· 

Paano Tingnan ang Iyong Tungkulin

Paano Tingnan ang Iyong Tungkulin

 

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang pinakasaligang kinakailangan ng pananampalataya ng tao sa Diyos ay ang mayroon siyang tapat na puso, at na buo niyang inilalaan ang kanyang sarili, at tunay siyang sumusunod. Ang pinakamahirap sa tao ay ibigay ang kanyang buong buhay kapalit ng tunay na pananampalataya, kung saan sa pamamagitan nito ay maaari niyang makamit ang buong katotohanan, at isakatuparan ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang ng Diyos. Ito ang hindi natatamo ng mga nagkakamali, at higit pang mas hindi natatamo ng mga hindi makakatagpo kay Cristo. Dahil ang tao ay hindi magaling sa buong paglalaan ng kanyang sarili sa Diyos, dahil ang tao ay hindi handang gampanan ang kanyang tungkulin sa Lumikha, dahil nakita na ng tao ang katotohanan ngunit iniiwasan ito at tumatahak ng kanyang sariling landas, dahil laging naghahanap ang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa landas ng mga nagkamali na, dahil laging sinasalungat ng tao ang Langit, sa gayon, laging nagkakamali ang tao, laging nadadala ng panlilinlang ni Satanas, at nabibitag sa sarili niyang lambat” (“Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Ang mga tungkulin ay mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao; ang mga ito ay mga misyong dapat tapusin ng mga tao. Gayunman, ang tungkulin ay hindi gawaing personal mong pinamamahalaan, ni pambalanse sa iyong pamumukod-tangi sa maraming tao. Ginagamit ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin bilang mga oportunidad ng sariling pamamahala; ang ilan upang tugunan ang kanilang mga pagnanais; ang ilan upang punan ang mga kahungkagang nadarama nila sa kanilang kaloob-looban; at ang ilan upang masapatan ang kanilang mentalidad na tamang magtiwala sa swerte, iniisip na hangga’t ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, magkakaroon sila ng bahagi sa tahanan ng Diyos at sa kamangha-manghang hantungang isinasaayos ng Diyos para sa tao. Ang ganoong mga pag-uugali tungkol sa tungkulin ay hindi tama; niyayamot nito ang Diyos at dapat kaagad iwasto” (Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Pagkatapos basahin ito, gusto kong magbahagi tungkol sa sarili kong karanasan.

 

Noong 2017, ang tungkulin ko ay pagsusulat para sa iglesia. Inayos ng lider ng iglesia na makatrabaho ako ni Brother Lin at sinabihan akong tulungan siya. Masaya akong sumang-ayon at naisip ko, “Balita ko magaling talaga si Brother Lin. Kung mauunawaan niya agad ang mga prinsipyo, tiyak na magiging mabunga ang aming gawain. Iisipin ng lider na may kakayahan at mahalaga ako; kaya dapat ko siyang tulungan.” Ibinigay ko kay Brother Lin ang mga prinsipyong tinipon ko, para maunawaan niya ang lahat ng kailangan niya sa lalong madaling panahon. Nang hindi siya makausad sa gawain niya, matiyaga akong magbabahagi kasama siya at tutulungang iresolba ang kanyang mga problema. Matapos ang ilang sandali, naintindihan niya ang ilang prinsipyo, at nakakamit ng ilang resulta sa kanyang tungkulin. Natuwa akong makita ang kanyang pagbuti. Napakabilis niyang naunawaan ang mga bagay. May potensiyal siya! Naging lalo pang mahusay ang aming pangkat. Matapos ’yon, malaki ang nabawas sa gawain ko. Naisip ko na kung mas marami ang oras para sanayin si Brother Lin, mas magagandang resulta pa ang makukuha namin.

