Isang Babala sa Mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Yaong mga kabilang sa mga kapatiran na palaging nagbubulalas ng kanilang pagiging negatibo ay mga sunud-sunuran kay Satanas at ginagambala nila ang iglesia. Isang araw ang mga taong ito ay kailangang maitiwalag at maalis. Sa kanilang paniniwala sa Diyos, kung ang mga tao ay hindi nagtataglay sa loob nila ng isang pusong gumagalang sa Diyos, kung sila ay walang puso na masunurin sa Diyos, kung gayon hindi lamang sa sila ay hindi makagagawa ng anumang gawain para sa Diyos, kundi sa kabaligtaran ay magiging mga tao na gumagambala sa gawain ng Diyos at mga sumusuway sa Diyos. Kapag ang isa na naniniwala sa Diyos ay hindi sumusunod sa Diyos o gumagalang sa Diyos bagkus ay sumusuway sa Kanya, kung gayon ito ang pinakamalaking kahihiyan para sa isang mananampalataya. Kung ang pagsasalita at pag-uugali ng isang mananampalataya ay palaging basta na lang at hindi-mapigilan gaya ng isang hindi-mananampalataya, kung gayon ang mananampalatayang ito ay mas masama pa kaysa hindi-mananampalataya; sila ay isang karaniwang demonyo. Yaong mga nasa iglesia na nagbubulalas ng kanilang makamandag, may-malisya na pananalita, yaong mga nasa kalagitnaan ng mga kapatiran na nagkakalat ng mga usap-usapan, pumupukaw ng kawalan-ng-pagkakaisa at bumubuo ng mga grupo ay dapat naitiwalag mula sa iglesia. Nguni’t dahil ngayon ay isang naiibang panahon ng gawain ng Diyos, ang mga taong ito ay hinihigpitan, sapagka’t sila ay tiyak na nakatalaga na para sa pag-aalis. Yaong mga nagawang tiwali ni Satanas ay lahat mayroong tiwaling disposisyon. Nguni’t samantalang ang ibang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon lamang mayroong mga iba na hindi kagaya nito, na hindi lamang sila mayroong tiwali at mala-satanas na disposisyon, kundi ang kanilang mga kalikasan ay sukdulang malisyoso. Ang lahat ng ginagawa at sinasabi ng ganitong uri ng mga tao ay hindi lamang nagpapahayag ng kanilang tiwaling mala-satanas na mga disposisyon, kundi sila mismo ang totoong diyablong Satanas. Ang tangi nilang ginagawa ay gambalain at guluhin ang gawain ng Diyos, guluhin ang pagpasok sa buhay ng mga kapatiran, at sirain ang normal na buhay ng iglesia. Ang mga lobong ito na nakadamit-tupa ay kailangang mapalayas sa malao’t madali, at ang isa ay kailangang magkaroon ng isang saloobin na hindi-nagpapalampas tungo sa mga sunud-sunurang ito kay Satanas; ang isa ay kailangang magkaroon ng isang saloobin ng pag-iwan tungo sa kanila. Sa paggawa lamang nito makapaninindigan ang isa sa panig ng Diyos at yaong hindi makagagawa ay nakikipagsabwatan kay Satanas. Ang Diyos ay palaging nasa puso nila na talagang naniniwala sa Diyos at palaging taglay sa loob nila ang isang pusong gumagalang sa Diyos, isang pusong maibigin sa Diyos. Yaong mga naniniwala sa Diyos ay gumagawa dapat ng mga bagay sa pamamagitan ng isang maingat at mapanagot na puso, at ang lahat ng kanilang ginagawa ay alinsunod dapat sa mga kinakailangan ng Diyos at makalulugod sa puso ng Diyos. At sila ay hindi dapat matigas ang ulo, ginagawa ang anumang maibigan; na hindi angkop sa banal na kagandahang-asal. Hindi naiwawagayway ng mga tao ang bandila ng Diyos at nagwawala dala ito kung saan-saan, nagyayabang at nanghuhuthot kung saan-saan; ang paggawa nito ay ang pinakarebelyosong pagkilos. Ang mga pamilya ay mayroong kanilang mga patakaran at ang mga bansa ay mayroong kanilang mga batas, hindi ba’t lalo na sa tahanan ng Diyos? Hindi ba’t ang mga pamantayan ay lalong mas mahigpit? Hindi ba’t mas maraming atas administratibo? Malaya ang mga tao na gawin kung ano ang gusto nila, nguni’t ang mga atas administratibo ng Diyos ay hindi maaaring basta na lamang mababago kung kailan gustuhin. Ang Diyos ay isang Diyos na hindi nagpapahintulot sa mga tao na saktan Siya at ang Diyos ay isang Diyos na naglalagay sa mga tao sa kamatayan—hindi pa ba talaga ito alam ng mga tao?
