· 

Paano dapat unawain ng isang tao na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay?

 

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

 

Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. Ito rin nang pasimula’y sumasa Dios” (Juan 1:1–2).

 

“At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin … na puspos ng biyaya at katotohanan” (Juan 1:14).

 

Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).

 

Ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay” (Juan 6:63).

 

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

 

Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, ngunit ang katotohanang nasa tao ay ipinamamana ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi kayang tamuhin ng tao.

 

—mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

“Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios, at nagkatawang-tao ang Verbo.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at sa gayon ang Diyos ay naparito sa lupa at naghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao.

 

—mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, kundi ito rin ang katawan kung saan magbabalik ang Diyos. Ito ay isang napaka-ordinaryo na katawang-tao. Sa Kanya, wala kang makikitang anumang kaiba kumpara sa iba, nguni’t maaari kang makatanggap mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi mo pa kailanman dating narinig. Ang hamak na katawang-taong ito ay ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng katotohanan mula sa Diyos, na siyang pumapasan sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at isang pagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos para malaman ng tao. Hindi ba labis ang iyong pagnanais na makita ang Diyos sa langit? Hindi ba labis ang iyong pagnanais na maintindihan ang Diyos sa langit? Hindi ba labis ang iyong pagnanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito na wala pang sinumang tao ang nakapagsabi sa iyo, at sasabihin pa Niya sa iyo ang mga katotohanan na hindi mo nauunawaan. Siya ang iyong pintuan patungo sa kaharian, at ang iyong gabay patungo sa bagong kapanahunan. Ang gayong karaniwang katawang-tao ay nagtataglay ng maraming hindi maarok na mga hiwaga. Ang Kanyang mga gawa ay maaaring hindi mo maabot, nguni’t ang adhikain ng lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay sapat upang iyong makita na hindi Siya isang simpleng katawang-tao gaya ng inaakala ng tao. Sapagka’t kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos gayundin ang pangangalaga na ipinakita ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kahit na hindi mo naririnig ang mga salitang Kanyang sinasabi na tila yumayanig sa langit at lupa, o nakikita ang Kanyang mga mata na tila mga naglalagablab na ningas, at kahit na hindi mo nararamdaman ang disiplina ng Kanyang bakal na pamalo, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita ang galit ng Diyos at nalalaman na ang Diyos ay nagpapamalas ng pagkahabag sa sangkatauhan; nakikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang Kanyang karunungan, at higit sa lahat, natatanto ang pagmamalasakit at pag-aalaga ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita ang Diyos sa langit na namumuhay sa kalagitnaan ng mga tao sa lupa, at bigyang-kakayahan ang tao na makilala, sundin, igalang at ibigin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit nagbalik na Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. …

 

… Ang lahat ng mayroon kayo sa araw na ito ay dahil sa katawang-taong ito. Dahil sa nabubuhay ang Diyos sa katawang-tao kaya kayo ngayon ay may pagkakataong mabuhay. Ang lahat ng magandang kapalarang ito ay nakamit dahil sa karaniwang taong ito. Hindi lamang ito, kundi sa katapusan ang bawat bansa ay sasamba sa karaniwang taong ito, gayundin ay magbibigay pasasalamat at susunod sa hamak na taong ito. Sapagka’t Siya ang nagdala ng katotohanan, ng buhay, at ng daan upang mailigtas ang buong sangkatauhan, malunasan ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng Diyos at tao, papaglapitin ang Diyos at tao, at maipaalam ang mga iniisip sa pagitan ng Diyos at tao. Siya rin ang nagdala ng higit pang kaluwalhatian sa Diyos. Hindi ba karapat-dapat ang karaniwang taong gaya nito sa iyong pagtitiwala at pagsamba? Ang gayon bang karaniwang katawang-tao ay hindi angkop upang tawaging Cristo? Ang gayon bang karaniwang tao ay hindi maaaring maging ang pagpapahayag ng Diyos sa gitna ng mga tao? Hindi ba karapat-dapat sa inyong pagmamahal at para inyong hawakan ang gayong tao na tumutulong sa sangkatauhan upang mailigtas sa sakuna? Kung tanggihan ninyo ang mga katotohanang namutawi mula sa Kanyang bibig at kamuhian din ang Kanyang pag-iral sa gitna ninyo, ano ang inyong magiging kapalaran?

