· 

Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto

 

Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas bibigat ang iyong pasanin, at kapag mas mabigat ang iyong pasanin, mas yayaman ang iyong karanasan. Kapag isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng isang pasanin, at pagkatapos ay liliwanagan ka tungkol sa mga gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag ibinigay ng Diyos ang pasaning ito sa iyo, papansinin mo ang lahat ng nauugnay na katotohanan habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos. Kung mayroon kang pasanin na may kaugnayan sa kalagayan sa buhay ng iyong mga kapatid, ito ay isang pasanin na naipagkatiwala sa iyo ng Diyos, at palagi mong dadalhin ang pasaning ito sa iyong mga dalangin sa araw-araw. Ang ginagawa ng Diyos ay naipagkatiwala na sa iyo, at handa kang isakatuparan yaong nais gawin ng Diyos; ito ang ibig sabihin ng dalhin na parang iyo ang pasanin ng Diyos. Sa puntong ito, sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa ganitong klase ng mga isyu, at iisipin mo, Paano ko lulutasin ang mga problemang ito? Paano ko mabibigyan ng kakayahan ang aking mga kapatid na magkamit ng paglaya at makasumpong ng espirituwal na kasiyahan? Magtutuon ka rin sa paglutas ng mga problemang ito habang nakikibahagi, at habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa pagkain at pag-inom ng mga salitang nauugnay sa mga isyung ito. Magdadala ka rin ng isang pasanin habang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita. Kapag naunawaan mo na ang mga hinihingi ng Diyos, magkakaroon ka ng mas malinaw na ideya tungkol sa landas na tatahakin. Ito ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu na dulot ng iyong pasanin, at ito rin ang patnubay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Bakit Ko sinasabi ito? Kung wala kang pasanin, hindi ka magbibigay-pansin habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos; kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos habang nagdadala ng isang pasanin, mauunawaan mo ang diwa ng mga ito, mahahanap ang iyong daan, at isasaisip ang kalooban ng Diyos. Samakatuwid, sa iyong mga dalangin, dapat mong hilingin na dagdagan ng Diyos ang iyong mga pasanin at ipagkatiwala sa iyo ang mas mabibigat na gawain, para sa hinaharap, maaari kang magkaroon ng iba pang landas ng pagsasagawa; para ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay magkaroon ng mas matinding epekto; para maunawaan mo ang diwa ng Kanyang mga salita; at para mas makayanan mong maantig ng Banal na Espiritu.

 

Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pananalangin, pagtanggap ng pasanin ng Diyos, at pagtanggap ng mga gawaing ipinagkakatiwala Niya sa iyo—lahat ng ito ay para mayroong landas sa iyong harapan. Kapag mas mabigat ang pasaning ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto. Ayaw makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos, kahit natawag sila; tamad ang mga taong ito na nais lamang magsaya sa kaginhawahan. Kapag mas pinaglilingkod ka sa pakikipagtulungan sa iba, mas marami kang mararanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatuwid, kung kaya mong paglingkuran nang tapat ang Diyos, isasaisip mo ang pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo lamang ng mga tao ang kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaisip ang kalooban ng Diyos, makakabuo ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil ang layunin ng pasaning ito na binubuo mo para sa iglesia ay para magamit mo ang gayong mga karanasan upang maperpekto ka ng Diyos. Samakatuwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, at sinuman ang nagdadala ng isang pasanin para makapasok sa buhay—sila ang magiging mga taong pineperpekto ng Diyos. Malinaw na ba ito sa iyo? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala ni nababahala, at nagbubulag-bulagan ka pa kapag hindi normal na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, hindi ka nagdadala ng anumang mga pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang klaseng kinatutuwaan ng Diyos. Ang klase ng mga taong kinatutuwaan ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaisip ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, dapat ninyong isaisip ang pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ihayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa buong sangkatauhan bago ninyo isaisip ang pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalagpas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na pagsisisi. Kapag naihayag na ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng bayan, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong taos na pagsisisi. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. May ilang tao na ang tanging layunin ay tuparin ang mga salitang ito. Handa ka bang isakripisyo ang sarili mo para sa mga salitang ito?

