Kidlat ng Silanganan—Pagbigkas ng Diyos | Ang Mahalagang Kaibahan sa Pagitan ng Nagkatawang-taong Diyos at ng Mga Taong Ginamit ng Diyos
Sa loob ng napakaraming taon walang-humpay na naghahanap ang Espiritu ng Diyos habang yumayaon Siyang gumagawa sa lupa. Sa kabuuan ng mga kapanahunan nakágámit ang Diyos ng napakaraming tao upang gawin ang Kanyang gawain. Gayunman ang Espiritu ng Diyos ay wala pa ring angkop na lugar na pahingahan. Kaya ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, walang-humpay na kumikilos sa iba’t ibang tao, at sa kabuuan gumagamit Siya ng mga tao upang gawin ito. Iyan ay, sa loob nitong maraming taon, hindi kailanman tumigil ang gawain ng Diyos, ngunit patuloy na naisasakatuparang pasulong sa tao, tuluy-tuloy hanggang sa araw na ito. Bagaman nakapagwika ang Diyos ng napakaraming salita at nakágáwâ ng napakaraming gawain, hindi pa rin kilala ng tao ang Diyos, lahat ay dahil hindi pa kailanman nagpakita ang Diyos sa tao at dahil din sa wala Siyang anyo na nahahawakan. Kaya’t dapat dalhin ng Diyos ang gawaing ito sa kaganapan—na magiging sanhi para sa lahat ng tao na malaman ang praktikal na kabuluhan ng praktikal na Diyos. Para makamit ang layuning ito, dapat ibunyag ng Diyos ang Kanyang Espiritu nang kongkreto sa sangkatauhan at gawin ang Kanyang gawain sa kalagitnaan nila. Ibig sabihin, kapag nagtataglay lamang ng pisikal na anyo ang Espiritu ng Diyos, nagbibihis ng laman at buto, at nakikitang lumalakad sa gitna ng mga tao, sinasamahan sila sa kanilang mga buhay, kung minsan ay nagpapakita at kung minsan ay nagtatago Mismo, saka lamang nagkakaroon ang mga tao ng malalim na pagkaunawa tungkol sa Kanya. Kung ang Diyos ay nanatili lamang sa katawang-tao, hindi Niya makakayang tapusin nang lubos ang Kanyang gawain. Pagkatapos ng paggawa sa katawang-tao sa loob ng ilang panahon, tinutupad ang ministeryo na kailangang magáwâ sa katawang-tao, lilisanin ng Diyos ang katawang-tao at gagawâ sa espirituwal na kinasasaklawan sa larawan ng katawang-tao gaya ng ginawa ni Jesus pagkaraan Niyang nakágáwâ sa loob ng ilang panahon sa normal na pagkatao at tapusin ang lahat ng gawain na kinailangan Niyang tapusin. Maaaring naaalala ninyo ang siping ito mula sa “Ang Daan…(5)”: “Naaalala Ko ang Aking Ama na nagsasabi sa Akin, ‘Sa lupa, gawin mo lamang ang kalooban ng Iyong Ama at tapusin ang Kanyang utos. Wala Ka nang iba pang dapat alalahanin.’” Ano ang nakikita mo sa siping ito? Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, ginagawa lamang Niya ang Kanyang gawain sa loob ng pagka-Diyos. Ito ang ipinagkatiwala ng makalangit na Espiritu sa nagkatawang-taong Diyos. Kapag dumarating Siya, yumayaon lamang Siya para magsalita sa lahat ng dako, upang isatinig ang Kanyang mga pagbigkas sa iba’t ibang paraan at mula sa iba’t ibang pananaw. Pangunahin Niyang itinuturing ang pagtutustos sa tao at pagtuturo sa tao bilang Kanyang mga layunin at prinsipyo sa paggawa, at hindi inaabala ang Sarili Niya sa mga bagay na tulad ng mga pag-uugnayan ng tao sa kapwa tao o mga detalye tungkol sa mga buhay ng mga tao. Ang Kanyang pangunahing ministeryo ay magsalita para sa Espiritu. Kapag ang Espiritu ng Diyos ay pisikal na nagpapakita sa katawang-tao, nagkakaloob lamang Siya para sa buhay ng tao at inilalabas ang katotohanan. Hindi Siya nakikialam sa gawain ng tao, na ang ibig sabihin, hindi Siya nakikilahok sa gawain ng