Sa ngayon, hahangarin ninyo na maging mga tao ng Diyos, at sisimulan ang buong pagpasok sa tamang landas. Ang maging mga tao ng Diyos ay nangangahulugan ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian. Sa kasalukuyan, opisyal na ninyong sinisimulan ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian, at ang inyong mga buhay sa hinaharap ay titigil na sa pagiging makupad at pabaya kagaya nang dati; sa gayong pamumuhay, imposibleng maabot ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Kung hindi ka nakakadama ng anumang pagmamadali, ipinapakita nito na wala kang pagnanais na paunlarin ang iyong sarili, na ang iyong paghahangad ay magulo at nalilito, at ikaw ay walang kakayahan na tuparin ang kalooban ng Diyos. Ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ay nangangahulugan ng pagsisimula ng buhay ng bayan ng Diyos—nakahanda ka bang tanggapin ang gayong pagsasanay? Nakahanda ka bang makadama ng pagmamadali? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagdidisiplina ng Diyos? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagkastigo ng Diyos? Kapag ang mga salita ng Diyos ay dumating sa iyo at ikaw ay sinubok, paano ka kikilos? At ano ang iyong gagawin kapag naharap ka sa lahat ng klase ng katunayan? Noong nakaraan, ang iyong pokus ay hindi sa buhay; sa kasalukuyan, dapat kang magtuon sa pagpasok sa buhay realidad, at hangarin ang mga pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay. Ito ang dapat matamo ng mga tao ng kaharian. Lahat ng tao ng Diyos ay dapat magtaglay ng buhay, dapat nilang tanggapin ang pagsasanay ng kaharian, at hangarin ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian.
Ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian ay ang mga sumusunod:
1. Dapat nilang tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos, na ang ibig sabihin, dapat nilang tanggapin ang lahat ng salitang binigkas sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.
2. Dapat silang pumasok sa pagsasanay ng kaharian.
3. Dapat nilang hangarin na antigin ng Diyos ang kanilang mga puso. Kapag ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at mayroon kang isang normal na espirituwal na buhay, mabubuhay ka sa dako ng kalayaan, na nangangahulugang mabubuhay ka sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng pag-ibig ng Diyos. Kapag ikaw ay nabubuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, saka ka lamang mapapabilang sa Diyos.
4. Dapat silang makamit ng Diyos.
5. Dapat silang maging isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.
Ang limang puntong ito ay ang Aking mga tagubilin para sa inyo. Ang Aking mga salita ay binibigkas sa bayan ng Diyos, at kung ikaw ay hindi nakahanda na tanggapin ang mga tagubilin na ito, hindi Kita pipilitin—ngunit kung tunay mong tinatanggap ang mga iyon, magagawa mo ang kalooban ng Diyos. Sa kasalukuyan, sinisimulan ninyong tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos, at hinahangad na maging mga tao ng kaharian at maabot ang mga pamantayang kinakailangan upang maging mga tao ng kaharian. Ito ang unang hakbang ng pagpasok. Kung nais mong ganap na gawin ang kalooban ng Diyos, dapat mong tanggapin ang limang tagubilin na ito, at kung magagawa mong matamo ang mga ito, magiging kaayon ka ng puso ng Diyos at tiyak na mahusay na mapapakinabangan ng Diyos. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian. Kasama sa pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ang espirituwal na buhay. Dati, walang pag-uusap ukol sa espirituwal na buhay, ngunit sa kasalukuyan, habang sinisimulan mo ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian, opisyal kang pumapasok sa espirituwal na buhay.