 

Kung hindi ka naghahanap ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos, at kung hindi ka nagpupunyaging makaungos sa grupo sa paghahangad mong maperpekto, sa bandang huli ay mapupuspos ka ng pagsisisi. Ngayon ang pinakamainam na pagkakataong maperpekto; ngayon ay napakagandang panahon. Kung hindi mo marubdob na hinahangad na maperpekto ng Diyos, kapag nagwakas na ang Kanyang gawain, magiging huli na ang lahat—nalagpasan ka na ng pagkakataon. Gaano man kadakila ang iyong mga hangarin, kung hindi na gumaganap ng gawain ang Diyos, anuman ang gawin mo, hindi ka na kailanman mapeperpekto. Kailangan mong samantalahin ang pagkakataong ito at makipagtulungan habang ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang dakilang gawain. Kung makalagpas sa iyo ang pagkakataong ito, hindi ka na mabibigyan ng isa pa, anuman ang gawin mo. Ang ilan sa inyo ay tumatawag, “Diyos ko, handa akong isaisip ang Iyong pasanin, at handa akong palugurin ang Iyong kalooban!” Gayunman, wala kang landas upang magsagawa, kaya hindi magtatagal ang iyong mga pasanin. Kung may isang landas sa iyong harapan, magkakaroon ka ng karanasan nang paisa-isang hakbang, at ang iyong karanasan ay magiging planado at maayos. Kapag natapos na ang isang pasanin, bibigyan ka ng isa pa. Habang lumalalim ang iyong karanasan sa buhay, mas lalalim din ang iyong mga pasanin. Ang ilang tao ay nagdadala lamang ng isang pasanin kapag inantig ng Banal na Espiritu; pagkaraan ng kaunting panahon, kapag wala na silang landas ng pagsasagawa, tumitigil silang magdala ng anumang mga pasanin. Hindi ka magkakaroon ng mga pasanin sa pagkain at pag-inom lamang ng mga salita ng Diyos. Sa pag-unawa sa maraming katotohanan, magkakaroon ka ng paghiwatig, matututo kang lumutas ng mga problema gamit ang katotohanan, at magkakaroon ka ng mas tumpak na pagkaunawa tungkol sa mga salita at kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng dadalhing mga pasanin, at saka mo lamang magagawang gampanan ang gawain nang wasto. Kung mayroon kang isang pasanin, ngunit wala kang malinaw na pagkaunawa sa katotohanan, hindi rin maaari iyan; kailangan mong maranasan mismo ang mga salita ng Diyos at malaman kung paano isagawa ang mga ito. Matapos kang makapasok sa realidad, saka ka lamang maaaring maglaan para sa iba, manguna sa iba, at maperpekto ng Diyos.

 