 

—mula sa “Alam Mo Ba? Nakagawa ang Diyos ng Isang Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Nguni’t ang karaniwang taong ito, na nakatago sa kalagitnaan ng mga tao, ang siyang gumagawa ng bagong gawain ng pagliligtas sa atin. Hindi Niya ipinaliliwanag ang anumang bagay sa atin, hindi rin Niya sinasabi kung bakit Siya dumating, nguni’t ginagawa Niya lamang ang mga gawain na hinahangad Niyang gawin sa mga tiyak na hakbang na alinsunod sa Kanyang plano. Ang Kanyang mga salita at mga pagbigkas ay nagiging mas madalas. Mula sa pag-aliw, pagpapayo, pagpapaalala, at mga babala, hanggang sa pagsaway at pagdidisiplina; mula sa tinig na banayad at maamo, hanggang sa mga salitang malupit at maringal—ang mga iyon ay naggagawad ng awa at nagkikintal ng pangamba sa tao. Lahat ng Kanyang sinasabi ay palaging tumatama sa mga lihim na nakatago sa ating kaibuturan, ang Kanyang mga salita ay tumutusok sa ating mga puso, tumutusok sa ating mga espiritu, at iniiwan tayong puno ng matinding kahihiyan at hindi malaman kung saan tayo magtatago. …

 

Wala tayong kaalam-alam, pinangungunahan tayo ng hamak na taong ito tungo sa sunud-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Sumasailalim tayo sa hindi-mabilang na mga pagsubok, nagpapasan ng hindi-mabilang na mga pagkastigo, at sinusubok ng kamatayan. Natututuhan natin ang matuwid at maringal na disposisyon ng Diyos, natatamasa, rin, ang Kanyang pag-ibig at awa, pinahahalagahan ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at napagmamasdan ang Kanyang sabik na pagnanais na iligtas ang tao. Sa mga salita ng karaniwang taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, naiintindihan ang kalooban ng Diyos, nalalaman ang kalikasan at diwa ng tao, at nakikita ang daan ng kaligtasan at pagka-perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagsasanhi ng ating “kamatayan”, at muli nagsasanhi ng ating “kapanganakang muli”; ang Kanyang mga salita ay nagdudulot ng kaginhawahan, gayunpaman ay iniiwan din tayong naliligalig ng pagkakasala at ng pakiramdam na may-pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay nagdadala sa atin ng kagalakan at kapayapaan, subali’t ito’y nagbibigay din ng walang-katapusang pasakit. Minsan tayo ay parang mga tupang kakatayin sa Kanyang mga kamay; minsan tayo ay Kanyang kinagigiliwan, at tinatamasa ang Kanyang malambing na pagsinta; minsan tayo ay parang Kanyang kaaway, at nagiging abo dahil sa Kanyang galit sa Kanyang mga mata. Tayo ang sangkatauhan na Kanyang iniligtas, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na Kanyang pilit na hinahanap araw at gabi. Siya ay maawain sa atin, tayo ay Kanyang kinamumuhian, tayo ay Kanyang iniaangat, tayo ay Kanyang inaaliw at pinapayuhan, tayo ay Kanyang ginagabayan, tayo ay Kanyang nililiwanagan, tayo ay Kanyang kinakastigo at dinidisiplina, at tayo rin ay Kanyang isinusumpa. Siya ay laging nag-aalala para sa atin sa gabi at araw, at tayo ay Kanyang kinakalinga at pinangangalagaan sa gabi at araw, hindi kailanman lumilisan sa ating tabi, kundi ibinubuhos ang lahat ng Kanyang pangangalaga sa atin at nagbabayad ng anumang halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas nitong maliit at karaniwang katawang-tao, natamasa na natin ang kabuuan ng Diyos, at namasdan ang hantungan na naipagkaloob na sa atin ng Diyos. …

 

Ipinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at pananaw upang pagsabihan tayo kung ano ang nararapat gawin habang kasabay na binibigyang-tinig ang Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, ipinakikita sa atin ang paraan kung paano tayo dapat lumakad, at binibigyang-kakayahan tayo na maintindihan ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, sinisimulan nating ituon ang ating pansin sa himig at paraan ng Kanyang pananalita, at wala tayong kamalay-malay na nagsisimulang magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng pangkaraniwang taong ito. Siya ay gumagawa nang maingat na pagsisikap para sa atin, nagtitiis ng puyat at gutom para sa atin, umiiyak para sa atin, naghihinagpis para sa atin, dumadaing sa sakit para sa atin, nakakaranas ng pagpapahiya para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan, at ang Kanyang puso ay dumudugo at lumuluha dahil sa ating pagiging manhid at pagkamapanghimagsik. Ang may ganitong pagkatao at pag-uugali ay hindi karaniwang tao, ni hindi ito maaaring taglayin o makamit ng sinumang nilalang na ginawang tiwali. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi angkin ng karaniwang tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi taglay ng sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may gayong kalinaw at ganap na pagtarok sa ating kalikasan at diwa, o nakakahatol sa pagkamapaghimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o nakakapagsalita sa atin at gumagawa sa ating kalagitnaan nang ganito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan at karangalan ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay bumubukal, sa kabuuan ng mga ito, mula sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagpakita sa atin ng daan at makakapagdala sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagbunyag ng mga hiwaga na hindi pa naipaalam ng Diyos mula sa paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagligtas sa atin mula sa gapos ni Satanas at ng ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Inihahayag Niya ang tinig ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Siya ay nagsimula na ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at naghatid ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at Siya ay nagdala na sa atin ng pag-asa, tinatapos ang ating pamumuhay sa kalabuan at hinahayaan ang ating buong pagkatao na lubos na mamasdan, nang buong kalinawan, ang daan ng kaligtasan. Kanyang nalupig na ang ating buong pagkatao, at nakamit ang ating mga puso. Mula sa sandaling iyon, ang ating mga isipan ay nagkamalay na, at ang ating mga espiritu ay tila napanumbalik: Ang karaniwan at hamak na taong ito, na namumuhay kasama natin at matagal na nating tinanggihan—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na laging nasa ating mga isipan, gising man o nananaginip, at ating inaasam sa gabi at araw? Ito ay Siya! Ito ay talagang Siya! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Tayo ay nabigyang-kakayahan na Niyang mabuhay muli at makita ang liwanag, at napatigil na ang ating mga puso sa paglihis. Tayo ay nagbalik na sa tahanan ng Diyos, tayo ay nagbalik na sa harap ng Kanyang trono, tayo ay kaharap Niya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang landas sa hinaharap.

 

—mula sa “Minamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang ihatid ang isang bagong kapanahunan, upang baguhin ang paraan ng Kanyang gawain, at upang gawin ang gawain para sa buong kapanahunan. Ito ang panuntunan ng paggawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay nagkatawang-tao upang magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, binibigyang-kakayahan ang tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at ang Kanyang karunungan at pagiging nakamamangha. Ang ganoong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit sa salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang kailangang pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng salita, ang lahat ng gawain na nais isagawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng salita, nahahayag ang tao, naaalis at sinusubukan. Nakita ng tao ang salita, narinig ang salita, at nabuksan ang kamalayan patungkol sa pag-iral ng salita. Ang bunga nito, naniniwala ang tao sa pag-iral ng Diyos, naniniwala ang tao sa pagiging makapangyarihan sa lahat at sa karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos para sa tao at Kanyang pagnanais na iligtas ang tao. Bagaman ang salitang “salita” ay payak at karaniwan, ang salita mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang buong sansinukob; binabago ng Kanyang salita ang puso ng tao, ang mga pagkaunawa at ang lumang disposisyon ng tao, at ang lumang anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganoong paraan, at Siya ang tanging nagsasalita at nagliligtas sa tao. Pagkatapos noon, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng salita, inaakay at tinutustusan ng salita; sila ay namumuhay sa mundo ng salita, namumuhay sa gitna ng mga sumpa at mga pagpapala ng salita ng Diyos, at mas marami pang tao ang namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, pagkamit sa kalooban ng Diyos, at pagbabago sa orihinal na anyo ng mundo ng unang paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng salita, pinamumunuan ang mga tao sa buong sansinukob sa pamamagitan ng salita, nilulupig at inililigtas sila sa pamamagitan ng salita. Sa huli, gagamitin Niya ang salita upang dalhin ang buong lumang mundo sa katapusan. Doon lamang ganap na matatapos ang plano ng pamamahala.