Anong uri ng buhay ang espirituwal na buhay? Ang espirituwal na buhay ay yaong kung saan ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at nagagawang isaisip ang pag-ibig ng Diyos. Ito yaong kung saan ay nabubuhay ka sa mga salita ng Diyos, at walang iba pa ang sumasakop sa iyong puso, at nagagawa mong maunawaan ang kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, at ginagabayan ka ng liwanag ng Banal na Espiritu ngayon upang matupad ang iyong tungkulin. Ang gayong buhay sa pagitan ng tao at ng Diyos ang espirituwal na buhay. Kung hindi mo nagagawang sundin ang liwanag sa kasalukuyan, isang pagitan ang nabuksan na sa iyong ugnayan sa Diyos—maaari pang naputol na ito—at wala kang isang normal na espirituwal na buhay. Ang isang normal na kaugnayan sa Diyos ay itinatag sa saligan ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos ngayon. Mayroon ka bang normal na espirituwal na buhay? Mayroon ka bang isang normal na kaugnayan sa Diyos? Ikaw ba ay isang taong sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu? Kung nagagawa mong sundin ang liwanag ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan, at nakakayang maunawaan ang kalooban ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, at pumasok sa mga salitang ito, ikaw ay isang taong sumusunod sa daloy ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo sinusunod ang daloy ng Banal na Espiritu, walang pag-aalinlangan na ikaw ay isang taong hindi hinahangad ang katotohanan. Ang Banal na Espiritu ay walang pagkakataon na makagawa sa kalooban ng mga walang pagnanais na paunlarin ang kanilang mga sarili, at bilang resulta, hindi kailanman magagawa ng gayong mga tao na magkaroon ng lakas, at palagi silang walang kibo. Sa kasalukuyan, sinusunod mo ba ang daloy ng Banal na Espiritu? Nasa daloy ka ba ng Banal na Espiritu? Lumabas ka na ba mula sa pagiging walang kibo? Lahat niyaong naniniwala sa mga salita ng Diyos, na ginagamit ang gawain ng Diyos bilang saligan, at sinusunod ang liwanag ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan—lahat sila ay nasa daloy ng Banal na Espiritu. Kung naniniwala ka na ang mga salita ng Diyos ay di-mapagkakailang tunay at tama, at kung naniniwala ka sa mga salita ng Diyos anuman ang Kanyang sabihin, ikaw ay isang taong naghahangad na makapasok sa gawain ng Diyos, at sa ganitong paraan ay tinutupad mo ang kalooban ng Diyos.
Upang makapasok sa daloy ng Banal na Espiritu, dapat kang magkaroon ng isang normal na ugnayan sa Diyos, at dapat mo munang alisin sa sarili mo ang iyong pagiging walang kibo. Ang ilang tao ay palaging sumusunod sa karamihan, at ang kanilang mga puso ay nalilihis nang napakalayo mula sa Diyos; ang gayong mga tao ay walang pagnanais na paunlarin ang kanilang mga sarili, at ang mga pamantayan na kanilang hinahangad ay masyadong mababa. Ang pagsisikap lamang na ibigin ang Diyos at kamtin ng Diyos ang kalooban ng Diyos. Mayroong mga tao na ginagamit lamang ang kanilang konsensya upang suklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit hindi ito maaaring tumugon sa kalooban ng Diyos; habang lalong tumataas ang mga pamantayan na iyong pinagsisikapan, lalo itong magiging katugma ng kalooban ng Diyos. Bilang isang normal na tao, na naghahangad ng pag-ibig sa Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa bayan ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupo lamang ng mga taong ito, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan. Sapagkat kayo ay napili na ng Diyos at