Sa “Ang Landas … (4)”, nakasulat na kayong lahat ay mga tao ng kaharian, na itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at hindi maaaring kunin ng sinuman. Nakasaad din doon na nais ng Diyos na makasangkapan at maperpekto ng Diyos ang lahat, at na hinihingi Niya na manindigan sila bilang mga tao ng Diyos, at na sa pagiging mga tao lamang ng Diyos nila maaaring tuparin ang kalooban ng Diyos. Sa oras na iyon, nagbahagi kayong lahat tungkol sa bagay na ito, nag-usap-usap tungkol sa landas ng pagpasok batay sa mga pamantayan para sa mga tao ng Diyos. Samakatuwid ang gawaing ginampanan ng Banal na Espiritu noong panahong iyon ay ang alisin ang lahat ng tao mula sa kanilang negatibong kalagayan at dalhin sila sa isang positibong kalagayan. Noong panahong iyon, ang gawain ng Banal na Espiritu ay bigyang-kakayahan ang lahat na matamasa ang mga salita ng Diyos bilang mga tao ng Diyos, at tulutan ang bawat isa sa inyo na malinaw na maunawaan na kayo ay mga tao ng Diyos, tulad ng nakatalaga bago pa ang mga kapanahunan, at hindi kayo maaagaw ni Satanas. Kaya, ipinagdasal ninyong lahat: “Diyos ko! Handa akong maging isa sa Iyong mga tao, dahil itinalaga Mo kami bago pa ang mga kapanahunan at dahil naipagkaloob Mo sa amin ang katayuang ito. Handa kaming palugurin Ka mula sa posisyong ito.” Tuwing nagdarasal ka sa ganitong paraan, aantigin ka ng Banal na Espiritu; ganito gumawa ang Banal na Espiritu. Sa panahong ito, dapat kayong manalangin at sanayin ang sarili ninyo na patahimikin ang inyong puso sa harap ng Diyos, para makapagpunyagi kayo para sa buhay at makapasok sa pagsasanay ng kaharian. Ito ang unang hakbang. Sa sandaling ito, ang gawain ng Diyos ay ang magawa ang lahat na makapasok sa tamang landas, magkaroon ng normal na espirituwal na buhay at tunay na mga karanasan, maantig ng Banal na Espiritu, at—sa pundasyong ito—tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos. Ang layunin ng pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ay para tulutan ang inyong bawat salita, gawa, galaw, iniisip at ideya na pumasok sa loob ng mga salita ng Diyos; para maantig kayo ng Diyos nang mas madalas at sa gayon ay magkaroon kayo ng pusong nagmamahal sa Kanya; at para ipadala sa inyo ang mas marami sa pasanin ng kalooban ng Diyos, para lahat ay nasa landas ng pagpeperpekto ng Diyos, para lahat ay nasa tamang landas. Sa sandaling ikaw ay nasa landas nang ito ng pagpeperpekto ng Diyos, ikaw ay nasa tamang landas. Sa sandaling ang iyong mga iniisip at ideya, gayundin ang iyong mga maling hangarin, ay maaari nang itama, at nagagawa mo nang ibaling ang pag-iisip mo mula sa tawag ng laman tungo sa kalooban ng Diyos, at sa sandaling nagagawa mo nang labanan ang paggambala ng mga maling hangarin kapag naiisip mo ang mga ito, sa halip ay kumikilos ka alinsunod sa kalooban ng Diyos—kung nagagawa mong magbago nang gayon, ikaw ay nasa tamang landas na ng karanasan sa buhay. Sa sandaling ang isinasagawa mong mga panalangin ay nasa tamang landas na, aantigin ka ng Banal na Espiritu sa iyong mga panalangin. Tuwing ikaw ay magdarasal, aantigin ka ng Banal na Espiritu; tuwing ikaw ay magdarasal, magagawa mong patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos. Tuwing ikaw ay kumakain at umiinom ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, kung nagagawa mong maunawaan ang gawaing kasalukuyan Niyang isinasagawa at matututuhan kung paano manalangin, paano makipagtulungan, at paano makapasok, saka lamang magkakaroon ng mga bunga ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kapag nagawa mo, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, na mahanap ang landas ng pagpasok at mahiwatigan ang kasalukuyang takbo ng gawain ng Diyos, gayundin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, nakapasok ka na sa tamang landas. Kung hindi mo pa nauunawaan ang mga pangunahing punto habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos at, pagkatapos, hindi mo pa rin masumpungan ang landas tungo sa pagsasagawa, ipapakita niyan na hindi mo pa rin alam kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang wasto, at na hindi mo pa natutuklasan ang pamamaraan o prinsipyo para magawa ito. Kung hindi mo pa nauunawaan ang gawaing kasalukuyang isinasagawa ng Diyos, hindi mo magagawang tanggapin ang mga gawaing ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kasalukuyan ang kailangan mismong pasukin at maunawaan ng mga tao sa ngayon. Nauunawaan ba ninyo ang mga bagay na ito?

