· 

Ang Bawa’t Araw sa Bilangguan ng CCP

Panalangin

 

Ni Yang Yi, Tsina

 

Ako ay isang Kristiyano sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Mahigit sampung taon na akong alagad ng Makapangyarihang Diyos. Sa loob ng panahong ito, ang isang bagay na hinding-hindi ko malilimutan ay ang kakila-kilabot na pagdurusa noong arestuhin ako ng mga pulis ng CCP isang dekada na ang nakaraan. Noon, sa kabila ng pagpapahirap at pagtapak sa akin ng masasamang demonyo, at halos mamatay ako nang ilang beses, ginamit ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang makapangyarihang kamay upang gabayan at pangalagaan ako, buhayin akong muli, at ibalik ako sa kaligtasan…. Sa pamamagitan nito, talagang nakita ko ang dakilang kapangyarihan ng buhay ng Diyos na higit pa sa normal, at natamo ko ang tanging yaman ng buhay na ipinagkaloob sa akin ng Diyos.

 

Iyon ay noong Enero 23, 2004 (ang ikalawang araw ng Chinese New Year). Kinailangan kong puntahan at bisitahin ang isang babaeng miyembro ng iglesia; may problema siya at kailangang-kailangan ng tulong. Dahil napakalayo ng bahay ko, kinailangan kong gumising nang maaga para sumakay ng taksi para makauwi rin ako sa araw na iyon. Umalis ako ng bahay na papasikat pa lang ang araw. Halos walang tao sa mga lansangan, mga tagakuha lang ng basura. Balisa akong naghanap ng taksi, pero wala ni isa sa paligid. Nagpunta ako sa pilahan ng taksi para maghintay, at lumakad ako sa daan para paparahin ang isa nang makita ko itong papalapit—pero sasakyan pala iyon na pag-aari ng Environmental Protection Bureau. Tinanong nila ako kung bakit ko sila pinapapara. “Paumanhin, nagkamali ako, akala ko taksi kayo,” sabi ko. “Palagay namin nagdidikit ka ng mga ilegal na poster,” sagot nila. “Nakita mo ba ako? Nasaan ang mga poster na idinidikit ko?” sabi ko. Ni hindi nila ako binigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili ko, lumapit silang tatlo at sapilitang hinalughog ang bag ko. Hinalungkat nila ang lahat ng nasa bag ko—isang kopya ng isang sermon, isang notepad, isang pitaka, isang cell phone at isang sirang beeper, at kung anu-ano pa. Pagkatapos ay tiningnan nilang maigi ang kopya ng sermon at ang notepad. Nang wala silang makitang mga poster sa bag ko, itinaas nila ang kopya ng sermon at sinabing: “Hindi ka nga siguro nagdidikit ng mga ilegal na poster, pero naniniwala ka sa Makapangyarihang Diyos.” Kasunod nito, tinawagan nila ang Religious Division ng National Security Brigade. Hindi nagtagal, apat na tao mula sa National Security Brigade ang dumating. Nalaman nila na naniniwala ako sa Makapangyarihang Diyos nang makita nila ang mga laman ng bag ko. Ni hindi nila ako hinayaang magsalita, isinama nila ako sa kanilang sasakyan, pagkatapos ay ikinandado nila ang pinto para hindi ako makatakbo.

 

