Mga Salita ng na Makapangyarihang Diyos|Paano Makatatanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Limitado ang Pagkaintindi tungkol sa Diyos?
Patuloy na sumusulong ang gawain ng Diyos, at bagaman ang layunin ng Kanyang gawain ay nananatiling di-nagbabago, palaging nagbabago ang paraan kung paano Siya gumagawa, at sa gayon pati na rin yaong mga sumusunod sa Diyos. Mas marami ang gawain ng Diyos, mas lubusang nakikilala ng tao ang Diyos, at ang disposisyon ng tao ay nagbabago kasabay ng Kanyang gawain. Gayon pa man, ito ay dahil sa ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago kaya yaong mga hindi nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu at yaong mga taong katawa-tawa na hindi nakakaalam sa katotohanan ay nagiging kalaban ng Diyos. Hindi kailanman umaayon ang gawain ng Diyos sa mga pagkaintindi ng tao, dahil laging bago ang Kanyang gawain at hindi kailanman luma. Hindi Niya kailanman inuulit ang lumang gawain bagkus ay sumusulong sa gawaing hindi pa nagawa kailanman. Dahil hindi nag-uulit ng Kanyang gawain ang Diyos at karaniwang nanghuhusga ang tao sa gawain ng Diyos ngayon batay sa Kanyang gawain sa nakaraan, lubhang mahirap para sa Diyos na isakatuparan ang bawat isang yugto ng gawain ng bagong kapanahunan. Napakaraming balakid ang tao! Masyadong makitid ang pag-iisip ng tao! Walang taong nakakaalam sa gawain ng Diyos, gayunman nagpapakahulugan silang lahat sa ganoong gawain. Malayo sa Diyos, nawawalan ang tao ng buhay, katotohanan, at mga biyaya ng Diyos, gayon man ni hindi rin tanggap ng tao ang buhay o katotohanan, mas lalo na ang mas malaking mga biyaya na ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Ninanais ng lahat ng tao na makamit ang Diyos nguni’t hindi kayang pagtiisan ang anumang pagbabago sa gawain ng Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay naniniwala na ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, at na magpakailanmang nananatiling nakapirmi ang gawain ng Diyos. Sa kanilang paniniwala, ang tangi lamang kailangan upang makamit ang walang-hanggang kaligtasan mula sa Diyos ay ang pagsunod sa kautusan, at hangga’t nagsisisi at nangungumpisal sila ng kanilang mga kasalanan, mabibigyang-kasiyahan magpakailanman ang kalooban ng Diyos. Ang akala nila ang Diyos ay nagiging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan at ang Diyos na ipinako sa krus para sa tao; akala rin nila na ang Diyos ay hindi dapat at hindi nakakahigit sa Biblia. Ang mga pag-aakalang ito talaga ang mahigpit na nagtatanikala sa kanila sa lumang kautusan at pinanatili silang nakakadena sa mahigpit na mga tuntunin. Marami pa nga ang naniniwala na anupaman ang bagong gawain ng Diyos, kailangan itong mapatunayan ng mga hula, at sa bawat yugto ng gayong gawain, ang lahat ng sumusunod sa Kanya nang may tapat na puso ay dapat mapakitaan ng mga pahayag, kung hindi ang gawaing iyon ay hindi magiging sa Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos. Karagdagan pa sa katawa-tawang puso ng tao at sa kanyang mapanghimagsik na kalikasan ng pagpapahalaga-sa-sarili at kapalaluan-sa-sarili, sa gayon lalong higit na mahirap para sa tao na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Hindi pinag-aaralan ng tao ang bagong gawain ng Diyos nang maingat ni tinatanggap ito nang may pagpapakumbaba; sa halip, ang tao ay nang-aalipusta, naghihintay para sa mga pagbubunyag at paggabay ng Diyos. Hindi ba ito ang asal ng tao na naghihimagsik at sumasalungat sa Diyos? Paano makakamit ng ganoong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?