itinataas ng Diyos, at, higit pa rito, dahil sa pag-ibig ng Diyos para sa inyo, naunawaan na ninyo ang tunay na buhay, at nalalaman kung paano mamuhay ng isang buhay na siyang pinakamahalaga. Hindi ito dahil sa ang inyong pagsisikap ay mahusay, ngunit dahil sa biyaya ng Diyos; ang Diyos ang nagbukas sa mga mata ng inyong espiritu, at ang Espiritu ng Diyos ang umantig sa inyong puso, binibigyan kayo ng mabuting kapalaran na lumapit sa harap Niya. Kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi kayo niliwanagan, hindi ninyo makikita kung ano ang kaibig-ibig tungkol sa Diyos, ni magiging posible para sa inyo na ibigin ang Diyos. Dahil ganap na naantig na ng Diyos ang puso ng mga tao kung kaya ang kanilang mga puso ay nakabaling na sa Diyos. May mga pagkakataon, kapag tinatamasa mo ang mga salita ng Diyos, ang iyong espiritu ay inaantig, at nadarama mo na hindi mo mapigilang ibigin ang Diyos, na mayroong matinding lakas sa kalooban mo, at na walang anumang bagay ang hindi mo maisasantabi. Kung ganito ang nadarama mo, ikaw ay naantig na ng Espiritu ng Diyos, at ang iyong puso ay nakabaling na nang ganap sa Diyos, at mananalangin ka sa Diyos at sasabihing: “O Diyos! Kami ay tunay na itinalaga at pinili Mo. Ang Iyong kaluwalhatian ay nagbibigay sa akin ng karangalan, at nakaluluwalhati para sa akin na maging isa sa Iyong mga tao. Gugugulin ko ang anumang bagay at ibibigay ang anumang bagay upang gawin ang Iyong kalooban, at ilalaan ko ang lahat ng aking mga taon, at ang habambuhay na pagsisikap, sa Iyo.” Kapag ikaw ay nananalangin sa ganitong paraan, magkakaroon ng walang-katapusang pag-ibig at tunay na pagsunod sa Diyos sa iyong puso. Nagkaroon ka na ba ng isang karanasang kagaya nito? Kung ang mga tao ay madalas antigin ng Espiritu ng Diyos, sila ay lalong nakahanda na ilaan ang kanilang mga sarili sa Diyos sa kanilang mga panalangin: “O Diyos! Nais kong makita ang Iyong araw ng kaluwalhatian, at nais kong mabuhay para sa Iyo—walang anuman ang higit na karapat-dapat o makahulugan kaysa sa mabuhay para sa Iyo, at wala akong taglay ni katiting na pagnanais na mabuhay para kay Satanas at sa laman. Itinataas Mo ako sa pamamagitan ng pagtutulot sa akin na mabuhay para sa Iyo sa kasalukuyan.” Kapag nanalangin ka na sa ganitong paraan, madarama mo na hindi mo mapigilang ibigay ang iyong puso sa Diyos, na dapat mong makamit ang Diyos, at kasusuklaman mong mamatay nang hindi nakakamit ang Diyos habang ikaw ay nabubuhay. Pagkasabi ng gayong panalangin, magkakaroon ng di-nauubos na lakas sa kalooban mo, at hindi mo malalaman kung saan ito nagmumula; sa iyong puso ay magkakaroon ng walang-hanggang kapangyarihan, at magkakaroon ng pakiramdam na ang Diyos ay labis na kaibig-ibig, at Siya ay nararapat ibigin. Ito ay kapag naantig ka na ng Diyos. Lahat niyaong nagkaroon na ng gayong karanasan ay naantig na ng Diyos. Para sa kanila na madalas antigin ng Diyos, ang mga pagbabago ay nangyayari sa kanilang mga buhay, nagagawa nilang gawin ang kanilang pagpapasya at nakahandang ganap na kamtin ang Diyos, ang pag-ibig para sa Diyos sa kanilang mga puso ay higit na malakas, ang kanilang mga puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, wala silang pagpapahalaga sa pamilya, sa mundo, sa mga kaugnayan, o sa kanilang kinabukasan, at nakahanda silang maglaan ng habambuhay na pagsisikap sa Diyos. Lahat niyaong naantig na ng Espiritu ng Diyos ay mga taong naghahangad sa katotohanan, at mayroong taglay na pag-asa na gagawing perpekto ng Diyos.