Pagdating namin sa Public Security Bureau, isinama ako ng mga pulis sa isang kuwarto. Pinaglaruan ng isa sa kanila ang beeper at mobile phone ko, na naghahanap ng mga palatandaan. Binuksan niya ang phone pero nakita niyang lobat na ito, tapos ay sinabi niyang ubos na ang baterya. Subukan man niya nang husto, hindi niya ito mabuksan. Habang hawak ang cell phone, mukhang nag-aalala siya. Nagtaka rin ako—katatapos ko lang i-charge ang cell phone noong umagang iyon. Paano mawawalan ng karga iyong baterya? Bigla kong natanto na mahimala itong isinaayos ng Diyos para mapigil ang mga pulis sa paghahanap ng impormasyon tungkol sa iba pang mga kapatid. Naunawaan ko rin ang mga salitang sinabi ng Diyos: “Anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay” (“Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Tunay nga, lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa mga kamay ng Diyos. Maging buhay o patay man, lahat ng bagay ay sumasailalim sa pagbabago ayon sa mga kaisipan ng Diyos. Sa sandaling ito, nagbigay ito sa akin ng tunay na kaalaman tungkol sa dakilang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay, at napalakas nito ang aking pananampalataya upang harapin ang gagawing pagtatanong. Habang nakaturo sa mga bagay na nasa bag, nag-aakusang itinanong ng opisyal na pulis: “Ipinapakita ng mga ito na malinaw na hindi ka ordinaryong miyembro ng iglesia. Isa ka siguro sa mataas na pamunuan, isang importanteng tao. Dahil ang mga batang pinuno ay walang mga beeper o mobile phone. Tama ba ako?” “Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo,” sagot ko. “Nagkukunwari kang hindi mo naiintindihan!” sigaw niya, pagkatapos ay inutusan akong tumingkayad nang magsalita ako. Nakikitang wala akong laban, pinaligiran nila ako at sinimulan akong buntalin at sipain—na tila ba nais nila akong patayin. Duguan at maga ang mukha ko, napakasakit ng buong katawan ko, hinimatay ako sa sahig. Galit na galit ako. Gusto kong mangatwiran sa kanila, ipagtanggol ang kaso ko: Ano ang nagawa kong mali? Bakit ninyo ako binugbog nang ganoon? Pero wala akong paraan para makausap ko sila nang matino, dahil hindi matinong kausap ang pamahalaang CCP. Naguluhan ako, pero ayaw kong pagbigyan ang mga pambubugbog nila. Nang nalilito na ako, bigla kong naisip kung paano, dahil ang masasamang opisyal na ito ng pamahalaang CCP ay masyadong wala sa katwiran, dahil ayaw nila akong makapangatwiran, hindi ko kailangang sabihin sa kanila ang anuman. Mas mabuti pang tumahimik na lang ako—sa gayong paraan mawawalan ako ng silbi sa kanila. Nang maisip ko ito, hindi ko na pinakinggan ang sinasabi nila. Nang makita nilang walang epekto ang pamamaraang ito sa akin, nagwala ang masasamang pulis at lalong naging malupit: Labis nila akong pinahirapan para magtapat ako. Ipinosas nila ako sa isang silyang bakal na nakaturnilyo sa sahig sa isang posisyon na hindi ako makatingkayad ni makatayo. Inilagay ng isa sa kanila ang kamay kong hindi nakaposas sa silya at pinagpapalo ito ng sapatos, at tumigil lang nang mangitim na ang kamay ko; pinipi ng isa pa ang mga daliri ko sa paa sa ilalim ng kanyang sapatos na yari sa balat. Noon ko lamang naranasan na ang sakit sa mga daliri sa kamay ay tumatagos hanggang sa puso. Pagkatapos niyon, naghalinhinan ang anim o pitong pulis sa pambubugbog sa akin. Isa sa kanila ang nagtuon sa mga kasu-kasuan ko, at inipit ang mga ito nang husto kaya isang buwan na ay hindi ko pa rin maibaluktot ang braso ko. Ang isa naman ay sinabunutan ako at ipinagwagwagan ang ulo ko, tapos hinila at itiningala ang ulo ko. “Tumingin ka sa langit at tingnan mo kung mayroong Diyos!” mabangis na sabi nito. Nagpatuloy sila hanggang sa gumabi. Nang makitang wala silang makukuhang anuman sa akin, at dahil Chinese New Year, itinuloy nila ako sa detention center.

 

