng Banal na Espiritu. Dahil sa minamahal ko ang Ama sa langit, paano akong magiging hindi handang sumunod?” Bagaman ang mga paniwalang pangrelihiyon na nakapaloob sa mga salita ni Pedro ay masyadong malakas, ngumiti si Jesus at tumango ang Kanyang ulo na may kasiyahan. Sa sandaling iyon, isang damdamin ng pag-ibig ng isang ama para kay Pedro ang umusbong sa loob Niya.

 

Sumunod si Pedro kay Jesus nang ilang taon at maraming mga bagay siyang nakita kay Jesus na wala sa mga tao. Pagkatapos sumunod sa Kanya sa loob ng isang taon, napili siya bilang pinuno ng labindalawang disipulo ni Jesus. (Siyempre ito ay isang bagay ng puso ni Jesus, at lubos itong hindi nakikita ng mga tao.) Bawa’t galaw ni Jesus ay nagsilbing halimbawa para sa kanya sa kanyang buhay, at ang mga sermon ni Jesus ay tanging nakaukit sa kanyang puso. Siya ay napakamaalalahanin at nakaalay kay Jesus, at hindi siya nagkaroon ng anumang hinaing kay Jesus. Ito ay dahil siya ay naging tapat na kasama saanman Siya magpunta. Minasdan ni Pedro ang mga pagtuturo ni Jesus, ang Kanyang marahang mga salita, at kung ano ang kinain Niya, isinuot, ang Kanyang pang-araw-araw na buhay, at Kanyang mga paglalakbay. Sinundan Niya ang halimbawa ni Jesus sa lahat ng paraan. Hindi siya matuwid-sa-sarili, nguni’t iwinaksi niya ang lahat ng kanyang dating makalumang mga bagay at sinundan ang halimbawa ni Jesus sa salita at gawâ. Noon niya nadama na ang mga kalangitan at lupa at lahat ng mga bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan, at sa kadahilanang ito hindi siya nagkaroon ng kanyang sariling pagpili, nguni’t kinuha ang lahat ng kung ano si Jesus upang magsilbing kanyang halimbawa. Nakikita niya mula sa buhay niya na si Jesus ay hindi matuwid-sa-sarili sa Kanyang ginagawa ni ipinagyabang man Niya ang tungkol sa Kanyang Sarili, sa halip, inantig Niya ang mga tao nang may pag-ibig. Sa iba’t ibang mga katayuan nakikita ni Pedro kung ano si Jesus. Iyan ang kung bakit ang lahat kay Jesus ay naging ang bagay na ginawa ni Pedrong huwaran ng kanyang sarili. Sa kanyang mga karanasan, nadama niya ang pagiging kaibig-ibig ni Jesus nang patindi nang patindi. May sinabi siyang gaya nito: “Hinanap ko ang Makapangyarihan sa sansinukob at aking nakita ang mga kamangha-mangha sa mga kalangitan at lupa at lahat ng mga bagay, at sa gayon ay nadama ko nang malalim ang kariktan ng Makapangyarihan. Nguni’t hindi ako nagkaroon ng tunay na pag-ibig sa aking puso, at hindi ko kailanman nakita ang kariktan ng Makapangyarihan ng sarili kong mga mata. Ngayon, sa mata ng Makapangyarihan, Ako ay Kanyang kinasihan at sa wakas ay nadama ko ang kagandahan ng Diyos, at sa wakas ay aking natuklasan na para sa Diyos, hindi lamang ang paglikha sa lahat ng mga bagay ang magsasanhi sa sangkatauhan na ibigin Siya. Sa aking pang-araw-araw na buhay nasumpungan ko ang Kanyang walang-hanggang kariktan; paano ito maaaring malimitahan na hanggang sa sitwasyong ito ngayon lamang?” Habang lumilipas ang panahon, maraming mga kaibig-ibig na mga bagay ang nakita rin kay Pedro. Siya ay napakamasunurin kay Jesus, at siyempre dumanas din siya ng ilang mga kabiguan. Nang isinama siya ni Jesus sa iba’t ibang dako para sa pangangaral, palagi siyang nagpapakumbaba at nakikinig sa mga sermon ni Jesus. Hindi siya naging mayabang kahit kailan dahil sa mga taon ng kanyang pagsunod. Pagkatapos sabihin sa kanya ni Jesus na ang dahilan kaya naparito Siya ay upang maipako sa krus at tapusin ang Kanyang gawain, siya ay malimit na napakalungkot at mag-isang umiiyak nang palihim. Gayunman, ang “masaklap” na araw na iyon ay dumating. Pagkatapos na maaresto si Jesus, mag-isang tumangis si Pedro sa kanyang bangkang pangisda at nanalangin nang napakatindi para dito, subali’t sa kanyang puso alam niya na ito ang kalooban ng Diyos Ama at walang makapagbabago nito. Siya ay patuloy na nalulungkot at tumatangis dahil sa epekto ng pag-ibig—siyempre, ito ay isang kahinaan ng tao, kaya nang nalaman niya na si Jesus ay ipapako sa krus, tinanong niya si Jesus: “Pagkatapos Mong umalis babalik Ka ba upang makasama namin at pangalagaan kami? Makikita Ka pa ba namin?” Bagaman ang mga salitang ito ay napakamangmang, at ang mga iyon ay puno rin ng pantaong mga paniwala, alam ni Jesus ang pakiramdam ng pagdurusa ni Pedro, kaya sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig Siya ay nagsasaalang-alang sa kanyang kahinaan: “Pedro, minahal kita. Nalalaman mo ba iyan? Bagaman walang dahilan sa iyong sinasabi, ang Ama ay nangako na pagkatapos Kong mabuhay na mag-ulî Ako ay magpapakita sa sangkatauhan ng 40 araw. Hindi ka ba naniniwala na ang Aking Espiritu ay malimit na magkakaloob ng biyaya sa inyo?” Pagkatapos noon bahagyang naginhawahan si Pedro, nguni’t lagi niyang naramdaman na mayroong kulang sa disin sana ay isang bagay na perpekto. Kaya, pagkatapos na mabuhay mag-ulî ni Jesus, Siya ay nagpakita sa kanya nang hayagan sa unang pagkakataon, nguni’t sa layuning hadlangan si Pedro mula sa patuloy na pananangan sa kanyang mga paniwala, tinanggihan ni Jesus ang magarbong pagkain na inihanda ni Pedro para sa Kanya at nawala sa isang kisap-mata. Sa sandaling iyon sa wakas ay nakatamo si Pedro ng mas malalim na pagkaunawa kay Jesus, at lalo pang minahal ang Panginoong Jesus. Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay-na-mulî, si Jesus ay malimit na nagpakita kay Pedro. Pagkalipas ng 40 araw nang umakyat Siya sa langit, Siya ay nagpakita kay Pedro nang tatlong ulit. Tuwing nagpapakita Siya ay noong ang gawain ng Banal na Espiritu ay malapit nang matapos at magsisimula na ang bagong gawain.

