· 

Ang Pagpapabuti ng Kakayahan ay para Matanggap ang Pagliligtas ng Diyos

Ang Pagpapabuti ng Kakayahan ay para Matanggap ang Pagliligtas ng Diyos

 

Ang pagpapabuti sa kakayahan ng mga tao ay nangangailangan na pagbutihin ninyo ang inyong mga kakayahang tumanggap, upang makaya ninyong maunawaan at malaman kung paano isasagawa ang mga salita ng Diyos. Ito ang pinakapangunahing pangangailangan. Hindi ba ito nakalilitong pananampalataya kung susunod ka sa Akin nang hindi nauunawaan kung ano ang Aking sinasabi? Gaano man karaming salita ang Aking binibigkas, kung hindi kayo makakarating doon, kung hindi ninyo mauunawaan ang mga ito anuman ang Aking sinasabi, nangangahulugan ito na kulang ang inyong kakayahan. Ito ay dahil hindi ninyo taglay ang mga kakayahan na tumanggap na wala man lamang kayo ni katiting na pagkaunawa sa kung ano ang Aking sinasabi. Dahil dito, napakahirap na makamit ang inaasam na mga resulta. Maraming bagay ang hindi maaaring sabihin sa inyo nang tuwiran at ang dating epekto ay hindi maaaring matamo. Kung gayon, ang karagdagang mga tungkulin ay kailangang maidagdag sa Aking gawain. Kinakailangang ilunsad sa gitna ninyo itong gawaing “pagpapataas ng kakayahan ng mga tao” sapagkat ang inyong mga kakayahang tumanggap, mga kakayahang makakita ng mga bagay, at ang mga pamantayan ng inyong mga buhay ay napakababa. Ito ang kinakailangang direksyon; walang ibang pagpipilian, at ito ay kailangang gawin sa ganitong paraan upang ang isang bahagi ng mga resulta ay maaaring matamo. Kung hindi, ang lahat ng salitang Aking sinasabi ay mauuwi sa wala, at hindi ba kayo maaalala sa kasaysayan bilang mga makasalanan? Hindi ba kayo magiging mga mababang-uri? Hindi ba ninyo alam kung ano ang gawaing ito na isinasagawa sa inyo at kung ano ang kinakailangan sa inyo? Kailangan ninyong malaman ang inyong sariling kakayahan; hindi nito maaabot kung ano ang Aking kinakailangan sa inyo sa anupaman. Hindi ba nito inaantala ang gawain? Sa inyong kasalukuyang kakayahan at ugali, walang sinuman sa inyo ang angkop na magpatotoo para sa Akin, at walang sinuman ang karapat-dapat na gampanan ang pagpapasan sa mabigat na pananagutan ng Aking gawain sa hinaharap. Hindi ba kayo nakadarama ng labis na pagkapahiya tungkol dito? Paanong magiging posible na matugunan ang lahat ng Aking mga kahilingan kung magpapatuloy ang ganito? Dapat mong gawing ganap at kasiya-siya ang iyong buhay. Huwag hayaang lumipas ang panahon nang walang kabuluhan. Walang saysay ang paggawa nito. Dapat mong malaman kung anong mga bagay ang dapat isangkap sa iyo. Huwag ituring ang iyong sarili na isang marunong sa lahat ng trabaho. Malayo sa katotohanan! Ano ang maaaring pag-usapan kung hindi mo taglay maging ang pinakapangunahing kaalaman ukol sa sangkatauhan? Hindi ba magiging walang saysay ang lahat? Walang isa man sa gitna ninyo ang ganap na karapat-dapat kung ang pag-uusapan ay kung ano ang Aking kinakailangan ukol sa kakayahan ng tao. Mahirap makahanap ng isa na karapat-dapat sa paggamit. Naniniwala kayo na kayo ay mga tao na makakagawa ng mas dakilang gawain para sa Akin at makakakuha ng isang mas malaking pagtitiwala mula sa Akin. Ang totoo, ni hindi ninyo nalalaman kung paano pasukin ang marami sa mga aral sa harap ninyo, kaya paano magiging posible na pumasok sa mas malalim na mga katotohanan? Ang inyong pagpasok ay dapat may-sistema. Huwag itong gawin nang walang sistema. Hindi ito magiging mabuti. Pumasok mula sa pinakamababaw na dulo—basahin ang bawat isang linya ng mga salitang ito hanggang sa inyong matamo ang pagkaunawa at kalinawan. Ang bawat kapatid na lalaki at kapatid