· 

A. Tungkol sa Paghahayag Kung Ano ang Pananalig sa Diyos

331. Bagama’t maraming taong naniniwala sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang kailangan nilang gawin upang makaayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t pamilyar ang mga tao sa salitang “Diyos” at sa mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang kanilang paniniwala sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong kakaiba para sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi sila makaabot sa mga hinihiling ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila akmang kasangkapanin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang palugurin ang Kanyang kalooban. Ang “paniniwala sa Diyos” ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, pinalulugod ang kalooban ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na “pananampalataya sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang paniniwala sa Diyos bilang isang simple at walang-kabuluhang bagay. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Mayroon pa ring mga naniniwala sa Diyos ngayon ayon sa mga titik at sa hungkag na doktrina. Hindi nila alam na wala silang diwa ng paniniwala sa Diyos, at hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila sa Diyos para mapagpala ng kapayapaan at sapat na biyaya. Huminto tayo, patahimikin natin ang ating puso, at itanong sa ating sarili: Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos talaga ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay napapalugod ang kalooban ng Diyos?

 

Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

332. Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang sumunod ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang mga pinakamahalagang dapat taglayin ng iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos sa pangunahin ay ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay na nakapaloob sa katiwalian tungo sa pamumuhay na nakapaloob sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng sakop ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagkamasunurin sa Diyos at hindi ang pagkamasunurin sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Pangunahin ang paniniwala sa Diyos upang ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay mangyaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari mong gawin ang kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, o hindi ito dapat alang-alang sa iyong personal na laman. Tungkol ito dapat sa pagtataguyod sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang sumunod sa Diyos, at, tulad ni Pedro, sumunod sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ang mga pangunahing layunin ng paniniwala sa Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang ikalugod Niya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito makasusunod ka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos na magagawa mong ibigin Siya, at ito ang layuning dapat taglayin ng tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, mali kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang buhay realidad. Makakamit lamang ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa iyong sariling kalooban. Sa paniniwala sa Diyos, dapat magpunyagi ang tao na magawang perpekto ng Diyos, ang makayanang magpasakop sa Diyos, at para sa ganap na pagkamasunurin sa Diyos. Kung masusunod mo ang Diyos nang hindi dumaraing, isaisip ang mga ninanais ng Diyos, kamtin ang tayog ni Pedro, at taglayin ang pamamaraan ni Pedro na sinabi ng Diyos, diyan mo matatamo ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamtan ka na ng Diyos.

 

Hinango mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

333. Dahil naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong kainin at inumin ang Kanyang mga salita, danasin ang Kanyang mga salita, at isabuhay ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang matatawag na paniniwala sa Diyos! Kung naniniwala ka sa Diyos sa salita subalit hindi mo naisasagawa ang anuman sa Kanyang mga salita o nakakagawa ng anumang realidad, hindi ito tinatawag na paniniwala sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahanap ng tinapay upang pawiin ang gutom.” Ang pagsasalita lamang ng mga walang-kuwentang patotoo, walang-silbing mga bagay, at paimbabaw na mga bagay, nang wala ni katiting na realidad: hindi bumubuo ang mga ito ng paniniwala sa Diyos, at talagang hindi mo naintindihan ang tamang paraan ng paniniwala sa Diyos. Bakit mo kailangang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos hangga’t maaari? Kung hindi ka kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita kundi naghahangad ka lamang na makaakyat sa langit, paniniwala ba iyon sa Diyos? Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang naniniwala sa Diyos? Sa anong landas ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Maituturing ka bang isang tao ng kaharian kung hindi nagsisilbing iyong realidad ang mga salita ng Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng paniniwala sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat man lamang kumilos nang maayos sa labas; ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mag-angkin ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ka maaaring tumalikod kailanman mula sa Kanyang mga salita. Ang pagkilala sa Diyos at pagtupad sa Kanyang mga layunin ay nakakamit na lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Magsasalita nang tuwiran ang Diyos, at lahat ng tao ay hahawakan ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay, at sa pamamagitan nito, magagawang perpekto ang sangkatauhan. Sa loob at sa labas, ang mga salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Sasambitin ng bibig ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, at iingatan sa kalooban ang mga salita ng Diyos, na nananatiling babad sa mga salita ng Diyos kapwa sa kilos at kalooban. Sa ganito magagawang perpekto ang sangkatauhan. Yaong mga tumutupad sa mga layunin ng Diyos at nagagawang magpatotoo sa Kanya, ito ang mga taong nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad.