Ang lahat ng iglesia ay mayroong mga tao na gumagambala sa iglesia, lahat ay mayroong mga kasaping umaantala sa gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga Satanas lahat na nagbabalatkayo sa pamilya ng Diyos. Ang ganitong uri ng mga tao ay natatanging mahusay sa panggagaya, magalang sila na dumarating sa harap Ko, tumatango at yumuyukod, nag-aasal na parang galising mga aso, inilalaan ang kanilang “lahat-lahat” nang sa gayon ay makamit ang kanilang sariling mga layunin, nguni’t ipinakikita ang kanilang pangit na mukha sa harap ng mga kapatiran. Kapag nakakakita sila ng sinuman na nagsasagawa ng katotohanan ay kanilang sinasalakay at tinutulak sila sa isang tabi; kapag nakakakita sila ng mga tao na mas mahirap talunin kaysa sa kanilang sarili, pinupuri nila at nakikipagbolahan sa kanila. Kumikilos na parang mga manlulupig sa loob ng iglesia. Maaaring sabihin na ang karamihan sa mga iglesia ay mayroong ganitong uri ng “lokal na tampalasang ahas,” ng ganitong uri ng “sipsip” sa gitna nila. Sila ay pumupuslit na magkakasama, nagkikindatan at palihim na nagsesenyasan sa isa’t isa, at walang sinuman sa kanila ang nagsasagawa ng katotohanan. Kung sino man ang pinakamakamandag sa kanila ay ang “punong demonyo,” at kung sino man ang mayroong pinakamataas na karangalan ay nangunguna sa kanila, dinadala ang kanilang bandila paitaas. Ang mga taong ito ay nagwawala sa loob ng iglesia, ikinakalat ang kanilang pagiging negatibo, pinakakawalan ang kamatayan, ginagawa ang anumang maibigan nila, at sinasabi ang anumang maibigan; walang nangangahas na pigilan sila, dahil puno ng mala-satanas na mga disposisyon. Sa sandaling sinisimulan nilang magsanhi ng kaguluhan, isang hangin ng kamatayan ang pumapasok sa loob ng iglesia. Yaong mga nagsasagawa ng katotohanan sa loob ng iglesia ay tinatalikuran at hindi nakakayang tantuin ang kanilang natatagong-kakayahan, habang yaong mga nanggugulo sa iglesia at nagkakalat ng kamatayan ay nagwawala sa loob ng iglesia. Bukod diyan, ang karamihan sa mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang ganitong uri ng iglesia ay talagang nasa ilalim ng pagpigil ni Satanas at ang diyablo ang kanilang hari. Kung ang mga tao ng iglesia ay hindi tumatayo at pinalalayas yaong mga punong demonyo, kung gayon sila ay darating din sa pagkawasak sa malao’t madali. Mula ngayon kailangang gumawa ng mga hakbang laban sa ganitong uri ng iglesia. Kung yaong mga nakapagsasagawa ng munting katotohanan ay hindi nakikibahagi sa paghahanap, kung gayon ang iglesiang iyon ay ipagbabawal. Kung walang sinuman sa isang iglesia ang nakahandang magsagawa ng katotohanan, walang sinuman ang nakakatayong saksi para sa Diyos, kung gayon ang iglesiang iyon ay dapat ihiwalay nang lubusan, at ang kanilang mga kaugnayan sa ibang mga iglesia ay dapat maputol. Ito ay tinatawag na paglilibing ng kamatayan, at pagpapalayas kay Satanas. Kung mayroong maraming lokal na napakasamang ahas sa isang iglesia, gayundin ang ilang maliliit na “langaw” na wala ni anumang pagtalos at sumusunod sa kanila, kung yaong mga nasa iglesia ay hindi pa rin maitatakwil ang mga tali at pagmamanipula ng mga ahas na ito pagkatapos nilang nakita ang katotohanan, kung gayon ang mga hangal na ito ay aalisin sa katapusan. Bagama’t ang maliliit na mga langaw na ito ay maaaring hindi nakagawa ng anumang bagay na malala, sila ay lalo pang mas tuso, lalo pang mas mapanlinlang at mahirap hulihin, at ang lahat ng kagaya nito ay maaalis. Walang isa man ang matitira! Yaong mga kabilang kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, habang yaong kabilang sa Diyos ay tiyak na paroroon sa paghahanap ng katotohanan; ito ay naaalaman sa pamamagitan ng kanilang mga kalikasan. Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipakikita sa mga taong ito. Hayaan yaong mga naghahanap ng katotohanan ay makamtan ang panustos at tulutan silang magalak sa salita ng Diyos hanggang ibig ng kanilang mga puso. Ang Diyos ay matuwid; hindi Niya pinakikitunguhan ang mga tao nang hindi makatarungan. Kung ikaw ay isang diyablo kung gayon ay hindi ka makapagsasagawa ng katotohanan. Kung ikaw ay isa na naghahanap para sa katotohanan kung gayon ay tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas—ito ay walang pag-aalinlangan.
Yaong mga hindi naghahanap ng pagsulong ay palaging nag-aasam para sa iba na maging negatibo at batugan din gaya ng kanilang mga sarili, yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay naiinggit sa mga nagsasagawa ng katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay nagnanais palagi na linlangin yaong mga tanga at yaong salat sa pagtalos. Ang mga bagay na ibinubulalas ng mga taong ito ay nagsasanhi upang ikaw ay manghina, dumausdos pababa, magkaroon ng abnormal na mga kalagayan at mapuno ng kadiliman sa loob; nagsasanhi sila upang mapalayo ka mula sa Diyos, at gagawin ka nilang nagpapahalaga sa laman at nagpapasasa sa iyong sarili. Yaong mga hindi umiibig sa katotohanan, na palaging nakikitungo sa Diyos nang wala sa loob ay mga walang kaalaman sa sarili, at inaakit ng kanilang mga disposisyon ang mga tao tungo sa paggawa ng mga kasalanan at pagsuway sa Diyos. Hindi sila nagsasagawa ng katotohanan at hindi rin tinutulutan ang iba na magsagawa nito. Pinahahalagahan nila ang kasalanan at walang pagkamuhi para sa kanilang mga sarili. Hindi nila nakikilala ang kanilang mga sarili at pinipigilan ang iba mula sa pagkilala sa kanilang mga sarili, at pinipigilan nila ang iba mula sa pananabik para sa katotohanan. Yaong kanilang mga nililinlang ay hindi nakakakita sa liwanag at nahuhulog tungo sa kadiliman, hindi nakikilala ang kanilang mga sarili, mga hindi malinaw tungkol sa katotohanan at napapalayo nang napapalayo mula sa Diyos. Hindi sila nagsasagawa ng katotohanan at pinipigilan nila ang iba mula sa pagsasagawa ng katotohanan, dinadala ang mga taong hangal na yaon sa harap nila. Sa halip na sabihing naniniwala sila sa Diyos, mas makabubuting sabihin na naniniwala sila sa kanilang mga ninuno, na ang kanilang pinaniniwalaan ay ang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso. Pinakamabuti para sa mga taong yaon na nagsasabing sumusunod sila sa Diyos na buksan ang kanilang mga mata at tingnang mabuti upang makita kung sino talaga ang pinaniniwalaan nila: Ang Diyos ba talaga ang iyong pinaniniwalaan, o si Satanas? Kung nalalaman mo na hindi ang Diyos ang iyong pinaniniwalaan kundi ang iyong sariling mga diyus-diyusan, kung gayon pinakamabuting huwag sabihing ikaw ay isang mananampalataya. Kung talagang hindi mo alam kung sino ang iyong pinaniniwalaan kung gayon, uli, pinakamabuting huwag sabihing ikaw ay isang mananampalataya. Ang sabihin yaon ay magiging kalapastanganan! Walang sinuman ang pumipilit sa iyo na maniwala sa Diyos. Huwag sabihin na kayo ay naniniwala sa Akin, sapagka’t sapat na ang mga salitang yaon na Aking narinig matagal na panahon na ang nakararaan at ayaw Kong marinig ulit ang mga iyan, sapagka’t ang inyong pinaniniwalaan ay ang mga diyus-diyusan sa inyong mga puso at ang lokal na mga tampalasang ahas sa gitna ninyo. Yaong mga umiiling kapag naririnig nila ang katotohanan, na ngumingiti nang maluwang kapag naririnig nila ang usapan tungkol sa kamatayan ay mga lahi ni Satanas, at ang mga iyon ay mga bagay lahat na aalisin. Umiiral sa iglesia ang maraming tao na walang pagtalos. Kapag ang isang mapanlinlang na bagay ay nangyayari, naninindigan lamang sila sa panig ni Satanas, at kapag tinawag sila na mga sunud-sunuran kay Satanas ay nadarama pa nila na masyado silang minamasama. At maaaring sabihin ng isa na wala silang pagtalos, nguni’t palagi silang naninindigan sa panig ng walang katotohanan; hindi pa nagkaroon ng kahit isang alanganing