Pagdating ko sa detention center, inutusan ng isang guwardiya ang isang babaeng bilanggo na hubarin ang lahat ng damit ko at itapon ang mga ito sa basurahan. Tapos pinagsuot nila ako ng marumi at mabahong uniporme ng bilanggo. Ipinasok ako ng mga guwardiya sa isang selda at nagsinungaling sa iba pang mga bilanggo, na sinasabing: “Pinagwatak-watak niyang lalo ang mga pamilya ng mga tao. Marami siyang winasak na pamilya. Sinungaling siya, nililinlang niya ang matatapat na tao, at ginugulo ang katahimikan ng publiko….” Dahil nalinlang nang gayon ng mga guwardiya, sinabi ng lahat ng iba pang bilanggo na pinaalpas ako nang napakadali, at na ang tanging mabuting bagay para sa isang taong kasingsama ko ay firing squad! Galit na galit ako nang marinig ko ito—pero wala akong magawa. Ang mga pagtatangka kong lumaban ay nawalan ng saysay, lalo lang nila akong pinahirapan at pinagmalupitan. Sa detention center, pinabigkas ng mga guwardiya sa mga bilanggo ang mga patakaran araw-araw: “Ipagtapat ang iyong mga krimen at sumuko sa batas. Ang pagbubuyo sa iba na gumawa ng krimen ay hindi pinapayagan. Ang pagbubuo ng mga gang ay hindi pinapayagan. Ang pag-aaway ay hindi pinapayagan. Ang pang-aapi ng iba ay hindi pinapayagan. Ang pagbibintang nang mali sa iba ay hindi pinapayagan. Ang pang-aagaw ng pagkain o mga pag-aari ng iba ay hindi pinapayagan. Ang panloloko sa iba ay hindi pinapayagan. Dapat pigilan ang mga nang-aapi sa bilangguan. Anumang paglabag sa mga patakaran ay dapat ipaalam kaagad sa mga superbisor o mga bantay. Hindi mo dapat pagtakpan ang mga pangyayari o subukang protektahan ang mga bilanggong lumabag sa regulasyon, at ang pagsubaybay ay dapat na maging makatao. …” Ang totoo, hinikayat ng mga guwardiya ang ibang mga bilanggo na pahirapan ako, pinapayagan silang lokohin ako araw-araw: Noong negatibong 8 o 9 na digri ang lamig, ibinabad nila ang sapatos ko; lihim nilang binuhusan ng tubig ang pagkain ko; sa gabi, habang tulog ako, binasa nila nang husto ang dyaket kong may cotton pad; pinatulog nila ako sa tabi ng kubeta, madalas nila akong alisan ng kumot sa gabi, sabunutan, hindi patulugin; inagaw nila ang tinapay ko; pinilit nila akong linisin ang kubeta, at pinilit nilang isubo ang tira-tira nilang gamot sa bibig ko, hindi nila ako hinayaang makaihi at makatae…. Kung hindi ko ginawa ang anumang ipinagawa nila, pagkakaisahan nila ako at bubugbugin—at madalas sa gayong mga pagkakataon nagpupulasan ang mga superbisor o mga bantay o nagkukunwaring wala silang nakita; kung minsan nagtatago pa sila sa malayo at nanonood. Kung ilang araw akong hindi pinahirapan ng mga bilanggo, mag-uudyok ang mga superbisor na bugbugin nila ako. Napuno ako ng pagkamuhi sa mga guwardiya dahil sa malupit na pagpapahirap nila sa akin. Ngayon, kung hindi pa ito nakita ng sarili kong mga mata at personal itong naranasan, hinding-hindi ako maniniwala na ang pamahalaang CCP, na dapat ay puno ng kabaitan at moralidad, ay maaaring maging madilim, nakakasindak, at nakakatakot—hinding-hindi ko sana nakita ang tunay na mukha nito, isang mukha na madaya at traydor. Lahat ng sinasabi nitong “naglilingkod sa mga tao, bumubuo ng sibilisado at nagkakasundong lipunan”—mga kasinungalingan ito na may layon na linlangin at dayain ang mga tao, sila ay isang paraan, isang pakana, ng pagpapaganda sa sarili nito at pagtatamo ng papuri na hindi nararapat dito. Noong panahong iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi-makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Binabayaran nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang hinamak ang Diyos noon pa, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, at wala silang konsiyensya, at tinutukso nila ang walang-malay sa kahangalan. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinutulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pang-relihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan!” (“Gawain at Pagpasok (8)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Para pilitin akong itanggi at ipagkanulo ang Diyos, hindi tumigil ang CCP sa pagpapahirap at pagsira sa akin—subalit hindi alam nito na habang lalo akong pinahirapan nito, lalo kong malinaw na nakita na mukhang demonyo ito, at lalo kong kinamuhian at tinanggihan ito sa kaibuturan ng puso ko. Mas naging matatag ako sa pagsunod sa Diyos.

 

