Ang unang hakbang sa landas ng Banal na Espiritu sa tao, bago ang lahat, ay ang ilayo ang puso ng tao sa mga tao, pangyayari, at bagay at ituon sa mga salita ng Diyos, upang maniwala ang puso ng tao na ang mga salita ng Diyos ay ganap na hindi mapagdududahan, at totoong-totoo. Kung naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong maniwala sa Kanyang mga salita; kung, pagkaraan ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi mo pa rin alam ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu, talaga bang sumasampalataya ka? Para magtamo ng isang normal na buhay ng tao—isang normal na buhay ng tao na may normal na kaugnayan sa Diyos—kailangan mo munang maniwala sa Kanyang mga salita. Kung hindi mo pa nagagawa ang unang hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao, wala kang pundasyon. Kung hindi mo maunawaan maging ang pinakamabababang prinsipyo, paano mo tatahakin ang landas pasulong? Ang ibig sabihin ng pagtapak sa tamang landas kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang tao ay pagpasok sa tamang landas ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu; ang ibig sabihin nito ay pagtapak sa landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa ngayon, ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu ay ang kasalukuyang mga salita ng Diyos. Sa gayon, kung tatahak ang mga tao sa landas ng Banal na Espiritu, kailangan niyang sundin, at kainin at inumin, ang kasalukuyang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng mga salita; lahat ay nagsisimula sa Kanyang salita, at lahat ay nakasalig sa Kanyang mga salita, sa Kanyang kasalukuyang mga salita. Pagiging tiyak man tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, o pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao, bawat isa ay nangangailangan ng higit na pagsisikap sa Kanyang mga salita. Kung hindi, walang maisasagawa ang mga tao at walang matitirang anuman sa kanila. Tanging sa pagsalig lamang sa pundasyon ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at sa gayon ay makilala Siya at mapalugod Siya, maaaring unti-unting makabuo ng normal na kaugnayan sa Diyos ang mga tao. Para sa tao, wala nang mas mabuting pakikipagtulungan sa Diyos kaysa sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at pagsasagawa ng mga ito. Sa pamamagitan ng gayong pagsasagawa higit nilang nagagawang manindigan sa kanilang patotoo tungkol sa mga tao ng Diyos. Kapag nauunawaan at nagagawang sundin ng mga tao ang diwa ng kasalukuyang mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa landas ng pagiging nagabayan ng Banal na Espiritu, at nakatahak na sa tamang landas ng pagpeperpekto ng Diyos sa tao. Dati-rati, maaaring matamo ng mga tao ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad lamang sa biyaya ng Diyos, o sa paghahangad ng kapayapaan at kagalakan, ngunit iba na ngayon ang mga bagay-bagay. Kung wala ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao, kung wala ang realidad ng Kanyang mga salita, hindi makakamit ng mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos at aalisin silang lahat ng Diyos. Upang magkamit ng normal na espirituwal na buhay, dapat munang kainin at inumin ng mga tao ang mga salita ng Diyos at isagawa ang mga ito, at pagkatapos, sa pundasyong ito, ay magtatag ng normal na kaugnayan sa Diyos. Paano ka nakikipagtulungan? Paano ka naninindigan sa patotoo tungkol sa mga tao ng Diyos? Paano ka bumubuo ng normal na kaugnayan sa Diyos?
Paano makita kung mayroon kang normal na kaugnayan sa Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay:
1. Naniniwala ka ba sa sariling patotoo ng Diyos?
2. Taos-puso ka bang naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay totoo at hindi maaaring magkamali?
3. Isinasagawa mo ba ang Kanyang mga salita?
4. Matapat ka ba sa Kanyang tagubilin? Ano ang ginagawa mo upang maging matapat sa Kanyang tagubilin?
5. Lahat ba ng ginagawa mo ay para mapalugod ang Diyos at maging matapat sa Kanya?
Sa pamamagitan ng mga bagay na nakalista sa itaas, maaari mong suriin kung mayroon kang normal na kaugnayan sa Diyos sa kasalukuyang yugto.
