Naniniwala ang relihiyosong mundo na lahat ng banal na kasulatan ay binigyang-inspirasyon ng Diyos at na ito ay pawang mga salita ng Diyos; paano dapat unawain ng isang tao ang pahayag na ito?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Hindi lahat ng nasa Biblia ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga hula ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Marami sa nasa mga aklat ng Biblia ang mga pagkaintindi ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pakahulugan ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pakahulugang iyon—pero hindi pa rin masasabi na sila ay tamang-tama na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang nagmula sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga hula ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa direktang tagubilin ng Banal na Espiritu, ang mga taong ito ay mga propeta, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na direktang itinagubilin ni Jehova.
—mula sa “Tungkol sa Biblia (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na inalagaan ni Jehova ay nagsalita ng hula para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at inihula ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang mga taong ito na itinindig ay lahat nabigyan ng Espiritu ng propesiya ni Jehova: Kanilang nakita ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig ang Kanyang boses, at kaya sila’y nabigyang-inspirasyon Niya at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay ang pahayag ng tinig ni Jehova, ito ang gawain ng propesiya na kanilang ginawa sa ngalan ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon ay basta lamang gabayan ang mga tao gamit ang Espiritu; hindi Siya naging katawang-tao, at walang nakita ang mga tao sa Kanyang mukha. Kaya, itinindig Niya ang maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at lahi ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila’y isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang maipakita sa iba. Itinindig ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang hulaan ang gawain ng hinaharap o ang gawain na dapat pang matapos sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagkanakakamangha at karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay sadyang naiiba sa ibang mga aklat ng Biblia; ang mga ito ay mga salita na binigkas o isinulat ng mga nabigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkamit ng mga pangitain o boses mula kay Jehova. Bukod sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay mga talaan na gawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi panghalili sa mga hulang sinabi ng mga propeta na itinindig ni Jehova, katulad ng Genesis at Exodo na hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago naisagawa ang gawain; ang ibang aklat, samantala, ay isinulat pagkatapos nito, na siya namang kaya ng mga tao. … Sa paraang ito, kung ano ang nakasulat sa Biblia ay pulos gawain sa Israel nang panahong iyon. Ang mga salitang winika ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … hinuhulaan ng kanilang mga salita ang Kanyang ibang gawain sa daigdig, hinuhulaan nila ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, lahat ng iba ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova nang panahong iyon.
—mula sa “Tungkol sa Biblia (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kung nais mong sumaksi sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, kailangan mong maunawaan ang tunay na pangyayari sa Biblia, ang balangkas ng Biblia, at ang diwa ng Biblia. Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Biblia ay Diyos, at na ang Diyos ay Biblia. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Biblia ay mga salita lamang na sinabi ng Diyos, at na lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat sa animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pakahulugan ng mga tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng tao, resulta lahat ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. Sa gayon, ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga direktang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagawa ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng marami sa gawain ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ito para sa lahat ng kapatid sa Panginoon, at ginawa upang sundin ng mga kapatid sa lahat ng iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at maging tapat sila sa lahat ng pamamaraan ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalaala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginawa niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayon ibinigay sa kanya ang responsabilidad sa mga iglesia, inatasan siyang isagawa ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpapatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi niya maaaring katawanin ang Diyos. Mapangahas na pag-unawa, at napakalaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang naglilingkod na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Kaya para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay kapareho ng kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga ideya ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga ideya ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sa lawak ng kanyang sariling buhay. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng kaiba, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao; hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katapat ng mga talambuhay ng kamakailang espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng kamakailang espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring direktang katawanin ang Diyos.
—mula sa “Tungkol sa Biblia (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang Ebanghelyo ni Mateo sa Bagong Tipan ay itinatala ang talaangkanan ni Jesus. Sa simula, sinasabi rito na si Jesus ay inapo ni Abraham at ni David, at anak ni Jose; pagkatapos ay sinabi rito na ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at ipinanganak ng isang birhen—ibig sabihin ay hindi Siya anak ni Jose o inapo ni Abraham at ni David. Gayunman, iginigiit ng talaangkanan na iugnay si Jesus kay Jose. Pagkatapos, sinimulang itala ng talaangkanan ang proseso kung paano isinilang si Jesus. Sabi rito, si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na Siya ay ipinanganak ng isang birhen, at hindi Siya anak ni Jose. Pero sa talaangkanan malinaw na nakasulat na si Jesus ay anak ni Jose, at dahil isinulat ang talaangkanan para kay Jesus, apatnapu’t dalawang henerasyon ang nakatala rito. Pagdating sa henerasyon ni Jose, dali-dali nitong sinabi na si Jose ang asawa ni Maria, mga salita na nilayong patunayan na si Jesus ay inapo ni Abraham. Hindi ba pagsalungat ito? Ang talaangkanan ay malinaw na isinasaad ang kanunu-nunuan ni Jose, malinaw na ito ang talaangkanan ni Jose, pero iginigiit ni Mateo na ito ang talaangkanan ni Jesus. Hindi ba nito ikinakaila ang katunayang ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Samakatwid, ang talaangkanan bang sinabi ni Mateo ay hindi ideya ng tao? Nakakatawa ito! Sa ganitong paraan, alam mo na ang aklat na ito ay hindi lubusang nagmula sa Banal na Espiritu.
