1. Ang Makapangyarihang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat, tinutupad-ang-lahat at ganap na tunay na Diyos! Hindi lamang Niya dala-dala ang pitong bituin, tinataglay ang pitong Espiritu, mayroong pitong mata, binubuksan ang pitong tatak at binubuksan ang kasulatan, ngun’t higit sa riyan pinamamahalaan Niya ang pitong salot at ang pitong mangkok at binubuksan ang pitong kulog; matagal nang panahong nakalipas pinatunog na Niya ang pitong trumpeta! Lahat ng bagay na nilikha at ginawang ganap Niya ay dapat na purihin Siya, magbigay ng kaluwalhatian sa Kanya at itaas ang Kanyang trono. O, Makapangyarihang Diyos! Ikaw ang bawat bagay, naisakatuparan Mo ang bawat bagay, at sa Iyo lahat ay ganap, lahat ay maningning, lahat ay napalaya, lahat ay malaya, lahat ay malakas at makapangyarihan! Walang anumang natatago o natatakpan, sa Iyo ang lahat ng hiwaga ay nabubunyag. Lalong higit, Iyong hinahatulan ang sangkaramihan ng Iyong mga kaaway, Iyong ipinakikita ang Iyong kamahalan, ipinakikita ang Iyong naglalagablab na apoy, ipinakikita ang Iyong poot, at lalong higit Iyong ipinakikita ang Iyong walang katulad, walang-hanggan, buong-buong walang-katapusang kaluwalhatian! Lahat ng bayan ay dapat na gumising at dapat magbunyi at umawit nang buong-laya, pinupuri ang makapangyarihan sa lahat, ang tunay-lahat, nabubuhay-lahat, masagana, maluwalhati at tunay na Diyos na mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan.
Hinango mula sa “Kabanata 34” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
2. Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, ipatutupad Ko ang Aking katuwiran at isasagawa Ko ang Aking paghatol. Gagamitin Ko ang Aking mga salita para maisakatuparan ang lahat at gagawin ang lahat ng tao at lahat ng bagay na maranasan ang Aking kamay na nagkakastigo. Gagawin Kong makita ng lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, makita ang Aking buong karunungan, makita ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humatol dahil lahat ay nagagawang ganap sa Akin. Sa ganito, makikita ng lahat ang Aking buong karangalan at mararanasan ng lahat ang Aking buong tagumpay yamang lahat ay ipinamamalas kasama Ko.
Hinango mula sa “Kabanata 120” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
3. Lahat ng Aking iniibig ay tiyak na mabubuhay nang walang hanggan, at lahat ng lumalaban sa Akin ay tiyak na kakastiguhin Ko nang walang hanggan. Sapagkat Ako’y isang mapanibughuing Diyos, hindi Ko basta patatawarin ang mga tao sa lahat ng kanilang nagawa. Babantayan Ko ang buong daigdig, at, nagpapakita sa Silangan ng mundo nang may katuwiran, kamahalan, poot at pagkastigo, ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming hukbo ng sangkatauhan!
Hinango mula sa “Kabanata 26” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
4. Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagka’t ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay nakarating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian, iyon ay, lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subali’t, hanggang sa pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawaing gagawin ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang kanyang paghihimagsik, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng paghatol ng Diyos.
Ang “paghatol” sa mga salitang nasabi na dati—ang paghatol ay magsisimula sa bahay ng Diyos—ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa ganoong higit-sa-karaniwang mga naguguni-guni kagaya ng, sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa mga kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, nakaupo sa isang dakilang luklukan na ang lahat ng mga tao ay nakaluhod sa lupa, ibubunyag Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay malalaman kung sila ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng nagniningas na apoy at asupre. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, ang nilalaman ng gawain ng Diyos ay hindi maaaring mabago. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi mga nabubuong kaisipan ng tao at nanggagaling sa utak ng tao, binuo at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatuwid Aking sinasabi, gaano man kaliwanag ang mga larawang naisip, ang mga ito ay mga iginuhit lamang at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Hinahaka ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay talagang di-kapani-paniwala. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang nagsasagawa ng gawain ng paghatol, kung gayon ito ay magiging pinakakakila-kilabot at hindi mauunawaan ng mga mortal, at aalingawngaw ito hanggang sa mga kalangitan at yayanigin ang lupa; kung hindi ay papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala siya na dahil ito ay gawain ng paghatol, kung gayon ang Diyos ay dapat na maging lalong nakakatakot at maringal habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na nagpapapalahaw sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong tagpo ay napakarangyang pagmasdan at masyadong nakapupukaw…. Naguguni-guni ng bawa’t tao na maalamat ang gawain ng paghatol ng Diyos. Alam mo ba, gayunman, na matagal nang sinimulan ng Diyos ang gawain ng paghatol sa gitna ng mga tao, at sa buong panahong ito ikaw ay mahimbing na natutulog? Na, sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay nagsisimula na, ito na ang oras na binabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, malamang ay noon mo pa lamang naintindihan ang kahulugan ng buhay, nguni’t ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na natutulog pa ring mahimbing, sa impiyerno. Saka mo lamang biglang mapagtatanto na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.
Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
5. Nang ang Diyos ay naging tao sa panahong ito, ang Kanyang gawain ay upang ipahayag ang Kanyang disposisyon, una sa lahat sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol. Gamit ito bilang pundasyon, naghahatid Siya ng iba pang katotohanan sa tao, nagpapakita ng iba pang mga paraan ng pagsasagawa, at sa gayon ay nakakamit ang Kanyang layunin na lupigin ang tao at iligtas mula sa kanyang tiwaling disposisyon. Ito ang nasa likod ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.
Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
6. Sa mga huling araw, si Cristo ay gumagamit ng sari-saring katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan…. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
7. Ang ilan ay naniniwala na ang Diyos ay maaaring minsan pumarito sa lupa at magpakita sa tao, kung saan ay hahatulan Niya mismo ang buong sangkatauhan, sinusubukan ang bawat isa na walang sinuman ay malalampasan. Ang mga nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi alam ang yugto na ito ng gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga tao nang isa-isa, at hindi sinusubukan ang tao nang isa-isa; ang paggawa ng gayon ay hindi magiging gawain ng paghatol. Hindi ba ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan ay pare-pareho? Hindi ba ang diwa ng tao ay magkakapareho? Ang hinuhusgahan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang walang kapararakan at walang kabuluhang mga kamalian ng tao. Ang gawain ng paghatol ay kumakatawan, at hindi isinasagawa para sa isang tiyak na tao. Sa halip, ito ay gawain kung saan ang isang grupo ng mga tao ay hinahatulan upang kumatawan sa paghatol ng lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain sa isang grupo ng mga tao, ang Diyos sa katawang-tao ay ginagamit ang Kanyang gawain upang kumatawan sa gawain ng buong sangkatauhan, kung saan pagkatapos ito ay unti-unting lumalaganap. Ang gawain ng paghatol ay ganoon din. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang tiyak na uri ng tao o isang tiyak na grupo ng mga tao, nguni’t hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan—ang pagsalungat ng tao sa Diyos, halimbawa, o kawalang-galang ng tao sa Kanya, o panggugulo sa gawain ng Diyos, at iba pa. Ang hinuhusgahan ay ang diwa ng pagsalungat ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng nagkatawang-taong Diyos na nasaksihan ng tao ay gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na naisip ng tao sa mga panahon na nakaraan. Ang gawain na kasalukuyang ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos ay eksaktong ang paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang nagkatawang-taong Diyos sa panahon ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang Kanyang gawain, salita, at buong disposisyon ay ang kabuuan Niya. Kahit na ang saklaw ng Kanyang gawain ay limitado, at hindi direktang nalalakip ang buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang direktang paghatol sa lahat ng sangkatauhan; ito ay hindi lamang isinasagawa na gawain para sa Tsina, o para sa isang maliit na bilang ng mga tao. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, kahit na ang saklaw ng gawain na ito ay hindi kalakip ang buong sansinukob, ito ay kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob, at pagkatapos Niyang tapusin ang gawain sa loob ng gawaing saklaw ng Kanyang katawang-tao, agad Niyang palalawakin ang gawain na ito sa buong sansinukob, sa parehong paraan na ang ebanghelyo ni Jesus ay lumaganap sa buong sansinukob kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Hindi alintana kung ito ay ang gawain ng Espiritu o ang gawain ng katawang-tao, ito ay gawain na natutupad sa loob ng isang limitadong saklaw, nguni’t kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob. Sa panahon ng mga huling araw, nagpapakita ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain gamit ang Kanyang nagkatawang-taong pagkakakilanlan, at ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos na humahatol sa tao sa harap ng malaking puting trono. Hindi alintana kung Siya ang Espiritu o ang katawang-tao, Siya na gumagawa ng gawain ng paghatol ay ang Diyos na humahatol sa sangkatauhan sa mga huling araw. Ito ay inilalarawan ayon sa Kanyang gawain, at hindi inilalarawan ayon sa Kanyang panlabas na anyo o iba pang mga kadahilanan. Kahit ang tao ay may mga pagkaintindi sa mga salitang ito, walang sinuman ang maaaring tumanggi sa katotohanan ng paghatol at paglupig ng nagkatawang-taong Diyos sa lahat ng sangkatauhan. Hindi alintana kung ano ang iniisip ng tao, ang mga katunayan ay, sa kabila ng lahat, mga katunayan. Walang sinuman ang maaaring sabihin na “Ang gawain ay ginagawa ng Diyos, nguni’t ang katawang-tao ay hindi Diyos.” Ito ay kalokohan, dahil ang gawain na ito ay maaaring gawin lamang ng Diyos sa katawang-tao.
