Paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng iglesia sa ngayon? Mayroon ka bang matatag na pagkaunawa sa tanong na ito? Ano ang pinakamalalaking paghihirap ng iyong mga kapatid? Ano ang pinakakulang sa kanila? Sa kasalukuyan, may ilang tao na negatibo sa gitna ng mga pagsubok, at ang ilan ay nagrereklamo pa. Ang ibang mga tao ay hindi na sumusulong pa sapagkat ang Diyos ay tapos nang magsalita. Ang mga tao ay hindi pa nakapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos. Hindi nila kayang mamuhay nang mag-isa, at hindi nila mapanatili ang kanilang sariling espirituwal na buhay. Ang ilang tao ay sumusunod at nagpapatuloy nang may sigla, at handang magsagawa kapag nagsasalita ang Diyos, ngunit kapag hindi nagsasalita ang Diyos, hindi na sila sumusulong. Hindi pa rin naiintindihan ng mga tao ang kalooban ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso at wala silang likas na pagmamahal para sa Diyos; noong araw sumunod sila sa Diyos dahil napilitan sila. Ngayon mayroong ilang tao na sawa na sa gawain ng Diyos. Hindi ba nanganganib ang gayong mga tao? Napakaraming taong nabubuhay sa isang kalagayang makaraos lang. Bagama’t kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos at nagdarasal sa Kanya, ginagawa nila iyon nang walang sigasig, at wala na silang sigla na tulad ng dati. Karamihan sa mga tao ay hindi interesado sa gawain ng pagpipino at pagperpekto ng Diyos, at talagang parang palaging walang sigla ang kanilang kalooban. Kapag nadaraig sila ng mga paglabag, hindi nila nadarama na may utang na loob sila sa Diyos, ni wala silang kamalayan na magsisi. Hindi nila hinahanap ang katotohanan o iniiwan ang iglesia, at sa halip ay naghahangad lamang sila ng mga panandaliang kasiyahan. Ang mga taong ito ay hangal, at napakabobo! Pagdating ng panahon, palalayasin silang lahat, at wala ni isa ang maliligtas! Palagay mo ba kung naligtas ang isang tao nang minsan ay palagi na silang ligtas? Puro kalokohan ang paniniwalang iyan! Lahat ng hindi naghahangad na makapasok sa buhay ay kakastiguhin. Karamihan sa mga tao ay lubos na walang interes sa pagpasok sa buhay, sa mga pangitain, o sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi nila hinahangad na makapasok, at tiyak na hindi nila hinahangad na makapasok nang mas malalim. Hindi ba nila sinisira ang kanilang sarili? Sa ngayon, may isang bahagi ng mga tao na ang mga kalagayan ay laging paganda nang paganda. Habang lalong gumagawa ang Banal na Espiritu, lalo silang nagkakaroon ng tiwala; habang lalong nadaragdagan ang kanilang karanasan, lalo nilang nadarama ang malalim na hiwaga ng gawain ng Diyos. Habang nakakapasok sila nang mas malalim, lalo silang nakakaunawa. Nadarama nila na napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at napapanatag at naliliwanagan ang kanilang kalooban. May pagkaunawa sila sa gawain ng Diyos. Sila ang mga taong ginagawaan ng Banal na Espiritu. Sinasabi ng ilang tao: “Bagama’t walang mga bagong salita mula sa Diyos, kailangan ko pa ring hangaring lumalim pa ang pagkaalam ko sa katotohanan, kailangan kong maging masigasig tungkol sa lahat ng bagay sa aking aktuwal na karanasan at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos.” Ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu. Bagama’t hindi ipinakikita ng Diyos ang Kanyang mukha at nakatago Siya mula sa bawat tao, at bagama’t hindi Siya bumibigkas ni isang salita at may mga pagkakataon na dumaranas ang mga tao ng kaunting pagpipino ng kalooban, hindi pa lubusang iniwan ng Diyos ang mga tao. Kung hindi mapanatili ng isang tao ang katotohanang dapat nilang isagawa, hindi nila tataglayin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa panahon ng pagpipino, ng hindi pagpapakita ng Diyos ng Kanyang Sarili, kung wala kang tiwala kundi sa halip ay sumusukut-sukot ka, kung hindi ka nakatuon sa pagdanas ng Kanyang mga salita, tumatakas ka mula sa gawain ng Diyos. Kalaunan, isa ka sa mga palalayasin. Yaong mga hindi naghahangad na makapasok sa salita ng Diyos ay hindi maaaring tumayong saksi para sa Kanya. Ang mga taong nagagawang patotohanan ang Diyos at palugurin ang Kanyang kalooban ay lubos na umaasang lahat sa kanilang siglang hangarin na matamo ang mga salita ng Diyos. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos sa mga tao una sa lahat ay upang tulutan silang makamit ang katotohanan; ang paghikayat sa iyo na maghangad ng buhay ay para sa kapakanan ng pagpeperpekto sa iyo, at lahat ng ito ay upang gawin kang angkop na kasangkapanin ng Diyos. Ang iyong hinahangad lamang ngayon ay ang makinig sa mga hiwaga, makinig sa mga salita ng Diyos, magpista ang iyong mga mata, at tumingin sa paligid upang makita kung may anumang bago o uso, at sa gayon ay masiyahan ang iyong pag-uusisa. Kung ito ang layunin sa iyong puso, walang paraan para matugunan mo ang mga hinihiling ng Diyos. Yaong mga hindi naghahangad na matamo ang katotohanan ay hindi makakasunod hanggang sa kahuli-hulihan. Sa ngayon, hindi sa walang ginagawa ang Diyos, kundi sa halip ay hindi nakikipagtulungan ang mga tao sa Kanya, dahil sawa na sila sa Kanyang gawain. Nais lamang nilang marinig ang mga salitang binibigkas Niya upang magkaloob ng mga pagpapala, at ayaw nilang makinig sa mga salita ng Kanyang paghatol at pagkastigo. Bakit kaya? Ito ay dahil ang mga pagnanais ng mga tao na magtamo ng mga pagpapala ay hindi pa natutupad at sa gayon ay naging negatibo at mahina sila. Hindi sa sadyang hindi tinutulutan ng Diyos ang mga tao na sundan Siya, ni sadya Siyang nagpapadala ng mga dagok sa sangkatauhan. Ang mga tao ay negatibo at mahina dahil lamang sa ang kanilang mga layunin ay hindi wasto. Ang Diyos ay ang Diyos na nagbibigay ng buhay sa tao, at hindi Niya maaaring dalhin ang tao sa kamatayan. Ang pagiging negatibo, mga kahinaan, at pagbalik ng mga tao sa dati ay pawang sarili nilang kagagawan.
Ang kasalukuyang gawain ng Diyos ay naghahatid sa mga tao ng kaunting pagpipino, at yaon lamang mga nakakayang manindigan kapag tinatanggap nila ang pagpipinong ito ang magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Gaano man Niya ikubli ang Kanyang Sarili, sa hindi man pagkibo o hindi paggawa, maaari ka pa ring maghangad nang may sigla. Kahit sinabi ng Diyos na itatakwil ka Niya, susunod ka pa rin sa Kanya. Ito ang pagtayong saksi para sa Diyos. Kung ikukubli ng Diyos ang Kanyang Sarili sa iyo at titigil ka sa pagsunod sa Kanya, pagtayong saksi ba ito para sa Diyos? Kung ang mga tao ay hindi talaga papasok, wala silang aktuwal na tayog, at kapag nakasagupa talaga sila ng isang matinding pagsubok ay matutumba sila. Kapag hindi nagsasalita ang Diyos, o gumagawa nang hindi naaayon sa iyong sariling mga pagkaintindi, bumabagsak ka. Kung kasalukuyang kumikilos ang Diyos ayon sa iyong sariling mga pagkaintindi, kung napapalugod Niya ang iyong kalooban at nagagawa mong manindigan at magpatuloy nang may sigla, ano ang magiging pundasyon ng iyong buhay? Sinasabi Ko na maraming taong nabubuhay sa paraang lubos na umaasa sa pag-uusisa ng tao. Talagang hindi tapat sa puso nila ang maghangad. Lahat ng mga hindi naghahangad na makapasok sa katotohanan kundi umaasa lang sa kanilang pag-uusisa sa buhay ay kasuklam-suklam na mga tao, at nanganganib sila! Ang iba’t ibang klase ng gawain ng Diyos ay isinasagawang lahat upang maperpekto ang sangkatauhan. Gayunman, palaging nag-uusisa ang mga tao, gusto nilang makibalita tungkol sa tsismis, nag-aalala sila tungkol sa mga kasalukuyang nangyayari sa ibang bansa—halimbawa, nag-uusisa sila tungkol sa nangyayari sa Israel, o kung may lindol sa Egipto—palagi silang naghahanap ng anumang mga bagong bagay para mapalugod ang kanilang makasariling mga pagnanasa. Hindi nila hinahangad ang buhay, ni hindi nila hinahangad na maperpekto. Hinahangad lamang nilang dumating ang araw ng Diyos nang mas maaga upang magkatotoo ang kanilang magandang pangarap at matupad ang kanilang maluluhong pagnanasa. Ang ganitong klaseng tao ay hindi praktikal—sila ay mga taong hindi wasto ang pananaw. Paghahangad lamang sa katotohanan ang pundasyon ng paniniwala ng sangkatauhan sa Diyos, at kung hindi hinahangad ng mga tao na makapasok sa buhay, kung hindi nila hinahangad na mapalugod ang Diyos, sasailalim sila sa kaparusahan. Yaong mga parurusahan ay ang mga hindi pa nagtaglay ng gawain ng Banal na Espiritu sa panahon ng gawain ng Diyos.
Hinango mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
________________________________
Rekomendasyon:
Paano kung mahina ang iyong espiritu at malamig ang iyong pananampalataya? Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw ay tutulong sa iyo upang maghanap ng paraan.
Write a comment