 

Hinango mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

334. Ngayon, upang maniwala sa praktikal na Diyos, kailangan mong tumapak sa tamang landas. Kung naniniwala ka sa Diyos, hindi ka lamang dapat maghanap ng mga pagpapala, kundi mahalin ang Diyos at makilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan at ng iyong sariling paghahanap, makakain at maiinom mo ang Kanyang salita, makabubuo ka ng isang tunay na pagkaunawa sa Diyos, at magkakaroon ka ng isang tunay na pag-ibig para sa Diyos na nanggagaling sa kaibuturan ng iyong puso. Sa madaling salita, kapag ang iyong pag-ibig para sa Diyos ay tunay na tunay, at walang sinumang makasisira o makahahadlang sa daan ng iyong pag-ibig para sa Kanya, ikaw kung gayon ay nasa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Pinatutunayan nito na pag-aari ka ng Diyos, sapagka’t ang puso mo ay naangkin na ng Diyos at sa gayon ay hindi ka na maaangkin ng iba pa. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, ng iyong ibinayad na halaga, at ng gawain ng Diyos, nagagawang umusbong nang kusa ang pag-ibig mo para sa Diyos—at kapag nagkagayon, ikaw ay mapapalaya mula sa impluwensya ni Satanas at mabubuhay sa liwanag ng salita ng Diyos. Tanging kapag ikaw ay nakalaya na mula sa impluwensya ng kadiliman, saka lang masasabing nakamit mo na ang Diyos. Sa iyong paniniwala sa Diyos, dapat mong subukang abutin ang mithiing ito. Ito ang tungkulin ng bawat isa sa inyo. Wala sa inyong dapat masiyahan sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi kayo maaaring magdalawang-isip sa gawain ng Diyos o ituring ito na basta-basta lang. Dapat ninyong isipin ang Diyos sa lahat ng larangan at sa lahat ng panahon, at gawin ang lahat ng bagay para sa Kanyang kapakanan. At tuwing nagsasalita kayo o kumikilos, dapat ninyong unahin ang mga interes ng tahanan ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan kayo magiging kaayon ng puso ng Diyos.

 

Hinango mula sa “Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

335. Maaari mong isipin na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagdurusa, o paggawa ng lahat ng bagay para sa Kanya; maaari mong isipin na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay para mapayapa ang iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa buhay mo, o upang maging komportable at magaan ang lahat sa iyo. Gayunman, wala sa mga ito ang mga layuning dapat iugnay ng mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos. Kung naniniwala ka dahil sa mga layuning ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Dahil sa pagkaunawang ito, dapat mong gamitin ito upang alisin sa puso mo ang lahat ng personal mong kahilingan, pag-asa, at pagkaintindi. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kundisyong hinihiling ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang kinakailangan, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin. Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at lalo nang kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang Kanyang kalooban sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang alisin ang tiwali at napakasamang disposisyon ng mga tao. Dahil naiwaksi na ang lahat ng karumihan at kasamaan sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling layon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananampalataya sa Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos. Maaari mo lamang tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng iyong paniniwala sa Kanya. Magtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka naniniwala sa Kanya? Yamang naniniwala ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananampalataya sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng sigla sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang paniniwala sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na makasunod sa harap ng Diyos sa iyong pananampalataya. Naniniwala ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring relihiyosong pagkaintindi na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at nais mong sagipin ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananampalataya sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon at hindi sila naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananampalatayang nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong pananalig; hindi iyan tunay na pananampalataya sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at kahandaang isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kundisyong ito, walang bisa ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahanap sa katotohanan, naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, at naghahangad ng buhay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos.