Hinango mula sa “Ang Tiwaling Sangkatauhan ang Mas Nangangailangan ng Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
8. Walang sinumang mas angkop, at karapat-dapat, kaysa sa Diyos sa katawang-tao para sa gawain ng paghatol sa katiwalian ng katawan ng tao. Kung ang paghatol ay isinagawa nang direkta ng Espiritu ng Diyos, kung gayon ito ay hindi magiging para sa lahat. Bukod dito, ang gayong gawain ay magiging mahirap para sa tao na tanggapin, sapagka’t ang Espiritu ay hindi kayang lumapit nang harap-harapan sa tao, at dahil dito, ang mga epekto ay hindi magiging agaran, lalong hindi makikita ng tao ang di-naaagrabyadong disposisyon ng Diyos nang lalong malinaw. Matatalo lamang nang lubusan si Satanas kung hahatulan ng Diyos sa katawang-tao ang katiwalian ng sangkatauhan. Dahil tulad sa tao na nagtataglay ng normal na pagkatao, maaaring tuwirang hatulan ng Diyos sa katawang-tao ang kasamaan ng tao; ito ang tatak ng Kanyang likas na kabanalan, at ng Kanyang pagiging katangi-tangi. Diyos lamang ang karapat-dapat, at nasa posisyon, na hatulan ang tao, sapagkat taglay Niya ang katotohanan, at katuwiran, kaya nga nagagawa Niyang hatulan ang tao. Yaong mga walang katotohanan at katuwiran ay hindi akmang hatulan ang iba.
Hinango mula sa “Ang Tiwaling Sangkatauhan ang Mas Nangangailangan ng Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
9. Dahil sa mga paghatol na ito kaya ninyo nakita na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, na ang Diyos ang banal na Diyos. Dahil sa Kanyang kabanalan at katuwiran kaya Niya kayo nahatulan at kaya Siya nagalit sa inyo. Dahil maaari Niyang ihayag ang Kanyang matuwid na disposisyon kapag nakikita Niya ang pagkasuwail ng sangkatauhan, at dahil maaari Niyang ihayag ang Kanyang kabanalan kapag nakikita Niya ang karumihan ng sangkatauhan, sapat ito para ipakita na Siya ang Diyos Mismo na banal at walang dungis, ngunit naninirahan din sa isang maruming lupain.
Hinango mula sa “Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Panlulupig” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
10. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin sa pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang doon sa pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Sa katotohanan, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng pagliligtas. Ang tao ay nakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, ang lahat ng karumihan, mga pagkaunawa, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag.
Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
11. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang makilala Siya ng tao, at para sa kapakanan ng Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Para sa kapakanan ng Kanyang patotoo, at para sa kapakanan ng Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya sa publiko ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na makilala ang Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang mga pagbabagong iyon sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng nais ng Diyos. Ang pagbabago sa disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging modelo at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang tao na kaayon ng nais ng Diyos. Ngayon, dumating na ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at Kanyang hinihingi sa tao na makamit ang pagkakilala sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya—malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang mga salita at gawain na hindi naaayon sa mga pagkaintindi ng tao, at magpatotoo sa lahat ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao pati na rin ang lahat ng gawang ginagawa Niya na lumulupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay dapat magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tiyak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakarating na sa pagkakilala sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapailalim sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali na ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at gayon din ay ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nabago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi niya kailangan ang tao na purihin Siya sa salita lamang, at hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi pa Niya nailigtas. Tanging yaong mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.
Hinango mula sa “Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
12. Ang katungkulan ng Aking paghatol ay upang bigyang-kakayahan ang tao na maging mas mahusay sa pagsunod sa Akin, at ang katungkulan ng Aking pagkastigo ay upang hayaan ang tao na mas mabisang mabago. Bagaman ang Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa na ng anumang bagay na walang pakinabang sa tao. Iyon ay dahil nais Kong gawin ang lahat ng bansa sa labas ng Israel na kasing-masunurin ng mga Israelita, at gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon may panghahawakan Ako sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang gawain na Aking tinutupad sa gitna ng mga bansang Gentil.
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
13. Yaong mga sumusunod sa katotohanan at nagpapasakop sa gawain ng Diyos ay mapapasailalim sa pangalan ng ikalawang nagkatawang-taong Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat. Makakatanggap sila ng personal na paggabay ng Diyos, at makakamit ang mas higit at mas mataas na katotohanan at matatanggap ang tunay na pantaong buhay. Makikita nila ang pangitain na hindi kailanman nakita ng mga tao nang nakaraan: “At ako’y lumingon upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin. At nang ako’y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay ang pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang ganoong pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos nang Siya ay naging katawang-tao sa panahong ito. Sa mga dagsa ng mga pagkastigo at mga paghatol, ang Anak ng tao ay nagpapahayag ng Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga salita, nagpapahintulot sa lahat na tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, isang mukha na matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre, ang lahat ng ito ay hindi makikita niyaong mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na mabigkas nang maliwanag gamit ang mga salita ng tao, at sa gayon ginagamit ng Diyos ang pagpapahayag ng Kanyang likas na disposisyon upang ipakita ang tunay Niyang mukha sa tao. Na ang ibig sabihin na ang lahat ng nakaranas sa likas na disposisyon ng Anak ng tao ay nakakita sa tunay na mukha ng Anak ng tao, sapagka’t ang Diyos ay masyadong dakila at hindi maaaring ganap na mabigkas nang maliwanag gamit ang mga salita ng tao.
Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
14. Ang Diyos ay walang-imik, at hindi pa kailanman nagpakita sa atin, nguni’t ang Kanyang gawain ay hindi kailanman huminto. Binabantayan Niya ang buong lupa, at inuutusan ang lahat ng bagay, at pinagmamasdan ang lahat ng salita at gawa ng tao. Ang Kanyang pamamahala ay pinatatakbo Niya, na tiyak ang bawat hakbang at alinsunod sa Kanyang plano, nang tahimik, at hindi masigabo, nguni’t ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, isa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang upuan sa paghatol ay ipinadadala sa sansinukob na kasimbilis ng kidlat, kasunod nito ang pagpanaog ng Kanyang trono sa ating kalagitnaan. Isang maringal na tanawin yaon, isang marangal at taimtim na larawan! Katulad ng isang kalapati, at katulad ng umaatungal na leon, ang Espiritu ay dumarating sa ating kalagitnaan. Siya ay karunungan, Siya ay katuwiran at kamahalan, at Siya ay tahimik na dumarating sa ating kalagitnaan, na may angking awtoridad at puno ng pagmamahal at awa. Walang nakakaalam sa Kanyang pagdating, walang sumasalubong sa Kanyang pagdating, at, higit sa lahat, walang nakakaalam sa lahat ng Kanyang gagawin. Ang buhay ng tao ay nagpapatuloy gaya ng dati; walang naiiba sa kanyang puso, at ang mga araw ay dumaraan gaya ng dati. Ang Diyos ay namumuhay sa ating kalagitnaan, isang taong katulad ng iba pang tao, katulad ng isa sa pinakahamak na tagasunod at isang karaniwang mananampalataya. Siya ay may Kanyang sariling mga paghahangad, Kanyang sariling mga layunin, at, higit sa lahat, Siya ay may pagka-Diyos na wala sa kahit na sinong karaniwang tao. Walang sinuman ang nakapansin na sa pag-iral ng Kanyang pagka-Diyos, at walang sinuman ang nakaramdam na ng kaibahan ng Kanyang diwa doon sa tao. Tayo ay namumuhay na kasama Siya, malaya at walang takot, dahil sa ating paningin Siya ay isa lamang hamak na mananampalataya. Pinagmamasdan Niya ang lahat ng ating mga kilos, at lahat ng ating mga kaisipan at mga kuru-kuro ay lantad sa Kanyang harapan.
…………
Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, ipinakikita sa atin ang paraan kung paano tayo dapat lumakad, at binibigyang-kakayahan tayo na maintindihan ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, sinisimulan nating ituon ang ating pansin sa himig at paraan ng Kanyang pananalita, at wala tayong kamalay-malay na nagsisimulang magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng pangkaraniwang taong ito. Siya ay gumagawa nang maingat na pagsisikap para sa atin, nagtitiis ng puyat at gutom para sa atin, umiiyak para sa atin, naghihinagpis para sa atin, dumadaing sa sakit para sa atin, nakakaranas ng pagpapahiya para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan, at ang Kanyang puso ay dumudugo at lumuluha dahil sa ating pagiging manhid at pagkamapanghimagsik. Ang may ganitong pagkatao at pag-uugali ay hindi karaniwang tao, ni hindi ito maaaring taglayin o makamit ng sinumang nilalang na ginawang tiwali. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi angkin ng karaniwang tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi taglay ng sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may gayong kalinaw at ganap na pagtarok sa ating kalikasan at diwa, o nakakahatol sa pagkamapaghimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o nakakapagsalita sa atin at gumagawa sa ating kalagitnaan nang ganito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan at karangalan ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay bumubukal, sa kabuuan ng mga ito, mula sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagpakita sa atin ng daan at makakapagdala sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagbunyag ng mga hiwaga na hindi pa naipaalam ng Diyos mula sa paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagligtas sa atin mula sa gapos ni Satanas at ng ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Inihahayag Niya ang tinig ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Siya ay nagsimula na ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at naghatid ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at Siya ay nagdala na sa atin ng pag-asa, tinatapos ang ating pamumuhay sa kalabuan at hinahayaan ang ating buong pagkatao na lubos na mamasdan, nang buong kalinawan, ang daan ng kaligtasan. Kanyang nalupig na ang ating buong pagkatao, at nakamit ang ating mga puso.
Hinango mula sa “Minamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
15. Ang mga huling araw ay kung kailan ang lahat ng mga bagay ay pagpapangkat-pangkatin ayon sa kanilang uri sa pamamagitan ng panlulupig. Ang panlulupig ay ang gawain sa mga huling araw; sa ibang salita, ang paghatol sa bawat kasalanan ng tao ay ang gawain sa mga huling araw. Kung hindi, paano pagpapangkat-pangkatin ang mga tao? Ang gawain na pagpapangkat-pangkat sa inyo ay ang umpisa ng ganitong gawain sa buong sansinukob. Pagkatapos nito, ang lahat ng tao ng iba’t ibang bansa saanman ay mapasasailalim sa gawaing panlulupig. Nangangahulugan ito na ang bawat tao ng sangnilikha ay pagpapangkat-pangkatin ayon sa uri, paglapit sa luklukan ng paghatol upang hatulan. Walang tao at walang bagay ang makakatakas sa pagdurusa nitong pagkastigo at paghatol, at walang tao at walang bagay ang makakaiwas sa pagpapangkat-pangkat ayon sa uri; ang lahat ay isasaayos ayon sa mga klase. Ito ay dahil ang katapusan ay nalalapit na para sa lahat ng mga bagay at lahat ng mga kalangitan at ng lupa ay humahantong sa wakas nito. Paano makatatakas ang tao sa katapusan ng kanyang pag-iral?