sangkatauhan. Hindi maaaring gumawa ang tao ng gawain ng pagkaDiyos, at hindi nakikilahok ang Diyos sa pantaong gawain. Sa lahat ng mga taon mula nang ang Diyos ay dumating sa mundong ito upang gawin ang Kanyang gawain, palagi Niyang nagágawâ ito sa pamamagitan ng mga tao. Ngunit ang mga taong ito ay hindi maaaring ituring na Diyos na nagkatawang-tao, kundi mga tao lamang na ginagamit ng Diyos. Ngunit ang Diyos ng kasalukuyan ay maaaring magsalita nang tuwiran mula sa pananaw ng pagka-Diyos, na ipinadadala ang tinig ng Espiritu at gumagawa sa ngalan ng Espiritu. Ang lahat ng mga taong yaon na nagamit ng Diyos sa buong mga kapanahunan ay katulad din ng mga pangyayari na gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa loob ng pisikal na katawan, kaya bakit hindi sila maaaring matawag na Diyos? Ngunit ang Diyos ng kasalukuyan ay ang Espiritu ng Diyos din na tuwirang gumagawa sa katawang-tao, at si Jesus din ay ang Espiritu ng Diyos na gumagawa sa katawang-tao; ang mga ito ay parehong tinatawag na Diyos. Kaya ano ang kaibahan? Sa kabuuan ng mga kapanahunan, ang mga tao na nagamit ng Diyos ay may kakayahang lahat ng normal na pag-iisip at katwiran. Alam nilang lahat ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao. Nagtataglay sila ng normal na mga ideya ng tao, at nasasangkapan sila ng lahat ng mga bagay na nararapat taglayin ng mga karaniwang tao. Karamihan sa kanila ay may pambihirang talento at likas na katalinuhan. Sa paggawa sa mga taong ito, pinag-aayun-ayon ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga talento, na mga regalong ibinigay sa kanila ng Diyos. Pinagsasama-sama ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga talento, ginagamit ang kanilang mga lakas sa paglilingkod sa Diyos. Gayunman, ang kakanyahan ng Diyos ay malaya sa mga ideya at malaya sa mga iniisip, walang halong mga hangarin ng tao, at wala pa ng kung ano ang nakasangkap sa mga normal na tao. Na ang ibig sabihin, hindi man lamang Niya nakasanayan ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao. Ganito ito kapag ang Diyos ng kasalukuyan ay dumating sa lupa. Ang Kanyang gawain at Kanyang mga salita ay walang halong mga hangarin ng tao o pag-iisip ng tao, kundi ang mga ito ay tuwirang pagpapakita ng mga hangarin ng Espiritu, at gumagawa Siya nang tuwiran sa ngalan ng Diyos. Nangangahulugan ito na ang Espiritu ay yumayaon upang gumawa, na hindi hinahaluan ng kahit katiting na mga hangarin ng tao. Ibig sabihin, isinasakatawan ng nagkatawang-taong Diyos ang pagka-Diyos nang tuwiran, nang walang pantaong kaisipan o mga ideya, at walang pagkaunawa sa mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao. Kung ang pagka-Diyos lamang ang nasa paggawa (nangangahulugan na kung Diyos Mismo lamang ang nasa paggawa), walang magiging paraan para sa gawain ng Diyos na maisakatuparan sa lupa. Kaya nang dumating ang Diyos sa lupa, kailangan Niyang magkaroon ng isang maliit na bilang ng mga tao na ginagamit Niya upang gumawa sa loob ng pagkatao kasabay ng gawain na ginagawa ng Diyos sa pagka-Diyos. Sa ibang salita, gumagamit Siya ng gawain ng tao upang panindigan ang Kanyang pagka-Diyos na gawain. Kung hindi, walang magiging paraan para sa tao na tuwirang makipag-ugnay sa pagka-Diyos na gawain. Ganito noon kung paano gumawa si Jesus at ang Kanyang mga disipulo. Noong Kanyang panahon sa daigdig, binuwag ni Jesus ang mga