Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang dahilan kung bakit sumasalungat ang tao sa Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa tiwaling disposisyon ng tao, at sa kabilang banda, sa kamangmangan tungkol sa Diyos at sa kakulangan ng pag-unawa sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos at ng Kanyang kalooban patungo sa tao. Ang dalawang aspetong ito ay nagsasama upang maging iisang kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay sumasalungat sa Diyos dahil ang ganoong pagsalungat ay nasa kanilang kalikasan, samantalang ang pagsalungat sa Diyos ng mga may maraming taon na sa paniniwala ay nagbubunga mula sa kamangmangan nila tungkol sa Diyos, samahan pa ng kanilang tiwaling disposisyon.
Hinango mula sa “Lahat ng Taong Hindi Kilala ang Diyos ay mga Taong Kontra sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Patuloy na sumusulong ang gawain ng Diyos, at bagaman ang layunin ng Kanyang gawain ay nananatiling di-nagbabago, palaging nagbabago ang paraan kung paano Siya gumagawa, at sa gayon pati na rin yaong mga sumusunod sa Diyos. Mas marami ang gawain ng Diyos, mas lubusang nakikilala ng tao ang Diyos, at ang disposisyon ng tao ay nagbabago kasabay ng Kanyang gawain. Gayunpaman, ito ay dahil sa ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago kaya yaong mga hindi nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu at yaong mga taong katawa-tawa na hindi nakakaalam sa katotohanan ay nagiging kalaban ng Diyos. Hindi kailanman umaayon ang gawain ng Diyos sa mga pagkaintindi ng tao, dahil laging bago ang Kanyang gawain at hindi kailanman luma. Hindi Niya kailanman inuulit ang lumang gawain bagkus ay sumusulong sa gawaing hindi pa nagawa kailanman. Dahil hindi nag-uulit ng Kanyang gawain ang Diyos at karaniwang nanghuhusga ang tao sa gawain ng Diyos ngayon batay sa Kanyang gawain sa nakaraan, lubhang mahirap para sa Diyos na isakatuparan ang bawat isang yugto ng gawain ng bagong kapanahunan. Napakaraming balakid ang tao! Masyadong makitid ang pag-iisip ng tao! Walang taong nakakaalam sa gawain ng Diyos, gayunman nagpapakahulugan silang lahat sa ganoong gawain. Malayo sa Diyos, nawawalan ang tao ng buhay, katotohanan, at mga biyaya ng Diyos, gayon man ni hindi rin tanggap ng tao ang buhay o katotohanan, mas lalo na ang mas malaking mga biyaya na ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Ninanais ng lahat ng tao na makamit ang Diyos nguni’t hindi kayang pagtiisan ang anumang pagbabago sa gawain ng Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay naniniwala na ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, at na magpakailanmang nananatiling nakapirmi ang gawain ng Diyos. Sa kanilang paniniwala, ang tangi lamang kailangan upang makamit ang walang-hanggang kaligtasan mula sa Diyos ay ang pagsunod sa kautusan, at hangga’t nagsisisi at nangungumpisal sila ng kanilang mga kasalanan, mabibigyang-kasiyahan magpakailanman ang kalooban ng Diyos. Ang akala nila ang Diyos ay nagiging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan at ang Diyos na ipinako sa krus para sa tao; akala rin nila na ang Diyos ay hindi dapat at hindi nakakahigit sa Biblia. Ang mga pag-aakalang ito talaga ang mahigpit na gumagapos sa kanila sa lumang kautusan at pinanatili silang nakakadena sa mahigpit na mga tuntunin. Marami pa nga ang naniniwala na anupaman ang bagong gawain ng Diyos, kailangan itong mapatunayan ng mga hula, at sa bawat yugto ng gayong gawain, ang lahat ng sumusunod sa Kanya nang may tapat na puso ay dapat ding mapakitaan ng mga pahayag, kung hindi ang gawaing iyon ay hindi magiging sa Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos. Karagdagan pa sa katawa-tawang puso ng tao at sa kanyang mapanghimagsik na kalikasan ng pagpapahalaga sa sarili at kapalaluan sa sarili, sa gayon lalong higit na mahirap para sa tao na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Hindi pinag-aaralan ng tao ang bagong gawain ng Diyos nang maingat ni tinatanggap ito nang may pagpapakumbaba; sa halip, ang tao ay nang-aalipusta, naghihintay para sa mga pagbubunyag at paggabay ng Diyos. Hindi ba ito ang asal ng tao na naghihimagsik at sumasalungat sa Diyos? Paano makakamit ng ganoong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?
Hinango mula sa “Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Limitado ang Pagkaintindi sa Diyos?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Dahil laging mayroong mga bagong pagsulong ang gawain ng Diyos, mayroong gawaing nagiging lipas at luma na kapag nagsisimula ang bagong gawain. Itong luma at bagong gawain ay hindi nagkakasalungat, bagkus ay magkaugnay; bawat hakbang ay sumusunod sa nauna. At dahil may bagong gawain, ang lumang mga bagay ay tiyak na dapat maalis. Halimbawa, ang ilan sa mga matagal nang pagsasagawa at mga kinasanayang kasabihan ng tao, kasama na ang maraming taon ng karanasan at mga turo, ay bumuo ng lahat ng uri ng mga pagkaintindi sa kaisipan ng tao. Ngunit mas angkop sa pagkakabuo ng gayong mga pagkaintindi ng tao ay ang ’di pa ganap na pagbubunyag ng Diyos ng Kanyang tunay na mukha at likas na disposisyon sa tao, kaalinsabay ng pagkalat, sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyunal na teorya mula sa sinaunang panahon. Makatuwirang sabihin na sa buong panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t ibang pagkaintindi ay humantong na sa patuloy na pagkabuo at pagsulong ng lahat ng uri ng mga pagkaunawa ayon sa pagkaintindi ng mga tao tungkol sa Diyos, na naging sanhi upang maging kaaway Niya ang maraming relihiyosong taong naglilingkod sa Diyos. At kaya, habang lumalakas ang mga relihiyosong pagkaintindi ng mga tao, lalo lamang nilang kinakalaban ang Diyos, at mas lalong nagiging mga kaaway ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma, at hindi kailanman ito bumubuo ng doktrina at sa halip, ito ay patuloy na nagbabago at napanunumbalik sa mas malaki o sa mas maliit na sakop. Ang gawaing ito ang pagpapahayag ng likas na disposisyon ng Diyos Mismo. Ito rin ang likas na prinsipyo ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan kung saan isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang pamamahala. Kung hindi sa ganitong paraan gumawa ang Diyos, hindi magbabago ang tao o hindi makukuhang makilala ang Diyos, at si Satanas ay hindi madadaig. Kaya, sa Kanyang gawain may malimit na nangyayaring mga pagbabago na kung titingnan ay pamali-mali, ngunit ang mga ito sa totoo lang ay pana-panahon. Ang paraan kung paano naniniwala ang tao sa Diyos, gayunman, ay lubhang naiiba. Kumakapit siya sa luma, kilalang mga doktrina at mga sistema, at habang mas luma ay nagiging mas katanggap-tanggap ang mga ito sa kanya. Papaanong ang hangal na pag-iisip ng tao, isang pag-iisip na kasintigas ng bato, ay tumatanggap ng ganoong di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Kinasusuklaman ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto lang niya ay ang lumang Diyos, na matanda na, puti ang buhok, at hindi umaalis sa lugar. Sa gayon, sapagkat ang Diyos at ang tao ay may kani-kanyang mga kagustuhan, ang tao ay naging kaaway ng Diyos. Umiiral pa rin ang marami sa mga salungatang ito hanggang sa ngayon, sa panahon na ang Diyos ay nagsasagawa na ng bagong gawain sa loob ng halos anim na libong taon. Kung gayon, sila ay wala nang lunas. … Ang layunin ng Diyos ay laging para sa Kanyang gawain upang maging bago at buhay, hindi luma at patay, at yaong iniuutos Niya sa tao ay nag-iiba-iba ayon sa kapanahunan at panahon, at ito ay hindi panghabang-panahon at di-mababago. Ito ay dahil sa isa Siyang Diyos na nagiging dahilan upang mabuhay ang tao at maging bago, sa halip na isang diablo na nagiging dahilan upang mamatay ang tao at tumanda. Hindi pa rin ba ninyo ito maunawaan? May mga pagkaintindi ka tungkol sa Diyos na hindi mo mabitawan dahil sarado ang iyong isip. Hindi ito dahil halos walang saysay ang gawain ng Diyos, o dahil ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga naisin ng tao—at mas lalong hindi ito dahil sa ang Diyos ay palaging pabaya sa Kanyang mga tungkulin. Hindi mo mabitawan ang iyong mga pagkaintindi dahil masyado kang kulang sa pagsunod, at dahil ni katiting ay wala kang wangis ng isang nilalang ng Diyos, at hindi dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ang lahat ng ito ay kagagawan mo, at walang kinalaman sa Diyos; lahat ng paghihirap at kasawian ay kagagawan ng tao. Ang mga layunin ng Diyos ay palaging mabuti: Ayaw ka Niyang bigyan ng dahilan para magkaroon ng mga pagkaintindi, ngunit ninanais Niyang magbago ka at mapanibago habang lumilipas ang mga panahon. Ngunit hindi ka mahusay kumilatis ng pagkakaiba, at palagi na lang nag-aaral o nagsusuri. Hindi naman sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, lamang ay wala kang paggalang sa Diyos, at napakalawak ng iyong pagsuway. Ang isang maliit na nilalang na nangangahas na kunin ang ilang walang kuwentang bahagi na ipinagkaloob na noong una ng Diyos, at pagkatapos ay tumatalikod at inaatake ang Diyos—hindi ba ito ang pagsuway ng tao? Ang mga tao, makatwiran lamang sabihin, ay lubos na hindi karapat-dapat na magpahayag ng kanilang mga palagay sa harap ng Diyos, at lalong hindi nila dapat ibanda sa paligid ang kanilang walang-halaga, mabaho, bulok, at mabulaklak na pananalita ayon sa gusto nila—bukod pa sa inaamag na mga pagkaintinding iyon. Hindi ba mas lalo silang walang kabuluhan?
Hinango mula sa “Yaon Lamang mga Nakakaalam sa Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaaring Maglingkod sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Alamin na sinasalungat ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ang inyong sariling mga pagkaintindi upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil hindi ninyo siniseryoso nang husto ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagsalungat sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga pagkaintindi at likas na kayabangan. Hindi ito dahil sa ang gawain ng Diyos ay mali, kundi dahil kayo ay likas na mga masyadong masuwayin. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masasabi ng ilang tao nang may kasiguruhan kung saan nanggaling ang tao, bagkus malakas ang loob nilang gumawa ng mga pampublikong talumpati na sinusukat ang mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. At pinagsasabihan pa nila ang mga apostol na may bagong gawain ang Banal na Espiritu, nagpapasa ng puna at nagsasalita nang wala sa lugar; ang kanilang pagkatao ay masyadong mababa, at walang kahit kaunting katinuan sa kanila. Hindi ba darating ang araw kung kailan ang mga taong ganoon ay itatakwil ng gawain ng Banal na Espiritu, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, ngunit sa halip ay pinipintasan pa ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano ba makikilala ng ganoong di-makatwirang mga tao ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang hinahanap at nararanasan Siya; hindi sa pamamagitan ng pagpintas sa Kanya ayon sa kapritso na nakikilala niya ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kung mas tiyak ang pagkakilala ng tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya sinasalungat. Sa kaibahan, kapag mas kaunti ang pagkakilala ng tao sa Diyos, mas lalo nila Siyang sasalungatin. Ang iyong mga pagkaintindi, ang iyong lumang kalikasan, at ang iyong pagkatao, asal at moral na pananaw ay ang “puhunan” na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang ikaw ay mas tiwali, hamak at mababa, mas kaaway ka ng Diyos. Silang mga nagtataglay ng nakahahapis na mga pagkaintindi at mayroong mapagmagaling na disposisyon ay mas lalong kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang mga taong ganoon ay ang mga anticristo. Kung ang iyong mga pagkaintindi ay hindi naitama, kung gayon ang mga ito ay laging magiging laban sa Diyos; hindi ka kailanman magiging kaayon ng Diyos, at laging malalayo sa Kanya.
Hinango mula sa “Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Gusto ba ninyong malaman ang ugat kung bakit kinalaban ng mga Fariseo si Jesus? Gusto ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinanap ang katotohanan ng buhay. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman, at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagkamali silang kumapit nang walang-saysay sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa anumang paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng pananalig nila sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang mga pananaw na ito? Tatanungin Ko kayong muli: Hindi ba napakadali ninyong magawa ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, yamang wala kayong kahit katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang makilala ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kakalabanin si Cristo? Kaya mo bang sumunod sa gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kakalabanin mo si Cristo, sinasabi Ko na nasa bingit na ng kamatayan ang buhay mo. Yaong lahat na hindi nakakilala sa Mesiyas ay kayang kalabanin si Jesus, tanggihan si Jesus, siraan Siya ng puri. Ang mga taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kayang lahat na itatwa Siya, at laitin Siya. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagkawasak sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at paghamak sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo? Paano ninyo mauunawaan ang gawain ni Jesus kapag bumabalik Siya sa katawang-tao sa ibabaw ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sa ibabaw ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang kategoryang wawasakin. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at gusto lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa naman ninyo nasunod kailanman ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo natanggap kailanman ang katotohanang ipinahayag ni Jesus nang bumalik Siya sa katawang-tao. Ano ang panghahawakan ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbabalik ni Jesus na nasa ibabaw ng puting ulap? Ang kataimtiman ba ninyo sa paulit-ulit na paggawa ng mga kasalanan, at pagkatapos ay pangungumpisal ng mga iyon, nang paulit-ulit? Ano ang iaalay ninyong sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sa ibabaw ng puting ulap? Ang mga taon ba ng paggawa na nagpapadakila sa inyong sarili? Ano ang panghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang likas na kayabangan, na hindi sumusunod sa anumang katotohanan?
Hinango mula sa “Sa Sandaling Mamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang ugat ng pagsalungat at pagka-mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil siya ay nagawang tiwali na ni Satanas, ang konsensya ng tao ay naging manhid na, siya ay imoral, ang kanyang mga saloobin ay sumasama, at siya ay may paurong na pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, ang tao ay likas na tumatalima sa Diyos at sumusunod sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensya, at normal na pagkatao. Matapos magawang tiwali ni Satanas, ang kanyang dating katinuan, konsensya, at pagkatao ay pumurol at pinahina ni Satanas. Kaya, nawala na niya ang kanyang pagkamasunurin at pag-ibig sa Diyos. Ang katinuan ng tao ay naging lihis na, ang kanyang disposisyon ay naging kagaya na ng sa hayop, at ang kanyang pagka-mapanghimagsik sa Diyos ay nagiging mas madalas at mas matindi. Ngunit hindi pa rin alam o ni kinikilala ng tao ito, at basta na lang lumalaban at naghihimagsik nang walang taros. Ang pahayag ng disposisyon ng tao ay ang pagpapahayag ng kanyang katinuan, pananaw at konsensya, at sapagkat ang kanyang katinuan at pananaw ay hindi batay sa katotohanan, at ang kanyang konsensya ay sukdulang pumurol, kaya ang kanyang disposisyon ay mapaghimagsik laban sa Diyos. …
Ang pinagmulan ng pahayag ng tiwaling disposisyon ng tao ay walang iba kundi ang kanyang mapurol na konsensya, kanyang malisyosong kalikasan at kanyang wala sa katotohanang katinuan; kung ang konsensya at katinuan ng tao ay maibabalik sa normal, siya ay magiging akmang magamit sa harap ng Diyos. Ito ay dahil ang konsensya ng tao ay matagal nang manhid, ang katinuan ng tao kailanma’y ’di batay sa katotohanan, at lalo pang pumupurol habang ang tao ay lalo pang naghihimagsik sa Diyos, kaya nga ipinako pa niya si Jesus sa krus at hindi pinapasok ang nagkatawang-taong Diyos ng mga huling araw sa kanyang tahanan, at hinusgahan ang katawang-tao ng Diyos, at ang tingin sa katawang-tao ng Diyos ay hamak. Kung ang tao ay mayroong kahit na kaunting pagkatao, hindi siya magiging malupit sa kanyang pagtrato sa nagkatawang-taong Diyos; kung mayroon siya kahit na kaunting katinuan, hindi siya magiging malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao; kung mayroon siya kahit na kaunting konsensya, hindi siya magiging masyadong “nagpapasalamat” sa Diyos na nagkatawang-tao sa ganitong paraan. Ang tao ay nabubuhay sa panahon na ang Diyos ay naging tao, ngunit hindi niya magawang magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng ganoong kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at para bang tutol siya rito at nayayamot ukol dito. Hindi alintana paano man tinatrato ng tao ang pagdating ng Diyos, ang Diyos, sa madaling sabi, ay laging matiyagang nagpapatuloy sa Kanyang gawain—kahit na ang tao ay wala ni katiting na pagbati ng pagsalubong sa Kanya, at walang taros na humihiling sa Kanya. Ang disposisyon ng tao ay naging napakasama, ang kanyang katinuan ay naging napakapurol, at ang kanyang konsensya ay lubusan nang niyurakan ng masama at matagal nang tumigil bilang orihinal na konsensya ng tao.
Hinango mula sa “Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
________________________________
Repleksyon sa Ebanghelyo: Sa kapanahunan ng Biyaya, ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, pinatawad ang tao sa kanilang mga kasalanan, at ipinagkaloob sa tao ang masaganang biyaya; sa mga huling araw, ang Panginoon ay nagpapahayag ng mga salita, gumagawa ng gawain ng paghuhukom, lubusan na nag-aalis ng mga kasalanan ng tao, naglilinis ng tao at nagdala sa tao sa kaharian ng Diyos.
Write a comment