Hinango mula sa “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
16. Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay ang pagkastigo at paghatol, na inihahayag Niya sa lahat ng masama, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto yaong mga tunay na nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay isasaayos ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang likas na katangian. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kahihinatnan ng sangkatauhan at ang kanilang hantungan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para ilantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at buong sangkatauhan ay isasaayos ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kahihinatnan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang mga masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sumasailalim ng kapangyarihan ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, yaong una sa lahat ay pinagsama-sama sa pagkastigo at paghatol, at inihahayag sa mga huling araw, ang lubos na mababago at magagawang ganap ang tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay mapaparusahan nang matindi ang lahat ng makasalanan.
Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
17. Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na magpasakop ka nang masunurin na mahatulan, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na papurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay kamumuhian at itatakwil ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Fariseo, sapagkat napagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng paglilingkod ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na sirain ang kanilang katawang laman ayon sa gusto nila. Ang kanilang katawan ay mangangamoy-bangkay, at iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi-tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto nila, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya nabubuhay sila sa payo ng masasama at nagiging bahagi ng kanilang nagkakagulong mga tao; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o naglaan ng anumang pagsisikap, at pupuksain silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian ay ibinibilang sa mga yaon na naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang karamihan ay mamamatay na kasama ng mga yaon na ni hindi nararapat na maglingkod. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Gayon ang bungang nakamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga hindi walang pananalig. At tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasiya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinuman na hindi nakakasabay sa bilis ng Kanyang paghakbang, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.
Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
18. Ang Biblia ay binubuo ng mga salita ng Diyos na sinalita ng mga propeta at ng mga salita na isinulat ng mga taong kinasangkapan ng Diyos sa panahong iyon; tanging ang Diyos Mismo ang makapagpapaliwanag sa gayong mga salita, ang Banal na Espiritu lamang ang makapagpapakilala sa kahulugan ng mga salitang iyon, at tanging ang Diyos Mismo ang makakasira sa pitong mga tatak at makakabukas sa balumbon. Hindi ka Diyos, at hindi rin Ako, kaya sino ang nangangahas na kusang magpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Mangangahas ka bang ipaliwanag ang mga salitang iyon? Naririto man ang mga propetang sina Jeremias, Juan at Elias, hindi sila mangangahas, sapagka’t hindi sila ang Kordero. Ang Kordero lamang ang makakasira sa pitong mga tatak at makakabukas sa balumbon at walang ibang makapagpapaliwanag sa Kanyang mga salita.
Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
19. Nakasaad sa Biblia na tanging ang Kordero ang makapagbubukas sa pitong selyo. Sa loob ng ilang panahon, maraming tagapagpaliwanag ng banal na kasulatan sa mga dakilang tao na iyon, maaari mo bang sabihin na lahat sila ay Kordero? Maaari mo bang sabihin na ang kanilang mga paliwanag ay mula sa Diyos? Sila ay mga tagapagpaliwanag lang; wala silang pagkakakilanlan ng Kordero. Paano sila magiging karapat-dapat na magbukas ng pitong selyo?
Hinango mula sa “Hinggil sa mga Pangalan at Pagkakakilanlan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
20. Ang pitong bituin ng Makapangyarihang Diyos ay maningning! Ang iglesia ay nagawa na Niyang ganap, itinatatag Niya ang Kanyang mga tagapagmensahe ng iglesia at lahat ng iglesia ay nasa loob ng Kanyang pagtutustos. Binubuksan Niya ang lahat ng pitong tatak, at Siya Mismo ang nagdadala ng Kanyang plano ng pamamahala at Kanyang kalooban tungo sa kaganapan. Ang kasulatan ay ang mahiwagang wikang espirituwal ng Kanyang pamamahala at Kanyang binuksan at ibinunyag ito!
Hinango mula sa “Kabanata 34” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
21. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang ihatid ang isang bagong kapanahunan, upang baguhin ang paraan ng Kanyang gawain, at upang gawin ang gawain para sa buong kapanahunan. Ito ang panuntunan ng paggawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay nagkatawang-tao upang magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, binibigyang-kakayahan ang tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at ang Kanyang karunungan at pagiging nakamamangha. Ang ganoong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit sa salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang kailangang pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng salita, ang lahat ng gawain na nais isagawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng salita, nahahayag ang tao, naaalis at sinusubukan. Nakita ng tao ang salita, narinig ang salita, at nabuksan ang kamalayan patungkol sa pag-iral ng salita. Ang bunga nito, naniniwala ang tao sa pag-iral ng Diyos, naniniwala ang tao sa pagiging makapangyarihan sa lahat at sa karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos para sa tao at Kanyang pagnanais na iligtas ang tao. Bagaman ang salitang “salita” ay payak at karaniwan, ang salita mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang buong sansinukob; binabago ng Kanyang salita ang puso ng tao, ang mga pagkaunawa at ang lumang disposisyon ng tao, at ang lumang anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganoong paraan, at Siya ang tanging nagsasalita at nagliligtas sa tao. Pagkatapos noon, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng salita, inaakay at tinutustusan ng salita; sila ay namumuhay sa mundo ng salita, namumuhay sa gitna ng mga sumpa at mga pagpapala ng salita ng Diyos, at mas marami pang tao ang namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, pagkamit sa kalooban ng Diyos, at pagbabago sa orihinal na anyo ng mundo ng unang paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng salita, pinamumunuan ang mga tao sa buong sansinukob sa pamamagitan ng salita, nilulupig at inililigtas sila sa pamamagitan ng salita. Sa huli, gagamitin Niya ang salita upang dalhin ang buong lumang mundo sa katapusan. Doon lamang ganap na matatapos ang plano ng pamamahala. Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang gawin ang Kanyang gawain at makamit ang mga bunga ng Kanyang gawain; hindi Siya gumagawa ng kababalaghan o nagsasagawa ng mga himala: ginagawa lamang Niya ang Kanyang mga gawain sa pamamagitan ng salita.
