Nang ang Diyos ay naging tao at namuhay sa gitna ng sangkatauhan, anong pagdurusa ang Kanyang naranasan sa katawang-tao? Naintindihan ba ng sinuman? Sinasabi ng ilang mga tao na ang Diyos ay nagdusa nang husto, at bagamat Siya ang Diyos Mismo, hindi naiintindihan ng mga tao ang Kanyang diwa at palagi Siyang itinuturing bilang isang tao, na nagpapadama sa Kanya na inaapi at nagkasala—sinasabi nila na ang pagdurusa ng Diyos ay talagang sobra. Ang ibang mga tao ay nagsasabi na ang Diyos ay inosente at walang sala, ngunit Siya ay nagdusa kagaya ng mga tao at nagtiis ng pag-uusig, paninirang-puri, at mga kahihiyan kasama ng sangkatauhan; sinasabi nila na Siya din ay nagbata ng mga maling akala at ng mga pagsuway ng Kanyang mga tagasunod—Ang pagdurusa ng Diyos ay talagang hindi masusukat. Tila hindi ninyo talaga naiintindihan ang Diyos. Sa katunayan, ang pagdurusa na ito na inyong sinasabi ay hindi itinuturing bilang isang tunay na pagdurusa para sa Diyos, sapagkat may mas malaking pagdurusa kaysa dito. Kung gayon ay ano ang totoong pagdurusa para sa Diyos Mismo? Ano ang tunay na pagdurusa para sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao? Para sa Diyos, ang hindi pagkaunawa sa Kanya ng sangkatuhan ay hindi ibinibilang na pagdurusa, at ang pagkakaroon ng mga tao ng ilang maling akala ukol sa Diyos ay hindi ibinibilang na pagdurusa. Gayunman, madalas na nadarama ng mga tao na ang Diyos ay nagdanas ng malaking kawalang-katarungan, na nang panahong ang Diyos ay nasa katawang-tao hindi Niya maipakita ang Kanyang pagkatao sa sangkatauhan at tinulutan silang makita ang Kanyang kadakilaan, at ang Diyos ay buong kababaaang-loob na nagtatago sa isang walang kabuluhang laman, kaya maaaring ito ay napakahirap para sa Kanya. Isinasapuso ng mga tao ang kung ano ang kanilang naiintindihan at kung ano ang kanilang nakikita sa pagdurusa ng Diyos, at nagbibigay ng samut-saring simpatiya sa Diyos at madalas nag-aalay pa ng kaunting papuri para rito. Sa katotohanan, mayroong kaibahan, mayroong agwat sa pagitan ng kung ano ang pagkaintindi sa pagdurusa ng Diyos at kung ano ang Kanyang tunay na nararamdaman. Sinasabi Ko sa inyo ang katotohanan—para sa Diyos, hindi alintana kung ito ang Espiritu ng Diyos o ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pagdurusa na iyon ay hindi tunay na pagdurusa. Kung ganoon ano talaga ang dinanas ng Diyos? Pag-usapan natin ang pagdurusa ng Diyos mula lamang sa pananaw ng Diyos na nagkatawang-tao.
Nang ang Diyos ay naging tao, ang pagiging isang karaniwan, normal na tao, pamumuhay sa gitna ng sangkatauhan, kasama ng mga tao, hindi ba Niya nakikita at nararamdaman ang mga pamamaraan ng mga tao, mga kautusan, at mga pilosopiya para mabuhay? Ano ang naramdaman Niya sa mga pamamaraan at mga kautusan na ito? Nakaramdam ba Siya ng pagkamuhi sa Kanyang puso? Bakit Siya makadarama ng pagkamuhi? Anu-ano ba ang mga pamamaraan at mga kautusang ito ng mga tao para mabuhay? Sa anong mga panuntunan ba sila nag-ugat? Ano ang kanilang batayan? Ang mga pamamaraan ng mga tao, mga kautusan, atbp. para mabuhay—ang lahat ng ito ay nilikha batay sa lohika ni Satanas, kaalaman, at pilosopiya. Ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng ganitong uri ng mga kautusan ay walang pagkatao, walang katotohanan—sinasalungat nilang lahat ang katotohanan, at mga laban sa Diyos. Kapag tiningnan natin ang diwa ng Diyos, makikita natin na ang Kanyang diwa ay ang kabaligtaran ng lohika ni Satanas, kaalaman, at pilosopiya. Ang Kanyang diwa ay puno ng pagkamatuwid, katotohanan, at kabanalan, at iba pang mga katotohanan sa lahat ng mga positibong bagay. Ang Diyos, taglay ang diwang ito at namuhay sa gitna ng gayong sangkatauhan—ano ang nararamdaman Niya sa Kanyang puso? Hindi ba ito puno nang pagdurusa? Ang Kanyang puso ay nagdurusa, at ang pagdurusang ito ay isang bagay na walang sinuman ang makaiintindi at makatatanto. Sapagkat ang lahat ng bagay na Kanyang kinakaharap, nasasagupa, naririnig, nakikita, at nararanasan ay katiwalian ng lahat ng