pagkakataon na sila’y nanindigan sa panig ng katotohanan, wala kahit isang pagkakataon nang sila’y nanindigan at nakipagtalo para sa katotohanan-kaya wala ba talaga silang pagtalos? Bakit palagi silang naninindigan sa panig ni Satanas? Bakit hindi sila kailanman nagsasabi ng isang salita na makatarungan o makatwiran para sa katotohanan? Ang kalagayan bang ito ay talagang nilikha ng kanilang panandaliang pagkalito? Mas kaunti ang pagtalos ng mga tao, mas hindi sila nakakapanindigan sa panig ng katotohanan. Ano ang ipinakikita nito? Hindi ba nito ipinakikita na yaong mga walang pagtalos ay umiibig sa kasamaan? Hindi ba nito ipinakikita na yaong mga walang pagtalos ay mga tapat na anak ni Satanas? Bakit ba palagi silang nakakapanindigan sa panig ni Satanas at sinasalita ang kaparehong wika nito? Ang kanilang bawat salita at gawa, at ang kanilang mga ekspresyon ng mukha ay sapat na patunay na sila ay hindi anumang uri ng mangingibig ng katotohanan, bagkus, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Na makakapanindigan sila sa panig ni Satanas ay nagpapatunay nang husto na iniibig talaga ni Satanas ang mga maliliit na diyablong ito na nakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas sa buong buhay nila. Hindi ba’t ang lahat ng katunayang ito ay napakalinaw? Kung ikaw ay talagang isang tao na umiibig sa katotohanan, kung gayon bakit hindi ka nagkakaroon ng anumang pagsasaalang-alang sa mga yaon na nagsasagawa ng katotohanan, at bakit mo kaagad sinusunod yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan sa sandaling nagkakaroon sila ng pagbabago ng pagpapahayag? Anong uri ng suliranin ito? Wala Akong pakialam kung mayroon ka mang pagtalos o wala, wala Akong pakialam kung gaano mang kalaking halaga ang iyong naibabayad, wala Akong pakialam kung gaano man kalakas ang iyong mga puwersa at wala Akong pakialam kung ikaw man ay isang lokal na ahas na tampalasan o isang tagapangunang may dala ng bandila. Kung ang iyong mga puwersa ay malakas kung gayon iyon ay sa tulong lamang ng lakas ni Satanas. Kung ang iyong karangalan ay mataas, kung gayon iyon ay dahil lamang sa napakarami ang nakapaligid sa iyo na hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi ka pa naititiwalag, kung gayon iyon ay dahil hindi ngayon ang panahon ng gawaing pagtitiwalag; sa halip ito ay panahon para sa gawaing pag-aalis. Walang pagmamadali na itiwalag ka ngayon. Kailangan Ko lamang maghintay para dumating ang araw na iyon, pagkatapos mong naalis. upang parusahan ka. Sinumang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay maaalis!
Yaong mga tunay na naniniwala sa Diyos ay yaong nakahandang magsagawa ng salita ng Diyos, at sila yaong mga nakahandang magsagawa ng katotohanan. Yaong mga tunay na nakakatayong saksi para sa Diyos ay yaon ding nakahandang magsagawa ng Kanyang salita, at sila yaong talagang nakakapanindigan sa panig ng katotohanan. Yaong mga gumagamit ng panlilinlang at gumagawa ng kawalang-katarungan ay mga taong walang katotohanan lahat at lahat sila’y nagdadala ng kahihiyan sa Diyos. Yaong mga nasa iglesia na sumasangkap sa mga pagtatalo ay mga tagasunod ni Satanas, at mga pagsasakatawan ni Satanas. Ang ganitong uri ng tao ay masyadong malisyoso. Yaong mga walang pagtalos at mga hindi nakakapanindigan sa panig ng katotohanan ay nagkakandiling lahat ng masamang mga intensiyon at dinudungisan ang katotohanan. Ang mga taong ito ay lalong higit pang karaniwang mga kinatawan ni Satanas; sila ay hindi matutubos at hindi na kailangang sabihin na sila ay mga bagay na aalising lahat. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi dapat tulutang manatili sa pamilya ng Diyos, at maging yaong mga sinasadyang gibain ang iglesia. Nguni’t ngayon ay hindi ang panahon para gumawa ng gawaing pagtitiwalag. Sila ay malalantad lamang at maaalis sa katapusan. Walang gawaing walang saysay ang magagawa sa mga taong ito; yaong mga kabilang kay Satanas ay hindi nakakapanindigan sa panig ng katotohanan, samantalang yaong naghahanap para sa katotohanan ay nakakatayo sa panig ng katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat makarinig sa daan ng katotohanan at hindi karapat-dapat sumaksi sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi talaga para sa kanilang mga tainga bagkus ito ay sinasalita para sa mga tainga niyaong nagsasagawa nito. Bago ibunyag ang katapusan ng bawat isang tao, yaong mga nanggugulo sa iglesia at nang-aabala sa gawain ay iiwan muna sa isang panig. Sa sandaling natapos ang gawain, ang mga taong ito ay malalantad nang isa-isa bago maaalis. Sa panahon ng pagkakaloob ng katotohanan, hindi sila pag-uukulan ng pansin pansamantala. Kapag nabunyag sa tao ang buong katotohanan ang mga taong iyon ay dapat maalis, dahil yaon din ang magiging sandali kung kailan pagbubukud-bukurin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Dahil sa kanilang payak na katalinuhan, yaong walang pagtalos ay darating sa pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao at sila ay ililigaw ng masasamang tao at hindi na makababalik. Ang mga taong ito ay dapat hawakan sa ganitong paraan, yayamang hindi nila iniibig ang katotohanan, sapagka’t hindi sila nakakapanindigan sa panig ng katotohanan, sapagka’t sila ay sumusunod sa masasamang tao, tumitindig sila sa panig ng masasamang tao, at sapagka’t sila’y nakikipagsabwatan sa masasamang tao at sinasalangsang ang Diyos. Lubos nilang nalalaman na yaong masasamang tao ay nagbubuga ng kasamaan nguni’t pinatitigas nila ang kanilang mga puso at kumikilos nang pasalungat sa katotohanan upang sundan sila. Ang mga taong ito ba na hindi nagsasagawa ng katotohanan nguni’t gumagawa ng mapangwasak at kasuklam-suklam na mga bagay ay hindi gumagawang lahat ng kasamaan? Bagama’t mayroon yaong mga nasa gitna nila na inaayusan ang kanilang mga sarili bilang mga hari at yaong mga nakabuntot sa likuran, hindi ba magkakapareho ang kanilang mga kalikasan na sumusuway sa Diyos? Anong dahilan mayroon sila upang sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Anong dahilan ang mayroon sila upang sabihin na ang Diyos ay hindi matuwid? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang sisira sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang pagigingmapanghimagsik ang hahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Yaong mga nagsasagawa ng katotohanan ay maliligtas sa katapusan at gagawing perpekto sa pamamagitan ng katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan sa katapusan ay aakit ng pagkawasak sa pamamagitan ng katotohanan. Ang mga ito ang mga katapusan na naghihintay sa kanila na nagsasagawa ng katotohanan at yaong mga hindi nagsasagawa. Pinapayuhan Ko yaong mga hindi nagplaplano na magsagawa ng katotohanan na iwan ang iglesia sa lalong madaling panahon upang maiwasan na makagawa pa ng mas lalong maraming mga kasalanan. Kapag dumating ang oras, maging ang pagsisisi ay magiging napakahuli, at lalo na yaong bumubuo ng mga grupo at lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, at yaong mga lokal na tampalasang mga ahas sa loob ng iglesia ay kailangang umalis nang mas maaga. Ang mga taong ito na may masamang kalikasan ng lobo ay walang kakayahang magbago, mas makabubuting iwan na nila ang iglesia sa pinakamaagang pagkakataon, hindi na kailanman muling gagambalain ang maayos na pamumuhay ng mga kapatiran, at sa ganito maiiwasan ang kaparusahan ng Diyos. Sa inyong mga sumama sa kanila ay makabubuting gamitin ang pagkakataong ito upang magbulay sa inyong mga sarili. Susundin mo ba ang masasama palabas sa iglesia, o mananatili at susunod nang buong katapatan? Kailangan mong isaalang-alang ang bagay na ito nang buong ingat. Binibigyan Ko kayo ng isa pang pagkakataon upang pumili. Naghihintay Ako para sa inyong kasagutan.