Ni Wang Cheng, Lalawigan ng Hebei
Noong panahon na isa akong mananampalataya sa Panginoong Jesucristo, inusig ako ng gobyernong CCP. Ginamit ng gobyerno ang “krimen” ng aking pananalig sa Panginoong Jesus bilang dahilan upang madalas akong pahirapan at pagmalupitan. Inutusan pa nila ang mga kadre sa baryo na bisitahin ako nang madalas sa bahay para tanungin ako tungkol sa mga gawi sa aking pananalig. Noong 1998, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nang marinig kong bigkasin nang personal ang mga salita ng Lumikha, natuwa ako at naantig sa isang paraang ni hindi ko kayang ipaliwanag. Sa panghihikayat ng pagmamahal ng Diyos, gumawa ako ng pagpapasiya: susundan ko ang Makapangyarihang Diyos hanggang sa pinakawakas, anuman ang mangyari. Noong panahong iyon, masigasig akong dumalo sa mga pulong at nagpalaganap ng ebanghelyo, na muling umagaw sa pansin ng gobyernong CCP. Sa pagkakataong ito, mas matindi kaysa rati ang pag-uusig nila sa akin. Tumindi iyon nang husto kaya hindi ko na maaaring isagawa nang normal ang aking pananampalataya sa sarili kong bahay at napilitan akong lisanin ang tahanan ko para tuparin ang aking mga tungkulin.
Noong 2006, ako ang responsable sa pagpapalimbag ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Minsan habang naghahatid ako ng mga aklat, sa kasamaang-palad ay dinakip ng mga pulis ng CCP ang ilang kapatid at ang drayber ng kumpanya ng paglilimbag. Lahat ng sampung libong kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao na nasa trak ay nakumpiska. Kalaunan, isinumbong ng drayber ang mahigit sampung iba pang kapatid at lahat sila ay isa-isang pinagdadakip. Dahil dito, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa dalawang probinsiya at direktang pinangasiwaan ng mga awtoridad ng punong tanggapan ang kaso. Nang matuklasan ng gobyernong CCP na ako ang lider, gumastos sila ng malaki, nagpadala ng mga armadong puwersa ng pulisya para imbestigahan ang lahat ng pook ng operasyon na may kaugnayan sa trabaho ko. Kinumpiska nila ang dalawang kotse at isang van mula sa limbagang kinatulong namin at nilustay ang 65,500 RMB mula sa kumpanya bukod pa sa mahigit 3,000 RMB na ninakaw nila sa mga kapatid na nasa trak noong araw na iyon. Bukod pa riyan, dumating din ang mga pulis at dalawang beses na hinalughog ang bahay ko. Tuwing darating sila, sisipain nila ang pinto sa harapan, babasagin at sisirain ang mga gamit ko at hahalughugin ang buong bahay ko. Mas masahol pa sila sa isang grupo ng mga bandidong gumagala! Pagkatapos, dahil hindi ako nakita ng gobyernong CCP, tinipon nila ang lahat ng kapitbahay, kaibigan at kamag-anak ko at pinagtatanong sila kung nasaan ako.
Napilitan akong tumakas patungo sa napakalayong bahay ng isang kamag-anak para hindi ako maaresto at mausig ng gobyernong CCP. Walang-wala sa hinagap ko na patuloy akong hahanapin ng mga pulis ng CCP sa napakalayong lugar na iyon para arestuhin ako. Subalit, noong gabi ng ikatlong araw pagkarating ko sa bahay ng kamag-anak ko, isang pangkat ng mga 100 opisyal na binubuo ng isang yunit ng mga pulis mula sa bayang sinilangan ko sa tulong ng lokal na pulisya na nanghuhuli ng mga kriminal at armadong pulisya ang nakapaligid sa bahay ng kamag-anak ko at hinuli at inaresto ang lahat ng kamag-anak ko. Pinaligiran ako ng mahigit sampung armadong opisyal na pulis, na lahat ay nakatutok ang baril sa ulo ko, galit na sumisigaw, “Isang kilos mo at patay ka!” Sumunod, sinunggaban ako ng ilang opisyal na pulis at sinimulan nilang lahat na posasan ang mga braso ko sa likod ko. Hinila nila ang kanang kamay ko sa ibabaw ng balikat ko at pagkatapos ay minanipula ang kaliwang braso ko sa likod ko at mabangis na hinaltak ang kamay ko pataas. Nang hindi nila maiposas nang magkasama ang mga kamay ko, inapakan nila ang likod ko at hinaltak pa nang husto ang mga kamay ko hanggang sa mapilit nilang pagsamahin sa wakas. Hindi ko matagalan ang napakatinding sakit, ngunit gaano man ako sumigaw, “Hindi ko na kaya ang sakit,” walang pakialam ang mga opisyal, at ang tanging magagawa ko ay magdasal sa Diyos na bigyan ako ng lakas. Inagaw nila ang 650 RMB mula sa akin at pagkatapos ay pinagtatanong ako kung saan itinago ng iglesia ang pera nito, na pinipilit na ibigay ko ang lahat ng pondo sa kanila. Talagang nagalit ako at naisip ko sa sarili ko nang may poot, “Tinatawag nilang ‘Pulis ng Bayan’ at ‘mga tagapagtanggol ng buhay at ari-arian ng mga tao,’ subalit kaya sila nagpadala ng ganito karaming pulis para hanapin at arestuhin ako sa ganito kalayong distansya ay hindi lang para pigilan ang gawain ng Diyos, kundi para nakawin at ibulsa rin nila ang pondo ng iglesia! Walang kasiyahan ang pagnanasa ng masasamang pulis na ito sa pera. Sinisira nila ang utak nila at hindi sila titigil hangga’t hindi nila napupuno ang kaban nila. Sino ang nakakaalam kung ilang walang-konsiyensyang pagkilos na ang nagawa nila sa paghahanap ng kayamanan o ilang inosenteng buhay na ang nawasak nila para yumaman sila?” Nang lalo ko itong isipin, lalo akong nagalit, at isinumpa ko sa sarili ko na mamamatay na muna ako bago ko pagtaksilan ang Diyos. Sumumpa ako sa sarili ko na lalabanan ko ang mga demonyong ito hanggang sa huli kahit masaklap ito. Nang makita ng isa sa mga opisyal na galit akong nakatitig nang tahimik sa kanila, lumapit siya at dalawang beses akong sinampal sa mukha, kaya namaga at nagdugo nang husto ang mga labi ko. Gayunman, hindi pa nasiyahan doon, sinundan pa ito ng masasamang pulis ng mabangis na pagsipa sa mga binti ko at minura ako hanggang sa mapahandusay ako sa sahig. Patuloy nila akong pinagsisipa na parang bola ng putbol habang nakahandusay ako sa sahig hanggang sa, pagkaraan ng ilang hindi matiyak na sandali, nawalan na ako ng malay. Nang magkamalay ako, nasa kotse na ako papunta sa bayan kong sinilangan. Pinosasan nila ako ng napakalaking kadenang bakal na nakakabit sa leeg ko hanggang sa mga sakong ko kaya hindi ako makaupo nang tuwid, kundi napilitan akong yumuko, na nakabaluktot na parang sanggol, halos dibdib at ulo ko lang ang nakasuporta. Nang makita ng mga opisyal na talagang nasasaktan ako, naghalakhakan lang sila at nanunuyang sinabi, “Tingnan natin kung maililigtas ka ng Diyos mo ngayon!” na may kasamang iba pang panghihiya. Malinaw kong naunawaan na kaya nila ako tinatrato nang ganito ay dahil isa akong mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos. Katulad na katulad ito ng sinabi ng Diyos noong Kapanahunan ng Biyaya: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanglibutan, ay inyong talastas na ako muna ang kinapootan bago kayo” (Juan 15:18). Nang lalo nila akong hiyain, lalo kong nakita nang malinaw ang kanilang kademonyohan bilang mga kaaway ng Diyos at ang kanilang masamang kalikasan ng pagkamuhi sa Diyos, kaya lalo ko pa silang kinamuhian. Kasabay nito, patuloy akong nanawagan sa Diyos, na nagdarasal, “Mahal na Makapangyarihang Diyos! Tiyak na mabuti ang Iyong mga layon kaya Mo pinahintulutang hulihin ako ng mga pulis, at handa akong magpasakop sa Iyo. Ngayon, bagama’t nananakit ang aking pisikal na katawan, handa akong tumayong saksi para sa Iyo para hiyain ang matandang diyablo. Hindi ako magpapasakop dito anuman ang sitwasyon. Dalangin ko na bigyan Mo ako ng pananampalataya at karunungan.” Pagkatapos kong magdasal, naisip ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Manahimik sa loob Ko, sapagka’t Ako ay inyong Diyos, ang inyong tanging Manunubos. Dapat ninyong payapain ang inyong mga puso sa lahat ng sandali, mabuhay sa loob Ko; Ako ang inyong Bato, ang inyong tagapagtaguyod” (“Kabanata 26” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Binigyan ako ng higit pang lakas at determinasyon ng mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang pinakamataas na naghahari sa lahat ng bagay at ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa Kanyang mga kamay. Dahil ang Makapangyarihang Diyos ang aking matatag na suporta, wala akong dapat ikatakot! Pagkatapos nito, napanibago ang aking pananampalataya at landas na isasagawa, at handa na akong humarap sa malupit na pahirap na nakaantabay sa akin.
