Salita ng Diyos| Ang Tagapagligtas ay Nakabalik na sa Ibabaw ng “Puting Ulap”
Sa loob ng ilang libong mga taon, pinananabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinananabikan na ng tao na mapagmasdan si Jesus na Tagapagligtas na nasa puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna niyaong mga nanabik na at naghangad sa Kanya sa loob ng libu-libong mga taon. Hinangad na ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muling makasama ng mga tao, iyon ay, na si Jesus na Tagapagligtas ay bumalik sa mga tao na napahiwalay sa Kanya sa loob ng libong mga taon. At umaasa ang tao na muli Niyang isasakatuparan ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya sa gitna ng mga Judio, magiging mahabagin at mapagmahal sa tao, patatawarin ang mga kasalanan ng tao, papasanin ang mga kasalanan ng tao, at papasanin na pati lahat ng mga paglabag ng tao, at palalayain ang tao mula sa kasalanan. Pinananabikan nila na si Jesus na Tagapagligtas ay maging katulad ng dati—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, magiliw at kagalang-galang, na hindi kailanman napopoot sa tao, at hindi kailanman nanunumbat sa tao. Ang Tagapagligtas na ito ay nagpapatawad at nagpapasan ng lahat ng mga kasalanan ng tao, at namamatay pang muli sa krus para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulo na sumunod sa Kanya, at lahat ng mga banal na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nangungulila sa Kanya at hinihintay Siya. Lahat niyaong mga naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay nananabik sa masayang araw na yaon sa mga huling araw, kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay dumarating sa isang puting ulap at nagpapakita sa gitna ng tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat niyaong mga tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Sa buong sansinukob, lahat niyaong mga nakakaalam tungkol sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay desperado nang nananabik para sa biglaang pagdating ni Jesucristo, upang tuparin ang mga salita ni Jesus noong nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Ang tao ay naniniwala na, kasunod ng pagkakapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, si Jesus ay bumalik sa langit sa ibabaw ng isang puting ulap, at naupo sa Kanyang luklukan sa kanan ng Kataas-taasan. Iniisip ng tao na kahalintulad nito, si Jesus ay bababang muli sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa gitna niyaong mga desperado nang nananabik sa Kanya sa loob ng libong mga taon, at na tataglayin Niya ang larawan at pananamit ng mga Judio. Matapos ang pagpapakita sa tao, magkakaloob Siya ng pagkain sa kanila, at magsasanhi ng pagbukal ng tubig na nagbibigay-buhay para sa kanila, at mamumuhay kasama ng tao, puspos ng biyaya at pagmamahal, buhay at tunay. At iba pa. Datapwa’t hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inisip ng tao. Hindi Siya dumating sa gitna niyaong mga naghangad sa Kanyang pagbabalik, at hindi nagpakita sa lahat ng tao habang nakasakay sa puting ulap. Siya ay nakarating na, subali’t hindi Siya kilala ng tao, at nananatiling walang alam tungkol sa Kanyang pagdating. Ang tao ay walang layon na naghihintay lamang sa Kanya, hindi-nakakamalay na nakababa na Siya sakay sa isang “puting ulap” (ang ulap na ang Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, at Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Hindi ito alam ng tao: Bagaman ang banal na Tagapagligtas na si Jesus ay puno ng pagkagiliw at pagmamahal sa tao, paano Siya makakagawa sa mga “templo” na pinamamahayan ng karumihan at di-malinis na mga espiritu? Bagaman naghihintay na ang tao sa Kanyang pagdating, paano Siya makakapagpakita sa mga yaon na kumakain ng laman ng mga di-matuwid, umiinom ng dugo ng di-matuwid, nagsusuot ng mga damit ng di-matuwid, na naniniwala sa Kanya nguni’t hindi Siya kilala, at patuloy na nangingikil sa Kanya? Ang alam lamang ng tao ay na si Jesus na Tagapagligtas ay puno ng pagmamahal at habag, at ang handog para sa kasalanan na puspos ng pagtubos. Nguni’t ang tao ay walang ideya na Siya rin ay ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagkamakatuwiran, kamahalan, matinding galit, at paghatol, at may angking awtoridad at puno ng dangal. At sa gayon bagaman ang tao ay masugid na naghahangad at nananabik para sa pagbabalik ng Manunubos, at kahit ang Langit ay naaantig sa mga dalangin ng tao, si Jesus na Tagapagligtas ay hindi nagpapakita sa mga yaon na naniniwala sa Kanya nguni’t hindi Siya nakikilala.
“Jehova” ang pangalan na Aking ginamit sa kapanahunan ng Aking gawain sa Israel, at ito ay nangangahulugang ang Diyos ng mga Israelita (ang hinirang na bayan ng Diyos) na maaaring maawa sa tao, sumpain ang tao, at gumabay sa buhay ng tao. Nangangahulugan ito na ang Diyos na may angking dakilang kapangyarihan at puspos ng karunungan. Ang “Jesus” ay Emmanuel, at ito’y nangangahulugang ang handog para sa kasalanan na puspos ng pagmamahal, puspos ng habag, at tumutubos sa tao. Ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at kinakatawan ang Kapanahunan ng Biyaya, at maaari lamang katawanin ang isang bahagi ng plano ng pamamahala. Na ang ibig sabihin, tanging si Jehova ang Diyos ng hinirang na bayan ng Israel, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ang Diyos ni Moises, at ang Diyos ng lahat ng tao ng Israel. At sa gayon sa kasalukuyang kapanahunan, lahat ng Israelita maliban sa tribo ni Juda ay sumasamba kay Jehova. Nag-aalay sila sa Kanya ng mga hain sa altar, at naglilingkod sa Kanya na suot ang mga mahahabang damit ng mga pari sa templo. Ang inaasahan nila ay ang pagpapakitang muli ni Jehova. Tanging si Jesus ang Manunubos ng sangkatauhan. Siya ang handog para sa kasalanan na tumubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan. Na ang ibig sabihin, ang pangalan ni Jesus ay nanggaling sa Kapanahunan ng Biyaya, at umiral dahil sa gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalan ni Jesus ay umiral upang hayaan ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na muling maisilang at maligtas, at isang tanging pangalan para sa pagtubos ng buong sangkatauhan. At sa gayon ang pangalan ni Jesus ay kumakatawan sa gawain ng pagtubos, at tumutukoy sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalang Jehova ay isang tanging pangalan para sa mga tao sa Israel na namuhay sa ilalim ng kautusan. Sa bawa’t kapanahunan at bawa’t yugto ng gawain, ang Aking pangalan ay hindi walang-basehan, subali’t may taglay na kumakatawang kabuluhan: Bawa’t pangalan ay kumakatawan sa isang kapanahunan. Ang “Jehova” ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, at ito ay pamimitagan para sa Diyos na sinasamba ng bayan ng Israel. Ang “Jesus” ang kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ito ang pangalan ng Diyos ng lahat niyaong natubos noong Kapanahunan ng Biyaya. Kung pinananabikan pa rin ng tao ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa panahon ng mga huling araw, at umaasa pa rin na Siya ay darating sa larawan na Kanyang tinaglay sa Judea, samakatwid ang buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay titigil sa Kapanahunan ng Pagtubos, at hindi na makakayang sumulong pa. Ang mga huling araw, bukod diyan, kailanman ay hindi na darating, at ang kapanahunan ay hindi na matatapos kailanman. Iyon ay dahil si Jesus na Tagapagligtas ay para lamang sa pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Ginamit Ko ang pangalang Jesus para sa kapakanan ng lahat ng makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ito ang pangalan na kung saan sa pamamagitan nito ay Aking dadalhin ang buong sangkatauhan sa katapusan. Bagaman ang Jehova, Jesus, at ang Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay tumutukoy lamang sa iba’t ibang mga kapanahunan sa Aking plano ng pamamahala, at hindi kumakatawan sa Akin sa Aking kabuuan. Ang mga pangalan na siyang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi nakakapagpaliwanag nang malinaw ng Aking buong disposisyon at ng lahat-lahat ng kung ano Ako. Ang mga iyon ay iba’t ibang mga pangalan lamang na katawagan sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. At sa gayon, kapag ang panghuling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay dumarating, ang Aking pangalan ay magbabagong muli. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas, kundi tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Ako ay tinawag ding ang Mesiyas, at minsan na Akong tinawag ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas sapagka’t minahal at iginalang nila Ako. Subali’t ngayon hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao sa nakalipas na mga panahon—Ako ang Diyos na nagbalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magdadala sa kapanahunan sa katapusan. Ako ang Diyos Mismo na tumatayo sa mga dulo ng mundo, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan at kaluwalhatian. Kailanman ay hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao, kailanma’y hindi Ako nakilala, at palaging walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa pagkalikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isang tao ang nakakita na sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw nguni’t nakatago sa gitna ng tao. Siya ay naninirahan kasama ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Walang isa mang tao o bagay na hindi mahahatulan ng Aking mga salita, at walang isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, ang lahat ng bansa ay mapapagpala dahil sa Aking mga salita, at madudurog din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na bumalik, Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan, at para sa tao Ako ay minsang ang handog para sa kasalanan, subali’t sa mga huling araw Ako rin ay nagiging mga ningas ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ay ang Araw ng pagkamatuwid na nagbubunyag ng lahat ng bagay. Ganoon ang Aking gawain ng mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at angkin Ko ang disposisyong ito upang maaaring makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, at Ako ay ang nagliliyab na araw, at ang nagniningas na apoy. Ito ay gayon upang ang lahat ay maaaring sumamba sa Akin, ang tanging tunay na Diyos, at sa gayon maaaring makita nila ang Aking tunay na mukha: Ako ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, at hindi rin Ako basta ang Manunubos—Ako ang Diyos ng lahat ng nilikha sa buong kalangitan at lupa at karagatan.
Kapag ang Tagapagligtas ay dumarating sa panahon ng mga huling araw, kung Siya ay tinatawag pa ring Jesus, at muling isinilang sa Judea, at ginawa ang Kanyang gawain sa Judea, samakatwid ito ay magpapatunay na nilikha Ko lamang ang bayang Israel at tinubos lamang ang bayang Israel, at na wala Akong kinalaman sa mga Gentil. Hindi kaya ito sasalungat sa Aking mga salita na “Ako ang Panginoon na lumikha ng mga kalangitan at lupa at lahat ng bagay”? Umalis Ako sa Judea at ginagawa ang Aking gawain sa gitna ng mga Gentil sapagka’t hindi lamang Ako ang Diyos ng bayang Israel, kundi ang Diyos ng lahat ng nilikha. Nagpapakita Ako sa gitna ng mga Gentil sa panahon ng mga huling araw dahil hindi lamang Ako si Jehova, ang Diyos ng bayan ng Israel, kundi, bukod diyan, dahil Ako ang Maylalang ng lahat ng Aking mga pinili sa gitna ng mga Gentil. Hindi Ko lamang nilikha ang Israel, Egipto, at Lebanon, kundi nilikha Ko rin ang mga bansang Gentil sa ibayo ng Israel. At dahil dito, Ako ang Panginoon ng lahat ng nilikha. Ginamit Ko lamang ang Israel bilang panimulang punto para sa Aking gawain, kinasangkapan ang Judea at Galilea bilang matibay na mga tanggulan ng Aking gawain ng pagtubos, at ginagamit ang mga bansang Gentil bilang base na mula kung saan Aking dadalhin ang buong kapanahunan sa katapusan. Ginawa Ko ang dalawang yugto ng gawain sa Israel (ang dalawang yugto ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya), at naisasakatuparan Ko na ang dalawang karagdagang yugto ng gawain (ang Kapanahunan ng Biyaya at ang Kapanahunan ng Kaharian) sa buong mga lupain sa ibayo ng Israel. Sa gitna ng mga bansang Gentil, gagawin Ko ang gawaing panlulupig at sa gayon winawakasan ang kapanahunan. Kung palagi Akong tinatawag ng tao na Jesucristo, nguni’t hindi nalalaman na nasimulan Ko na ang isang bagong kapanahunan sa mga huling araw at nakapagsimula na sa bagong gawain, at kung palaging gumugulo sa alaala ng tao ang paghihintay sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas, kung gayon tatawagin Ko ang mga ganitong tao bilang silang mga hindi naniniwala sa Akin. Sila ay mga taong hindi nakakakilala sa Akin, at ang kanilang paniniwala sa Akin ay isang pagkukunwari. Masasaksihan kaya ng mga taong ganoon ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas mula sa langit? Ang kanilang hinihintay ay hindi ang Aking pagdating, kundi ang pagdating ng Hari ng mga Judio. Hindi nila pinananabikan ang Aking paglipol sa maruming lumang mundong ito, bagkus ay nananabik sa ikalawang pagdating ni Jesus, kung kailan sila ay matutubos; inaasahan nila si Jesus na muling tutubusin ang buong sangkatauhan mula rito sa nadungisan at di-matuwid na lupain. Paanong ang mga ganoong tao ay magiging yaong tumatapos ng Aking gawain sa mga huling araw? Ang mga pagnanasa ng tao ay walang kakayahan na kamtin ang Aking mga inaasam o tuparin ang Aking gawain, pagka’t hinahangaan o pinapahalagahan lamang ng tao ang gawaing nagawa Ko na dati, at walang ideya na Ako ang Diyos Mismo na palaging bago at hindi kailanman luma. Alam lamang ng tao na Ako si Jehova, at Jesus, at walang hiwatig na Ako ang Huli, ang Siyang magdadala sa sangkatauhan sa katapusan. Lahat nang pinananabikan at nalalaman ng tao ay mula sa kanyang sariling pagkaintindi, at tanging yaon na nakikita niya ng kanyang sariling mga mata. Hindi ito ayon sa gawaing ginagawa Ko, kundi hindi-kaisa nito. Kung ang Aking gawain ay pinatakbo ayon sa mga ideya ng tao, kailan naman kaya ito matatapos? Kailan kaya makakapasok ang sangkatauhan sa kapahingahan? At paano Ako makakapasok sa ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga? Gumagawa Ako ayon sa Aking plano, ayon sa Aking mithiin, at hindi ayon sa intensyon ng tao.