436. Ang diwa ng Diyos ay hindi lamang upang paniwalaan ito ng tao; higit pa rito, para mahalin ito ng tao. Subalit marami sa mga yaon na naniniwala sa Diyos ang hindi kayang tuklasin ang “lihim” na ito. Hindi nangangahas ang mga tao na mahalin ang Diyos, 0 sumusubok na mahalin Siya. Hindi nila kailanman natuklasan na marami ang kaibig-ibig sa Diyos; hindi nila kailanman natuklasan na ang Diyos ay ang Diyos na nagmamahal sa tao, at Siya ang Diyos na dapat mahalin ng tao. Ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos ay ipinahahayag sa Kanyang gawain: Sa pagdanas lamang sa Kanyang gawain maaaring matuklasan ng mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, sa kanilang mga tunay na karanasan lamang maaari nilang pahalagahan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at kung hindi ito mapagmamasdan sa tunay na buhay, walang sinuman ang makatutuklas sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Napakaraming kaibig-ibig sa Diyos, ngunit kung walang tunay na pakikipag-ugnayan sa Kanya, walang kakayahan ang mga tao na tuklasin ito. Na ang ibig sabihin, kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, hindi makakaya ng mga tao ang aktuwal na makipag-ugnayan sa Kanya, at kung hindi nila magawang aktuwal na makipag-ugnayan sa Kanya, hindi rin nila magagawang maranasan ang Kanyang gawain—at kaya’t ang kanilang pagmamahal sa Diyos ay mababahiran ng maraming kasinungalingan at likhang-isip. Ang pagmamahal sa Diyos sa langit ay hindi kasingtunay ng pagmamahal sa Diyos sa lupa, dahil ang kaalaman ng mga tao sa Diyos sa langit ay nabuo sa kanilang mga imahinasyon, sa halip na sa kung ano ang nakita ng sarili nilang mga mata, at kung ano ang kanilang naging personal na naranasan. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, nagagawang pagmasdan ng mga tao ang Kanyang aktuwal na mga gawa at ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, at nakikita nila ang lahat ng Kanyang praktikal at karaniwang disposisyon, ang lahat ng ito ay ilang libong ulit na higit na totoo kaysa sa kabatiran sa Diyos sa langit. Gaano man kamahal ng mga tao ang Diyos sa langit, walang anumang tunay sa pag-ibig na ito, at puno ito ng mga kaisipan ng tao. Gaano man kaliit ang kanilang pagmamahal para sa Diyos sa lupa, ang pagmamahal na ito ay tunay; kahit ito ay kakaunti lamang, ito ay tunay pa rin. Iniaatas ng Diyos sa tao na kilalanin Siya sa pamamagitan ng tunay na gawain, at sa pamamagitan ng kaalamang ito, nakakamit Niya ang kanilang pagmamahal. Katulad ito ni Pedro: Kung hindi siya namuhay kasama si Jesus, magiging imposible para sa kanya na sambahin si Jesus. Kaya, gayundin, ang kanyang katapatan kay Jesus ay nabuo sa kanyang pakikipag-ugnayan kay Jesus. Upang magawa Niya ang tao na mahalin Siya, ang Diyos ay dumating sa mga tao at namumuhay kasama ng tao, at ang lahat ng Kanyang ginagawa na makita at maranasan ng tao ay ang realidad ng Diyos.
Hinango mula sa “Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
437. Ang “pag-ibig,” ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pag-ibig walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang agwat. Sa pag-ibig walang paghihinala, walang pandaraya, at walang katusuhan. Sa pag-ibig walang kalakalan at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magkakanulo, maghihimagsik, mangunguha, o hihiling na tumanggap ng anumang bagay o magtamo ng magkano mang halaga. Kung nagmamahal ka, malugod mong itatalaga ang iyong sarili, malugod na magtitiis ng paghihirap, magiging kasundo ka sa Akin, tatalikuran mo ang lahat ng iyo para sa Akin, isusuko mo ang iyong pamilya, ang iyong hinaharap, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pag-ibig ay hindi talagang pag-ibig, bagkus ay panlilinlang at pagkakanulo! Anong uri ng pag-ibig ang sa iyo? Ito ba ay tunay na pag-ibig? O huwad? Gaano ba ang iyong naisuko? Gaano ba ang iyong naisakripisyo? Gaano ba ang pag-ibig na natanggap Ko mula sa iyo? Alam mo ba? Ang inyong puso ay puno ng kasamaan, pagkakanulo, at panlilinlang—at yamang ganoon, gaano sa pag-ibig ninyo ang marumi? Iniisip ninyong sapat na ang naisuko ninyo para sa Akin; iniisip ninyong ang inyong pagmamahal para sa Akin ay sapat na. Ngunit kung ganoon, bakit ang mga salita at kilos ninyo ay lagi pa ring mapanghimagsik at mapanlinlang? Sumusunod kayo sa Akin, datapuwa’t hindi ninyo kinikilala ang Aking salita. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit isinasantabi naman Ako. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit hindi kayo nagtitiwala sa Akin. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit hindi ninyo tinatanggap ang Aking pag-iral. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit hindi ninyo Ako itinuturing nang angkop sa kung sino Ako, at pinahihirapan Ako sa bawat banda. Itinuturing ba itong pag-ibig? Sumusunod kayo sa Akin, ngunit sinusubukan ninyo Akong lokohin at nililinlang Ako sa bawat pagkakataon. Itinuturing ba itong pag-ibig? Naglilingkod kayo sa Akin, ngunit hindi kayo takot sa Akin. Itinuturing ba itong pag-ibig? Tinututulan ninyo Ako sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay. Itinuturing ba ang lahat ng ito bilang pag-ibig? Totoo, malaki na ang naisakripisyo ninyo, gayon pa man ay hindi ninyo kailanman isinagawa kung ano ang kinakailangan Ko sa inyo. Maituturing ba itong pag-ibig? Ipinapakita ng maingat na pagninilay-nilay na wala kahit katiting na pahiwatig ng pag-ibig para sa Akin sa loob ninyo. Pagkatapos ng napakaraming taon ng gawain at sa dami ng mga salitang naitustos Ko, gaano ba karami ang tunay ninyong natamo? Hindi ba ito karapat-dapat sa isang maingat na pagbabalik-tanaw?