 

Kung kakainin at iinumin mo nang epektibo ang mga salita ng Diyos, magiging normal ang iyong espirituwal na buhay, at anumang mga pagsubok ang makaharap mo, anumang mga pangyayari ang makatagpo mo, anumang pisikal na karamdaman ang tiisin mo, anumang pagkawalay sa mga kapatid o mga paghihirap sa pamilya ang maranasan mo, nagagawa mong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal, manalangin nang normal, at magpatuloy sa iyong buhay-iglesia nang normal; kung magagawa mo ang lahat ng ito, ipapakita nito na ikaw ay nasa tamang landas. Ang ilang tao ay masyadong marupok at walang tiyaga. Kapag naharap sa maliit na balakid, umuungot at nagiging negatibo sila. Ang paghahangad na matamo ang katotohanan ay nangangailangan ng tiyaga at determinasyon. Kung nabigo kang palugurin ang kalooban ng Diyos sa ngayon, kailangan mong magawang kamuhian ang iyong sarili at, sa iyong kaibuturan, tahimik na maging determinadong magtagumpay sa susunod. Kung, sa oras na ito, hindi mo isinaisip ang pasanin ng Diyos, dapat kang maging determinadong maghimagsik laban sa tawag ng laman kapag naharap ka sa balakid ding iyon sa hinaharap, at pagpasyahan mong palugurin ang kalooban ng Diyos. Ganito ang paraan para ikaw ay maging kapuri-puri. Ang ilang tao ay ni hindi alam kung ang kanilang sariling mga iniisip o ideya ay tama; ang mga taong iyon ay mga hangal! Kung nais mong supilin ang puso mo at maghimagsik laban sa tawag ng laman, kailangan mo munang malaman kung tama ang iyong mga hangarin; saka mo lamang masusupil ang puso mo. Kung hindi mo alam kung tama ang iyong mga hangarin, posible bang masupil mo ang puso mo at maghimagsik ka laban sa tawag ng laman? Kahit maghimagsik ka, gagawin mo ito sa isang nalilitong paraan. Dapat mong malaman kung paano maghimagsik laban sa iyong mga maling hangarin; ito ang ibig sabihin ng maghimagsik laban sa tawag ng laman. Sa sandaling kinikilala mo nang mali ang iyong mga hangarin, iniisip at ideya, dapat kang pumihit kaagad at tumahak sa tamang landas. Lutasin mo muna ang isyung ito, at sanayin ang sarili mo na makapasok sa bagay na ito, dahil ikaw ang higit na nakakaalam kung tama ang iyong mga hangarin o hindi. Sa sandaling naitama na ang iyong mga maling hangarin at naging para na sa kapakanan ng Diyos, nakamit mo na ang mithiing supilin ang puso mo.

 

Ang pinakamahalagang gawin ninyo ngayon ay ang magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain. Kailangan mo ring malaman kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa sangkatauhan; mahalaga ang mga pagkilos na ito para makapasok sa tamang landas. Magiging mas madali para sa iyo na gawin ito kapag nauunawaan mo na ang mahalagang puntong ito. Naniniwala ka sa Diyos at kilala mo ang Diyos, na nagpapakita na ang iyong paniniwala sa Diyos ay tunay. Kung patuloy kang magtatamo ng karanasan, subalit sa huli ay hindi mo pa rin nakikilala ang Diyos, tiyak na isa kang taong lumalaban sa Diyos. Yaong mga naniniwala lamang kay Jesucristo pero hindi naman naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay parurusahang lahat. Lahat sila ay mga Fariseo sa mga huling araw, sapagkat hindi nila kinikilala ang Diyos ng ngayon; at lahat sila ay kontra sa Diyos. Gaano man sila katapat sa kanilang pagsamba kay Jesus, lahat ng iyon ay mawawalan ng kabuluhan; hindi sila pupurihin ng Diyos. Lahat niyaong may hawak na karatula na nagsasabing naniniwala sila sa Diyos, subalit walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos sa kanilang puso, ay mga mapagkunwari.

 

Upang hangaring maperpekto ng Diyos, kailangan munang maunawaan ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng maperpekto Niya, gayundin kung anong mga kundisyon ang kailangan niyang tugunan upang maperpekto. Kapag nauunawaan na niya ang gayong mga bagay, kailangan niyang maghanap ng isang landas ng pagsasagawa. Upang maperpekto, kailangan siyang magkaroon ng isang katangian. Maraming tao ang hindi likas na may sapat na katangian, sa ganoong kaso kailangan mong magbayad ng halaga at magsikap nang husto. Kapag mas masahol ang iyong katangian, mas kailangan mong magsikap nang husto. Kapag mas nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos at mas isinasagawa mo ang mga iyon, mas mabilis kang makakatahak sa landas ng pagiging perpekto. Sa pamamagitan ng pagdarasal, maaari ka ring maperpekto patungkol sa pagdarasal; maaari ka ring maperpekto sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pag-unawa sa diwa ng mga ito, at pagsasabuhay ng realidad ng mga ito. Sa pagdanas ng mga salita ng Diyos araw-araw, dapat mong malaman kung ano ang kulang sa iyo; bukod pa riyan, dapat mong makilala ang iyong depekto na ikapapamahak mo at ang iyong mga kahinaan, at manalangin at magsumamo sa Diyos. Sa paggawa nito, unti-unti kang mapeperpekto. Ang landas tungo sa pagiging perpekto ay: pagdarasal; pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; pag-unawa sa diwa ng mga salita ng Diyos; pagpasok sa karanasan ng mga salita ng Diyos; pag-alam kung ano ang kulang sa iyo; pagpapasakop sa gawain ng Diyos; pagsasaisip sa pasanin ng Diyos at pagtalikod sa tawag ng laman sa pamamagitan ng iyong pagmamahal sa Diyos; at pagsali sa malimit na pakikibahagi sa iyong mga kapatid, na maaaring magpayaman sa iyong mga karanasan. Buhay mo man ito sa komunidad o iyong personal na buhay, at malalaking pulong man ito o maliliit, lahat ay maaaring magtulot sa iyo na magkaroon ng karanasan at tumanggap ng pagsasanay upang ang puso mo ay matahimik sa harap ng Diyos at makabalik sa Kanya. Lahat ng ito ay bahagi ng proseso ng pagpeperpekto. Ang pagdaranas ng mga salita ng Diyos, gaya ng binanggit kanina, ay nangangahulugan ng tunay na pagtikim sa mga ito at pagtutulot sa sarili mo na isabuhay ang mga ito, upang magkaroon ka ng mas matinding pananampalataya at pagmamahal sa Diyos. Sa ganitong paraan, unti-unti mong maiwawaksi ang iyong tiwali at napakasamang disposisyon; mapapalaya ang sarili mo sa di-wastong mga motibo; at maisasabuhay ang wangis ng isang normal na tao. Kapag mas matindi ang pagmamahal mo sa Diyos sa iyong kalooban—ibig sabihin, mas malaking bahagi mo ang naperpekto ng Diyos—mas hindi ka malulukuban ng katiwalian ni Satanas. Sa pamamagitan ng iyong mga praktikal na karanasan, unti-unti kang makakatahak sa landas ng pagiging perpekto. Sa gayon, kung nais mong maperpekto, napakahalagang isaisip ang kalooban ng Diyos at maranasan ang Kanyang mga salita.

 

 

________________________________

 

Ang Mga Aklat ng Ebanghelyo ay nagtatala ng mga salita at pagbigkas ng Panginoon na bumalik sa mga huling araw. I-click at basahin ito, at pagkatapos ay maririnig mo ang tinig ng Diyos at matanggap kaagad ang Panginoon.

Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naramdaman mo na ba ang pagmamalasakit at pagmamahal ng Diyos sa iyo? Upang makapakinig pa sa higit pang mga salita ng Diyos, mangyaring makipag-ugnayan sa amin sa Messenger.

Write a comment

Comments: 0