Kung nagagawa mong tanggapin ang tagubilin ng Diyos, tanggapin ang Kanyang pangako, at sundan ang landas ng Banal na Espiritu, tinutupad mo ang kalooban ng Diyos. Sa iyong kalooban, malinaw ba sa iyo ang landas ng Banal na Espiritu? Sa ngayon, kumikilos ka ba alinsunod sa landas ng Banal na Espiritu? Napapalapit ba ang puso mo sa Diyos? Nais mo bang umagapay sa pinakabagong liwanag ng Banal na Espiritu? Nais mo bang makamit ng Diyos? Nais mo bang maging isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa? Mayroon ka bang matibay na pagpapasya na matupad ang hinihingi ng Diyos sa iyo? Kapag sinasambit ang mga salita ng Diyos, kung sa iyong kalooban ay may matibay na pagpapasyang makipagtulungan, at matibay na pagpapasyang palugurin ang Diyos—kung ganito ka mag-isip—nangangahulugan ito na nagkaroon na ng bunga ang mga salita ng Diyos sa puso mo. Kung wala ka ng gayong matibay na pagpapasya, kung wala kang mga mithiing pinagsisikapang matamo, nangangahulugan iyan na hindi pa naaantig ng Diyos ang puso mo.
Kapag opisyal nang nakapasok ang mga tao sa pagsasanay ng kaharian, ang mga iniuutos ng Diyos sa kanila ay mas mataas na. Sa anong aspeto makikita ang mas matataas na utos na ito? Dati-rati, sinabi na walang buhay ang mga tao. Ngayon, naghahangad sila ng buhay, naghahangad silang maging mga tao ng Diyos, makamit ng Diyos, magawang perpekto ng Diyos. Hindi ba mas mataas na antas ito? Sa katunayan, ang mga iniuutos ng Diyos sa mga tao ay mas simple kaysa rati. Hindi hinihingi sa mga tao na maging mga tagapagsilbi, o na mamatay—ang tanging hinihingi sa kanila ay maging mga tao ng Diyos. Hindi ba mas simple iyan? Ang kailangan mo lang gawin ay ialay ang puso mo sa Diyos at magpasakop sa Kanyang patnubay, at lahat ay matutupad. Bakit mo iniisip na napakahirap nito? Mas malinaw ang pagpasok sa buhay na pinag-uusapan ngayon kaysa rati. Noong araw, lito ang mga tao at hindi nila alam kung ano ang realidad ng katotohanan. Sa katunayan, lahat ng tumutugon kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos, na naliliwanagan at tinatanglawan ng Banal na Espiritu, at tumatanggap, sa harap ng Diyos, ng Kanyang pagpeperpekto at nagbabago ng disposisyon—lahat ng taong ganito ay may buhay. Nais ng Diyos ng mga buhay na nilalang, hindi mga patay na bagay; kung patay ka, wala kang buhay, at hindi ka kakausapin ng Diyos, at lalong hindi ka Niya itataas bilang isa sa Kanyang mga tao. Dahil naitaas ka na ng Diyos, at nakatanggap na ng napakalaking pagpapala mula sa Kanya, ipinapakita nito na kayong lahat ay mga taong may buhay, at ang mga taong may buhay ay nagmumula sa Diyos.
Sa patuloy na pagsisikap na mabago ang disposisyon sa buhay ng isang tao, ang landas ng pagsasagawa ay simple. Sa iyong praktikal na karanasan, kung nagagawa mong sundin ang kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu at maranasan ang gawain ng Diyos, may kakayahang magbago ang iyong disposisyon. Kung sinusunod mo ang anumang sabihin ng Banal na Espiritu, at hinahanap mo ang anumang sabihin ng Banal na Espiritu, isa kang taong sumusunod sa Kanya, at magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Nagbabago ang disposisyon ng mga tao sa kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu; kung lagi kang kumakapit sa dati mong mga karanasan at mga panuntunan noong araw, hindi magbabago ang iyong disposisyon. Kung hinihiling ng mga salita ng Banal na Espiritu sa ngayon na pumasok ang lahat ng tao sa isang buhay ng normal na pagkatao ngunit patuloy kang nakatuon sa mga panlabas na bagay, at nalilito ka tungkol sa realidad at hindi mo ito sineseryoso, isa kang tao na hindi nakaagapay sa gawain ng Banal na Espiritu, isang tao na hindi nakapasok sa landas ng patnubay ng Banal na Espiritu. Kung maaaring magbago ang iyong disposisyon o hindi ay depende sa kung umaagapay ka o hindi sa kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu at kung mayroon kang tunay na kaalaman o wala. Kaiba ito sa dati ninyong naunawaan. Ang pagbabago sa iyong disposisyon na naunawaan mo dati ay na ikaw, na mabilis manghusga, ay tumigil na sa pagsasalita nang hindi nag-iisip sa pamamagitan ng pagdidisiplina ng Diyos; ngunit isang aspeto lamang ito ng pagbabago. Sa ngayon, ang pinakakritikal na punto ay ang pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu: Sumunod sa anumang sinasabi ng Diyos, at sundin ang anumang sinasabi Niya. Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pakikitungo, pagdidisiplina, at pagtatabas ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging masunurin at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga pagkaunawa ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga pagkaunawang ito at maluwag sa loob na magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy lamang sa pagtalikod sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan ng isang tao, at pag-aalis sa sarili ng mga makamundong kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay sa pagsunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos at tunay na pagkaalam sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, na nakulayan ng sarili nilang mga pagkaunawa, at makapagtatamo sila ng tunay na kaalaman at pagsunod sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapahayag ng isang pagbabago sa disposisyon.