sangkatauhan, kasamaan, at ang kanilang paghihimagsik laban at pagsalangsang sa katotohanan. Ang lahat nang nanggagaling sa mga tao ay ang pinagmumulan ng Kanyang pagdurusa. Na ang ibig sabihin, sapagkat ang Kanyang diwa ay hindi katulad ng sa mga taong tiwali, ang katiwalian ng mga tao ay naging sanhi ng Kanyang pinakamalaking pagdurusa. Nang ang Diyos ay maging tao, nagagawa ba Niyang makahanap ng isang tao na may kaparehong wika sa Kanya? Hindi ito masusumpungan sa gitna ng sangkatauhan. Walang masusumpungan na maaaring makipagniig, na maaaring magtaglay ng ganitong palitan sa Diyos—anong uri ng damdamin ang sasabihin mong mayroon ang Diyos? Ang mga bagay na tinatalakay ng mga tao, na kanilang iniibig, na kanilang hinahangad at kinasasabikan ay may kinalamang lahat sa kasalanan, may mga tunguhing masama. Kapag kinakaharap lahat ito ng Diyos, hindi ba ito parang isang kutsilyo sa Kanyang puso? Sa harap ng ganitong mga bagay, maaari ba Siyang magtaglay ng kaligayahan sa Kanyang puso? Makahahanap ba Siya nang kaaliwan? Yaong mga nabubuhay kasama Niya ay mga taong puno ng pagiging rebelyoso at kasamaan—paanong hindi magdurusa ang Kanyang puso? Gaano ba talaga kalaki ang pagdurusang ito, at sino ang mayroong pakialam dito? Sino ang makikinig? At sino ang magpapahalaga nito? Hindi kailanman maiintindihan ng mga tao ang puso ng Diyos. Ang Kanyang pagdurusa ay isang bagay na tiyak hindi magagawang pahalagahan ng mga tao, ang pagiging malamig at manhid ng sangkatauhan ang nagiging sanhi ng lalong pagsidhi ng pagdurusa ng Diyos.
Mayroong ilang mga tao na madalas nakikisimpatiya sa paghihirap ni Kristo sapagkat mayroong isang talata sa Biblia na nagsasabing: “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.” Kapag naririnig ito ng mga tao, isinasapuso nila ito at naniniwala sila na ito ang pinakamalaking pagdurusa na binata ng Diyos, at ang pinakamalaking pagdurusa na binata ni Jesus. Ngayon, sa pagtingin rito mula sa pananaw ng mga katotohanan, gayon nga ba? Hindi naniniwala ang Diyos na ang mga paghihirap na ito ay pagdurusa. Hindi Siya kailanman nagreklamo laban sa kawalang-katarungan para sa mga paghihirap ng katawang-tao, at hindi Niya kailanman pinagbayad ang mga tao o ginantimpalaan Siya ng anumang bagay. Gayunman, nang Kanyang masaksihan ang lahat ng bagay sa sangkatauhan, ang tiwaling mga buhay at ang kasamaan ng mga taong tiwali, nang Kanyang masaksihan na ang sangkatauhan ay nasa mahigpit na paghawak ni Satanas at ibinilanggo ni Satanas at hindi makatakas, na ang mga taong nabubuhay sa pagkakasala ay hindi alam kung ano ang katotohanan—hindi Niya kayang tiisin ang lahat ng mga kasalanang ito. Ang Kanyang pagkamuhi sa mga tao ay nadaragdagan araw-araw, ngunit kailangan Niyang batahin ang lahat ng ito. Ito ang pinakamatinding pagdurusa ng Diyos. Hindi magawa ng Diyos na ganap na ipahayag maging ang tinig ng Kanyang puso o ang Kanyang mga damdamin sa kalipunan ng Kanyang mga tagasunod, at walang sinuman sa Kanyang mga tagasunod ang tunay na makauunawa sa Kanyang pagdurusa. Walang sinuman ang nagtangka man lang na intindihin o aliwin ang Kanyang puso—binabata ng Kanyang puso ang pagdurusang ito araw-araw, taun-taon, nang paulit-ulit. Ano ang inyong nakikita sa lahat ng ito? Ang Diyos ay hindi humihiling sa mga tao ng anumang kapalit para sa kung ano ang Kanyang naibigay, ngunit dahil sa diwa ng Diyos, tiyak na hindi Niya pahihintulutan ang kasamaan ng sangkatauhan, katiwalian, at kasalanan, ngunit makararamdam ng ibayong pagkamuhi at pagkasuklam, na magbibigay-daan sa puso ng Diyos at sa Kanyang katawang-tao na nagbabata ng hindi matapus-tapos na pagdurusa. Nakikita ba ninyo ang lahat ng ito? Malamang kaysa hindi, walang nakakakita sa inyo nito, sapagkat walang sinuman sa inyo ang tunay na nakakaunawa sa Diyos. Sa paglipas ng panahon unti-unti ninyong mararanasan ito sa inyong mga sarili.
Mula sa “Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao”
________________________________
Rekomendasyon: Ang Kahalagahan ng mga Salita ng Diyos
Write a comment