na babae ay dapat makabasa man lamang. Huwag lamang susulyapan ito na parang humahanga sa mga bulaklak habang nangangabayo, at huwag gagawin nang napipilitan lamang. Sa karaniwan, makakapagbasa ka rin ng ilang sangguniang akda (gaya ng mga aklat ng balarila o retorika). Hindi kailangang magbasa ng mga aklat na nagpapasigla sa iyong isipan nang sobra (mga nobela ng pag-ibig, pornograpiya, at mga magasin, o mga talambuhay ng mga dakilang tao), na nagdudulot ng mas makakapinsala kaysa makakabuti. Dapat mong makabisa ang lahat ng dapat mong pasukin at dapat unawain. Ang layunin sa pagpapabuti ng kakayahan ay walang iba kung hindi ang tulungan ang mga tao na malaman ang kanilang sariling kakanyahan, pagkakakilanlan, katayuan o halaga. Ano ang pangunahing bagay na dapat pasukin ng mga iglesia sa ibaba? Hindi ba itinataas ng mga tao ang kanilang kakayahan ngayon? Mahalagang panghawakan sa pagpasok na ito ang pagiging edukado; hindi ito maaaring pakawalan! Dapat ninyong maintindihan kung bakit ang kakayahan ng mga tao ay dapat mapagbuti, kung paanong maaaring mapagbuti ang kakayahan, at alin sa mga aspeto ang papasukin. Dapat ninyong maunawaan ang kahulugan ng pagsasabuhay ng isang normal na pagkatao, kung bakit kailangang gawin ang gawaing ito, at kung paano dapat makipag-ugnay ang mga tao. Sa pagiging edukado, dapat kayong maging malinaw kung aling mga aspeto ang kailangang matutuhan, at kung paanong ang isa’y dapat pumasok. Dapat ninyong malamang lahat kung ano ang layunin ng pagiging edukado. Hindi ba ito upang maunawaan ang mga salita ng Diyos at pasukin ang katotohanan? Ano ang namamayaning kalagayan sa mga iglesia sa kasalukuyan? Kung hihingin ninyo sa isang tao na maging edukado, malilimutan nila ang tungkol sa pagtatamasa sa mga salita ng Diyos. Wala silang gagawin sa buong araw maliban sa pag-aaral. Kung inyong kakailanganin na isabuhay nila ang normal na pagkatao, aasikasuhin lamang nila ang paglilinis sa kanilang bahay, pagluluto, o pagbili ng mga kagamitan sa pagluluto. Aalalahanin lamang nila ang tungkol sa mga bagay na ito at hindi nalalaman kung paano normal na maranasan ang isang buhay sa iglesia. Ikaw ay lumihis sa iyong pagsasagawa kung mananatili ka sa kasalukuyang kalagayan. Kaya bakit hinihiling sa iyo na pumasok sa isang espirituwal na buhay? Ang tanging natutuhan mo ay ang mga bagay na ito na hindi makakatulong sa iyong matamo kung ano ang kinakailangan sa iyo. Ang pinakamahalagang bagay pa rin ay ang pagpasok sa buhay. Ang dahilan sa paggawa sa gawaing ito ay upang lutasin ang mga paghihirap na nasasagupa ng mga tao sa kanilang mga karanasan. Ang pagpapataas ng kakayahan ay tinutulutan kang makilala ang kalikasan ng tao at ang kakanyahan ng tao—ang pangunahing layunin sa pagkaalam sa mga bagay na ito ay upang ang espirituwal na buhay ng mga tao ay maaaring lumago at ang kanilang disposisyon ay maaaring magbago. Maaaring alam mo kung paano magbihis nang maganda at magmukhang maganda; maaaring taglay mo ang kabatiran at karunungan, ngunit sa huli, kapag dumating ang araw upang ikaw ay gumawa, hindi mo ito magagawa. Dapat mong malaman, kung gayon, kung ano ang dapat mo ring gawin habang itinataas ang iyong kakayahan. Ang baguhin ka ay layunin. Ang pagpapataas ng iyong kakayahan ay karagdagan. Hindi ito mangyayari kung ang iyong kakayahan ay hindi pinabuti. Mas lalo pang malala kung ang iyong disposisyon ay hindi mababago. Ang isa ay hindi sapat kung wala ang isa pa. Ang pagkakaroon ng normal na pagkatao ay hindi nangangahulugan na nagpatotoo ka nang umaalingawngaw. Kung ano ang kinakailangan sa iyo ay hindi ganoon kasimple.