Hinango mula sa “Marami ang Tinatawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahihirang” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
438. Walang aral ang mas malalim pa kaysa sa aral na ibigin ang Diyos, at masasabing ang aral na natututuhan ng mga tao sa habambuhay na paniniwala ay kung paano mahalin ang Diyos. Na ang ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Diyos, dapat mong mahalin ang Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos ngunit hindi mo Siya minamahal at hindi mo pa nakamtan ang pagkilala sa Diyos, at hindi mo pa kailanman minahal ang Diyos nang tunay na pagmamahal na mula sa puso mo, ang paniniwala mo sa Diyos ay walang saysay; kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, ay hindi mo mahal ang Diyos, nabubuhay ka nang walang kabuluhan, at ang buong buhay mo ang pinakamababa sa lahat ng buhay. Kung, sa buong buhay mo, hindi mo pa kailanman inibig o binigyang-kasiyahan ang Diyos, ano ang saysay ng iyong pamumuhay? At ano ang saysay ng iyong paniniwala sa Diyos? Hindi ba iyon pag-aaksaya lang ng pagsisikap? Na ang ibig sabihin, kung maniniwala at iibigin ng mga tao ang Diyos, dapat silang magbayad ng halaga. Sa halip na subukang kumilos sa isang paraan sa panlabas, dapat silang maghanap ng tunay na kabatiran sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kung masigasig ka sa pag-awit at pagsayaw, ngunit hindi kayang isagawa ang katotohanan, masasabi bang iniibig mo ang Diyos? Ang pag-ibig sa Diyos ay nangangailangan ng paghahanap sa kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, at na malalim kang magsiyasat kapag may anumang nangyayari sa iyo, sinusubukang maunawaan ang kalooban ng Diyos, at sinusubukang makita kung ano ang kalooban ng Diyos sa bagay na ito, kung ano ang nais Niyang makamit mo, at kung paano mo dapat isaisip ang Kanyang kalooban. Halimbawa: May nangyari na kinakailangan kang magtiis ng hirap, kung kailan dapat mong maunawaan kung ano ang kalooban ng Diyos at kung paano mo dapat isaisip ang Kanyang kalooban. Hindi mo dapat bigyang-kasiyahan ang iyong sarili: Isantabi mo muna ang iyong sarili. Wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa laman. Kailangan mong sikapin na mabigyan-kasiyahan ang Diyos, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Dahil sa gayong mga kaisipan, dadalhan ka ng Diyos ng natatanging kaliwanagan sa bagay na ito, at makakahanap din ng kaginhawahan ang puso mo.
Hinango mula sa “Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
439. Ngayon, alam na ninyong lahat na ang paniniwala ng tao sa Diyos ay hindi lamang para sa kaligtasan ng kaluluwa at kapakanan ng laman, ni hindi ito upang pagyamanin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos, at iba pa. Sa ngayon, kung mahal mo ang Diyos alang-alang sa kapakanan ng laman o panandaliang kasiyahan, kahit sa bandang huli ay umabot sa sukdulan ang pagmamahal mo sa Diyos at wala ka nang hinihiling pa, hindi pa rin puro ang pagmamahal na ito na hinahangad mo at hindi kalugud-lugod sa Diyos. Ang mga gumagamit ng pagmamahal sa Diyos upang pagyamanin ang nakababagot nilang buhay at punan ang kahungkagan sa kanilang puso ay ang uri ng mga tao na nagnanasa sa madaling buhay, hindi sila tunay na naghahangad na mahalin ang Diyos. Ang ganitong uri ng pagmamahal ay sapilitan, ito ay paghahangad ng kasiyahang pangkaisipan, at hindi ito kailangan ng Diyos. Kung gayon, anong klase ang pagmamahal mo? Para saan ang pagmamahal mo sa Diyos? Gaano kalaki ang tunay na pagmamahal sa Diyos na nasa iyong kalooban ngayon? Ang pagmamahal ng karamihan sa inyo ay katulad ng nabanggit. Mapapanatili lamang ng gayong pagmamahal ang kasalukuyang estado ng mga bagay-bagay; hindi nito makakamit ang kawalan ng pagbabago, ni hindi ito mag-uugat sa tao. Ang ganitong klaseng pagmamahal ay katulad lamang ng isang bulaklak na namumukadkad at nalalanta nang hindi namumunga. Sa madaling salita, matapos mong mahaling minsan ang Diyos sa gayong paraan, kung walang sinumang aakay sa iyo sa landas sa unahan, malulugmok ka. Kung kaya mo lamang mahalin ang Diyos sa oras ng pagmamahal sa Diyos ngunit pagkatapos ay hindi pa rin nagbabago ang iyong disposisyon ng buhay, hindi ka pa rin makakatakas sa pagkabalot sa impluwensya ng kadiliman, hindi ka pa rin makakalaya mula sa mga gapos ni Satanas at sa pandaraya nito. Walang sinumang tulad nito ang ganap na makakamit ng Diyos; sa huli, pag-aari pa rin ni Satanas ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan. Walang alinlangan iyan. Lahat ng hindi ganap na makakamit ng Diyos ay babalik sa kanilang orihinal na lugar, ibig sabihin, babalik sila kay Satanas, at bababa sa lawa ng apoy at asupre upang tanggapin ang susunod na hakbang ng kaparusahan mula sa Diyos. Yaong mga nakamit ng Diyos ay yaong mga tinatalikdan si Satanas at tumatakas mula sa sakop nito. Sila ay opisyal na kabilang sa mga tao ng kaharian. Ganito ang kinahihinatnan ng mga tao ng kaharian. Handa ka bang maging ganitong klaseng tao? Handa ka bang makamit ng Diyos? Handa ka bang tumakas mula sa sakop ni Satanas at bumalik sa Diyos? Pag-aari ka na ba ngayon ni Satanas o kabilang ka sa mga tao ng kaharian?