 

—mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Ang Salita ay nagkatawang-tao at ang Espiritu ng katotohanan ay naisakatuparan na sa katawang-tao—na ang lahat ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, at ang daan ay nagkatawang-tao, at ang Espiritu ng Diyos ay talagang dumating na sa lupa at ang Espiritu ay dumating na sa katawang-tao. Bagama’t, kung titingnan nang pahapyaw, ito ay lumilitaw na kakaiba mula sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa gawaing ito magagawa mong makita nang malinaw na ang Espiritu ay naisakatuparan na sa katawang-tao, at, higit pa rito, ang Salita ay naging katawang-tao, at ang Salita ay nagpakita sa katawang-tao, at nagagawa mong maintindihan ang tunay na kahulugan ng mga salitang: Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Higit pa rito, kailangan mong maintindihan na ang mga salita sa kasalukuyan ay Diyos, at dapat mong mamasdan na ang mga salita ay naging katawang-tao. Ito ang pinakamahusay na patotoo na maaari mong pagtiisan. Pinatutunayan nito na taglay mo ang tunay na kaalaman ng Diyos na naging katawang-tao—hindi mo lamang nagagawang kilalanin Siya, nguni’t nababatid din na ang landas na iyong nilalakaran sa kasalukuyan ay ang landas ng buhay, at ang landas ng katotohanan. Si Jesus ay gumawa ng isang yugto ng gawain na tinupad lamang ang diwa ng “ang Salita ay kasama ng Diyos”: Ang katotohanan ukol sa Diyos ay kasama ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay kasama ng katawang-tao at hindi maihihiwalay sa Kanya, iyon ay, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay kasama ng Espiritu ng Diyos, na siyang lalong malaking katunayan na ang Jesus na nagkatawang-tao ay ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Tinupad ng yugtong ito ng gawain ang panloob na kahulugan ng “ang Salita ay nagkakatawang-tao,” nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos,” at tinutulutan ka na paniwalaan nang matibay na “Sa simula ay ang Salita.” Na ang ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ang Diyos ay nagtataglay ng mga salita, ang Kanyang mga salita ay kasama Niya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at lalo pang ginawang mas malinaw ng panghuling kapanahunan ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang mga salita—na marinig ang lahat ng Kanyang mga salita. Ang gayon ay ang gawain ng panghuling kapanahunan. Dapat kang makarating sa pagkaalam sa mga bagay na ito nang lubusan. Hindi ito isang pagtatanong sa pagkilala sa laman, nguni’t pagkilala sa laman at sa Salita. Ito ang kung saan dapat kang sumaksi, yaong dapat malaman ng bawat isa.

 

—mula sa “Pagsasagawa (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

Ang Aking mga salita ay ang di-nagbabagong katotohanan magpakailanman. Ako ang panustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang kahalagahan at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi pinagpapasyahan kung ang mga ito man ay kinikilala at tinatanggap ng sangkatauhan, nguni’t sa pamamagitan ng diwa ng mga salita mismo. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang maaaring makatanggap ng Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong nito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatuwid, kapag nahaharap sa maraming tao na nagrerebelde, tumatanggi, o lubos na nilalait ang Aking mga salita, ang Aking paninindigan ay ito lamang: Hayaang Aking maging saksi ang panahon at mga katunayan at ipakita na ang Aking mga salita ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang ipakita ng mga ito na lahat ng Aking nasabi ay tama, at iyon ang dapat ipagkaloob sa tao, at, higit pa rito, ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tanggapin nang lubos ang Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahahanap ng layunin sa Aking mga salita at ang mga hindi kayang tanggapin ang kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga taong nahusgahan ng Aking mga salita at, bukod dito, nawalan ng Aking pagliligtas, at hindi kailanman nalilihis ang Aking pamalo sa kanila.