Nakikita na hindi nila ako mapipilit na sabihin ang anumang gusto nila, ginawa nila ang lahat—sa mga tao man, o mga mapagkukunan ng materyal o salapi—paroo’t parito kahit saan na nagtatanong ng katibayan na ako ay naniniwala sa Diyos. Makalipas ang tatlong buwan, lahat ng ipinagmamadali nila ay nawalan ng saysay. Sa huli, inilahad na nila ang huling baraha: Nakakita sila ng dalubhasang tagapagtanong. Sinabi noon na lahat ng dinala sa kanya ay sumailalim sa kanyang tatlong klase ng pagpapahirap, at walang sinumang hindi nagtapat kailanman. Isang araw, dumating ang apat na opisyal na pulis at sinabi sa akin: “Ngayon ay dadalhin ka namin sa isang bagong tahanan.” Sumunod, itinulak nila ako sa isang sasakyan na naghahatid sa mga bilanggo, ipinosas ang mga kamay ko sa aking likuran, at tinalukbungan ang ulo ko. Hindi ko alam kung paano nila plinano na pahirapan ako, kaya't medyo nakaramdam ako ng kaba. Noon din, naisip ko ang mga salita ng Panginoon, “Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon” (Mateo 16:25). Ang mga salita ng Panginoon ay nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas. Kung nais nating manampalataya at sumunod sa Diyos sa abandonadong lugar ng Tsina, dapat magkaroon tayo ng lakas ng loob na ihandog ang ating buhay. Ako ay handang mamatay noon para sa Diyos. Sa gulat ko, matapos kunin ang sasakyan, hindi sinasadyang narinig ko ang pag-uusap ng masasamang pulis. Tila dadalhin nila ako sa isang lugar para tanungin. Ah! Hindi nila ako papatayin—at naghahanda pa naman akong mamatay na isang martir para sa Diyos! Habang iniisip ko ito, sa kung anong dahilan sinikipan ng isa sa mga pulis ang mga tali ng talukbong sa ulo ko. Hindi nagtagal, hindi na ako komportable—pakiramdam ko ay sinasakal ako. Inisip ko kung talagang pahihirapan nila ako hanggang sa mamatay. Sa sandaling iyon, inisip ko kung paano isinakripisyo ng mga disipulo ni Jesus ang kanilang sarili para ipangaral ang ebanghelyo. Hindi ako magpapakaduwag. Mamatay man ako, hindi ako magmamakaawa sa kanila na luwagan ito, ni aaminin kong talo na ako. Pero hindi ko napigil ang sarili ko: hinimatay ako at bumagsak sa harap nila. Nang makita ang nangyayari, agad niluwagan ng mga pulis ang talukbong. Nagsimulang bumula ang bibig ko, pagkatapos ay panay ang suka ko. Pakiramdam ko isusuka ko ang bituka ko. Nahilo ako, naliyo, at hindi ko maimulat ang mga mata ko. Walang lakas ang anumang bahagi ng katawan ko, na para bang paralisado ako. Pakiramdam ko may malagkit na bagay sa bibig ko na hindi ko kayang mailabas. Noon pa man ay mahina na ako, at matapos akong abusuhin nang ganito nadama kong nasa panganib ako, na baka tumigil ako sa paghinga anumang oras. Sa gitna ng sakit, nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos! Mabuhay man ako o mamatay, handa akong sumunod sa Iyo. Hinihiling kong pangalagaan Mo ang puso ko, para makaayon ako sa lahat ng isinasaayos at inihahanda Mong gawin.” Kalaunan, dumating ang sasakyan sa isang hotel. Sa oras na iyon, hinang-hina ang buong katawan ko at hindi ko kayang maimulat ang mga mata ko. Binuhat nila ako papunta sa isang saradong silid. Ang maririnig ko lang ay ang ingay ng maraming tauhan ng pamahalaang CCP na nakatayo sa paligid at pinag-uusapan ako, na sinasabi na para nilang nakikita sa akin ang nangyari kay Liu Hulan. Naunawaan ko na, makabagbag-damdamin! Mas matapang pa siya kay Liu Hulan! Nang marinig ko ito, napuno ng katuwaan ang puso ko. Nakita ko na sa pamamagitan ng pagsandal sa pananampalataya at pag-asa sa Diyos ay tiyak na magkakaroon ng tagumpay laban kay Satanas, na natatapakan ng Diyos si Satanas! Pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos. Sa sandaling ito, nalimutan ko ang sakit. Labis akong nasiyahang luwalhatiin ang Diyos. Hindi naglaon pagkatapos nito, dumating ang “eksperto sa pagtatanong” na binanggit ng pulis. Pagkapasok na pagkapasok niya, sumigaw siya: “Nasaan ang hangal na ‘yan? Patingin nga!” Lumakad siya sa harapan ko at sinunggaban ako. Matapos akong sampalin sa mukha nang napakaraming beses, pinagsusuntok niya ako sa dibdib at likod, pagkatapos ay tinanggal ang isa sa sapatos niyang yari sa balat at inihampas iyon sa mukha ko. Matapos niya akong bugbugin nang ganito, naglaho ang pakiramdam ko na mayroon akong hindi masabi o masikmura. Nawala ang hilo ko at kaya ko nang imulat ang mga mata ko. Unti-unting bumalik ang pakiramdam sa mga kamay at paa ko, at nagsimulang bumalik ang lakas sa katawan ko. Pagkatapos, marahas niyang sinunggaban ang mga balikat ko at itinulak ako sa pader, na inuutusan akong tumingin sa kanya at sagutin ang kanyang mga tanong. Nang makita niyang hindi ko siya pinapansin, nagalit siya, at sinubukang kunin ang reaksyon ko sa pamamagitan ng panlalait, paninirang-puri at paglapastangan sa Diyos. Ginamit niya ang pinaka-nakamumuhi at kasuklam-suklam na paraan para mabitag ako, at nagbabantang sinabi: “Sinasadya kong pahirapan ka hanggang sa hindi na makayanan ng iyong katawan at kaluluwa, para dumanas ka ng sakit na hindi kayang danasin ng isang normal na tao—nanaisin mong mamatay. Sa huli, magmamakaawa ka sa akin na pawalan ka, at doon magkakaroon ng katuturan ang sasabihin mo, at sasabihin mo na hindi hawak ng Diyos ang kapalaran mo—ako ang mayhawak niyon. Kung gusto kong mamatay ka, mangyayari iyon kaagad; kung gusto kong mabuhay ka, mabubuhay ka; at anumang paghihirap ang gusto kong danasin mo, daranasin mo iyon. Hindi ka maililigtas ng iyong Makapangyarihang Diyos—mabubuhay ka lang kung magmamakaawa ka sa amin na iligtas ka.” Nahaharap sa kasuklam-suklam, walanghiya, nakamumuhing masasamang loob, mababangis na hayop, at masasamang demonyo, talagang gusto kong labanan sila. “Lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay nililikha ng Diyos at pinamamahalaan Niya,” ang naisip ko. “Ang kapalaran ko ay sumasailalim din sa dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang Diyos ang Tagapamagitan ng buhay at kamatayan, sa tingin mo ba ay mamamatay ako dahil iyan ang gusto mo para sa akin?” Sa sandaling iyon, punung-puno ng galit ang puso ko. Lahat ng kasuklam-suklam na mga kilos ng mga pulis na nagpakana sa akin at lahat ng bagay na paglapastangan at paglaban sa Diyos na nasabi nila ngayon ay malinaw na inilantad ang kanilang kademonyohan bilang napopoot sa katotohanan at lumalaban sa Diyos, at ito ang magiging ebidensyang kailangan upang garantiyahan ang pagsumpa, kaparusahan at pagwasak ng Diyos.