lumang kautusan at itinatag ang mga bagong utos. Nangusap din Siya ng napakaraming salita. Lahat ng gawaing ito ay ginawa sa pagka-Diyos. Ang iba pa, gaya nina Pedro, Pablo, at Juan, ay nagsalalay lahat ng kasunod nilang gawain sa saligan ng mga salita ni Jesus. Ibig sabihin, inilulunsad ng Diyos ang Kanyang gawain sa kapanahunang iyon, inihahatid ang simula ng Kapanahunan ng Biyaya; na ibig sabihin, dinala Niya ang isang bagong kapanahunan, binubuwag ang luma, at gayon din tinutupad ang mga salitang “Ang Diyos ay ang Simula at ang Katapusan.” Sa ibang salita, dapat gawin ng tao ang gawain ng tao sa saligan ng pagka-Diyos na gawain. Pagkatapos sabihin ni Jesus ang lahat ng kailangan Niyang sabihin at tinapos ang Kanyang gawain sa lupa, nilisan Niya ang tao. Pagkatapos nito, ang lahat ng tao, sa paggawa, ay gumawa nga ayon sa mga prinsipyong ipinahayag sa Kanyang mga salita, at nagsagawa ayon sa mga katotohanan na Kanyang sinabi. Ang mga ito ang lahat ng mga tao na gumagawa para kay Jesus. Kung si Jesus lamang ang mag-isang gumagawa ng gawain, gaano man karami ang mga salitang Kanyang sinabi, ang mga tao ay hindi pa rin makakayang makipag-ugnay sa Kanyang mga salita, sa dahilang gumagawa Siya sa pagka-Diyos at nakakapagsalita lamang ng mga salita ng pagka-Diyos, at hindi Niya maipaliwanag ang mga bagay-bagay hanggang sa punto kung saan maaaring maunawaan ng mga ordinaryong tao ang Kanyang mga salita. Kaya’t kailangan Niyang magkaroon ng mga apostol at mga propeta na dumating kasunod Niya na nagpúpunô sa Kanyang gawain. Ito ang prinsipyo kung paano ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—gamit ang laman na nagkatawang-tao upang magsalita at gumawa nang maging ganap ang gawain ng pagka-Diyos, at sa gayon gamit ang ilan, o marahil higit pa, na mga tao ayon sa sariling puso ng Diyos upang magpunô sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, gumagamit ang Diyos ng mga tao ayon sa Kanyang puso na gumawa ng gawain ng pag-aalaga at pagdidilig sa pagkatao upang ang lahat ng tao ay maaaring magtamo ng katotohanan.
Kung, sa pagdating sa katawang-tao, ginagawa lamang ng Diyos ang gawain ng pagka-Diyos nang walang karagdagang pagkakaroon ng ilang tao ayon sa puso ng Diyos na gumagawang kasama Niya, kung gayon walang magiging paraan para maunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos o makipag-ugnay sa Diyos. Dapat gumamit ang Diyos ng mga normal na tao ayon sa Kanyang puso upang tapusin ang gawaing ito, upang bantayan at alagaan ang mga iglesia, upang makarating sa antas na kayang marating ng mga proseso ng pag-unawa ng tao, ang kanyang utak. Sa ibang salita, gumagamit ang Diyos ng maliit na bilang ng mga tao na ayon sa Kanyang puso upang “isalin” ang gawaing Kanyang ginagawa sa loob ng Kanyang pagka-Diyos, upang maaari itong mabuksan, iyan ay, upang mapabagong-anyo ang pagka-Diyos na wika tungo sa wika ng tao, ginagawa ang gayon para maabot ito ng lahat ng tao, at maunawaan ito ng lahat. Kung hindi ginawa ng Diyos ang gayon, walang sinuman ang makakaunawa sa banal na wika ng Diyos, sa dahilang ang mga tao ayon sa puso ng Diyos, pagkatapos ng lahat, ay maliit na minorya, at ang kakayahan ng tao na umintindi ay mahina. Iyan ang dahilan kung bakit pinipili lamang ng Diyos ang paraang ito kapag gumagawa sa nagkatawang-taong laman. Kung mayroon lamang pagka-Diyos na gawain, walang magiging paraan para