 

Hinango mula sa “Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

336. Makalipas ang napakaraming taon, nakita Ko na ang maraming tao na naniniwala sa Diyos. Ano ang nabago ng kanilang paniniwala sa Diyos sa kanilang isipan? Naniniwala ang ilang tao sa Diyos na para bang wala Siyang halaga. Walang sagot ang mga taong ito sa mga tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos, dahil hindi nila nadarama ni nararamdaman ang Kanyang presensya o pagkawala, lalo nang hindi nila nakikita nang malinaw o nauunawaan ito. Hindi nila namamalayan, iniisip ng mga taong ito na hindi umiiral ang Diyos. Naniniwala ang iba pa sa Diyos na para bang Siya ay isang tao. Iniisip ng mga taong ito na hindi Niya kayang gawin ang lahat ng bagay na hindi rin nila kayang gawin, at na dapat Siyang mag-isip kung paano sila mag-isip. Ang pakahulugan nila sa Diyos ay “isang taong hindi nakikita at hindi nahahawakan.” Mayroon ding isang grupo ng mga tao na naniniwala sa Diyos na para bang Siya ay isang tau-tauhan; naniniwala ang mga taong ito na walang damdamin ang Diyos. Iniisip nila na ang Diyos ay isang rebultong gawa sa luwad, at na kapag naharap sa isang isyu, ang Diyos ay walang saloobin, pananaw, o mga ideya; naniniwala sila na Siya ay minamanipula ng sangkatauhan. Naniniwala lamang ang mga tao kung paano nila gustong maniwala. Kung ginagawa nila Siyang dakila, Siya ay dakila; kung ginagawa nila Siyang maliit, Siya ay maliit. Kapag nagkakasala ang mga tao at kailangan nila ang awa, pagpaparaya, at pagmamahal ng Diyos, ipinapalagay nila na dapat ipaabot ng Diyos ang Kanyang awa. Nag-iimbento ang mga taong ito ng isang “Diyos” sa sarili nilang isipan, at pagkatapos ay ginagawa ang “Diyos” na ito na tuparin ang kanilang mga kahilingan at palugurin ang lahat ng pagnanasa nila. Kailan man o saan man, at anuman ang ginagawa ng gayong mga tao, gagamitin nila ang kahibangang ito sa pagtrato nila sa Diyos at sa kanilang pananampalataya. Mayroon pa ngang mga tao, matapos galitin ang disposisyon ng Diyos, na naniniwala pa rin na maaari Niya silang iligtas, dahil ipinapalagay nila na ang pagmamahal ng Diyos ay walang hangganan at ang Kanyang disposisyon ay matuwid, at gaano man magkasala ang mga tao sa Diyos, hindi Niya aalalahanin ang anuman dito. Iniisip nila na yamang ang mga pagkakamali ng tao, mga pagkakasala ng tao, at mga pagsuway ng tao ay pansamantalang mga pagpapahayag ng disposisyon ng isang tao, bibigyan ng Diyos ng mga pagkakataon ang mga tao, at magpaparaya at magpapasensya sa kanila; naniniwala sila na mamahalin pa rin sila ng Diyos tulad ng dati. Sa gayon, nananatiling malaki ang kanilang pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Sa katunayan, paano man naniniwala ang mga tao sa Diyos, basta’t hindi nila sinisikap na matamo ang katotohanan, negatibo pa rin ang Kanyang saloobin sa kanila. Ito ay dahil habang sumasampalataya ka sa Diyos, bagama’t nakuha at napahalagahan mo na ang aklat ng mga salita ng Diyos, at pinag-aaralan at binabasa mo ito araw-araw, isinasantabi mo ang tunay na Diyos. Itinuturing mo Siyang walang halaga, o isang tao lamang—at ang ilan sa inyo ay itinuturing Siyang isang tau-tauhan lamang. Bakit Ko ito sinasabi sa ganitong paraan? Ginagawa Ko iyon dahil ang tingin Ko rito, nahaharap ka man sa isang problema o sa isang sitwasyon, ang mga bagay na umiiral sa likod ng iyong isipan, ang mga bagay na nabubuo sa iyong kalooban, ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga salita ng Diyos o sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Alam mo lamang kung ano ang iniisip mo mismo, kung ano ang sarili mong pananaw, at pagkatapos ay ipinipilit mo ang sarili mong mga ideya at opinyon sa Diyos. Sa iyong isipan nagiging mga pananaw ng Diyos ang mga ito, at ginagawa mong mga pamantayan ang mga pananaw na ito na walang-sawa mong pinaninindigan. Sa paglipas ng panahon, ang pagpapatuloy nang ganito ay lalong maglalayo sa iyo sa Diyos.

