Ni Chen Ai, China
Sinundan ko ang mga magulang ko sa kanilang pananalig sa Panginoon mula pa noong maliit ako, at ngayon ay nakamulagat sa mukha ko ang katandaan. Bagama’t buong buhay na akong nananalig sa Panginoon, ang problema kung paano maaalis ang kasalanan ko at paano ako makakapasok sa kaharian ng langit ay naging isang di-malutas-lutas na palaisipan na naging dahilan para lagi akong maligalig, at malito at masaktan. Gustung-gusto kong malaman habang nabubuhay ako kung paano maaalis ang kasalanan ko at paano ako makakapasok sa kaharian ng langit para kapag oras ko na ay mahaharap ko ang kamatayan na nalalaman na kumpleto ang buhay ko, at sa wakas ay maaari ko nang makilala ang Panginoon na may kapayapaan sa puso ko.
Sa pagtatangkang lutasin ang problemang ito, masugid akong kumonsulta sa Biblia, na palipat-lipat mula sa Lumang Tipan patungo sa Bago at mula sa Bagong Tipan patungo sa Luma, na paulit-ulit na nagbabasa ng Biblia. Ngunit sa huli, wala akong nakitang tamang sagot. Dahil wala nang mapagpipilian, ang tanging nagawa ko ay gawin ang lahat para magpakabuti hangga’t kaya ko ayon sa mga turo ng Panginoon, dahil sinabi ng Panginoon: “Ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas” (Mateo 11:12). Ngunit natuklasan ko na sa tunay na buhay, gaano ko man pinagsikapan, hindi ko pa rin masunod ang hiling sa akin ng Panginoon. Tulad ng sinabi ng Panginoon: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37–39). Hinihiling ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos nang buong puso’t isipan, at na magmahalan ang magkakapatid. Ngunit kahit ano ang gawin ko, hindi ko talaga magawang magmahal nang ganito, dahil higit ang pagmamahal ko sa aking pamilya kaysa pagmamahal ko sa Panginoon, at hindi ko talaga kayang tunay na mahalin ang aking mga kapatid sa iglesia tulad ng pagmamahal ko sa aking sarili. Bagkus, madalas ay makitid ang isip ko at maingat ako sa iba pagdating sa sarili kong mga interes, kaya sumasama ang loob ko. Paano pa maliligtas at makakapasok sa kaharian ng langit ang isang katulad ko? Marami ring sinabi ang Panginoong Jesus tungkol sa pagpasok sa kaharian ng langit, tulad ng: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit” (Mateo 18:3). “Sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit” (Mateo 5:20). Hindi ko naisagawa ang anuman sa mga kahilingang ito ng Panginoon. Madalas akong magsinungaling, at sinisisi ko ang Panginoon tuwing may nararanasan akong hindi ko gusto. Nakakaisip akong manlinlang at magsinungaling, at palagi akong nagdurusa sa kasalanan, nagkakasala at nagsisisi, nagsisisi at nagkakasala, paulit-ulit. Ang Panginoon ay banal, at nasasaad sa Biblia: “Ang pagpapakabanal na kung wala ito’y sinoman ay di makakakita sa Panginoon” (Mga Hebreo 12:14). Paano magiging akma ang isang napakaruming katulad ko na makapasok sa kaharian ng langit? Naiinis akong masyado rito. Ngunit tuwing may nababasa ako tungkol sa paraan ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya na hinikayat ni Pablo sa Mga Taga-Roma, Mga Taga-Galacia, at Mga Taga-Efeso—na ang manampalataya at mabinyagan ay nangangahulugan na ang isang tao ay talagang naliligtas, na kung nananalig tayo sa Panginoon sa ating puso at sinasabi natin na kinikilala natin Siya, napapawalang-sala tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, naligtas na magpakailanman, at na kapag pumaritong muli ang Panginoon tiyak na itataas Niya tayo sa kaharian ng langit—mapupuspos ako ng kagalakan. Madarama ko na hindi ko kailangang mag-alala tungkol sa pagpasok sa kaharian ng langit. Ngunit maaalala ko ang sinabi ng Panginoon na makakapasok lamang ang mga tao sa kaharian ng langit sa pamamagitan ng kanilang sariling mga pagsisikap, at hindi ako mapapakali. Ang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya at pagkatapos ay makapasok sa kaharian ng langit—ganoon ba talaga kasimple iyon? Lalo na nang makita ko ang matatandang relihiyosong mananampalataya na malapit nang mamatay at mukhang lubhang balisa at nag-aalala, kaya’t iiyak pa silang masyado at walang sinuman sa kanila ang mukhang gustong mamatay, hindi ko mapigilang mag-isip: Kung sinasabi nila na makakapasok sila sa kaharian ng langit sa pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, bakit sila mukhang takot na takot habang nakaratay sa banig ng kamatayan? Mukhang sila mismo ay walang ideya kung naligtas na nga sila o hindi pa, ni kung saan sila tutungo pagkamatay nila. Paulit-ulit kong pinagnilayan ang mga salita ng Panginoong Jesus, at pinag-isipan ding mabuti ang mga salita ni Pablo, at natuklasan ko na ang mga salita ni Jesus at ang mga salita ni Pablo ay malaki ang pagkakaiba tungkol sa kung sino ang makakapasok sa kaharian ng langit. Ayon kay Pablo, ang isang tao ay napapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa paniniwala lamang sa Panginoon—kung magkagayon nga, lahat ay maliligtas. Kung gayon ay bakit sinabi ng Panginoong Jesus, “Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sarisaring isda: Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila’y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa’t itinapon ang masasama” (Mateo 13:47–48)? Bakit, kapag nagbalik ang Panginoon sa mga huling araw, kailangang paghiwalayin Niya ang trigo sa mga panirang damo, ang tupa sa mga kambing, at ang mabubuting alipin sa masasamang alipin? Mula sa mga salitang ito na sinambit ng Panginoong Jesus, malinaw na hindi lahat ng naniniwala sa Kanya ay makakapasok sa kaharian ng langit. Kaya nag-isip ako: Naligtas ba ako? At makakapasok ba ako sa kaharian ng langit pagkamatay ko? Nanatili pa nang matagal ang mga tanong na ito sa aking isipan na parang mga palaisipan, at wala akong maisagot sa mga ito.