Hinango mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
22. Ang mga huling araw ay hindi higit sa mga huling araw at hindi higit sa Kapanahunan ng Kaharian, na hindi kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya o sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang mga huling araw ay ang panahon lamang kung saan ang lahat ng gawain sa anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay ibinubunyag sa inyo. Ito ang paglalantad ng hiwaga. Ang gayong hiwaga ay hindi mailalantad ng sinumang tao. Kahit na gaano pa kalawak ang pagkaunawa ng tao sa Biblia, nananatili itong mga salita lamang, dahil hindi nauunawaan ng tao ang diwa ng Biblia. Kapag ang tao ay nagbabasa ng Biblia, maaaring makatanggap siya ng ilang katotohanan, makapagpaliwanag ng ilang salita o makapaghimay ng ilang tanyag na mga talata at mga sipi, nguni’t hindi kailanman niya makukuha ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang iyon, dahil lahat ng nakikita ng tao ay mga salitang walang buhay, hindi ang mga eksena ng gawain ni Jehova at ni Jesus, at hindi kayang lutasin ng tao ang hiwaga ng nasabing gawain. Samakatuwid, ang hiwaga ng anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay ang pinakamalaking hiwaga, ang siyang pinakanatatago at lubusang hindi maiisip ng tao. Walang sinumang direktang makakaunawa sa kalooban ng Diyos, maliban kung Siya Mismo ang nagpapaliwanag at nagbubukas sa tao, kung hindi, mananatili ang mga yaong palaisipan sa tao magpakailanman at mananatiling mga hiwagang selyado magpakailanman. … Ang gawaing ito ng anim na libong taon ay higit na misteryoso kaysa lahat ng mga hula ng mga propeta. Ito ang pinakadakilang misteryo simula pa ng paglikha, at walang dating propeta ang nakaya kailanman na arukin ito, sapagka’t ang misteryong ito ay malulutas lamang sa panghuling kapanahunan at hindi pa kailanman nabunyag noong una. Kung nauunawaan ninyo ang misteryong ito at nagagawang tanggapin ito nang lubos, yaong mga relihiyosong tao ay malulupig na lahat ng misteryong ito. Ito lamang ang pinakadakila sa mga pangitain, na siyang pinakakinasasabikan ng tao na maunawaan nguni’t siya rin namang pinaka-hindi-maliwanag sa kanya. Nang kayo ay nasa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ninyo alam ang gawain na ginawa ni Jesus ni yaong ginawa ni Jehova. Walang anumang nauunawaan ang mga tao tungkol sa kung bakit si Jehova ay nagtakda ng mga kautusan, kung bakit hiningi Niya sa mga tao na panatilihin ang mga kautusan o kung bakit kailangang maitayo ang templo, at lalong hindi naunawaan ng mga tao ang tungkol sa kung bakit ang mga Israelita ay pinangunahan mula sa Egipto hanggang sa ilang at pagkatapos ay hanggang sa Canaan. Sa araw na ito lamang ibinunyag ang mga bagay na ito.
Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
23. Sa huling yugtong ito ng gawain, ang mga resulta ay nakakamit sa pamamagitan ng salita. Sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa maraming mga hiwaga at sa gawain ng Diyos sa buong nakaraang mga henerasyon; sa pamamagitan ng salita, naliliwanagan ang tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu; sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa mga hiwaga na kailanman ay hindi pa nalutas ng mga nagdaang henerasyon, pati na rin sa gawain ng mga propeta at mga apostol ng mga nakaraang panahon, at sa mga alituntunin na kung saan sila ay gumawa; sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaalam sa disposisyon ng Diyos Mismo, pati na rin sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, at dumarating sa pagkaalam ng kanilang sariling diwa. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ng gawain at lahat ng salitang winika, dumarating ang tao sa pagkakilala sa gawain ng Espiritu, sa gawain ng nagkatawang-taong Diyos, at lalo na, sa Kanyang buong disposisyon. Ang iyong kaalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos sa loob ng anim na libong taon ay nakamit din sa pamamagitan ng salita. Hindi ba ang iyong kaalaman ng iyong dating mga pagkaunawa at tagumpay sa pagsasantabi sa mga ito ay nakamit din sa pamamagitan ng mga salita? Sa naunang yugto, ginawa ni Jesus ang mga tanda at mga kababalaghan, nguni’t hindi ito gayon sa yugtong ito. Hindi ba ang iyong pagkaunawa kung bakit hindi Niya ginagawa ang gayon ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Samakatuwid, ang mga salita na ipinahayag sa yugtong ito ay lampas sa gawain na ginawa ng mga apostol at propeta ng mga henerasyong nagdaan. Kahit na ang mga propesiya na ginawa ng mga propeta ay hindi magagawang magkamit ng gayong mga resulta.
Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
24. Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malutas upang pahintulutan ang tao na magkaroon ng panloob na pananaw sa bagay na ito at magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Doon pa lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri.
Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
25. Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng kahit na sino lang, ni hindi rin ito madaling makamtan ng lahat. Iyon ay dahil maaari lang magmula sa Diyos ang buhay, na ibig sabihin, ang Diyos Mismo lang ang may taglay ng sangkap ng buhay, walang ibang daan ng buhay kung wala ang Diyos Mismo, sa gayon ang Diyos lang ang pinanggagalingan ng buhay, at ang walang hanggang umaagos na bukal ng tubig na nagbibigay-buhay. Simula nang Kanyang likhain ang mundo, marami ang nagawa na ng Diyos ukol sa kasiglahan ng buhay, marami na ang nagawa na nagbibigay ng buhay sa tao, at nagbayad na ng napakalaking halaga upang maaaring makamtan ng tao ang buhay, sapagkat ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan kung saan ang tao ay nabubuhay na mag-uli. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan na kasama ng tao sa lahat ng panahon. Siya na ang puwersang nagpapatakbo sa buhay ng tao, ang batayan ng pag-iral ng tao, at isang mayamang lagak para sa pag-iral ng tao matapos ang kapanganakan. Siya ang nagsasanhi upang ang tao ay maipanganak na muli, at tinutulungan siyang mabuhay nang may tapang sa kanyang bawat papel na ginagampanan. Salamat sa Kanyang kapangyarihan, at Kanyang di-mapapatay na puwersa ng buhay, nabuhay na ang tao sa salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi, sa buong panahon kung saan ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay naging pangunahing sandigan sa pag-iral ng tao, kung saan nagbayad na ang Diyos sa halagang walang karaniwang tao ang kailanman ay nakapagbayad. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay kayang manaig sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Ang Kanyang buhay ay walang hanggan, ang Kanyang kapangyarihan ay pambihira, at ang puwersa ng Kanyang buhay ay hindi madaling madaig ng kahit na anong nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay umiiral, at nagniningning ang makinang na liwanag nito, kahit na saang panahon o dako. Ang kalangitan at lupa ay maaaring sumasailalim ng malalaking pagbabago, ngunit ang buhay ng Diyos ay pareho magpakailanman. Lahat ng bagay ay lumilipas, ngunit ang buhay ng Diyos ay nananatili pa rin, sapagkat ang Diyos ay ang pinagmulan ng pag-iral ng lahat ng bagay, at ang ugat ng kanilang pag-iral. Ang buhay ng tao ay nanggagaling sa Diyos, ang pag-iral ng kalangitan ay dahil sa Diyos, at ang pag-iral ng mundo ay nagmumula sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos. Walang bagay na nagtaglay ng kasiglahan ang kayang malampasan ang kapangyarihan ng Diyos, at walang bagay na may lakas ang kayang humiwalay sa nasasakupan ng awtoridad ng Diyos. Sa ganitong paraan, kahit na sino pa sila, lahat ay dapat magpasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, lahat ay dapat mamuhay sa ilalim ng utos ng Diyos, at walang kahit isa ang makatatakas sa Kanyang kontrol.
Hinango mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
26. Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ay ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, sa gayon, hindi mo kailanman makukuha ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagka’t ikaw ay kapwa sunud-sunuran at bilanggo ng kasaysayan. Silang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at nakagapos sa kasaysayan ay hindi kailanman makakamtan ang buhay, at hindi kailanman makakamtan ang walang hanggang daan ng buhay. Iyan ay dahil ang mayroon lang sila ay malabong tubig kung saan kumapit nang libu-libong taon, sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa luklukan. Silang mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay magpakailanman, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno. Kung gayon, paano nila makikita ang Diyos? Kung sinusubukan mo lang na panghawakan ang nakaraan, sinusubukan lang na panatilihin ang mga bagay na walang pagbabago, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan at itapon ang kasaysayan, sa gayon hindi ka ba magiging laging salungat sa Diyos? Ang mga hakbang sa gawain ng Diyos ay malawak at makapangyarihan, tulad ng rumaragasang mga alon ng dagat at dumadagundong na mga kulog—nguni’t nakaupo at walang imik kang naghihintay ng pagkawasak, nananatili sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang tao na sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mapatutunayan na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma?