makilala o makaugnay ng tao ang Diyos, sa dahilang hindi nauunawaan ng tao ang wika ng Diyos. Nakakaya ng tao na maunawaan ang wikang ito sa pamamagitan lamang ng pagkatawan ng mga tao ayon sa puso ng Diyos na siyang nagpapalinaw ng Kanyang mga salita. Gayunman, kung mayroon lamang gayong mga tao na gumagawa sa loob ng pagkatao, maaari lamang niyaong mapanatili ang normal na buhay ng tao; hindi nito mapapabago ang disposisyon ng tao. Ang gawain ng Diyos kung gayon ay hindi maaaring magkaroon ng bagong panimulang punto; magkakaroon lamang ng parehong mga lumang awit, ng parehong mga lumang pagsasalita. Tanging sa pagkakatawan lamang ng nagkatawang-taong Diyos, na nagsasabi ng lahat ng kinakailangang sabihin at gumagawa ng lahat ng kinakailangang gawin sa panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao, kung saan pagkatapos nito ang mga tao ay gumagawa at nakakaranas ayon sa Kanyang mga salita, sa gayon lamang ang kanilang disposisyon sa buhay ay maaaring magbago at makakaya nilang sumama sa agos ng panahon. Siya na gumagawa sa loob ng pagka-Diyos ay kumakatawan sa Diyos, habang yaong gumagawa sa loob ng pagkatao ay mga tao na ginagamit ng Diyos. Na ang ibig sabihin, ang nagkatawang-taong Diyos ay may malaking kaibahan mula sa mga tao na ginagamit ng Diyos. Ang nagkatawang-taong Diyos ay kayang gawin ang gawain ng pagka-Diyos, samantalang ang mga tao na ginagamit ng Diyos ay hindi. Sa simula ng bawa’t isang kapanahunan, ang Espiritu ng Diyos ay personal na nagsasalita upang ilunsad ang bagong kapanahunan at dalhin ang tao sa isang bagong simula. Kapag natapos na Siya sa pagsasalita, nagpapahiwatig ito na ang gawain ng Diyos sa loob ng Kanyang pagka-Diyos ay tapos na. Pagkatapos noon, ang mga tao ay sumusunod lahat sa pangunguna niyaong mga ginagamit ng Diyos upang pumasok sa karanasan ng kanilang buhay. Sa parehong kaparaanan, ito rin ang yugto kung saan dinadala ng Diyos ang tao sa bagong kapanahunan at binibigyan ang lahat ng bagong panimulang punto. Sa ganito, nagtatapos ang gawain ng Diyos sa katawang-tao.
Ang Diyos ay dumating sa lupa hindi upang gawing perpekto ang Kanyang normal na pagkatao. Dumating Siya hindi upang gawin ang gawain ng normal na pagkatao, kundi upang gawin lamang ang gawain ng pagka-Diyos sa loob ng normal na pagkatao. Ang sinasabi ng Diyos tungkol sa normal na pagkatao ay hindi ang naguguni-guni ng tao tungkol dito. Binibigyang-kahulugan ng tao ang “normal na pagkatao” bilang pagkakaroon ng isang asawang-babae, o isang asawang-lalaki, at mga anak na lalaki at babae. Ang mga ito ay patunay na ang isa ay normal na tao. Ngunit hindi ito tinitingnan ng Diyos sa ganitong paraan. Tinitingnan Niya ang normal na pagkatao bilang ang pagkakaroon ng normal na mga kaisipan, normal na mga buhay ng tao, at isinilang ng mga normal na tao. Ngunit hindi kabilang sa Kanyang pagiging normal ang pagkakaroon ng isang asawang-babae, o isang asawang-lalaki, at mga anak sa paraan ng pagkaunawa ng tao sa pagiging normal. Ibig sabihin, sa tao, ang normal na pagkatao na sinasabi ng Diyos ay kung ano ang ituturing ng tao na kawalan ng pagkatao, halos nagkukulang sa emosyon at tila walang pangangailangang makálamán, katulad lamang ni Jesus, na mayroon lamang ng panlabas ng isang normal na tao at kinuha ang anyo ng isang normal na tao, ngunit sa kakanyahan ay hindi ganap na taglay ang lahat na nararapat taglayin