Sa pagsisikap na malutas ang problemang ito, kinonsulta ko ang mga gawaing isinulat ng kilalang espirituwal na mga personahe sa paglipas ng mga panahon, ngunit karamihan sa nabasa ko ay mga interpretasyon ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ayon sa pagkasulat dito sa Mga Taga-Roma, Mga Taga-Galacia at Mga Taga-Efeso, at ni isa sa mga aklat na iyon ay hindi kayang mapalis ang aking pagkalito. Pagkatapos ay bumisita ako sa lahat ng kilalang elder sa Panginoon at dumalo sa mga pagtitipon ng maraming iba’t ibang denominasyon, ngunit nalaman ko na halos pare-pareho ang sinasabi nilang lahat, at walang sinumang makapagpaliwanag nang malinaw sa akin ng hiwaga kung paano makapasok sa kaharian ng langit. Kalaunan, natagpuan ko ang isang bagong katatayong dayuhang denominasyon, at naisip ko sa sarili ko na ang ganitong klaseng iglesia marahil ay maaaring magbigay ng kaunting bagong liwanag. Kaya nga, masiglang-masiglang dumalo ako sa isa sa kanilang mga pagtitipon. Sa simula ng kanilang sermon nakita ko na medyo naliwanagan ako, ngunit sa bandang huli, nalaman ko na ipinapangaral din nila ang paraan ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya, at nadurog ang puso ko sa pagkadismaya. Pagkatapos ng pagtitipon, hinanap ko ang punong pastor, at tinanong ko, “Pastor, hindi ko yata naunawaan ang sinabi mo na, ‘Sa sandaling naligtas, lagi nang ligtas.’ Puwede ka pa bang magbahagi sa akin tungkol dito?” Sabi ng pastor, “Napakadaling unawain nito. Sabi sa Mga Taga-Roma, ‘Sino ang magsasakdal ng anoman laban sa mga hirang ng Dios? Ang Dios ay ang umaaring-ganap; Sino ang hahatol?’ (Roma 8:33–34). Napawalang-sala na tayo ng Panginoong Jesucristo sa lahat ng ating kasalanan nang magpapako Siya sa krus. Ibig sabihin, lahat ng kasalanan natin, mga kasalanan man natin iyon noong araw, mga kasalanang ginagawa natin ngayon, o mga kasalanang gagawin pa natin sa hinaharap, ay napatawad nang lahat. Napawalang-sala na tayo magpakailanman sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at kung hindi tayo hahatulan ng Panginoon para sa ating mga kasalanan, sino ang posibleng magpaparatang sa atin? Samakatwid, hindi tayo kailangang mawalan ng pananampalataya sa pagpasok sa kaharian ng langit.” Mas nakalito pa sa akin ang sagot ng pastor, kaya sinundan ko iyon ng pagtatanong ng, “Paano mo ipapaliwanag ang nakasulat sa Mga Hebreo na, ‘Sapagka’t kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan’ (Mga Hebreo 10:26)?” Namula ang mukha ng pastor at wala na siyang ibang sinabi, at hindi nasagot ang tanong ko. Hindi lamang nabigo ang pagtitipong ito na malutas ang aking pagkalito, kundi sa halip, naragdagan pa nito ang pagkainis ko. Naisip ko sa sarili ko: “Napakatagal ko nang nananalig sa Panginoon, pero kung ni hindi malinaw sa akin kung pupunta sa Panginoon ang kaluluwa ko pagkamatay ko, hindi ba ibig sabihin niyan ay habambuhay nang magulo ang uri ng pananampalataya ko?” Pagkatapos ay sinimulan kong maghanap sa lahat ng lugar para masagot ang problema ko.