Hinango mula sa “Ang Pananaw na Dapat Panghawakan ng mga Mananampalataya” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
440. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng pagkakabalot ng impluwensya ng kadiliman, nakagapos sa impluwensya ni Satanas nang hindi makakatakas. At ang disposisyon niya, pagkatapos itong maproseso ni Satanas, ay nagiging lalo at lalo pang tiwali. Maaaring masabi na ang tao ay noon pa namumuhay kasama ang kanyang tiwali at malasatanas na disposisyon, at walang kakayahang tunay na ibigin ang Diyos. Yamang ganito, kung nais ng tao na ibigin ang Diyos, kailangan niyang matanggalan ng kanyang pagmamagaling, labis na pagpapahalaga sa sarili, pagmamataas, kapalaluan, at iba pang gaya nito—lahat ng mula sa disposisyon ni Satanas. Kung hindi, ang pag-ibig ng tao ay isang hindi dalisay na pag-ibig, isang pag-ibig kay Satanas, at isa na siguradong hindi makakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Kung hindi direktang ginagawang perpekto, pinakikitunguhan, binabasag, tinatabas, dinidisiplina, itinutuwid, at pinipino ng Banal na Espiritu, walang sinuman ang tunay na nakakaibig sa Diyos.
Hinango mula sa “Ang Tiwaling Tao ay Walang Kakayahang Kumatawan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
441. Kapag kinakausap ng mga tao ang Diyos gamit ang kanilang mga puso, kapag nagagawa ng kanilang mga puso na ganap na bumaling sa Kanya, ito ang unang hakbang sa pag-ibig ng tao para sa Diyos. Kung nais mong ibigin ang Diyos, kailangan mo munang magawang ibaling ang iyong puso sa Kanya. Ano ang pagbaling ng iyong puso sa Diyos? Ito ay kapag ang lahat ng iyong hinahangad sa iyong puso ay para sa kapakanan ng pag-ibig at pagkakamit sa Diyos. Ipinakikita nito na ganap mo nang naibaling ang iyong puso sa Diyos. Maliban sa Diyos at sa Kanyang mga salita, halos wala nang ibang nasa iyong puso (pamilya, kayamanan, asawang lalaki, asawang babae, mga anak, atbp.). Kung mayroon man, hindi makakapanahan ang gayong mga bagay sa iyong puso, at hindi mo iniisip ang mga inaasahan mo sa iyong hinaharap kundi hinahangad lamang ang pag-ibig sa Diyos. Sa gayong pagkakataon ay naibaling mo na nang ganap ang iyong puso sa Diyos. Ipagpalagay mong gumagawa ka pa rin ng mga plano para sa iyong sarili sa iyong puso at palaging hinahangad ang pansariling pakinabang, palaging iniisip: “Kailan kaya ako makagagawa ng munting kahilingan sa Diyos? Kailan kaya yayaman ang aking pamilya? Paano kaya ako makakakuha ng ilang magagandang damit? …” Kung ikaw ay nabubuhay sa gayong kalagayan, ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pa ganap na nakabaling sa Diyos. Kung taglay mo lamang ang mga salita ng Diyos sa iyong puso at nagagawa mong manalangin sa Diyos at maging malapit sa Kanya sa lahat ng pagkakataon—na parang napakalapit Niya sa iyo, na parang ang Diyos ay nasa loob mo at ikaw ay nasa loob Niya—kung ikaw ay nasa gayong uri kalagayan, nangangahulugan ito na ang iyong puso ay nasa presensya na ng Diyos. Kung ikaw ay nananalangin sa Diyos at kinakain at iniinom mo ang Kanyang mga salita araw-araw, palaging iniisip ang gawain ng iglesia, at kung nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, ginagamit ang iyong puso upang ibigin Siya nang tunay at bigyang-kaluguran ang Kanyang puso, ang iyong puso ay magiging pag-aari ng Diyos. Kung ang iyong puso ay pinananahanan ng maraming ibang bagay, ito ay pinananahanan pa rin ni Satanas at ito ay hindi pa tunay na nakabaling sa Diyos. Kapag ang puso ng isang tao ay tunay na nakabaling na sa Diyos, magkakaroon sila ng tunay at kusang pag-ibig sa Kanya at magagawang isaalang-alang ang gawain ng Diyos. Bagama’t maaari pa rin silang magkaroon ng mga sandali ng kahangalan at kawalan ng katwiran, nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng bahay ng Diyos, sa Kanyang gawain, at sa sarili nilang pagbabago ng disposisyon, at malinis ang intensyon nila. May mga taong palaging sinasabi na lahat ng ginagawa nila ay para sa iglesia gayong, ang totoo, gumagawa sila para sa sariling pakinabang. Ang mga taong tulad nito ay nagtataglay ng maling uri ng layunin. Sila ay buktot at mapanlinlang at karamihan sa mga bagay na kanilang ginagawa ay para sa kanilang sariling pakinabang. Hindi hinahangad ng ganitong uri ng tao ang pag-ibig sa Diyos; ang kanilang puso ay pag-aari pa rin ni Satanas at hindi makakabaling sa Diyos. Sa gayon, walang paraan ang Diyos upang matamo ang ganitong uri ng tao.