Naibaling mo na ba ang iyong puso sa Diyos? Naantig na ba ng Espiritu ng Diyos ang iyong puso? Kung hindi ka pa nagkaroon kailanman ng gayong karanasan, at kung hindi ka pa kailanman nakapanalangin sa gayong paraan, nagpapakita ito na ang Diyos ay walang lugar sa iyong puso. Lahat ng mga ginagabayan ng Banal na Espiritu at naantig na ng Espiritu ng Diyos ay nagtataglay ng gawain ng Diyos, na nagpapakita na ang mga salita ng Diyos at ang pag-ibig ng Diyos ay nag-ugat na sa kalooban nila. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako kasingsigasig mo sa pananalangin ko, ni ako ay masyadong inantig ng Diyos; may mga pagkakataon—kapag ako ay nagbubulay-bulay at nananalangin—nadarama ko na ang Diyos ay kaibig-ibig, at ang aking puso ay inaantig ng Diyos.” Walang higit na mahalaga kaysa sa puso ng tao. Kapag ang iyong puso ay nakabaling na sa Diyos, ang iyong buong pagkatao ay nakabaling na sa Diyos, at sa panahong iyon ang iyong puso ay naantig na ng Espiritu ng Diyos. Karamihan sa inyo ay nagkaroon na ng gayong karanasan—lamang, ang kalaliman ng inyong mga karanasan ay hindi magkakatulad. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako bumibigkas ng maraming salita ng panalangin, nakikinig lamang ako sa pakikipagniig ng iba at umuusbong ang lakas sa kalooban ko.” Nagpapakita ito na naantig na ng Diyos ang kalooban mo. Ang mga tao na naantig na ng Diyos ang kalooban ay inspirado kapag naririnig nila ang pakikipagniig ng iba; kung ang puso ng isang tao ay nananatiling ganap na hindi naantig kapag nakakarinig sila ng nakakasiglang mga salita, nagpapatunay ito na ang gawain ng Banal na Espiritu ay wala sa kalooban nila. Walang kasabikan sa kalooban nila, na nagpapatunay na wala silang taglay na katatagan, at kaya sila ay walang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang isang tao ay naantig na ng Diyos, magkakaroon siya ng reaksyon kapag naririnig ang mga salita ng Diyos; kung hindi pa siya naantig ng Diyos, hindi pa siya nakibahagi sa mga salita ng Diyos, siya ay walang kaugnayan sa mga iyon, at wala siyang kakayahan na maliwanagan. Yaong mga nakarinig na ng mga salita ng Diyos at hindi nagkaroon ng reaksyon ay mga tao na hindi pa naantig ng Diyos—sila ay mga tao na hindi taglay ang gawain ng Banal na Espiritu. Lahat yaong nagagawang tanggapin ang bagong liwanag ay inaantig, at tinataglay ang gawain ng Banal na Espiritu.
Sukatin mo ang sarili mo:
1. Nasa gitna ka ba ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu?
2. Nakabaling na ba ang iyong puso sa Diyos? Ikaw ba ay naantig na ng Diyos?
3. Nag-ugat na ba ang mga salita ng Diyos sa kalooban mo?
4. Ang iyo bang pagsasagawa ay itinatag sa saligan ng mga hinihingi ng Diyos?
5. Nabubuhay ka ba sa ilalim ng paggabay ng kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu?
6. Ang puso mo ba ay pinamamahalaan ng mga dating palagay, o ng mga salita ng Diyos ngayon?
Sa pagkarinig sa mga salitang ito, ano ang reaksyon sa kalooban ninyo? Yamang naniwala ka na sa loob ng maraming taon, taglay mo ba ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay? Mayroon na bang pagbabago sa iyong tiwaling disposisyon noong nakaraan? Nalalaman mo ba, alisunod sa mga salita ng Diyos ngayon, kung ano ang magkaroon ng buhay, at kung ano ang hindi magtaglay ng buhay? Ito ba ay malinaw sa inyo? Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga salita ng Diyos ngayon: Maging ikaw man ay naghahangad ng pagpasok sa buhay o ng katuparan ng kalooban ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon. Kung ang iyong pakikipagniig at hinahangad ay hindi nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon, isa kang estranghero sa mga salita ng Diyos, at ganap na nawalan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, ayaw ito ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinunod din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, na sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila pupurihin. Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi pupurihin ng Diyos. Ang paglilingkod na hiwalay sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga palagay, at imposible itong maging alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong palagay, wala silang magagawang anuman na akma sa kalooban ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga palagay, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundin ang gawain ng Banal na Espiritu ang kalooban ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na kaayon ng Kanyang sariling puso; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga palagay at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundin ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga palagay. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakaantala at nakakagambala, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang sumunod at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagpapahayag ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kakayahan na matanggap ang papuri ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga palagay at pagsuway ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan. Ang mga taong inaalis ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundin ang pinakabagong gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakabagong gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang imahe ng Diyos ay hindi kagaya ng sa kanilang mga palagay—bilang resulta nito, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinahatulan ang Diyos, na humahantong na sila ay kasuklaman at tanggihan ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman tungkol sa pinakabagong gawain ng Diyos ay hindi madaling bagay, ngunit kung gusto ng mga tao na sumunod sa gawain ng Diyos at hangarin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na kamtin ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, kung matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakabagong gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, nakasalalay ito sa kanilang paghahangad, at nakasalalay ito sa kanilang mga layunin.