Noong Marso 2000, nag-aral ako sa isang seminaryong pinatatakbo ng mga dayuhan, tiwalang ang mga sermon na ipinangaral nila ay mas magaling at na siguradong malulutas nila ang aking pagkalito. Gayunman, nabigla ako, pagkatapos mag-aral doon nang dalawang buwan, kung kailan nag-uumapaw ang aking pananampalataya, natuklasan ko na ang ipinangaral ng lahat ng pastor ay dati pa rin, at na walang bagong liwanag man lang sa kanilang mga sermon. Habang naroon, wala akong narinig ni isang sermon na nagbibigay-buhay, ni wala akong nabasa kahit isang espirituwal na sanaysay. Hindi lamang sa hindi napalis ang aking pagkalito, kundi sa halip ay mas lalo pang nalito. Hindi ko napigilang malito, at naisip ko: “Mahigit dalawang buwan na ako rito, pero ano ang napala ko? Kung wala akong ikabubuhay rito, bakit pa ako magpapatuloy sa mga pag-aaral na ito?”
Isang gabi matapos maghapunan, tinanong ko ang isang pastor, “Pastor, bilang mga estudyante ng teolohiya, ito lang ba ang pinag-aaralan natin? Hindi ba natin puwedeng pag-usapan ang paraan ng pamumuhay?” Sumagot ang pastor nang napakaseryoso, “Kung hindi natin tatalakayin ang mga bagay na ito sa mga pag-aaral natin sa teolohiya, ano ang pag-uusapan natin? Tumahimik lang kayo at patuloy na mag-aral! Kami ang pinakamalaking organisasyong pangrelihiyon sa mundo at kinikilala kami sa buong mundo. Tuturuan namin kayo rito sa loob ng tatlong taon at pagkatapos ay sertipikado na kayo sa buong mundo bilang pastor. Pagdating ng panahong iyon, madadala ninyo ang sertipikong iyon kahit saan sa mundo para mangaral ng ebanghelyo at magtatag ng mga iglesia.” Talagang nadismaya ako sa sagot ng pastor. Ayaw kong maging pastor, gusto ko lang malaman kung paano makapasok sa kaharian ng langit. Kaya nga tinanong ko siya, “Pastor, sa nakikita ko na ang pagkakaroon ng sertipiko bilang pastor ay nagbubukas ng napakaraming oportunidad, magagamit ko ba iyon para makapasok sa kaharian ng langit?” Nang marinig ito, natahimik ang pastor. Nagpatuloy ako. “Pastor, balita ko bata ka pa ay nanalig ka na sa Panginoon. Maraming taon na ngayon ang nakalipas, kaya iniisip ko, naligtas ka na ba?” Sagot niya, “Oo, naligtas na ako.” Tanong ko, “Makakapasok ka na ba sa kaharian ng langit?” Nakatitiyak sa sarili, sabi niya, “Siyempre pa!” Pagkatapos ay itinanong ko, “Kung gayo’y puwede ko bang itanong kung ano ang batayan mo sa pagsasabi na makakapasok ka na sa kaharian ng langit? Mas matuwid na tao ka ba kaysa mga eskriba at Fariseo noon? Mahal mo ba ang iyong kapwa tulad sa sarili mo? Ikaw ba ay banal? Isipin mo ito: Hindi pa rin natin mapipigilang magkasala palagi at sumuway sa mga turo ng Panginoon, at nabubuhay tayo araw-araw na nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Ang Diyos ay banal, kaya palagay mo ba talagang makakapasok tayo sa kaharian ng langit kapag punung-puno tayo ng kasalanan?” Hindi nakasagot ang pastor at namula nang husto ang kanyang mukha, at hindi siya nagsalita nang ilang sandali. Masyado akong nadismaya sa kanyang reaksyon, at pakiramdam ko kung nagpatuloy ako sa pag-aaral doon hindi ko mauunawaan ang hiwaga ng kung paano magtamo ng buhay at makapasok sa kaharian ng langit. Kaya nga, tinalikuran ko ang aking pag-aaral sa seminaryo at bumalik ako sa aking bayang sinilangan.