Ang patuloy na pagsisikap ng mga tao na makapasok sa buhay ay batay sa mga salita ng Diyos. Dati-rati, sinabi na lahat ay isinasakatuparan dahil sa Kanyang mga salita, ngunit walang nakakita sa katotohanang ito. Kung papasok ka sa pagdanas ng kasalukuyang hakbang, magiging malinaw ang lahat sa iyo, at magtatatag ka ng isang magandang pundasyon para sa mga pagsubok sa hinaharap. Anuman ang sabihin ng Diyos, magtuon ka lamang sa pagpasok sa Kanyang mga salita. Kapag sinabi ng Diyos na sisimulan Niyang kastiguhin ang mga tao, tanggapin mo ang Kanyang pagkastigo. Kapag hiniling ng Diyos na mamatay ang mga tao, tanggapin mo ang pagsubok na iyon. Kung palagi kang nabubuhay ayon sa Kanyang pinakabagong mga pahayag, sa huli ay gagawin kang perpekto ng mga salita ng Diyos. Habang mas pumapasok ka sa mga salita ng Diyos, mas mabilis kang gagawing perpekto. Bakit Ko hinihiling, sa sunud-sunod na pagbabahagi, na alamin ninyo at pasukin ang mga salita ng Diyos? Kapag patuloy mong pinagsisikapang matamo at maranasan ang mga salita ng Diyos, at pumapasok ka sa realidad ng Kanyang mga salita, saka lamang magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gumawa sa iyo. Samakatuwid, lahat kayo ay mga kalahok sa bawat pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at gaano man kayo nagdurusa, sa huli ay tatanggap kayong lahat ng isang “paalaala.” Upang makamtan ang inyong panghuling pagpeperpekto, kailangan ninyong pumasok sa lahat ng salita ng Diyos. Ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu sa mga tao ay hindi pang-isahan; hinihingi Niyang makipagtulungan ang mga tao, kailangan Niya ang lahat na sadyang makipagtulungan sa Kanya. Anuman ang sabihin ng Diyos, magtuon lamang sa pagpasok sa Kanyang mga salita—magiging mas kapaki-pakinabang ito sa inyong buhay. Lahat ay para magkaroon ng pagbabago sa inyong disposisyon. Kapag pumasok ka sa mga salita ng Diyos, aantigin Niya ang puso mo, at magagawa mong malaman ang lahat ng nais ng Diyos na matupad sa hakbang na ito ng Kanyang gawain, at magkakaroon ka ng matibay na pagpapasya na tuparin ito. Sa panahon ng pagkastigo, may mga taong naniwala na ito ay isang pamamaraan ng gawain, at hindi sila naniwala sa mga salita ng Diyos. Dahil dito, hindi sila sumailalim sa pagpipino, at lumabas mula sa panahon ng pagkastigo na walang anumang napala o naunawaan. May ilan na talagang pumasok sa mga salitang ito nang wala ni katiting na pagdududa, na nagsabi na ang mga salita ng Diyos ang katotohanang hindi maaaring magkamali at na dapat kastiguhin ang sangkatauhan. Nahirapan sila roon sa loob ng kaunting panahon, pinakakawalan ang kanilang kinabukasan at kanilang tadhana, at paglabas nila, nagkaroon ng kaunting pagbabago sa kanilang disposisyon, at nagtamo sila ng mas malalim na pagkaunawa tungkol sa Diyos. Nadama ng lahat ng nakastigo ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at natanto nila na ang hakbang na ito ng gawain ay sumasagisag sa dakilang pagmamahal ng Diyos na sumasakanila, na ito ang paglupig at pagliligtas ng pagmamahal ng Diyos. Sinabi rin nila na ang mga iniisip ng Diyos ay palaging mabuti, at na lahat ng ginagawa ng Diyos sa tao ay dahil sa pagmamahal, hindi sa pagkamuhi. Yaong mga hindi naniwala sa mga salita ng Diyos, hindi umasa sa Kanyang mga salita, ay hindi sumailalim sa pagpipino sa panahon ng pagkastigo, at dahil dito, hindi sumakanila ang Banal na Espiritu, at wala silang napala. Para sa mga pumasok sa panahon ng pagkastigo, bagama’t sumailalim nga sila sa pagpipino, lihim na gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanilang kalooban, at nabago ang disposisyon nila sa buhay dahil dito. Tila ang ilan, paano man tingnan, ay napakapositibo, puno ng saya buong araw, ngunit hindi sila pumasok sa kalagayan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at kaya ni hindi man lang nagbago, na siyang naging bunga ng hindi paniniwala sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang mga salita ng Diyos, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Nagpapakita ang Diyos sa lahat ng naniniwala sa Kanyang mga salita, at yaong naniniwala at tumatanggap sa Kanyang mga salita ay makakamtan ang Kanyang pagmamahal!