 

—mula sa “Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

(Mga Piling Talata ng Salita ng Diyos)

 

Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

 

Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng kahit na sino lang, ni hindi rin ito madaling makamtan ng lahat. Iyon ay dahil maaari lang magmula sa Diyos ang buhay, na ibig sabihin, ang Diyos Mismo lang ang may taglay ng sangkap ng buhay, walang ibang daan ng buhay kung wala ang Diyos Mismo, sa gayon ang Diyos lang ang pinanggagalingan ng buhay, at ang walang hanggang umaagos na bukal ng tubig na nagbibigay-buhay. Simula nang Kanyang likhain ang mundo, marami ang nagawa na ng Diyos ukol sa kasiglahan ng buhay, marami na ang nagawa na nagbibigay ng buhay sa tao, at nagbayad na ng napakalaking halaga upang maaaring makamtan ng tao ang buhay, sapagkat ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan kung saan ang tao ay nabubuhay na mag-uli. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan na kasama ng tao sa lahat ng panahon. Siya na ang puwersang nagpapatakbo sa buhay ng tao, ang batayan ng pag-iral ng tao, at isang mayamang lagak para sa pag-iral ng tao matapos ang kapanganakan. Siya ang nagsasanhi upang ang tao ay maipanganak na muli, at tinutulungan siyang mabuhay nang may tapang sa kanyang bawat papel na ginagampanan. Salamat sa Kanyang kapangyarihan, at Kanyang di-mapapatay na puwersa ng buhay, nabuhay na ang tao sa salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi, sa buong panahon kung saan ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay naging pangunahing sandigan sa pag-iral ng tao, kung saan nagbayad na ang Diyos sa halagang walang karaniwang tao ang kailanman ay nakapagbayad. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay kayang manaig sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Ang Kanyang buhay ay walang hanggan, ang Kanyang kapangyarihan ay pambihira, at ang puwersa ng Kanyang buhay ay hindi madaling madaig ng kahit na anong nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay umiiral, at nagniningning ang makinang na liwanag nito, kahit na saang panahon o dako. Ang buhay ng Diyos ay nananatiling di-nagbabago magpakailanman sa buong panahon ng mga kaguluhan sa langit at lupa. Lahat ng bagay ay lumilipas, ngunit ang buhay ng Diyos ay nananatili pa rin, sapagkat ang Diyos ay ang pinagmulan ng pag-iral ng lahat ng bagay, at ang ugat ng kanilang pag-iral. Ang buhay ng tao ay nanggagaling sa Diyos, ang pag-iral ng kalangitan ay dahil sa Diyos, at ang pag-iral ng mundo ay nagmumula sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos. Walang bagay na nagtaglay ng kasiglahan ang kayang malampasan ang kapangyarihan ng Diyos, at walang bagay na may lakas ang kayang humiwalay sa nasasakupan ng awtoridad ng Diyos. Sa ganitong paraan, kahit na sino pa sila, lahat ay dapat magpasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, lahat ay dapat mamuhay sa ilalim ng utos ng Diyos, at walang kahit isa ang makatatakas sa Kanyang kontrol.

 

Marahil, sa ngayon, nais mong tumanggap ng buhay, o marahil nais mong makamtan ang katotohanan. Anupaman ang kalagayan, nais mong hanapin ang Diyos, hanapin ang Diyos na maaari mong maasahan, at kayang magbigay sa iyo ng buhay na walang hanggan. Kung nais mong makamtan ang buhay na walang hanggan, dapat mo munang maintindihan ang pinanggalingan ng buhay na walang hanggan, at dapat malaman muna kung nasaan ang Diyos. Akin nang nabanggit na ang Diyos lang ang buhay na di-nababago, at ang Diyos lang ang nag-aangkin sa daan ng buhay. Dahil ang Kanyang buhay ay di-nababago, ganoon din ito ay walang hanggan; dahil ang Diyos lang ang daan ng buhay, kaya ang Diyos Mismo ang daan sa buhay na walang hanggan. Dahil dito, dapat maintindihan mo muna kung nasaan ang Diyos, at kung paano makamtan itong daan ng buhay na walang hanggan. Gawin natin ngayon ang pagbabahagi tungkol sa dalawang usapin na ito nang magkabukod.