Sa aking biyahe pauwi, napakasama ng pakiramdam ko; pakiramdam ko parang nadurog ang huling pag-asa ko. Naisip ko sa sarili ko: “Kahit sa isang seminaryong pinatatakbo ng mga dayuhang pastor wala pa rin akong nakitang daan para mapalis ang kasalanan ko at makapasok ako sa kaharian ng langit. Saan pa ako maaaring magpunta para mahanap ang daang ito?” Pakiramdam ko parang wala na akong masusulingan. Sa sandaling iyon mismo, muli kong nakita ang larawan ng aking matandang ama at ng isang matandang pastor na umiiyak at malapit nang mamatay. Naisip ko kung paano nila nagugol ang buong buhay nila sa pangangaral ng paraan ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya, na makakapasok ang mga tao sa kaharian ng langit pagkamatay nila, ngunit sa huli ay pumanaw sila na puno ng pagsisisi. Buong buhay na akong naniwala sa Panginoon at sinabi ko na sa mga tao araw-araw na papasok sila sa kaharian ng langit pagkamatay nila, subalit hindi ko pa tunay na nalinawan kung paano talaga makapasok sa kaharian ng langit—lilisanin ko ba ang buhay na ito na puno ng pagsisisi na tulad ng aking ama at ng pastor? Sa gitna ng aking pagdadalamhati, biglang pumasok sa aking isipan ang mga salitang ito mula sa Panginoon: “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7). “Tama iyon,” naisip ko. “Matapat ang Panginoon, at hangga’t naghahanap ako nang may tapat na puso ay tiyak na gagabayan ako ng Panginoon. Hindi ako maaaring sumuko. Hangga’t may natitirang hininga sa aking katawan, patuloy akong maghahanap ng daan patungo sa kaharian ng langit!” Pagkatapos ay humarap ako sa Panginoon upang manalangin: “Mahal na Panginoon, hinanap ko na ang daan sa lahat ng lugar para mapalis ang kasalanan ko at makapasok ako sa kaharian ng langit, pero walang nakalutas sa problema ko. Mahal na Panginoon, ano ang dapat kong gawin? Bilang isang pastor, sinasabi ko sa mga kapatid araw-araw na dapat silang masigasig na maghanap at magtiyaga hanggang sa huli, at na paparito Ka upang dalhin kami sa kaharian ng langit pagkamatay namin. Ngunit sa puntong ito, talagang wala akong ideya kung paano palisin ang kasalanan ko at makapasok sa kaharian ng langit. Hindi ba ako ang bulag na umaakay sa bulag, inaakay ang aking mga kapatid patungo sa isang hukay? Mahal na Panginoon, saan ako dapat magpunta upang mahanap ko ang daan papasok sa kaharian ng langit? Gabayan Mo sana ako!”
Matapos makabalik sa aking bayang sinilangan, nabalitaan ko na maraming mabubuting tupa at punong tupa sa aming iglesia ang naagaw ng Kidlat ng Silanganan. Maraming taong nagsasabi na ang daan ng Kidlat ng Silanganan ay naglaan ng bagong pag-unawa at bagong liwanag, at kahit ang mga bihasang pastor ay napahanga sa kanilang mga sermon. Tuwing mababalitaan ko ang mga bagay na ito, iisipin ko: “Parang totoong marangal nga ang mga sermon na ibinigay ng Kidlat ng Silanganan. Nakakahiya na wala pa akong nakilalang sinuman mula sa Kidlat ng Silanganan. Napakaganda sana kung makikilala ko sila balang araw! Pagdating ng araw na iyon, siguradong makikinig at maghahanap ako nang taimtim para malaman kung bakit ba talagang napakaganda ng kanilang mga sermon, at kung mapapalis nila o hindi ang pagkalitong taglay ko nang napakaraming taon.”
Isang araw, sabi sa akin ng isang lider ng iglesia, “Naagaw na ng Kidlat ng Silanganan ang mabubuting tupa ng ganito at ganoong iglesia. Isinasara na ng lahat ng denominasyon ang kanilang iglesia, at kailangan nating himukin ang ating mga kapatid na huwag magkaroon ng anumang kaugnayan sa sinuman mula sa Kidlat ng Silanganan, at lalo nang huwag makinig sa kanilang mga sermon. Kung magsisimulang maniwala ang ating matatapat na miyembro sa Kidlat ng Silanganan, sino pa ang matitirang mapapangaralan natin?” Nainis akong marinig na sabihin ito ng lider ng iglesia, at naisip ko sa sarili ko: “Bukas ang ating iglesia sa lahat ng tao, kaya bakit tayo magsasara? Bakit hindi mo tatanggapin ang isang taga-ibang bayang nagmula sa isang malayong lugar? Sabi sa Biblia: ‘Huwag ninyong limutin ang pagpapakita ng pagibig sa mga taga ibang lupa: sapagka’t sa pamamagitan nito ang iba’y walang malay na nakapagpapatuloy ng mga anghel’ (Mga Hebreo 13:2). Tinanggap ni Abraham ang mga taga-ibang bayan kaya pinagpala siya ng Diyos, at nagkaroon siya ng isang anak na lalaki sa edad na isandaan; pinapasok ni Lot ang dalawang anghel kaya naligtas siya mula sa pagkawasak ng Sodoma; tinanggap ni Rahab na patutot ang mga tiktik mula sa Israel at naligtas ang kanyang buong pamilya; at tinanggap ng isang maralitang balong lalaki ang propetang si Elias kaya’t napawi ang kanilang gutom sa loob ng tatlo’t kalahating taon. Sa napakaraming taong ito, wala ni isang napahamak dahil tinanggap nila ang mga taga-ibang bayan na nagmula sa malayong lugar ngunit, sa kabila nito, pinagpala silang lahat ng Diyos. Samakatwid ay malinaw na ang pagtanggap sa mga taga-ibang bayan ay naaayon sa kalooban ng Panginoon. Kaya bakit mo susuwayin ang kalooban ng Panginoon, walang-habas mong isasara ang iglesia at hindi mo papapasukin ang mga taga-ibang bayan?” Nang maisip ko ito, umiiling ako, at sinabi ko sa kanya, “Salungat ito sa kalooban ng Panginoon. Pag-aari ng Diyos ang ating iglesia at bukas ito para sa lahat. Basta’t ang ibinabahagi nila ay tungkol sa pananampalataya sa Panginoon, dapat nating tanggapin kahit sino, sinuman sila, at dapat tayong maghanap nang may bukas na isipan at magkakasama nating siyasatin ang mga ideya. Sa paggawa lamang nito tayo magiging alinsunod sa mga turo ng Panginoon.”
