Ang Lahat ng Hindi Kilala ang Diyos ay Yaong Sumasalungat sa Diyos
Upang maunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos, kung ano ang epektong makakamit ng tao, at ang kalooban ng Diyos tungo sa tao, ito ang dapat makamit ng bawat taong sumusunod sa Diyos. Ang kulang ngayon sa lahat ng tao ay ang kaalaman sa gawain ng Diyos. Hindi ganap na nauunawaan ni naiintindihan ng tao kung ano ang bumubuo sa mga gawa ng Diyos sa tao, ang lahat ng gawain ng Diyos, at ang kalooban ng Diyos simula nang likhain ang mundo. Ang ganitong kakulangan ay hindi lamang nakikita saan mang dako ng relihiyosong mundo, kundi higit pa, sa lahat ng mananampalataya ng Diyos. Kapag dumating ang araw na tunay ngang mamasdan mo ang Diyos at maunawaan ang karunungan ng Diyos; kapag namamasdan mo ang lahat ng gawa ng Diyos at nakikilala kung ano ang Diyos at kung ano ang mayroon Siya; kapag namamasdan mo ang Kanyang kasaganaan, karunungan, himala, at lahat ng Kanyang mga gawain sa tao, ay saka mo makakamit ang matagumpay na pananampalataya sa Diyos. Nang sabihin na ang Diyos ay sumasaklaw sa lahat at lubhang masagana, ano ang ibig sabihin ng sumasaklaw sa lahat? At ano ang ibig sabihin ng kasaganaan? Kung hindi mo ito nauunawaan, hindi ka maaaring ipalagay na mananampalataya ng Diyos. Bakit Ko sinasabing ang mga nasa relihiyosong mundo ay hindi nananampalataya sa Diyos at mga manggagawa ng kasamaan, at yaong mga kauri ng demonyo? Kapag sinabi Kong sila ay manggagawa ng kasamaan, ito ay dahil hindi nila naiintindihan ang kalooban ng Diyos o nakikita ang Kanyang karunungan. Hindi kailanman ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila; sila’y mga bulag na tao, na hindi nakikita ang mga gawa ng Diyos. Sila yaong mga tinalikdan ng Diyos at walang taglay na kalinga at pag-iingat ng Diyos, lalo pa ang gawain ng Banal na Espiritu. Yaong mga walang gawain ng Diyos ay masasamang tao at naninindigan sa pagsalungat sa Diyos. Yaong mga sinasabi Ko na mga sumasalungat sa Diyos ay yaong mga hindi kilala ang Diyos, yaong mga tumatanggap sa Diyos sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita ngunit hindi Siya nakikilala, yaong mga sumusunod sa Diyos pero hindi Siya dinidinig, at yaong mga nagsasaya sa biyaya ng Diyos ngunit hindi magagawang maging saksi sa Kanya. Kung walang pag-unawa sa layunin ng gawain ng Diyos at sa gawain ng Diyos sa tao, hindi makaaayon ang tao sa puso ng Diyos, at hindi magagawang maging saksi sa Diyos. Ang dahilan kung bakit sumasalungat ang tao sa Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa tiwaling disposisyon ng tao, at sa kabilang banda, sa kamangmangan tungkol sa Diyos at sa kakulangan ng pag-unawa sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos at ng Kanyang kalooban patungo sa tao. Ang dalawang aspetong ito ay nagsasama upang maging iisang kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay sumasalungat sa Diyos dahil ang ganoong pagsalungat ay nasa kanilang kalikasan, samantalang ang pagsalungat sa Diyos ng mga may maraming taon na sa paniniwala ay nagbubunga mula sa kamangmangan nila tungkol sa Diyos, samahan pa ng kanilang tiwaling disposisyon. Sa panahon bago naging tao ang Diyos, ang batayan ng kung ang tao ay sumalungat sa Diyos ay kung tinupad niya ang mga kautusang inihayag ng Diyos sa langit. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sinumang hindi tumupad sa mga kautusan ni Jehova ay yaong mga sumalungat sa Diyos; ang sinumang nagnakaw ng mga alay para kay Jehova, at ang sinumang nanindigan laban sa mga pinaboran ni Jehova ay yaong sumalungat sa Diyos at yaong pupukulin ng bato hanggang sa mamatay; ang sinumang hindi gumalang sa kanyang ama at ina, at ang sinumang nanakit o nanumpa ng kapwa ay yaong hindi tumupad sa mga kautusan. At ang lahat ng hindi tumupad sa kautusan ni Jehova ay yaong nanindigan na labanan Siya. Hindi na ganito sa Kapanahunan ng Biyaya, na ang sinumang nanindigan laban kay Jesus ay yaong nanindigan laban sa Diyos, at ang sinumang hindi sumunod sa mga salitang binigkas ni Jesus ay yaong nanindigan laban sa Diyos. Sa kapanahunang ito, ang pagpapatunay ng pagsalungat sa Diyos ay higit pang natukoy nang malinaw