Sa loob ng 18 oras na kasama nila pabalik sa aking bayang sinilangan, hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nawalan ng malay dahil sa sakit, ngunit wala ni isa sa butangerong mga pulis na iyon ang nagpakita ng kahit kaunting malasakit. Nang makarating na kami sa wakas, alas-dos pasado na ng madaling araw. Pakiramdam ko na parang namuo ang lahat ng dugo sa katawan ko—maga at manhid ang mga braso at binti ko at hindi ko kayang makagalaw. Narinig kong sinabi ng isa sa mga pulis, “Patay na yata siya.” Sinunggaban ng isa sa kanila ang kadenang bakal at tinapakan iyon nang buong diin, kaya tumagos sa laman ko ang matatalim na gilid nito. Gumulong akong lumabas ng kotse at muling nawalan ng malay dahil sa sakit. Sinipa-sipa ako ng mga pulis hanggang sa magkamalay ako at saka sumigaw, “Buwisit! Nagkukunwari ka pang patay, ha? Kapag nakapagpahinga na kami, lagot ka!” Pagkatapos ay marahas nila akong kinaladkad papasok sa isang selda sa death row at, nang umalis sila, sinabi nila, “Inayos namin talaga ang seldang ito para sa iyo.” Naistorbo ang ilang bilanggo sa pagkakatulog nila nang kaladkarin ako papasok at natakot ako nang husto sa masasama nilang titig kaya namaluktot ako sa isang sulok, takot na gumalaw. Pakiramdam ko na parang nakapasok ako sa kung anong uri ng impiyerno sa lupa. Kinaumagahan, nagkulumpunan ang iba pang mga bilanggo sa paligid ko, nakatingin sa akin na para bang taga-ibang planeta ako. Sinunggaban nila akong lahat, tinatakot akong masyado kaya agad akong lumupasay sa sahig. Nagising ang punong bilanggo sa gulo—tiningnan niya ako at balewalang sinabi, “Bahala na kayo sa kanya, huwag lang ninyong patayin sa bugbog.” Tumugon ang mga bilanggo sa punong bilanggo na para bang nagpalabas siya ng utos ng isang emperador. Dinaluhong nila ako, na handang bugbugin ako. Naisip ko sa sarili ko, “Ngayon lagot ka na. Ibinigay ako ng mga pulis sa mga bilanggo sa death row para gawin ang maruming gawain nila—sadya nila akong ipapapatay.” Lubos akong nadala ng takot at wala akong magawa, at ang tanging magagawa ko ay ipagkatiwala ang aking buhay sa Diyos at tanggapin ang Kanyang mga pagsasaayos. Nang inihahanda ko ang sarili ko na mabugbog, may nangyaring hindi kapani-paniwala: narinig kong may biglang sumigaw, “Sandali!” Tumatakbong dumating ang punong bilanggo, binatak ako patayo at tiningnan ako nang ilang minuto. Takot na takot ako kaya ni hindi ako nangahas na tingnan siya. “Paano napunta ang mabuting lalaking katulad mo sa ganitong lugar?” tanong niya. Nang marinig ko siyang magsalita sa akin, tiningnan ko siya nang malapitan at natanto ko na kaibigan siya ng kaibigan kong nakilala kong minsan noong araw. Pagkatapos ay bumaling siya sa iba pang mga bilanggo, na sinasabing, “Kaibigan ko ang taong ito. Kapag may kumanti sa kanya, mananagot kayo sa akin!” Pagkatapos, nagmadali siyang bilhan ako ng makakain at tinulungan akong makakuha ng iba’t ibang gamit sa banyo at pang-araw-araw na mga bagay na kakailanganin ko sa kulungan. Pagkatapos niyon, wala nang nangahas na pag-initan ako. Alam ko na nangyari ang lahat ng iyon dahil sa pagmamahal ng Diyos at na iyon ang matalinong plano ng Diyos. Talagang gusto ng mga pulis na gamitin ang iba pang mga bilanggo para walang-awa akong pahirapan, ngunit hindi nila akalain na aantigin ng Diyos ang punong bilanggo para tulungan akong maiwasan ang pahirap na ito. Naantig ako hanggang sa mapaiyak ako at hindi ko napigilang purihin ang Diyos sa puso ko, na sinasabi, “Diyos ko! Salamat sa Iyo at pinakitaan Mo ako ng awa! Ikaw ang tumulong sa akin sa pamamagitan ng kaibigang ito noong ako ay takot na takot, wala akong magawa at hinang-hina, na tinutulutan akong masaksihan ang Iyong mga gawa. Ikaw ang nagpapakilos sa lahat ng bagay upang maglingkod sa Iyo para maaaring makinabang ang mga nananalig sa Iyo.” Sa sandaling iyon, higit na lumago ang aking pananampalataya sa Diyos, dahil personal kong naranasan ang Kanyang pagmamahal. Bagama’t nasadlak ako sa napakasamang sitwasyon, hindi ako pinabayaan ng Diyos. Dahil nasa tabi ko ang Diyos, ano ang dapat ikatakot? Pinanatag ako ng aking kaibigan, na sinasabi, “Huwag kang malungkot. Anuman ang ginawa mo, huwag kang magsalita, kahit mamatay ka pa. Pero kailangan mong ihanda ang isip mo, at dapat mong malaman, dahil inilagay ka nila rito kasama ng isang grupo ng mga bilanggo sa death row, hindi ka nila basta-basta pakakawalan.” Mula sa mga salita ng aking kaibigan mas nadama ko na ginagabayan ako noon ng Diyos sa bawat sandali at na nangusap Siya sa pamamagitan ng kapwa ko bilanggo para balaan ako sa mangyayari. Lubos kong inihanda ang isip ko at tahimik kong isinumpa sa sarili ko: Anumang pahirap ang gawin sa akin ng mga demonyong iyon, hinding-hindi ko pagtataksilan ang Diyos!