Hinango mula sa “Ang Tunay na Pag-ibig sa Diyos ay Kusa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
442. Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa gitna ng mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panghihimasok ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at nangangailangan sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at panghihimasok ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan. Halimbawa, kung ikaw ay may pagkiling tungo sa iyong mga kapatid, magkakaroon ka ng mga salita na nais mong sabihin—mga salita na sa pakiramdam mo ay maaaring hindi ikatuwa ng Diyos—ngunit kung hindi mo sasabihin ang mga ito, makararamdam ka ng paghihirap sa kalooban mo, at sa sandaling ito, magsisimula ang isang paglalaban sa kalooban mo: “Magsasalita ba ako o hindi?” Ito ang paglalaban. Kaya, sa lahat ng bagay na makatagpo mo ay may labanan, at kapag may labanan sa iyong kalooban, dahil sa iyong aktwal na kooperasyon at aktwal na pagdurusa, gumagawa ang Diyos sa iyong kalooban. Sa huli, nagagawa mong isantabi sa kalooban mo ang pangyayari at ang galit ay likas na nawawala. Ganito ang epekto ng iyong pakikipagtulungan sa Diyos. Kailangan ng mga taong magbayad ng isang tiyak na halaga sa kanilang mga pagsisikap sa lahat ng kanilang ginagawa. Kung walang aktwal na paghihirap, hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, hindi man lamang sila kalapitan sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, at nagbubuga lamang sila ng mga hungkag na kasabihan! Mabibigyang-kasiyahan ba ng mga hungkag na kasabihang ito ang Diyos? Kapag naglalaban sa espirituwal na dako ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring hindi mukhang mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pag-ibig sa Kanya, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Ang lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao ay nangyayari kapag kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang bawat detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay isang patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga hindi mananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaisip ang Kanyang kalooban, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang matapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may lakas kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo. Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng dakilang gawain, kaya mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi maisantabi ng iba ang kanilang mga kuro-kuro, ngunit kaya mo; hindi kaya ng iba na magpatotoo sa Diyos sa panahon ng kanilang aktwal na mga karanasan, ngunit nagagamit mo ang iyong aktwal na katayuan at mga pagkilos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at magbigay ng maugong na patotoo sa Kanya. Ito lamang ang mabibilang na aktwal na pagmamahal sa Diyos.
Hinango mula sa “Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
443. Higit mong isinasagawa ang katotohanan, higit kang mag-aangkin ng katotohanan; higit mong isinasagawa ang katotohanan, higit kang magtataglay ng pag-ibig ng Diyos; at higit mong isinasagawa ang katotohanan, higit kang pagpapalain ng Diyos. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, unti-unting magagawa ng pag-ibig ng Diyos na makakita ka, tulad nang makilala ni Pedro ang Diyos: Sinabi ni Pedro na ang Diyos ay hindi lamang nagtataglay ng karunungang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan at lahat ng bagay, ngunit, higit pa rito, may karunungan din Siya na gawin ang tunay na gawain sa mga tao. Sinabi ni Pedro na hindi lamang Siya karapat-dapat sa pag-ibig ng mga tao dahil sa Kanyang paglikha ng mga kalangitan at kalupaan at ng lahat ng bagay, ngunit, higit pa rito, dahil sa Kanyang kakayahang lumikha ng tao, iligtas ang tao, gawing perpekto ang tao, at ibigay ang Kanyang pag-ibig sa tao. Kaya sinabi rin ni Pedro na maraming taglay Niya ang karapat-dapat sa pag-ibig ng tao. Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Ang paglikha ba ng mga kalangitan at kalupaan at lahat ng mga bagay ang tanging dahilan upang maging karapat-dapat Ka sa pag-ibig ng mga tao? Marami pang tinataglay Mo ang kaibig-ibig. Gumaganap at kumikilos Ka sa tunay na buhay, inaantig ng Iyong Espiritu ang kalooban ko, dinidisiplina Mo ako, sinasaway Mo ako—higit pang karapat-dapat ang mga bagay na ito sa pag-ibig ng mga tao.” Kung nais mong makita at maranasan ang pag-ibig ng Diyos, kung gayon ay dapat mong tuklasin at hanapin ang tunay na buhay at dapat maging handang isaisantabi ang iyong sariling laman. Dapat mong gawin ang kapasyahang ito. Dapat kang maging isang taong may paninindigan na magagawang magbigay-lugod sa Diyos sa lahat ng bagay, nang hindi nagiging tamad o nagnanasa sa mga kasiyahan ng laman, nang hindi nabubuhay para sa laman bagkus ay nabubuhay para sa Diyos. Maaaring may mga pagkakataon na hindi mo nabibigyang-lugod ang Diyos. Iyon ay dahil sa hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos; sa susunod, mangailangan man ito ng higit pang pagsisikap, dapat mo Siyang bigyang-lugod at hindi dapat bigyang kasiyahan ang laman. Kapag naranasan mo ito sa ganitong paraan, makikilala mo na ang Diyos. Makikita mo na kayang likhain ng Diyos ang mga kalangitan at kalupaan at lahat ng mga bagay, na Siya ay nagkatawang-tao upang tunay Siyang makita ng mga tao at tunay na makisalamuha sa Kanya; makikita mo na magagawa Niyang lumakad kasabay ng mga tao, na makakaya ng Kanyang Espiritu na gawing perpekto ang mga tao sa tunay na buhay, tinutulutan silang makita ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at danasin ang Kanyang pagdidisiplina, ang Kanyang pagpaparusa, at ang Kanyang mga biyaya. Kung lagi kang nakadaranas sa ganitong paraan, hindi ka mawawalay sa Diyos sa tunay na buhay, at kung isang araw ang ugnayan mo sa Diyos ay tumigil nang maging normal, magagawa mong tiisin ang paninisi at makaramdam ng pagsisisi. Kung may normal kang relasyon sa Diyos, hindi mo na nanaisin kailanman na iwan ang Diyos, at kung dumating ang araw na sabihin ng Diyos na iiwan ka Niya, matatakot ka, at sasabihin na nanaisin mo pang mamatay kaysa iwan ng Diyos. Sa sandaling may ganito kang mga damdamin, mararamdaman mo na wala kang kakayahang lisanin ang Diyos, at sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng isang pundasyon, at tunay na matatamasa ang pag-ibig ng Diyos.