at mas tunay. Sa panahong hindi pa naging tao ang Diyos, ang sukatan kung sumalungat ang tao sa Diyos ay batay sa kung ang tao ay sumamba at gumalang sa di-nakikitang Diyos na nasa langit. Ang kahulugan ng pagsalungat sa Diyos sa panahong iyon ay hindi lubusang tunay, dahil ang tao noon ay hindi maaaring makita ang Diyos ni malaman ang Kanyang larawan o paano gumawa at magsalita ang Diyos. Walang mga pagkaintindi ang tao sa Diyos at may kalabuan ang paniniwala sa Diyos, dahil hindi pa Siya nagpakita sa tao. Samakatuwid, paano man naniwala ang tao sa Diyos sa kanilang imahinasyon, hindi pinarusahan ng Diyos ang tao o humingi ng higit pa mula sa tao, sapagka’t hindi talaga makikita ng tao ang Diyos. Kapag nagiging tao ang Diyos at gumagawa kasama ang mga tao, ang lahat ay namamasdan ang Diyos at napapakinggan ang Kanyang mga salita, at nakikita ng lahat ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Sa panahong iyon, ang lahat ng pagkaintindi ng tao ay naglalahong parang bula. At para sa mga nakakakita sa Diyos na nagpapakita sa katawang-tao, ang lahat ng may pagsunod sa kanilang mga puso ay hindi mahuhusgahan, samantalang yaong mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay yaong ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga naturang tao ay mga anticristo at mga kalaban na kusang-loob na naninindigan laban sa Diyos. Yaong may mga pagkaintindi tungkol sa Diyos nguni’t may kagalakang sumusunod ay hindi huhusgahan. Hinuhusgahan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga layunin at mga kilos, hindi kailanman sa kanyang mga kaisipan at mga ideya. Kung ang tao ay hinusgahan sa ganitong batayan, kung gayon wala ni isa ang makatatakas sa mabagsik na mga kamay ng Diyos. Yaong mga kusang-loob na naninindigan laban sa Diyos na nagkatawang-tao ay mapaparusahan dahil sa kanilang pagsuway. Ang kusang-loob nilang pagsalungat sa Diyos ay nagmumula sa kanilang mga pagkaintindi tungkol sa Kanya, na nagbubunga ng kanilang paggambala sa gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay sadyang lumalaban at sumisira sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sa mayroon silang mga pagkaintindi sa Diyos, subali’t ginagawa nila ito upang magambala ang Kanyang gawain, at dahil sa kadahilanang ito na ang ganitong pag-uugali ng mga tao ay huhusgahan. Yaong mga hindi kusang-loob na sumasama sa paggambala sa gawain ng Diyos ay hindi huhusgahan bilang mga makasalanan, sapagka’t nagagawa nilang kusang-loob na sumunod at hindi nagsasanhi ng pagbuwag at paggambala. Ang naturang mga tao ay hindi huhusgahan. Gayunpaman, kung ang mga tao sa maraming taon ay naranasan na ang gawain ng Diyos, at kung kinikimkim pa rin nila ang kanilang mga pagkaintindi sa Diyos at hindi pa rin kayang malaman ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at sa kabila ng maraming taong karanasan, ay pinagpapatuloy pa rin nilang panghawakan ang maraming pagkaintindi sa Diyos at hindi pa rin kayang kilalanin ang Diyos, at kahit hindi sila nagsasanhi ng gulo nang mayroong maraming pagkaintindi sa Diyos sa kanilang mga puso, at kahit ang mga pagkaintindi na iyon ay hindi lumitaw, yaon ang mga taong wala ring paglilingkod sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang ipangaral ang ebanghelyo o maging saksi sa Diyos; sila ang mga taong walang silbi at mga hangal. Dahil hindi nila kilala ang Diyos at hindi nila kayang iwaksi ang kanilang mga pagkaintindi sa Diyos, sila ay hinuhusgahan. Maaari itong sabihin nang ganito: Hindi bihira sa mga baguhan sa pananampalataya ang magkaroon ng mga pagkaintindi sa Diyos o ng kawalang-alam sa Kanya, ngunit di-pangkaraniwan sa mga may paniniwala nang maraming taon at maraming karanasan sa gawain ng Diyos ang pagkakaroon ng ganitong mga pagkaintindi, at mas lalo na para sa mga naturang tao ang kawalan ng kaalaman tungkol sa Diyos. At ang bunga ng ganitong di-pangkaraniwang kalagayan ng mga tao ay hinuhusgahan. Yaong ganoong mga di-pangkaraniwang tao ay mga walang silbi; sila yaong sukdulang sumasalungat sa Diyos at sila yaong nagpakasaya na sa biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan. Sila yaong mga taong aalisin sa katapusan!