Sa ikalawang araw, mahigit sampung armadong pulis ang dumating at sinamahan ako mula sa detention house na para akong isang bilanggo sa death row papunta sa isang liblib na lugar sa kabukiran. Ang pasilidad na pinagdalhan nila sa akin ay may mataas na pader na may malaking bakuran na lubhang guwardiyado ng mga armadong pulis. Mababasa sa isang karatula sa malaking pintuan, “Police Dog Training Base.” Bawat kuwarto ay puno ng lahat ng iba’t ibang klase ng instrumento ng pahirap. Tila dinala na nila ako sa isa sa mga lihim na pasilidad sa interogasyon at pahirap ng gobyernong CCP. Nang tingnan ko ang paligid ko, tumayo ang balahibo ko at nanginig ako sa takot. Pinatayo ako ng masasamang pulis sa gitna ng bakuran at pagkatapos ay pinakawalan nila ang apat na mukhang mababangis at napakalalaking aso mula sa isang kulungang bakal, itinuro ako at inutusan ang mga turuang aso ng mga pulis, na sinasabi, “Sugod! Patayin!” Agad akong dinaluhong ng mga aso na parang isang pangkat ng mga lobo. Takot na takot ako kaya mariin akong pumikit. Nagsimulang umugong ang aking mga tainga at nablangko ang aking isipan—ang tanging nasa isip ko, “Diyos ko! Iligtas Mo sana ako!” Patuloy akong humingi ng tulong sa Diyos at, pagkaraan ng mga sampung minuto, ang tanging mararamdaman ko ay kinakagat ng mga aso ang damit ko. Isang napakalaking aso ang nakatayo sa mga balikat ko, inamoy-amoy ako at pagkatapos ay dinilaan ang mukha ko, ngunit hindi ako kinagat ni minsan. Bigla kong naalala ang isang kuwento sa Biblia kung saan inihulog ang propetang si Daniel sa isang lungga ng gutom na mga leon dahil sumamba siya sa Diyos, ngunit hindi siya sinaktan ng mga leon. Dahil kasama niya ang Diyos, nagpadala ng isang anghel ang Diyos para isara ang mga panga ng mga leon. Bigla, isang malalim na pananampalataya ang nag-umapaw sa aking kalooban at pinalis ang lahat ng takot sa puso ko. Nagkaroon ako ng malalim na paniniwala na lahat ay isinaayos ng Diyos at ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Bukod pa rito, kung nakagat ako ng mababangis na aso dahil sa aking pananalig sa Diyos at namatay akong isang martir, malaking karangalan ito at talagang wala akong anumang reklamo. Nang hindi na ako napigilan ng takot sa kamatayan at handa na akong ibigay ang buhay ko para magpatotoo sa Diyos, muli kong nasaksihan ang pagka-makapangyarihan sa lahat at mahimalang mga gawa ng Diyos. Sa pagkakataong ito galit na galit at nagmamadaling pinuntahan ng mga pulis ang mga aso, na sumisigaw, “Patayin! Patayin!” Gayunman, biglang parang hindi kayang maunawaan ng sanay na sanay na turuang mga asong ito ang mga utos ng mga amo nito. Ang tanging ginawa ng mga ito ay sirain nang kaunti ang mga damit ko, dilaan ang mukha ko at saka nagpulasan. Tinangkang pigilan ng masasamang pulis ang mga aso at inutusang salakayin ulit ako, ngunit biglang natakot at nagpulasan ang mga aso sa iba’t ibang direksyon. Nang makita ng mga pulis ang nangyari, nagulat silang lahat at sinabing, “Kataka-taka, ayaw siyang kagatin ng mga aso!” Bigla kong naalala ang sumusunod na mga salita ng Diyos: “Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay” (“Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya’t isinasailalim Niya ang lahat ng paglikha sa Kanyang kapamahalaan, at magpasakop sa Kanyang kapamahalaan; Siya ang mag-uutos sa lahat ng bagay, upang ang lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Ang lahat ng nilikha ng Diyos, kasama ang mga hayop, halaman, sangkatauhan, mga bundok at mga ilog, at ang mga lawa—lahat ay dapat sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Ang lahat ng bagay sa mga papawirin at sa lupa ay dapat sumailalim sa Kanyang kapamahalaan” (“Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Mula sa sarili kong karanasan, nakita ko sa tunay na buhay kung paanong lahat ng bagay—buhay man o patay—ay napapailalim sa mga pagsasaayos ng Diyos at gumagalaw at nagbabagong lahat ayon sa iniisip ng Diyos. Nakaligtas ako na di-gaanong nasaktan matapos akong daluhungin ng mga aso ng mga pulis dahil nasarhan ng Makapangyarihang Diyos ang mga bibig nito at ginawa Niya iyon para hindi mangahas ang mga ito na kagatin ako. Alam na alam ko na nagmula ito sa malaking kapangyarihan ng Diyos at na naihayag na ng Diyos ang isa sa Kanyang mahimalang mga gawa. Maging ang butangerong mga pulis man na iyon, o ang turuang mga aso ng mga pulis, kinailangan nilang lahat na magpasakop sa awtoridad ng Diyos. Walang sinumang makakapalit sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Walang dudang nahulog ako sa demonyong mga kamay ng gobyernong CCP at nakaranas ng pagsubok na katulad ng sa propetang si Daniel dahil hindi ako pinabayaan ng Diyos at dinakila ako at pinagkalooban ng Kanyang biyaya. Sa pamamagitan ng pagsaksi sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos, nagkaroon ako ng higit pang pananampalataya sa Kanya at sumumpa akong labanan ang diyablo hanggang sa pinakahuli. Sumumpa akong manalig at sumamba sa Diyos magpakailanman at maghatid ng kaluwalhatian at karangalan sa Kanya!