ng isang normal na tao. Mula rito maaaring makita na ang diwa ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi sumasaklaw sa kabuuan ng normal na pagkatao, kundi sa isang bahagi lamang ng mga bagay kung saan nararapat masangkapan ang mga tao, upang tumulong sa mga karaniwang gawain sa buhay ng normal na tao at mapanatili ang mga kapangyarihan ng pangangatwiran ng normal na tao. Ngunit ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa kung ano ang itinuturing na normal na pagkatao. Ang mga ito ang nararapat taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao. Mayroon yaong mga naninindigan, gayunman, na ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaaring sabihin na mayroon lamang normal na pagkatao kung mayroon Siyang asawa, mga anak na lalaki at babae, isang pamilya. Kung wala ang mga bagay na ito, sinasabi nila, hindi Siya isang normal na tao. Kaya’t tatanungin kita, “Mayroon bang maybahay ang Diyos? Posible ba para sa Diyos na magkaroon ng asawa? Maaari bang magkaroon ng mga anak ang Diyos?” Hindi ba mga kamalian ang mga ito? Gayunman, ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi maaaring sumibol mula sa isang bitak sa pagitan ng mga bato o mahulog mula sa himpapawid. Maaari lamang Siyang ipanganak sa isang pamilya ng normal na tao. Kaya nga mayroon Siyang mga magulang at kapatid na babae. Ito ang mga bagay na nararapat mayroon ang normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos. Gayon ang pangyayari kay Jesus. Nagkaroon si Jesus ng isang ama at ina, mga kapatid na babae at lalaki. Ang lahat ng ito ay normal. Ngunit kung nagkaroon Siya ng asawa at mga anak na lalaki at babae, kung gayon ang Kanya ay hindi magiging ang normal na pagkatao na nilayon ng Diyos para sa Diyos na nagkatawang-tao na taglayin. Kung ito ang pangyayari, hindi sana Niya nakayang gumawa sa ngalan ng pagka-Diyos. Ito ay talagang dahil wala Siyang naging asawa o mga anak, at gayunman ay ipinanganak ng mga normal na tao sa isang normal na pamilya, na nakaya Niyang gawin ang gawain ng pagka-Diyos. Para mas palinawin pa ito, ang itinuturing ng Diyos na normal na tao ay isang tao na ipinanganak sa isang normal na pamilya. Tanging ang gayong tao ang karapat-dapat gumawa ng pagka-Diyos na gawain. Kung, sa kabilang banda, ang tao ay nagkaroon ng isang maybahay, mga anak, o asawa, ang taong iyan ay hindi magagawa ang pagka-Diyos na gawain, sa dahilang magtataglay lamang siya ng normal na pagkatao na kinakailangan ng mga tao ngunit hindi ang normal na pagkatao na kinakailangan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang ng Diyos at ang nauunawaan ng mga tao ay madalas na may malaking kaibahan, malawak ang pagkakalayo. Sa yugtong ito ng gawain ng Diyos marami ang kasalungat at malaking-malaki ang pagkakaiba mula sa mga paniwala ng mga tao. Maaaring sabihin ng isa na ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay ganap na binubuo ng pagka-Diyos na aktwal na gumagawa, kasama ang sangkatauhan bilang katulong sa pagganap. Sa dahilang dumating ang Diyos sa lupa upang gampanan ang Kanyang gawain Mismo kaysa hayaan ang tao na gawin ito, kaya ito ang dahilan kung bakit Siya Mismo ay nagkatawang-tao (sa hindi ganap na normal na tao) upang gawin ang Kanyang gawain. Sinasamantala Niya ang pagkakatawang-taong ito upang iharap sa sangkatauhan ang isang bagong kapanahunan, upang sabihin sa sangkatauhan