 

Nang ayaw kong magtapat napahiya nang husto ang eksperto. Pagalit niyang pinilipit ang isang braso ko at hinila ang isa pa sa likod ng balikat ko, pagkatapos ay pinosasan nang mahigpit ang mga kamay ko nang magkasama. Wala pang isang oras pagkaraan, tumulo ang malalaking butil ng pawis sa mukha ko, na pumigil sa akin na magmulat ng aking mga mata. Nakikitang hindi ko pa rin sasagutin ang kanyang mga tanong, inihagis niya ako sa sahig, at saka ako iniangat na nakahawak sa mga posas sa likod ko. Agad nakaramdam ng matinding sakit ang mga braso ko, na para bang nabali ang mga iyon. Napakasakit na halos hindi ako makahinga. Sumunod, inihagis niya ako sa pader at pinatayo ako nang pasandal dito. Nanlabo ang mga mata ko sa pawis. Napakasakit kaya pinagpawisan ang buong katawan ko—pati na ang sapatos ko. Noon pa man ay mahina na ako, at sa sandaling ito ay napahandusay ako. Ang tanging nagawa ko ay maghabol ng hininga sa bibig ko. Nakatayo ang demonyo sa isang tabi at pinanonood ako. Hindi ko alam kung ano ang nakita niya—siguro takot siyang masisi kung mamatay ako—bigla siyang sumunggab ng sandakot na tisyu para punasan ang pawis ko, at saka ako pinainom ng isang tasang tubig. Ginawa niya ito tuwing lilipas ang wala pang kalahating oras. Hindi ko alam kung ano ang hitsura ko noon. Palagay ko lubhang nakakatakot, dahil makakahabol lang ako ng hininga nang nakabuka ang bibig ko; tila nawalan ako ng kakayahang huminga sa ilong ko. Tuyo at bitak ang mga labi ko at kinailangan ko ng buong lakas para makahinga. Nadama kong muli na malapit na akong mamatay—siguro sa pagkakataong ito ay talagang mamamatay na ako. Pero sa sandaling iyon, naisip ko si Lucas, isa sa mga disipulo ni Jesus, at ang karanasan niyang mabitin nang buhay. Sa puso ko, kusang nagbalik ang aking lakas, at paulit-ulit kong sinabi para ipaalala sa sarili ko: “Namatay si Lucas nang ibitin siya nang buhay. Ako, gayundin, ay dapat maging si Lucas, kailangan kong maging Lucas, maging Lucas … Kusa kong sinusunod ang mga plano at pagsasaayos ng Diyos, nais kong maging tapat sa Diyos hanggang kamatayan kagaya ni Lucas.” Nang hindi ko na makayanan ang sakit at nasa bingit na ako ng kamatayan, bigla kong narinig na sinabi ng isa sa masasamang pulis na may ilang kapatid na nananalig sa Makapangyarihang Diyos ang naaresto. Sa puso ko, nabigla ako: May ilang kapatid pa na pahihirapan. Malamang na pahihirapan nila nang husto ang mga lalaki. Alalang-alala ako. Panay ang pagdarasal ko nang tahimik para sa kanila. Siguro inantig ako ng Banal na Espiritu; habang lalo akong nananalangin lalo akong nagkaroon ng inspirasyon. Hindi ko namalayan na nalimutan ko ang aking pasakit. Alam na alam ko na ang mga ito ay matalinong mga pagsasaayos ng Diyos; inaalala ng Diyos ang aking kahinaan, at inaakay ako sa pinakamasakit kong sandali. Noong gabing iyon, wala na akong pakialam kung paano ako tinrato ng masasamang pulis, at hindi ko man lang pinansin ang kanilang mga tanong. Nakikita ang nangyayari, ginamit ng masasamang pulis ang kanilang mga kamao para malupit akong pagsusuntukin sa mukha, pagkatapos ay inikit ang buhok ko sa sentido sa kanilang mga daliri at pinilipit ito. Namaga ang mga tainga ko dahil sa pagpilipit, hindi makilala ang mukha ko, pasa-pasa ang mga binti at hita ko at nagbabalat nang hambalusin nila ako ng makapal na pirasong kahoy, at ang mga daliri ko sa paa ay nangitim din matapos durugin ng isang pirasong kahoy. Matapos akong ibitin sa mga posas nang anim na oras, nang tanggalin ng masasamang pulis ang mga posas, kinuskos nila ang laman sa ilalim ng aking kaliwang hinlalaki—halos buto na lang ang natira. Nag-iwan din ng dilaw na paltos ang mga posas sa mga pulso ko, at walang paraan para maibalik itong muli. Sa sandaling iyon, isang mukhang importanteng babaeng opisyal na pulis ang pumasok. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, at saka sinabi sa kanila: “Hindi na ninyo puwedeng bugbugin ang isang ito—malapit na siyang mamatay.” Kinandaduhan ako ng mga pulis sa isa sa mga silid ng hotel. Saradung-sarado ang mga kurtina nito dalawampu’t apat na oras bawat araw. May nakatalagang magbantay sa pintuan, at walang tauhang tagasilbi ang pinayagang makapasok, ni walang pinayagang makakita sa mga tagpo na pinahihirapan at pinagmamalupitan nila ako sa loob. Naghalinhinan sila sa walang tigil na pagtatanong sa akin. Sa loob ng limang araw at gabi, hindi nila ako pinatulog, hindi nila ako pinaupo o pinatingkayad, ni hindi nila ako pinayagang kainin ang rasyon kong pagkain. Pinayagan lang akong tumayo nang pasandal sa pader. Isang araw, dumating ang isang opisyal para tanungin ako. Nakikitang hindi ko siya pinapansin, nagwala siya at napahagis ako sa ilalim ng mesa nang sipain niya ako. Sumunod, hinatak niya ako mula sa ilalim at sinuntok, kaya tumulo ang dugo sa sulok ng bibig ko. Para pagtakpan ang kanyang kalupitan, agad niyang isinara ang pinto para walang makapasok. Pagkatapos ay kumuha siya ng isang dakot na tisyu at pinunasan ang dugo ko, hinugasan ng tubig ang dugo sa mukha ko at nilinis ang dugo sa sahig. Sadya akong nag-iwan ng dugo sa puti kong pangginaw. Gayunman, pagbalik ko sa detention center, sinabi ng masamang pulis sa iba pang mga bilanggo na ang dugo sa damit ko ay nagmula sa noong pagtibayin ako sa mental hospital, at sinabi na doon ako nanggaling sa huling ilang araw. Ang mga sugat at dugo sa aking katawan ay isinanhi ng mga pasyente—sila, ang mga pulis, ay hindi pa ako nahawakan…. Ang malulupit na katotohanang ito ay nagpakita sa akin ng walang-awa at mapanirang katusuhan, at hindi pagkamakatao ng “mga pulis ng mga tao,” at kasabay nito, tunay kong naramdaman ang proteksyon at pangangalaga ng Diyos sa akin. Tuwing labis-labis ang sakit na nadarama ko, liliwanagan at gagabayan ako ng Diyos, pinag-iibayo ang aking pananampalataya at lakas, nagbibigay sa akin ng tapang na tumayong saksi para sa Kanya. Nang iwanan ako ng kalupitan ng masasamang pulis hanggang sa malapit nang mamatay, tinulutan ako ng Diyos na marinig ang balita na inaresto ang iba pang mga kapatid, at naging dahilan din ito para ipagdasal ko sila, kaya nalimutan ko ang aking pasakit at hindi sinasadyang nadaig ko ang pagpigil ng kamatayan. Salamat sa pangontra sa masama at buktot na si Satanas, nakita ko na ang Diyos lamang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at na ang disposisyon ng Diyos lamang ang simbolo ng katuwiran at kabutihan Ang Diyos lamang ang namumuno sa lahat, at nagsasaayos ng lahat, at ginagamit Niya ang Kanyang dakilang kapangyarihan at karunungan upang akayin ako sa bawat hakbang sa pagdaig sa paglusob ng napakaraming demonyo, sa pagdaig sa kahinaan ng laman at sa pagpigil ng kamatayan, kaya matibay kong nalagpasan ang madilim na lunggang ito. Nang maisip ko ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos, nakadama ako ng matinding inspirasyon, at ipinasiya kong labanan si Satanas hanggang sa pinakawakas. Kahit nabulok ako sa bilangguan, matibay akong maninindigan sa aking patotoo at mabigyang-kasiyahan ang Diyos.