Nang hindi magtagumpay ang mga pulis sa kanilang hangarin gamit ang umaatake nilang mga aso, dinala nila ako sa silid ng interogasyon. Ibinitin nila ako sa pader sa pamamagitan ng aking mga posas at agad kong nadama ang matinding sakit sa mga pulsuhan ko, na para bang mapuputol nang buo ang aking mga kamay. Nagsimulang pumatak ang malalaking butil ng pawis sa mukha ko. Gayunman, hindi pa natapos doon ang butangerong mga pulis, at sinimulan nila akong paulanan ng mababagsik na sipa at suntok. Habang binubugbog nila ako, galit silang sumigaw, “Tingnan natin kung maililigtas ka ngayon ng Diyos mo!” Nagsalitan sila sa pambubugbog sa akin—kapag napagod ang isa sa kanila, hahalili ang isa pa. Binugbog nila ako hanggang sa mapuno ako ng mga hiwa at pasa at magdugo nang husto. Noong gabing iyon, hindi pa rin nila ako ibinaba mula sa pagkakabitin sa pader at ayaw nilang ipipikit ko ang aking mga mata. Pinabantayan nila ako sa dalawang tauhan nila na may mga baston na may kuryente. Tuwing pipikit ako, kinukuryente nila ako ng baston para hindi ako makatulog. Buong magdamag nila akong pinahirapan nang ganito. Habang binubugbog ako ng isa sa mga tauhan, nakatingin siya sa akin na nanlilisik ang mga mata at bumulyaw, “Kapag binugbog ka nila hanggang sa mawalan ka ng malay, bubugbugin kita ulit hanggang sa magkamalay ka!” Dahil sa kaliwanagan ng Diyos, alam na alam ko ang nangyayari: Sinubukang gamitin ni Satanas ang lahat ng iba’t ibang uri ng paraan ng pagpapahirap para bumigay ako. Ang ideya ay pahirapan ako hanggang sa mawasak ang aking espiritu at hindi ko na makontrol ang aking isipan, kung kailan baka isiwalat ko na ang impormasyong hinahanap nila. Sa gayon ay maaari na nilang arestuhin ang mga taong hinirang ng Diyos, gambalain ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at madambong at masamsam ang ari-arian ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos para mapuno ang sarili nilang kaban—ito ang walang taros na mga ambisyon ng kanilang kahayupan. Nagngalit ang mga ngipin ko at tiniis ko ang sakit. Isinumpa ko sa sarili ko na hindi ako bibigay sa kanila kahit bigtihin pa nila ako hanggang sa mamatay. Kinaumagahan, pagpitak ng araw, hindi pa rin sila nagpakita ng mga palatandaan na ibababa nila ako at pagod na pagod na ako; pakiramdam ko mas mabuti pang mamatay na lang ako, at ayaw ko nang magpatuloy. Ang magagawa ko lang ay humingi ng tulong sa Diyos, na nagdarasal, “Diyos ko! Alam ko na nararapat akong magdusa, pero hinang-hina na ang katawan ko at talagang hindi na ako makakatagal. Habang humihinga pa ako at may malay, nais kong hilingin na samahan Mo ang aking kaluluwa mula sa mundong ito. Ayaw kong magsa-Judas at pagtaksilan Ka.” Nang malapit-lapit na akong masiraan ng bait, muli akong niliwanagan at ginabayan ng salita ng Diyos: “‘Ang pagdating sa katawang-tao sa oras na ito ay parang tulad ng pagbagsak sa lungga ng isang tigre.’ Ang ibig sabihin nito ay dahil sa ikot na ito ng gawain ng Diyos ay ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao at pagkapanganak sa tinatahanang lugar ng malaking pulang dragon, ang Kanyang pagparito sa lupa sa panahong ito ay may kasama pang mas matitinding panganib. Ang kinakaharap Niya ay mga kutsilyo at mga baril at mga garote; ang kinakaharap Niya ay tukso; ang kinakaharap Niya ay maraming tao na may nakamamatay na mga tingin. Nakikipagsapalaran Siyang mapatay anumang sandali” (“Gawain at Pagpasok (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Ang Diyos ang kataas-taasang Pinakamakapangyarihan sa lahat ng nilikha—napakalaking kahihiyan na nga ang bumaba sa gitna ng pinakatiwali sa buong sangkatauhan para iligtas tayo, ngunit kinailangan din Niyang tiisin ang lahat ng uri ng pag-uusig sa mga kamay ng gobyernong CCP. Ang pagdurusang napagdaanan ng Diyos ay talagang napakalaki. Kung natiis ng Diyos ang lahat ng pasakit at pagdurusang ito, bakit hindi ko maisasakripisyo ang sarili ko para sa Kanya? Ang tanging dahilan kaya buhay pa rin ako ay dahil sa pag-iingat at pangangalaga ng Diyos, na kung wala ay matagal na sana akong napahirapan ng demonyong grupong ito hanggang sa mamatay. Sa lunggang iyon ng demonyo, bagama’t ginamit ng mga hayop na iyon ang lahat ng pamamaraang magagamit nila para malupit akong pahirapan, kasama ko ang Diyos, at sa bawat pagkakataong nalagpasan ko iyon makakasaksi ako ng mahimalang mga gawa ng Diyos, pati na ng Kanyang pagliligtas at pangangalaga. Naisip ko sa sarili ko, “Napakaraming nagawa ng Diyos para sa akin, paano ko dapat aliwin ang Kanyang puso? Dahil napagkalooban ako ng Diyos ng pagkakataong ito ngayon, dapat akong patuloy na mabuhay para sa Diyos!” Sa sandaling iyon, muling ginising ng pagmamahal ng Diyos ang aking konsiyensya at matindi kong nadama na kailangan kong bigyang-kasiyahan ang Diyos anuman ang mangyari. Pinatunayan ko sa sarili ko, “Karangalan kong magdusa sa tabi ni Cristo ngayon!” Nakikitang hindi pa rin ako nagsasalita at nagsusumamong kaawaan nila ako, ngunit natatakot na baka mamatay ako sa lugar na ito nang hindi nagbubunyag ng anumang impormasyon at sa gayon ay malilintikan sila sa mga nakatataas sa kanila, tumigil ang masasamang pulis sa pambubugbog sa akin. Pagkatapos niyon, ibinitin ako sa pader sa aking mga posas at dalawang araw at dalawang gabi pa akong iniwan doon.
Sa oras na iyon, ginaw na ginaw ako, basang-basa, napakanipis ng damit ko para mainitan man lang ako nang kaunti, hindi pa ako nakakain nang ilang araw at nagugutom at giniginaw ako—talagang hindi na ako makakatagal. Nang malapit na akong masiraan ng bait, sinamantala ng grupong iyon ng butangerong mga pulis ang mahinang kalagayan ko para magbuo ng isa pang sabwatan: Nagpasok sila ng isang psychologist para subukang indoktrinahin ako. Sabi niya, “Bata ka pa at may mga magulang at anak na susuportahan. Nang ipasok ka rito, hindi nagpakita ni katiting na malasakit ang kapwa mo mga mananampalataya, at lalo na ang mga lider ng inyong iglesia, subalit narito ka’t nagdurusa para sa kanila. Hindi mo ba naiisip na isa kang hangal? Walang magagawa ang mga pulis na ito kundi pahirapan ka….” Habang nakikinig sa kanyang mga kasinungalingan, naisip ko sa sarili ko, “Kapag pumarito ang aking mga kapatid para bisitahin ako, hindi ba parang isinusuko nila ang sarili nila? Sinasabi mo lang ito para lokohin ako, para magkagalit-galit kami ng aking mga kapatid, at magkamali ako ng pag-unawa, sisihin at talikuran ko ang Diyos. Hindi ako magpapatangay rito!” Pagkatapos niyon, dinalhan nila ako ng pagkain at inumin, na sinusubukang suyuin ako sa kanilang malinaw na pagkabukas-palad. Naharap sa biglaang “kabaitan” ng butangerong mga pulis na ito, lalo pang lumapit ang puso ko sa Diyos, dahil alam ko na napakahina ko sa sandaling iyon, at nakahandang manunggab si Satanas sa tuwing may pagkakataon. Sa mga karanasan ko noong mga araw na iyon, nakita ko ang diwa ng gobyernong CCP. Gaano man nagkunwari itong mabait at mapagmalasakit, ang masama, reaksyonaryo at demonyong diwa nito ay hindi nagbabago. Lalo lang inilantad ng estratehiya ng diyablo na “mangumbinsi sa pamamagitan ng mahabaging pagmamahal” ang lalim ng pandaraya at panloloko nito. Salamat sa Diyos, ginabayan Niya akong makita ang tusong pakana ni Satanas. Sa huli, walang napala ang psychologist at umiling-iling, na sinasabi, “Wala akong makukuhang impormasyon sa kanya. Napakatigas ng ulo niya, wala siyang pag-asa!” Pagkasabi niyon, umalis siyang matamlay. Nakitang talo na si Satanas, napuspos ng di-maipaliwanag na galak ang puso ko!
Nang makita ng masasamang pulis na iyon na nabigo ang kanilang mga panghihikayat, agad nilang ipinakita ang kanilang tunay na kulay, at isa pang buong araw akong muling ibinitin sa pader. Noong gabing iyon, habang nakabitin doon na nanginginig sa ginaw, na napakasakit ng mga kamay kaya pakiramdam ko ay parang mapuputol ang mga iyon, naisip ko sa sarili ko habang nagdedeliryo na talagang hindi na ako tatagal. Noon din, pumasok ang ilang opisyal at muli akong naiwan na nag-iisip kung anong klaseng pahirap ang inilaan nila para sa akin. Sa aking panghihina, muli akong nagdasal sa Diyos, na sinasabi, “Diyos ko, alam Mo na mahina ako at talagang hindi ko na matatagalan ito. Bawian Mo na ako ng buhay ngayon. Mas gusto ko pang mamatay kaysa magsa-Judas at pagtaksilan Ka. Hindi ko papayagang magtagumpay ang tusong pakana ng mga demonyong ito!” Iwinasiwas ng mga pulis ang kanilang mga pambambo na mas maikli nang kaunti sa isang metro, at nagsimulang paluin ang mga kasukasuan ng aking mga binti at paa. Naghalakhakan ang ilan sa kanila na parang mga baliw habang pinapalo nila ako, ang iba naman ay sinusubukang tuksuhin ako, na sinasabi, “Takaw-parusa ka talaga. Wala ka pang nagagawang anumang malaking krimen, hindi ka pa pumatay ng tao o nanunog. Sabihin mo lang sa amin kung ano ang alam mo at ibababa ka namin.” Nang hindi pa rin ako magsasalita, nadaig sila ng galit at bumulyaw, “Palagay mo ba walang kakayahan ang lahat ng pulis na nakatayo sa harap mo ngayon? Natanong na namin ang napakaraming bilanggo sa death row dito at palagi namin silang napapaamin, kahit wala silang nagawang mali. Kapag sinabihan namin silang magsalita, nagsasalita sila. Iniisip mo ba na naiiba ka sa kanila?” Pagkatapos ay lumapit sa akin ang ilan sa kanila at sinimulan nilang pagkukurutin at pilipitin ang aking mga binti at baywang hanggang sa mapuno ako ng mga pasa. Kinurot nila ang ilang parte ng katawan ko nang napakariin kaya tumulo ang dugo. Matapos akong mabitin sa pader nang napakatagal, hinang-hina na ako, at pinatindi nito ang sakit mula sa kanilang walang-habas na mga pambubugbog hanggang sa gustuhin ko nang mamatay. Sa sandaling iyon, sirang-sira ang loob ko—hindi ko na iyon matatagalan at sa huli ay napaiyak ako. Nang tumulo ang mga luha, naisip kong magtaksil: “Siguro dapat lang akong magsalita sa kanila. Basta’t hindi niyon ipinapahamak ang sinuman sa aking mga kapatid, kahit paratangan nila ako o bitayin, sige lang!” Nang makita ako ng pangkat na iyon ng masasamang pulis na umiiyak, naghalakhakan sila at, lubos na nasisiyahan sa kanilang sarili, na sinabi, “Kung nagsalita ka lang nang mas maaga, hindi ka na sana namin binugbog nang ganyan.” Ibinaba nila ako mula sa pagkakabitin sa pader at inihiga ako sa sahig. Pinainom nila ako nang kaunti at pinayagan akong makapahinga sandali. Pagkatapos ay dinalhan nila ako ng bolpen at papel na nakahanda na roon at naghanda na silang itala ang aking pahayag. Nang mahuhulog na ako sa tukso ni Satanas at malapit ko nang pagtaksilan ang Diyos, muli kong naisip nang malinaw ang mga salita ng Diyos: “Hindi na Ako magbibigay ng awa sa mga hindi nagbigay sa Akin kahit katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, sapagka’t ang awa Ko ay hanggang doon lamang. Bukod diyan, wala Akong pagkagusto kaninuman na minsan na Akong naipagkanulo, lalong hindi Ko gusto na makisama roon sa mga nagkakanulo ng mga hinahangad ng kanilang mga kaibigan. Ito ang disposisyon Ko, sinuman ang taong iyan. Kailangang sabihin Ko ito sa inyo: Sinumang dumudurog sa Aking puso ay hindi tatanggap ng kaawaan mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at sinumang naging matapat sa Akin ay mananatili sa puso Ko magpakailanman” (“Dapat Kang Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Sa mga salita ng Diyos, nakita ko ang disposisyon ng Diyos na walang pinalalampas na kasalanan at ang mga bunga ng pagtataksil sa Diyos. Nabatid ko rin ang sarili kong pagka-mapanghimagsik. Napakahina ng aking pananampalataya sa Diyos at hindi ko Siya tunay na nauunawaan, lalong hindi ako tunay na masunurin sa Kanya. Sa gayon, tiyak na pagtataksilan ko ang Diyos. Naisip ko kung paano ipinagkanulo ni Judas si Jesus kapalit ng tatlumpung pirasong pilak lamang at kung paano ako naging handa, ngayon mismo, na pagtaksilan ang Diyos para lang sa sandaling ginhawa at kaluwagan. Kung hindi sa napapanahong kaliwanagang hatid ng mga salita ng Diyos, naging isa sana ako sa mga taksil sa Diyos na isusumpa magpakailanman! Matapos maunawaan ang kalooban ng Diyos, nakita ko na nagsagawa ang Diyos ng pinakamaiinam na plano. Naisip ko sa sarili ko, “Kung papayagan ako ng Diyos na magdusa o mamatay, handa akong magpasakop at ipaubaya ang aking buhay at kamatayan sa mga kamay ng Diyos. Wala akong masasabi sa bagay na ito. Kahit iisa na lang ang natitira kong hininga, kailangan kong sikaping bigyan ng kasiyahan ang Diyos at tumayong saksi para sa kanya.” Sa sandaling iyon, pumasok sa aking isipan ang isang himno ng iglesia: “Maaaring sumabog ang aking utak at dumaloy ang aking dugo, ngunit hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Ang mga payo ng Diyos ay nasa puso, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas” (“Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Nang hunihin ko sa sarili kong isipan ang himno, muling sumigla ang aking pananampalataya, at ipinasiya ko na kung mamamatay ako, para iyon sa Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ako maaaring sumuko sa matandang diyablong iyon, ang gobyernong CCP. Nakikitang nakahiga lang ako sa sahig na hindi gumagalaw, sinimulan akong tuksuhin ng masasamang pulis, na sinasabi, “Sulit ba ang lahat ng pagdurusang ito? Binibigyan ka namin ng pagkakataong gumawa ng mabuti rito. Sabihin mo sa amin ang lahat ng nalalaman mo. Kahit