—mula sa “Tungkol sa Biblia (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ngayon, sino sa inyo ang mangangahas na magsabi na ang lahat ng salitang sinabi ng yaong mga ginamit ng Banal na Espiritu ay mula sa Banal na Espiritu? Mayroon ba sa inyo ang mangangahas sabihin ang gayong mga bagay? Kapag sinabi mo ang gayong mga bagay, bakit iwinaksi ang aklat ng hula ni Ezra, at bakit ganoon din ang ginawa sa mga aklat ng mga sinaunang banal at propeta? Kung ang lahat ng iyon ay mula sa Banal na Espiritu, bakit kayo nagtatangkang gumawa ng ganoong mga pabago-bagong pagpili? Ikaw ba ay karapat-dapat na pumili ng gawain ng Banal na Espiritu? Maraming kwento mula sa Israel ang iwinaksi rin. At kung ikaw ay naniniwala na ang mga kasulatang ito ng nakaraan ay pawang mula sa Banal na Espiritu, sa gayon bakit iwinaksi ang ilan sa mga aklat? Kung ang lahat ng ito ay mula sa Banal na Espiritu, ang lahat ng ito ay dapat itago, at ipadala sa mga kapatid ng mga iglesia upang basahin. Hindi dapat piliin at iwaksi ang mga ito batay sa kalooban ng tao; mali ang gawin iyon. Ang pagsabi na ang mga karanasan nina Pablo at Juan ay nakahalo sa kanilang mga sariling nakikita ay hindi nangangahulugan na ang kanilang mga karanasan at kaalaman ay mula kay Satanas, sa halip ay mayroon lamang silang mga bagay na nagmula sa kanilang mga sariling karanasan at nakikita. Ang kanilang kaalaman ay ayon sa pinagmulan ng mga aktwal na karanasan sa panahong iyon, at sino ang siguradong makapagsasabi na ang lahat ng ito ay mula sa Banal na Espiritu? Kung ang lahat ng Apat na Ebanghelyo ay nagmula sa Banal na Espiritu, kung gayon bakit si Mateo, Marcos, Lukas, at Juan ay iba’t iba ang nasabi tungkol sa gawain ni Jesus? Kung hindi kayo naniniwala rito, tingnan ninyo ang mga tala sa Biblia kung paanong tatlong beses na itinanggi ni Pedro ang Panginoon: Magkakaiba silang lahat, at bawat isa ay mayroong kani-kanyang mga katangian. Maraming mangmang ang nagsasabing, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isa ring tao, kaya ang mga salita ba na Kanyang sinasabi ay maaaring ganap na mula sa Banal na Espiritu? Kung ang mga salita nina Pablo at Juan ay ihinalo sa kalooban ng tao, kung gayon ang mga salita bang Kanyang sinasabi ay hindi talaga nahaluan ng kalooban ng tao?” Ang mga taong nagsasabi ng ganoong bagay ay mga bulag at mangmang! Basahin nang mabuti ang Apat na Ebanghelyo; basahin kung ano ang kanilang itinala tungkol sa mga bagay na ginawa ni Jesus, at ang mga salitang sinabi Niya. Ang bawat ulat ay, talagang simple, kakaiba, at bawat isa ay mayroong sariling pananaw. Kung ang isinulat ng mga manunulat sa mga aklat na ito ay mula lahat sa Banal na Espiritu, kung gayon ang lahat ng ito ay dapat magkakatulad at hindi pabago-bago. Kaya bakit mayroong mga hindi pagkakaayon?
—mula sa “Hinggil sa mga Pangalan at Pagkakakilanlan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Pinagmumulan: https://tl.kingdomsalvation.org/god-and-the-bible-2.html
_________________________________________________________________
Ano ang Biblia? Maraming tao ang nakakaalam na ito ay isang klasiko ng Kristiyanismo, kabilang ang Luma at Bagong Tipan, gayunpaman, kung ano ang nasa loob ng katotohanan ng Biblia, walang sinuman ang maaari itong gawing malinaw. alamin natin ang tungkol sa bibliya.
Write a comment