Isang araw noong Hulyo 2000, nakilala ko ang dalawang sister na nangangaral tungkol sa Kidlat ng Silanganan samantalang nasa bahay ni Brother Wang. Matapos ang maikling pagbati sa isa’t isa, tinanong ko sila, “Matagal na akong naguguluhan kung maliligtas ako at makakapasok sa kaharian ng langit o hindi. Ngayon ay sumusunod na ang lahat ng relihiyoso sa mga salita ni Pablo sa paniwalang maliligtas tayo sa pamamagitan lamang ng paniniwala at pagpapabinyag, at na sa paniniwala sa Panginoon sa puso mo at pagkilala sa Panginoon sa iyong pananalita, napapawalang-sala ka ng pananampalataya, naligtas na magpakailanman, at siguradong itataas ka sa kaharian ng langit pagbalik ng Panginoon. Ngunit sa akin lang, palagay ko hindi gayon kasimple ang pagpasok sa kaharian ng langit. Tulad ng sinasabi sa Biblia: ‘Ang pagpapakabanal na kung wala ito’y sinoman ay di makakakita sa Panginoon’ (Mga Hebreo 12:14). Ginugugol ko man o ng mga kapatid sa aking paligid ang buong maghapon araw-araw na nagdurusa sa kasalanan, palagay ko hindi makakapasok sa kaharian ng langit ang mga taong tulad natin na nabubuhay araw-araw sa kasalanan. Gusto ko lang malaman mismo kung paano makapasok sa kaharian ng langit. Maaari ka bang magbahagi sa akin tungkol dito?”
Ngumiti si Sister Zhou at nagsabi, “Brother, napakahalaga ng itinatanong mo. Malaking problema sa bawat mananampalataya ang pagpasok sa kaharian ng langit. Ang pagtatamo ng kalinawan sa isyung ito ay nangangahulugan na alamin muna na ang mga mananampalataya sa Panginoon ay dapat kumilos palagi alinsunod sa mga salita ng Panginoong Jesus, at hindi ayon sa nasabi ng mga tao. Malinaw na sinabi sa atin ng Panginoong Jesus: ‘Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit’ (Mateo 7:21). Hindi sinabi ng Panginoon kailanman na makakapasok tayo sa kaharian ng langit sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa biyaya na maligtas, o mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya, ang maligtas magpakailanman dahil sa pananampalataya, at pagkatapos ay maitaas sa kaharian ng langit—iyon ang mga salita ni Pablo. Si Pablo ay isang apostol lamang, isa sa tiwaling sangkatauhan, at kinailangan din niya ang pagliligtas ng Panginoong Jesus. Paano niya kaya posibleng natukoy kung makakapasok ang ibang mga tao sa kaharian ng langit o hindi? Ang Panginoong Jesus lamang ang Panginoon ng kaharian ng langit, ang Hari ng kaharian ng langit; ang mga salita lamang ng Panginoon ang katotohanan, at ang mga iyon lamang ang nagtataglay ng awtoridad. Samakatwid, pagdating sa kung paano tayo makakapasok sa kaharian ng langit, dapat ay sa mga salita lamang ng Panginoon tayo makinig—walang duda iyan!