 

Kapag ang kakayahan ng isang tao ay napabuti na taglay nila ang katinuan at pamamaraan ng pamumuhay ng isang normal na pagkatao at mayroon ding pagpasok sa buhay, sa gayon lamang nila magagawang magbago at sumaksi. Kapag ang araw ng pagpapatotoo ay dumarating, mayroon ding pangangailangan na pag-usapan ang tungkol sa mga pagbabago sa buhay ng tao at tungkol sa kaalaman sa Diyos sa loob. Ang pinagsama-sama lamang na dalawang aspeto na ito ay ang tunay na patotoo at ang iyong tunay na pakinabang. Hindi ito mangyayari kung taglay mo lamang ang isang pagbabago sa pagkatao sa panlabas at walang pagkaunawa sa panloob. Hindi rin ito mangyayari kung mayroon kang pagkaunawa at katotohanan sa panloob ngunit nakakaligtaan mong isabuhay ang isang normal na pagkatao. Ang gawain na isinasagawa sa iyo sa kasalukuyan ay hindi upang ipakita sa iba kundi para baguhin ka. Kailangan mo lamang bigyang-pansin ang pagbabago ng iyong sarili. Maaari kang magsulat at makinig araw-araw, ngunit hindi ito magkakabisa kung hindi ka makikisali sa ibang bahagi ng iyong buhay. Dapat kang magkaroon ng pagpasok sa bawat aspeto. Dapat kang magkaroon ng normal na buhay ng isang banal. Marami sa mga kapatid na babae ang nagdadamit gaya ng mayayamang binibini at ang mga kapatid na lalaki ay nagdadamit gaya ng mayayamang ginoo o mga panginoon, lubos na iniwala ang kagandahang-asal ng mga banal. Ang isang aspeto ay ang pagpapataas sa kakayahan ng isang tao, na matatamo nang hindi sinasadya. Ang isa pang aspeto na pinakamahalaga sa lahat ay ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Hindi ba ito magiging isang pagsasayang lamang ng kaalaman kung ang iyong kakayahan ay nakataas ngunit hindi ginamit sapagkat hindi ka kumain at uminom ng mga salita ng Diyos? Ang parehong aspeto ay dapat pagsamahin. Bakit ang kaalaman ukol sa Diyos ay binabanggit sa talakayan na kung ano ang kinakailangan sa iyo? Hindi ba ito para sa kapakanan ng mga resulta ng gawain sa hinaharap? Pagkatapos na ikaw ay lupigin, kailangan mong magpatotoo mula sa iyong sariling mga karanasan. Hindi ito mangyayari kung ang iyong panlabas na kaanyuan ay isa na may normal na pagkatao ngunit hindi mo maipapahayag ang iyong mga karanasan sa pamamagitan ng iyong bibig. Kapag taglay mo ang isang normal na buhay espirituwal, dapat mong makamit ang normal na pagkatao, at maraming aspeto sa normal na pagkatao ay maaaring matutuhan nang hindi sinasadya. Sasabihin mo ba na ang pagwawalis sa sahig ay nangangailangan ng natatanging pagsasanay? Kung kinakailangan mong gumugol ng isang oras sa pagsasanay sa paghawak ng mga chopstick para sa pagkain, ang gayon ay lalong mas hindi katanggap-tanggap! Ano ang kabilang sa loob ng normal na pagkatao? Ang mga ito ay kabatiran, katinuan, konsiyensya, at karakter. Kung matatamo mo ang pagka-karaniwan sa bawat isa na mga aspetong ito, ang iyong pagkatao ay hanggang sa pamantayan. Dapat kang magkaroon ng wangis ng isang normal na tao at gumawi kagaya ng isang mananampalataya sa Diyos. Hindi mo kailangang magtamo ng malalaking tagumpay o makibahagi sa diplomasya. Kailangan mo lamang maging isang normal na tao, na mayroong isang normal na katinuan ng tao, magagawang makita sa pamamagitan ng mga bagay, at kahit man lang magmukhang isang normal na tao. Ang gayon ay magiging sapat na. Ang lahat ng kinakailangan sa iyo sa kasalukuyan ay nasa sa loob ng iyong mga kakayahan, at hindi ito sa anumang paraan pagtataboy sa isang pato sa dapuan. Walang mga walang kabuluhang salita o walang kabuluhang gawa ang gagampanan sa iyo. Ang lahat ng kapangitang ipinahahayag o ibinubunyag sa iyong buhay ay dapat itapon. Kayo ay ginawang tiwali ni Satanas at mayroong masyadong maraming taglay na mga lason ni Satanas. Ang tanging hinihiling sa iyo ay ang alisin ang tiwali at makademonyong disposisyon na ito, hindi para ikaw ay maging isang tao na may mataas-na-ranggo, o isang sikat o dakilang tao. Ito ay walang kabuluhan. Ang gawain na ginagawa sa inyo ay naaayon sa kung ano ang likas sa inyo. Mayroong mga hangganan sa kung ano ang Aking kinakailangan sa mga tao. Kung ang mga tao sa kasalukuyan ay hiningi na lahat mag-asal tulad ng mga kadreng Tsino, at magsanay ng tono ng boses ng mga kadreng Tsino, magsanay sa paraan ng pagsasalita ng matataas na opisyal ng pamahalaan, o magsanay sa pamamaraan ng tono ng pagsasalita ng mga manunulat ng sanaysay at mga manunulat ng nobela, kung gayon hindi rin ito mangyayari. Ito ay hindi matatamo. Alinsunod sa kakayahan ninyong mga tao, kayo ay dapat man lamang makapagsalita nang may karunungan at maingat at ipinapaliwanag ang mga bagay nang malinaw. Sa gayon ninyo maaabot ang mga kinakailangan. Sa paanuman, ang kabatiran at katinuan ay dapat na matamo. Sa kasalukuyan ang pangunahing bagay ay ang itakwil ang tiwali at makademonyong disposisyon. Dapat mong itakwil ang kapangitan na iyong ipinapahayag. Kung hindi mo naitatakwil ang mga ito, paano mo maaaring mabanggit ang kataas-taasang katinuan at kabatiran? Napakaraming tao ang nakakakita na ang kapanahunan ay nababago, kaya hindi sila nagsasanay ng anumang pagpapakumbaba o pagtitiyaga, at maaaring hindi rin sila nagtataglay ng anumang pag-ibig o pagiging disente ng isang banal. Ang mga taong ito ay totoong kakatwa! Mayroon ba sila kahit na kapirasong normal na pagkatao? Mayroon ba silang mababanggit na anumang patotoo? Wala silang anumang kabatiran o katinuan o kahit na ano. Mangyari pa, ang ilang aspeto ng pagsasagawa ng mga tao na lihis at mali ay kailangang maitama. Kagaya ng mahigpit na espirituwal na buhay ng mga tao ng nakaraan o ang kanilang anyo ng pagiging manhid at kamangmangan—ang lahat ng bagay na ito ay kailangang magbago. Ang pagbabago ay hindi nangangahulugan na hahayaan kang maging napakasama o magpasasa sa laman, na sinasabi ang anumang naisin mo. Hindi maaari ang pagsasalita nang walang ingat. Ang umasal kagaya ng isang normal na tao ay ang makipag-usap nang may pagkakaugnay-ugnay. Ang ibig sabihin ng oo ay oo, ang hindi ay nangangahulugang hindi. Maging tapat sa katotohanan at magsalita nang akma. Huwag mandaya, huwag magsinungaling. Dapat malaman kung anong mga limitasyon ang maaaring maabot ng isang normal na tao tungkol sa pagbabago ng disposisyon. Kung hindi iyon kilala, hindi ka makakapasok sa realidad.