 

Matapos nilang subukan ang lahat ng magagawa, walang nakuha sa akin ang masasamang pulis. Sa huli, sinabi nila nang buong paniniwala: “Ang mga komunista ay yari sa bakal, pero ang mga nananalig sa Makapangyarihang Diyos ay yari sa diyamante—nasa mas mataas na antas sila kaysa mga komunista sa lahat ng aspeto.” Matapos marinig ang mga salitang ito, sa puso ko’y hindi ko maiiwasang magbunyi at purihin ang Diyos: O Diyos, ako ay nagpapasalamat at nagpupuri sa Iyo! Sa Iyong pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan nagapi Mo si Satanas at natalo ang Iyong mga kaaway. Ikaw ang pinakamataas na awtoridad, at nawa’y mapasa-Iyo ang kaluwalhatian! Sa sandaling ito ko lamang nakitang: hindi mahalaga kung gaano kalupit ang CCP, ito ay kinokontrol at isinasaayos ng mga kamay ng Diyos. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Lahat ng bagay sa kalangitan at sa lupa ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi sila maaaring magkaroon ng anumang pagpipilian at kailangang magpasakop ang lahat sa Kanyang mga pagsasaayos. Ito ay iniutos ng Diyos, at ito ang awtoridad ng Diyos” (“Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

 