Para makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, dapat mong hanapin ang landas ng pagsasagawa at alamin kung paano isagawa ang mga salita ng Diyos. Saka lamang magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, mapeperpekto ka ng Diyos sa pamamagitan lamang ng landas na ito, at ang mga tao lamang na nagawang perpekto ng Diyos sa ganitong paraan ang maaaring makaayon sa Kanyang kalooban. Para makatanggap ng bagong liwanag, kailangan mong mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Hindi maaaring maantig lamang nang minsanan ng Banal na Espiritu— kailangan mong maging mas marubdob. Para sa mga minsan lamang naantig, napukaw lamang ang kanilang kasigasigan, at nais nilang maghanap, ngunit hindi ito maaaring magtagal; kailangan silang patuloy na antigin ng Banal na Espiritu. Maraming beses Kong nabanggit dati na inaasam Ko na maantig ng Espiritu ng Diyos ang espiritu ng mga tao, upang patuloy nilang sikaping baguhin ang kanilang disposisyon sa buhay, at habang naghahangad silang maantig ng Diyos, ay maunawaan nila ang sarili nilang mga kakulangan, at sa proseso ng pagdanas sa Kanyang mga salita ay maitakwil nila ang mga karumihan sa kanilang sarili (pagmamagaling, kayabangan, mga pagkaunawa, at iba pa). Huwag ninyong isipin na sapat na ang maging maagap sa pagtanggap ng bagong liwanag—kailangan din ninyong itakwil ang lahat ng negatibo. Sa isang banda, kailangan ninyong pumasok mula sa isang positibong aspeto, at sa kabilang banda, kailangan ninyong alisin sa inyong sarili ang lahat ng marumi mula sa negatibong aspeto. Kailangan mong patuloy na suriin ang iyong sarili upang makita kung aling maruruming bagay ang umiiral pa rin sa iyong kalooban. Ang mga pagkaunawang pangrelihiyon ng sangkatauhan, ang mga layon, pag-asam, pagmamagaling, at kayabangan ay pawang maruruming bagay. Suriin mo ang sarili mo, at ikumpara ang lahat sa lahat ng salita ng paghahayag ng Diyos, upang makita kung aling mga pagkaunawang pangrelihiyon ang mayroon ka. Kapag tunay mong kinikilala ang mga ito, saka mo lamang maitatakwil ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Sapat na ngayon na sundan lamang ang liwanag ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi na kailangang pagkaabalahan ang iba pa.” Kaya lang, kapag nangingibabaw ang iyong mga pagkaunawang pangrelihiyon, paano mo aalisin ang mga ito? Palagay mo ba madaling sundin ang mga salita ng Diyos ngayon? Kung mayroon kang relihiyon, maaaring magkaroon ng mga pagkagambala mula sa iyong mga pagkaunawang pangrelihiyon at sa tradisyonal na mga teoryang teolohikal na nasa puso mo, at kapag nangingibabaw ang mga bagay na ito, nakakasagabal ito sa pagtanggap mo sa mga bagong bagay. Lahat ng ito ay mga tunay na problema. Kung ang patuloy mo lamang pagsisikapang matamo ay ang kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu, hindi mo matutupad ang kalooban ng Diyos. Kasabay ng patuloy mong pagsisikap na mahanap ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, dapat mong kilalanin kung aling mga pagkaunawa at layon ang kinikimkim mo, at kung anong pagmamagaling ng tao ang mayroon ka, at kung aling mga pag-uugali ang masuwayin sa Diyos. At pagkatapos mong makilala ang lahat ng bagay na ito, kailangan mong itakwil ang mga ito. Ang paggawa sa iyong talikdan ang dati mong mga kilos at pag-uugali ay pawang para tulutan kang masunod ang mga salitang sinasambit ngayon ng Banal na Espiritu. Ang pagbabago sa disposisyon, sa isang banda, ay nakakamtan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at sa kabilang banda naman, nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng sangkatauhan. Mayroong gawain ng Diyos at mayroon ding pagsasagawa ng tao, at parehong kailangang-kailangan ang mga ito.