“Pagkatapos ay may mga tanong na ‘Tungkol saan ang pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya at ang maligtas dahil sa pananampalataya?’ at ‘Paano ka makakapasok sa kaharian ng langit kapag naligtas ka na?’ Napakalinaw itong ipinaliliwanag sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, kaya basahin natin ngayon ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, at hindi pa nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, ang dating ikaw, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, kasakiman at kasamaan, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—napakasuwerte mo naman! Nalagpasan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangan ay ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalagpasan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos’ (“Hinggil sa mga Pangalan at Pagkakakilanlan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). ‘Bagaman maraming ginawa si Jesus kapiling ang tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng tao, at hindi inalis sa tao ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan kay Jesus na akuin ang mga kasalanan ng tao bilang handog para sa kasalanan, kundi nangailangan din sa Diyos na gumawa ng mas malaking gawain upang ganap na tanggalin sa tao ang kanyang disposisyon, na nagawang tiwali ni Satanas. At sa gayon, matapos mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan, ang Diyos ay bumalik na sa katawang-tao upang pangunahan ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol, at ang gawaing ito ay nagdala sa tao sa isang mas mataas na lupain. Ang lahat ng nagpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at makakatanggap ng mas malalaking pagpapala. Sila’y tunay na mamumuhay sa liwanag, at makakamtan ang katotohanan, ang daan, at ang buhay’ (Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).”
Nagpatuloy si Sister Wang sa kanyang pagbabahagi, na sinasabi, “Sa Kapanahunan ng Biyaya, isinagawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa krus, at pagtubos sa atin mula sa mga kamay ni Satanas. Basta’t tinatanggap natin ang pagliligtas ng Panginoon at ikinukumpisal at pinagsisisihan ang ating mga kasalanan sa Panginoon, pinatatawad ang ating mga kasalanan, at sa gayon ay angkop tayong magtamasa ng biyaya at mga pagpapala ng Panginoon. Ang ibig kong sabihin sa ‘pinatatawad ang ating mga kasalanan’ ay na hindi na tayo parurusahan o hahatulan ng kamatayan sa ilalim ng batas dahil sa paglabag sa batas, at ito talaga ang ibig sabihin ng mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya at maligtas dahil sa pananampalataya. Ngunit hindi ito nangangahulugan na wala na tayong kasalanan o hindi na tayo marumi, ni hindi ito nangangahulugan na makakapasok tayo sa kaharian ng langit. Ito ay dahil, bagama’t maaaring mapatawad ang ating mga kasalanan, nananatiling nakaugat nang malalim sa atin ang ating likas na pagiging makasalanan, at kapag nahaharap tayo sa mga problema madalas pa rin tayong nagsisinungaling at nanloloko ng iba para protektahan ang sarili nating mga katungkulan at interes. Kapag nagtatamasa tayo ng biyaya ng Panginoon, pinasasalamatan at pinupuri natin Siya, at masigla tayong gumugugol ng ating mga sarili para sa Panginoon. Ngunit sa sandaling may mangyaring isang malaking sakuna, o may masamang mangyari sa ating pamilya, hindi natin nauunawaan ang Panginoon at sinisisi natin Siya, hanggang sa maaari pa nating tanggihan at pagtaksilan ang Panginoon. Kaya nga paano magiging marapat ang mga taong katulad natin, na natubos na ngunit madalas nagkakasala at lumalaban sa Diyos, na makapasok sa kaharian ng langit? Ang Diyos ay matuwid at banal, at hinding-hindi Niya tutulutang makapasok ang marumi at tiwaling mga tao sa Kanyang kaharian. Para mailigtas tayo nang tuluyan mula sa impluwensya ni Satanas, gumagawa Siya ayon sa Kanyang plano ng pamamahala at sa ating mga pangangailangan bilang tiwaling sangkatauhan, na ginagampanan ang Kanyang gawain ng paghatol at pagdadalisay sa tao sa mga huling araw. Nagpahayag na ang Diyos na nagkatawang-tao ng milyun-milyong salita para hatulan ang ating katiwalian, ating karumihan, ating kasamaan at paglaban, at ipakita sa atin ang paraan para maiwaksi ang ating mga tiwaling disposisyon. Kapag iwinaksi natin, sa pamamagitan ng pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, ang ating mga napakasama at tiwaling disposisyon, nakakaya nating isagawa ang mga salita ng Diyos, at naging mga tao tayo na tunay na sumusunod at sumasamba sa Diyos, at saka lamang tayo magiging angkop na pumasok sa kaharian ng Diyos. Sa katunayan, ipinropesiya ng Panginoong Jesus noong araw na babalik Siya sa mga huling araw upang gampanan ang gawain ng paghatol. Tulad ng sabi Niya: ‘At kung ang sinomang tao’y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw’ (Juan 12:47–48). ‘At siya, pagparito niya, ay kaniyang susumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol’ (Juan 16:8). Samakatwid ay malinaw na sa pagtanggap lamang ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, pagwawaksi ng ating mga tiwaling disposisyon at pagtatamo ng pagdadalisay tayo makakapasok sa kaharian ng Diyos.”
Matapos makinig sa mga pagbabahagi ng mga sister, biglang luminaw ang lahat at agad napuspos ng liwanag ang puso ko. “Ah, ganyan pala ang paraan para makapasok sa kaharian ng langit!” naisip ko. “Sa wakas ay naunawaan ko na ngayon na ginagampanan ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, hindi ang gawain ng pag-aalis ng ating kasalanan. Talaga ngang pinatawad tayo ng Panginoon sa ating mga kasalanan, ngunit nananatiling nakaugat nang malalim sa ating kalooban ang ating likas na pagiging makasalanan, at madalas at hindi sinasadyang nagkakasala pa rin tayo at lumalaban sa Panginoon. Kaya pala hindi ako kailanman nakawala sa mga gapos at kadena ng pagkakasala—lumalabas na ito ay dahil hindi ko pa natatanggap ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw!” Kaya nga, sinabi ko sa dalawang sister, “Salamat sa Panginoon! Sa pakikinig sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos at sa inyong mga pagbabahagi, sa wakas ay alam ko na ang matagal na nating paniniwala—na lahat ng naniniwala sa Panginoon sa kanilang puso at kinikilala ang Panginoon sa salita ay maitataas sa kaharian ng langit—ay pagkaunawa at imahinasyon lang natin! Nauunawaan ko na ngayon na ang gawaing ginampanan ng Panginoong Jesus ay ang gawain ng pagtubos, at na gagampanan ng nagbalik na Panginoon ang gawain ng paghatol. Ibig sabihin, lubos Niyang lilinisin at babaguhin ang ating mga tiwaling disposisyon, at saka lamang tayo makakapasok sa kaharian ng langit. Kaya pala napakarami ko nang nabasang espirituwal na aklat pero wala akong natagpuang solusyon sa problema ng pagiging makasalanan ng tao kailanman! Mga sister, paano naman ginagampanan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga huling araw? Maaari bang magbahagi pa kayo sa akin?”
Pagkatapos ay sinabi ni Sister Wang, “Ang sagot sa tanong na ito ay malinaw na nakasaad sa mga salita ng Diyos, kaya basahin natin ang isang sipi nito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Sa mga huling araw, si Cristo ay gumagamit ng sari-saring katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos’ (“Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).
“Malinaw na sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na, sa mga huling araw, ipinapahayag ng Diyos ang lahat ng katotohanang kailangan natin para magtamo ng buong kaligtasan, na hinahatulan at inilalantad ang ating likas na kademonyohan na lumalaban sa Diyos at tiwaling diwa. Lahat ng salitang ito ay katotohanan, taglay ng mga ito ang sariling awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, at inihahayag ng mga ito sa atin kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos gayundin ang Kanyang matuwid na disposisyon na walang pinalalampas na pagkakasala. Sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng paghahayag ng mga totoong pangyayari, nagkakaroon tayo ng kaunting pag-unawa tungkol sa ating likas na kademonyohan at sa katotohanan na ginawa tayong tiwali ni Satanas; nakikita natin na lubha tayong ginawang tiwali ni Satanas, na tayo ay likas na mayabang, palalo, buktot, mapanlinlang, makasarili, hambog, sakim, masama, sabik na mangibabaw sa iba, at na ang tanging inihahayag natin hanggang sa ating pinakadugo at buto ay ang ating napakasamang mga disposisyon. Napapangibabawan ng mga tiwaling disposisyong ito, palagi tayong lumalaban at naghihimagsik sa Diyos nang hindi natin sadya. Halimbawa, kapag gumagawa at nagbibigay tayo ng mga sermon sa ating mga iglesia, salita tayo nang salita ng malalalim na pananalita, at nagpapasikat tayo at dinadakila natin ang ating sarili para tingalain tayo ng iba at tumaas ang pagtingin nila sa atin; madalas tayong nagsisinungaling at niloloko natin ang iba para protektahan ang sarili nating mga interes, na nang-iintriga pa at nagpapagalingan sa isa’t isa; kapag may nakakaharap tayong mga tao, kaganapan, bagay o sitwasyon na hindi umaayon sa sarili nating mga pagkaunawa, lagi tayong gumagawa ng mga di-makatwirang hiling sa Diyos o nagkikimkim ng maluluhong hangarin, at ayaw nating magpasakop sa mga pagsasaayos at plano ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, unti-unti nating nauunawaan ang ilang katotohanan, nagtatamo tayo ng kaunting tunay na pag-unawa sa ating likas na kasamaan at nakadarama tayo ng tunay na pagkamuhi roon, at nagkakaroon din tayo ng kaunting tunay na pag-unawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Alam natin kung anong klase ng mga tao ang minamahal ng Diyos at anong klase ng mga tao ang kinamumuhian Niya at anong klase rin ng pagsisikap ang ayon sa Kanyang kalooban. Natututo tayo ng kaunting paghiwatig sa pagitan ng positibo at negatibong mga bagay. Kapag nauunawaan na natin ang mga bagay na ito, nagiging handa tayong talikdan ang ating laman mula sa kaibuturan mismo ng ating puso at isagawa ang alinsunod sa mga salita ng Diyos. Unti-unti, sa paglipas ng panahon, napupukaw sa ating kalooban ang hangaring pagpitaganan at mahalin ang Diyos, lumalaya tayo mula sa ilan sa mga gapos at kadena ng ating napakasama at tiwaling mga disposisyon, at nababawasan ang di-makatwirang mga hiling natin sa Diyos. Nagagawa nating lumugar bilang mga nilikhang nilalang at gampanan ang ating tungkulin, nagpapasakop tayo sa mga pagsasaayos at plano ng Diyos, at nagsisimula tayong mamuhay na katulad ng isang tunay na tao. Habang nagdaranas tayo ng gawain ng Diyos, nagkakaroon tayo ng malalim na pagpapahalaga sa katotohanan na ang tanging paraan para makapasok tayo sa kaharian ng langit ay tanggapin natin ang gawain ng paghatol at pagkastigo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, sikapin nating matamo ang katotohanan, magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa ating sarili, at baguhin ang ating mga tiwaling disposisyon.”