wala kang sabihin, hawak namin ang lahat ng patotoo at ebidensyang kailangan namin para ipakulong ka.” Nakikita kung paano tinatangka ng mga demonyong ito na lumalamon ng tao na hikayatin akong pagtaksilan ang Diyos at ipagkanulo ang aking mga kapatid para masira ang gawain ng Diyos, hindi ko na makakaya ang galit na kumukulo sa dibdib ko at sinigawan ko rin sila, “Kung alam na ninyo ang lahat, siguro naman wala nang dahilan para tanungin pa ako. Kahit alam ko ang lahat, hinding-hindi ko iyon sasabihin sa inyo!” Galit na sumagot ang mga pulis, na bumubulyaw, “Kapag hindi ka umamin, pahihirapan ka namin hanggang sa mamatay ka! Huwag mong isipin na makakalabas ka rito nang buhay! Pinapagsalita namin ang lahat ng bilanggong iyon sa death row, palagay mo ba mas matigas ka kaysa sa kanila?” Sumagot ako, na sinasabi, “Ngayong bihag na ninyo ako, wala akong planong umalis nang buhay!” Walang sabi-sabing dinaluhong ako ng pulis at sinipa ako sa tiyan. Napakasakit niyon kaya pakiramdam ko ay nahati sa dalawa ang mga bituka ko. Pagkatapos niyon, dinaluhong ako ng lahat ng iba pang opisyal at binugbog ako hanggang sa mawalan akong muli ng malay…. Nang magkamalay ako, nalaman ko na ibinitin na nila ako na tulad ng dati, ngunit sa pagkakataong ito ay ibinitin nila ako nang mas mataas. Maga ang buong katawan ko at hindi ako makakapagsalita, ngunit dahil sa pangangalaga ng Diyos, wala akong nadama ni katiting na sakit. Noong gabing iyon, umalis na ang karamihan sa mga opisyal at nakatulog nang mahimbing ang apat na nakatalagang bantayan ako. Bigla, mahimalang nabuksan ang mga posas ko at nalaglag ako nang marahan sa sahig. Sa sandaling iyon, bumalik ang aking kamalayan at bigla kong naisip kung paano nailigtas ng anghel ng Panginoon si Pedro noong nakabilanggo siya. Nahulog ang mga kadena mula sa mga kamay ni Pedro at nabuksang mag-isa ang pintuang bakal ng kanyang selda. Malaking kadakilaan at biyaya ng Diyos na mararanasan ko ang Kanyang mahimalang mga gawa tulad ni Pedro. Agad akong lumuhod sa sahig at nag-alay ng panalangin ng pasasalamat sa Diyos, na sinasabi, “Diyos ko! Salamat sa Iyong awa at magiliw na pangangalaga. Salamat sa walang-humpay na pagbabantay Mo sa akin. Nang mabingit ang buhay ko at muntik na akong mamatay, lihim Mo akong binantayan. Ang Iyong malaking kapangyarihan ang nangalaga sa akin at tinulutan akong masaksihang muli ang Iyong mahimalang mga gawa at dakilang kapangyarihan. Kung hindi ko naranasan ito mismo, hinding-hindi sana ako naniwala na ito ay totoo!” Sa pamamagitan ng aking pagdurusa, muli kong nasaksihan ang pagliligtas ng Diyos at labis akong naantig at napuno ng walang-hanggang sigla. Ninais kong lisanin ang lugar na iyon, ngunit napakasakit ng katawan ko kaya hindi ako makakagalaw kaya nga natulog na lang ako doon mismo sa sahig at nakatulog ako hanggang sa gisingin ako ng sipa noong madaling-araw. Nang makita ng masasamang pulis na nakahiga ako sa sahig, nagtalu-talo sila, sinisikap na tiyakin kung sino ang nagbaba sa akin. Sinabi ng lahat ng apat na pulis na responsable sa pagbabantay sa akin sa buong magdamag na wala silang susi sa mga posas ko. Nakatayo silang lahat sa paligid ng mga posas at nakatitig sa kawalan—isa-isa nilang siniyasat ang lahat ng posas, ngunit wala silang makikitang anumang bakas ng bitak sa mga ito. Tinanong nila ako kung paano nabuksan ang mga posas at sinabi ko, “Nabuksang mag-isa ang mga ito!” Hindi sila naniwala sa akin, ngunit alam ko sa puso ko: Dahil iyon sa malaking kapangyarihan ng Diyos, at isa iyon sa Kanyang mahimalang mga gawa.
Kalaunan, nakikitang napakahina ko kaya maaari akong mamatay anumang sandali, hindi nangahas ang masasamang pulis na ibitin pa ako, kaya’t lumipat sila sa ibang klase ng pahirap. Kinaladkad nila ako papasok sa isang kuwarto at pinaupo ako sa isang torture chair. Inipit nila ang ulo at leeg ko ng pang-ipit na bakal at itinali ang lahat ng braso at binti ko para hindi ako makagalaw. Sa puso ko, nagdasal ako sa Diyos, na sinasabi, “Diyos ko! Lahat ay kontrolado Mo. Nalagpasan ko na ang ilang pagsubok kung saan nanganib ang buhay ko at ngayon ay muli kong ipinauubaya sa Iyo ang aking sarili. Handa akong makipagtulungan sa Iyo para tumayong saksi at hiyain si Satanas.” Pagkatapos kong manalangin, nakadama ako ng kapanatagan, katiwasayan, at hindi na ako natakot kahit kaunti. Sa sandaling iyon, sinindihan ng isa sa mga opisyal ang power switch, at pigil ang hiningang nakatingin ang lahat ng tauhan para makita kung paano ako kukuryentihin. Nang hindi ako nagpakita ni katiting na reaksyon, tiningnan nila ang koneksyon. Nang wala pa rin akong reaksyon, nagkatinginan na lang sila na hindi makapaniwala, at hindi nila mapaniwalaan ang kanilang nakikita. Sa huli, sinabi ng isa sa mga tauhan, “Siguro may diperensya ang koneksyon sa torture chair.” Matapos sabihin ito, nilapitan niya ako at nang hawakan niya ako, napahiyaw siya—tumalsik siya nang isang buong metro dahil sa electric shock at bumagsak sa sahig, na humihiyaw sa sakit. Nang makita ng labindalawa o mahigit pang tauhan ang nangyari, halos mamatay silang lahat sa takot at nagtakbuhan palabas ng kuwarto. Sa takot ng isa sa kanila, nadulas siya at bumagsak sa sahig. Mahabang sandali ang lumipas bago pumasok ang dalawa sa mga tauhan para alisan ako ng tali, na nanginginig sa takot na makuryente rin sila. Sa buong kalahating oras na ginugol ko na nakatali sa torture chair, hindi ko nadama ni minsan ang anumang pagdaloy ng kuryente. Para lang akong nakaupo sa isang karaniwang silya. Muli kong nasaksihan ang dakilang kapangyarihan ng Diyos at natamo ang malalim na kahulugan ng Kanyang pagiging kaibig-ibig at kabaitan. Kahit nawala ang lahat sa akin, pati na ang sarili kong buhay, basta’t kasama ko ang Diyos, nasa akin na ang lahat ng kailangan ko.