Sa landas ng iyong paglilingkod sa hinaharap, paano mo matutupad ang kalooban ng Diyos? Ang isang mahalagang punto ay ang patuloy na sikaping makapasok sa buhay, patuloy na sikaping magkaroon ng pagbabago sa disposisyon, at patuloy na sikaping mas lalong makapasok sa katotohanan—ito ang landas tungo sa pagtatamo ng pagpeperpekto at pagiging nakamit ng Diyos. Lahat kayo ay tumatanggap ng tagubilin ng Diyos, ngunit anong klaseng tagubilin? Nauugnay ito sa susunod na hakbang ng gawain; ang susunod na hakbang ng gawain ay magiging mas dakilang gawaing isinasagawa sa buong sansinukob, kaya ngayon, dapat ninyong patuloy na sikaping baguhin ang inyong disposisyon sa buhay, upang sa hinaharap ay talagang maging patunay kayo ng pagtatamo ng Diyos ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang gawain, na gagawin kayong mga uliran para sa Kanyang gawain sa hinaharap. Ang patuloy na pagsisikap ngayon ay lubos na para sa paglalatag ng pundasyon para sa gawain sa hinaharap, upang makasangkapan kayo ng Diyos at makapagpatotoo kayo sa Kanya. Kung gagawin mo itong mithiin ng iyong patuloy na pagsisikap, makakamit mo ang presensya ng Banal na Espiritu. Kapag mas mataas ang itinatakda mong mithiin ng iyong patuloy na pagsisikap, mas magagawa kang perpekto. Kapag mas patuloy mong pinagsisikapang matamo ang katotohanan, mas gumagawa ang Banal na Espiritu. Kapag mas masigla ka sa iyong patuloy na pagsisikap, mas marami kang mapapala. Pineperpekto ng Banal na Espiritu ang mga tao ayon sa panloob nilang kalagayan. Sinasabi ng ilang tao na hindi sila handang kasangkapanin ng Diyos o gawin Niyang perpekto, na nais lamang nilang manatiling ligtas ang kanilang laman at hindi dumanas ng anumang kamalasan. Ang ilang tao ay ayaw pumasok sa kaharian subalit handang bumaba sa walang-hanggang kalaliman. Kung gayon, ipagkakaloob din ng Diyos ang iyong nais. Anuman ang patuloy mong pagsikapan, papangyarihin iyon ng Diyos. Kaya ano ang patuloy mong pinagsisikapan sa ngayon? Iyon ba ay ang magawang perpekto? Ang kasalukuyan mo bang mga kilos at pag-uugali ay para magawang perpekto ng Diyos at makamit Niya? Kailangan mong palagiang sukatin ang iyong sarili sa ganitong paraan sa iyong pang-araw-araw na buhay. Kung buong puso mong patuloy na pinagsisikapang makamtan ang isang mithiin, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Gayon ang landas ng Banal na Espiritu. Ang landas kung saan ginagabayan ng Banal na Espiritu ang mga tao ay nakakamit sa pamamagitan ng kanilang patuloy na pagsisikap. Kapag mas nauuhaw kang magawang perpekto at makamit ng Diyos, mas gagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kapag mas bigo kang magsikap, at mas negatibo ka at bumabalik sa dati, mas pinagkakaitan mo ang Banal na Espiritu ng mga pagkakataong gumawa; habang lumalaon, pababayaan ka ng Banal na Espiritu. Nais mo bang magawang perpekto ng Diyos? Nais mo bang makamit ng Diyos? Nais mo bang kasangkapanin ka ng Diyos? Dapat ninyong patuloy na sikaping gawin ang lahat para magawa kayong perpekto, makamit, at kasangkapanin ng Diyos, upang makita ng lahat ng bagay sa sansinukob ang mga kilos ng Diyos na nakikita sa inyo. Kayo ang panginoon ng lahat ng bagay, at sa gitna ng lahat ng naroroon, hahayaan ninyong matamasa ng Diyos ang patotoo at pagluluwalhati sa pamamagitan ninyo—patunay ito na kayo ang pinakamapalad sa lahat ng henerasyon!
________________________________
Nagdadalamhati ka pa rin ba tungkol sa madalas na pagkakasala at hindi makatakas sa pagkaalipin sa kasalanan? Basahin ang Mga aklat ng ebanghelyo upang makahanap ng landas upang maalis sa pagkaalipin sa kasalanan, madalisay, at makapasok sa kaharian ng langit.
Write a comment