 

Hinango mula sa “Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

337. Bakit ka naniniwala sa Diyos? Karamihan ng mga tao ay nalilito sa tanong na ito. Palagi silang mayroong dalawang lubos na magkaibang pananaw tungkol sa praktikal na Diyos at sa Diyos na nasa langit, na nagpapakitang naniniwala sila sa Diyos hindi para sumunod sa Kanya, kundi para makatanggap ng ilang mga pakinabang, o para makatakas sa pagdurusa na dala ng sakuna; saka lamang sila medyo masunurin. May pasubali ang pagsunod nila; ito ay alang-alang sa mga pansarili nilang pag-asam, at ipinilit sa kanila. Kaya, bakit ka nga ba naniniwala sa Diyos? Kung dahil lamang ito sa kapakanan ng mga pag-asam mo at tadhana mo, mas makabubuti pang huwag ka na lamang maniwala. Ang ganitong paniniwala ay panlilinlang sa sarili, pagpapanatag sa sarili, at paghanga sa sarili. Kung hindi itinayo ang pananampalataya mo sa pundasyon ng pagsunod sa Diyos, parurusahan ka sa huli sa pagsalungat sa Kanya. Lahat yaong mga hindi naghahangad ng pagsunod sa Diyos sa pananampalataya nila ay sumasalungat sa Kanya. Hinihiling ng Diyos na hanapin ng mga tao ang katotohanan, na mauhaw sila sa mga salita Niya, kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, upang makamit nila ang pagsunod sa Diyos. Kung ang mga ito ang tunay mong mga layon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang layon mo ay hindi sumunod sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—ang panalangin mo sa harap ng Diyos, at maging ang bawat kilos mo—ay magiging pagsalungat sa Kanya. Maaaring ikaw ay malumanay magsalita at may banayad na asal, maaaring mukhang wasto ang bawat kilos at pagpapahayag mo, at maaaring mukha kang isang taong sumusunod, ngunit pagdating sa mga layon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananampalataya sa Diyos, pagsalungat sa Diyos ang lahat ng ginagawa mo; kasamaan ang lahat ng ginagawa mo. Ang mga taong lumilitaw bilang masusunurin tulad ng mga tupa, ngunit nagkikimkim ang mga puso ng masasamang pakay, ay mga lobong nakadamit ng pang-tupa. Tuwiran silang nagkakasala sa Diyos, at hindi ititira ng Diyos ang kahit isa sa kanila. Ibubunyag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila at ipapakita sa lahat na yaong mga mapagkunwari ay tiyak na kamumuhian at tatanggihan ng Banal na Espiritu. Huwag mag-alala: Pakikitunguhan at itatapon ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunud-sunod.