 

Si Pedro ay nabuhay sa pangingisda sa buong buhay niya, nguni’t lalong higit pa, nabuhay siya sa pangangaral. Sa mga huling taon niya, isinulat niya ang una at ikalawang Aklat ni Pedro, at sumulat siya ng maraming mga aklat sa iglesia ng Filadelfia sa panahong iyon. Ang mga tao sa panahong iyon ay naantig niya nang napakalubha. Hindi siya nagturo sa mga tao batay sa kanyang sariling mga katibayan ng kakayahan, subali’t sila’y pinagkalooban niya ng akmang pantustos sa buhay. Sa kanyang buhay, hindi niya kailanman nakalimutan ang mga pagtuturo ni Jesus sa panahon ng Kanyang buhay—nanatili siyang inspirado. Noong sumusunod siya kay Jesus nanindigan siya na gagantihan ang pag-ibig ni Jesus ng kanyang kamatayan at na kanyang susundan ang halimbawa ni Jesus sa lahat ng mga bagay. Ipinangako ito ni Jesus sa kanya, kaya noong nasa limampu’t tatlong taong gulang siya (lampas ng dalawampung taon pagkatapos napahiwalay kay Jesus), nagpakita si Jesus sa kanya upang maganap ang kanyang pinaninindigan. Sa loob ng pitong taon matapos iyon, ginugol ni Pedro ang kanyang buhay sa pagkilala sa kanyang sarili. Isang araw pagkalipas ng pitong taon, siya ay ipinako sa krus nang patiwarik, winawakasan ang kanyang di-pangkaraniwang buhay.

 

Mga talababa:

 

a. Hindi kasama sa orihinal na teksto ang “Sabi Niya.”

Write a comment

Comments: 0