 

Kung talagang nais mong makamtan ang daan ng buhay na walang hanggan, at kung masigasig ka sa pagtuklas nito, sagutin mo muna ang tanong na ito: Nasaan ang Diyos ngayon? Maaaring isagot mo na ang Diyos ay nakatira sa langit, siyempre—Siya ay hindi titira sa bahay mo, hindi ba? Marahil masasabi mo, ang Diyos ay maliwanag na naninirahan sa lahat ng bagay. O maaari mong masabi na ang Diyos ay naninirahan sa puso ng bawat tao, o na ang Diyos ay nasa espirituwal na daigdig. Hindi Ko ipinagkakaila ang alinman sa mga ito, nguni’t dapat Kong linawin ang paksang ito. Hindi lubos na tamang sabihin na ang Diyos ay naninirahan sa puso ng tao, nguni’t hindi rin ito lubos na mali. Ito ay sa kadahilanang, sa mga nananalig sa Diyos, may mga taong totoo ang paniniwala at mayroon namang mali ang paniniwala, mayroon ding mga sinasang-ayunan ng Diyos at may mga hindi Niya sinasang-ayunan, mayroon ding mga tao na nagbibigay-lugod sa Kanya at mayroon Siyang mga kinamumuhian, at mayroong mga ginagawa Niyang perpekto at may mga inaalis Niya. At sa gayon sinasabi Ko na naninirahan ang Diyos sa puso ng mga ilang tao lang, at ang mga taong ito ay walang-dudang mga tunay na naniniwala sa Diyos, sinasang-ayunan sila ng Diyos, nakalulugod sila sa Kanya, at sila ay ginagawa Niyang perpekto. Sila ang mga pinapatnubayan ng Diyos. Dahil pinapatnubayan sila ng Diyos, sila ang mga taong nakarinig at nakakita na sa landas ng Diyos tungo sa buhay na walang hanggan. Ang mga tao na huwad ang paniniwala sa Diyos, silang mga hindi sinasang-ayunan ng Diyos, silang mga kinamumuhian ng Diyos, silang mga inaalis ng Diyos—sila ay nauukol na itakwil ng Diyos, nauukol na maiwan na wala ang daan ng buhay, at nauukol na manatiling mangmang sa kung nasaan ang Diyos. Sa kabaligtaran, yaong sa mga puso’y naninirahan ang Diyos ay alam kung nasaan Siya. Sila ang mga taong kung kanino ipinagkaloob ng Diyos ang daan ng buhay na walang hanggan, at sila ang mga sumusunod sa Diyos. Ngayon, alam mo na ba, kung nasaan ang Diyos? Ang Diyos ay parehong nasa puso ng tao at nasa kanyang tabi. Siya ay hindi lang nasa espirituwal na daigdig, at nangingibabaw sa lahat, nguni’t mas higit pa sa lupa kung saan umiiral ang tao. At sa gayon ang pagdating ng mga huling araw ay nagdala na sa mga hakbang ng gawain ng Diyos sa panibagong teritoryo. Ang Diyos ang humahawak ng dakilang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa sansinukob, at Siya ang pangunahing sandigan ng tao sa kanyang puso, at bukod pa rito, Siya ay umiiral kasama ng mga tao. Sa pamamagitan lang nito maihahatid Niya ang daan ng buhay sa sangkatauhan, at maihahatid ang sangkatauhan sa daan ng buhay. Ang Diyos ay dumating na sa lupa, at namumuhay kasama ng mga tao, upang maaaring makamtan ng tao ang daan ng buhay, at sa gayon ang tao ay maaaring umiral. Kasabay nito, pinamumunuan din ng Diyos ang lahat ng bagay sa sansinukob, upang ang mga ito ay maaaring tumulong sa Kanyang pamamahala sa mga tao. At sa gayon, kung kinikilala mo lang ang doktrina na ang Diyos ay nasa langit at nasa puso ng tao, nguni’t hindi mo kinikilala ang katotohanan ng pag-iral ng Diyos sa mga tao, kung gayon hindi mo kailanman makakamtan ang buhay, at hindi mo kailanman makakamtan ang daan ng katotohanan.