Sa panahong iyon, sinabi ni Jesus na ang gawain ni Jehova ay naantala na sa Kapanahunan ng Biyaya, katulad ng sinasabi Ko ngayon na ang gawain ni Jesus ay naaantala na. Kung nagkaroon lamang ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi sana napako sa krus si Jesus at hindi natubos ang buong sangkatauhan; kung nagkaroon lamang ng Kapanahunan ng Kautusan, maaari kayang umunlad ang sangkatauhan hanggang ngayon? Ang kasaysayan ay sumusulong; hindi ba ang kasaysayan ang likas na batas ng gawain ng Diyos? Hindi ba ito isang paglalarawan ng Kanyang pamamahala sa tao sa loob ng buong sansinukob? Ang kasaysayan ay sumusulong, pati na ang gawain ng Diyos, at ang kalooban ng Diyos ay patuloy na nagbabago. Hindi magiging praktikal para sa Diyos na magpanatili ng iisang yugto ng gawain sa loob ng anim na libong taon, sapagka’t alam ng lahat ng tao na Siya ay laging bago at hindi kailanman luma. Hindi Niya maaaring ipagpatuloy ang gawaing kahalintulad ng pagpapako sa krus, at isa, dalawa, tatlong beses ... na mapako sa krus. Ito ang pagkaunawa ng isang katawa-tawang tao. Hindi itinataguyod ng Diyos ang parehong gawain, at ang Kanyang gawain ay palaging nagbabago at laging bago, tulad ng kung paano Ako araw-araw na nagsasalita sa inyo ng mga bagong salita at gumagawa ng bagong gawain. Ito ang gawain na Aking ginagawa, na ang susi ay nakabatay sa mga salitang “bago” at “kamangha-mangha”. “Ang Diyos ay hindi nagbabago, at ang Diyos ay palaging magiging Diyos”; ang kasabihang ito ay talagang totoo. Ang kakanyahan ng Diyos ay hindi nagbabago, ang Diyos ay laging Diyos, at Siya ay hindi kailanman magiging si Satanas, nguni’t hindi ito nagpapatunay na ang Kanyang gawain ay palagian at walang-pagbabago tulad ng Kanyang kakanyahan. Ipinahahayag mo na ang Diyos ay ganito, nguni’t paano mo naman ipaliliwanag na ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma? Ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalaganap at palagiang nagbabago, at ang kalooban ng Diyos ay patuloy na ipinakikita at ipinapaalam sa mga tao. Habang nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, ang kanyang disposisyon ay patuloy na nagbabago, at ang kanyang kaalaman ay patuloy na nagbabago. Mula saan, kung gayon, nagmumula ang pagbabagong ito? Hindi ba ito mula sa palaging-nagbabagong gawain ng Diyos? Kung ang disposiyon ng tao ay nakakapagbago, bakit hindi nahahayaan ng tao ang Aking gawain at ang Aking mga salita na tuloy-tuloy ding magbago? Dapat ba Akong masakop ng mga paghihigpit ng tao? Hindi ba gumagamit ka lamang ngayon ng tusong pangangatwiran?
Kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay, nagpakita si Jesus sa mga disipulo at nagsabi, “Ipadadala Ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa’t magsipanatili kayo sa bayan, hanggang sa kayo’y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.” Alam mo ba kung paano ipinaliliwanag ang mga salitang ito? Nasasangkapan ka na ba ngayon ng Kanyang kapangyarihan? Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang tinatawag na kapangyarihan? Ipinahayag ni Jesus na ang Espiritu ng katotohanan ay maipagkakaloob sa tao sa mga huling araw. Ito ngayon ang mga huling araw; nauunawaan mo ba kung paano bumibigkas ng mga salita ang Espiritu ng katotohanan? Saan nagpapakita at gumagawa ang Espiritu ng katotohanan? Iyon bang mga di-malinis na espiritu at masasamang mga espiritu ang Espiritu ng katotohanan? Wala silang katarungan, mas lalong walang panustos sa buhay, at pinananatili ang sinaunang kautusan nang walang ginagawa kahit kaunting bagong gawain. Sila ba ang Espiritu ng katotohanan? Mayroon ba silang buhay, katotohanan, at daan? Lumitaw ba sila nang kahiwalay sa mundo? Yaong mga kasama ninyo na nananatiling mapagmatigas sa Biblia at mahigpit na kumakapit kay Jesus—nasusunod ba ninyo ang gawain ni Jesus at Kanyang mga salita? Gaano kayo katapat kay Jesus? Ang pinakadakilang aklat ng propesiya ni Isaias sa Lumang Tipan ay hindi kailanman nagbanggit na isang batang nagngangalang Jesus ang isisilang sa kapanahunan ng Bagong Tipan, sinabi lamang na mayroong isang lalaking sanggol na maipapanganak na may pangalang Emmanuel. Bakit hindi niya tinukoy ang pangalang Jesus? Wala saanman sa Lumang Tipan na makikita ang pangalang ito, nguni’t bakit naniniwala ka pa rin kay Jesus? Tiyak na hindi mo nakita si Jesus ng sarili mong mga mata bago ka naniwala sa Kanya? O nagsimula ka bang maniwala nang makatanggap ng isang paghahayag? Tunay bang ipapakita ng Diyos sa’yo ang ganoong biyaya? At ipinagkakaloob sa’yo ang ganyan kalaking pagpapala? Ano ang iyong naging batayan upang paniwalaan si Jesus? Bakit naman hindi ka naniniwala na nagkakatawang-tao ang Diyos sa araw na ito? Bakit mo sinasabi na ang kawalan ng pahayag sa’yo mula sa Diyos ay nagpapatunay na hindi Siya nagiging katawang-tao? Dapat bang sabihin ng Diyos sa tao bago simulan ang Kanyang gawain? Dapat ba muna Niyang matanggap ang pagsang-ayon ng tao? Ipinahayag lamang ni Isaias na isisilang ang isang lalaking sanggol sa sabsaban nguni’t hindi kailanman hinulaan na si Maria ang magluluwal kay Jesus. Bakit ka kung gayon naniniwala kay Jesus na ipinanganak ni Maria? Tiyak na ang iyong paniniwala ay hindi isa ng pag-aalinlangan at pagkalito! Sinasabi ng iba na ang pangalan ng Diyos ay hindi nagbabago, kaya’t bakit ang pangalan ni Jehova ay naging Jesus? Nahulaan na ang pagdating ng Mesiyas, kaya bakit dumating ang isang tao na may pangalang Jesus? Bakit nagbago ang pangalan ng Diyos? Hindi ba ang gayong gawain ay isinakatuparan na noong matagal na? Hindi ba nakakagawa ang Diyos ngayon ng bagong gawain? Ang gawain ng kahapon ay nababago, at ang gawain ni Jesus ay nakakasunod mula roon kay Jehova. Hindi ba kung gayon nasusundan ang gawain ni Jesus ng isa pang gawain? Kung ang pangalan ni Jehova ay napapalitan ng Jesus, kung gayon hindi ba ang pangalan ni Jesus ay napapalitan din? Ito’y hindi di-karaniwan, at iniisip nga ang ganoon ng tao[a] dahil lamang sa kanilang kakitiran ng isip. Ang Diyos ay palaging magiging Diyos. Hindi alintana ang mga pagbabago sa Kanyang gawain at Kanyang pangalan, ang Kanyang disposisyon at karunungan ay nananatiling di-nagbabago magpakailanman. Kung naniniwala ka na ang Diyos ay matatawag lamang sa pangalang Jesus, kung gayon kakaunti lamang ang iyong nalalaman. Lakas-loob mo bang iginigiit na ang Jesus ay magpakailanmang ang pangalan ng Diyos, na ang Diyos ay magpakailanman at laging magpapatuloy na tatawagin sa pangalang Jesus, at ito’y hindi kailanman magbabago? Lakas-loob mo bang iginigiit nang may katiyakan na ang pangalan ni Jesus yaong tumapos sa Kapanahunan ng Kautusan at tatapos din sa huling kapanahunan? Sino ang nakapagsasabi na nawawakasan ng biyaya ni Jesus ang kapanahunan? Kung ngayon hindi mo kayang malaman ang mga katotohanang ito nang malinaw, hindi lamang na hindi mo maipapangaral ang ebanghelyo, kundi pati ikaw mismo ay hindi nakakapanatiling nakatayo. Kapag dumarating ang araw na nalulutas mo ang lahat ng pagpapahirap ng mga relihiyosong tao at napapabulaanan ang lahat ng kanilang mga kamalian, iyon ang magiging patunay na lubos kang nakatitiyak sa yugtong ito ng gawain at wala kahit katiting na pagdududa. Kung hindi mo kayang pabulaanan ang kanilang mga kamalian, sa gayon pararatangan ka nila at sisiraan ng puri. Hindi ba ito kahiya-hiya?
Ang Judio noong panahong iyon ay nagbabasa lahat mula sa Lumang Tipan at alam ang hula ni Isaias na may isang lalaking sanggol na ipapanganak sa sabsaban. Bakit kung gayon, taglay ang kaalamang ito, inusig pa rin nila si Jesus? Hindi ba ito dahil sa kanilang kalikasang mapanghimagsik at kamangmangan sa gawa ng Banal na Espiritu? Sa panahong iyon, ang mga Fariseo ay naniwala na ang gawa ni Jesus ay hindi katulad ng kanilang alam tungkol sa inihulang lalaking sanggol; tinatanggihan ng tao ngayon ang Diyos dahil sa ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi tumutugma sa Biblia. Hindi ba ang sangkap ng kanilang pagiging-mapanghimagsik laban sa Diyos ay iisa at pareho? Kaya mo bang maging gayon na tumatanggap nang walang tanung-tanong sa lahat ng gawain ng Banal na Espiritu? Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ito ang ang tamang daloy. Dapat mong tanggapin ito nang wala kahit katiting na agam-agam, kaysa sa pagpulot at pagpili ng kung ano ang tatanggapin. Kung nakakamit mo ang kaunting kaalaman mula sa Diyos at may kaunting pag-iingat laban sa Kanya, hindi ba ito isang pagkilos na hindi talaga dapat? Ang kinakailangan mong gawin ay tanggapin, nang hindi kailangan ang higit pang patunay mula sa Biblia, ang anumang gawain hangga’t ito’y doon sa Banal na Espiritu, dahil naniniwala ka sa Diyos upang sundan ang Diyos, hindi upang siyasatin Siya. Hindi ka dapat maghanap ng karagdagang patunay para sa Akin upang ipakita na Ako ang iyong Diyos. Sa halip, kinakailangan mong talusin kung Ako ay kapaki-pakinabang sa’yo; iyan ang susi. Kahit na nalalaman ninyong maraming hindi-mapabulaanang patunay sa Biblia, hindi ito nakapagdadala sa inyo nang buo sa Aking harapan. Isa ka na namumuhay sa loob ng hangganan ng Biblia, at hindi sa harapan Ko; ang Biblia ay hindi nakakatulong sa’yo na makilala Ako, ni napapalalim nito ang pagmamahal mo sa Akin. Kahit na hinulaan ng Biblia na mayroong isang lalaking sanggol na ipapanganak, walang sinuman ang makakaarok kung kanino ang hula ay matutupad, sapagka’t hindi alam ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ang dahilan kung bakit nanindigan ang mga Fariseo laban kay Jesus. Alam ng ilan na ang Aking gawain ay sa kapakinabangan ng tao, gayon man patuloy silang naniniwala na si Jesus at Ako ay dalawang ganap na magkahiwalay na kabuuan na hindi magkatugma. Nang panahong iyon, nagsalita lamang ni Jesus sa Kanyang disipulo ng magkakasunod na pangangaral sa Kapanahunan ng Biyaya, tulad ng kung paano magsagawa, kung paano magtipong sama-sama, kung paano humingi sa panalangin, kung paano ituring ang iba, at iba pa. Ang gawain na Kanyang isinakatuparan ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at Kanyang ipinaliwanag lamang ang tungkol sa kung paano dapat magsagawa ang mga disipulo at iyong mga sumusunod sa Kanya. Ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya at wala na sa huling mga araw. Nang itinalaga ni Jehova ang batas ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa kung gayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya paunang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba ito magiging kapaki-pakinabang sana sa pagtanggap ng tao? Prinopesiya lamang Niya na isang lalaking sanggol ang ipapanganak at magkakaroon ng kapangyarihan, nguni’t hindi Niya isinakatuparan nang pauna ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawa’t isang kapanahunan ay mayroong malinaw na mga hangganan; ginagawa Niya lamang ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan at hindi Niya kailanman isinasakatuparan ang kasunod na yugto ng gawain nang pauna. Sa ganitong paraan lamang naisusulong ang Kanyang kumakatawang gawain ng bawa’t isang kapanahunan. Nagsalita lamang ni Jesus tungkol sa mga patalandaan ng huling mga araw, kung paano maging mapagpasensya at kung paano maligtas, kung paano magsisi at mangumpisal, pati na rin kung paano pasanin ang krus at tiisin ang pasakit; hindi Siya kailanman nagsalita kung paano dapat pumasok ang tao sa huling mga araw o kung paano hanapin na makapagbigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Sa gayon, hindi ba ito isang kamalian na hanapin sa loob ng Biblia ang gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang iyong natatalos kung basta hawak lamang ang Biblia sa iyong mga kamay? Maging isa mang tagapagpaliwanag ng Biblia o isang tagapangaral, sino ang nakakahula sa gawain ngayon?
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Narinig na ba ninyo ngayon ang salita ng Banal na Espiritu? Ang mga salita ng Diyos ay dumarating sa inyo. Naririnig ba ninyo ang mga ito? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng salita sa mga huling araw, at ang mga nasabing salita ay yaong sa Banal na Espiritu, dahil ang Diyos ay ang Banal na Espiritu at maaaring maging katawang-tao rin; samakatwid, ang mga salita ng Banal na Espiritu, na binigkas sa nakalipas, ay ang mga salita ng nagkatawang-taong Diyos ngayon. Maraming mga taong katawa-tawa na naniniwala na ang mga salita ng Banal na Espiritu ay dapat bumaba mula sa mga kalangitan patungo sa mga tainga ng tao. Sinuman ang nag-iisip ng ganito ay hindi kilala ang gawain ng Diyos. Sa katotohanan, ang mga pagbigkas na sinalita ng Banal na Espiritu ay yaong mga sinalita ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi direktang nakakapagsalita ang Banal na Espiritu sa tao, at si Jehova ay hindi direktang nagsalita sa mga tao, kahit na sa Kapanahunan ng Kautusan. Hindi ba mukhang malamang na hindi Niya gagawin ang gayon sa kapanahunan ngayon? Para magwika ang Diyos ng mga pagbigkas upang isakatuparan ang gawain, dapat Siyang magkatawang-tao, kung hindi ay hindi matutupad ng Kanyang gawain ang Kanyang mithiin. Yaong mga nagkakaila sa Diyos na nagkatawang-tao ay yaong mga hindi nakakakilala sa Espiritu o sa mga panuntunan kung paano gumagawa ang Diyos. Yaong mga naniniwala na ngayon ang kapanahunan ng Banal na Espiritu nguni‘t hindi tinatanggap ang Kanyang bagong gawain ay yaong mga namumuhay sa hindi-malinaw na pananampalataya. Ang gayong mga uri ng tao ay hindi kailanman tatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga nagnanais lamang para sa Banal na Espiritu na direktang magsalita at magsakatuparan ng Kanyang gawain, nguni‘t hindi tumatanggap sa mga salita o gawain ng nagkatawang-taong Diyos, ay hindi kailanman makakatapak sa bagong kapanahunan o makakatanggap ng ganap na kaligtasan mula sa Diyos!
Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “na siyang.”