Hinango mula sa “Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
444. Gaano mo kamahal ang Diyos sa ngayon? At gaano ang iyong nalalaman tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga bagay na dapat mong matutuhan. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, lahat ng Kanyang nagawa sa tao at itinulot na makita ng tao ay upang mahalin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa isa pang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; higit pa rito, dahil din ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na naisagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi pa kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na minamahal ang Diyos. Habang mas lumalaki ang gawain ng Diyos sa tao, at habang mas tumitindi ang pagdurusa ng tao, mas maliwanag kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at na mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano mo natututuhan kung paano mahalin ang Diyos? Kung walang paghihirap at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ibinigay ng Diyos sa tao ay biyaya, pag-ibig, at awa—magagawa mo ba talagang tunay na mahalin ang Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay walang kabuluhan, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman, at walang halaga; sa kabilang dako, sa panahon ng Kanyang mga pagsubok gumagawa ang Diyos ng iba’t ibang sitwasyon para sa tao kaya mas nararanasan ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi makayanan—hanggang sa antas ng nakapanlulumong pagdadalamhati—sa pagdanas nito, nakikita ng tao kung gaano kaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang nagkakaroon ang tao ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, pag-ibig, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang malaman ang diwa ng tao. Sa pamamagitan lamang kapwa ng pagpipino at paghatol ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinayo sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos.
Hinango mula sa “Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
445. Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at wala silang masyadong maaasahan. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, lahat ng uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakaliit ikaw ay pipinuhin; bukod dito, wala kang kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakatayog ng kalooban ng Diyos, na hindi ito kayang abutin ng tao. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang walang kakayahang mapalugod ang kalooban ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat ng kaya ko sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong lalaki ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananampalataya at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kung mahal ng tao ang Diyos, hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong kaguluhan, sa mga panahong ito tunay kang aasa sa Diyos, at sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaliwin, at madarama mo ang katiyakan, at na mayroon kang isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo; nanaisin mong umawit, sumayaw, at manalangin, makipagtipon at makipagniig, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, usapin, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo, walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu kundi magiging api-apihan ka, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad na lumigaya, kundi mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay ginagamit ang pagmamahal sa Diyos upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa iyong kalooban ay may puso pa ring nagmamahal sa Diyos, na lubhang nasasabik at nangungulila sa Diyos. Ito ay tunay na tayog.
Hinango mula sa “Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
446. Sa panahon ng mapait na pagpipino madaling nahuhulog ang tao sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya paano mo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng gayong pagpipino? Dapat mong tipunin ang iyong kalooban, ialay ang iyong puso sa harap ng Diyos at ilaan ang iyong huling sandali sa Kanya. Paano ka man pinipino ng Diyos, dapat mong maisagawa ang katotohanan upang palugurin ang kalooban ng Diyos, at dapat kang magkusa sa sarili mo na hanapin ang Diyos at hangaring makipagniig. Sa mga panahong kagaya nito, habang lalo kang walang kibo, lalo kang magiging mas negatibo at magiging mas madali para sa iyo na umurong. Kapag kinakailangan mo na gawin ang iyong tungkulin, bagama’t hindi mo ito nagagawa nang maayos, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya, at gawin ito gamit lamang ang walang iba kundi ang iyong pag-ibig sa Diyos; anuman ang sinasabi ng iba—sinasabi man nilang mahusay ang nagawa mo, o na hindi maganda ang nagawa mo—ang iyong mga intensyon ay tama, at hindi ka mapagmagaling, sapagka’t ikaw ay kumikilos sa ngalan ng Diyos. Kapag mali ang pakahulugan sa iyo ng iba, nagagawa mong manalangin sa Diyos at sinasabi: “O Diyos! Hindi ko hinihiling na pagtiisan ako ng iba o tratuhin ako nang maayos, ni maintindihan o sang-ayunan nila ako. Hinihiling ko lamang na magawa kong ibigin Ka sa puso ko, na mapalagay ako sa aking puso, at na maging malinis ang aking konsiyensya. Hindi ko hinihiling na purihin ako ng iba, o tingalain ako; hinahangad ko lamang na mapalugod Ka mula sa aking puso; ginagawa ko ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at bagaman ako ay hangal, mangmang, may mahinang kakayahan at bulag, nalalaman ko na Ikaw ay kaibig-ibig, at nakahanda akong ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo.” Sa sandaling manalangin ka sa ganitong paraan, ang iyong pag-ibig para sa Diyos ay lilitaw, at mas lalong giginhawa ang iyong pakiramdam sa puso mo. Ito ang kahulugan ng pagsasagawa sa pag-ibig sa Diyos.