ang susunod na hakbang sa Kanyang gawain, at hingin sa kanila na magsagawa ayon sa landas na inilarawan sa Kanyang mga salita. Sa ganito, winawakasan ng Diyos ang Kanyang gawain sa katawang-tao, at malapit na Niyang lisanin ang sangkatauhan, hindi na mananahan sa katawang-tao ng normal na pagkatao, bagkus ay lalayo mula sa tao upang magpatuloy sa isa pang bahagi ng Kanyang gawain. Pagkatapos, ginagamit ang mga tao ayon sa Kanyang sariling puso, ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang gawain sa lupa sa gitna ng grupong ito ng mga tao, ngunit sa kanilang pagkatao.
Ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi maaaring mamalagi kasama ng tao magpakailanman dahil maraming iba pang gawain ang Diyos na gagawin. Hindi Siya maaaring nakatali sa katawang-tao; kailangan Niyang hubarin ang katawang-tao upang gawin ang gawain na kinakailangan Niyang gawin, kahit na ginagawa Niya ang gawaing yaon sa larawan ng katawang-tao. Nang dumating ang Diyos sa mundo, hindi Siya naghintay hanggang naabot Niya ang anyo na nararapat na maabot ng isang karaniwang tao bago mamatay at lisanin ang sangkatauhan. Gaano man katanda ang Kanyang katawang-tao, kapag natapos na ang Kanyang gawain, umaalis Siya at iniiwan ang tao. Walang gayong bagay tulad ng edad para sa Kanya, hindi niya binibilang ang Kanyang mga araw ayon sa haba ng buhay ng tao; sa halip, tinatapos Niya ang Kanyang buhay sa katawang-tao ayon sa mga hakbang sa Kanyang gawain. Maaaring mayroon yaong mga nakadarama na ang Diyos, sa pagdating sa katawang-tao, ay dapat umunlad hanggang sa isang tiyak na yugto, maging nasa-hustong-gulang, dumating sa katandaan, at lumisan lamang kapag bumigay na ang katawan. Ito ay imahinasyon ng tao; hindi ganyan kung gumawa ang Diyos. Siya ay naging katawang-tao lamang upang gawin ang gawaing nararapat Niyang gawin, at hindi upang mamuhay ng karaniwang buhay ng isang tao na ipinanganak ng mga magulang, lumaki, bumuo ng pamilya at nagsimula ng karera, nagkaroon ng mga anak, o naranasan ang mga tagumpay at kabiguan sa buhay—lahat ng mga nagaganap sa isang karaniwang tao. Nang dumating ang Diyos sa lupa, ito ang Espiritu ng Diyos na nagbihis ng katawang-tao, na naging katawang-tao, ngunit ang Diyos ay hindi namumuhay ng buhay ng isang karaniwang tao. Dumarating lamang Siya upang tuparin ang isang bahagi ng Kanyang plano sa pamamahala. Pagkatapos niyan lilisanin Niya ang sangkatauhan. Noong naging katawang-tao Siya, hindi ginagawang perpekto ng Espiritu ng Diyos ang normal na pagkatao ng katawang-tao. Sa halip, sa panahon na paunang naitakda na ng Diyos, ang pagka-Diyos ay tuwiran nang yumayaon upang gumawa. Pagkatapos, pagkaraang nagawa ang lahat ng kinakailangan Niyang gawin at ganap na natapos ang Kanyang ministeryo, ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa yugtong ito ay tapos na, kung saan ang buhay ng nagkatawang-taong Diyos ay nagtatapos din, sa kabila ng kung naisabuhay na ng Kanyang katawang-tao ang tagal ng kahabaan nito. Na ang ibig sabihin, anuman ang yugto ng buhay na maabot ng katawang-tao, gaano man katagal nabuhay ito sa lupa, ang lahat ay ipinapasya ng gawain ng Espiritu. Wala itong kinalaman sa kung ano ang itinuturing ng tao na normal na pagkatao. Kunin natin si Jesus bilang isang halimbawa. Nabuhay Siya sa katawang-tao ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon. Tungkol sa haba ng buhay