Lahat ng kayang sumunod sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano man sila dati, o kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila dati—yaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at yaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan ay inaalis. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating palagay, at sumunod sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao. Ang lahat ng ito ay dahil sa gawain ng Diyos, dahil sa pagtatadhana at pagpili ng Diyos, at dahil sa biyaya ng Diyos; kung hindi sinabi at binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, maaari kayang ang inyong mga kalagayan ay magiging kagaya ng sa kasalukuyan? Kaya, lahat nawa ng kaluwalhatian at papuri ay mapasa-Diyos, sapagka’t ang lahat ng ito ay dahil itinataas kayo ng Diyos. Habang iniisip ang mga bagay na ito, makakapanatili ka pa rin bang walang kibo? Hindi pa rin ba makauusbong ang iyong lakas?
Na kaya mong tanggapin ang paghatol, pagkastigo, paghampas, at pagpipino ng mga salita ng Diyos, at, higit pa rito, ay kayang tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos, ay itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at kaya hindi ka dapat masyadong mabagabag kapag ikaw ay kinakastigo. Walang sinuman ang makaaagaw sa gawain na nagawa na sa inyo, at sa mga pagpapala na naipagkaloob na sa inyo, at walang sinuman ang makaaagaw sa lahat ng mga naibigay na sa inyo. Ang mga tao ng relihiyon ay hindi maihahambing sa inyo. Hindi ninyo taglay ang malaking kahusayan sa Biblia, at hindi kayo nasasangkapan ng teorya ng relihiyon, nguni’t dahil ang Diyos ay gumawa na sa inyo, nagkamit na kayo ng higit sa kaninuman sa kabuuan ng mga kapanahunan—at kaya ito ang inyong pinakamalaking pagpapala. Dahil dito, lalo kayong dapat na maging dedikado sa Diyos, at lalo pang maging tapat sa Diyos. Sapagka’t itinataas ka ng Diyos, dapat mong patibayin ang iyong mga pagsisikap at dapat ihanda ang iyong tayog na tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos. Dapat kang manindigan sa dako na ibinigay sa iyo ng Diyos, hangarin ang pagiging isa sa mga tao ng Diyos, tanggapin ang pagsasanay ng kaharian, makamit ng Diyos at sa bandang huli ay maging isang maluwalhating patotoo sa Diyos. Taglay mo ba ang mga kapasyahang ito? Kung taglay mo ang gayong mga kapasyahan, sa huli ay tiyak kang makakamit ng Diyos, at magiging isa kang maluwalhating patotoo sa Diyos. Dapat mong maunawaan na ang pangunahing tagubilin ay ang makamit ng Diyos at maging isang maluwalhating patotoo sa Diyos. Ito ang kalooban ng Diyos.