 

Hinango mula sa “Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Sumunod sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

338. Ang pinakamalaking pagkakamali ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay yaong sa salita lamang ang kanilang pananampalataya, at ang Diyos ay lubos na wala sa pang-araw-araw nilang buhay. Ang lahat nga ng tao ay naniniwala sa pag-iral ng Diyos, subali’t ang Diyos ay hindi bahagi ng kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Namumutawi sa bibig ng mga tao ang maraming panalangin sa Diyos, nguni’t ang Diyos ay may maliit lamang na lugar sa kanilang puso, at dahil dito ay paulit-ulit silang sinusubok ng Diyos. Sa dahilang ang mga tao ay hindi dalisay kung kaya’t ang Diyos ay walang mapagpipilian kundi subukin sila, upang mapahiya sila at makilala ang kanilang mga sarili sa gitna ng mga pagsubok na ito. Kung hindi, ang sangkatauhan ay magiging mga inapo ng arkanghel, at lalo’t lalong magiging tiwali. Sa proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos, iwinawaksi ng bawat tao ang marami sa kanilang personal na motibo at mga layunin habang sila ay walang-humpay na nililinis ng Diyos. Kung hindi, walang magiging paraan ang Diyos upang magamit ang sinuman, at walang paraan na gawin sa tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Nililinis muna ng Diyos ang mga tao, at sa prosesong ito, maaaring makilala ng mga tao ang kanilang sarili, at maaaring mabago sila ng Diyos. Pagkatapos lamang nito saka inilalakip ng Diyos ang Kanyang buhay sa kanila, at sa ganitong paraan lamang lubusang makababaling ang puso nila sa Diyos. At kaya sinasabi Ko, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng sinasabi ng mga tao. Sa paningin ng Diyos, kung may kaalaman ka lamang nguni’t wala ang salita Niya bilang buhay, at kung limitado ka lamang sa iyong sariling kaalaman nguni’t hindi kayang maisagawa ang katotohanan o maisabuhay ang salita ng Diyos, kung gayon ito ay patunay pa rin na wala kang pusong may pag-ibig para sa Diyos, at ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pag-aari ng Diyos. Makikilala ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya: ito ang panghuling mithiin at ang mithiin ng pagsisikap ng tao. Dapat kang magsikap na isabuhay ang mga salita ng Diyos upang ang mga ito ay magbunga sa iyong pagsasagawa. Kung mayroon ka lamang kaalaman tungkol sa doktrina, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay mauuwi sa wala. Tanging kung iyo ring isinasagawa at isinasabuhay ang Kanyang salita saka lamang maituturing na ganap ang iyong pananampalataya at ayon sa kalooban ng Diyos.

 

Hinango mula sa “Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

339. Naniniwala ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, kaya nga sa puso mo ay kailangan mong mahalin ang Diyos. Kailangan mong isantabi ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mong hangaring matupad ang naisin ng Diyos, at kailangan mong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos. Dahil naniniwala at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o paghingi, at dapat mong makamit ang katuparan ng naisin ng Diyos. Dahil ikaw ay nilikha, dapat mong sundin ang Panginoong lumikha sa iyo, sapagkat ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang kakayahang kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong naniniwala sa Diyos, dapat kang maghangad ng kabanalan at pagbabago. Dahil ikaw ay isang nilalang ng Diyos, dapat kang sumunod sa iyong tungkulin, at manatili sa iyong lugar, at huwag kang lumampas sa iyong tungkulin. Ito ay hindi upang pigilan ka, o supilin ka sa pamamagitan ng doktrina, kundi sa halip ay ang landas na makakatulong upang magampanan mo ang iyong tungkulin, at makakamit ito—at dapat makamit—ng lahat ng gumagawa ng katuwiran.