Hinango mula sa “Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
447. Paano dapat ibigin ng tao ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pamamagitan ng kapasiyahan na ibigin ang Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagpipino: Sa panahon ng pagpipino ikaw ay nagdurusa sa loob, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa iyong puso, nguni’t nakahanda kang mapalugod ang Diyos gamit ang iyong puso, na umiibig sa Kanya, at ayaw mong intindihin ang laman. Ito ang kahulugan ng pagsasagawa sa pag-ibig sa Diyos. Nasasaktan ka sa loob, at ang iyong pagdurusa ay nakarating na sa isang partikular na punto, nguni’t nakahanda ka pa ring lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabi: “O Diyos! Hindi kita maaaring iwan. Bagama’t mayroong kadiliman sa loob ko, nais kong mapalugod Ka; kilala Mo ang aking puso, at hinihiling ko na mamuhunan Ka ng mas marami Mong pag-ibig sa loob ko.” Ito ang pagsasagawa sa panahon ng pagpipino. Kung gagamitin mo ang pag-ibig sa Diyos bilang saligan, maaari kang mas mailapit ng pagpipino sa Diyos at gagawin kang mas matalik sa Diyos. Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat mong isuko ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kung ihahandog at ilalatag mo ang iyong puso sa harap ng Diyos, sa panahon ng pagpipino ay magiging imposible para sa iyo na ikaila ang Diyos, o iwan ang Diyos. Sa ganitong paraan ang iyong relasyon sa Diyos ay magiging lalong mas malapit, at lalong mas normal, at ang iyong pakikipagniig sa Diyos ay magiging lalong mas madalas. Kung palagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, gugugol ka ng mas maraming panahon sa liwanag ng Diyos, at ng mas maraming panahon sa ilalim ng patnubay ng Kanyang mga salita. Magkakaroon din ng higit pang mas maraming pagbabago sa iyong disposisyon, at ang iyong kaalaman ay madaragdagan araw-araw. Kapag dumating ang araw na ang mga pagsubok ng Diyos ay biglang sumapit sa iyo, hindi ka lamang makapaninindigan sa panig ng Diyos, nguni’t magagawa mo ring magpatotoo sa Diyos. Sa panahong iyon, ikaw ay magiging kagaya ni Job, at ni Pedro. Sa pagpapatotoo sa Diyos iibigin mo Siya nang tunay, at iaalay nang may kagalakan ang iyong buhay para sa Kanya; ikaw ay magiging saksi ng Diyos, at magiging pinakaiibig ng Diyos. Ang pag-ibig na nakaranas na ng pagpipino ay matatag, hindi mahina. Kailan man o paano ka man isinasailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong ilatag ang iyong mga pag-aalala tungkol sa kung mabubuhay o mamamatay ka, isantabi ang lahat nang may kagalakan para sa Diyos, at masayang tiisin ang anuman para sa Diyos—at kaya ang iyong pag-ibig ay magiging dalisay, at ang iyong pananampalataya ay magiging totoo. Sa gayon ka lamang magiging isang tunay na iniibig ng Diyos, at isang tunay na nagawang perpekto na ng Diyos.
Hinango mula sa “Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
448. Kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao dahil kinakailangan ito ng Kanyang gawain, at, higit pa rito, dahil kailangan ito ng tao. Kailangan ng tao na makastigo at mahatulan, at saka lamang niya makakamit ang pag-ibig sa Diyos. Sa ngayon, kayo ay lubos na kumbinsido, ngunit kapag kayo ay napaharap sa kahit napakaliit na pagsubok ay naguguluhan na kayo. Ang inyong tayog ay napakaliit pa rin, at kailangan pa rin ninyong makaranas ng higit pang pagkastigo at paghatol para matamo ang mas malalim na kaalaman. Ngayon, kayo ay may kaunting paggalang sa Diyos, at takot kayo sa Diyos, at batid ninyong Siya ang tunay na Diyos, ngunit wala kayong dakilang pag-ibig sa Kanya, lalong hindi pa ninyo natamo ang dalisay na pag-ibig, ang inyong kaalaman ay napakababaw, at ang inyong tayog ay hindi sapat. Kapag kayo ay tunay na nakaranas ng isang kapaligiran, hindi pa kayo nagiging saksi, napakaliit sa inyong pagpasok ang maagap, at wala kayong ideya kung paano magsagawa. Karamihan ng mga tao ay walang-pakialam at hindi-kumikilos. Iniibig lamang nila nang palihim ang Diyos sa kanilang mga puso, ngunit walang paraan ng pagsasagawa, at hindi malinaw kung ano ang kanilang mga layunin. Ang mga taong nagawang perpekto ay hindi lamang may normal na pagkatao, kundi nagtataglay ng mga katotohanang nakahihigit sa mga sukat ng konsensya, na mas mataas pa kaysa mga pamantayan ng konsensya. Hindi lamang nila ginagamit ang kanilang konsensya upang masuklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit, higit pa rito, nakilala nila ang Diyos, at nakita nila na ang Diyos ay kaibig-ibig, at karapat-dapat ibigin ng tao, at napakaraming bagay ang kaibig-ibig sa Diyos. Walang magagawa ang tao kundi ang ibigin Siya. Ang pag-ibig sa Diyos para sa mga nagawang perpekto ay upang matupad nila ang kanilang pansariling mga hangarin. Ang kanila ay pag-ibig na kusang-loob, isang pag-ibig na hindi humihiling ng kapalit, at hindi isang transaksyon. Iniibig nila ang Diyos dahil lamang sa kanilang pagkakilala sa Kanya at wala nang iba pa. Hindi iniisip ng mga taong ito kung pagkakalooban sila ng Diyos ng mga biyaya, dahil sapat na sa kanila ang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi sila nakikipagtawaran sa Diyos, o kaya ay nagsusukat ng kanilang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng konsensya: “Nakapagbigay Ka sa akin, kaya iniibig din Kita. Kung hindi Ka nagbibigay sa akin, wala rin akong anumang maibibigay na kapalit sa Iyo.” Ang mga nagawang perpekto ay laging naniniwala na: “Ang Diyos ang Lumikha, at isinasakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa atin. Dahil ako ay may ganitong pagkakataon, kalagayan, at katangian upang gawing perpekto, ang pagsusumikapan kong makamit ay ang magkaroon ng isang makabuluhang buhay, at dapat na Siya ay aking mapasaya.”
Hinango mula sa “Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
449. Noong siya ay nabubuhay pa, si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses at sumailalim sa maraming masasakit na pagsubok. Ang pagpipinong ito ang naging saligan ng kanyang kataas-taasang pag-ibig sa Diyos, at ang naging pinakamakabuluhang karanasan sa kanyang buong buhay. Na nagawa niyang taglayin ang isang kataas-taasang pag-ibig sa Diyos ay, sa isang banda, dahil sa kanyang kapasiyahan na ibigin ang Diyos; higit na mas mahalaga, gayunpaman, ito ay dahil sa pagpipino at pagdurusa na kanyang pinagdaanan. Ang pagdurusang ito ay ang kanyang naging gabay sa landas ng pag-ibig sa Diyos, at ang naging pinaka-di-malilimutang bagay sa kanya. Kung hindi pagdadaanan ng mga tao ang kirot ng pagpipino sa pag-ibig sa Diyos, ang kanilang pag-ibig ay puno ng karumihan at ng kanilang sariling mga kagustuhan; ang pag-ibig na kagaya nito ay puno ng mga ideya ni Satanas, at talagang walang kakayahan sa pagpapalugod sa kalooban ng Diyos. Ang pagkakaroon ng kapasiyahan na ibigin ang Diyos ay hindi kagaya ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Bagama’t lahat ng kanilang iniisip sa kanilang mga puso ay alang-alang sa pag-ibig at pagpapalugod sa Diyos, at kahit na para bang ang kanilang mga saloobin ay nakalaan lahat sa Diyos at wala ni anumang mga ideya ng tao, kapag ang kanilang mga saloobin ay dinala sa harap ng Diyos, hindi Niya pinupuri o binabasbasan ang gayong mga saloobin. Kahit ganap nang naunawaan ng mga tao ang lahat ng mga katotohanan—kapag nakikilala na nila ang lahat ng mga ito—hindi masasabi na ito ay isang tanda ng pag-ibig sa Diyos, hindi masasabi na tunay na iniibig ng mga taong ito ang Diyos. Sa kabila ng pagkaunawa sa maraming katotohanan nang hindi sumasailalim sa pagpipino, walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang mga katotohanang ito; tanging sa panahon ng pagpipino mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga katotohanang ito, sa gayon lamang tunay na mapahahalagahan ng mga tao ang kanilang lihim na kahulugan. Sa panahong iyon, kapag muli nilang sinubukan, maisasagawa nila nang maayos ang mga katotohanan, at alinsunod sa kalooban ng Diyos; sa panahong iyon, ang kanilang mga ideyang pantao ay nababawasan, ang kanilang katiwaliang pantao ay lumiliit, at ang kanilang mga damdaming pantao ay umuunti; sa panahon lamang na iyon magiging isang tunay na pagpapahayag ng pag-ibig sa Diyos ang kanilang pagsasagawa. Ang epekto ng katotohanan ng pag-ibig sa Diyos ay hindi natatamo sa pamamagitan ng binigkas na kaalaman o kaisipang nagkukusa, at ni hindi ito maaaring matamo sa pamamagitan ng pag-unawa lamang sa katotohanang iyon. Hinihingi nitong magbayad ang mga tao, na sila ay sumailalim sa maraming kapaitan sa panahon ng pagpipino, at sa gayon lamang magiging dalisay ang kanilang pag-ibig at nakaayon sa puso ng Diyos.
Hinango mula sa “Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
450. Noong malapit na siyang mamatay, matapos siyang gawing perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilan pang mga taon, nais kong magkaroon ng mas higit na dalisay at higit na malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon, ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magpatotoo nito sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga pamantayan, at na ito ay mas higit pang magiging dalisay. Ngayon, ang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagbibigay kaginhawahan at katiyakan sa akin, sapagkat wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa sa mapako sa krus para sa Iyo at matugunan ang Iyong mga nais, at maibigay ang aking sarili sa Iyo, maialay ang aking buhay sa Iyo. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung pahihintulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hinahatulan Mo ako, at kinakastigo at sinusubukan dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat nagagawa kong ibigin Ka nang higit na malalim, at handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat mas nagkakaroon ako ng kakayahan upang isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Nararamdaman ko na ang pamumuhay ko ngayon ay higit na may kabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus para sa Iyong kapakanan, at makabuluhan ang mamatay para sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko tungkol sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti lamang ang napagbayaran ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nakayang ibigay ang buong sarili ko sa Iyo. Malayo pa ako roon. Habang lumilingon ako sa sandaling ito, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at ang sandaling ito lamang ang mayroon ako upang makabawi sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”
Hinango mula sa “Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
451. Dapat sikapin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan na lamang sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat pagsikapan ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang pagsikapan ang isang mas malalim, mas dalisay na pag-ibig sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay, sa ganito lamang magiging katulad ng tao si Pedro. Dapat kang tumuon sa pagiging maagap tungo sa iyong pagpasok sa positibong panig, at huwag basta na lang hayaan ang iyong sarili sa dumausdos pabalik para sa pagkakaroon ng panandaliang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas tiyak, at mas praktikal na mga katotohanan. Ang iyong pag-ibig ay dapat maging praktikal, at dapat kang humanap ng mga paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa masama at walang-inaalalang uri ng pamumuhay na walang pinagkaiba sa pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kahulugan, isang buhay na may kabuluhan at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili, o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para bigyang-kasiyahan ang Kanyang kagustuhan? Walang bagay na hihigit pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang gulugod, mga mahihinang nilalang. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang sigla sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan. At pagkatapos, magkakaroon ka pa ba ng isa pang pagkakataon para ibigin ang Diyos? Maaari bang ibigin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng konsensya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong magawang maingat na isaalang-alang kung paano mo itinuturing ang iyong buhay, kung paano mo dapat ihandog ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananampalataya sa Diyos, at paano, dahil sa iniibig mo ang Diyos, mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas mainam, at mas mabuti.
Hinango mula sa “Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
452. Kung nais ng mga tao na mahalin ang Diyos, dapat nilang matikman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos; sa gayon lamang makakayang gisingin sa kanila ang isang pusong nagmamahal sa Diyos, isang pusong nagbibigay-sigla sa mga tao na matapat na ibigay ang mga sarili para sa Diyos. Hindi ginagawa ng Diyos na ibigin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita at pahayag o sa pamamagitan ng kanilang imahinasyon, at hindi Niya pinipilit ang mga tao na mahalin Siya. Sa halip, hinahayaan Niyang kusang-loob na ibigin nila Siya, at hinahayaan Niya na makita nila sa Kanyang gawain at mga pagsasalita ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, at matapos nito ay nailuluwal sa kanila ang pag-ibig sa Diyos. Tanging sa ganitong paraan maaaring tunay na magpatotoo ang mga tao sa Diyos. Hindi minamahal ng mga tao ang Diyos dahil nahimok sila ng iba na gawin ito, at hindi rin ito panandaliang bugso ng damdamin. Minamahal nila ang Diyos sapagkat nakita na nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, nakita nila na marami sa Kanya ang karapat-dapat ibigin ng mga tao, sapagkat nakita na nila ang pagliligtas, karunungan, at mga kamangha-kamanghang gawa ng Diyos—at bilang resulta, tunay silang nagpupuri sa Diyos at tunay na hinahangad Siya, at may ganoong simbuyo ng damdamin na nagigising sa kanila na hindi sila maaaring mabuhay nang hindi nakakamit ang Diyos. Ang dahilan kung bakit nagagawang magbigay ng umaalingawngaw na patotoo sa Kanya yaong mga taong tunay na nagpapatotoo sa Diyos ay dahil ang kanilang patotoo ay nakasandig sa pundasyon ng tunay na kabatiran at tunay na paghahangad para sa Diyos. Ang ganoong patotoo ay hindi inihahandog sa isang bugso ng damdamin, ngunit ayon sa kanilang kabatiran sa Diyos at sa Kanyang disposisyon. Sapagkat nakilala na nila ang Diyos, sa pakiramdam nila ay tiyak na dapat silang magpatotoo sa Diyos, at magsilbi sa lahat ng naghahangad sa Diyos na makilala ang Diyos, at magkaroon ng kamalayan sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos at sa Kanyang pagiging totoo. Tulad ng pag-ibig ng mga tao sa Diyos, ang kanilang patotoo ay kusang-loob, ito ay tunay, at may tunay na kabuluhan at halaga. Hindi ito pasibo o hungkag at walang-kabuluhan. Ang dahilan kung bakit ang mga umiibig lamang sa Diyos ang may lalong higit na halaga at kahulugan sa kanilang mga buhay, at sila lamang ang tunay na naniniwala sa Diyos, ay dahil nagagawa ng mga taong ito na mamuhay sa liwanag ng Diyos at nagagawang mamuhay para sa gawain at pamamahala ng Diyos. Ito ay dahil hindi sila namumuhay sa kadiliman, kundi namumuhay sa liwanag; hindi sila namumuhay nang walang-kahulugang mga buhay, bagkus ay mga buhay na pinagpala ng Diyos. Tanging ang mga taong nagmamahal sa Diyos ang nagagawang magpatotoo sa Diyos, sila lamang ang mga saksi ng Diyos, sila lamang ang pinagpala ng Diyos, at tanging sila ang nagagawang tumanggap ng mga pangako ng Diyos. Yaong mga nagmamahal sa Diyos ay mga kapalagayang-loob ng Diyos, sila ang mga tao na minamahal ng Diyos, at matatamasa nila ang mga pagpapala kasama ang Diyos. Tanging ang mga taong tulad nito ang mabubuhay hanggang sa kawalang-hanggan, at sila lamang ang mabubuhay magpakailanman sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos. Ang Diyos ay para mahalin ng tao, at karapat-dapat Siya sa pagmamahal ng lahat ng tao, ngunit hindi lahat ng tao ay may kakayahang mahalin ang Diyos, at hindi lahat ng tao ay makakayang magpatotoo sa Diyos at humawak ng kapangyarihan kasama ang Diyos. Dahil nagagawa nilang magpatotoo sa Diyos, at maglaan ng lahat ng kanilang mga pagsisikap sa gawain ng Diyos, ang mga taong tunay na umiibig sa Diyos ay maaaring maglakad saanman sa ilalim ng mga kalangitan nang walang sinumang mangangahas na labanan sila, at makakaya nilang gamitin ang kapangyarihan sa lupa at pamunuan ang lahat ng tao ng Diyos. Nagsasama-sama ang mga taong ito mula sa iba’t ibang dako ng mundo. Nagsasalita sila ng iba’t ibang wika at may iba’t ibang kulay ng balat, ngunit ang kanilang pag-iral ay may magkatulad na kahulugan; lahat sila ay may pusong nagmamahal sa Diyos, lahat sila ay nagtataglay ng magkatulad na patotoo, at may magkakatulad na kapasyahan, at magkatulad na mithiin. Makapaglalakad nang malaya sa buong mundo ang mga umiibig sa Diyos, at makapaglalakbay sa buong sansinukob ang mga taong nagpapatotoo sa Diyos. Minamahal ng Diyos ang mga taong ito, pinagpapala sila ng Diyos, at mabubuhay sila magpakailanman sa Kanyang liwanag.
Hinango mula sa “Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
————————————
Rekomendasyon: