Salita ng Diyos|Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao
Gaano karami sa gawain ng tao ang gawain ng Banal na Espiritu at gaano karami ang karanasan ng tao? Kahit ngayon, masasabi na hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang mga tanong na ito, na lahat ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang mga prinsipyo sa paggawa ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, ang gawain ng tao na sinasabi Ko ay tumutukoy sa gawain niyaong mga nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu o yaong mga ginagamit ng Banal na Espiritu. Hindi Ko tinutukoy ang gawain na nagmumula sa kalooban ng tao kundi sa gawain ng mga apostol, mga manggagawa o mga karaniwang kapatirang lalaki at babae na sakop ng gawain ng Banal na Espiritu. Dito, ang gawain ng tao ay hindi tumutukoy sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kundi sa sakop at mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao. Kahit na ang mga prinsipyong ito ay ang mga prinsipyo at sakop ng gawain ng Banal na Espiritu, hindi ito katulad ng mga prinsipyo at sakop ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawain ng tao ay may sangkap at mga prinsipyo ng tao, at ang gawain ng Diyos ay may sangkap at mga prinsipyo ng Diyos.
Ang gawaing nasa daloy ng Banal na Espiritu, kung ito man ay sariling gawain ng Diyos o ang gawain ng mga tao na ginagamit, ito ay gawain ng Banal na Espiritu. Ang sangkap ng Diyos Mismo ay ang Espiritu, na maaaring tawaging Banal na Espiritu o ang Espiritung pitong ulit na pinatindi. Sa kabuuan, Sila ay ang Espiritu ng Diyos. Kaya lamang ang Espiritu ng Diyos ay iba-iba ang tawag sa magkakaibang mga panahon. Ngunit ang Kanilang sangkap ay iisa pa rin. Samakatuwid, ang gawain ng Diyos Mismo ay ang gawain ng Banal na Espiritu; ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay walang iba kundi ang Banal na Espiritu na nasa paggawa. Ang gawain ng mga tao na ginagamit ay gawain din ng Banal na Espiritu. Kaya lamang ang gawain ng Diyos ay ang ganap na pagpapahayag ng Banal na Espiritu, at wala iyong pagkakaiba, samantalang ang gawain ng mga tao na ginagamit ay may kahalong maraming bagay ng tao, at hindi ito ang tuwirang pagpapahayag ng Banal na Espiritu, lalong hindi ang ganap na pagpapahayag. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay iba’t iba at hindi limitado ng anumang mga kalagayan. Ang gawain ay magkakaiba sa iba’t ibang mga tao, at nagdadala ng iba-ibang sangkap sa paggawa. Ang gawain sa iba’t ibang panahon ay magkakaiba rin, katulad ng gawain sa iba’t ibang bansa. Mangyari pa, kahit ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa maraming magkakaibang paraan at ayon sa maraming prinsipyo, paano man ito ginagawa o sa kung anumang uri ng mga tao, ang sangkap ay laging naiiba, at ang gawain na ginagawa Niya sa iba’t ibang tao ay lahat mayroong prinsipyo at maaaring kumatawan lahat sa sangkap ng layon ng gawain. Ito ay dahil sa ang gawain ng Banal na Espiritu ay talagang tiyak ang sakop at talagang sukat. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi katulad sa gawain na isinasagawa sa mga tao, at ang gawain ay nag-iiba rin batay sa iba’t ibang kakayahan ng mga tao. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi ginagawa sa mga tao, at sa nagkatawang-taong laman ay hindi Niya ginagawa ang katulad na gawain na ginagawa sa mga tao. Sa madaling salita, kahit paano Siya gumagawa, ang gawain sa iba’t ibang layon ay hindi kailanman magkatulad, at ang mga prinsipyo na batayan Niya sa paggawa ay naiiba ayon sa kalagayan at kalikasan ng iba’t ibang mga tao. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iba’t ibang tao batay sa kanilang likas na sangkap at hindi humihingi sa kanila nang lampas sa kanilang likas na sangkap, ni gumagawa man Siya nang lampas sa kanilang totoong kakayahan. Kaya, ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang sangkap ng layon ng gawain. Ang likas na sangkap ng tao ay hindi nagbabago; ang aktuwal na kakayahan ng tao ay limitado. Kahit ginagamit ng Banal na Espiritu ang mga tao o gumagawa sa mga tao, ang gawain ay laging nakaayon sa mga hangganan ng kakayahan ng mga tao upang maaaring makinabang sila mula rito. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa mga taong ginagamit, ang kanilang mga kaloob at totoong kakayahan ay parehong gumaganap ng papel at hindi naisasantabi. Ang kanilang aktuwal na kakayahan ay laging ibinubuhos para maglingkod sa gawain. Masasabi na Siya ay gumagawa sa pamamagitan ng paggamit sa mga bagay na mayroon ang tao upang makamit ang mga bunga ng paggawa. Kaiba rito, ang gawain sa nagkatawang-taong laman ay para tuwirang ipahayag ang gawain ng Espiritu at hindi ito nahaluan ng isipan at mga iniisip ng tao, hindi naaabot ng mga kaloob ng tao, karanasan ng tao o ng likas na kalagayan ng tao. Ang hindi mabilang na gawain ng Banal na Espiritu ay nakatuon lahat sa pagbibigay ng pakinabang at pagpapatibay sa tao. Ngunit may ilang tao na maaaring gawing perpekto samantalang ang iba ay hindi taglay ang mga kalagayan para sa pagpeperpekto, na maaaring sabihing hindi sila maaaring magawang perpekto at halos hindi maliligtas, at kahit na maaaring nagkaroon sila ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay naaalis sa kahuli-hulihan. Iyon ay masasabi na kahit ang gawain ng Banal na Espiritu ay upang magpatibay sa mga tao, hindi ibig sabihin nito na lahat niyaong nakapagtaglay ng gawain ng Banal na Espiritu ay gagawing lubusang perpekto, dahil ang landas na tinatahak ng maraming tao ay hindi ang landas tungo sa pagiging perpekto. Nasa kanila lamang ang iisang panig na paggawa ng Banal na Espiritu, at wala ang pansariling pakikipagtulungan o tamang pagsusumikap ng tao. Sa ganitong paraan, ang gawain ng Banal na Espiritu sa ganitong mga tao ay nagiging gawain ng paglilingkod sa mga yaon na ginagawang perpekto. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring tuwirang makita o mahawakan ng mismong mga tao. Ito ay maaari lamang ipahayag sa pamamagitan ng tulong ng mga tao na may kaloob ng paggawa, ibig sabihin na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ipinagkakaloob sa mga tagasunod sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga tao.
Ang gawain ng Banal na Espiritu ay tinutupad at tinatapos sa pamamagitan ng maraming uri ng mga tao at maraming iba’t ibang kalagayan. Kahit ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay maaaring kumatawan sa gawain ng isang buong kapanahunan, at maaaring kumatawan sa pagpasok ng mga tao sa isang buong kapanahunan, ang gawain sa detalyadong pagpasok ng mga tao ay kailangan pa ring gawin ng mga tao na ginagamit ng Banal na Espiritu at hindi ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya, ang gawain ng Diyos, o ang sariling ministeryo ng Diyos, ay ang gawain ng Diyos na nagkatawang-taong laman at hindi maaaring magawa ng tao kahalili Niya. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay natatapos sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng mga tao at hindi maaaring matupad ng isang natatanging tao lamang o lubusang maipaliliwanag sa pamamagitan ng isang natatanging tao. Ang mga nangunguna sa mga iglesia ay hindi rin maaaring lubusang kumatawan sa gawain ng Banal na Espiritu; maaari lamang silang gumawa ng ilang gawain ng pangunguna. Sa ganitong paraan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay maaaring mahati sa tatlong bahagi: Ang sariling gawain ng Diyos, ang gawain ng mga taong ginagamit, at ang gawain sa lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu. Sa tatlong ito, ang sariling gawain ng Diyos ay upang pangunahan ang buong kapanahunan; ang gawain ng mga taong ginagamit ay upang pangunahan ang lahat ng tagasunod ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapadala o pagtanggap ng mga tagubilin pagkatapos ng sariling gawain ng Diyos, at ang mga taong ito ay ang mga nakikipagtutulungan sa gawain ng Diyos; ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa mga nasa daloy ay upang panatilihin ang lahat ng Kanyang sariling gawain, iyan ay, panatilihin ang buong pamamahala at upang panatilihin ang Kanyang patotoo, habang ginagawang perpekto yaong maaaring gawing perpekto. Ang tatlong bahaging ito ay ang buong gawain ng Banal na Espiritu, ngunit kung wala ang gawain ng Diyos Mismo, ang buong gawaing pamamahala ay hindi makakasulong. Ang gawain ng Diyos Mismo ay kinapapalooban ng gawain ng buong sangkatauhan, at ito ay kumakatawan din sa gawain ng buong kapanahunan. Ibig sabihin niyan, ang sariling gawain ng Diyos ay kumakatawan sa galaw at kalakaran ng lahat ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang ang gawain ng mga apostol ay sumusunod sa sariling gawain ng Diyos at hindi nangunguna sa kapanahunan, o kumakatawan man ito sa kalakarang gawain ng Banal na Espiritu sa isang buong kapanahunan. Ginagawa lamang nila ang gawain na dapat gawin ng tao, na hindi kinapapalooban kahit kailan ng gawaing pamamahala. Ang sariling gawain ng Diyos ay ang proyekto sa loob ng gawaing pamamahala. Ang gawain ng tao ay tanging ang tungkulin ng mga tao na ginagamit at walang kinalaman sa gawaing pamamahala. Dahil sa iba’t ibang pagkakakilanlan at mga pagkatawan ng gawain, sa kabila ng katotohanan na ang mga iyon ay parehong gawain ng Banal na Espiritu, mayroong malinaw at makabuluhang mga pagkakaiba sa pagitan ng sariling gawain ng Diyos at ng gawain ng tao. Higit pa rito, ang lawak ng gawain na ginagawa ng Banal na Espiritu sa mga kinauukulan ng gawain na may iba’t ibang pagkakakilanlan ay magkakaiba. Ang mga ito ang mga prinsipyo at sakop ng gawain ng Banal na Espiritu.
Ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan at kanyang pagkatao. Kung ano ang ipinagkakaloob ng tao at ang gawain na ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanya. Ang pagtingin, pangangatuwiran, pagmamatuwid ng tao, at ang kanyang mayamang guni-guni ay kasamang lahat sa kanyang gawain. Sa partikular, ang karanasan ng tao ay mas may kakayahang kumatawan sa kanyang gawain, at kung ano ang naranasan ng isang tao ay ang mga bubuo ng kanyang gawain. Ang gawain ng tao ay maaaring magpahayag ng kanyang karanasan. Kapag ang ilang tao ay nakararanas sa isang walang-kibong kalagayan, karamihan sa kanilang pagbabahagi ay binubuo ng mga negatibong nilalaman. Kung ang kanilang karanasan sa isang yugto ng panahon ay positibo at partikular na mayroon silang landas sa positibong panig, ang kanilang ibinabahagi ay masyadong nakakapagpalakas ng loob, at ang mga tao ay makakayang makakuha ng positibong panustos mula sa kanila. Kung ang isang manggagawa ay nagiging walang-kibo sa isang yugto ng panahon, ang kanyang pagbabahagi ay laging magdadala ng negatibong mga sangkap. Ang ganitong uri ng pagbabahagi ay nakakapagpahina ng loob, at ang iba ay hindi-mamamalayang nalulungkot kasunod ng kanyang pagbabahagi. Ang kalagayan ng mga tagasunod ay nagbabago batay doon sa pinuno. Kung ano ang nasa kalooban ng manggagawa ay siya niyang ipinahahayag, at ang gawain ng Banal na Espiritu ay malimit na nagbabago batay sa kalagayan ng tao. Siya ay gumagawa ayon sa karanasan ng tao at hindi pinipilit ang tao, sa halip ay humihingi sa tao batay sa karaniwang takbo ng kanyang karanasan. Ibig sabihin nito ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Kung ano ang ibinabahagi ng tao ay nagpapabatid ng kanilang sariling pagkakita at karanasan, ipinahahayag kung ano ang kanilang nakikita at nararanasan sa saligan ng gawain ng Diyos. Ang kanilang pananagutan ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ng Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga tagasunod. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aralin at karanasan ng tao o ilan sa mga iniisip ng tao. Kung paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, kung Siya man ay gumagawa sa tao o sa Diyos na nagkatawang-tao, ito ay laging ang mga manggagawa na nagpapahayag kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang kalikasan ng tao, sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa nang walang saligan. Sa ibang salita, ang gawain ay hindi ginagawa mula sa wala, sa halip ay laging nakaayon sa tunay na mga pangyayari at totoong mga kalagayan. Ito lamang ang paraan upang ang disposisyon ng tao ay maaaring mabago, na ang kanyang dating mga pagkaunawa at dating mga iniisip ay maaaring mabago. Kung ano ang ipinahahayag ng tao ay kung ano ang kanyang nakikita, nararanasan, at kayang maguni-guni. Kahit na ito ay mga doktrina o mga pagkaunawa, lahat ng ito ay kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Gaano man kalaki ang gawain ng tao, hindi ito maaaring lumampas sa sakop ng karanasan ng tao, kung ano ang nakikita ng tao, o kung ano ang maaaring maguni-guni o maisip ng tao. Kung ano ang ipinahahayag ng Diyos ay kung ano ang Diyos Mismo, at ito ay hindi kayang abutin ng tao, ibig sabihin, lampas sa pag-iisip ng tao. Ipinahahayag Niya ang Kanyang gawain ng pangunguna sa lahat ng sangkatauhan, at ito ay walang kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, sa halip ay may kinalaman sa Kanyang sariling pamamahala. Ipinahahayag ng tao ang kanyang karanasan habang ipinahahayag naman ng Diyos kung ano Siya—ang kung ano Siya na ito ay ang Kanyang likas na disposisyon at hindi ito maaabot ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang pagkakita at pagkakilala na nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng kung ano Siya. Ang ganitong pagkakita at pagkakilala ay tinatawag na kung ano ang tao. Ang mga iyon ay ipinahahayag sa saligan ng likas na disposisyon ng tao at ng kanyang aktuwal na kakayahan; kaya ang mga iyon ay tinatawag ding kung ano ang tao. Kayang ibahagi ng tao kung ano ang kanyang mga nararanasan at mga nakikita. Kung ano ang hindi niya naranasan o nakita o ang hindi maaabot ng kanyang pag-iisip, iyan ay, ang mga bagay na wala sa ganang kanya, hindi niya maibabahagi. Kung ang ipinahahayag ng tao ay hindi ang kanyang karanasan, ito ay kanyang guni-guni o doktrina. Sa ibang salita, walang anumang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo makakayang ibahagi nang malinaw ang mahirap-unawaing mga ugnayan sa lipunan. Kung wala kang pamilya ngunit ang ibang tao ay nag-uusap tungkol sa mga problema ng pamilya, hindi mo maaaring maintindihan ang karamihan sa kanilang sinasabi. Kaya, kung ano ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang panloob na pagkatao. Kung ang sinuman ay nagbabahagi tungkol sa kanyang pagkakaintindi sa pagkastigo at paghatol, ngunit wala kang karanasan dito, hindi ka nangangahas na ikaila ang kanyang kaalaman, lalong hindi nangangahas na maging siguradong-sigurado tungkol dito. Ito ay dahil ang kanyang ibinabahagi ay isang bagay na hindi mo pa kailanman naranasan, isang bagay na hindi mo pa kailanman nalaman, at ang iyong pag-iisip ay hindi ito kayang guni-gunihin. Makakakuha ka lamang mula sa kanyang kaalaman ng isang landas sa hinaharap na may kaugnayan sa pagkastigo at paghatol. Ngunit ang landas na ito ay maaari lamang magsilbing pagkaunawa batay sa doktrina at hindi maaaring pumalit sa iyong sariling pagkaunawa, lalo na sa iyong karanasan. Siguro ay nag-iisip ka na ang kanyang sinasabi ay tamang-tama, ngunit kapag naranasan mo na, malalaman mo na hindi iyon praktikal sa maraming bagay. Siguro ay nararamdaman mo na ang ilan sa kaalaman na naririnig mo ay lubusang hindi magagamit; nagkikimkim ka ng mga pagkaunawa tungkol dito sa sandaling iyon, at kahit tinatanggap mo ito, nag-aatubili ka pa rin. Ngunit kapag naranasan mo, ang kaalaman na nagbibigay sa iyo ng mga pagkaunawa ay nagiging daan ng iyong pagsasagawa. At kung lalo mong isinasagawa, mas nauunawaan mo ang totoong halaga at kahulugan ng kanyang mga salita. Pagkatapos mong magkaroon ng karanasan, maaari ka ngayong magsalita tungkol sa kaalaman na dapat mong taglayin tungkol sa mga bagay na naranasan mo. Dagdag pa rito, makikilala mo rin ang pagkakaiba sa pagitan niyaong ang kaalaman ay totoo at praktikal at niyaong ang kaalaman ay batay sa doktrina at walang kabuluhan. Kaya, kung ang kaalaman na sinasabi mo ay kaayon sa katotohanan ay pangunahing nakadepende sa kung ikaw ay may praktikal na karanasan. Kung saan mayroong katotohanan sa iyong karanasan, ang iyong kaalaman ay magiging praktikal at mahalaga. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, magtataglay ka rin ng pagtalos at pananaw, napapalalim ang iyong kaalaman, at napatataas ang iyong karunungan at sentido komun sa pagdadala ng iyong sarili. Ang kaalaman na sinasabi ng mga tao na walang taglay na katotohanan ay doktrina, kahit gaano kataas. Ang ganitong uri ng tao ay maaaring napakatalino sa mga usaping may kinalaman sa laman ngunit hindi makakakilala sa mga espirituwal na mga usapin. Ito ay dahil ang ganitong mga tao ay walang kahit isang karanasan sa mga espirituwal na mga bagay. Ang mga ito ay mga taong hindi nililiwanagan sa mga espirituwal na mga bagay at hindi naiintindihan ang espiritu. Anuman ang aspeto ng kaalaman na sinasabi mo, hangga’t ito ay iyong katauhan, kung gayon ito ay iyong sariling karanasan, iyong tunay na kaalaman. Ang sinasabi niyaong mga nagsasalita lamang ng doktrina, iyan ay, yaong mga hindi nagtataglay ng katotohanan o realidad, ay masasabing kanila ring pagkatao, sapagkat ang kanilang doktrina ay nakakamtan lamang mula sa malalim na pagbubulay-bulay at ang bunga ng kanilang pag-iisip nang malalim, ngunit ito ay doktrina lamang, ito ay guni-guni lamang! Ang mga karanasan ng iba’t ibang uri ng mga tao ay kumakatawan sa mga bagay sa kanilang kalooban. Lahat ng walang espirituwal na karanasan ay hindi maaaring magsalita tungkol sa kaalaman ng katotohanan, o tamang kaalaman tungkol sa iba’t ibang uri ng espirituwal na mga bagay. Ang ipinahahayag ng tao ay kung ano siya sa kalooban—ito ay tiyak. Kung nais ng isa na magkaroon ng kaalaman sa espirituwal na mga bagay at sa katotohanan, dapat siyang magkaroon ng tunay na karanasan. Kung hindi ka malinaw na makakapagsalita tungkol sa sentido komun na may kinalaman sa buhay ng tao, paano ka makapagsasalita tungkol sa espirituwal na mga bagay? Yaong mga maaaring manguna sa mga simbahan, tustusan ang mga tao ng buhay, at maging apostol sa mga tao, ay dapat magkaroon ng tunay na mga karanasan, dapat magkaroon ng tamang pagkaunawa tungkol sa espirituwal na mga bagay, tamang pagpapahalaga at karanasan sa katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat maging mga manggagawa o apostol na nangunguna sa mga simbahan. Kung hindi, sila ay maaari lamang sumunod bilang pinakamababa at hindi maaaring manguna, mas lalong hindi maaaring maging apostol na makakapagtustos sa mga tao ng buhay. Ito ay dahil ang tungkulin ng mga apostol ay hindi upang tumakbo o makipaglaban; ito ay upang magtustos ng buhay at pangunahan ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao. Ito ay tungkulin na ginagawa niyaong mga binigyan ng tagubilin na bumalikat ng mabigat na responsibilidad at hindi ng isang bagay na kayang gawin ng lahat ng tao. Ang ganitong uri ng gawain ay maaari lamang gawin ng mga mayroon kung ano ang buhay, iyan ay, yaong mga may karanasan sa katotohanan. Hindi ito maaaring gawin ng lahat na maaaring sumuko, tumakbo o handang gumugol; ang mga taong walang karanasan sa katotohanan, hindi natabasan o nahatulan, ay hindi kayang gawin ang ganitong uri ng gawain. Ang mga taong walang karanasan, iyan ay, ang mga taong walang realidad, ay hindi kayang makita ang realidad nang malinaw sapagkat sila mismo ay hindi nagtataglay ng pagkatao sa ganitong aspeto. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay hindi lamang sa hindi kayang gumawa ng gawaing pangunguna, sa halip ay magiging layon pa ng pag-aalis kung wala silang katotohanan sa loob ng mahabang panahon. Ang pagkakita na sinasabi mo ay maaaring magpatunay ng mga kahirapang naranasan mo sa buhay, hinggil sa mga bagay na nakastigo ka at sa mga usapin na nahatulan ka. Ito rin ay totoo sa mga pagsubok: Ang mga bagay kung saan pinino ang isang tao, ang mga bagay kung saan siya mahina, ito ang mga bagay kung saan mayroong mga karanasan ang isa, ang mga bagay kung saan may mga paraan ang isa. Halimbawa, kung ang isa ay nagdurusa ng mga pagkabigo sa pag-aasawa, siya ay kalimitang magbabahagi ng, “Salamat sa Diyos, purihin ang Diyos, dapat kong mabigyang-kasiyahan ang nais ng puso ng Diyos at ihandog ang aking buong buhay, ilagay nang lubusan ang aking pag-aasawa sa kamay ng Diyos. Maluwag sa kalooban kong ilagak ang aking buong buhay sa Diyos.” Sa pamamagitan ng pagbabahagi, lahat ng nasa kalooban ng tao, kung ano siya, ay maaaring katawanin. Ang bilis ng pananalita ng isang tao, kung siya man ay nagsasalita nang malakas o tahimik, ang gayong mga bagay na hindi mga bagay ng karanasan ay hindi maaaring kumatawan sa kung anong mayroon siya at kung ano siya. Masasabi lamang ng mga iyon kung ang kanyang karakter ay mabuti o masama, o kung ang kanyang kalikasan ay mabuti o masama, ngunit hindi makakapagsabi kung mayroon siyang mga karanasan. Ang kakayahang ipahayag ang sarili sa pagsasalita, o ang kakayahan o bilis ng pananalita, ay nakukuha lamang sa pagsasagawa at hindi maaaring pumalit sa kanyang karanasan. Kapag sinasabi mo ang tungkol sa iyong sariling mga karanasan, ibinabahagi mo yaong pinahahalagahan mo at lahat ng bagay na nasa loob mo. Ang Aking pananalita ay kumakatawan sa kung ano Ako, ngunit ang Aking sinasabi ay hindi maabot ng tao. Ang Aking sinasabi ay hindi ang nararanasan ng tao, at hindi ito isang bagay na makikita ng tao, hindi rin ito isang bagay na mahahawakan ng tao, sa halip ito ay kung ano Ako. May ilang tao na kinikilala lamang na ang Aking ibinabahagi ay kung ano ang Aking naranasan, ngunit hindi nila nakikilala na ito ay tuwirang pagpapahayag ng Espiritu. Mangyari pa, ang Aking sinasabi ay kung ano ang Aking naranasan. Ako ang siyang gumawa ng gawaing pamamahala sa loob ng anim na libong taon. Naranasan Ko ang lahat mula sa pasimula ng paglalang ng sangkatauhan hanggang ngayon; paano Ako hindi makapagsasalita tungkol dito? Pagdating sa kalikasan ng tao, nakita Ko na ito nang malinaw, at matagal na Akong nagmamasid dito; paanong hindi Ko magagawang magsalita tungkol dito nang malinaw? Dahil nakita Ko ang diwa ng tao nang malinaw, may kakayahan Akong kastiguhin ang tao at hatulan siya, sapagkat lahat ng tao ay nanggaling sa Akin ngunit ginawang tiwali ni Satanas. Siyempre, Ako ay may kakayahang magtasa ng gawain na Aking ginawa. Kahit ang gawaing ito ay hindi ginagawa ng Aking katawang-tao, ito ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu, at ito ang kung ano ang mayroon Ako at kung ano Ako. Samakatuwid, Ako ay may kakayahang ipahayag ito at gawin ang gawain na dapat kong gawin. Ang sinasabi ng tao ay ang naranasan nila. Ito ang nakita nila, ang maaabot ng mga isipan nila at ang mararamdaman ng kanilang mga pandama. Iyan ang kaya nilang ibahagi. Ang mga salita na sinabi ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu at nagpapahayag ng gawain na nagawa ng Espiritu. Hindi ito naranasan o nakita ng katawang-tao, ngunit nagpapahayag pa rin ng kung ano Siya sapagkat ang diwa ng katawang-tao ay ang Espiritu, at ipinahahayag Niya ang gawain ng Espiritu. Kahit hindi ito makayang abutin ng katawang-tao, ito ay gawain na ginawa na ng Espiritu. Matapos ang pagkakatawang-tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katawang-tao, binibigyang-kakayahan Niya ang mga tao na malaman kung ano ang Diyos at tinutulutan ang mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos at ang gawain na nagawa Niya. Ang gawain ng tao ay nagbibigay-kakayahan sa mga tao na maging mas malinaw tungkol sa kung ano ang dapat nilang pasukin at kung ano ang dapat nilang maunawaan; kinapapalooban ito ng pangunguna sa mga tao tungo sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan. Ang gawain ng tao ay upang alalayan ang mga tao; ang gawain ng Diyos ay upang buksan ang mga bagong landas at magbukas ng mga bagong kapanahunan para sa sangkatauhan, at upang ibunyag sa mga tao yaong hindi alam ng mga nilalang, binibigyang-kakayahan sila na malaman ang Kanyang disposisyon. Ang gawain ng Diyos ay ang pangunahan ang lahat ng sangkatauhan.
Ang gawain ng Banal na Espiritu ay tungkol lahat sa pagbibigay-kakayahan sa mga tao na makakuha ng mga pakinabang; ito ay tungkol lahat sa pagtuturo sa mga tao; walang gawain na hindi nagiging kapaki-pakinabang sa mga tao. Kahit ang katotohanan ay malalim o mababaw, at kahit ano ang kakayahan ng mga tumatanggap sa katotohanan, anuman ang ginagawa ng Banal na Espiritu, ito ay kapaki-pakinabang lahat sa mga tao. Ngunit ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring gawin nang tuwiran; ito ay dapat dumaan sa mga tao na nakikipagtulungan sa Kanya. Ito lamang ang daan upang ang mga bunga ng gawain ng Banal na Espiritu ay makakamit. Mangyari pa, kapag ito ay ang tuwirang gawain ng Banal na Espiritu, hindi ito nababahiran kahit kailan; ngunit kapag ginamit nito ang pamamagitan ng tao, ito ay masyadong nahahaluan at hindi ito ang orihinal na gawain ng Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan, ang katotohanan ay nagbabago sa magkakaibang antas. Ang mga tagasunod ay hindi nakakatanggap ng orihinal na kahulugan ng Banal na Espiritu sa halip ay ang pagsasama ng gawain ng Banal na Espiritu at ng karanasan at kaalaman ng tao. Ang bahagi ng gawain ng Banal na Espiritu na tinatanggap ng mga tagasunod ay tama. Ang karanasan at kaalaman ng tao na tinatanggap ay iba’t iba sapagkat ang mga manggagawa ay iba-iba. Sa sandaling ang mga manggagawa ay magkaroon ng kaliwanagan at gabay ng Banal na Espiritu, sa huli ay nakakaranas sila batay sa kaliwanagan at gabay na ito. Sa loob ng mga karanasang ito ay magkasama ang isipan at karanasan ng tao, pati na ang katauhan ng pagkatao, kung saan pagkatapos ay kanilang nakakamit ang kaalaman at pagkakita na dapat nilang makamit. Ito ang paraan ng pagsasagawa matapos maranasan ng tao ang katotohanan. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay hindi laging magkatulad sapagkat ang mga tao ay mayroong iba’t ibang karanasan at ang mga bagay na nararanasan ng mga tao ay iba-iba. Sa ganitong paraan, ang katulad na kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay nagbubunga ng iba’t ibang kaalaman at pagsasagawa sapagkat ang mga nakatanggap ng kaliwanagan ay iba-iba. May ilang tao na nakakagawa ng maliliit na pagkakamali sa gitna ng pagsasagawa, at ang ilan naman ay nakagagawa ng malalaking pagkakamali at ang iba’y panay pagkakamali ang nagagawa. Ito ay dahil ang mga kakayahan ng mga tao sa pag-unawa ay magkakaiba at sapagkat ang kanilang tunay na kakayahan ay magkakaiba rin. May ilang tao na nauunawaan ito sa ganitong paraan matapos marinig ang isang mensahe, at may ilang tao naman na nauunawaan ito sa paraang iyon matapos marinig ang isang katotohanan. May ilang tao na lumilihis nang bahagya; at ang ilan naman ay hindi nauunawaan ang tunay na kahulugan ng katotohanan kahit kaunti. Samakatuwid, kung paano ito nauunawaan ng isa ay ganoon din kung paano niya pangungunahan ang iba; ito ay talagang totoo, sapagkat ang kanyang gawain ay pagpapahayag lamang ng kanyang pagkatao. Ang mga tao na pinangungunahan niyaong mga may tamang pagkaunawa sa katotohanan ay magkakaroon din ng tamang pagkaunawa sa katotohanan. Kahit mayroong mga taong may mali sa pagkaunawa, napakaunti lamang sila, at hindi lahat ng tao ay magkakaroon ng mga kamalian. Ang mga taong pinangungunahan niyaong may mga mali sa pagkakaunawa sa katotohanan ay siguradong magiging may-kamalian. Ang mga taong ito ay magiging may-kamalian sa lubos na katuturan ng salita. Ang antas ng pagkaunawa sa katotohanan sa gitna ng mga tagasunod ay lubos na nakabatay sa mga manggagawa. Mangyari pa, ang katotohanan mula sa Diyos ay tama at walang mali, at talagang tiyak. Ngunit, ang mga manggagawa ay hindi lubusang tama at hindi masasabing lubusang mapagkakatiwalaan. Kung ang mga manggagawa ay mayroong paraan upang isagawa ang katotohanan na magagamit sa buhay, kung gayon ang mga tagasunod ay magkakaroon din ng paraan ng pagsasagawa. Kung ang mga manggagawa ay walang paraan upang isagawa ang katotohanan sa halip ay mayroon lamang doktrina, ang mga tagasunod ay hindi magkakaroon ng anumang realidad. Ang kakayahan at kalikasan ng mga tagasunod ay malalaman sa pamamagitan ng kapanganakan at hindi nauugnay sa mga manggagawa. Ngunit kung hanggang saan ang mga tagasunod ay nakauunawa sa katotohanan at nakikilala ang Diyos ay nakasalalay sa mga manggagawa (ito ay para lamang sa ilang tao). Anuman ang katulad ng isang manggagawa, ito ang magiging katulad ng mga tagasunod na pinangungunahan niya. Ang ipinahahayag ng isang manggagawa ay ang kanyang sariling pagkatao, at walang pasubali. Ang mga hinihingi niya sa kanyang mga tagasunod ay ang mga bagay na nais niya mismong makamit o kung ano ang kaya niyang makamit. Karamihan sa mga manggagawa ay humihingi sa kanilang mga tagasunod batay sa mismo nilang ginagawa, kahit na marami dito ay hindi makakamit ng mga tao kailanman. Ang hindi makakamit ng mga tao ay magiging hadlang sa kanilang pagpasok.
Mayroong lubhang mas kaunting kamalian sa gawain niyaong mga dumaan sa pagtatabas at paghatol. At ang pagpapahayag ng kanilang gawain ay lalong mas tiyak. Ang mga umaasa sa kanilang pagiging-likas sa gawain ay nakagagawa ng napakalaking mga pagkakamali. Mayroong napakalaking pagiging-likas sa gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto, na nagiging isang malaking balakid sa gawain ng Banal na Espiritu. Kahit yaong mga likas na nagtataglay ng mga kundisyon para sa gawain ay dapat ding nakaranas ng pagtatabas at paghatol upang makayang isakatuparan ang gawain ng Diyos. Kung hindi sila dumaan sa gayong paghatol, kahit gaano sila kahusay gumawa, hindi ito makakaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at ito ay lubos na pagiging-likas at kabutihan ng tao. Sa paggawa ng gawain ng Diyos, ang gawain niyaong mga dumaan sa pagtatabas at paghatol ay mas tiyak kaysa sa gawain niyaong mga hindi nahatulan. Yaong mga hindi dumaan sa paghatol ay nagpapahayag ng laman at mga kaisipan ng tao lamang, kahalo ang maraming katalinuhan ng tao at likas na kakayahan. Hindi ito ang tamang-tama na pagpapahayag ng tao sa gawain ng Diyos. Ang mga taong sumusunod sa kanila ay dinadala sa harap nila ng kanilang likas na kakayahan. Dahil nagpapahayag sila ng masyadong maraming pagkakita at mga karanasan ng tao, na halos walang kaugnayan sa orihinal na kahulugan ng Diyos, at lumilihis nang malayo mula rito, ang gawain ng ganitong uri ng tao ay hindi nakakapagdala ng mga tao sa harap ng Diyos, sa halip ay sa harap niya. Kaya ang mga hindi dumaan sa paghatol at pagkastigo ay hindi karapat-dapat na magsakatuparan ng gawain ng Diyos. Ang gawain ng karapat-dapat na manggagawa ay maaaring magdala sa mga tao sa tamang daan at tinutulutan silang mas lumalim pa sa katotohanan. Ang gawain na ginagawa niya ay maaaring magdala sa mga tao sa harap ng Diyos. Idagdag pa, ang gawain na ginagawa niya ay maaaring maiba sa bawat indibiduwal at hindi nakatali sa mga alituntunin, anupa’t tinutulutan ang mga tao na makawala at makalaya. Bukod dito, maaari silang unti-unting lumago sa buhay, umunlad nang mas malalim tungo sa katotohanan. Ang gawain ng isang hindi karapat-dapat na manggagawa ay malayung-malayo; ang kanyang gawain ay kahangalan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga alituntunin; ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi naiiba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, mayroong napakaraming alituntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad o sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang itong magbigay-kakayahan sa mga tao na makatayo sa kaunti at walang-halagang mga tuntunin. Ang ganitong uri ng paggabay ay maaaring magdulot lamang sa mga tao na maligaw. Inaakay ka niya na maging katulad ng kung ano siya; madadala ka niya tungo sa kung anong mayroon siya at kung ano siya. Upang matalos ng mga tagasunod kung ang mga pinuno ay karapat-dapat, ang susi ay tumingin sa landas na pinangungunahan nila at sa mga bunga ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga tagasunod ay nakakatanggap ng mga prinsipyong kaayon sa katotohanan, at kung nakakatanggap sila ng mga daan ng pagsasagawa na angkop sa kanila para mabago. Kailangan mong alamin ang pagkakaiba sa pagitan ng iba’t ibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; huwag kang maging hangal na tagasunod. Ito ay makakaapekto sa usapin ng iyong pagpasok. Kung hindi mo kayang makilala kung aling pamunuan ng tao ang may daan at alin ang wala, madali kang madadaya. Lahat ng ito ay may tuwirang kaugnayan sa iyong sariling buhay. Sobrang daming natural sa gawain ng mga di-nagawang perpektong tao; sobrang dami ng kalooban ng tao ang nakahalo rito. Ang kanilang pagkatao ay pagka-natural, kung ano ang ipinanganak na likas sa kanila, hindi ang buhay pagkatapos sumailalim sa pakikitungo o ang realidad matapos silang mabago. Paano maaaring ang ganitong uri ng tao ay tutulong sa mga naghahabol ng buhay? Ang orihinal na buhay ng tao ay ang kanyang likas na katalinuhan o kakayahan. Ang ganitong uri ng katalinuhan o kakayahan ay napakalayo sa talagang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung ang isang tao ay hindi pa nagawang perpekto at ang kanyang tiwaling disposisyon ay hindi pa natatabas o napapakitunguhan, magkakaroon ng malaking puwang sa pagitan ng kanyang ipinahahayag at ng katotohanan; ito ay mahahalo sa malalabong bagay tulad ng kanyang guni-guni at may-kinikilingang karanasan, at iba pa. Higit pa rito, kahit paano siya gumagawa, nararamdaman ng mga tao na walang pangkalahatang tunguhin at walang katotohanan na angkop para sa pagpasok ng lahat ng tao. Ang karamihan sa mga hinihingi sa mga tao ay nangangailangan na gawin nila ang lampas sa kanila, ang higit sa makakaya nila. Ito ang gawain ng kalooban ng tao. Ang tiwaling disposisyon ng tao, kanyang mga iniisip at mga pagkaunawa ay lumalaganap sa kanyang buong katawan. Ang tao ay hindi ipinanganak nang may likas na hilig na isagawa ang katotohanan, ni may likas siyang hilig na unawain ang katotohanan. Kapag isinama sa tiwaling disposisyon ng tao, kapag ang ganitong uri ng likas na tao ang gumagawa, hindi ba ito isang paggambala? Ngunit ang isang tao na nagawang perpekto ay may karanasan ng katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, at pagkakilala sa kanilang tiwaling disposisyon, kaya’t ang malabo at hindi-totoong mga bagay sa kanyang gawain ay unti-unting nababawasan, na nangangahulugang ang katotohanan na ipinahayag niya ay nagiging mas tiyak at totoo rin. Ang mga iniisip ng mga tao sa partikular ay humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang tao ay may mayamang guni-guni at makatuwirang pagmamatuwid at lumang karanasan sa pakikitungo sa mga bagay-bagay. Kung ang mga ito ay hindi dumaraan sa pagtatabas at pagtutuwid, ang lahat ng ito ay hadlang sa gawain. Kaya ang gawain ng tao ay hindi makaaabot sa pinakatiyak na antas, lalo na ang mga gawain ng di-nagawang perpektong mga tao.
Ang gawain ng tao ay may saklaw at mga hangganan. Ang isang tao ay makakaya lamang na gumawa sa isang tiyak na bahagi at hindi maaaring gumawa ng gawain ng isang buong kapanahunan—kung hindi, pangungunahan niya ang mga tao sa mga tuntunin. Ang gawain ng tao ay mailalapat lamang sa isang natatanging panahon o yugto. Ito ay dahil ang karanasan ng tao ay may sakop. Hindi maihahambing ng isa ang gawain ng tao sa gawain ng Diyos. Ang paraan ng tao sa pagsasagawa at ang kanyang kaalaman sa katotohanan ay mailalapat lahat sa isang natatanging sakop. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay lubusang kalooban ng Banal na Espiritu, sapagkat ang tao ay maliliwanagan lamang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at hindi maaaring lubusang mapuno ng Banal na Espiritu. Ang mga bagay na maaaring maranasan ng tao ay sakop lahat ng normal na pagkatao at hindi makakalampas sa saklaw ng iniisip ng normal na isip ng tao. Lahat niyaong mayroong praktikal na pagpapahayag ay nakararanas sa saklaw na ito. Kapag naranasan nila ang katotohanan, ito ay laging karanasan ng normal na buhay ng tao sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, na hindi nakararanas sa isang paraan na lumilihis mula sa normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanan na niliwanagan ng Banal na Espiritu sa saligan ng pagsasabuhay ng kanilang pantaong buhay. Higit pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng isa na ang nilalakaran nilang landas ay ang normal na buhay ng tao na naghahabol sa katotohanan, at ito ang landas na nilalakaran ng isang normal na tao na mayroong kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak nila ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa karaniwang karanasan ng tao, dahil ang mga tao na naghahabol ay hindi magkakatulad, ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi rin magkatulad. Idagdag pa, dahil ang mga kapaligiran na nararanasan nila at ang mga saklaw ng kanilang karanasan ay hindi magkakatulad, dahil sa pagkakahalo ng kanilang isipan at mga iniisip, ang kanilang karanasan ay halu-halo sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat isang tao ang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang sariling kalagayan. Ang kanilang pagkakaunawa ng tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi lubusan at isa o kaunti lamang sa mga aspeto nito. Ang sakop ng kung paanong ang katotohanan ay nararanasan ng tao ay laging batay sa iba’t ibang kalagayan ng mga tao at sa gayon ay hindi magkakapareho. Sa ganitong paraan, ang kaalaman na ipinahayag tungkol sa parehong katotohanan ng iba’t ibang mga tao ay hindi magkakapareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay laging may mga hangganan at hindi maaaring lubusang kumatawan sa kalooban ng Banal na Espiritu, at ang gawain ng tao ay hindi maaaring madama bilang gawain ng Diyos, kahit na ang ipinahahayag ng tao ay halos tumutugma sa kalooban ng Diyos, kahit na ang karanasan ng tao ay napakalapit sa gawain ng pagpeperpekto na gagampanan ng Banal na Espiritu. Ang tao ay maaari lamang maging lingkod ng Diyos, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalaman sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanan na nakamit mula sa kanyang pansariling karanasan. Ang tao ay walang kakayahan at hindi nagtataglay ng mga kalagayan upang maging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatan na magsabing ang gawain ng tao ay gawain ng Diyos. Ang tao ay may mga prinsipyo sa paggawa, at ang lahat ng tao ay may iba’t ibang mga karanasan at taglay ang iba’t ibang mga kalagayan. Kasama sa gawain ng tao ang lahat ng kanyang mga karanasan sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang ganitong mga karanasan ay maaari lamang kumatawan sa katauhan ng tao at hindi kumakatawan sa kung ano ang Diyos o sa kalooban ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, ang landas na nilalakaran ng tao ay hindi masasabing ang landas na nilalakaran ng Banal na Espiritu sapagkat ang gawain ng tao ay hindi maaaring kumatawan sa gawain ng Diyos at ang gawain ng tao at ang karanasan ng tao ay hindi ang lubusang kalooban ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay madaling mahulog tungo sa tuntunin, at ang paraan ng kanyang gawain ay madaling makulong sa isang sakop na may hangganan at hindi kayang pangunahan ang mga tao tungo sa isang malayang daan. Karamihan sa mga tagasunod ay namumuhay sa loob lamang ng isang nasasakupan, at ang kanilang paraan ng pagdaranas ay hanggang sa loob din lamang ng nasasakupang ito. Ang karanasan ng tao ay laging may hangganan; ang paraan ng kanyang gawain ay hanggang sa kakaunting uri din lamang at hindi maihahambing sa gawain ng Banal na Espiritu o sa gawain ng Diyos Mismo—ito ay dahil ang karanasan ng tao, sa katapusan, ay may hangganan. Kung paano man gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, walang anumang tuntunin dito; kung paano man ito ginagawa, ito’y hindi hanggang sa isang daan lamang. Walang anupamang mga tuntunin sa gawain ng Diyos, lahat ng Kanyang gawain ay malayang inilalabas. Kahit gaano karaming panahon ang ginugugol ng tao sa pagsunod sa Kanya, hindi sila makabubuo ng anumang batas hinggil sa mga daan ng Kanyang paggawa. Kahit ang Kanyang gawain ay may prinsipyo, ito ay laging ginagawa sa bagong mga paraan at laging may bagong mga pag-unlad, na lampas sa maaabot ng tao. Sa loob ng isang yugto ng panahon, ang Diyos ay maaaring magkaroon ng maraming iba’t ibang uri ng gawain at iba’t ibang paraan ng pangunguna, na nagpapahintulot sa mga tao na laging magkaroon ng mga bagong pagpasok at bagong mga pagbabago. Hindi mo matutuklasan ang mga batas ng Kanyang gawain sapagkat Siya ay laging gumagawa sa bagong mga paraan. Sa ganitong paraan lamang hindi mahuhulog sa tuntunin ang mga tagasunod ng Diyos. Ang gawain ng Diyos Mismo ay laging umiiwas sa mga pagkaunawa ng mga tao at sumasalungat sa kanilang mga pagkaunawa. Tanging yaong mga sumusunod at naghahabol sa Kanya nang may tunay na puso ang mababago ang kanilang mga disposisyon at maaaring mamuhay nang malaya nang hindi sakop ng anumang tuntunin o napipigilan ng anumang relihiyosong mga pagkaunawa. Ang hinihingi ng gawain ng tao ay batay sa kanyang sariling karanasan at kung ano ang maaaring makamit ng sarili niya. Ang pamantayan ng ganitong mga kinakailangan ay limitado sa isang tiyak na sakop, at ang mga paraan ng pagsasagawa ay napakalimitado rin. Kaya hindi namamalayan ng mga tagasunod na namumuhay na sila sa ganitong limitadong sakop; sa paglipas ng panahon, sila ay nagiging mga tuntunin at mga ritwal. Kung ang gawain ng isang panahon ay pinangunahan ng isang tao na hindi dumaan sa sariling pagpeperpekto ng Diyos at hindi nakatanggap ng paghatol, ang lahat ng kanyang mga tagasunod ay magiging relihiyosong panatiko at dalubhasa sa paglaban sa Diyos. Kaya, kung ang sinuman ay karapat-dapat na pinuno, ang taong iyon ay dapat dumaan sa paghatol at tumanggap ng pagpeperpekto. Yaong mga hindi dumaan sa paghatol, kahit na maaaring mayroon silang gawain ng Banal na Espiritu, ay naghahayag lamang ng malalabo at di-totoong mga bagay. Sa pagdaan ng panahon, aakayin nila ang mga tao sa malabo at higit-sa-natural na mga alituntunin. Ang gawain na ginagampanan ng Diyos ay hindi kaayon sa laman ng tao; hindi ito kaayon sa mga iniisip ng tao kundi sumasalungat sa mga pagkaunawa ng tao; hindi ito nahahaluan ng malabong relihiyosong kulay. Ang mga bunga ng Kanyang gawain ay hindi makakamit ng isang tao na hindi Niya nagawang perpekto at lampas sa maaabot ng pag-iisip ng tao.
Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at mga pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at mga katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga tao na sumusunod sa kanila sa mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensiyahan ng ilan sa kung ano sila. Nakatuon sila sa mga kaloob, mga kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay sila ng pansin sa mga higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalalim na di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang ganitong malalalim na doktrina ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon ng pansin sa mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao, sa halip ay nakatuon sila sa pagsasanay sa pangangaral ng mga tao at mga kakayahan sa paggawa, pinabubuti ang kaalaman ng mga tao at saganang relihiyosong mga doktrina. Hindi sila nakatuon sa kung gaano kalaki sa disposisyon ng mga tao ang nababago o gaano karaming tao ang nakauunawa sa katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, ni sinusubukang alamin ang normal at di-normal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga pagkaunawa ng mga tao o ibinubunyag ang kanilang mga pagkaunawa, lalong hindi inaayos ang kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga tao na sumusunod sa kanila ay naglilingkod sa pamamagitan ng likas nilang mga kaloob, at ang kanilang ipinahahayag ay kaalaman at malabong relihiyosong katotohanan, na hindi makatotohanan at lubusang hindi nakapagbibigay ng buhay sa mga tao. Sa totoo lang, ang diwa ng kanilang gawain ay pag-aalaga sa kakayahan, pag-aalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa isang matalinong nagtapos sa seminaryo na nang maglaon ay gumagawa at nangunguna. Sa anim na libong taon ng gawain ng Diyos, makakakita ka ba ng anumang batas tungkol dito? Mayroong napakaraming alituntunin at mga pagbabawal sa gawain na ginagawa ng tao, at ang utak ng tao ay masyadong nakahilig sa doktrina. Kaya ang ipinahahayag ng tao ay kaunting kaalaman at pagkatanto sa loob ng lahat ng kanyang mga karanasan. Hindi kaya ng tao na ipahayag ang anuman bukod dito. Ang mga karanasan at kaalaman ng tao ay hindi nanggagaling sa kanyang likas na kaloob o kanyang likas na hilig; ito ay lumabas dahil sa gabay at tuwirang pagpapastol ng Diyos. Ang tao ay may bahagi lamang upang tanggapin ang ganitong pagpapastol at hindi ang bahagi upang tuwirang ipahayag kung ano ang pagka-Diyos. Hindi kaya ng tao na maging bukal, maaari lamang siyang maging isang sisidlan na tumatanggap ng tubig mula sa bukal; ito ang likas na hilig ng tao, ang bahagi na dapat taglayin ng isa bilang tao. Kung maiwala ng isang tao ang bahaging tumatanggap ng salita ng Diyos at maiwala ang likas na hilig ng tao, naiwawala rin ng taong iyon ang pinakamahalaga, at naiwawala ang tungkulin ng nilikhang tao. Kung ang isang tao ay walang kaalaman o karanasan ng salita ng Diyos o Kanyang gawain, naiwawala ng taong iyon ang kanyang tungkulin, ang tungkulin na dapat niyang gampanan bilang isang nilikhang tao, at naiwawala ang karangalan ng isang nilikhang tao. Kalikasan ng Diyos na ipahayag kung ano ang pagka-Diyos, kung ito man ay ipinahahayag sa katawang-tao o tuwiran sa pamamagitan ng Espiritu; ito ang ministeryo ng Diyos. Ipinahahayag ng tao ang kanyang sariling mga karanasan o kaalaman (iyan ay, ipinahahayag kung ano siya) sa panahon ng gawain ng Diyos o pagkatapos; ito ang likas na hilig at tungkulin ng tao, ito ang dapat makamit ng tao. Kahit na ang pagpapahayag ng tao ay hindi nakaaabot sa kung ano ang ipinahahayag ng Diyos, at mayroong napakaraming alituntunin sa kung ano ang ipinahahayag ng tao, dapat tuparin ng tao ang tungkuling dapat niyang tuparin at gawin ang dapat niyang gawin. Dapat gawin ng tao ang lahat ng maaaring gawin ng tao upang tuparin ang kanyang tungkulin, at dapat na walang kahit kaunting pag-aalinlangan.
Matapos gumawa sa loob ng maraming taon, pagsasama-samahin ng tao ang kaunting karanasan mula sa mga taon na ito ng paggawa, gayundin ang karunungan at tuntuning tinipon. Siya na gumagawa sa loob ng mahabang panahon ay nakaaalam kung paano pakiramdaman ang paggalaw ng gawain ng Banal na Espiritu, alam kung kailan gumagawa ang Banal na Espiritu at kung kailan Siya hindi; alam niya kung paano makikibahagi kapag may pasanin, alam niya ang karaniwang kalagayan ng gawain ng Banal na Espiritu at ang karaniwang kalagayan ng paglago ng mga tao sa buhay. Ang ganitong tao ay gumawa na sa maraming taon at nalalaman ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga nakagawa sa mahabang panahon ay nagsasalita nang may katiyakan at hindi nagmamadali; kahit kapag wala silang sasabihin, sila ay mahinahon. Sa loob, maaari silang manatiling nananalangin upang hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu; may karanasan sila sa paggawa. Ang isang tao na nakagawa sa mahabang panahon at may maraming napag-aralan at karanasan ay maraming taglay sa loob na humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu; ito ay isang kapintasan ng kanyang pangmatagalang gawain. Ang isang tao na nagsisimula pa lamang sa paggawa ay walang dalang mga aralin o karanasan ng tao, lalo na ay nalilito kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Ngunit, sa pag-usad ng gawain, unti-unti niyang natututuhang maramdaman kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu at nagkakaroon ng kamalayan kung ano ang dapat gawin upang magkaroon ng gawain ng Banal na Espiritu at kung ano ang dapat gawin upang makakilos sa iba. Nagkakaroon siya ng ganitong karaniwang kaalaman na dapat taglayin ng mga gumagawa. Sa paglipas ng panahon, nalalaman niya ang ganitong karunungan at karaniwang kaalaman tungkol sa paggawa nang halos alam na alam, at tila madaling magamit ito kapag gumagawa. Ngunit, kapag binago ng Banal na Espiritu ang daan kung paano Siya gumagawa, nananatili pa rin siya sa kanyang lumang kaalaman sa paggawa at lumang tuntunin sa paggawa at may alam na kaunting-kaunti tungkol sa bagong pagkilos sa paggawa. Ang mga taon ng paggawa at pagiging puspos ng presensya at paggabay ng Banal na Espiritu ay nagbibigay sa kanya nang higit at higit pang mga aralin at karanasan sa paggawa. Ang ganitong mga bagay ay pinupuno siya ng kompiyansa sa sarili na hindi pagmamataas. Sa ibang salita, lubos na nalulugod siya sa kanyang sariling gawain at kuntentong-kuntento sa karaniwang kaalaman na nakamit niya tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu. Partikular na, ang gayong mga bagay na hindi nakamit o natanto ng ibang mga tao ay nagbibigay sa kanya nang higit pang tiwala sa sarili niya; tila ang gawain ng Banal na Espiritu sa loob niya ay hindi kailanman maglalaho, samantalang hindi karapat-dapat ang iba sa ganitong natatanging pagtrato. Tanging ang mga uri ng taong tulad niya na gumawa sa maraming taon at may mahalagang paggagamitan ang karapat-dapat na magtamasa rito. Ang ganitong mga bagay ay nagiging malaking hadlang sa kanyang pagtanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Kahit na maaari niyang tanggapin ang bagong gawain, hindi ito nagagawa ng isang magdamagan. Siguradong daraan siya sa maraming pasikut-sikot at mga paliku-liko bago tanggapin iyon. Ang ganitong kalagayan ay maaari lamang dahan-dahang mabaligtad pagkatapos mapakitunguhan ang kanyang lumang mga pagkaunawa at mahatulan ang kanyang lumang disposisyon. Kung hindi daraan sa mga hakbang na ito, hindi siya sumusuko at madaling tatanggapin ang mga bagong pagtuturo at gawain na hindi kaayon sa kanyang lumang mga pagkaunawa. Ito ang pinakamahirap na bagay na pakitunguhan sa tao, at hindi ito madaling baguhin. Kung, bilang isang manggagawa, nakakaya niyang parehong makamit ang pagkaunawa sa gawain ng Banal na Espiritu at kunin ang kabuuan ng pagkilos nito, gayundin ay kayang hindi mahigpitan ng kanyang karanasan sa paggawa at makayang tumanggap ng bagong gawain batay sa lumang gawain, siya ay marunong na tao at karapat-dapat na manggagawa. Ang mga tao ay malimit na gumagawa sa loob ng maraming taon nang hindi pinagsasama-sama ang kanilang karanasan sa paggawa, o nahahadlangan mula sa pagtanggap sa bagong gawain matapos pagsama-samahin ang kanilang karanasan sa paggawa at karunungan at hindi mauunawaan nang maayos o pakitunguhan nang tama ang luma at bagong gawain. Ang mga tao ay mahirap talagang pangasiwaan! Marami sa inyo ang tulad nito. Ang mga nakaranas na ng gawain ng Banal na Espiritu sa maraming taon ay nahihirapan na tanggapin ang bagong gawain, anupa’t laging lipos ng mga pagkaunawa na nahihirapan nilang alisin, habang ang isang tao na nagsimula pa lamang gumawa ay nagkukulang sa karaniwang kaalaman tungkol sa paggawa at hindi man lamang alam kung paano pangasiwaan ang ilan sa pinakamadaling mga bagay. Mahirap talagang pamahalaan kayong mga tao! Yaong mayroong iilang nakalipas na karanasan sa tungkulin ay masyadong mayabang at palalo na nakalimutan na nila ang kanilang pinanggalingan. Lagi nilang minamaliit ang nakababatang mga tao, ngunit hindi pa rin nila kayang tanggapin ang bagong gawain at hindi kayang bitawan ang mga pagkaunawang kanilang natipon at iningatan sa loob ng maraming taon. Kahit na ang mga ignoranteng kabataan ay may kakayahang tumanggap nang kaunti ng bagong gawain ng Banal na Espiritu at sila ay talagang masigasig, lagi silang nalilito at hindi alam ang dapat gawin kapag napapaharap sa mga suliranin. Kahit na masigasig, masyado silang mangmang. Mayroon lamang silang kakaunting kaalaman sa gawain ng Banal na Espiritu at hindi magamit ito sa kanilang mga buhay; ito ay doktrina lamang na walang anumang mapaggagamitan. Mayroong napakaraming tao na katulad ninyo; ilan ang angkop na gamitin? Ilan ang maaaring sumunod sa kaliwanagan at paglilinaw ng Banal na Espiritu at makayanang tuparin ang kalooban ng Diyos? Tila kayong mga naging mga taga-sunod hanggang ngayon ay naging napakamasunurin, ngunit sa katunayan, hindi pa rin ninyo tinatalikuran ang inyong mga pagkaunawa, naghahanap pa rin kayo sa Biblia, anupa’t naniniwala sa kalabuan, o paiba-iba ng mga pagkaunawa. Walang sinuman ang maingat na sumusuri sa tunay na gawain ngayon o lumalalim dito. Tinatanggap ninyo ang daan ngayon kasama ang inyong lumang mga pagkaunawa. Ano ang makakamit ninyo sa ganitong paniniwala? Masasabi na nakatago sa inyo ang maraming pagkaunawa na hindi pa naibubunyag, at gumagawa lamang kayo ng malaking pagsisikap upang itago ang mga iyon at hindi madaling ibinubunyag ang mga iyon. Hindi ninyo tinatanggap ang bagong gawain nang taos-puso at walang planong talikuran ang inyong lumang mga pagkaunawa; mayroon kayong napakarami at nakakalungkot na mga pilosopiya sa buhay. Hindi ninyo tinatalikuran ang inyong lumang mga pagkaunawa at atubiling makitungo sa bagong gawain. Ang inyong mga puso ay masyadong masama, at hindi ninyo lamang tinatanggap ang mga hakbang ng bagong gawain sa inyong puso. Maaari bang ang ganitong mga waldas na tulad ninyo ay magpalaganap ng ebanghelyo? Kaya ba ninyong magpalaganap nito sa buong sansinukob? Ang ganitong mga gawain ninyo ay pumipigil sa pagbabagong-anyo ng inyong disposisyon at pagkakakilala sa Diyos. Kung magpapatuloy kayo nang ganito, nakatakda kayong maalis.
Dapat ninyong malaman kung paano alamin ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos mula sa gawain ng tao. Ano ang makikita mo mula sa gawain ng tao? Mayroong napakaraming elemento ng karanasan ng tao sa gawain ng tao; kung ano ang ipinahahayag ng tao ay kung ano siya. Ang sariling gawain ng Diyos ay nagpapahayag din kung ano Siya, ngunit kung ano Siya ay naiiba sa kung ano ang tao. Kung ano ang tao ay kumakatawan sa karanasan ng tao at buhay (kung ano ang nararanasan ng tao o kinakaharap niya sa kanyang buhay, o mga pilosopiya sa buhay na mayroon siya), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang kapaligiran ay nagpapahayag ng iba’t ibang mga katauhan. Kung mayroon kang mga karanasan sa pakikisama o wala at kung paano ka tunay na namumuhay at nakakaranas sa iyong pamilya ay makikita sa kung ano ang iyong ipinahahayag, samantalang hindi mo makikita mula sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may karanasan sa pakikisama o wala. Alam Niyang lubos ang diwa ng tao, anupa’t kaya Niyang ibunyag ang lahat ng uri ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng uri ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng tiwaling disposisyon ng tao at mapanghimagsik na pag-uugali. Hindi Siya namumuhay sa gitna ng makamundong mga tao, ngunit alam Niya ang kalikasan ng mga mortal at ang lahat ng katiwalian ng makamundong mga tao. Ito ay kung ano Siya. Kahit hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga tuntunin sa pakikitungo sa mundo, sapagkat lubos Niyang nauunawaan ang kalikasan ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, maging ngayon at noong nakaraan. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa buhay ng tao at himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ay kung ano Siya, ginawang bukas sa mga tao at nakatago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinahahayag ay hindi ang kung ano ang isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at kung ano ang Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa buong mundo ngunit alam ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “unggoy na hawig sa tao” na walang kaalaman o pananaw, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salita na mas mataas sa kaalaman at mas higit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng pangkat ng mapupurol ang isip at manhid na mga tao na walang pagkatao at hindi nakakaunawa sa mga kalakaran at buhay ng tao, ngunit kaya Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at mababang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay kung ano Siya, mas mataas sa kahit anong laman-at-dugong tao. Para sa Kanya, hindi kailangang makaranas ng isang magulo, mahirap at nakakarimarim na buhay panlipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang diwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakakarimarim na buhay panlipunan ay hindi nakapagtataas sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aralin sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ang tao ng buhay. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay upang ibunyag ang di-pagkamakatuwiran ng tao pagkatapos alamin na pangmatagalan ang pagsuway ng tao at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Ang gawain na ginagawa Niya ay upang ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang kung ano Siya. Siya lamang ang maaaring gumawa nito, hindi ito isang bagay na maaaring makamit ng laman-at-dugong tao. Hinggil sa Kanyang gawain, hindi kaya ng tao na sabihin kung anong uri Siya ng tao. Hindi rin kaya ng tao na uriin Siya bilang nilikhang persona batay sa Kanyang gawain. Kung ano Siya ay gumagawa rin sa Kanya na hindi kayang mauri bilang nilikhang persona. Maaari lamang ituring ng tao na Siya ay hindi tao, ngunit hindi alam kung saang uri Siya ilalagay, kaya napilitan ang tao na ilagay Siya sa uri ng Diyos. Hindi kawalang-katwiran na gawin ito ng tao, sapagkat marami Siyang nagawa sa gitna ng mga tao na hindi kayang gawin ng tao.
Ang gawain na ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawain na ginagawa ng tao ay kumakatawan sa karanasan ng tao. Nagsasalita ang bawat isa tungkol sa kanyang pansariling karanasan. Maaaring tuwirang ipahayag ng Diyos ang katotohanan, habang maaari lamang ipahayag ng tao ang katumbas na karanasan pagkatapos maranasan ang katotohanan. Ang gawain ng Diyos ay walang anumang tuntunin, at hindi ito sakop ng panahon o heograpiyang hangganan. Maaari Niyang ipahayag kung ano Siya anumang oras, saanman. Gumagawa Siya ayon sa Kanyang ikinasisiya. Ang gawain ng tao ay mayroong mga kalagayan at nilalaman; kung hindi, hindi siya makakagawa at hindi makakapagpahayag ng kanyang pagkakilala sa Diyos o ng kanyang karanasan sa katotohanan. Kailangan mo lamang na ihambing ang pagkakaiba sa pagitan ng mga ito upang masabi kung ito ay sariling gawain ng Diyos o gawain ng tao. Kung walang gawain na ginawa ng Diyos Mismo at mayroon lamang gawain ng tao, malalaman mo lamang na ang mga turo ng tao ay mataas, higit sa kakayahan ng iba; ang kanilang himig ng pananalita, ang kanilang mga prinsipyo sa paghawak ng mga bagay-bagay at ang kanilang bihasa at matatag na paraan sa paggawa ay hindi maaabot ng iba. Hinahangaan ninyong lahat ang mga taong ito na may mataas na pagkatao, ngunit hindi ninyo makikita mula sa gawain at mga salita ng Diyos kung gaano kataas ang Kanyang pagkatao. Sa halip, Siya ay pangkaraniwan, at kapag gumagawa, Siya ay karaniwan at tunay ngunit hindi maaaring masukat ng mga tao, na nagsasanhi sa mga tao na makaramdam ng paggalang sa Kanya. Siguro ang isang karanasan ng tao sa kanyang gawain ay natatanging mataas, o ang kanyang guni-guni at pangangatwiran ay natatanging mataas, at ang kanyang pagkatao ay natatanging mabuti; ang mga ito ay magkakamit lamang ng paghanga ng mga tao, ngunit hindi mapupukaw ang kanilang pangingimi at takot. Ang mga tao ay humahanga sa lahat ng may kakayahang gumawa at may natatanging malalim na karanasan at maaaring magsagawa ng katotohanan, ngunit hindi nila kailanman kayang pukawin ang pangingimi, tanging paghanga at inggit. Ngunit ang mga tao na nakaranas ng gawain ng Diyos ay hindi humahanga sa Diyos, sa halip ay nararamdaman nila na ang Kanyang gawain ay hindi maabot ng tao at hindi maarok ng tao, at ito ay sariwa at kamangha-mangha. Kapag naranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, ang kanilang unang kaalaman sa Kanya ay na Siya ay di-maarok, marunong at kamangha-mangha, at hindi nila namamalayang iginagalang na nila Siya at nararamdaman ang hiwaga ng gawain na ginagawa Niya, na hindi maabot ng isip ng tao. Gusto lamang ng mga tao na matugunan ang Kanyang mga kinakailangan, upang mapaluguran ang Kanyang ninanasa; hindi nila nais na malampasan Siya, sapagkat ang gawain na ginagawa Niya ay higit sa iniisip at guni-guni ng tao at hindi maaaring magawa ng tao bilang kahalili. Kahit ang tao mismo ay hindi alam ang kanyang sariling mga kakulangan, samantalang nabuksan na Niya ang isang bagong landas at dumating upang dalhin ang tao sa isang mas bago at higit na magandang mundo, kaya ang sangkatauhan ay nakagawa ng bagong pagsulong at nagkaroon ng bagong simula. Ang nararamdaman ng tao para sa Kanya ay hindi paghanga, o sa halip, ay hindi lamang paghanga. Ang kanilang pinakamalalim na karanasan ay pangingimi at pag-ibig, ang kanilang pakiramdam ay na ang Diyos ay talagang kamangha-mangha. Gumagawa Siya ng hindi kayang gawin ng tao, nagsasabi Siya ng mga bagay-bagay na hindi kayang sabihin ng tao. Ang mga taong nakaranas ng Kanyang gawain ay laging nakararanas ng hindi maipaliwanag na pakiramdam. Ang mga tao na may mas malalim na mga karanasan ay natatanging mahal ang Diyos. Lagi nilang nararamdaman ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, nararamdaman na ang Kanyang gawain ay napakarunong, lubos na kamangha-mangha, at sa gayon ay naglalabas ng walang-hanggang kapangyarihan sa kanilang kalagitnaan. Hindi takot o paminsang-minsang pag-ibig at paggalang, sa halip ay malalim na pakiramdam ng pagkahabag at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Subali’t, ang mga tao na nakaranas ng Kanyang pagkastigo at paghatol ay nararamdaman Siya bilang maringal at di-naaagrabyado. Kahit ang mga tao na nakaranas ng marami sa Kanyang gawain ay hindi rin Siya makayang arukin; lahat ng tao na iginagalang Siyang tunay ay nakaaalam na ang Kanyang gawain ay hindi ayon sa mga pagkaunawa ng mga tao sa halip ay laging salungat sa kanilang mga pagkaunawa. Hindi Niya kailangan ng lubos na paghanga sa Kanya ng mga tao o pagpapakita lamang ng lubos na pagpapasakop sa Kanya, sa halip ay magkaroon ng tunay na paggalang at tunay na pagpapasakop. Sa karamihan ng Kanyang gawain, ang sinumang may tunay na karanasan ay nakakaramdam ng paggalang sa Kanya, na mas mataas kaysa paghanga. Nakita ng mga tao ang Kanyang disposisyon dahil sa Kanyang gawaing pagkastigo at paghatol, at sa gayon ay iginagalang nila Siya sa kanilang mga puso. Ang Diyos ay dapat igalang at sundin, sapagkat kung ano Siya at ang Kanyang disposisyon ay hindi tulad sa nilikhang tao, at mas mataas ang mga ito kaysa nilikhang tao. Ang Diyos ay isang hindi-nilikhang nilalang, at Siya lamang ang nararapat sa paggalang at pagpapasakop; hindi nararapat ang tao para rito. Kaya, lahat ng tao na nakaranas ng Kanyang gawain at tunay na nakakilala sa Kanya ay nakakaramdam ng paggalang sa Kanya. Subali’t, ang mga hindi bumibitaw sa kanilang mga pagkaunawa tungkol sa Kanya, iyon ay mga tao lamang na hindi Siya tinuturing na Diyos, walang anumang paggalang sa Kanya, at kahit na Siya ay sinusunod nila, hindi sila nalupig; sila ay likas na di-masunuring mga tao. Ginagawa Niya ang gawaing ito upang makamit ang bunga na ang lahat ng nilikhang tao ay maaaring gumalang sa Lumikha, sambahin Siya, at magpasakop sa Kanyang kapamahalaan nang walang kundisyon. Ito ang pangwakas na bunga na layunin ng Kanyang gawain na matamo. Kung ang mga tao na nakaranas ng ganitong gawain ay hindi iginagalang ang Diyos, kahit kaunti, kung ang kanilang pagsuway sa nakaraan ay hindi talagang nagbabago, kung gayon ang mga taong ito ay siguradong maaalis. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay upang hangaan lamang o magpakita ng paggalang mula sa malayo at hindi upang ibigin nang kahit bahagya, ito ang maaabot ng isang taong walang puso para ibigin ang Diyos, at ang taong iyon ay kulang sa mga kundisyon upang gawing perpekto. Kung ang masyadong maraming gawain ay hindi kayang magkamit ng tunay na pag-ibig ng isang tao, ibig sabihin nito na ang taong iyon ay hindi nakamit ang Diyos at hindi tunay na naghahabol sa katotohanan. Ang isang tao na hindi umiibig sa Diyos ay hindi umiibig sa katotohanan at sa gayon ay hindi makakamit ang Diyos, at lalong hindi makakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang ganitong mga tao, paano man nila naranasan ang gawain ng Banal na Espiritu, at paano man nila naranasan ang paghatol, ay hindi pa rin kayang igalang ang Diyos. Ito ay mga taong hindi nababago ang kanilang kalikasan, anupa’t mayroong napakasamang disposisyon. Lahat ng hindi gumagalang sa Diyos ay maaalis, upang maging layon ng kaparusahan, at upang maparusahan gaya lamang niyaong mga gumagawa ng kasamaan, higit na nagdurusa kaysa roon sa mga nakagawa ng mga hindi-matuwid na mga bagay.