 

Hinango mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

340. Ang pinakamahalagang kailangan sa pananampalataya ng tao sa Diyos ay na mayroon siyang matapat na puso, at na lubos niyang inilalaan ang kanyang sarili, at tunay siyang sumusunod. Ang pinakamahirap para sa tao ay ibigay ang kanyang buong buhay kapalit ng tunay na pananampalataya, at sa pamamagitan nito ay matamo niya ang buong katotohanan, at magampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang ng Diyos. Ito ang hindi kayang matamo ng mga nabibigo, at lalo pang hindi ito natatamo ng mga hindi makasumpong kay Cristo. Dahil ang tao ay hindi magaling sa buong paglalaan ng kanyang sarili sa Diyos, dahil ang tao ay hindi handang gampanan ang kanyang tungkulin sa Lumikha, dahil nakita na ng tao ang katotohanan ngunit iniiwasan ito at tumatahak sa kanyang sariling landas, dahil laging naghahanap ang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa landas ng mga nabigo na, dahil laging sinusuway ng tao ang Langit, sa gayon, laging nabibigo ang tao, laging natatangay sa panlilinlang ni Satanas, at nabibitag sa sarili niyang patibong. Dahil hindi kilala ng tao si Cristo, dahil hindi sanay ang tao sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan, dahil masyadong sinasamba ng tao si Pablo at masyadong mapag-imbot sa langit, dahil laging hinihiling ng tao na sundin siya ni Cristo at inuutus-utusan niya ang Diyos, sa gayon yaong mga dakilang tao at yaong mga nakaranas na ng mga pagbabagong nangyayari sa mundo ay mortal pa rin, at namamatay pa rin sa gitna ng pagkastigo ng Diyos. Ang masasabi Ko lamang tungkol sa gayong mga tao ay na namamatay sila sa kalunus-lunos na paraan, at na ang bunga para sa kanila—ang kanilang kamatayan—ay hindi walang katwiran. Hindi ba ang kanilang kabiguan ay lalo pang hindi mapapalampas sa batas ng Langit? Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, subalit ang katotohanang nasa tao ay ipinapasa ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi ito isang bagay na kaya ng tao. Subalit si Cristo ay naglalaan lamang ng katotohanan; hindi Siya pumaparito upang magpasiya kung ang tao ay magiging matagumpay sa kanyang paghahangad na matamo ang katotohanan. Sa gayon nangangahulugan ito na ang tagumpay o kabiguan sa katotohanan ay dahil lahat sa pinagsisikapang matamo ng tao. Ang tagumpay o kabiguan ng tao sa katotohanan ay hindi nagkaroon ng kinalaman kay Cristo kailanman, kundi sa halip ay nalalaman sa pamamagitan ng kanyang paghahangad. Ang hantungan at tagumpay o kabiguan ng tao ay hindi maaaring isisi sa Diyos, para ang Diyos Mismo ay magpasan nito, dahil hindi ito isang bagay na para sa Diyos Mismo, kundi direkta itong nauugnay sa tungkuling dapat gampanan ng mga nilalang ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay mayroon talagang kaunting kaalaman tungkol sa pinagsisikapan at hantungan nina Pablo at Pedro, subalit wala ibang alam ang mga tao bukod sa mga kahihinatnan nina Pedro at Pablo, at wala silang alam tungkol sa lihim sa likod ng tagumpay ni Pedro, o sa mga kakulangang humantong sa kabiguan ni Pablo. Kaya nga, kung kayo ay lubos na walang kakayahang makakita sa kakanyahan ng kanilang pinagsisikapan, mabibigo pa rin ang pinagsisikapan ng karamihan sa inyo, at kahit may kaunti sa inyo na magtatagumpay, hindi pa rin sila makakapantay ni Pedro. Kung ang landas ng iyong pagsisikap ang siyang tama, may pag-asa kang magtagumpay; kung ang landas na iyong tinatahak sa paghahangad ng katotohanan ay mali, hindi mo makakayang magtagumpay magpakailanman, at hahantong sa katapusang katulad ng kay Pablo.