 

Ang Diyos Mismo ay ang buhay, at ang katotohanan, at ang Kanyang buhay at katotohanan ay sabay na umiiral. Silang mga walang kakayahang makamtan ang katotohanan ay di-kailanman makakamtan ang buhay. Kung wala ang patnubay, tulong, at pagtustos ng katotohanan, ang makakamtan mo lang ay mga titik, mga doktrina, at, bukod diyan, kamatayan. Ang buhay ng Diyos ay laging naririyan, at ang Kanyang katotohanan at buhay ay umiiral nang sabay. Kung hindi mo mahahanap ang pinagmulan ng katotohanan, sa gayon hindi mo makakamtan ang pagkain ng buhay; kung hindi mo makakamtan ang panustos ng buhay, sa gayon tiyak na hindi ka talagang magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga imahinasyon at mga pagkaintindi, ang kabuuan ng iyong katawan ay magiging walang iba kundi laman lang, ang iyong umaalingasaw na laman. Alamin mo na ang mga salita ng mga aklat ay hindi itinuturing na buhay, ang mga talaan ng kasaysayan ay hindi maaaring ipagdiwang na katotohanan, at ang mga doktrina ng mga nakalipas na panahon ay hindi maaaring magsilbing paglalarawan ng sinambit ng Diyos sa kasalukuyan. Ang tanging mga inihahayag ng Diyos kapag Siya ay pumaparito sa lupa at namumuhay kasama ng mga tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kapag iyong ginamit ang mga itinalang mga salita na binigkas ng Diyos noong mga sinaunang panahon hanggang sa ngayon, sa gayon isa kang arkeologo, at ang pinakamainam na itawag sa iyo ay isang dalubhasa sa mga minanang kasaysayan. Iyon ay dahil lagi kang naniniwala sa mga bakas ng mga gawain ng Diyos noong unang panahon, pinaniniwalaan lang ang aninong iniwan ng Diyos noong dati Siyang gumawa kasama ng mga tao, at pinaniniwalaan lang ang mga paraan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong lumipas na panahon. Hindi ka naniniwala sa direksiyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi naniniwala sa maluwalhating anyo ng Diyos ngayon, at hindi naniniwala sa daan ng katotohanan na inihayag ng Diyos ngayon. Sa gayon hindi maipagkakaila na isa kang nangangarap nang gising na lubos na malayo sa realidad. Kung ngayon ay nananatili ka pang nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay buhay sa tao, sa gayon tulad ka ng isang walang silbing piraso ng patay na kahoy,[a] dahil ikaw ay masyadong makaluma, masyadong suwail, masyadong hindi naaapektuhan ng pangangatuwiran!

 

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang kalabisan tungkol dito, sapagka’t Siya ay may taglay ng diwa ng Diyos, at may taglay ng disposisyon ng Diyos, at may karunungan sa Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Sila na itinuturing ang sarili nila bilang Cristo, nguni’t hindi kayang gawin ang gawain ng Diyos ay mga manlilinlang. Ang Cristo ay hindi lang ang pagpapakita ng Diyos sa lupa, kundi ang partikular na katawang-tao ring tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa tao. Ang katawang-taong ito ay hindi kayang palitan ng kahit na sinong tao lang, kundi ng isang taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at makapagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at maaaring katawanin nang husto ang Diyos, at makapagbibigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, yaong mga nagpapanggap na Cristo ay babagsak na lahat, dahil kahit sinasabi nila na sila ang Cristo, wala silang taglay na diwa ng Cristo. Kaya nga sinasabi Ko na ang pagiging-tunay ng Cristo ay hindi kayang tukuyin ng tao, nguni’t ito’y sinasagot at pinagpapasiyahan ng Diyos Mismo. Sa ganitong paraan, kung tunay mong ninanais na alamin ang daan ng buhay, narararapat na kilalanin mo muna na sa pamamagitan ng pagpunta sa lupa na ipinagkakaloob Niya ang daan ng buhay sa tao, at dapat mong kilalanin na sa mga huling araw ay pumaparito Siya sa lupa upang ipagkaloob ang daan ng buhay sa tao. Ito ay hindi ang nakalipas; ito ay nangyayari ngayon.