Hinango mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
27. Silang mga nagnanais na makamtan ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanan na sinambit ni Cristo ay ang mga pinakahibang na tao sa mundo, at silang mga hindi tumatanggap ng daan ng buhay na inihatid ni Cristo ay mga ligaw sa guni-guni. At sa gayon sinasabi Ko na ang mga tao na hindi tumatanggap sa Cristo ng mga huling araw ay magpakailanmang kamumuhian ng Diyos. Si Cristo ay ang daanan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, na walang sinuman ang makakalampas. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sumunod sa Kanyang paraan. Hindi mo dapat isipin lang ang pagtanggap ng mga pagpapala nang hindi tumatanggap ng katotohanan, o tinatanggap ang tustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang lahat ng tunay na naniniwala sa Kanya ay maaaring mabigyan ng buhay. Ang Kanyang gawain ay para sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa isang bago, at ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kapag wala kang kakayahang kilalanin Siya, at bagkus ay isinusumpa, nilalapastangan, o inuusig pa Siya, kung gayon nakatakda kang masunog magpakailanman, at hindi kailanman makakapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ay ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan na ng Diyos na gumawa sa Kanyang gawain sa lupa. At sa gayon ay sinasabi Ko na kung hindi mo matatanggap ang lahat ng ginagawa ng Cristo ng mga huling araw, kung gayon lumalapastangan ka sa Banal na Espiritu. Ang ganti na dapat pagdusahan ng mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu ay maliwanag sa lahat. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag lumaban ka sa Cristo ng mga huling araw, at ipagkaila Siya, walang sinuman kung gayon ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan para sa iyo. Bukod pa rito, simula sa araw na ito hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataon upang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang iyong sarili, hindi mo kailanman muling makikita ang mukha ng Diyos. Sapagka’t ang iyong kinakalaban ay hindi isang tao, ang iyong itinatakwil ay hindi isang mahinang nilalang, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang iyong ginawa, kundi isang karumal-dumal na krimen. At sa gayon, ipinapayo Ko sa lahat na huwag ilabas ang inyong mga pangil laban sa katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na maipanganak kang muli at makita ang mukha ng Diyos.
Hinango mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
28. Ginagawa Ko sa buong sansinukob ang Aking gawain, at sa Silangan, walang-katapusan ang paglabas ng dumadagundong na mga kalabog, yumayanig sa lahat ng bansa at mga denominasyon. Ang Aking tinig ang nag-akay sa lahat ng tao tungo sa kasalukuyan. Sasanhiin Kong malupig ng Aking tinig ang lahat ng tao, upang mangahulog sa agos na ito, at magpasakop sa Aking harapan, dahil matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong daigdig at inilabas ito nang panibago sa Silangan. Sino ang hindi nananabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi balisang naghihintay sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nagmimithi sa Aking pagiging kaibig-ibig? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi titingin sa kayamanan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi sumasamba sa Dakilang Makapangyarihan sa lahat? Ang Aking tinig ay lalaganap sa buong daigdig; nais Ko, kaharap ang mga taong Aking hinirang, na magsalita pa ng marami pang salita sa kanila. Kagaya ng makapangyarihang mga kulog na yumayanig sa mga bundok at mga ilog, Aking winiwika ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman ng tao, at minamahal ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Kumikislap ang kidlat mula Silangan nang tuluy-tuloy hanggang Kanluran. Ang Aking mga salita ay ayaw isuko ng mga tao at kasabay nito ay nasusumpungang hindi nila maarok ang mga ito, ngunit mas nagagalak sa mga ito. Gaya ng isang bagong-silang na sanggol, masaya at nagagalak ang lahat ng tao, ipinagdiriwang ang Aking pagdating. Sa pamamagitan ng Aking tinig, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Mula roon, pormal Akong papasok sa lahi ng mga tao nang sa gayon ay lumapit sila para sambahin Ako. Sa pamamagitan ng kaluwalhatiang nababanaag sa Akin at ng mga salita sa Aking bibig, Aking gagawin ito na anupa’t lahat ng tao ay lumalapit sa Aking harapan at nakikita na kumikidlat mula sa Silangan at na nakababa na rin Ako sa “Bundok ng mga Olivo” ng Silangan. Makikita nila na matagal na Akong nasa daigdig, hindi na bilang Anak ng mga Judio kundi bilang Kidlat ng Silangan. Dahil matagal na Akong nabuhay na mag-uli, at lumisan na mula sa sangkatauhan, at nagpakitang muli sa mga tao nang may kaluwalhatian. Ako ang Siyang sinamba nang napakaraming panahon bago ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikdan ng mga Israelita nang napakaraming panahon bago ngayon. Bukod pa rito, Ako ang lubos na maluwalhating Makapangyarihang Diyos sa kasalukuyang kapanahunan! Hayaang lumapit ang lahat sa harapan ng Aking luklukan at tingnan ang Aking maluwalhating mukha, marinig ang Aking tinig, at masdan ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking kalooban; ito ang katapusan at rurok ng Aking plano, gayundin ang layunin ng Aking pamamahala. Hayaang sambahin Ako ng bawat bansa, kilalanin Ako ng bawat dila, panatilihin ng bawat tao ang kanyang pananampalataya sa Akin, at magpasakop sa Akin ang bawat tao!
Hinango mula sa “Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
____________________________________
Ang totoong kahulugan ng kaligtasan ay: Naniniwala tayo sa Panginoong Jesus, na tanging nangangahulugang naligtas tayo ng biyaya at napatawad na tayo sa ating kasalanan, ngunit hindi ito ang tunay na kaligtasan. Kung mararanasan lamang natin ang huling paghuhukom na gawain ng Diyos sa mga huling araw ay maaari tayong ganap na maligtas at makapasok sa kaharian ng Diyos!
Write a comment