ng katawan ng tao, hindi Siya dapat namatay sa ganoong edad, at hindi siya dapat lumisan. Ngunit hindi ito ang alalahanin ng Espiritu ng Diyos. Dahil tapos na ang Kanyang gawain, sa puntong iyon kinuha na ang katawan, nawala kasama ng Espiritu. Ito ang prinsipyo kung saan gumagawa ang Diyos sa katawang-tao. Kaya’t, sa mahigpit na pananalita, ang Diyos na nagkatawang-tao ay walang normal na pagkatao. Para ulitin, dumating Siya sa lupa hindi upang mamuhay ng buhay ng isang karaniwang tao. Hindi Siya muna nagtatag ng isang normal na buhay ng tao at pagkatapos nagsisimulang gumawa. Sa halip, hangga’t naisilang Siya sa isang normal na pamilya ng tao, nakagagawa Siya ng pagka-Diyos na gawain. Wala Siya kahit na iisang tuldok ng mga hangarin ng tao, hindi Siya makálámán, at tiyak na hindi Siya gumagamit ng mga paraan ng lipunan o nakikialam sa mga kaisipan o ideya ng tao, lalo nang hindi ang makipag-ugnay sa mga pilosopiya sa buhay ng tao. Ito ang gawaing hinahangad na gawin ng Diyos na nagkatawang-tao, at ito rin ang praktikal na kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Ang Diyos ay dumarating sa katawang-tao upang pangunahing gawin ang isang yugto ng gawain na kinakailangang magawa sa katawang-tao, nang hindi dumaraan sa iba pang mga walang-gaanong halagang proseso, at, tungkol sa mga karanasan ng isang karaniwang tao, wala Siya ng mga iyon. Hindi kabilang sa gawain na kailangang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga karanasan ng normal na tao. Kaya ang Diyos ay naging katawang-tao ay para sa kapakanan ng pagtupad sa gawaing kinakailangan Niyang tuparin sa katawang-tao. Ang nalalabi ay walang kinalaman sa Kanya. Hindi Siya dumaraan sa maraming walang-gaanong halagang mga prosesong iyan. Sa sandaling natapos na ang Kanyang gawain, ang kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao ay nagtatapos din. Ang pagtatapos sa yugtong ito ay nangangahulugang nagwakas na ang gawain na kinakailangan Niyang gawin sa katawang-tao, at ganap na ang ministeryo ng Kanyang katawang-tao. Ngunit hindi Siya maaaring magpatuloy na gumagawa sa katawang-tao nang walang katapusan. Kailangan Niyang sumulong sa isa pang lugar upang gumawa, isang lugar sa labas ng katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang ang Kanyang gawain ay maaaring maging mas ganap na kumpleto, at higit na lumawak. Gumagawa ang Diyos ayon sa Kanyang orihinal na plano. Kung anong gawain ang kinakailangan Niyang gawin at kung anong gawain ang Kanyang natapos, nalalaman Niya na kasing-linaw ng palad ng Kanyang kamay. Inaakay ng Diyos ang bawat indibiduwal na lumakad sa landas na Kanyang nauna nang napagpasyahan. Walang sinuman ang makatatakas dito. Tanging yaong sumusunod sa pamamatnubay ng Espiritu ng Diyos ang makakayang pumasok sa kapahingahan. Maaaring, sa mas huling gawain, hindi na ang Diyos na nangungusap sa katawang-tao ang papatnubay sa tao, kundi isang Espiritu na may kongkretong anyo ang papatnubay sa buhay ng tao. Saka lamang makakaya ng tao na kongkretong hawakan ang Diyos, masdan ang Diyos, at mas lubos na pumasok tungo sa pagkatotoo na kinakailangan ng Diyos, upang magawang perpekto ng praktikal na Diyos. Ito ang gawaing hinahangad ng Diyos na matapos, ang Kanyang binalak mula pa noong matagal na panahong nakalipas. Mula rito, nararapat na makita ninyong lahat ang landas na dapat ninyong tahakin!
Write a comment