Ang sinumang hindi nauunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos ay yaong naninindigan laban sa Diyos, at lalo na yaong mga alam ang layunin ng gawain ng Diyos ngunit hindi hinahangad na bigyang kasiyahan ang Diyos. Yaong mga nagbabasa ng Biblia sa mga engrandeng iglesia ay nagsasalaysay ng Biblia araw-araw, nguni’t ni isa ay hindi nauunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa ang kayang makilala ang Diyos; bukod dito, wala ni isa ang nakaaayon sa puso ng Diyos. Lahat sila ay mga walang silbi, masasamang tao, bawat isang tumatayo nang mapagmataas para turuan ang Diyos. Kahit iwinawagayway nila ang ngalan ng Diyos, kusang-loob nila Siyang sinasalungat. Kahit tinatawag nila ang kanilang mga sarili na mananampalataya ng Diyos, sila yaong mga kumakain ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng taong iyon ay mga demonyong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong diyablong sinasadyang manggambala sa mga sumusubok lumakad sa tamang landas, at mga balakid na humahadlang sa landas ng mga naghahanap sa Diyos. Kahit sila ay may “matipunong laman”, paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga anticristo na umaakay sa tao sa pagsalungat sa Diyos? Paano nila malalaman na sila ay mga demonyong nabubuhay na sadyang naghahanap ng mga kaluluwang lalamunin? Yaong mga pinararangalan ang kanilang sarili sa harap ng Diyos ang yaong pinakamababang uri ng tao, samantalang silang mga nagpapakumbaba ang pinakamarangal. At yaong mga nag-iisip na alam nila ang gawain ng Diyos at naghahayag ng gawain ng Diyos sa kapwa nang may pagpapakitang-gilas habang ang kanilang mga mata ay nakatuon sa Kanya—sila ang pinakamangmang na tao. Ang naturang mga tao yaong walang patotoo ng Diyos, at yaong mga mapagmataas at mayayabang. Yaong mga naniniwala na kakaunti ang kanilang kaalaman sa Diyos sa kabila ng kanilang kasalukuyang karanasan at praktikal na kaalaman sa Diyos ay yaong pinakamamahal Niya. Yaong mga taong tulad nito ang tunay na may patotoo at tunay na gagawing perpekto ng Diyos. Yaong mga hindi naiintindihan ang kalooban ng Diyos ay mga kalaban ng Diyos; yaong mga naiintindihan ang kalooban ng Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan ay mga kalaban ng Diyos; yaong kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ngunit tinututulan ang diwa ng mga salita ng Diyos ay mga kalaban ng Diyos; yaong mga may mga pagkaintindi sa Diyos na nagkatawang-tao at sinasadyang maghimagsik ay mga kalaban ng Diyos; yaong mga hinahatulan ang Diyos ay mga kalaban ng Diyos; at ang sinumang hindi nagagawang makakilala sa Diyos at hindi makapagpatotoo sa Kanya ay kalaban ng Diyos. Kaya pakinggan ang Aking pangaral: Kung tunay ngang mayroon kayong pananampalataya na tahakin ang landas na ito, kung gayon ipagpatuloy ang pagsunod dito. Kung hindi ninyo kayang umiwas sa pagsalungat sa Diyos, ang pinakamabuti ay lumakad kayong palayo habang hindi pa huli ang lahat. Kung hindi, tunay ngang ito’y naghuhudyat ng masama kaysa mabuti, sapagkat ang inyong kalikasan ay labis na tiwali. Wala kayong kahit katiting na katapatan o pagsunod, o pusong uhaw sa pagkamakatuwiran at katotohanan. At wala kayong ni katiting na pag-ibig para sa Diyos. Maaaring sabihin na ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay lubos na kaguluhan. Hindi ninyo kayang panatilihin ang nararapat o sabihin ang nararapat. Hindi ninyo kayang isagawa kung ano ang nararapat, at hindi ninyo magampanan ang nararapat ninyong tungkulin. Wala kayong katapatan, konsensya, pagsunod, o pagpasya na nararapat. Hindi pa ninyo natiis ang pagdurusa na nararapat ninyong taglayin, at wala kayong pananampalatayang nararapat ninyong taglay. Lubos ang inyong kasalatan sa anumang kabutihan; mayroon ba kayong paggalang sa inyong sarili upang patuloy na mamuhay? Hinihimok Ko kayong mas mabuti pang isara ninyo ang inyong mga mata upang mamahinga nang walang hanggan, nang sa gayon ay matulungan ang Diyos mula sa pag-aalala sa inyo at pagtitiis ng pagdurusa para sa inyong kapakanan. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo alam ang Kanyang kalooban; kumakain at umiinom kayo ng mga salita ng Diyos ngunit hindi ninyo nagagawang panatilihin ang mga hinihingi ng Diyos. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo Siya kilala, at nabubuhay kahit wala kayong layon na pagsisikapan. Wala kayong mga pagpapahalaga at walang layunin. Nabubuhay kayo bilang isang tao ngunit wala kahit anong konsensya, katapatan, o kahit kaunting kredibilidad. Paano kayo maituturing na isang tao? Naniniwala kayo sa Diyos ngunit dinadaya ninyo Siya. Bukod dito, kinukuha ninyo ang salapi ng Diyos at kinakain ang mga alay sa Kanya, ngunit, sa katapusan, hindi naipapakita ang pagsasaalang-alang sa damdamin ng Diyos o ang konsensya tungo sa Diyos. Maging ang pinakasimpleng kahilingan ng Diyos ay hindi ninyo matutugunan. Kung gayon paano kayo maituturing na isang tao? Ang pagkain na inyong kinakain at ang hangin na inyong hinihinga ay galing sa Diyos, nagagalak kayo sa Kanyang biyaya, ngunit sa katapusan, wala kayo ni kaunting kaalaman sa Diyos. Taliwas dito, kayo ay naging walang silbing sumasalungat sa Diyos. Kaya, kayo ba ay isang hayop na ni hindi hihigit sa isang aso? Mayroon pa bang mga hayop na may mas masamang hangarin kaysa sa inyo?
Yaong mga pastor at nakatatanda na tumatayo sa matataas na pulpito para magturo sa tao ay mga kalaban ng Diyos at kaanib ni Satanas; hindi ba yaong mga hindi tumatayo sa matataas na pulpito para magturo sa tao ang mas higit na kalaban ng Diyos? Higit pa rito, hindi ba kayo kasabwat ni Satanas kung ganoon? Yaong mga hindi naiintindihan ang layunin ng gawain ng Diyos ay hindi alam kung paano maging kaayon sa puso ng Diyos. Tiyak, hindi ito magiging totoo sa mga nakakaintindi ng layunin ng Kanyang gawain? Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman nagkakamali; sa halip, ang gawain ng tao ang may kasiraan. Hindi ba yaong masasamang tao na kusang-loob na sumasalungat sa Diyos ang mas nakakatakot at may masamang hangarin kaysa sa mga pastor at nakatatanda? Marami yaong mga sumasalungat sa Diyos, at sa mga taong iyon, mayroong iba’t ibang uri ng pagsalungat laban sa Diyos. Gaya ng mayroon ang lahat ng uri ng mananampalataya, at mayroon din ang lahat ng uri ng mga sumasalungat sa Diyos, ang bawat isa ay hindi katulad ng iba. Wala isa man sa mga hindi malinaw ang pagkilala sa layunin ng gawain ng Diyos ang maliligtas. Hindi alintana kung paano maaaring sumalungat ang tao sa Diyos sa nakaraan, kapag nauunawaan ng tao ang layunin ng gawain ng Diyos at inihahandog niya ang kanyang mga pagsisikap upang mabigyang kasiyahan ang Diyos, ang kanyang mga dating kasalanan ay malilinis at papawiin ng Diyos. Hangga’t ang tao ay naghahanap ng katotohanan at isinasagawa ang katotohanan, hindi aalalahanin ng Diyos ang kanyang mga nagawa na. Sa halip, binibigyang-katwirab ng Diyos ang tao batay sa pagsasagawa ng tao ng katotohanan. Ito ang pagkamakatuwiran ng Diyos. Bago pa nakita ng tao ang Diyos o naranasan ang Kanyang gawain, paano man kumilos ang tao tungo sa Diyos, hindi ito ang isinasaisip Niya. Subali’t, kapag nakita na ng tao ang Diyos at naranasan ang Kanyang gawain, ang lahat ng gawa at kilos ng tao ay naisusulat sa “mga salaysay” ng Diyos, dahil nakita na ng tao ang Diyos at nabuhay na napapaloob sa Kanyang gawain.