 

Hinango mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

341. Kung naniniwala ka sa Diyos, kailangang sundin mo ang Diyos, isagawa ang katotohanan, at tuparin ang lahat ng iyong tungkulin. Bukod diyan, kailangan mong maunawaan ang mga bagay na dapat mong maranasan. Kung ang nararanasan mo lamang ay mapakitunguhan, madisiplina, at mahatulan, kung ang kaya mo lamang ay magpakasaya sa Diyos ngunit hindi mo nararamdaman ang pagdidisiplina o pakikitungo sa iyo ng Diyos—hindi ito katanggap-tanggap. Marahil sa pagkakataong ito ng pagpipino, nagagawa mong manindigan, ngunit hindi pa rin ito sapat; kailangan mo pa ring patuloy na sumulong. Ang aral tungkol sa pagmamahal sa Diyos ay hindi tumitigil kailanman at walang katapusan. Ang tingin ng mga tao sa paniniwala sa Diyos ay isang bagay na napakasimple, ngunit sa sandaling makatamo sila ng ilang praktikal na karanasan, napagtatanto nila na ang paniniwala sa Diyos ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas titindi ang kanilang pagmamahal sa Diyos, at nabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang kalooban. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang paglago ng kanilang pagmamahal sa Diyos, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanilang kalooban. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas lalago ang kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananampalataya sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, may makikita kang mga tao na nagdurusa nang malaki kapag sila ay pinipino, na pinakikitunguhan at dinidisiplina nang husto, at makikita mo na ang mga taong iyon ang may matinding pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na kaalaman tungkol sa Diyos. Yaong mga hindi pa nakaranas na mapakitunguhan ay mababaw lamang ang kaalaman, at ang masasabi lamang ay: “Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang magpakasaya sila sa Kanya.” Kung naranasan ng mga tao na mapakitunguhan at madisiplina, nagagawa nilang talakayin ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi ito tumatagos sa iyo at mas hindi ito kaayon ng iyong mga pagkaintindi, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas matindi ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas matindi ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya.

 

Hinango mula sa “Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

342. Kinakailangan sa paniniwala sa Diyos ang pagsunod sa Kanya at pagdanas ng Kanyang gawain. Napakalaki ng nagawa ng Diyos—masasabi na para sa mga tao lahat ng ito ay pagpeperpekto, pagpipino, at bukod pa rito, pagkastigo. Wala pa ni isang hakbang ng gawain ng Diyos na nakaayon sa mga pagkaintindi ng tao; ang natamasa ng mga tao ay ang mababagsik na salita ng Diyos. Kapag pumarito ang Diyos, dapat matamasa ng mga tao ang Kanyang kamahalan at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumarito Siya para iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan. Bilang mga nilalang, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at gawin iyon nang lubhang matunog para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, nananatili kang puno ng tiwala at hindi nawawalan ng tiwala sa Kanya. Ginagawa mo ang dapat gawin ng tao. Ito ang hinihiling ng Diyos sa tao, at dapat magawa ng puso ng tao na lubos na bumalik at bumaling sa Kanya sa bawat sandaling lumilipas. Ito ay isang mananagumpay. Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga “mananagumpay” ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang “mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ang landas na ito ay totoo, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magpasya man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kahihinatnan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang pusong taos sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang katapatan ay kadalisayan, at ang kakayahang maging taos sa Diyos ay pagpapanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahagi, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat mong talikdan ang laman, talikdan mo ang laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka natataranta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok naninindigan ka. Ito ang katapatan sa Diyos.