Isang araw, dumating ang masasamang pulis para tanungin akong muli. Sa pagkakataong ito lahat sila ay tila medyo kakatwa ang kilos. Tumingin sila sa akin nang magsalita sila, pero hindi naman sila mukhang nakikipag-usap sa akin. Mukhang may pinag-uusapan silang isang bagay. Gaya sa nakaraang mga pagkakataon, natapos ang pagtatanong na ito na wala silang napala. Kalaunan, ibinalik ako ng masasamang pulis sa aking selda. Habang daan, bigla ko silang narinig na mukhang pakakawalan na ako sa unang araw ng susunod na buwan. Nang marinig ko ito, halos sumabog ang puso ko sa kasabikan: Ibig sabihin ay makakalabas na ako sa loob ng tatlong araw! Sa wakas ay maaari ko nang lisanin ang impiyernong ito! Habang pinipigil ang katuwaan sa puso ko, umasa at naghintay ako habang lumilipas ang bawat segundo. Parang tatlong taon ang tatlong araw na iyon. Sa huli, sumapit ang unang araw ng buwan! Noong araw na iyon, nakatitig lang ako sa sahig, naghihintay na tawagin ang pangalan ko. Lumipas ang umaga, at walang nangyari. Asang-asa ako na aalis na ako noong hapong iyon—pero pagsapit ng gabi, wala pa ring nangyari. Nang oras na para maghapunan, wala akong ganang kumain. Sa puso ko, nakadama ako ng kawalan; sa sandaling iyon, parang nalaglag ang puso ko sa impiyerno mula sa langit. “Bakit hindi siya kumakain?” tanong ng guwardiya sa iba pang mga bilanggo. “Wala pa siyang nakakain simula nang bumalik siya matapos siyang tanungin noong araw na iyon,” sagot ng isa sa mga bilanggo. “Damhin mo nga ang noo niya; maysakit ba siya?” sabi ng guwardiya. Lumapit ang isang bilanggo at dinama ang noo ko. Sabi niya napakainit niyon, na nilalagnat ako. Totoo naman. Biglang-bigla akong nagkasakit, at napakalubha niyon. Sa sandaling iyon, hinimatay ako. Sa nagdaang dalawang oras, tumaas nang tumaas ang lagnat ko. Umiyak ako! Lahat sila, pati na ang guwardiya, ay minasdan akong umiiyak. Lahat sila, nataranta: Ang tingin nila sa akin ay isang taong hindi natukso sa pagkain ni nasindak na hambalusin, na hindi umiyak tuwing nahaharap siya sa matinding pagpapahirap, na ibinitin sa posas nang anim na oras nang hindi dumaraing. Pero ngayon, hindi ako pinahirapan, pero umiyak ako. Hindi nila alam kung saan nagmula ang mga luha ko—basta inisip nila na napakalubha ng sakit ko. Sa katunayan, ako at ang Diyos lamang ang nakaalam ng dahilan. Itong lahat ay dahil sa aking pagka-mapanghimagsik at pagsuway. Tumulo ang mga luhang ito dahil nawalan ako ng pag-asa nang hindi matupad ang mga inaasam ko. Mga luha ito ng pagka-mapanghimagsik at pagdaing. Sa sandaling iyon, ayaw ko nang ipasiyang magpatotoo sa Diyos. Ni wala akong lakas ng loob na masubukang muli ang ganito. Noong gabing iyon, naglabas ako ng mga luha ng kalungkutan, dahil sawa na akong manatili sa bilangguan, kinasuklaman ko ang mga demonyong ito—at higit pa riyan, kinamuhian kong mapunta sa lugar na ito ng mga demonyo. Ayaw ko nang gumugol doon ng isa pang segundo. Nang lalo kong isipin ito, lalo akong nalungkot, at lalo akong nakadama ng matinding karaingan, awa sa sarili, at kalungkutan. Nadama ko na para akong nasa isang malumbay na bangkang nakalutang sa dagat, na maaaring lamunin ng tubig anumang oras; bukod pa riyan, nadama ko na lihim akong sinisiraan ng mga tao sa paligid ko at nakakatakot na baka ibulalas nila ang kanilang galit sa akin anumang oras. Paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, at ang mga salitang ito mula sa Kanya ay sumagi sa akin: “Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para bigyang-kasiyahan ang Kanyang kagustuhan? Walang bagay na hihigit pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang gulugod, mga mahihinang nilalang. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang sigla sa ganitong paraan” (“Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng pananampalataya. Naisip ko kung paano ako taimtim na nanumpa sa harap ng Diyos na kahit gaano ako maghirap, tatayong saksi ako at ipapahiya si Satanas. Ngunit nang maharap ko ang pagpapahirap ng pulisya sa mahabang panahon, nawala ang aking paninindigan at inaasahan ko lamang ang araw na makakatakas ako sa mahirap na lugar na iyon. Anong uri ng pagpapasakop iyon? Anong uri ng patotoo iyon? Sa isang panalangin sa Diyos, nanumpa ako na kahit na nangangahulugan ito ng paggugol ng aking buong buhay sa bilangguan, hindi ako kailanman susuko kay Satanas. Tatayong saksi ako at ipapahiya si Satanas. Kaya noong Disyembre 6, 2005, ako ay pinalaya, tinatapos na ang impiyerno na buhay sa bilangguan.

 

Matapos danasin ang pagdakip na ito at pag-uusig, bagama’t natiis ng aking katawan ang ilang paghihirap, nagkaroon ako ng kabatiran at natuto ng pagkilala, at tunay kong nakita na ang pamahalaang CCP ang sagisag ng diyablong si Satanas, isang grupo ng mga mamamatay-tao na papatay ng mga tao sa isang kisap-mata, pero naunawaan ko rin ang kapangyarihang walang hanggan at karunungan ng Diyos, gayundin ang Kanyang katuwiran at kabanalan, napahalagahan ko ang mabubuting layunin ng Diyos sa pagliligtas sa akin, at ang Kanyang pagmamalasakit at pangangalaga sa akin, na nagtutulot sa akin, habang nagmamalupit si Satanas, na madaig si Satanas sa paisa-isang hakbang, at matibay na manindigan sa aking patotoo. Mula nang araw na iyon, ninais kong ibigay nang lubusan ang kabuuan ko sa Diyos. Tapat kong susundin ang Diyos, para maaaring makamit Niya ako nang mas maaga.

 

________________________________

 

Magrekomenda nang higit pa:

Kung gusto mong matuto nang higit pa, maaari kang makipag-ugnay sa amin sa pamamagitan ng Messenger anumang oras!

Write a comment

Comments: 0