Pagkatapos niyon, ibinalik ako ng masasamang pulis sa detention house. Puno ako ng mga hiwa, pasa at sugat mula ulo hanggang paa, magang-maga ang aking mga braso at binti—hinang-hina ako at ni hindi ko kayang makatayo, makaupo, o makakain. Malapit-lapit na akong himatayin. Nang malaman ng iba pang mga bilanggo sa death row na nasa selda na hindi ko ipinagkanulo ang sinuman, nagbago ang tingin nila sa akin at may pagsang-ayong sinabi, “Ikaw ang tunay na bayani, kami’y mga huwad na bayani!” Nag-unahan pa silang bigyan ako ng pagkain at damit na isusuot…. Nang makita ng masasamang pulis kung ano ang nagawa ng Diyos sa akin, hindi na sila nangahas na pahirapan ako at inalis pa ang aking posas at mga kadena. Mula noon, wala nang nangahas na tanungin akong muli. Sa kabila noon, hindi pa rin sumuko ang mga pulis, kaya nga, para makakuha ng impormasyon mula sa akin tungkol sa iglesia, sinubukan nilang sulsulan ang iba pang mga bilanggo para pagsalitain ako. Sinubukan nilang sulsulan ang iba pang mga bilanggo sa pagsasabi, “Yaong mga nananalig sa Makapangyarihang Diyos ay dapat bugbugin!” Gayunman, laking gulat nila nang sabihin ng isa sa mga bilanggo na isang mamamatay-tao, “Hinding-hindi ko gagawin ang sinasabi ninyo. Hindi ko lang siya sa hindi bubugbugin, walang sinuman sa seldang ito ang bubugbog sa kanya! Narito kaming lahat dahil may nagkanulo sa aming lahat. Kung lahat ng tao ay kasintapat ng lalaking ito, wala sanang sinuman sa amin ang nasentensyahan ng kamatayan.” Sabi ng isa pang bilanggo sa death row, “Inaresto kaming lahat dahil talagang may ginawa kaming masama, kaya nararapat kaming magdusa. Pero ang lalaking ito ay isang mananampalataya sa Diyos at walang nagawang krimen, subalit halos hindi siya makilala dahil sa pagpapahirap ninyo!” Isa-isang nagsalita ang mga bilanggo laban sa mga kawalang-katarungang naranasan ko. Nakikita ang nangyayari, ayaw ng mga pulis na magkagulo kaya hindi na sila nagsalita, kundi basta matamlay na hindi umimik. Sa sandaling iyon, naisip ko ang isang sipi mula sa Biblia, na nagsasaad, “Ang puso ng hari ay nasa kamay ni Jehova na parang mga batis: kumikiling saan man niya ibigin” (Kawikaan 21:1). Ang pagsaksi kung paano naantig ng Diyos ang iba pang mga bilanggo na tulungan ako, nagkaroon ako ng malalim na pananalig na lahat ng ito ay kagagawan ng Diyos at higit na lumago ang aking pananampalataya sa Kanya!
Nang hindi umubra ang isang estratehiya, nagbuo ng isa pang pakana ang masasamang pulis na iyon. Sa pagkakataong ito, inutusan nila ang warden sa detention house na italaga ako sa pinakamahirap na trabaho: pinagawa nila ako ng dalawang buong rolyo ng perang papel araw-araw (ang perang papel ay bahagi ng isang tradisyong Chinese kung saan sinusunog ng mga tao ang pera para ibigay sa kanilang pumanaw na mga ninuno. Ang isang rolyo ng perang papel ay binubuo ng 1,600 piraso ng palara at 1,600 piraso ng papel na madaling masunog na pinagdikit-dikit). Ang trabaho ko ay doble ng sa iba pang mga bilanggo at, noon, napakasakit ng mga braso at binti ko kaya’t halos hindi ako makakabuhat o makakahawak ng anuman. Kaya kahit magdamag akong magtrabaho, walang paraan para matapos ko ang trabaho ko. Kinasangkapan ng mga pulis ang kawalan ko ng kakayahang tapusin ang trabaho ko bilang dahilan para pisikal akong parusahan sa lahat ng uri ng paraan. Pinilit nila akong maligo sa malamig na tubig na ang temperatura ay –4 na antas ng Fahrenheit; pinagtrabaho nila ako hanggang hatinggabi o magbantay at, dahil dito, hindi humigit sa tatlong oras ang tulog ko bawat gabi. Kung patuloy akong hindi nakatapos ng trabaho, tinitipon nila ang lahat ng bilanggo mula sa aking selda, pinalalabas kami, pinaliligiran kami na hawak ang kanilang mga baril at pinatitingkayad kami sa lupa na nasa batok namin ang aming mga kamay. Kung mayroong hindi makagawa ng posisyong ito, kinukuryente nila sila ng baston na may kuryente. Ginamit ng masasamang pulis na iyon ang lahat ng pamamaraang magagamit nila para kamuhian at abusuhin ako ng ibang mga bilanggo. Naharap sa sitwasyong ito, ang tanging nagawa ko ay manalangin sa Diyos: “Diyos ko, alam ko na inuudyukan ng masasamang pulis na ito ang iba pang mga bilanggo para kamuhian nila ako at pahirapan ako para pagtaksilan Kita. Ito ay isang espirituwal na labanan! Diyos ko! Paano man ako tinatrato ng iba pang mga bilanggo, handa akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos at plano at dalangin ko na pagkalooban Mo ako ng determinasyong tiisin ang pagdurusang ito. Nais kong tumayong saksi para sa Iyo!” Pagkatapos niyon, muli kong nasaksihan ang mga gawa ng Diyos. Hindi lang sa hindi ako kinamuhian ng mga bilanggong iyon sa death row, nag-organisa pa sila ng isang welga para sa akin at hiniling sa mga opisyal na kalahatiin ang trabaho ko. Sa bandang huli, walang nagawa ang mga pulis kundi bumigay sa mga hiling ng mga bilanggo.
Kahit napilitan silang kalahatiin ang trabaho ko, may iba pang lihim na mga panloloko ang mga pulis. Ilang araw pagkaraan, dumating ang isang bagong “bilanggo” sa selda. Napakabait niya sa akin, at dinalhan ako ng lahat ng kailangan ko, dinalhan niya ako ng pagkain, kinumusta ako at tinanong din kung bakit ako naaresto. Noong una, hindi ko inisip iyon at sinabi ko sa kanya na isa akong mananampalataya sa Diyos at naaresto dahil sa paglilimbag ng mga relihiyosong materyales. Patuloy niya akong tinanong tungkol sa mga detalye ng aking paglilimbag ng mga aklat at, nang makita ko kung paano niya ako pinipilit sa mga tanong, naasiwa na ako at nagdasal sa Diyos na sinasabi, “Diyos ko, lahat ng tao, bagay at sitwasyong nakapaligid sa amin ay tinutulutan Mo. Kung ang taong ito ay isang impormanteng ipinadala ng mga pulis, nawa’y ihayag Mo sa akin ang kanyang tunay na pagkatao.” Matapos akong manalangin, nanatili akong tahimik sa harap ng Diyos at pumasok sa aking isipan ang isang sipi ng Kanyang mga salita: “Manatiling tahimik sa Aking presensiya at mamuhay ayon sa Aking salita, at talagang mananatili kang mapagbantay at nagsasanay ng pagtalos sa espiritu. Kapag dumarating si Satanas, makakaya mong magbantay laban dito kaagad, gayundin ay madarama ang pagdating nito; madarama mo ang talagang pagkaasiwa sa iyong espiritu” (“Kabanata 19” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Paulit-ulit kong pinagnilayan ang mga bagay na naitanong sa akin ng ipinalagay na “bagong bilanggo” at natanto ko na lahat ng iyon mismo ang nais malaman ng mga pulis mula sa akin. Sa sandaling iyon, parang nagising ako mula sa isang panaginip: Isa na naman pala ito sa mga pakana ng masasamang pulis at ang taong ito ay isang impormante. Nakita ng “bilanggo” na bigla akong natahimik at tinanong niya ako kung mabuti ang pakiramdam ko. Sabi ko ay ayos lang ako at pagkatapos, mahigpit at makatarungan kong sinabi sa kanya, “Para hindi ka na mahirapan ay sasabihin ko sa iyo na nagsasayang ka lang ng oras. Kahit alam ko ang lahat, hindi ko sasabihin sa iyo!” Pinuri ng iba pang mga bilanggo ang ginawa ko, na sinasabi, “May matututuhan kami sa inyong mga mananampalataya. Tunay na matatag kayo!” Walang maiisip na isagot ang impormante at, dalawang araw pagkaraan, tumalilis na siya.
Nakaraos ako nang isang taon at walong buwan sa detention house na iyon. Bagama’t nag-isip ng lahat ng posibleng paraan ang butangerong mga pulis na iyon para pahirapan ang buhay ko, inantig ng Diyos ang mga bilanggo sa death row para alagaan ako. Kalaunan ay nalipat ang punong bilanggo at inihalal ako ng mga bilanggo bilang bagong punong bilanggo. Tuwing nagkakaroon ng problema ang sinuman sa mga bilanggo, ginawa ko ang lahat para tulungan sila. Sinabi ko sa kanila, “Isa ako sa sumasampalataya sa Diyos. Hinihiling ng Diyos na mamuhay tayo nang makatao. Kahit nabilanggo tayo, hangga’t buhay tayo, kailangan nating mamuhay nang makatao.” Matapos kong maipahayag iyon, tumigil ang mga bilanggong iyon sa death row sa pananakot sa mga bagong bilanggo. Ang pangalang “selda numero 7” ay minsang nagtatak ng takot sa puso ng mga bilanggo, ngunit, sa ilalim ng aking pamamahala, naging sibilisado ang selda. Sabi ng lahat ng bilanggo, “Mababait ang grupo ng mga taong ito mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kung sakaling makalabas tayo rito, talagang sasampalataya kami sa Makapangyarihang Diyos!” Ang karanasan ko sa detention house ay nagpaalala sa akin ng kuwento ni Jose. Noong mabilanggo siya sa Egipto, kasama niya ang Diyos, biniyayaan siya ng Diyos, at maayos ang naging takbo ng lahat para kay Jose. Noong panahong iyon, ang nagawa ko lang ay kumilos alinsunod sa mga ipinagagawa ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at plano. Samakatuwid ay kasama ko ang Diyos at binigyang-kakayahan Niya akong hadlangan ang kapahamakan sa bawat pagkakataon. Pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso para sa biyayang naipagkaloob Niya sa akin!
Kalaunan, kahit wala ni katiting na ebidensya, nagtahi-tahi ng mga maling paratang ang gobyernong CCP at sinintensyahan akong mabilanggo nang itinakdang tatlong taon, at pinalaya lang ako sa wakas noong 2009. Nang makalabas ako ng bilangguan, patuloy akong mahigpit na sinubaybayan ng lokal na pulisya at inutusan akong maging handa kapag pinatawag nila ako. Bawat galaw ko ay naging kontrolado ng gobyernong CCP at wala akong anumang personal na kalayaan. Napilitan akong lisanin ang aking bayang sinilangan at tuparin ang aking mga tungkulin sa ibang lugar. Bukod pa riyan, dahil isa ako sa sumasampalataya sa Diyos, tumanggi ang gobyernong CCP na iproseso ang mga talaan ng rehistro ng sambahayan ng pamilya ko (hanggang sa araw na ito, ipinoproseso pa rin ang mga talaan ng rehistro ng dalawang anak kong lalaki). Ginawa nitong mas malinaw sa akin na ang buhay sa ilalim ng pamumuno ng gobyernong CCP ay isang buhay na impiyerno. Hinding-hindi ko malilimutan ang malupit na pahirap na ipinataw sa akin ng gobyernong CCP. Kinamumuhian ko iyon nang buong pagkatao ko at mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa nasa ilalim ng pagkaalipin nito. Lubos ko itong itinatakwil!
Ang karanasang ito ay nagbigay sa akin ng mas malaking pag-unawa tungkol sa Diyos. Nasaksihan ko ang Kanyang pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan at ang diwa ng Kanyang kabutihan. Nakita ko rin na gaano man inuusig ng demonyong gobyernong CCP ang mga taong hinirang ng Diyos, nananatili itong isang gamit-pangserbisyo at hambingan lamang sa gawain ng Diyos. Ang gobyernong CCP ay mananatili at palaging magiging talunang kaaway ng Diyos. Napakaraming beses akong iniligtas ng mahimalang pangangalaga ng Diyos sa mga oras ng kawalang-pag-asa, tinutulutan akong makalaya mula sa mahigpit na hawak ng mga kuko ni Satanas at mabawi ang buhay sa bingit ng kamatayan; napakaraming beses akong inaliw at binuhay ng mga salita ng Diyos, at naging sandigan at suporta ko noong hinang-hina at halos wala na akong pag-asa, tinutulutan akong mahigtan ang aking laman at maagaw ang aking sarili mula sa mga kuko ng kamatayan; at napakaraming beses, sa aking huling paghahabol ng hininga, sinuportahan ako ng kapangyarihan ng Diyos sa buhay at binigyan ako ng lakas na patuloy na mabuhay. Katulad iyon ng sinasabi sa mga salita ng Diyos, “Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay kayang manaig sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Ang Kanyang buhay ay walang hanggan, ang Kanyang kapangyarihan ay pambihira, at ang puwersa ng Kanyang buhay ay hindi madaling madaig ng kahit na anong nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay umiiral, at nagniningning ang makinang na liwanag nito, kahit na saang panahon o dako. Ang kalangitan at lupa ay maaaring sumasailalim ng malalaking pagbabago, ngunit ang buhay ng Diyos ay pareho magpakailanman. Lahat ng bagay ay lumilipas, ngunit ang buhay ng Diyos ay nananatili pa rin, sapagkat ang Diyos ay ang pinagmulan ng pag-iral ng lahat ng bagay, at ang ugat ng kanilang pag-iral” (“Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Luwalhati sa tunay na Diyos na makapangyarihan sa lahat!
________________________________
Bilang mga mananampalataya sa Panginoon, ang panalangin ay isang kinakailangang paraan sa ating pang-araw-araw na buhay at ang pinaka direktang paraan para tayo ay mapalapit sa Panginoon. Gayunpaman, maraming beses na hindi natin maramdaman ang presensya ng Panginoon kapag nananalangin tayo sa Panginoon, kaya ano ang dapat nating gawin? Sa katunayan, hangga't kinakabisa natin ng mabuti ang mga prinsipyo ng panalangin, nagsasabi ng mabisang panalangin, kung gayon maaari tayong pakinggan ng Diyos.
Write a comment