 

Isang araw, sinabi ng aming lider na kailangan ng isang iglesia ng tao na gagabay sa kanilang pagsusulat, at dahil nasa amin si Brother Lin, na napakahusay sa kanyang trabaho, ililipat siya sa iglesiang iyon para gawin ang kanyang tungkulin. Nabigla ako, at naisip ko, “Ano? Ililipat siya? Hindi n’yo puwedeng gawin ’yon. Pinagpaguran kong mabuti para lang maging pamilyar siya sa trabaho at sa mga prinsipyo, at nagsimulang bumuti ang gawain sa aming pangkat. Kung ililipat siya ngayon, masisira ang aming gawain. Ano’ng iisipin ng mga tao sa ’kin? Baka sabihin nila, wala akong kakayahan.” Lalo akong nadismaya habang iniisip ko ito. Sabi ng lider, kapag wala na si Brother Lin, magsasanay ako ng iba pang tao. Tutol ako roon. Naisip ko, “Sinasabi mo ’yon na parang wala lang ’yon. Sa tingin mo ba, madali lang magsanay ng tao? Grabeng trabaho at oras ’yon! Bukod pa, kapag wala na si brother Lin, nasa akin na ulit lahat ng responsibilidad Abala na nga kami. Kaya kung mababawasan pa kami ng gagawa, magiging mas mahirap ang trabaho namin.” Habang lalo kong iniisip ’yon, lalo akong nakakaramdam ng pagtutol. Pinasulat ako ng lider ng pagsusuri kay Brother Lin Naisip ko, “Pagtutuunan ko ang kahinaan at katiwalian niya, sa halip na ang mabuti. At baka hindi na siya ilipat pa.” Medyo na-guilty ako nang tapos ko nang isulat ang pagsusuri ko sa kanya, at inisip ko kung nagiging sinungaling ba ako. Pero ipinagpalagay kong iniisip ko lang ang gawain ng pangkat. Ibinigay ko sa lider ang pagsusuri ko. Lumipas ang ilang araw na hindi ako nakatanggap ng kahit anong sagot, at nagsimula akong mag-alala at naisip ko, “Baka hindi niya binasa ang pagsusuri, at ililipat pa rin niya si Brother Lin? Hindi puwede ’yon. Dapat may gawin ako. Tiyak na may paraan para mapanatili siya sa pangkat ko.” Sinubukan kong makiramdam at tinanong ko si Brother Lin, “Ano’ng iisipin mo kung hingin sa’yong gawin ang tungkulin ng pagsusulat para sa ibang iglesia?” Sagot niya, “Magpapasakop ako sa mga pagsasaayos ng iglesia. Paparoon ako.” Agad kong sinabi, “Kapag ginagampanan ang gawain ng pagsusulat, kailangan nating unawain ang mga prinsipyo at maging mahusay. Kung wala ’yon, babagal ang pag-usad. Sa tingin ko, pinakamainam na ipagpatuloy mo ang pagganap sa tungkulin mo dito.” Sa gulat ko, hindi man lang naapektuhan si Brother Lin. May kumpiyansa niyang sinabi, “Kung bibigyan ng pagkakataon, susubukan ko ’yon.” Hindi ko nakuha ang binalak ko, at medyo nadismaya ako sa kanya. Isang beses, nakita ko na may mga konting problema sa kanyang tungkulin, at nagalit ako, at pinangaralan ko siya. Noon, kapag naiisip ko ang paglipat niya, natataranta ako. Hindi ako makaramdan ng kahit anong hinahon sa gawain ko, at hindi ako makapagtuon. Hindi ko maisip kung paano ’yon aayusin. Nahihirapan ako na para bang natutuliro. Nanalangin ako sa Diyos at hiniling sa Kanyang tulungan akong makilala ang sarili ko.

 

Tapos ay binasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos. “Ang mga tao ay kadalasa’y hindi isinasagawa ang katotohanan, kadalasa’y tumatalikod sila sa katotohanan, at madalas nabubuhay sila sa makasarili at walang dangal, tiwaling satanikong disposisyon pinoprotektahan ang kanilang kapalaluan, kanilang reputasyon, kanilang katayuan, at kanilang mga pansariling interes. Hindi nila natamo ang katotohanan. Dahil dito, ikaw ay labis na balisa, labis na ligalig, at labis na nasupil” (“Ang Pagpasok sa Buhay ay Dapat Magsimula sa Karanasan ng Pagganap sa Tungkulin ng Isa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). “Ano ang pamantayan kung paano sinusuri ang mga gawa ng isang tao bilang mabuti o masama? Depende ito sa kung taglay mo o hindi, sa iyong mga iniisip, pagpapahayag, at kilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng realidad ng katotohanan. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda na ikaw ay isang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Ang mga iniisip at ipinapakita mong mga kilos ay hindi sumasaksi sa Diyos, ni pinapahiya o tinatalo ng mga ito si Satanas; sa halip, pinapahiya ng mga ito ang Diyos, at puno ng mga markang nagpapahiya sa Diyos. Hindi ka sumasaksi sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni hindi mo ginagampanan ang responsibilidad at mga obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang ipinahihiwatig ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Para kay Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ka nakagawa ng mabubuting gawa; sa halip, naging masama ang iyong asal. Hindi ka gagantimpalaan; hindi ka aalalahanin ng Diyos. Hindi ba ito ganap na walang kabuluhan?” (“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makukuha Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Habang binabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pinagpapasyahan ng Diyos kung gumagawa ng mabuti ang mga tao, hindi kung gaano nila ginugugol ang kanilang sarili, o nagdurusa, o nagsasakripisyo kundi ayon sa kanilang mga motibo, at kung ang kanilang mga kilos ay para ba sa Diyos, o para sa kanilang sarili, at kung isinasagawa ba nila ang katotohanan. Pinagnilayan ko ang aking kalagayan at nakita ko na ang mga pagsisikap kong tulungan si Brother Lin na maunawaan agad ang mga prinsipyo ay hindi para sa iglesia. Inisip ko lang na magiging mas mahusay ang aming pangkat at magmumukha akong magaling dahil sa kanya. Nang makita kong ililipat siya, natakot akong masira ng pag-alis niya ang gawain ng pangkat at ang reputasyon at katayuan ko, kaya binigyang-diin ko sa pagsusuri ang mga mali niya para linlangin ang lider. Nagsabi pa ’ko ng ilang negatibong bagay para patamlayin siya sa tungkulin. Paano ’yon naging pagsasagawa ng katotohanan at paggawa ng aking tungkulin? Makasarili kong ginawa ang tungkulin ko, nang hindi isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia kundi ang gawain lang na responsable ako, at kung masisira ba ang katayuan ko. Nagsinungaling ako, at hinadlangan ang gawain ng iglesia Ginagambala ko ang gawain ng bahay ng Diyos, at nilalabanan ang Diyos. Nang makita ko ang mapanganib na kinalalagyan ko, nanalangin ako sa Diyos “Diyos ko, naging lubos akong makasarili. Ginambala ko ang gawain ng bahay ng Diyos para sa sarili kong interes. Diyos ko, gusto kong magsisi sa Iyo.”

 

Tapos ay binasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Huwag laging gumawa ng mga bagay-bagay para sa iyong sariling kapakanan, huwag laging isaalang-alang ang iyong sariling mga interes, at huwag isaalang-alang ang iyong sariling katayuan, kahihiyan o reputasyon. Huwag isaalang-alang ang mga interes ng mga tao. Kailangan mo munang isaalang-alang ang interes ng tahanan ng Diyos at unahin iyan; dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Magsimula sa pamamagitan ng pagmumuni-muni kung ikaw ay naging dalisay o hindi sa pagtupad mo sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat para maging matapat, nakumpleto ang iyong mga responsibilidad, at naibigay ang lahat, at kung buong-puso mong napag-isipan ang iyong tungkulin at ang gawain ng tahanan ng Diyos o hindi. Kailangan mong isipin ang mga bagay na ito. Isipin nang madalas ang mga bagay na ito, at madali mong magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin” (“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makukuha Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Nakatagpo ako ng landas ng pagsasagawa sa loob ng mga salita ng Diyos. Kinailangan ko ng mga tamang motibo sa tungkulin ko para tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at itaguyod ang gawain ng bahay ng Diyos, hindi ang aking mga interes. Mahusay ang kakayahan ni Brother Lin, at hinanap niya ang katotohanan, kaya kung magtrabaho siya sa ibang iglesia mapapakinabangan ’yon ng gawain ng bahay ng Diyos. bukod pa sa higit siyang makakapagsanay sa ganoong paraan. Kaya dapat ko siyang suportahan. Hinanap ko ang lider at nagtapat ako tungkol sa sarili kong mga makasariling motibo at nagbigay ng tapat na pagsusuri kay Brother Lin. Inilipat siya sa kabilang iglesiang nangangailangan sa kanya, at sa wakas ay nakaramdam ako ng kaunting kapayapaan sa kalooban.

 

Sa buong panahong ’yon, akala ko’y nagbago na ako. Hindi ko naisip na sa katulad na sitwasyon, lalabas ulit ang mala-demonyo kong kalikasan.

 

Taglamig noon ng 2018, at kami ni Brother Chen ay mga lider ng isang pangkat. Pinuno namin ang mga pagkukulang ng isa’t isa, at sa patnubay ng Diyos, nakakita kami ng magagandang resulta sa gawain namin. Lubos akong natuwang makatrabaho si Brother Chen. Pagkatapos ng isang pagtitipon, sinabi ng lider sa ’kin na kailangan ng tulong ng isa pang pangkat, at ililipat nila si Brother Chen. Mahusay ang kakayahan ni Brother Chen, at nauunawaan niya ang katotohanan, at responsable siya sa kanyang tungkulin, kaya nakakatulong siya sa pag-usad ng gawain ng pangkat namin. Kung umalis siya at bumaba ang kalidad ng gawain namin, ’di ba’t magmumukha akong masama? Iisipin kaya ng lider na wala akong kakayahan? Ayokong mawala si Brother Chen, pero para sa gawain ng iglesia, pumayag ako. Sa gulat ko, sinabi ng lider pagkatapos na may isa pang iglesia na may agarang pangangailangan, at gusto niyang tumulong si Sister Lu. Nang narinig ko ’to, talagang nabigla ako. “Gusto mong kunin si Sister Lu? Ililipat na si Brother Chen, ngayon pati si Sister Lu? Mawawala ang dalawa sa pinakamahusay na miyembro ng pangkat namin, kaya tiyak na magdudusa ang gawain namin. Hindi puwede. Hindi mo puwedeng kunin si Sister Lu.” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Kung tatanggi ako sa kanya, hindi ba niya iisiping makasarili ako?” Nagmungkahi ako ng isang kapatid na hindi ganoon kahusay. Sinuri ng lider ang lahat at pinili pa rin niya si Sister Lu, at inatasan akong magbahagi sa kanya sa bagong tungkulin niya. Sinabi ko na gagawin ko ’yon kahit hindi ko gusto. Kinalaunan, umangal ako sa isang kapatid tungkol sa kawalan ng konsiderasyon sa’kin ng lider, at paglilipat ng mga taong ito. Paano ko ba dapat gampanan ang gawain ko? Nagpatuloy ako, pero napagtanto kong mali ang sinasabi ko. Sinusubukan ko lang na kumampi sa’kin ang kapatid na ito. Pagkakasala ’yon sa Diyos. Mas lumala ang pakiramdam ko habang lalo ko ’tong iniisip. Pinagnilayan ko ang sarili ko, at nanalangin sa Diyos. Pagkatapos manalangin, naisip ko kung bakit sa tuwing may inililipat na tao mula sa pangkat ko, ginagawa ko ang lahat ng kaya ko para pigilan ’yon. Ano ang tunay na kalikasan sa likod ng ganoong pagkilos ko?

 

Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos. “Ang mga tungkulin ay mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao; ang mga ito ay mga misyong dapat tapusin ng mga tao. Gayunman, ang tungkulin ay hindi gawaing personal mong pinamamahalaan, ni pambalanse sa iyong pamumukod-tangi sa maraming tao. Ginagamit ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin bilang mga oportunidad ng sariling pamamahala; ang ilan upang tugunan ang kanilang mga pagnanais. … Ang ganoong mga pag-uugali tungkol sa tungkulin ay hindi tama; niyayamot nito ang Diyos at dapat kaagad iwasto” (Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). “Sa nilalaman ng gawain sa araw na ito, ginagawa pa rin ng mga tao ang kaparehong uri ng mga bagay gaya ng ‘ang templo ay higit na dakila kaysa sa Diyos.’ Halimbawa, itinuturing ng mga tao na ang pagtupad ng kanilang tungkulin bilang kanilang trabaho; itinuturing nila na ang pagsaksi sa Diyos at ang paglaban sa malaking pulang dragon bilang pagkilos na pulitikal sa pagsasanggalang sa mga karapatang pantao, para sa demokrasya at kalayaan; ginagawa nila ang kanilang tungkulin na gamitin ang kanilang mga kakayahan na mga karera, ngunit itinuturing nila ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang isa lamang relihiyosong doktrina na susundin; at iba pa. Hindi ba ang mga pagpapahayag na ito sa bahagi ng mga tao ay halos walang pinagkaiba sa ‘ang templo ay higit na dakila kaysa sa Diyos’? Maliban sa dalawang libong taon na ang nakaraan, tinutupad ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa pisikal na templo, ngunit sa araw na ito, tinutupad ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa mga hindi totoong mga templo. Ang mga tao na nagpapahalaga sa mga patakaran ay itinuturing ang mga patakaran na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga taong nagpapahalaga sa katayuan ay itinuturing ang katayuan na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga umiibig sa kanilang karera ay itinuturing ang karera na higit na dakila kaysa sa Diyos, at iba pa—ang lahat ng kanilang mga pagpapahayag ang nagbunsod sa Akin upang masabing: ‘Pinupuri ng mga tao ang Diyos bilang pinakadakila sa pamamagitan ng kanilang mga salita, ngunit sa kanilang mga mata ang lahat ng bagay ay higit na dakila kaysa sa Diyos.’ Ito ay dahil sa sandaling makakita ng pagkakataon ang mga tao sa kahabaan ng daan ng kanilang pagsunod sa Diyos na maipakita ang kanilang sariling mga kakayahan, o upang matupad ang kanilang sariling gawain o kanilang sariling karera, inilalayo nila ang kanilang mga sarili mula sa Diyos at inilalaan ang kanilang mga sarili sa karera na kanilang pinahahalagahan. At tungkol naman sa ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, at ang Kanyang kalooban, ang mga bagay na iyon ay matagal nang naitapon. Sa senaryong ito, ano ang ipinagkaiba ng mga taong ito at yaong nagsasagawa ng kanilang sariling gawain sa loob ng templo dalawang libong taon na ang nakararaan?” (“Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

 

Sa mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng higit na kalinawan sa diwa ng mga kilos ko. Lumalaban ako at humahadlang sa tuwing gustong ilipat ng lider ang isang tao dahil tinrato ko ang tungkulin ko na personal kong karera. Ang tingin ko sa mga nasa sarili kong pangkat ay mga tao na sinanay ko, kaya dapat nilang gawin ang kanilang tungkulin sa loob ng saklaw ko, sa loob lang ng sarili naming pangkat, at hindi sa iba Hindi makatuwiran ang paraan ko ng pag-iisip. Walang katuturan. Ang anumang mga kalakasang mayroon ang mga kapatid na ’yon ay itinakda sa una ng Diyos para sa Kanyang gawain. Dapat silang ilagay saanman sa bahay ng Diyos na kinakailangan sila. ’Yon ang totoo. Pero sinusubukan kong panatilihin sila sa aking kontrol at tinatrato silang parang mga kasangkapan para sa sarili kong gawain, na nagtatrabaho para sa ’kin Ayokong may ilipat na kahit sino. Sinubukan ko pa ngang gumawa ng sariling mga grupo, at manghusga. Hindi ba’t kumikilos ako na parang mga Fariseo sa unang panahon, na lumalaban sa Panginoong Jesus? Noon, ang tingin nila sa templo ay sarili nilang saklaw ng impluwensiya at ayaw nilang sumunod ang mga mananampalataya sa Panginoong Jesus. Ginagawa nila ang lahat para kontrolin ang mga mananampalataya upang mapanatili ang sarili nilang katayuan, na sinasabing pag-aari nila ang mga mananampalataya At ako? Pinailalim ko sa aking kontrol ang mga kapatid, at hindi sila pinapakawalan. Hindi ba’t ginagamit ko ang sarili kong saklaw ng impluwensiya para labanan ang Diyos? Sa pamamagitan ng pagtahak sa landas na ito, nilalabanan ko ang Diyos. Nagkasala ako sa Kanyang disposisyon. Nakakatakot ang inisip kong ito, at nagsimula akong kapootan ang sarili kong kamuhi-muhi at makasariling mga paraan. Nanalangin ako sa Diyos sa pagsisisi. Kinausap ko si Sister Lu tungkol sa kanyang paglipat, at ang kapatid na nalinlang ko, at nagbahagi tungkol sa kalikasan ng sinabi ko kaya nakapag-isip-isip siya. Sa wakas ay nagtamo ako ng kaunting kapayapaan.

 

Pagkatapos mailipat sina Sister Lu at Brother Chen, sumali si Sister Li sa aming pangkat. May kakayahan siya at mabilis matuto. Hindi naantala ang gawain ng aming pangkat. Napagtanto kong ang paggawa ng tungkulin ko para sa bahay ng Diyos, hindi sa sarili kong layunin, ay isang paraan para pagpalain. Isasaayos ng Diyos ang tamang mga tao para itaguyod ang gawain Niya. Tatlong buwan matapos ’yon, dumating si Sister Lin mula sa isang pagtitipon, at sinabi sa ’king mabuti ang ginagawa ng kalapit na iglesia, at kailangan nila ng tulong para sa mga bagong dating. Iminungkahi ng lider na pumaroon si Sister Li at magbigay ng tulong sa iglesiang ’yon. Nakaramdam ulit ako ng inis pero napagtanto ko agad na mali ang kalagayan ko. Inisip ko ang lahat ng pagkakataong binalewala ko ang mga interes ng iglesia para sa sarili kong katayuan. Nalungkot talaga ako at na-guilty, at pagkatapos ay naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang tungkulin mo ay hindi mo sariling gawain, at sa pagganap nito hindi ka gumagawa ng isang bagay para sa sarili mo o namamahala ng sarili mong gawain. Sa tahanan ng Diyos, anuman ang ginagawa mo, hindi ka nagtatrabaho sa sarili mong proyekto; ito ay gawain ng tahanan ng Diyos, ito ay gawain ng Diyos. Dapat palagi mong isaisip ang kaalamang ito at sabihin, ‘Hindi ko ito sariling gawain; ginagawa ko ang aking tungkulin at ginagampanan ko ang aking responsibilidad. Ginagawa ko ang gawain ng tahanan ng Diyos. Ito ay gawaing ipinagkatiwala ng Diyos sa akin at ginagawa ko ito para sa Kanya. Hindi ko ito sariling gawain.’ Kung iniisip mo na ito ay iyong sariling gawain at ginagawa mo ito ayon sa iyong sariling mga intensyon, prinsipyo, at motibo, kung gayon malalagay ka sa peligro” (Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Naging malinaw sa ’kin dahil sa mga salita ng Diyos na ang tungkulin ko ay tagubilin ng Diyos para sa ’kin, hindi isang personal na gawain. Hindi puwedeng gawin ko lang ang gusto ko para sa sarili kong mga personal na interes. Dapat kong isaalang-alang ang mga interes ng bahay ng Diyos at gawin ang ipinag-uutos ng Diyos. Iyon lang ang saloobing dapat taglayin ng isang nilikha sa kanyang tungkulin. Dati’y sarili ko lang ang iniisip ko, at gumawa ako ng mga bagay na nakasira sa mga interes ng bahay ng Diyos. Hindi na ako puwedeng mamuhay sa ganoong paraan. Kailangan kong talikuran ang sarili kong mga kagustuhan, at isagawa ang katotohanan. Gumaan ang pakiramdam ko sa inisip kong ito. Sabi ko kay Sister Lin, “Ang lahat ng ito’y para sa gawain ng bahay ng Diyos. Dapat tayong makipag-usap kay Sister Li tungkol sa kanyang pagbabago sa tungkulin. Hindi natin puwedeng maapektuhan ang gawain ng bahay ng Diyos.”

 

Sa tungkulin ko, ang matutuhang bitawan ang sarili kong mga kagustuhan, isipin ang bahay ng Diyos, magkaroon ng konsensiya at katinuan, at makilala ang lugar ko ay galing lahat sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos.

 

________________________________

 

Ang totoong kahulugan ng kaligtasan ay: Naniniwala tayo sa Panginoong Jesus, na tanging nangangahulugang naligtas tayo ng biyaya at napatawad na tayo sa ating kasalanan, ngunit hindi ito ang tunay na kaligtasan. Kung mararanasan lamang natin ang huling paghuhukom na gawain ng Diyos sa mga huling araw ay maaari tayong ganap na maligtas at makapasok sa kaharian ng Diyos!

 

 

Lihim nang dumating ang Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad at gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Pagkatapos, magpapakita ang Diyos nang hayagan at gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Nais mo bang salubungin ang Panginoon at maligtas ng Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad? Huwag mag-atubiling kontakin kami ngayon para malaman ang paraan.

 

Write a comment

Comments: 0