Nang marinig ko ang mga salitang ito mula sa Makapangyarihang Diyos at ang pagbabahagi ng sister, mas naliwanagan pa ako. Ang mga katotohanang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay napakapraktikal at talagang kailangan nating mga tiwaling tao. Sa pagtanggap at pagdanas lamang ng gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw natin maiwawaksi nang tuluyan ang mga gapos at kadena ng ating mga tiwaling disposisyon! Hindi ko napigilang bumuntung-hininga, at sinabi ko, “Napakatagal ko nang nananalig sa Panginoon subalit, lagi akong nagkakasala sa araw at pagkatapos ay ikinukumpisal ko ang mga kasalanang iyon sa gabi, nabubuhay ako sa pagdurusa lamang sa kasalanan. Kung hindi naipahayag ng Diyos ang lahat ng katotohanan para dalisayin ang sangkatauhan, kung hindi Niya naipakita sa atin ang paraan para maalis natin ang ating mga tiwaling disposisyon, tiyak na mahigpit akong nakagapos sa kasalanan kaya hindi ko sana natagpuan ang landas tungo sa kalayaan. Kaya pala sinabi ng Panginoon, ‘Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating’ (Juan 16:12–13). Sinabi sa atin ng Panginoong Jesus noong araw na mas marami pa Siyang salitang ipapahayag sa mga huling araw at na aakayin Niya tayo papasok sa lahat ng katotohanan. May awtoridad at kapangyarihan ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, naihayag ng mga ito ang lahat ng katotohanan at hiwagang noon ko pa gustong maunawaan ngunit hindi ko nagawa kailanman, at lubos akong nakumbinsi ng mga ito. Sa wakas, natagpuan ko na ang paraan para makapasok sa kaharian ng langit!” Masayang tumango ang dalawang sister.
Pagkatapos ay tuwang-tuwang sinabi ko, “Ito ang tinig ng Panginoon. Ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus! Nangyari na sa wakas ang isang bagay na napakatagal ko nang hinihiling, at napakasuwerte at napakapalad ko! Noong isilang ang Panginoong Jesus, nakadama si Simeon ng pambihirang kagalakan nang makita niya ang sanggol na si Jesus na walong araw pa lamang ang edad. Para masalubong ang pagbalik ng Panginoon at marinig ang sariling mga pagbigkas ng Diyos habang nabubuhay ako, mas masuwerte pa ako kaysa kay Simeon, at labis akong nagpapasalamat sa Panginoon!” Habang nagsasalita ako, nadaig ako ng aking damdamin, at napaluha ako sa tuwa. Lumuhod ako sa sahig para manalangin sa Diyos pero iyak ako nang iyak kaya hindi ako makapagsalita; napaiyak din ang mga sister.
Natagpuan din sa wakas ng pagkayamot na nakapeste sa akin nang napakaraming taon ang kalutasan nito sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Naisip ko kung paano ako naghanap sa lahat ng lugar pero hindi ko natagpuan kailanman ang paraan para mapadalisay na hahantong sa kaharian ng langit, pero ngayon ay natagpuan ko na ito sa wakas. Alam ko na ito ang biyaya at pagliligtas ng Diyos sa akin! Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagtitipon at pakikibahagi sa mga kapatid tungkol sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, dumami nang dumami ang katotohanang naunawaan ko, at nagtamo ako ng kaunting pag-unawa sa kalooban ng Diyos na iligtas tayo. Nais ko ngayong tanggapin ang higit pang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, danasin ang Kanyang gawain, unti-unting alisin sa aking sarili ang aking mga tiwaling disposisyon at mapadalisay. Salamat sa Diyos!
________________________________
Ang parabula ng sampung dalaga na sinabi ng Panginoong Jesus ay isang paalaala sa atin sa mga huling araw. Inaasahan ng Diyos na maaari tayong maging matalinong mga birhen upang matanggap ang pagbabalik ng Panginoon.
Lihim nang dumating ang Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad at gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Pagkatapos, magpapakita ang Diyos nang hayagan at gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Nais mo bang salubungin ang Panginoon at maligtas ng Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad? Huwag mag-atubiling kontakin kami ngayon para malaman ang paraan.
Write a comment