 

Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ay ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, sa gayon, hindi mo kailanman makukuha ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagka’t ikaw ay kapwa sunud-sunuran at bilanggo ng kasaysayan. Silang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at nakagapos sa kasaysayan ay hindi kailanman makakamtan ang buhay, at hindi kailanman makakamtan ang walang hanggang daan ng buhay. Iyan ay dahil ang mayroon lang sila ay malabong tubig na di-umagos nang libu-libong mga taon, sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa luklukan. Silang mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay magpakailanman, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno. Kung gayon, paano nila makikita ang Diyos? Kung sinusubukan mo lang na panghawakan ang nakaraan, sinusubukan lang na panatilihin ang mga bagay na walang pagbabago, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan at itapon ang kasaysayan, sa gayon hindi ka ba magiging laging salungat sa Diyos? Ang mga hakbang sa gawain ng Diyos ay malawak at makapangyarihan, tulad ng rumaragasang mga alon ng dagat at dumadagundong na mga kulog—nguni’t nakaupo at walang imik kang naghihintay ng pagkawasak, nananatili sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang tao na sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mapatutunayan na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa iyong nanilaw na mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka papatnubayan ng mga ito sa iyong paghahanap ng mga hakbang sa gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa iyong mga kamay ay ang mga titik na magbibigay ng panandaliang ginhawa lang, hindi ang mga katotohanan na kayang magbigay ng buhay. Ang mga kasulatan na iyong nababasa ay ang mga makakapagpayaman lang ng iyong dila, hindi mga salita ng karunungan na makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi ang mga daan na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Ang pagkakaiba bang ito ay hindi nagdudulot sa iyo ng pagbubulay-bulay? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwaga na sumasaloob dito? May kakayahan ka ba na dalhin ang iyong sarili sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung hindi dumating ang Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasayahan ng pamilyang kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, sa gayon, na ihinto mo ang pananaginip, at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon, at kung sino ang tumutupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamtan ang katotohanan, at hindi kailanman makakamtan ang buhay.

 

Silang mga nagnanais na makamtan ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanan na sinambit ni Cristo ay ang mga pinakahibang na tao sa mundo, at silang mga hindi tumatanggap ng daan ng buhay na inihatid ni Cristo ay mga ligaw sa guni-guni. At sa gayon sinasabi Ko na ang mga tao na hindi tumatanggap sa Cristo ng mga huling araw ay magpakailanmang kamumuhian ng Diyos. Si Cristo ay ang daanan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, na walang sinuman ang makakalampas. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sumunod sa Kanyang paraan. Hindi mo dapat isipin lang ang pagtanggap ng mga pagpapala nang hindi tumatanggap ng katotohanan, o tinatanggap ang tustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang lahat ng tunay na naniniwala sa Kanya ay maaaring mabigyan ng buhay. Ang Kanyang gawain ay para sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa isang bago, at ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kapag wala kang kakayahang kilalanin Siya, at bagkus ay isinusumpa, nilalapastangan, o inuusig pa Siya, kung gayon nakatakda kang masunog magpakailanman, at hindi kailanman makakapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ay ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan na ng Diyos na gumawa sa Kanyang gawain sa lupa. At sa gayon ay sinasabi Ko na kung hindi mo matatanggap ang lahat ng ginagawa ng Cristo ng mga huling araw, kung gayon lumalapastangan ka sa Banal na Espiritu. Ang ganti na dapat pagdusahan ng mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu ay maliwanag sa lahat. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag lumaban ka sa Cristo ng mga huling araw, at ipagkaila Siya, walang sinuman kung gayon ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan para sa iyo. Bukod pa rito, simula sa araw na ito hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataon upang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang iyong sarili, hindi mo kailanman muling makikita ang mukha ng Diyos. Sapagka’t ang iyong kinakalaban ay hindi isang tao, ang iyong itinatakwil ay hindi isang mahinang nilalang, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang iyong ginawa, kundi isang karumal-dumal na krimen. At sa gayon, ipinapayo Ko sa lahat na huwag ilabas ang inyong mga pangil laban sa katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na maipanganak kang muli at makita ang mukha ng Diyos.

 

—mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

 

Magrekomenda nang higit pa: Ang Salita ng Diyos ay Buhay

Kung gusto mong matuto nang higit pa, maaari kang makipag-ugnay sa amin sa pamamagitan ng Messenger anumang oras!

Write a comment

Comments: 0