Kapag tunay na nakita na ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, nakita na ang Kanyang kataas-taasan, at tunay na nalalaman ang gawain ng Diyos, higit pa rito, kapag nagbago ang dating disposisyon ng tao, ay saka lamang tuluyang maiwawaksi ang kanyang mapanghimagsik na disposisyon na sumasalungat sa Diyos. Maaaring sabihin na minsan ang bawat tao ay sumalungat na sa Diyos at ang bawat tao ay minsan na ring naghimagsik laban sa Diyos. Gayunman, kung may isip kang sumunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at buhat noon ay nagbibigay kasiyahan sa puso ng Diyos sa pamamagitan ng iyong katapatan, isagawa ang katotohanan na nararapat, tutuparin ang nararapat na tungkulin, at panatilihin ang nararapat na tuntunin, kung gayon ay ikaw nga ang kusang-loob na magsasantabi ng iyong paghihimagsik upang bigyang kasiyahan ang Diyos at siyang maaaring gawing perpekto ng Diyos. Kung tatanggihan mong matanto ang iyong mga pagkakamali at mayroong pusong walang pagsisisi; kung ipagpipilitan mo ang iyong mga mapanghimagsik na paraan at wala talagang anumang pusong gumawa kasama ang Diyos at bigyang kasiyahan ang Diyos, ang ganitong suwail na matigas ang ulo ang katulad mong siguradong mapaparusahan at hindi kailanman magiging isa sa mga gagawing perpekto ng Diyos. Kung ganoon, ikaw ay kalaban ng Diyos ngayon at bukas, at mananatili ring kalaban ng Diyos sa susunod na araw; habambuhay kang kalaban ng Diyos at kaaway ng Diyos. Paano ka mapapawalang-sala ng Diyos? Likas na sa tao ang sumalungat sa Diyos, ngunit hindi maaaring sadyaing hanapin ang “mga lihim” sa pagsalungat sa Diyos dahil ang pagbago sa kanyang kalikasan ay gawaing di-malulutas. Kung ganito ang kalagayan, marapat lamang na lumakad kang palayo habang hindi pa huli ang lahat, upang ang iyong pagkastigo sa hinaharap ay hindi na lumala pa, at upang ang iyong malupit na kalikasan ay hindi na lumitaw pa at maging mahirap pamahalaan hanggang ang iyong laman na katawan ay tapusin ng Diyos sa katapusan. Naniniwala ka sa Diyos upang pagpalain; kung sa katapusan, kasawian lamang ang dumarating sa iyo, iyon ay hindi magiging kapaki-pakinabang. Pinapayuhan Ko kayo na pinakamainam nang bumuo ng isa pang plano; kahit anong ibang pagsasanay ay magiging mas mabuti kaysa sa inyong pananalig sa Diyos. Siguradong may iba pang landas bukod dito? Hindi ba kayo magpapatuloy na mamuhay nang ganoon din nang hindi naghahanap ng katotohanan? Bakit mamumuhay nang magkasalungat sa Diyos sa ganitong paraan?