Ang mga salita ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan ay ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu, at ang patuloy na kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa tao sa panahong ito ay ang kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu. At ano ang kalakaran sa gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan? Ito ay ang pangunguna ng mga tao tungo sa gawain ng Diyos ngayon, at tungo sa isang normal na espirituwal na buhay. Mayroong ilang hakbang sa pagpasok sa isang normal na espirituwal na buhay:
1. Una, dapat mong ibuhos ang iyong puso sa mga salita ng Diyos. Hindi mo dapat hangarin ang mga salita ng Diyos sa nakaraan, at hindi dapat pag-aralan ang mga ito ni ihambing ang mga ito sa mga salita sa kasalukuyan. Sa halip, dapat mong ganap na ibuhos ang iyong puso sa kasalukuyang mga salita ng Diyos. Kung mayroong mga tao na nagnanais pa ring basahin ang mga salita ng Diyos, mga espirituwal na aklat, o iba pang mga tala ng pangangaral mula sa nakaraan, at hindi sumusunod sa mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, sila ang pinakahangal sa lahat ng tao; kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao. Kung nakahanda kang tanggapin ang liwanag ng Banal na Espiritu ngayon, ganap mong ibuhos ang iyong puso sa mga pagpapahayag ng Diyos ngayon. Ito ang unang bagay na dapat mong matamo.
2. Dapat kang manalangin sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, pumasok sa mga salita ng Diyos at makipagniig sa Diyos, at gawin ang iyong mga pasya sa harap ng Diyos, itinatatag kung anong mga pamantayan ang nais mong hangaring matupad.
3. Dapat mong hangarin ang malalim na pagpasok sa katotohanan sa saligan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan. Huwag kang manangan sa lipas nang mga pagpapahayag at mga teorya mula sa nakaraan.
4. Dapat mong hangarin na maantig ng Banal na Espiritu, at pumasok sa mga salita ng Diyos.
5. Dapat mong hangarin ang pagpasok sa landas na nilakaran ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan.
At paano mo hinahangad na maantig ng Banal na Espiritu? Ang napakahalagang bagay ay ang mabuhay sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at manalangin sa saligan ng mga hinihingi ng Diyos. Sa pananalangin sa ganitong paraan, tiyak na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung hindi ka naghahangad batay sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, ito ay walang ibubunga. Dapat kang manalangin, at sabihin: “O Diyos! Ikaw ay aking kinakalaban, at malaki ang aking pagkakautang sa Iyo; masyado akong masuwayin, at hindi kailanman nagagawang mapalugod Ka. O Diyos, hinihiling ko na iligtas Mo ako, nais kong maglingkod sa Iyo hanggang sa kahuli-hulihan, nais kong mamatay para sa Iyo. Hinahatulan Mo ako at kinakastigo ako, at wala akong mga reklamo; Ikaw ay aking kinakalaban at karapat-dapat akong mamatay, upang lahat ng tao ay maaaring makita ang Iyong matuwid na disposisyon sa aking kamatayan.” Kapag nananalangin ka mula sa kaibuturan ng iyong puso sa ganitong paraan, diringgin ka ng Diyos, at gagabayan ka; kung hindi ka nananalangin sa saligan ng mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, walang posibilidad na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay mananalangin alinsunod sa kalooban ng Diyos, at alinsunod sa kung anong gustong gawin ng Diyos sa kasalukuyan, sasabihin mo: “O Diyos! Nais kong tanggapin ang Iyong mga tagubilin at maging tapat sa Iyong mga tagubilin, at nakahanda akong ilaan ang aking buong buhay sa Iyong kaluwalhatian, upang ang lahat ng aking ginagawa ay makaaabot sa mga pamantayan ng bayan ng Diyos. Nawa’y antigin Mo ang aking puso. Nais ko na liwanagan akong palagi ng Iyong Espiritu, upang ang lahat ng aking ginagawa ay magdulot ng kahihiyan kay Satanas, na sa bandang huli ako ay Iyong makamit.” Kung mananalangin ka sa ganitong paraan, sa paraang nakasentro sa kalooban ng Diyos, walang-pagsalang gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Hindi mahalaga kung gaano karami ang mga salita sa iyong mga panalangin—ang susi ay kung nauunawaan mo o hindi ang kalooban ng Diyos. Maaaring nagkaroon na kayong lahat ng sumusunod na karanasan: Minsan, habang nananalangin sa isang pagpupulong, ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu ay umaabot sa kanilang kasukdulan, na nagiging sanhi para umusbong ang lakas ng bawa’t isa. Ang ilang tao ay tumatangis at humahagulgol habang nananalangin, napuspos ng pagsisisi sa harap ng Diyos, at ang ilang tao ay ipinakikita ang kanilang kapasyahan, at gumagawa ng mga panata. Ang gayon ay ang epekto na tatamuhin ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa kasalukuyan, napakahalaga na ganap na ibuhos ng lahat ng tao ang kanilang mga puso sa mga salita ng Diyos. Huwag magtuon ng pansin sa mga salita na sinabi noon; kung pinanghahawakan mo pa rin ang kung ano ang dumating noong una, ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kalooban mo. Nakikita mo ba kung gaano kahalaga ito?
Nalalaman ba ninyo ang landas na nilakaran ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan? Ang ilang punto sa itaas ang tutuparin ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan at sa hinaharap; ang mga ito ang landas na tinahak ng Banal na Espiritu, at ang pagpasok na kailangang hangarin ng tao. Sa iyong pagpasok sa buhay, dapat mong ibuhos man lang ang iyong puso sa mga salita ng Diyos, at magawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; ang iyong puso ay dapat manabik sa Diyos, dapat mong hangarin ang malalim na pagpasok sa katotohanan, at ang mga layunin na hinihingi ng Diyos. Kung tinataglay mo ang ganitong lakas, nagpapakita ito na ikaw ay naantig na ng Diyos, at ang iyong puso ay nagsimula nang bumaling sa Diyos.
Ang unang hakbang sa pagpasok sa buhay ay ang ibuhos mo nang ganap ang iyong puso sa mga salita ng Diyos, at ang ikalawang hakbang ay ang tanggapin na maantig ng Banal na Espiritu. Ano ang epekto na matatamo sa pagtanggap na maantig ng Banal na Espiritu? Ito ay ang magawang manabik, hangarin, at saliksikin ang isang mas malalim na katotohanan, at magawang makipagtulungan sa Diyos sa isang positibong paraan. Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan ka sa Diyos, na ang ibig sabihin ay mayroong layunin sa iyong paghahangad, sa iyong mga panalangin, at sa iyong pakikipagniig sa mga salita ng Diyos, at iyong ginagampanan ang iyong tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos—ito lamang ang pakikipagtulungan sa Diyos. Kung magsasalita ka lamang ukol sa pagtutulot na kumilos ang Diyos, ngunit hindi ka gumagawa ng anumang pagkilos, hindi nananalangin o naghahangad, maaari ba itong tawaging pakikipagtulungan? Kung wala kang taglay na anumang pakikipagtulungan sa iyo, at nawalan ka ng pagsasanay para sa pagpasok na mayroong layunin, hindi ka nakikipagtulungan. Sinasabi ng ilang tao: “Ang lahat ay nakasalalay sa pagtatalaga ng Diyos, lahat ng ito ay ginagawa ng Diyos Mismo; kung hindi ito ginawa ng Diyos, paano pa kaya ng tao?” Ang gawain ng Diyos ay normal, at wala ni katiting na higit sa karaniwan, at sa pamamagitan lamang ng iyong aktibong paghahangad kaya gumagawa ang Banal na Espiritu, sapagkat hindi pinipilit ng Diyos ang tao—dapat mong bigyan ang Diyos ng pagkakataon na gumawa, at kung hindi ka maghahangad o papasok, at kung wala ni katiting na kasabikan sa iyong puso, ang Diyos ay walang pagkakataon na gumawa. Sa anong landas ka makakapaghangad na maantig ng Diyos? Sa pamamagitan ng panalangin at paglapit sa Diyos. Ngunit ang pinakamahalaga, tandaan mo, ito ay dapat sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos. Kapag ikaw ay madalas na antigin ng Diyos, hindi ka alipin ng laman: Asawa, mga anak, at salapi—walang kakayahan ang lahat ng ito na igapos ka, at nais mo lamang hangarin ang katotohanan at mabuhay sa harap ng Diyos. Sa panahong ito, ikaw ay magiging isang tao na nabubuhay sa dako ng kalayaan.
________________________________
Rekomendasyon:
- Yaon Lamang mga Nakakakilala sa Diyos at Nakakaalam sa Kanyang Gawain ang Makakapagbigay-kasiyahan sa Diyos
- Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos
Write a comment