 

Hinango mula sa “Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

343. Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang kawan na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang Aking kaluwalhatian, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya. Nang nakita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nakita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bansang Gentil ay nakatamo ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananampalataya. Lahat niyaong hinahampas ng Aking malupit na mga salita nguni’t nabibigyang-aliw ng mga iyon at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananampalataya? Ang mga tao ay nakatanggap ng napakarami dahil sa kanilang pananampalataya, at hindi ito palaging pagpapala. Maaaring hindi nila matanggap ang uri ng kaligayahan at kagalakan na nadama ni David, o mapagkalooban ng tubig ni Jehova kagaya ni Moises. Halimbawa, pinagpala ni Jehova si Job dahil sa kanyang pananampalataya, nguni’t nagdusa rin siya ng sakuna. Kung ikaw man ay pinagpapala o nagdurusa ng sakuna, kapwa itong mga pinagpalang pangyayari. Kung walang pananampalataya, hindi mo matatanggap ang gawaing panlulupig na ito, lalong hindi mamamasdan ang mga gawa ni Jehova na ipinakikita sa harap mo ngayon. Hindi mo magagawang makakita, at lalong hindi mo magagawang tumanggap. Ang mga hagupit na ito, ang mga kalamidad na ito, at ang lahat ng paghatol—kung hindi sumapit sa iyo ang mga ito, magagawa mo bang makita ang mga gawa ni Jehova ngayon? Ngayon, ang pananampalataya ang nagtutulot sa iyo na malupig, at ang pagiging nalupig ang nagtutulot sa iyo na manalig sa bawa’t gawa ni Jehova. Dahil lamang sa pananampalataya kaya ka nakatatanggap ng gayong pagkastigo at paghatol. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ito, ikaw ay nilulupig at pineperpekto. Kung wala ang uri ng pagkastigo at paghatol na tinatanggap mo ngayon, ang iyong pananampalataya ay mawawalan ng kabuluhan, sapagka’t hindi mo makikilala ang Diyos; kahit gaano ka naniniwala sa Kanya, ang iyong pananampalataya ay mananatiling isang hungkag na pagpapahayag na hindi nakasalig sa realidad. Matapos mo lang tanggapin ang gawaing ito ng panlulupig, gawain na gumagawa sa iyo na lubos na masunurin, na ang iyong pananampalataya ay nagiging totoo, at maaasahan, at ang iyong puso ay bumabaling sa Diyos. Kahit na ikaw ay nagdurusa ng matinding paghatol at pagsumpa dahil sa salitang ito, “pananampalataya,” ikaw magkagayunman ay may totoong pananampalataya at ikaw ay tumatanggap ng pinakatunay, pinakatotoo, at pinakamahalagang bagay. Ito ay dahil sa pagpapatuloy lamang ng paghatol na nakikita mo ang huling hantungan ng mga nilalang ng Diyos; sa paghatol na ito mo nakikita na ang Lumikha ay dapat ibigin; sa ganitong uri ng gawaing panlulupig mo namamasdan ang bisig ng Diyos; sa panlulupig na ito ka dumarating sa lubos na pagkaunawa sa buhay ng tao; sa panlulupig na ito mo natatamo ang tamang landas ng buhay ng tao at dumarating sa pagkaunawa sa totoong kahulugan ng “tao”; sa panlulupig na ito mo lang nakikita ang matuwid na disposisyon ng Makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang maganda at maluwalhating mukha; sa gawaing panlulupig na ito mo natututunan ang tungkol sa pinagmulan ng tao at nauunawaan ang “walang-kamatayang kasaysayan” ng buong sangkatauhan; sa ganitong panlulupig ka dumarating sa pagkaintindi sa mga ninuno ng sangkatauhan at sa pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan; sa panlulupig na ito ka nakatatanggap ng kaligayahan at kaginhawahan gayundin ng walang-katapusang pagkastigo, pagdidisiplina, at mga pangaral ng Lumikha sa sangkatauhang Kanyang nilikha; sa gawaing panlulupig na ito ka nakatatanggap ng mga pagpapala, gayundin ng mga sakuna na dapat tanggapin ng tao…. Hindi ba ang lahat ng ito ay dahil sa iyong mumunting pananampalataya? Matapos matamo ang mga bagay na ito, hindi ba lumago ang iyong pananampalataya? Hindi ka ba nakatamo ng napakalaking halaga?

 

Hinango mula sa “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

 

————————————

 

Rekomendasyon: